Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Huwebes, Pebrero 9, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Desiree Chapter 1

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

Abakadang Pag-ibig: Alexandra

Abakada ng Pag-ibig: Bianca

Abakada ng Pag-ibig: Catlyn 

Abakada ng Pag-Ibig: DESIREE

 by Maia Jose


 


Copyright Maria Teresa C. San Diego

All Rights Reserved

 

Published in print by Valentine Romances

Books for Pleasure, Inc.

First Printing 1998

 

ISBN: 971-502-862-4

 

TEASER:

 

        Batambata pa si Desiree nang magka-boyfriend. At naging long-distance relationship pa agad. Sa loob ng anim na taon, iilang beses lang silang nagkita at di pa kailanman nagkasarilinan. Ni hindi pa siya nahagkan ni Arman. Kaya sabik na sabik na siya sa pag-uwi nito at sa kanilang pagpapakasal.

        Habang naghihintay, iisang lalaki lang ang pinagkatiwalaan ng dalaga na mapalapit sa kanya bilang kaibigan – ang mabait at maginoong si Brad. Ang assumption kasi ng dalaga ay closet gay ang binata. Kaya ang turing niya rito ay totally harmless.

        Pero sa pagbabalik ni Arman ay nabulabog ang buhay ni Desiree. Kung bakit naman kasi noon pa niya napatunayang si Brad pala’y straight. At kay Brad pa niya naranasan ang kanyang first kiss. Na hindi napantayan ng halik ni Arman.

 

CHAPTER 1

 

BIYERNES. Alas-singko ng hapon. Pagbalik ni Desiree sa kanyang mesa sa opisina ay agad niyang itinabi ang mga dalang training materials. Pagkatapos ay kinuha na niya ang kanyang shoulder bag mula sa isang drawer.

        “Uuwi ka na?” tanong ni Brad.

        “Oo,” tango ng dalaga. “Alam mo namang excited na akong maghanda para bukas, e.”

        “Sa pagdating ni Arman,” sabi ng binata. “How could I forget? Iyon na lang yata ang pinag-uusapan natin nitong huling anim na linggo.”

        Natawa si Desiree.

        “Nakukulili na ba ang tainga mo?” sagot niya. “Humanda ka. Mas marami pa akong ibibida sa iyo magmula sa Lunes.”

        “Alam ko,” tango ni Brad.

        “O, sige, mauuna na ako, ha?” paalam ni Des. “Wala muna tayong Thank-God-It’s-Friday ngayon. Kailangan kong mag-beauty sleep.”

        “Ingat lang sa pagmamaneho,” paalala ng binata. “Huwag kang masyadong magmamadali.”

        “Talagang mag-iingat ako,” sagot niya. “Ngayon pa? I have to keep myself safe for my Arman.”

        Tumango lang si Brad.

        Nakangiti pa rin si Desiree paglabas niya ng silid.

        Talagang masayang-masaya siya. Ilang taon na rin kasi niyang hinintay ang muling pag-uwi ng boyfriend niyang si Arman mula sa pagtatrabaho nito sa ibang bansa. At sa pagkakataong ito ay inaasahan niya – at ng lahat – na pag-uusapan na nila ang kanilang pagpapakasal.

        Tama ang sinabi ni Brad. Magmula nang masiguro niyang darating na nga si Arman, anim na linggo na ang nakakaraan, ay wala na siyang ibang bukambibig kundi ang muli nilang pagkikita.

        At ang tanging napagbubuhusan niya ng lahat ng kanyang excitement ay si Brad.

        Oo nga’t nariyan ang kanyang mga kababata’t kabarkada na sina Alexandra, Bianca at Catlyn. Pero mas madalang na ngayon ang kanilang pagkikita-kita magmula nang makapag-asawa na ang tatlo. Lalo na ngayong may two-month-old baby boy na si Catlyn, may seven-month old baby girl si Alex at nasa ikapitong buwan naman ng pagdadalantao si Bee. Suwerte na kung nakukuha nilang magtipun-tipon nang minsan isang buwan.

        Nariyan din siyempre ang kanyang mga magulang at mga kapatid. Pero mula’t sapul ay hindi naman siya naging makuwento sa kanyang mga magulang na sina Walter at Delia. Hindi rin siya close sa kanyang mga kapatid.

        Panggitna si Desiree sa limang magkakapatid. Ang panganay nilang si Winston ay anim na taon ang tanda sa kanya at may asawa’t mga anak na. Ang pangalawang si Deborah ay apat na taon naman ang tanda sa kanya at isang international flight stewardess na may sariling condominium unit sa Roxas Boulevard.

        Kasama pa rin niya sa bahay ang sumunod sa kanyang si William na graduating sa college at ang bunsong si Diva na isang college sophomore. Pero palibhasa’y apat na taon din ang tanda niya kay William, mas malapit sa isa’t isa ang dalawang nakababata niyang kapatid.

        Kaya nga siguro napalapit nang husto ang loob ni Desiree kay Brad. Ito na ang naging pinakamatalik niyang kaibigan liban kina Alex, Bee, at Cat.

        Matagal na rin naman silang magkakilala ni Brad. Kaklase niya ito sa UP magmula sa unang taon nila sa Psychology. At nang makapagtapos sila, sabay rin silang nag-apply at natanggap sa Optima Human Resource Development Center – isang kompanyang naglulunsad ng iba’t ibang uri ng training seminars sa pagpapaunlad sa  sarili.

        Pero hindi agad naging magkaibigan sina Desiree at Brad.

        Noong freshman kasi si Desiree, ibang-iba pa ang kanyang personalidad. Mahiyain pa siya noon. Kimi. Matatakutin. Iyakin. Tahimik lang tuloy siya sa klase. Kahit nga mga kaklaseng babae ay hindi niya gaanong nakakakuwentuhan. Sapat na sa kanya ang magkita-kita sila ng mga dati na niyang kabarkadang sina Alex, Bee at Cat  pagkatapos ng kanya-kanya nilang mga klase. Magkakaiba kasi sila ng mga kursong kinuha sa UP.

        Nagkataong tahimik at may pagkamahiyain din si Brad noong mga panahong iyon. Lagi rin itong nag-iisa sa may likuran ng classroom.

        Sophomores na sila nang maging magkapareha sina Desiree at Brad sa isang class project. Doon nagsimula ang kanilang pagiging magkaibigan.

        Boyfriend na ni Des noon si Arman. Nakilala niya ito’t naging katipan nang kararaan lang na summer vacation. Kaya hanggang kaibigan lang talaga ang naging turing niya kay Brad.

        Malaking bagay para sa kanya na hindi ito tulad ng ibang mga lalaki sa campus na awtomatikong nagpapa-charming sa babae. Safe na safe ang pakiramdam niya kay Brad. Isang platonic friend. Hindi namimiligro ang kanyang katapatan kay Arman.

        Iyon din ang dahilan kung bakit pinayagan ni Desiree na lumawig at lumalim ang pagiging magkaibigan nila ni Brad hanggang sa kasalukuyan. Bagay na hindi niya hinahayaang mangyari sa pagitan niya at ng iba pang lalaki. Ganoon siya kaingat. Ayaw niyang may sinumang mamagitan sa kanila ni Arman, lalo pa’t nangibang-bansa ang kanyang boyfriend.

        Ang totoo niyan, may pinakatagu-tagong pagdududa si Desiree na ang kanyang kaibigang si Brad ay gay. Napagkuro niya dahil sa tinagal-tagal ng kanilang pagsasama ay wala pa itong niligawang babae.

        Marami namang nagkaka-crush kay Brad sa kanilang mga naging kaklase at, nitong huli, sa kanilang mga kaopisina o mga nakikilala sa training seminars. Pero kahit na anong tulak niya sa binata ay wala pa itong ‘pinatulan’.

        Sa isang banda ay may nadarama siyang panghihinayang sa binata dahil hindi pa ito nagkakaroon ng karelasyon. Guwapo, makisig, matalino, napakabait, very lovable. Sigurado siyang masuwerte ang kahit na sinong babae man o lalaking makakatuluyan nito.

Wala rin naman itong naging karelasyong lalaki, o kahit crush man lang na nababanggit sa kanya. Ni minsan ay hindi niya ito kinakitaan ng hayagang interes sa kapwa lalaki. Pero iniisip niyang baka sadyang itinatago lang iyon ni Brad. Baka nahihiya pang magtapat sa kanya o sa kahit kanino. Baka hindi pa handa.

Sa kabilang banda ay natutuwa rin si Desiree na hindi pa nagkakaroon ng ibang pagkakaabalahan ang kanyang best friend. Kapag nagkataon kasi ay siguradong mangungulila siya rito. Nakasanayan na niya ang kanilang pagiging partners sa halos lahat ng bagay.

Hindi niya ito mamadaliin na mag-out. Ano’t ano man, sisiguruhin niyang maipaalam kay Brad na hindi malulusaw ang matibay nilang pundasyon bilang magkaibigan. Number one supporter siya nito.

        At nananalig siyang kapag handa na si Brad, siya ang isa sa mga una nitong pagtatapatan ng pinakatatagu-tagong sikreto.

        Samantala, masaya sila sa kanilang pagsasama Lunes hanggang Biyernes, at kapag may training seminars, kung minsan ay hanggang Sabado’t Linggo. Regular din silang lumalabas kapag Biyernes ng hapon sa kanilang tinatawag na Thank-God-It’s-Friday celebration. Kumakain lang naman sila sa labas at nagkukuwentuhan bago umuwi.

        Sa Lunes, siguradong ikukuwento niya kay Brad ang lahat ng magaganap sa pagsalubong niya kay Arman.

        Siguro naman, sa uwing ito ni Arman ay magkakaroon na rin ng pagkakataon para maipakilala niya sa isa’t isa nang harapan ang kanyang boyfriend at ang kanyang best friend. Hindi pa nagkikita ang mga ito gayong matagal na niya silang naikukuwento sa isa’t isa.

        Lalong lumiwanag ang pagkakangiti ni Desiree sa ideyang iyon.

        Lalo tuloy siyang nagmukhang kaakit-akit sa maliksi niyang paghakbang patungong basement parking area ng kanilang gusali.

        Ibang-iba na nga ang dating ni Desiree sa kasalukuyan kung ihahambing sa dati niyang personalidad. Hindi na siya kimi. Hindi na mahiyain. Hindi na matatakutin. Medyo iyakin na lang paminsan-minsan kapag emotional.

        Matibay na ang kumpiyansa niya sa kanyang sarili. Isa na nga siya sa itinuturing na top trainors ng kanilang kompanya, tulad din ni Brad. Katunayan, ang bago niyang Honda Civic ay nakuha niya sa pamamagitan ng company car loan na iniaalok lang sa top trainors ng Optima.

        Kitang-kita naman agad ang mga pagbabago kay Desiree. Larawan siya ng isang masaya, matagumpay, ismarte at episyenteng career woman.

        Diretsong-diretso na ang kanyang tindig, na lalo pang nagpaganda sa mala-modelo niyang pangangatawan. Ang mukha niyang may natural nang kagandahan ay lalo pang binagayan ng tamang paggamit ng make-up. Ang buhok niyang mahaba ay nakalugay lang nang simple pero kinulayan ng light brown. Ang kanyang kasuotan mula ulo hanggang paa ay laging angkop sa sitwasyon at pagkakataon – ngayo’y pang-opisinang sleeveless shift dress at blazer sa magkaternong kulay kremang linen, na pinarisan ng kulay-kapeng sapatos at bag.

        Hindi naman biglaang nagbago ang dalaga. Unti-unti ang kanyang naging pag-unlad na naganap sa pagdaan ng mga taon, lalo na nang magtrabaho siya sa Optima.

        Ngayo’y sabik na sabik siyang maiharap kay Arman ang kanyang bagong sarili.

        Dalawa’t kalahating taon na ang nakararaan mula nang huling umuwi ang kanyang boyfriend. Kapagtatapos pa lang niya sa kolehiyo noon at kapapasok sa Optima. Ibang-iba pa siya noon.

        Katatapos lang din noon ng kontrata ni Arman sa Saudi bilang food and beverage manager sa executive clubhouse ng isang kompanyang multinational. Pagkagaling sa sandaling pagbabakasyon sa Pilipinas ay tumuloy naman ito sa Estados Unidos para magtrabaho bilang food and beverage manager sa isang cruise ship.

        Hotel and Restaurant Administration ang tinapos ng binata. Naging kaklase ito ng Kuya Winston niya.

        Pagka-graduate ay nakapagtrabaho si Arman sa isang beach resort sa Boracay. Isang taon na ito sa trabahong iyon nang magbakasyon doon sina Desiree sa suhestiyon ng kuya niya.

        Hindi inaasahan ng dalaga na ang tag-araw na iyon ay magiging napakakulay para sa kanya.

        Nasa kaigtingan pa naman noon ang kanyang inferiority complex. Paano’y napakalaki ng pagkakaiba niya sa kanyang Ate Deborah.

        Dalawampu’t dalawang taong gulang na noon si Deborah. Graduate ng European Languages. Isang taon nang nagtatrabaho bilang flight stewardess. Pagkaganda-ganda. Poised na poised. Sosyal na sosyal.

        Disiotso naman si Desiree. Pero hindi siya katulad ng mga tinatawag na debutante. Liban sa hindi uso sa pamilya nila ang debut, hindi rin uso sa dalaga ang pagdadalaga.

        Umabot siya sa edad na iyon na walang kamalay-malay sa sarili niyang ganda. Ang tingin niya sa kanyang sarili ay laging walang binatbat kung ikukumpara sa kanyang Ate Deborah. Kahit nga ang dose anyos pa lamang noon na si Diva ay mas may kumpiyansa pa sa sarili.

        Tuloy, laging parang umiiwas sa tao si Desiree. Mas gusto niya iyong hindi siya napapansin. Lagi siyang nasa likuran ng grupo o nasa sulok ng silid. Hindi siya tumitingin nang diretso kahit kanino. Laging nakayuko o nakatanaw sa malayo. Hindi siya kumikibo. Pero matalas ang kanyang pandinig at mahusay siyang mag-obserba.

        Kaya nang ipakilala ni Winston sa pamilya si Arman, agad na napansin ni Desiree na guwapo ang binata. Matikas. Seryoso. Mukhang napakaresponsable na sa gulang na beinte kuwatro.

        Isang taon mula pagka-graduate ay assistant manager na si Arman sa resort na iyon. Samantalang si Winston, tatlong ulit nang nakalipat ng trabaho. Hindi mapirme. Laging may reklamo sa bawat mapasukan. Walang tiyaga.

        Sa sandaling iyon, nagka-crush na si Desiree kay Arman. Pero hindi niya inakalang papansinin man lang siya nito.

        Isang hapong nasa dalampasigan ang mag-anak, nagpaiwan si Des sa lobby ng resort para magbasa ng pocketbook. Nahihiya kasi siyang makipagsabayan kina Deborah at Diva sa pagsusuot ng swimsuit. Nakakailang naman kung siya lang ang hindi nakasuot ng ganoon.

        Nilapitan siya ni Arman. Inistima. Kinuwentuhan. Hiyang-hiya ang dalaga noong simula, pero hindi nagtagal at napanatag din ang loob niya sa binata. At dahil inosente, hindi niya nagawang ikubli ang matindi niyang paghanga rito.

        Magmula noon, lagi na siyang nilalapitan ni Arman kahit pa sa harap ng pamilya niya. Wala namang ipinakitang pagtutol ang kanyang mga magulang at mga kapatid.

        Dahil kay Arman, hindi na laging napag-isa si Desiree. At sa ipinakita nitong atensiyon, unti-unti siyang nakadama ng pagpapahalaga sa kanyang sariling mga katangian.

        Matatapos na ang kanilang bakasyon nang tanungin siya ni Deborah.

        “Boyfriend mo na ba si Arman?”

        Namula siya.

        “Hindi naman nanliligaw iyong tao, Ate,” sagot niya.

        Iyon naman kasi ang totoo. Wala namang binabanggit si Arman na maaari niyang tawaging panliligaw o kahit man lang pahaging.

        “E, bakit siya ganoon?” nakataas ang kilay na sabi ni Deborah. “Mahirap iyan. Hindi klaro kung ano ba talaga ang kanyang intensiyon. Naku, kung ako sa iyo, hindi ko na siya pag-aaksayahan ng panahon.”

        “Magkaibigan lang naman kami ni Arman,” pagtatanggol ni Desiree sa binata.

        Pero naapektuhan siya ng mga tinuran ng kapatid. Paano’y inaasam na rin niyang ligawan nga siya ni Arman kahit pa alam niyang halos imposibleng mangyari iyon.

        Hindi sinasadyang nag-iba tuloy ang pakikitungo niya sa binata. Hindi niya maitago ang kanyang pananamlay lalo pa’t malapit na silang maghiwalay.

        Nagulat na lamang siya nang pagkaraan ng dalawang araw ay kausapin siya nito at pagtapatan.

        Nag-iisa siya noon na nakaupo sa buhanginan, mga bandang alas-singko ng hapon. Ganoong oras niya gustung-gustong magpunta sa tabing dagat. Hindi na mainit ang araw.

        Kadalasan ay may dala siyang pocketbook. Pero nang hapong iyon ay mas ginusto niyang manood na lamang sa paghampas ng mga alon sa buhanginan. May dinaramdam kasi siya. Mabigat na mabigat ang kanyang loob. Hindi siya makapagkonsentra maging sa mga paborito niyang romance novels.

        Nailang pa nga siya nang bigla siyang tabihan ng upo ni Arman. Paano’y ito mismo ang laman ng kanyang isip.

        “Aalis na pala kayo next week,” sabi ni Arman.

        “Oo nga, e,” sagot niya.

“Mami-miss kita,” sabi ng binata.

        Hindi siya kumibo.

        Alangan naman kasing sabihin niya ang totoo na mas grabe ang pangungulilang madarama niya. Hindi naman niya alam kung anong antas ng pagka-“miss” ang ibig nitong sabihin. Baka naman iyong simpleng pagka-“miss” lang sa isang bagong kaibigan.

        Pero hindi siya pinalusot ni Arman.

        “Hindi mo ba ako mami-miss?” diretsahang tanong nito.

        “H-ha?” gulat na tugon niya. “A... e... oo... s-siyempre.”

        Nangiti ang binata.

        “You’re very special, Desiree,” sabi nito. “Kahit sasandali pa lang tayong nagkakasama, may pitak ka na sa puso ko. I’d like to take care of you, always. Bibigyan mo ba ako ng ganoong karapatan? Will you be my girl?”

        Natulala si Desiree.

        Kinuha ni Arman ang isa niyang kamay. Ikinulong sa mga palad nito. Pinisil.

        Sa pagpapaubaya ng dalaga sa kanyang kamay ay naselyuhan ang kanilang pagkakaunawaan.

        “Hindi kita madadalaw sa Maynila,” sabi ni Arman. “At hindi ko rin kayang tumawag sa iyo nang long distance.”

        “N-naiintindihan ko naman iyon,” sagot niya.

        “Pero susulat ako nang regular at madalas,” pangako ng binata. “Sana sasagutin mo.”

        Tumango si Desiree.

        “Promise,” sabi niya.

        At pareho nga nilang tinupad ang pangakong iyon sa isa’t isa.

        Isang linggo lang silang nagkasama bilang mag- boyfriend nang tag-araw na iyon. Pagkatapos ay nagkalayo na agad sila. Muli silang nagkita sa Maynila pagkaraan ng isang taon, isang linggo bago bumiyahe si Arman patungong Saudi. Sampung araw naman silang nagkasama nang huling bakasyon ng binata, bago ito lumipat sa Estados Unidos.

Kung susumahin, wala pang isang buwan ang pinagsamang mga pagkikita nina Desiree at Arman sa hinaba-haba ng kanilang relasyon. At sa mga pagkikitang iyon, hindi pa sila nagkasama nang silang dalawa lamang sa pribadong lugar. Lagi silang nasa mga pampublikong pasyalan kung hindi man kasama ng pamilya niya.

        Napabuntonghininga si Desiree habang nagmamaneho. Masisisi ba siya sa tindi ng nadarama niyang pangungulila sa kanyang boyfriend?

        Pero sa pagkakataong ito ay hindi na niya papayagang makaalis na muli si Arman na naiiwan siyang bitin sa maraming bagay. Kailangang maitakda na nila nang konkreto kung kailan siya magiging bride na tulad ng kanyang mga kaibigang sina Alexandra, Bianca at Catlyn.


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Abakada ng Pag-ibig: DESIREE Chapter 2

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

HINDI mapakali si Arman. Palakad-lakad ang binata paroo’t parito sa salas ng kanyang third floor apartment. Hindi mapirme sa upuan.

        Iniisip niya, baka kaya may nakakaligtaan siyang bagay – iyong mga dapat niyang ipagbilin tungkol sa iiwan niyang apartment o iyong mga dapat niyang dalhin sa biyahe pauwi sa Pilipinas. Pero ilang ulit na niyang nirepaso ang kanyang listahan at nakasisiguro siyang wala siyang nakakalimutan.        Naipagbilin na niya sa building manager na si Eddie ang lahat ng dapat asikasuhin kaugnay ng kanyang apartment. Nabili na niya’t naimpake ang lahat ng mga pasalubong niya para sa mga daratnan sa Pilipinas.

        At hindi na niya maitatanggi ang tunay na dahilan ng kanyang pagkabalisa. Ang kanya mismong pag-uwi. Ang muli nilang pagkikita ni Desiree.

        Kaytagal na niya itong pinaghandaan. Kaytagal na pinlano’t inasam. Bakit ngayo’y parang naduduwag siya?

        A, siguro’y ganito lang talaga kapag ang isang binata ay nahaharap na sa usapin ng paglagay sa tahimik.

        Kunsabagay, treinta anyos na siya. Dapat nang bumuo ng sariling pamilya.

        Handang-handa na naman siya. Sa limang taong pagtatrabaho sa labas ng Pilipinas, mula Saudi Arabia hanggang Estados Unidos, ay nakapag-ipon na rin siya ng malaki-laking halaga lalo pa’t wala naman siyang sinusuportahang mga magulang o kapatid. Buung-buong naitatabi niya ang kanyang kinikita. Matipid naman kasi siya sa sarili at halos sagot na ng kompanyang kanyang pinapasukan ang lahat ng living expenses. Kaya na niyang magpakasal nang maayos, magpatayo ng sariling bahay at magpundar ng katamtamang negosyo sa Maynila.

        At nakahanda na rin ang babaing kanyang mapapangasawa’t makakatuwang sa habambuhay.

        Halos “pinalaki” na niya si Desiree. Neneng-nene pa ito nang makilala niya’t maging girlfriend. Ilang taon na rin silang magkarelasyon.

        Ano pa ba ang hahanapin niya kay Desiree? Simpleng-simple ito. May natural na kagandahan at kahinhinan. Mababa ang loob. Mabait.

        Kung minsan nga lang, sa sobra nitong kabaitan ay nasasagasaan na tuloy ng ibang tao, maging sa sarili nitong pamilya. Kaya nga naantig noon ang kanyang damdamin sa kalagayan ng dalaga at nakadama siya ng pangangailangang “sagipin” ito’t pangalagaan.

        Nakita niya noon kung paanong parang hindi na napapansin si Desiree ng sarili nitong mga magulang at kapatid. Kung paanong laging napapag-isa ang dalaga kahit nasa piling ng pamilya.

        Sinadya niyang lapitan si Desiree para kaibiganin. Para paulanan ng pinananabikan nitong atensiyon.

        Nangiti si Arman sa alaalang iyon.

        Pakiramdam niya sa tuwing naaalala niya iyon ay parang isang knight in shining armour na sumagip sa isang damsel in distress. At nakapagpapaliyad iyon sa kanyang dibdib.

        Kakaunti lang naman kasi ang mga bagay na maaari niyang maipagmalaki. At lahat ay bunga ng kanyang pagpupursige’t pagsisikap.

        Alam na alam niya ang pakiramdam ng isang nasa kalagayan ni Desiree dahil hindi rin nalalayo roon ang kanyang pinagdaanan.

        Ulilang lubos na si Arman. Palaki siya ng kanyang tiyuhing kapatid ng yumao niyang ama. Pero nasa elementarya pa lamang siya ay pumanaw na rin ang kanyang Tiyo Carding. Naiwan siya sa kanyang Tiya Mameng na hindi naman niya kadugo.

        Sa paglaki ni Arman ay lagi siyang nahihiya sa kanyang kalagayan sa poder ng kanyang Tiya Mameng. Alam niyang pabigat siya sa biyudang may apat na anak kahit pa hindi naman ito naghihikahos at maayos ang pinansiyal nitong katayuan. Ekstrang istorbo pa rin siyang kailangan nitong asikasuhin at pag-aksayahan ng atensiyon. Kaya nga siguro malamig ang pakikitungo nito sa kanya kahit hindi naman siya diretsahang minamaltrato. At kaya rin marahil hindi napalapit sa kanya ang kanyang mga pinsan.

        Naranasan niya iyong nasa piling ng isang pamilya pero nag-iisa. Iyong parang hindi siya nakikita’t hindi naririnig. Iyong tratuhin siyang parang tau-tauhan o aninong walang personalidad.

        At nakita niya ang kanyang sarili kay Desiree.

        Kaya nang “sagipin” niya ito ay kaysarap ng kanyang pakiramdam. Isa iyon sa mga itinuturing niyang “accomplishment” na tulad ng pagpapaaral niya sa kanyang sarili bilang working student sa UP at sa pagkakapasok niya sa maayos na trabaho mula pagka-graduate.

        Hindi naman niya pinlanong ligawan ang dalaga. Basta nangyari na lang.

        Nagtaka kasi siya kung bakit noong malapit nang bumalik sa Maynila ang pamilya nito ay biglang naging malamig sa kanya si Desiree.

        Tinanong niya si Winston.

        “Galit ba sa akin si Desiree? May nagawa o nasabi ba akong ipinagdamdam ng kapatid mo? Bakit parang nag-iba siya sa akin?”

        Natawa lang sa kanya ang dati niyang kaklase.

        “Ang hina mo naman, pare,” sagot nito. “Palibhasa hindi ka sanay na manligaw sa babae. Nagsisintir po ang dalaga namin dahil panay porma ka lang, hindi mo naman nililigawan. Alam mo naman ang mga iyan. Kapag pinagpakitaan mo ng sobrang atensiyon, akala liligawan mo na. ‘Ayan, asang-asa tuloy sa iyo. Hindi rin kasi sanay na may pumapansin sa kanya na guy. Pero huwag mong problemahin at ako na’ng bahala ro’n. Matututo rin siya. Makakalimutan ka rin niya.”

        Nagulat si Arman.

        Tama naman kasi ang sinabi ni Winston. Hindi siya sanay na manligaw sa babae. Hindi niya kabisado ang mga ekspektasyon ng mga babae.

        Pero may iba pa siyang ikinagulat. Iyong kawalan ng simpatiya ni Winston sa damdamin ng sariling kapatid. Na para bang walang halaga rito kahit pa masaktan si Desiree sa pangyayari.

        Pero siya, hindi niya maatim na masaktan ang dalaga. Kaya bigla niya itong kinausap sa dalampasigan.

        At iyon ang naging simula ng kanilang relasyon.

        Na hindi naman niya pinagsisihan.

        Masuwerte na nga siya. Sa mga naririnig niyang kuwento sa kanyang mga kasamang overseas contract workers, bihira na ang mga girlfriend na pumapayag na maghintay nang ganoon katagal habang ang boyfriend ay nangingibang bansa. Kadalasan ay bumabaling ang babae sa iba dahil sa pagkabagot o pangungulila.

        Pero si Desiree niya, matiyagang naghihintay sa kanya. At walang mga kung anu-anong kahilingan o kondisyon.

        Si Desiree na nga ang tipo ng babae na gusto niyang mapangasawa. At magbibigay sa kanya ng pinapangarap niyang sariling pamilya.

        Tumunog ang buzzer sa apartment ni Arman.

        Dali-daling binuksan ng binata ang pinto. Inaasahan kasi niyang si Gerry na iyon, ang kaibigan niyang Pilipino na kasama sa trabaho at may pad din sa fifth floor ng apartment building na iyon. Casino manager ito sa kanilang cruise ship.

        Kagabi lang ay magkasama sila sa all-night diner sa kanto, nagkukuwentuhan habang nagkakape. At nangako itong gigising nang maaga para muli silang makapagpaalaman ngayong paalis na talaga siya patungong airport.

        Pero iba ang nabungaran niya nang buksan niya ang pinto.

        “Hi!” malambing na sabi ni Elaine.

        Mapang-akit ang ngiti ng seksing dalaga. Katulad din ng suot nitong sleeveless cropped top at kapiranggot na gym shorts na pinarisan ng running shoes.

        Dapat sana ay nasanay na siya sa Pilipinang fitness trainer ng kanilang cruise ship. Lagi namang tipong ganoon ang suot nito sa araw-araw. Pero lagi’t lagi pa rin siyang naiilang sa tuwing makikita niya ito. Parang hindi niya matingnan nang diretso. Para kasing tingnan lang niya ay nagkakasala na siya.

        Para namang tukso na hindi siya tinatantanan ng dalaga. Magkasama na sila sa bawat biyahe ng kanilang cruise ship, magkasama pa sila sa tinitirhang apartment building kapag wala sa laot.

        “Y-yes, Elaine? What can I do for you?” tanong ni Arman na napapakamot sa ulo. “P-paalis na ako, e. Ngayon ang flight ko pauwi sa Pilipinas.”

        “I know,” sagot ng dalaga. “That’s why I’m here.”

        “H-ha?” sabi ni Arman. “B-bakit?”

        At napalunok siya sa di mawaring kaba.

        Lagi ring ganoon kapag kausap niya si Elaine. Kinakabahan siya. Nauutal. Naglalaho ang kanyang kalmadong personalidad. Nagiging parang teenager siya na hindi sanay humarap sa babae.

        Itinaas ng dalaga ang hawak na susi ng sasakyan na nakakabit keyholder at iwinasiwas sa harap ng mukha niya.

        “Ihahatid mo ako?” nakakunot ang noong ulit ni Arman.

        “I’m volunteering my services,” sabi ni Elaine. “Kita mo naman, I gave up my usual early morning run para lang sa iyo.”

        “P-pero I never asked you to,” pahayag ng binata.

        “You don’t have to ask,” natatawang sabi ng dalaga. “Heto na nga ako, e. All yours.”

        Namula si Arman.

        “May... may ipinatawag na kasi akong cab,” sabi niya.

        “You’d rather ride a cab?” pamaktol na tanong ni Elaine.

        “P-para hindi ka na maistorbo,” sagot niya. “You can still do your morning run.”

        Bago nakasagot si Elaine ay tumunog ang telepono. Mabilis na dinampot iyon ni Arman. At halatang-halata ang kasiyahan niya nang malaman mula sa doorman na nasa tapat na ng gusali ang ipinatawag niyang taxi.

        “The cab’s downstairs,” sabi niya sa dalaga pagkababa niya sa awditibo.

        Napabuntonghininga si Elaine.

        “Are you sure you’d rather take the cab?” tanong pa nito.

        “Yes,” depinido niyang tango. “But thanks a lot, anyway.”

        “I’ll walk you down,” sabi ng dalaga. “Nasaan ang luggage mo?”

        “Ibinaba ko na kay Frank kagabi pa,” sagot niya. “Isinasakay na niya ngayon sa cab.”

        Si Frank ang doorman ng apartment building na iyon.

        “Okay,” sagot ni Elaine.

        Dinampot ni Arman ang kanyang carry-all sports bag bago siya sumunod sa dalaga palabas ng pinto ng apartment. Siniguro niyang nai-lock niya ang pinto bago niya ito iniwan.

        Dadalawa silang nasa elevator pababa.

        “I’ll miss you on our next cruise,” sabi ni Elaine.

        Pasimpleng humakbang si Arman nang paatras. Palayo sa dalaga.

        “No, you won’t,” kunwa’y pabiro na lang na sagot niya. “I’m sure, marami na namang male passengers na mangungulit sa iyo. They’ll keep you busy.”

        Laking pasasalamat ni Arman nang magbukas na ang pinto ng elevator sa lobby.

        Malalalim ang kanyang buntonghininga nang makalabas mula sa parang kaysikip na espasyong iyon.

        “Everything’s aboard, sir,” nakangiting sabi sa kanya ni Frank na ang tinutukoy ay ang kanyang nag-iisang maleta at isang balikbayan box na naikarga na nito sa taxi.

        Inabutan niya ito ng malaking tip.

        “Thanks as always, Frank,” sabi niya. “See you.”

        “Have a nice vacation, sir!” bilin ng batambata pang doorman.

        Nakasunod pa rin sa kanya si Elaine hanggang sa pasakay na siya sa taxi. Napilitan tuloy siyang tumigil para pagpaalaman ito.

        “Well, I’ve got to go, Elaine,” sabi niya. “See you later.”

        “Yeah,” sagot ng dalaga.

        At bigla siya nitong pinangunyapitan sa leeg... at hinagkan sa labi.

        Nagulat si Arman. Hindi tuloy siya nakapalag.

        Bago siya nakaporma ay nakabitiw na uli sa kanya ang dalaga.

        “’Bye,” sabi nitong nakangiti nang malungkot.

        Hindi malaman ni Arman ang kanyang sasabihin o gagawin.

        Mabuti na lang at saka naman biglang sumulpot ang kanina pa niya hinihintay na si Gerry.

        “Hey, pare, kamuntik nang hindi kita maabutan, a,” sabi nito.

        “Akala ko nga, hindi mo man lang ako ise-send-off,” sagot niyang pilit na pinapakaswal ang tinig na waring gusto nang mapiyok. “Porke wala kang ipinakikipadala, ganyan ka na.”

        “Mas maganda naman ang send-off sa iyo ni Elaine,” ganting kantiyaw ni Gerry.

        Namula na nang tuluyan si Arman.

        “Sige, I really have to go now,” sabi na lang niya. “Masama na ang tingin sa akin nitong mamang tsuper.”

        Tawanan silang tatlo palibhasa’y alam nilang hindi sila nauunawaan ng Amerikanong taxi driver.

        Parang balewalang kumaway uli si Arman sa mga kaibigan bago tuluyang umalis.

        Pero malayo na ang tinatakbo ng sinasakyan niya ay yanig pa rin ang kanyang pagkatao sa ginawang paghalik sa kanya ni Elaine.

        Ngayon lang nangyari sa kanya ang ganoon. At babae pa man din ang humalik sa kanya.

        Ni ang sarili niyang nobya ay  hindi pa niya nahahagkan sa mga labi. Nauna pa si Elaine kay Desiree.

        Shocked na shocked siya sa kapangahasan ng dalaga. Pero habang binabalikan niya ang naganap, napagtanto niyang hindi naman garapal ang ginawa nitong paghalik sa kanya. Halos dampi nga lang.

        Kahit na, nag-aalma ang damdaming pangongontra ng binata sa sarili. Garapal pa ring matatawag iyong basta na lang ito yayakap sa leeg niya para dampian siya ng halik sa mismong mga labi. Hindi naman sila magkaanu-ano.

        Oo nga’t nasa Amerika sila at balewala na ang ganoon sa mga Amerikano. Pero mga Pilipino sila. At ang hinahanap pa rin niya sa mga Pilipina ay ang mga kaugaliang Pilipino.

        Napailing si Arman.

        Ibang-iba si Elaine kay Desiree kahit pa magkaedad ang dalawa.

        Kaya nga kailangan na talaga niyang umuwi kay Desiree. Mahirap na. Baka matukso pa siya sa isang tulad ni Elaine.

        Ngayon nga’y parang hindi maalis-alis sa mga labi niya ang tatak ng mga labi nito.


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)