Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ALEXANDRA Chapter 1


FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

 
Abakada ng Pag-ibig: ALEXANDRA

by Maia Jose

 

Copyright Maria Teresa C. San Diego

All Rights Reserved

 

Published in print by Valentine Romances

Books for Pleasure, Inc.

First Printing 1998

 

ISBN: 971-502-832-2

 

TEASER:

 

        Oo nga’t alam ni Alexandra na halos sambahin siya ng kababatang si Edric. Ang nakakainis lang, inilalagay siya nito sa pedestal na parang isang diyosang hindi na maabot.

        Hindi niya kailangan ang ganoong pagsamba. Ang hinahanap ni Alexandra ay isang kasuyong mayayakap. Ang pinananabikan niya ay ang mga bisig ni Edric.

        Pero paano niya ito ipahihiwatig sa binata?

CHAPTER 1

 

“AKALA ko ba, gusto mong mag-school?” paalala ng limang taong gulang na si Edric sa tatlong taong gulang na si Alexandra.

        Nag-aatubili kasi ang batang babae na umibis mula sa kinalululanan nilang Lite Ace van nina Edric.

        Unang araw ng klase at unang araw rin ni Alexandra sa Mother Goose Nursery School. Toddler class ang papasukan niya habang nasa senior level naman ang kababata.

        “Sasamahan mo ako sa classroom, ha?” ungot ni Alex.

        “Sasamahan kita pero pupunta na rin ako sa classroom ko pagkatapos,” sagot ni Edric. “Sasamahan ka naman ng Mommy mo, e.”

        “Oo nga, Alex,” salo ni Allana.  “Hindi kita iiwan sa classroom mo.”

        “At saka pupuntahan agad kita pagkatapos ng klase,” dagdag pa ni Edric. “Maglalaro tayo sa playground.”

        “Sige, ha, promise,” paniniguro ni Alexandra.

        “Oo sabi, e,” sagot ng batang lalaki. “Halika na.”

        Pumayag na rin si Alex na umibis. Magkahawak-kamay pa ang dalawang bata nang pumasok sa bakuran ng munting paaralan. Nakangiting nakasunod naman ang mga ina nilang sina Allana at Edna, hila-hila ang mga de-gulong na bag ng mga anak.

        Palibhasa’y dalawang taon nang nakapag-aral doon, kabisado na ni Edric kung saang silid ihahatid si Alex. Kilala nito pati ang magiging guro ng kababata.

        “Mabait si Teacher Renee,” sabi nito. “Cute pa.”

        “Hindi masungit, ha?” sabi ni Alex.

        “Hindi,” sagot ni Edric.

        Nakangiti nga agad nang maliwanag ang batambatang gurong sumalubong sa kanila sa may pinto pa lang ng classroom. Binasa nito ang name tag na nakasabit na sa leeg ni Alex.

        “Hello, Alexandra,” bati ni Teacher Renee. “Uy, magkaibigan pala kayo ni Edric.”

        “Magkapitbahay kami ni Teacher,” paliwanag ng batang lalaki.

        “Ganoon ba?” sabi ng guro. “Mabuti naman at may kakilala na agad dito si Alexandra.”

        “Nandiyan po ang mommy niya,” pagboboluntaryo ni Edric na itinuturo si Allana.

        “Good morning,” nakangiting sabi ni Allana mula sa likuran ng mga bata.

        “Hi. Good morning ho,” sabi ni Teacher Renee.

        “O, Alex, pupunta na ako sa classroom ko, ha?” paalam ni Edric. “Mag-o-obey ka kay Teacher Renee, ha?”

        Tahimik na tumango ang batang babae.

        “Teacher, nahihiya pa siya, e,” nag-aalala pa ring bilin ni Edric sa guro.

        “Don’t worry,” tugon ni Teacher Renee. “I’ll take good care of Alexandra. Ikaw, alam mo na ba kung saan ang classroom mo?”

        “Siyempre naman, Teacher. Doon ako kay Teacher Glo,” makumpiyansang sagot ni Edric. “Sige, pupunta na ‘ko roon, ha?”

        Muli nitong binalingan si Alex.

        “Mamaya, maglalaro tayo, ha?” parang pampalakas-loob pang sabi nito.

        Nang muling tumango si Alexandra ay saka lamang umalis si Edric.

        Pero nilingon pa rin niya ito at sinundan ng tingin. Pagkatapos, tumuon ang kanyang atensiyon kay Allana. Parang gusto na niyang maiyak.

        “Dito lang ako sa labas ng bintana,” pangako ng ina. “Makikita mo ako palagi. Hindi ako aalis.”

        Masuyo naman siyang hinawakan ni Teacher Renee sa balikat at iginiya patungo sa isang pang-apatang mesa sa gawing harapan ng classroom.

        “Dito ka sa harap, Alexandra,” sabi nito. “Sa Table One. Kasi, ang pangalan mo ay nagsisimula sa letter A.”

        Bahagi na ng pagsasanay ng mga bata sa alpabeto ang ginawang pag-aayos ng guro sa pagkakaupo ng mga magkakaklase. At para madaling matandaan ng mga bata, mga pangalan sa halip na mga apelyido ang pinagbatayan nito.

        May tatlo nang mga batang babae na nakaupo nang nakapaligid sa mesa.

        “Girls, this is Alexandra,” sabi ni Teacher Renee, “Alexandra, sila ang makakasama mo sa table na ito. Sina Bianca, Catlyn at Desiree.”

        Isa-isang itinuro ng guro kung sino ang sino sa tatlong bata.

        Ngumiti agad kay Alex si Bianca. Nakatingin lang si Catlyn. Para namang nasa bingit na ng pag-iyak si Desiree.

        Napangiti na rin agad si Alex kay Bianca. Sa pakiramdam din naman niya’y mabait si Catlyn. At sa awa niya kay Desiree ay nakalimutan na niyang mangiyak-ngiyak din siya kani-kanina lang.

 

MAGKAKAHAWAK-KAMAY na sina Alexandra, Bianca, Catlyn at Desiree nang lumabas ng classroom pagkatapos ng klase.

        Sa paglapit ng kanilang mga ina ay ang mga bata na mismo ang nagpakilala sa isa’t isa sa mga ito.

        “Mommy, mag-best friends kaming apat,” masayang pahayag ni Alexandra. “Siya si Bianca. Siya si Catlyn. Siya naman si Desiree.”

        Isa-isa pa niyang itinuro ang mga ito kahit magkakasinlaki naman ang suot nilang mga name tag.

        “Hello, girls,” nakangiting bati ni Allana.

        Tuwang-tuwa ang ina sa nakitang mabilis na pakikipagkaibigan ng anak sa mga bagong kaklase.

        “Alex!” tawag ni Edric habang papalapit.

        Pero natigilan ito nang makitang may tatlo pang batang babae na kahawak-kamay ng pinakamatalik na kaibigan.

        “Ay, Edric, ‘lika,” nakangiting sabi ni Alex. “May bago akong mga kaibigan. Si Bianca, si Catlyn at saka si Desiree.”

        Isa-isa uli niyang itinuro ang mga kaibigan.

        “Siya si Edric,” pagpapatuloy niyang itinuturo naman ang naka-name tag kababata. “Siya talaga ang pinaka-bestfriend ko sa lahat. Pero iba naman siya sa inyo kasi boy siya at saka magkadikit ang bahay namin. Sasamahan niya tayo sa playground kasi senior na siya rito, e.”

        Pagkarinig ng mga salitang iyon ay parang napanatag ang loob ng batang lalaki. Natuwa na itong matawag ni Alex na “pinaka-bestfriend sa lahat.”

        Nginitian ni Edric ang tatlong batang babae.

        Napanatag din naman agad ang loob ng tatlong batang babae sa kababatang ipinakilala ni Alex. Nakangiting tinanggap na rin ng mga ito ang bagong kakilala lalo pa’t sasamahan daw pala sila sa playground.

        Agad na bumaling sina Bianca, Catlyn at Desiree sa kani-kanilang mga ina para humingi ng permiso na makapaglaro sa playground. Pinayagan naman ang mga ito.

        Maya-maya’y sama-sama nang patungo sa playground ang lima. Nangunguna si Edric na hatak-hatak si Alex, na hatak-hatak naman ang tatlo pa.

 

“HAPPY birthday to you, happy birthday to you, happy birthday, happy birthday, happy birthday to you...

        Masigabong palakpakan ang kasunod ng malakas na chorus na iyon, kasabay ng pag-ihip ni Alexandra sa labing-anim na sindi ng kandila. “Edric! Kiss naman sa birthday girl!”

        Mga kabarkada, kaeskuwela, kaibigan at kapitbahay nila sa Project 6 ang mga panauhin ni Alexandra sa kanyang kaarawan. Pangunahin, siyempre pa, si Edric at sina Bianca, Catlyn at Desiree.

        Si Edric ang tinatawag ng karamihan para magbigay ng kiss sa may kaarawan dahil parang inaasahan na ng lahat na silang dalawa ang magkakatuluyan kahit na nananatili pa rin lang naman silang matalik na magkaibigan. Hindi na nga kasi sila nagkalayo mula pagkabata. Lagi’t laging sila pa rin ang magkasama.

        Namula si Alexandra nang marinig ang kantiyawan.

        Bigla siyang ninerbiyos. Nanlamig ang kanyang mga palad. Parang may mga paru-parong biglang naglisaw sa kanyang sikmura.

        Katabi pa naman niya si Edric.

        Laging ganito kapag tinutukso sila sa isa’t isa. Naku-conscious siya. Nag-iiba ang pakiramdam niya.

        Noong isang taon lang naman nagsimula ito. Noong mag-kinse anyos siya’t tumuntong naman ng college si Edric.

        Iisang paaralan ang pinasukan nilang limang magkakabarkada mula elementarya hanggang high school. Nakakapagtakang kung kailan pa nahiwalay si Edric nang magkolehiyo sa UP Diliman ay saka pa nagsimula ang panunudyo sa kanilang dalawa ng mga kakilala.

        Kunsabagay, mas lalo kasi sigurong naging matingkad ang pagbibigay ni Edric ng oras at atensiyon sa kanya gayong dapat ay may iba na itong pinagkakaabalahan.

        Totoo nga namang sa kabila ng pagkakahiwalay nila ng paaralan – sila nina Bianca, Catlyn at Desiree ay nasa third year high school pa lamang noon sa dati ring paaralan – ay lagi pa ring nakadikit sa kanya si Edric. Sabi nga ng iba, ang tanging ruta raw nito’y “eskuwelahan – Alex.” Bago pumasok ay dumadaan muna sa kanya’t nagpapaalam. Pagdating ay sa kanya pa rin ang tuloy. Pati sa pag-aaral ng leksiyon ay sumasabay sa kanya.

        Dati ay balewala iyon kay Alex. Ganoon na naman kasi sila ni Edric sa isa’t isa kahit noong araw pa. Pero bakit kaya nitong nakaraang taon, sa pagsisimula ng mga panunukso sa kanila ay may nadama na rin siyang kakaiba?

        Iyong dating pagtingin niya kay Edric bilang simpleng pinakamatalik na kaibigan ay unti-unting nagkaroon na ng bagong kulay.

        Biglang napapansin na niya na mapungay pala ang mga mata ng binata. Na marunong mangusap ang mga mata nito. Na kapag ngumingiti o tumatawa ito’y may kakaibang kislap ng kapilyuhan sa mga mata.

        Madalas na ring napapadako ang kanyang paningin sa mga labi ni Edric. Mga labing natural palang mamula-mula.

        At nitong nakaraang taon lang niya napagtuunan ng pansin ang mga pagbabago sa katawan ng kababata. Ang tangkad na nga pala nito. At kaykisig ng pangangatawan.

        Sa edad na disisyete ay binatang-binata na si Edric. Malayo na sa dating batang kalaro niya.

        Lalo naman ngayon – ngayong disiotso na si Edric at sophomore na sa college. Ibang-iba na ang dating nito.

        Kasabay ng pagkakapansin niya sa mga pagbabago kay Edric ay napansin din ni Alexandra ang sariling pagdadalaga. At kung nagulat siya sa mga pagbabago sa kanyang damdamin at pangangatawan noong nakaraang taon ay lalo namang kagulat-gulat ang mga naganap sa kanya ngayong disisais anyos na siya’t graduating na sa high school.

        Parang biglang-bigla rin siyang naging isang ganap na dalaga. Sa tangkad ay humahabol siya kay Edric – ilang pulgada lang ang pagkakaiba. Sa kurba ng katawan ay puwede na rin siyang ihanay sa mga kaedad ng kababata, o baka lamang pa siya sa karamihan.

        Ang mukha niyang dati nang kinakakitaan ng natural na ganda ay lalo pang naging kaakit-akit. Nagkaroon na kasi ito ng bagong dimensiyon – ang kakaibang aura ng pagdadalaga.

        At ang aura na iyon ay likha rin mismo ng bagong kadidiskubre’t pinakatatagu-tago niyang damdamin para sa kababatang si Edric.

        Iyon ang dahilan kung bakit bigla-bigla na lamang siyang namumula sa ilang okasyon. Iyon din ang dahilan ng kanyang napapadalas na mga buntonghininga. Ng paminsan-minsang pagkatulala. Ng palagiang pangangarap nang gising.

        Wala pa naman kasi talagang ipinagtatapat si Edric sa kanya. Hindi ito nanliligaw. Hindi nagpahayag ng pag-ibig. Basta’t lagi lang itong nariyan sa tabi niya. Laging handang tumulong o maglingkod, umalalay o magtanggol.

        Sabik na sabik na tuloy si Alexandra na makarating sa kasunod na yugto ng kanilang relasyon – na nasisiguro niyang patungo sa pagiging magkatipan. Kailan kaya sila hahantong doon?

        Samantala, heto siya’t namumula at ninenerbiyos sa kantiyaw ng mga panauhin na “kiss”.

        Hindi pa siya nahahalikan ni Edric. Noon siguro, noong mga paslit pa sila, maaari. Baka dampi sa pisngi sa kung anong okasyon. Hindi na niya matandaan. Wala naman kasing kulay iyon para sa kanya noong mga panahong iyon. Pero magmula noong magkaisip na sila ay hindi pa siya nahahagkan ng kababata.

        Ngayon pa ba niya unang matitikman ang halik ni Edric?

        Hindi siya makatingin dito kahit nagkikiskisan na ang kanilang mga braso.

        “Tumigil nga kayo,” bigla niyang narinig na sinabi ng baritonong tinig nito sa mga nangangantiyaw. “Anong kiss? Sixteen pa lang si Alex. Hindi pa puwedeng halikan ng kahit na sino liban kina Tita Allana at Tito Greg.”

        “Huu, harang! Korni!” May sumigaw.

        Hindi natinag si Edric.

        “Huwag mo silang pansinin,” sabi nito sa kanya.

        Ngumiti lang si Alex pero may nadama siyang kirot ng pagkabigo sa puso niya.

        “Ito talagang si Edric, napaka-over-protective,” sabi ni Bianca mula sa may likuran nila “Para namang babasaging kristal si Alex na mapipingasan kapag hinalikan sa pisngi. Halika nga, birthday girl, ako na’ng unang ki-kiss sa iyo.”

        At kinabig nga siya’t niyakap ng kaibigan bago hinalikan sa pisngi.

        “Happy birthday!” masiglang bati nito.

        Naibsan agad ang pagkabigo ni Alex. Pampalubag-loob ang sinabi ni Bianca na pagiging “over-protective” ni Edric. Masarap isiping iyon nga ang dahilan ng binata sa pagtanggi nitong hagkan siya.

        “Thanks, Bee,” madamdaming sagot niya sa kaibigan.

        Sumunod agad sina Catlyn at Desiree. Yumakap din at humalik sa may kaarawan.

        “O, girls lang ang puwedeng humalik, ha?” paalala ni Edric na nananatiling nagbabantay na parang guwardiya sibil sa tabi niya habang isa-isa nang nagsilapitan ang iba pang mga panauhin.

        Parang haplos sa puso ni Alex ang mga salitang iyon ng binata.


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya'y Mga Lumang Mga Post na link.)


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)