Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ALEXANDRA Chapter 2


FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

“SIGURO naman, ngayon na,” sabi ni Alexandra sa kanyang sarili.

        Araw ng pagtatapos niya sa kolehiyo – A.B. Communication Research sa UP Diliman.

        Pero ang pinananabikan niya’y hindi ang pagmartsa sa graduation ceremonies kundi ang kaytagal na niyang pinakahihintay na pagtatapat ni Edric.

        Akala niya noon, mangyayari iyon sa kanyang ikalabingwalong kaarawan. Hindi na nga siya humiling ng marangyang debut sa kanyang mga magulang dahil hindi naman doon nakasentro ang kanyang interes. Nagpahanda lang siya ng simpleng salu-salo sa bahay nila. At hinintay niyang kausapin siya ni Edric sa gabi ng pagtitipon. Pero natapos ang gabing iyon na wala pa ring nagbabago sa kanilang relasyon.

        Naisip niya, siguro’y hinihintay ni Edric na maka-graduate muna siya para walang masabi ang Daddy at Mommy niya. Nag-iisang anak kasi siya.

        Si Edric naman, dalawang taon nang nagtatrabaho sa isang mahusay na ad agency matapos maka-graduate sa Fine Arts. Nagsimula ito bilang artist-photographer at ngayo’y art director na habang pinipilahan pa rin bilang isang mahusay na photographer.

        Nasa estado na ang binata para manligaw. Para magka-girlfriend.

        At ngayong nakapagtapos na rin siya, pareho na silang puwedeng pumasok sa isang relasyon.

        Baka nga ngayon na.

        Nangiti si Alex habang sinisipat ang kanyang sarili sa salamin. Magandang-maganda siya sa araw na ito. Kailangang maging napakaganda niya sa isa sa mga pinakamahalagang araw sa buhay niya – isa lang, dahil inaasahan niyang marami pang mga mahahalagang araw na darating para sa kanila ni Edric.

        “Alex...” tawag ni Allana mula sa labas ng silid ng dalaga. “Ready ka na ba, anak?”

        “I’m ready, Mommy,” masiglang sagot niya habang dinadampot ang kanyang envelope bag.

 

MAGKAKAIBA ang mga kursong kinuha nina Alexandra, Bianca, Catlyn at Desiree sa UP. A.B. Communication Research ang kay Alex. B.S. Chemistry ang tinapos ni Bianca. A.B. Business Administration ang major ni Catlyn. A.B. Psychology naman ang kinuha ni Desiree. Tuloy, magkakalayo ang kanilang mga upuan sa graduation. Nagkita-kita lang muna sila bago nagsimula ang seremonya at muli nang matapos iyon.

        “Shucks, I can’t imagine na graduates na tayo,” sabi ni Catlyn nang humupa ang kanilang mga tilian at magbitiw sila sa kanilang pagkakayakap-yakap pagkatapos ng graduation.

        “Oo nga, parang kailan lang, iyakin pa itong si Des,” sagot ni Alex.

        “Iyakin pa rin naman iyan hanggang ngayon, a,” pakli ni Bianca. “’Ayan, o, naluluha na naman.”

        “Talaga naman kasing nakakaiyak, e,” singhot ni Desiree. “Imagine, magkakahiwa-hiwalay na tayo.”

        “Sobra ka naman,” saway ni Alex. “Ang lalapit lang ng mga bahay natin sa isa’t isa, a. Lahat tayo nasa Project 6. Kahit magkahiwa-hiwalay man tayo ng pagtatrabahuhan, magkikita-kita pa rin tayo.”

        “Tayo ba naman?” sang-ayon ni Catlyn. “Siyempre, magchi-chika-chika pa rin tayo palagi, ano? Kahit nga magkakaiba tayo ng course nitong college, magkakasama pa rin tayo, hindi ba? Tuloy pa rin iyon.”

        “Talaga, ha?” paniniguro ni Desiree. “Baka sinasabi lang natin iyan ngayon pero kapag naging busy na sa kanya-kanyang trabaho, magkakalimutan na.”

        “No way,” iling ni Bianca. “Sino pa ba naman ang makakahalili sa grupong ito sa pagkakakilala sa lahat ng kabuwangan ng bawat isa sa atin? Kabisado na natin ang history ng bawat isa. Hindi madaling kalimutan iyon.”

        “Hi, girls,” sabi ng isang baritonong tinig mula sa kanilang likuran. “Congratulations!”

        Si Alex ang unang-unang lumingon, sabay salubong sa papalapit na binata.

        “Hi, Edric!” sabi niyang nakangiti nang napakatamis.

        “Flowers for you,” sabi ng binata.

        At inabutan siya nito ng isang malaking bouquet ng mga puting rosas.

        Kilig na kilig na tinanggap iyon ng dalaga, sabay singhot sa bango ng mga bulaklak.

        “Thank you,” kilig na kilig na sabi ni Alex habang bumabaling uli sa kababata. Pagbuka ng kanyang bibig ay siya namang pagdapo roon ng mga labi ni Edric.

        Sansaglit lang pero parang tumigil ang pag-inog ng mundo para kay Alexandra.

        Pareho silang nagulat. Pagkaraan ng sansaglit ay sabay na napaatras. Kasabay rin ng pagtili nina Catlyn, Bianca at Desiree.

        “Aaaaay!” kilig na kilig na sabi ng tatlo.

        “I... I’m sorry,” namumula’t nauutal namang paliwanag ni Edric. “I only meant to kiss your cheek.”

        “H-hindi ko alam, e,” sagot niya. “N-napalingon ako.”

        “Hmm, kunwari pa raw hindi sinasadya,” tukso ni Bianca.

        “Hayaan n’yo na,” sabi naman ni Desiree. “Kunwari na lang wala kaming nakita.”

        “Basta kailangan may flowers din kami, ha, Edric?” paniningil naman ni Catlyn. “Para makalimutan namin iyong nakita namin.”

        “Of course,” maagap na sagot ng binata. “Talaga namang may dala ako para sa inyo.”

        May mga bulaklak din nga ito para sa tatlo pang kaibigan – mas maliit nga lang nang kaunti ang mga bouquet na iyon kaysa bouquet ni Alex.

        “O, kiss  ka na rin sa amin para hindi kayo maging masyadong obvious,” sabi ni Bianca. “Pero talagang sa cheek lang ha,  para hindi magselos si Alex.”

        At eksaherada pa nitong ibinaling ang pisngi kay Edric.

        Isa-isa ngang hinagkan ng binata sa pisngi ang tatlong dalaga, kasabay ng pagbati at pag-aabot ng mga bulaklak.

        Si Alex nama’y parang namamalikmata pa. Pakiramdam niya’y nag-iinit pa ang kanyang mga labing dinapuan ng mga labi ni Edric.

        Kauna-unahang pagkakataong nahagkan siya ni Edric – at sa mga labi pa. Hindi na baleng hindi sinasadya. Mabuti na lang pala at napalingon siya.

        Pigil na pigil si Alex para hindi mapangiti sa labis na kaligayahan.

        “O, hinihintay na kayo ng parents ninyo sa labas ng kordon,” paalala ng binata.

        Nakakulong kasi ang graduates sa nakakordong gitnang bahagi ng amphitheater. Nasa labas naman ng kordon ang mga magulang at iba pang panauhin. Lumusot lang si Edric para makalapit agad sa kanila.

        “Paano, e di maghihiwa-hiwalay na muna tayo?” sabi ni Catlyn.

        May kanya-kanya kasing selebrasyon ang bawat pamilya.

        “Magtawagan na lang tayo bukas,” sabi ni Desiree.

        “O, sige,” tango ni Bianca. “I-set natin iyong sabay-sabay nating paggawa ng resume.”

        “Okay,” sang-ayon ni  Alex. “Sige, see you all later.”

        Nagpasalamat na muli ang tatlong dalaga kay Edric bago sila nagkanya-kanya nang hanapan ng mga magulang.

        Nanatili si Edric sa tabi ni Alex. Talagang magkasama sila sa gabing iyon. Kumbidado si Edric at ang mga magulang nito sa graduation dinner ni Alex sa EDSA Plaza Hotel.

        “Halika na sa parking lot ng Mass Comm,” anyaya ng binata. “Doon na raw maghihintay sina Mommy at Tita Allana.”

        Tatatlo lang sina Alex sa pamilya palibhasa’y nag-iisang anak siya. Tanging ang Mommy niyang si Allana at ang Daddy niyang si Greg ang kasama niya sa buhay.

        Tatlo namang magkakapatid sina Edric pero malayo ang agwat ng edad nito sa mga kapatid. Magkasunod ang panganay na si Rico at ang pangalawang si Eddie. Walong taon naman ang tanda ni Eddie kay Edric. Tuloy, tatatlo na rin ngayon sa bahay sina Edric, ang Mama nitong si Edna at ang Papa nitong si Richard. Matagal na kasing sa States naninirahan si Rico – doon na nga nakapag-asawa’t nagkapamilya. Sa Dubai naman nakapagtrabaho si Eddie.

        Aanim silang pupunta sa hotel pero tatlo ang dala nilang sasakyan. May kotse sina Alexandra. May sarili rin namang kotse sina Richard at Edna. At hiwalay pa ang kotse ni Edric dahil humabol lang ito sa seremonya mula sa opisina.

        Second hand na Lancer lang naman ang sasakyan ng binata pero makinis iyon at alagang-alaga. Inabonohan iyon ni Richard noong bago pa lang na nagtatrabaho ang anak, at hinuhulugan ni Edric buwan-buwan.

        “Kay Edric ka na sumabay, Alex,” sabi ni Allana. “Para naman hindi siya nagsosolo sa sasakyan.”

        “Yes, Mommy,” alistong sagot ng dalaga.

        Nang mapag-isa sila sa loob ng kotse, binalingan siya ni Edric bago nito pinaandar ang makina.

        “I’m sorry sa nangyari kanina,” sabi nitong bahagya uling namumula ang mga pisngi. “Hindi ko talaga sinasadya.”

        Mas malalim ang pamumula ni Alex. Paano’y may itinatago siyang pagkatuwa sa pangyayari.

        “Wala na iyon,” sagot niya kunwari. “Don’t worry about it.”

        “Okay,” tango ng binata.

        At nagkonsentra na ito sa pagmamaneho.

        Gustong matawa ni Alex. Tingin niya kasi ay takot na takot ang binata sa nangyari. Para bang kaylaki na ng nagawa nitong pagkakasala sa kanya.

        “Kung alam mo lang,” gusto sana niyang sabihin, “kahit ilang ulit mo pang gawin iyon ay payag ako. Kung puwede nga lang, sana mas nagtagal pa.”

        Pero hindi niya ito magawang sabihin. Naghintay na lang siya na magtapat na si Edric.

        “Ang ganda naman nitong bouquet na bigay mo,” sabi niya bilang pagbibigay dito ng magandang puwang.

        Puwede na nitong sabihing, “Siyempre, kailangang maganda ang bigay ko sa minamahal ko.”

        Kaso, iba ang isinagot ng binata.

        “You deserve it. Magmula pa sa nursery school, masipag ka nang mag-aral kahit likas ka nang matalino. Now you’re earned the fruits of your labor.”

        Ganoon lang? Dismayadung-dismayado si Alex.

        Nasa kalagitnaan na sila ng biyahe at kung saan-saan na napunta ang kanilang kuwentuhan nang maisip ng dalaga na hindi nga naman pala angkop ang pagkakataon para maganap ang hinihintay niyang ligawan. Sino ba namang matinong binata ang magtatapat ng pag-ibig habang nagmamaneho ng kotse sa EDSA?

        A, mamaya siguro, sa hotel. Baka yayain siya ni Edric sa hardin sa tabi ng pool para magkasarilinan sila sa ilalim ng liwanag ng buwan at ng mga bituin.

        Lalo siyang nasabik sa antisipasyon.

        Masayang-masaya si Alexandra pagpasok nila ni Edric sa EDSA Plaza Hotel. Pakiramdam niya’y magkatipan na sila habang naglalakad sa marangyang lobby patungo sa Papparazzi, ang Italian restaurant kung saan sila may reservation.

        Bibang-biba siya habang kasalo nila ang kanilang mga magulang sa napakasarap na Italian dinner.

        Dessert at kape na ang nakahain sa kanilang harapan nang marinig niya mula kay Edric ang mga salitang kanyang hinihintay.

        “I have a proposal for Alex.”

        Kamuntik nang masamid ang dalaga sa paghigop niya ng kape.

        Magtatapat si Edric ngayon? Dito? Sa harap ng mga magulang?

        Namilog ang kanyang mga mata. Hindi ganito ang inaasahan niyang eksena.

        “Let’s hear it,” sabi ni Greg, ang Daddy niya.

        Lalong nanlamig ang dalaga.

        Humarap sa kanya si Edric.

        “Alex, kung papayag ka, gusto ko sanang irekomenda ka sa Millenium Advertising,” walang kagatul-gatol na sabi nito.

        “Malaki ang tiwala sa akin ng boss kong si GM. I’m sure, pakikinggan niya ang rekomendasyon ko. Alam ko namang hindi ako mapapahiya sa kanya – you’re very intelligent and reliable. At the same time, maipagmamalaki ko ring maganda ang magiging estado mo sa ad agency na pinapasukan ko. The training is top rate, the pay is good and the people are easy to get along with. Ano, what do you think?”

        Natulala si Alexandra.

        “Ano raw?” gustong itanong ng puso niya.

        Pero narinig naman niya ang lahat. Naunawaan ng isip niya. Trabaho – iyon lang pala ang proposal ni Edric. Ipapasok siya sa pinagtatrabahuhan nitong ad agency.

        Pakiramdam ni Alex sa puso niya ay isang elevator na mula sa fifteenth floor ay biglang nawalan ng control at bumulusok pababa sa basement. Kamuntik na siyang mawalan ng poise. Kamuntik nang lumabas ang tunay niyang reaksiyon. Kamuntik na siyang mag-freak out.

        Naunahan lang siya ng pasok ni Allana.

        “Wow, that’s a very good opportunity,” sabi nito. “Talagang naghahanap nga ng mapapasukan itong si Alex. In fact, titingin-tingin na iyan sa classified ads. Pero mas maganda siyempre kung magkakasama kayo sa iisang kompanya.”

        “Malakas si  Edric kay George Milan – iyong presidente at may-ari ng Millennium,” sabi ni Edna. “Kasi nga, hindi ba, naging professor niya ito noong college. Kabisado na ni GM ang trabaho ni Edric. Kaya rin mabilis ang promotion niya sa agency. I’m sure na matatanggap din agad si Alex with his recommendation and her academic record.”

        Nakangiting nakatingin pa rin si Edric kay Alex, naghihintay ng sagot niya.

        Nasukol ang dalaga. Ano pa nga ba ang isasagot niya? Alangan namang tumanggi pa siya.

        “S-sige,” sabi niya. “Of course. At maraming salamat.”

        Lumapad pang lalo ang pagkakangiti ni Edric.

        “Sabado ngayon,” sabi nito. “Ibigay mo sa akin bukas ng gabi ang resume mo. Sa Lunes, kakausapin ko na si GM.”

 

KINAILANGAN pang hintayin ni Alexandra na mapag-isa siya sa kuwarto niya nang gabing iyon bago niya nagawang magdabog sa sama ng loob. At kinailangan pa niyang mag-ingat na hindi marinig ng kanyang mga magulang ang kanyang pagdadabog. Tuloy, unan lang ang puwede niyang ibato nang paulit-ulit sa kanyang headboard at ihampas nang ihampas sa kama.

        Inis na inis siya kay Edric. Pikon na pikon. Gusto niya itong bayuhin nang bayuhin sa dibdib. Gusto niya itong talakan para maalimpungatan.

        Pero higit sa lahat, gusto sana niyang maranasang muli ang mahagkan ni Edric. At sana, ang mayakap na rin nito. Iyong mahigpit. Iyong kayhigpit-higpit.

        Hindi niya malimut-limutan ang halik na aksidenteng naganap kanina.

        Hindi yata niya talaga magagawang magalit nang totoo sa binata. Lagi’t laging nangingibabaw pa rin ang kanyang pagmamahal.

        Napabuntonghininga na lang si Alex.

        Kung sabagay, maganda iyong alok sa kanya ni Edric. Magkakasama sila sa trabaho. Madaragdagan ang mga oras nila sa piling ng isa’t isa. Gustung-gusto niya iyon.

        Baka naman ito ang paraan ni Edric para mapadali ang pagtatatapat sa kanya.

        Nabuhayan ng loob si Alexandra.

        Oo nga. Ibinabalik lang ni Edric ang sitwasyon sa dati. Iyong magkasama sila sa loob ng halos beinte kuwatro oras – sa eskuwelahan man o sa bahay. Nagkakahiwalay lang sila sa mga oras ng pagtulog. Pati sa pagkain, kung hindi si Edric ang lumilipat sa kanila ay siya naman ang inaanyayahan nitong doon kumain sa kabila.

        Gumaan ang loob ni Alex. Muli siyang kinilig. At muling lumikha ng panibagong mga pantasya. Ano kaya ang mangyayari sa kanila sa ad agency? May ibang setting naman ngayon ang kanyang mga ilusyon.


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya'y Mga Lumang Mga Post na link.)


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)