Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ALEXANDRA Chapter 3


FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

LINGGO ng hapon ay nasa kay Edric na ang resume ni Alex. Paano’y magkasama nilang ginawa iyon nang buong umaga, kasabay rin ng paggawa ng mga resume nina Bianca, Catlyn at Desiree.

        Maagang-maaga pa’y itinawag na ni Alex sa mga kaibigan ang tungkol sa alok ni Edric na trabaho. Kaya nga nagkayayaang masimulan na agad ang paggawa ng kani-kanilang mga resume.

        Kina Alex sila nagtrabaho kahit may computer din naman si Catlyn. Mas sanay silang kina Alex laging tumatambay dahil halos solo nila ang bahay. Wala siyang mga kapatid na manggugulo sa kanila o magugulo nila.

        Lumipat din agad si Edric para tumulong.

        “Puwede na ba iyan?” tanong ni Alex habang nirerepaso ng binata ang kanyang resume. “Papasa na ba?”

        “Impressive nga, e,” sagot ng binata. “Kahit na hindi ka umabot na maging cum laude, kakaunti lang naman ang kinulang na points sa general weighted average mo. At saka nababalanse na iyon ng practicum mo sa market research sa ibang ad agency. Kahit paano’y may nakuha kang experience doon.”

        “Mabuti pa si Alex, may mapapasukan na,” sabi ni Bianca. “Wala ka bang mapagrerekomendahan sa amin, Edric?”

        “Paano naman kita ipapasok sa ad  agency?” sagot ng binata. “Hindi naman nangangailangan ng chemistry major doon.”

        “Kahit na ano’ng trabaho, puwede na sa akin,” sabi ni Bianca. “Pansamantalang trabaho lang naman kasi ang kailangan ko hangga’t hindi pa napo-process ang petition ni Mommy sa akin papuntang States.”

        “Naku, narinig ko na naman iyang States na iyan,” singit ni Desiree. “Nakakainis ka talaga, Bee. Bakit ba gusto mo pang magpakalayu-layo? Ano ba ang mayroon sa States na wala rito?”

        “Aba, marami,” sagot ni Bianca.

        “Pero wala naman kami roon,” nakalabing paalala ni Desiree. “Wala ang mga best friends mo.”

        “O, mamaya mauwi pa tayo sa iyakan niyan,” awat ni Alex. “Matagal pa naman iyon, Des. By the time na ma-process ang papers ni Bee, baka matatanda na tayo.”

        “Oy, huwag naman sana,” sagot ni Bianca habang nagtatawanan ang mga kaibigan.

        “Ito talagang si Desiree, masyadong sentimental,” sabi ni Catlyn. “Palibhasa masyadong nami-miss si Arman.”

        Boyfriend ni Desiree si Arman. Magdadalawang taon na itong nagtatrabaho sa Saudi.

        “Mahirap talagang mapalayo sa taong mahalaga sa iyo, baka akala n’yo,” sagot ni Des. “Kaya nga sa tuwing maririnig kong may lalayo sa atin o magkakahiwa-hiwalay tayo, naiiyak ako.”

        “We understand, Des,” sabi ni Alex. “Huwag kang mag-alala, we’ll always be here for each other.”

        Nauunawaan talaga niya ang katayuan ng kaibigan. Maisip nga lang niyang paano kaya kung malayo sa kanya si Edric ay natataranta na siya. Alam niyang hindi rin niya iyon makakayanan.

        “Hayaan mo, Des,” singit ng binata. “Pagtutulungan nating ihanap ng magandang trabaho si Bee para hindi na niya maisip pa na pumunta ng States.”

        “Mas mabuti sigurong ihanap natin siya ng boyfriend dito para talagang mag-stay na siya for good,” sagot ni Desiree.

        “Aay, sige, sige,” tili ni Alex.

        Napabungisngis naman si Catlyn.

        “Excuse me, ano?” nakataas ang kilay na pakli ni Bianca. “Wala pa po akong kabalak-balak na magka-boyfriend. Pinakahuli iyan sa listahan ng priorities ko sa buhay.”

        “Iyan naman ang kauna-unahan sa listahan ko,” lihim na sagot ni Alexandra. “At hindi na ako kailangang maghanap pa. Alam ko na kung sino ang gusto kong maging boyfriend.”

 

LUNES ng gabi, bandang alas-otso, dumating si Edric galing sa trabaho. Kina Alex na agad ito nagtuloy.

        “Sumabay ka na sa akin bukas ng umaga,” pagbabalita nito sa dalaga. “Gusto kang ma-meet ni GM. Impressed siya sa resume mo. Pag-uusapan na lang ninyo kung anong tipo ng trabaho ang preference mo, based siyempre sa iyong background. He’ll make an opening for you.”

        “Ganoon?” gulat na sagot ni Alex. “Ako pa ang igagawa niya ng job opening?”

        “Iyon ang kagandahan sa medyo maliit pang kompanya, e,” sabi ni Edric. “There’s still so much room for more people, more jobs, more opportunities. At dahil hands on si GM sa pagpapalakad ng agency, alam na alam niya kung saan puwedeng mag-expand. Kung saan puwedeng magdagdag ng tao. Kakausapin ka nga lang muna kasi gusto niyang mag-jive ang inyong mga expectations bago ka niya bigyan ng puwesto.”

  

SADYANG nagbihis nang maayos si Alexandra. Gusto niyang maipagmalaki siya ni Edric.

        Corporate attire ang pinili niya. Long sleeved v-necked top na gawa sa lemon yellow silk na malambot ang bagsak hanggang balakang. Ang katerno ay beige na paldang hanggang ibabaw ng tuhod. Beige rin ang suot niyang high-heeled pumps na katerno ng kanyang envelope bag.

        Nakalugay lang ang kanyang mahaba at alun-along buhok pero maayos at pormal pa rin ang dating. Suot niya ang kanyang simpleng hikaw na perlas at relong iniregalo ng mga magulang. Wala na siyang iba pang alahas sa katawan.

        Nag-make-up lang siya nang kaunti – para lang magmukha siyang professional. Manipis na pahid ng pulbos, kaunting bronzer sa talukap ng mga mata at sa mga pisngi, isang pasada ng mascara sa mga pilikmata, at lipstick na may brownish tint.

        Hindi siya dating nag-aayos nang ganoon. Ni hindi nga siya nagmi-make-up. Noong graduation lang.

        Iyong sapatos niya’t bag, nabili lang din iyon para sa graduation niya. Dati ay mababa lang ang takong ng mga sapatos niya at panay naglalakihang shoulder bag na pang-eskuwela ang gamit niya.

        Sa damit, may ilan siya ngayong bago. Noong bumili kasi sila ng damit niyang pang-graduation, ikinuha na rin siya ng Mommy niya ng ilang magagamit daw niya sa mga job interview at sa pagpasok na sa sa trabaho. Isa sa mga corporate outfits na iyon ang isinuot niya ngayon.

        “How do I look?” tanong niya kay Cedric nang sunduin siya nito.

        Umikot pa siya sa harap ng binata.

        Hindi agad nakasagot si Edric. Saglit na napatanga lang sa kanya.

        “Perfect,” sagot nito pagkaraka.

        Sulit na ang matagal na pag-aayos ni Alexandra.

        Sa tingin niya ay bagay na bagay sila ni Edric. Nakapantalon ito na abuhing twill at long sleeved shirt na light blue.

        “Ninenerbiyos ako,” sabi niya nang nasa kotse na sila.

        “Huwag,” sagot ni Edric. “Madaling kausap si GM. Just relax.”

  

NASA ikalabindalawang palapag ng Hexagon Towers sa Ortigas ang tanggapan ng Millennium Advertising. Ang inaasahan ni Alex na daratnan ay pormal na pormal na opisina.

        Pero nagulat siya sa kanyang nakita.

        Ibang klase ang tanggapan ng ad agency. Mas mukha pa itong artists’ hang-out kaysa opisina.

        Gawa sa palo china ang panelling sa mga dingding. Ganoon din ang mga mesa, bookshelf, cabinet at divider. Marmol ang sahig – pero hindi pangkaraniwang marmol. Gawa ito sa iba’t ibang kulay ng marmol na tinabas sa iba’t ibang disenyo. May malaking araw, may buwan, mga planeta, mga kometa at mga bituin.

        Sa reception area, may dalawang mahahabang sopa na gawa rin sa palo china ang frame pero pinatungan ng makapal na kutson at sandalang balot ng katsa.

        Nakapagtatakang bumagay rin naman sa kabuuang tema ang mga high-tech na ergonomic chair, mga computer, fax machine at iba pang gamit na pang-opisina.

        Maging ang hitsura ng mga empleyado sa ad agency ay kakaiba. Wala kasing sinusunod na dress code ang mga ito tulad ng ibang corporate offices. May mga bihis na bihis – naka-coat and tie na mga lalaki, naka-business suit na mga babae. Mayroon din namang tulad ni Edric ang ayos – dressy casual. Pantalong twill at long-sleeved o short-sleeved na polo sa mga lalaki, slacks o palda’t blusa sa mga babae. Hindi nalalayo sa porma niya. Pero mayroon pang matatawag na radical chic ang bihis. Mga lalaking nakapantalong maong, maluluwang na batik na t-shirt, sandalyas at hikaw sa tainga. Mga babaing naka-shorts na maikli, crop top na litaw ang pusod na may tattoo, clogs at buzz cut na buhok.

        Napasulyap siya kay Edric, nagugulumihanan.

        “Welcome to Millennium,” nakangiting sabi nito. “Masanay ka na. Dito, anything and everything goes.”

        Lalo pang nagulat si Alexandra nang makaharap niya si George Milan o GM. Ang inaasahan kasi niya’y isang business executive na may edad na. Pero ang nasa harapan niya’y mukhang matanda lang nang ilang taon kay Edric, guwapo at simpatiko ang ngiti. Napakakisig nito sa suot na kulay melon na long-sleeved shirt at pantalong khaki. Kung hindi lang niya ito nakitang tumayo mula sa mesang may nameplate na George Milan ay hindi niya iisiping ito nga si GM.

        “Well, hello. You must be Alexandra,” masayang salubong nito sa kanya.

        “Yes, sir. Good morning,” sagot niyang nakangiti na rin.

        “Please call me GM,” sabi ng lalaki bago bumaling sa kasama niya. “Edric, you didn’t warn me. Napakaganda pala ni Alexandra.”

        Namula ang dalaga.

        “Hindi ko alam na relevant iyon sa rekomendasyon ko, GM,” sagot ni Edric. “I thought her credentials were the issue.”

        “Of course, of course,” tumatawang tango ng presidente ng kompanya. “At impressed nga ako roon, hindi ba? But now I think I can offer something better. Come, let’s sit down. Join us, Edric.”

        Naupo sila sa paligid ng maliit na conference table na nasa isang bahagi ng pribadong opisina ni GM.

        “I was about to offer several possibilities based on your resume, Alexandra,” paliwanag ng big boss ng ad agency. “Wala pa kaming research division so that is one possibility na pwede mong simulan. Or you may want to join the creative department kasama ni Edric. Another possibility would be the administrative side kung iyon ang gusto mo. You see, I like to put people wherever they feel most comfortable para masaya sila sa ginagawa nila. That way, mas mataas ang morale at productivity ng kompanya.”

        “Wow,” iling ng dalaga. “Ako pa ang mamimili?”     

        “Wait, like I said earlier, may panibago pa ako ngayong gustong iharap na option sa iyo,” sabi ni GM. “This is a much bigger opportunity. As Edric here already knows, pinakabago at pinakamalaki naming kliyente ang New Haven Philippines. Ito ang local franchise holder para sa New Haven Spa Hotel International which is a chain of spa-type hotels in major cities around the world. Under construction naman ngayon, sabay-sabay, ang kanilang mga five star hotels dito sa atin – sa Makati, Batangas, Subic, Baguio, Cebu, Boracay at Davao. Malaking promotion ito at tuluy-tuloy. In fact, team leader si Edric ng creative team na may hawak ng project na ito. And I want you to be a major part of it, too,”

        “As what?” tanong ni Edric.

        “As a researcher?” hula ni Alex.

        “No,” iling ni GM. “As New Haven’s image model.”

        Napamulagat si Alexandra.

        “Image model?” ulit naman ni Edric.

        “Yup!” tango ni GM. “My God, Edric, bulag ka ba? Alexandra’s gorgeous. She’s stunning. At hindi ordinaryo ang dating mo, Alexandra. You have that elusive combination of beauty and brains and it shows. You’ll be the perfect image model and spokesperson for the New Haven Philippines Spa Hotel chain. In fact, you can be a most effective representative of Philippine tourism in general. You’ve got much more than the so-called X-factor, you know.”

        “H-hindi ito ang inaasahan kong trabaho,’” natutulirong sagot ng dalaga.

        “Hindi siya isang professional model,” dagdag pa ni Edric.

“Which is exactly what we need,” sagot ni GM. “I’ve been thinking about launching a search for a fresh new talent. Iyong wala pang exposure. At kayang maging spokesperson, not just a model. Now I’ve found her. She’s perfect.”

        Naguguluhang napasulyap si Alex kay Edric.

        “Sayang naman ang credentials niya kung magiging image model lang siya,” sabi ng binata na halatang hindi kumbinsido sa bagong alok na iyon. “She’ll stagnate if she doesn’t use her skills. Isa sa mga hinahanap niya ay continuous training and development in her field. I thought we could offer her that.”

        “Yes, indeed, we can,” sagot ni GM. “Itong pagiging image model niya ay hindi lang naman nangangahulugan ng pa-pose-pose for print and TV ads. As a spokesperson, Alexandra, you’ll be a part of the creative team handling the entire campaign. Kasama ka sa brainstorming, sa formulation ng buong campaign and all its details, sa lahat. Mula sa conceptualization hanggang sa mismong pagharap sa media at sa publiko, naroon ka. And with your background, I’m very confident that you can contribute much more than just your looks to this project. At the same time, it will be a very worthy learning experience, training ground, and challenge for you. Of course, it also involves a very attractive compensation package.”

        Halos malula na si Alex sa kanyang mga naririnig. Sa mga huling tinuran ni GM ay parang wala na nga siyang hahanapin pa sa iniaalok nito.

        Ganoon din naman ang naging conclusion ni Edric kaya wala na itong nasabi.

        “Well?” tanong ni GM

        Tumingin si Alex kay Edric.

        Nagkibit-balikat ang binata.

        “It’s your decision,” sabi nito.

        Muli siyang bumaling kay GM.

        “Can I think about it first?” hiling niya rito. “I’d like to consult my parents about this.”

        “Of course,” nakangiting tango ng kaharap. “Just let me know what your decision is before the end of the week para naman mai-report ko na agad sa kliyente natin ang magandang balita, kung sakali. On the other hand, if you refuse, kailangan din naming magsimula na ng nabanggit kong search.”

 

DAHIL kailangan pa ni Edric na magtrabaho, nag-taxi si Alexandra pauwi.

        Mabuti na lang at nasa bahay ang Daddy niya. Hindi pumasok dahil sinumpong ng matinding rayuma sa tuhod. Naikuwento tuloy niya agad sa mga magulang ang nangyari.

        “Magandang opportunity iyan, anak,” sabi ni Allana. “Grab it.”

        “Basta ba mapapangalagaan ka ni Edric, e,” sabi naman ni Greg. “Kunsabagay, maganda nga iyong magiging bahagi ka rin mismo ng conceptualization ng project. Sa simula’t simula pa lang, may say ka na sa kung anu-ano ang ipagagawa sa iyo.”

        Mas excited pa sina Bianca, Catlyn at Desiree nang magkita-kita sila nang hapong iyon.

        “Ay, sosyal ka,” sabi ni Catlyn. “Hindi ko akalaing super model pala ang kahihinatnan mo. Pero talaga namang may K ka, Alex. Tanggapin mo na. This could be the start of something big. Baka maging Cindy Crawford ka pa.”

        “Hindi naman ganoong klase ng pagmomodelo ito, ano?” natatawang sagot niya. “Spokesperson nga lang, e.”

        “Image model at spokesperson nga,” sabi ni Bianca. “Mas maganda pa iyon kaysa super model dahil hindi lang panay porma ang gagawin mo. Pero siyempre, malaking bahagi rin niyon ang pagiging beautiful mo. Very challenging ito, Alex. Huwag mo nang pakawalan.”

        “Nagtataka lang ako kung bakit parang hindi masyadong sold si Edric sa idea,” pagtatapat niya.

        “Bakit? Ano’ng sabi niya?” tanong ni Desiree.

        “Siya ang tanong nang tanong kay GM kanina, e,” pagkukuwento niya.

        At sinabi nga niya ang mga katwirang binitiwan ng binata.

        “Concerned siyempre sa iyo iyong tao,” sabi ni Desiree pagkatapos. “At valid naman ang mga points niya. Kaso, sabi mo nga, nasagot namang lahat ni Gm ang mga iyon. E di wala nang problema. Bakit ayaw pa rin ba ni Edric?”

        “Hindi naman sa ganoon,” sagot ni Alex. “Ang sabi nga niya, it’s my decision.”

        “Ganoon naman pala, e,” sabi ni Bianca.

        “Gusto ko pa ring itanong uli ang palagay niya,” sabi ni Alex. “Iyong hindi kaharap si GM. Baka kasi mayroon lang siyang hindi masabi kanina sa harap ng boss niya.”

 

PAGDATING nga ni Edric nang gabing iyon ay kinunsulta ito ni Alexandra.

        “Naisip ko lang namang over-qualified kang maging modelo lang,” sabi ng binata. “Baka ma-bore ka sa ganoong trabaho. At saka baka hindi mo magustuhan ang mga ipagagawa sa iyo.”

        “Kung pagmumodelo lang talaga, ayoko rin,” sagot niya. “Pero parang maganda naman ‘yung proposal ni GM – iyong pareho tayong kasama sa creative team na magbubuo ng project magmula pa lang sa conceptualization nito. Magandang training iyon para sa akin, hindi ba? At masisiguro pa nating walang ipagagawa sa akin na hindi aprubado muna natin. Ang gusto ko lang malaman ay kung mapagkakatiwalaan ba ang salita ni GM.”

        “Oo naman,” sabi ni Edric.

        “Nagulat ako sa kanya,” amin ni Alex. “Akala ko, matanda na ang boss mo, e. Iyon pala, mukha pang binata. At para ngang magaling talaga.”

        Hindi napansin ng dalaga ang biglang pag-iba ng ekspresyon ng mukha ng kausap.

        “Binata pa nga iyon,” matabang na sagot ni Edric. “At talagang magaling.”

        “Ilang taon na siya?” tanong ni Alex.

        “Twenty-eight pa lang,” parang napipilitang sagot ni Edric. “Nauna siya sa akin sa Fine Arts nang six years. Nagtabaho siya sa ibang ad agency nang tatlong taon. Pagkatapos, palibhasa may kaya, nagtayo na ng sarili niyang kompanya – ito ngang Millenium Advertising. Isinabay pa niya ang pagtuturo sa UP para raw in touch pa rin siya sa mga bagong sibol na artists. Graduating na ako noong maging professor ko siya. Kinontrata na agad niya ako para sa Millenium pagka-graduate ko.”

        “Ibang klase siya, ano?” hindi maikaila ang paghanga ng dalaga. “Kaya pala unconventional ang ad agency na iyon.”

        Tumayo na si Edric mula sa kinauupuan nilang garden set sa terasa.

        “So tatanggapin mo ang trabaho?” parang pagtatapos na nito sa usapan nila.

        Tumayo na rin si Alex.

        “Kung wala ka nang iba pang objections,” sagot niya. “At basta ba nandiyan ka lang palagi sa tabi ko.” 

        “Don’t worry, hindi naman talaga kita pababayaan,” sabi ni Edric. “And I’m sure, hindi ka rin pababayaan ni GM.”

        Matamlay ang pagkakahayag nito sa huling pangungusap. Muli, hindi iyon napansin ni Alex.

        Napagkasunduan nilang lagi nang sasabay si Alexandra kay Edric pagpasok sa opisina. Sa pag-uwi, depende na. Kung walang overtime o field word si Edric, puwede na rin silang magsabay. Kung mayroon, mauuna na lang si Alex.

        Hindi maintindihan ni Alexandra kung bakit kulang sa sigla ang paghihiwalay nilang magkaibigan nang gabing iyon. Excited pa naman siya.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya'y Mga Lumang Mga Post na link.)


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)