Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ALEXANDRA Chapter 4


FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

TUWANG-TUWA si GM nang makitang kasama uli siya ni Edric kinabukasan ng umaga.

        “I hope this means good news,” sabi nito. “Come in. Sit down.”

        “Iiwan ko na siya, GM,” sabi ni Edric.

        “No, please join us,” pigil ng presidente ng kompanya. “Kailangan ka rin sa usapang ito, Edric.”

        Nang makapuwesto na silang lahat, nagtanong nang diretso ang boss kay Alex.

        “O, nakapagdesisyon ka na ba?”

        “Gusto ko ang offer,” tango ng dalaga. “Kaya lang, may mga limitations ako. Nasa sa inyo kung tatanggapin pa rin ninyo ako despite that.”

        “What limitations?” kunot-noong tanong ni GM.

        “Hindi ko kayang magsuot ng swimsuit for publicity purposes,” sagot niya. “Or any outfit that’s too revealing.”

        Napangiti si GM.

        “Iyon lang ba?” sagot nito. “That’s fine with me. Like I said before, kinukuha kita hindi lang bilang pandekorasyon sa promotional campaign na ito. We need your total personality – beauty and brains. At lilitaw iyon kahit balot na balot ka pa. Besides, dahil magiging miyembro kayo ni Edric ng creative team, kasama kayo sa magdedesisyon sa kung ano ang appropriate sa bawat appearance mo, whether for print or TV ads or in person.”

        “Iyon nga ang pinakamalaking dahilan kung bakit tinatanggap ko ang offer, sir,” nakangiti na ring sabi ni Alex. “Malaking challenge at opportunity sa akin ang mapabilang sa creative team ng isang major promotional campaign na tulad nito.”

        “Please don’t call me sir,” iling ni GM. “Nakakailang sa akin iyan. Just GM. Everyone here calls me GM, pati ang maintenance personnel ng building.

        “Okay,” tango ni Alex.

        “Now I’m sure you’d like to know more about the job,” pagpapatuloy ng presidente. “You’ll be working for Millenium Advertising. Ibi-bill na lang natin ang kliyente para sa compensation package mo. Kasama na iyon sa ipe-present nating proposal sa kanila. Of course, you’ll be receiving something that’s appropriate for the totality of your work as image model, spokesperson, and member of the creative team. I was thinking of something in the vicinity of forty to fifty thousand a month. Of course, all related expenses shall also be shouldered by the client – your wardrobe, make-up and accessories, transportation, accommodations on overnight or out-of-town assignments, etcetera. Aside from all these, Millennium will be responsible for all the usual employee benefits such as health insurance and all the rest. Nini from the personnel department can fill you in on these. Edric here can assure you that we have one of the best incentives programs in the industry.”

        “Totoo iyon,” tango ni Edric. “Kaya ganadong magtrabaho ang mga tao rito.”

        “Nao-overwhelm na nga yata ako, e,” amin ni Alex. “I never expected something like this.”

        “Masuwerte nga kami at kami ang unang nakadiskubre sa iyo,” sabi ni GM. “I’m sure, after this exposure, you’ll be receiving a lot of other offers. I won’t be surprised kung ligawan ka nga ng mga TV networks. Puwedeng-puwede kang maging reporter-newscaster or program host.”

        “Naku, dito pa nga lang, ninenerbiyos na ako sa pinapasok ko,” sagot niya.

        “Wala kang dapat ikabahala,” sabi ng presidente. “Edric will always be here to guide you. Lahat kami rito, nagtutulungan. Cooperation and teamwork are our keywords. Hindi ka namin pababayaan.”

        Tumango si Alex.

        “Thank you,” sagot niya. “Iyan nga rin ang sabi sa akin ni Edric.”

        Binalingan ni GM si Edric.

        “Well, Edric, ngayong pumayag na si Alexanda, I’ll need to have her portfolio as soon as possible. Gusto kong maipakita na iyon sa kliyente kasabay ng pagbabalita ko sa kanilang we have found the right girl. So I guess kailangan na ninyong mag-photo shoot agad ngayong araw. Can you prioritize this?’

        “Libre na ako,” tango ni Edric. “Nakapag-wrap up na kami sa huli kong hinawakang project.”

        “Good,” sabi ng presidente.

        Bumaling itong muli kay Alex para magpaliwanag.

        “Familiar ka ba sa tinatawag na portfolio?” tanong muna nito.

        “Parang nabasa ko noon na compilation ito ng mga photos ng isang modelo,” sagot ni Alex.

        “Right,” tango ni GM. “And that’s what you need. Tatawagan ni Edric si Gerri – ang kakontrata nating stylist. You’ll need to talk to him over the phone para maibigay mo ang iyong measurements. Siya na ang dadaan sa mga kakontrata nating boutiques para kumuha ng isusuot mo. Siya na rin ang magsasama ng make-up artist na mag-aayos sa iyo. Nandiyan lang naman sa likod ang studio natin. I’m sure, Edric will be the perfect photographer for you dahil magkaibigan kayo. He can capture your various moods. Isang set pa lang naman ng photos ang kailangan natin for now. Kahit wala munang wardrobe changes.”

        “O-okay,” tango ng dalaga kahit nabibilisan siya sa takbo ng mga pangyayari.

        Hindi niya akalaing photo shoot na agad ang bubunuin niya sa unang araw pa lang niya sa pagtatrabaho.

        “Habang hinihintay ninyo si Gerri, Edric, pakisamahan na si Alexandra kay Nini para maiayos na rin ang papers niya,” dagdag ng presidente. “Then perhaps you can give her a general orientation on our agency and our client.”

        “Okay,” tango ni Edric.

        “Siyanga pala, how soon can the team get together for the initial brainstorming session?” tanong ni GM.

        “Libre na ako, GM, pero hindi ko alam kung may tinatapos pang mga assignment ang ibang members ng team,” sagot ng binata. “I’ll check with them and then I’ll let you know.”

        “Sige,” tango ng presidente. “I want this to start rolling as soon as possible. Kung kakaunti na lang naman ang may tinatapos pa, puwede na rin sigurong magsimula ang mga libre na. Kahit freewheeling session lang muna. Makapag-generate lang tayo ng initial ideas. Maganda kung makakapagsimula kayo bukas as soon as you finish the portfolio.”

        “Kung maaga kaming makakatapos ngayong hapon, puwede ko nang i-overtime ang developing,” sagot ni Edric. “Bukas ng umaga, maaayos ko na ang portfolio. I’ll have it ready for you by noon. Sa hapon, puwede nang mag-meet ang mga libreng team members.”

        “Very good,” tango uli ni GM. “By the way, since you’ll be working together, doon mo na i-accommodate si Alexandra sa work area mo. I suppose may lugar pa roon? Marami kayong mesa, hindi ba?” sabi ni GM.

        Tumango rin si Edric.

        “No problem,” sagot nito.

        Tumayo na si GM. Sumunod sina Alex at Edric.

        “Okay, welcome to the company, Alexandra,” sabi ni GM na inilalahad ang kamay sa pinakabagong empleyada.

        “Thank you,” sabi niyang nakikipagkamay. “I’ll do my best.”

  

HAPON na raw makakarating ang stylist na si Gerri. May nauna itong appointment para sa umagang iyon.

        Inasikaso na lang muna ni Alex ang mga papeles niya sa personnel department. Ipinakilala rin siya ni Edric sa ibang mga empleyado bago siya dinala sa audio-visual room kung saan naroon ang magiging mesa niya – katabi lang ng mesa nito.

        Apat silang magiging magkakasama sa kuwartong iyon. Parehong artist-photographer ang dalawa pa. Parehong lalaki. Nasa field nga lang daw kaya wala roon.

        Pagkaupo ni Alex ay may inilapag agad si Edric na dalawang folder sa harap niya – isang manipis at isang makapal.

        “Ito ang prospectus ng Millenium Advertising,” sabi nitong itinuturo ang manipis na folder. “Itong isa naman ang materials tungkol sa New Haven Philippines,” pagpapatuloy nitong itinuturo naman ang isa pa.

        At sinimulan na nitong bigyan siya ng oryentasyon tungkol sa agency at sa kanilang kliyente.

        Pagdating ng alas-dose, sabay-sabay na nananghaliian ang buong grupo ng taga-Millenium sa cafeteria sa penthouse ng gusali. Kasama nila pati si GM. Kanya-kanyang bayad.

        Alas-tres na ng hapon dumating si Gerri, kasama ang make-up artist na si Charlotte. Na-traffic daw ang mga ito mula sa Makati at dumaan pa muna sa Sari-Sari sa Megamall para kumuha ng isusuot niya sa shoot.

        Pinaupo agad ni Charlotte si Alex sa harap ng malaking salamin sa dressing room. Karugtong lang iyon ng studio na katabi naman ng audio-visual room.

        “Kailangan pa ba siyang dagdagan ng make-up, Gerri?” tanong ni Edric sa stylist. “She’s beautiful as she is. Mas bagay sa kanya ang natural, hindi ba? Iyon ang gusto kong i-capture sa photos niya.”

        “Don’t worry,” sagot ng gay stylist. “Ie-enhance lang ni Charlotte ang features niya.”

        Umabot din ng isang oras ang pag-aayos at pagbibihis ni Alex. Pagkatapos ay nagulat siya sa resulta. Mas mukha pa siyang walang make-up kaysa kanina. Pero totoo ngang lalong tumingkad ang kanyang natural na ganda.

        Pati ang buhok niya ay hindi naman mukhang inayos. Para lang niya itong sinuklay ng mga daliri. Pero napaka-sexy ng effect.

        Ang ipinasuot naman sa kanya ay simpleng bestidang itim, kuwadrado ang neckline, sleeveless, sumusunod sa hubog ng kanyang katawan ang diretsong tabas, at hanggang kalagitnaan ng hita ang ikli. Tinernuhan iyon ng sandalyas na  may pagkaninipis na strap at tatlong pulgadang taas ng napakanipis ring stilleto heels.

        Nang makita ang kanyang sarili sa full-length na salamin, nag-iba ang pakiramdam ni Alexandra.

        “Ako nga ba ito?” tanong niya sa kanyang sarili.

        Parang nakikita niya ang kanyang sarili sa mga mata ni Edric. At bigla ay naging napaka-sexy rin ng kanyang pakiramdam. Naging mas seductive ang kanyang ngiti. Nagkaroon ng kakaibang sensuousness ang kanyang kilos. Umayon sa hitsura ng babae sa salamin.

        “Ready for take?” tawag ni Edric mula sa kabilang bahagi ng studio.

        Kanina pa ito naroon at nag-aayos ng mga ilaw at lente ng kamera. Hindi pa siya nakikita matapos siyang maayusan at mabihisan.

        “Coming,” sagot ni Gerri.

        Nakasilip si Edric sa lente ng kamera nang lumapit sila rito.

        “She’s here, Edric,” sabi ni Gerri.

        Hindi na lumingon ang potograpo. Nagmuwestra na lang ito ng kamay. Itinuro ang harap ng puting telon kung saan nakatutok ang kamera.

        “Position, please,” sabi ng binata. “Basta tumayo ka lang sa gitna, Alex. Just relax and follow my instructions.”

        Naglakad ang dalaga patungo sa puwestong itinuro ni Edric.

        May maindak na jazz music na tumutugtog sa background. Hindi niya sinasadya pero kusa ring umayon sa musika ang kilos ng kanyang katawan – mula sa paghakbang ng kanyang mga paa hanggang sa paggalaw ng kanyang balakang, mga braso’t balikat. Pati ang ulo niya’y taas-noong nagpapabiling-biling nang ayon sa tugtog.

        Narating niya ang kalagitnaan ng set. Tumigil siya sa paglakad at humarap sa kamera. Pero tuloy pa rin ang kanyang pag-indak. Sinabayan pa niya iyon ng seductive na ngiti.

        Hindi agad nakapagsalitang muli si Edric. Ni hindi nagawang umalis sa pagkakasilip sa lente ng kamera.

        Para itong naengkanto.

        “I’m ready,” sabi ni Alex pagkaraan ng ilang kayhahabang sandali.

        Saka lang parang naalimpungatan ang binatang potograpo.       

        Ngingiti-ngiti naman sa may likuran nito sina Gerri at Charlotte. Tuwang-tuwa ang dalawa sa resulta ng ginawang styling.

        “Okay,” sabi ni Edric matapos humugot ng malalim na buntonghininga. “You’re doing great. Don’t stop moving. Just go with the flow.”

        Pagkarinig sa mga salitang iyon ay lalo pang bumigay si Alex sa kaindak-indak na tugtugin.

        Sunud-sunod ang pag-klik ng kamera ni Edric.

        Maya-maya’y tinanggal na nito ang kamera sa tripod. Hawak ang kamerang lumapit ito sa dalaga. Kinunan siya sa iba’t ibang anggulo. Sa harap. Sa kaliwa. Sa kanan. May close-up. May medium shot. May full shot.

        Tuluy-tuloy rin ang pagsasalita ni Edric.

        “That’s it. Feel the music. Close your eyes. Good. Now look at the back of the room. Iyong parang may kakilala ka roon na nginingitian. Now, may nami-miss ka. Malungkot. Wistful. That’s good. That’s very good. Then give me a half-smile. May naaalala kang something sweet...”

        Hindi nahirapan si Alex na sumunod sa mga instruksiyon ni Edric. Siguro’y dahil si Edric ang nagsasalita. At lahat ng ipinagagawa nito’y malapit sa kanyang karanasan.

        “...now look at the camera,” pagpapatuloy ng binata.

        Sumunod pa rin si Alex. Pero mismong si Edric ang kanyang tinitingnan at hindi simpleng kamera lamang. Alam na alam niyang nakatitig din sa kanya ang binata mula sa kabila ng lente.

        Nakalimutan na ng dalaga na may iba pang tao sa studio. Nawala na sa isip niya sina Gerri at Charlotte.

        Ang alam na lang niya ay nakikipagtitigan siya kay Edric. Nakatulong din na may nakapagitan sa kanilang kamera. Mas nawalan siya ng inhibisyon.

        Sumeryoso muna ang kanyang mukha bago siya humarap sa kamera. Pormal. Pensive. Pagkatapos, unti-unting ngumiti si Alexandra – mapang-akit. Nangusap ang kanyang mga mata. Lahat ng kanyang mga pinakatagu-tagong damdamin ay natambad sa kanyang mukha.

        Ang kaso’y hindi alam ni Edric na totoo na pala ang nakikita nito mula sa kabila ng lente. Buong akala ng binata ay may likas na talino lang si Alex sa pagmumodelo na ngayon lang lumabas.

        Gayunpama’y napalunok si Edric sa namalas. Napaka-seductive ni Alex. At lalo pa siyang naging kapana-panabik dahil alam ng binata na sa katotohana’y inosenteng-inosente pa siya.

        Panay-panay lang ang pagpindot ni Edric sa kamera. Hanggang sa naubos na ang film at kusa na itong tumigil.

        Muling naalimpungatan ang potograpo.

        Ibinaba nito ang kamera, sabay talikod.

        “That’s it,” sabi nito habang lumalakad nang palayo. “Puwede ka nang magbihis. Itutuloy ko lang ito sa darkroom.”

 

NAGBIHIS si Alex sa dati niyang kasuotan. Nang nakaalis na sina Charlotte at Gerri, naiwan siyang nakaupo sa audio visual room. Hinihintay si Edric na nasa karatig na darkroom pa rin.

        Ngayong nasa ordinaryong sitwasyon na uli siya’y parang saka lang naisip ng dalaga na naging masyado naman yata siyang daring kanina. Hindi niya alam kung paano tinanggap iyon ni Edric. Basta tumalikod na lang kasi ito.        Hindi rin tuloy niya alam kung paano siya ngayon haharap sa kababata. Mapapanindigan ba niya ang ginawa niyang iyon?

        Bahala na. Palalabasin na lang niya na nadala siya ng musika at ng pag-iilusyon na maging isang tunay na modelo.

        Maya-maya lang ay pumasok na ng kuwarto si Edric.

        Patay-malisyang ngumiti agad si Alex.

        “Puwede na ba akong model?” tanong niya.

        Kahit ninenerbiyos nang todo, sabik din siyang marinig ang reaksiyon nito sa nangyari.

        “That’s an understatement,” sagot ng binata. “Para ka ngang pro, e.”

        Napaka-businesslike na sagot. Hindi iyon ang gusto niyang marinig. At ni wala siyang mabasa sa blangkong ekspresyon sa mukha ni Edric.

        “I got carried away,” paliwanag niya. “Maganda kasi ang music. At saka totoong-totoo ang set. Talagang studio. Isa pa, ikaw ang photographer. Kung iba iyon, hindi naman ako magiging ganoon ka-spontaneous.”

        Nagkibit-balikat lang si Edric.

        Hindi malaman ni Alex kung sadyang umiiwas ito sa usapan o talagang wala lang itong personal na interes sa naganap.

        Pero imposible naman yata iyon. Kailan pa nawalan si Edric ng personal na interes sa kanya?

        Hindi kaya masyado lang itong naku-conscious?

        Iniba ni Alex ang direksiyon ng usapan.

“Mag-o-overtime ka nga pala. Hihintayin na kita.”

        “Huwag,” mabilis na sagot ni Edric. “Ihahatid na muna kita pauwi. Gagabihin ako rito, e.”

        “Puwede naman akong maghintay,” sabi ng dalaga. “Panonoorin kita sa ginagawa mo. O kung ayaw mong maistorbo, mauuna na lang ako uuwi.”

        “Ihahatid na kita,” ulit ni Edric. “Aabutin ka ng dilim sa daan kapag ganitong rush hour. Mabuti kung tanghaling tapat.”

        “Di magpapabalik-balik ka pa,” sabi niya.

        “Gusto ko rin namang umuwi para makapagpahinga nang sandali,” katwiran ng binata. “Mamaya na ako babalik dito para magtrabaho. Kung minsan, inaabot ako ng hatinggabi o madaling-araw sa overtime, e. Mas maganda ang labas ng trabaho kung nakaidlip muna ako sa bahay nang kahit sandali.”

        Hindi na nakatanggi si Alex.

        Hindi niya alam kung nagdadahilan lang si Edric. Kung ayaw lang nitong mapag-isa sila sa opisina hanggang gabi.

        Pero nakakatuwa pa ring isipin na ayaw siya nitong payagang umuwi nang mag-isa.

        Mas natuwa pa sana si Alexandra kung nalaman lang niya na talagang minadali ni Edric ang pag-develop sa kanyang mga litrato pagbalik nito sa opisina nang gabing iyon. Na kaytagal na tinitigan ng binata ang mga naka-blow-up niyang litrato. Na nag-uwi ito ng kopya ng bawat kuha niya – pandagdag sa daan-daan na nitong koleksiyon ng mga litrato niya magmula noong sila’y mga bata pa.


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya'y Mga Lumang Mga Post na link.)


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)