Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ALEXANDRA Chapter 5


FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

“PANAY magaganda ang mga kuha mo,” pagbabalita ni Edric kay  Alexandra kinabukasan habang patungo sila sa opisina. “Apat lang ang ni-reject ko. Ang kapal tuloy ng kalalabasan ng portfolio mo.”

        “G-ganoon ba?” medyo nahihiyang sagot niya.

        “Next time, pag may iba ka nang mga kuha, babawasan natin itong set na ito. Ititira ko na lang iyong pinakamagaganda para maging varied ang selection mo,” paliwanag pa ng binata.

        Tumango siya.

        Kampante naman siyang ipaubaya ang lahat kay Edric. Bukod sa alam niyang mahusay ito sa ganoong linya ng trabaho, sigurado rin siyang gagawin nito ang lahat para mapabuti siya.

        Pagdating nila sa audio visual room, naroon na ang dalawang artist-photographer na hindi pa naipakikilala kay Alex.

        Tumayo agad ang dalawa pagpasok nila.

        “Hi!” sabi ng isa.

        “Good morning!” sabi naman ng pangalawa.

        Ngumiti si Alexandra.

        “Hello! Good morning!” sagot din niya.

        “Alex, sila ang ikinuwento ko sa iyo  kahapon,” pagpapakilala ni Edric. “Si Simon at si Gomer. Guys, makakasama natin dito si Alex. Kabilang siya sa creative team para sa New Haven. Siya rin ang image model at spokesperson ng campaign.”

        “Ibinalita nga agad sa akin pagpasok ko kanina ang tungkol sa iyo, Alex,” sabi ni Simon. “Excited ako noong sabihin nilang dito ka ipinuwesto sa AV room, kasama namin. May inspirasyon na kami ngayon.”

        “Naku, ha?” natatawang sagot lang ng dalaga.

        “Welcome sa Millenium,” sabi naman ni Gomer. “Sana magustuhan mo rito.”

        “Palagay ko naman,” sagot niya. “Ang babait pala ng mga tao rito, e.”

        Naikuwento na nga ni Edric sa kanya sina Simon at Gomer.

        Mas bata si Simon kay Edric pero matanda naman sa kanya ng isang taon. Pagka-graduate nito sa Fine Arts ay kinuha rin agad ito ng Millenium.

        Mas may edad naman si Gomer – kuwarenta’y singko na raw ito. High school graduate pero napahusay ang sarili sa pamamagitan ng malawak na karanasan sa pagiging newspaper at magazine photographer at artist-photographer sa iba’t ibang ad agency. Nakasama ito ni GM sa dating pinasukang agency at isinama pa rin nang magtayo ng sariling kompanya. Ang problema lang daw dito ay walang sariling estilo at laging kailangan ng superbisyon kaya hindi nailagay sa puwesto na art director. Mas gusto pa raw nitong sumunod sa mga instruksiyon kaysa humawak ng mas malaking responsibilidad.

        “Nakita namin ang mga shots sa darkroom,” sabi ni Simon. “Fantastic. Sayang, wala kami kahapon. Nag-shoot pala kayo.”

        “Ipina-rush ni GM iyon,” paliwanag ni Edric. “Aayusin ko pa nga ang portfolio ni Alex ngayong umaga.”

        “Kami naman, aalis muna,” paalam ni Gomer. “Hindi pa tapos ang field work namin.”

        “See you later na lang, Alex,” paalam din ni Simon.

        “Sige, ingat kayo,” sagot niya.

        Naiwan uli sila ni Edric.

        “Sandali, ilalabas ko ang mga litrato mo,” sabi ng binata.

        Hindi agad nakakibo si Alexandra nang makita niya ang mga iyon. Napakaganda kasi ng babaing nasa litrato. Mukhang inosente na mukhang seductive. May kumpiyansa sa sarili. Walang pinangingimian. Malaya. Maligaya.

        “Paano ninyo napalabas ito nang ganito?” sabi niya pagkaraka. “Ibang-iba ako rito, a. Ang galing mo naman, Edric. Pati na sina Gerri at Charlotte.”

        “Hindi ko niretoke iyan,” sagot ni Edric. “Taga-pindot lang ako ng kamera. Tagapili lang ng damit mo’t hairstyle si Gerry. Tagaayos lang si Charlotte. Ikaw pa rin ang pangunahin diyan.”

        “Kamuntik ko nang hindi makilala ang sarili ko,” sabi niya. “Parang hindi ako.”

        “Pero hindi naman nagbago ang hitsura mo riyan,” pansin ni Edric. “Nagkaroon ka lang ng ibang aura. Ibang attitude.”

        “Dapat, laging ikaw ang photographer,” sagot niya. “Kung hindi rin lang ikaw, hindi ko kayang gawin ito.”

        Hindi kumibo si Edric.

  

INALAM ng binata kung dumating na si GM. Nang makumpirma iyon, sabay nilang dinala sa boss ang portfolio.

        “Beautiful!” paulit-ulit na bigkas ng presidente sa pagtunghay nito sa bawat pahina ng malaking album.

        “Congratulations!” sabi nito nang isara ang portfolio. “We’ve discovered a star.”

        “Magaling kasi sina Gerri, Charlotte and most of all, si Edric,” sagot ni Alex. “Ire-request ko nga sana na kung puwede lang naman, siya na palagi ang photographer ko. Otherwise, baka hindi ako maging ganyan ka-spontaneous at relaxed.”

        “I agree,” tango ni GM. “Iba siyempre ang interaction ng model at photographer kung magkakilala nang mabuti. May mutual trust. It shows in the resulting photographs. Tulad nito. Kaya don’t worry, Alex. I’ll make sure na laging si Edric ang photographer mo. Only the best for you.”

        Ngumiti si Alex kay Edric.

        Bahagya lang ang ngiting itinugon ng binata.

        “May appointment nga pala ako with the New Haven group at three p.m.” pagpapatuloy ni GM. “Gusto kong kasama ka na roon, Alex. So I can introduce you to them kasabay ng pag-present ng portfolio mong ito. That way, they can see for themselves that you’re not merely photogenic. Gusto kong makilala ka nila in person para malaman nila kung bakit ikaw ang napili namin. Let them have a glimpse of your beauty and brains. Let them know that you’re a very special lady, indeed.”

        “O-okay,” tango ni Alex.

        Nako-conscious na siya sa mga papuri ng boss nila.

        “Kasama ka rin sa meeting, Edric,” dagdag ng presidente.

        “One o’clock ang simula ng brainstorming session ng team,” sabi naman ni Eldric. “Ihahabol ko ba sa meeting sa New Haven ang mga initial ideas na mailalabas doon?”

        “Huwag na muna,” iling ni GM. “Let’s just present Alexandra as our main focus. Then let’s listen to their reactions and their ideas. Iyon ang gagawin nating basis sa pag-streamline ng ating gagawing proposal. Pero ituloy pa rin ninyo ang brainstorming. I-reserve lang natin ang mga ideas na madi-generate ninyo roon.”

        Iniabot nito kay Edric ang portfolio ni Alex.

        “You take charge of this for now,” sabi ng presidente. “Ikaw na ang magdala nito sa meeting.”

 

PAGKAPANANGHALIAN nga’y nagpulong na ang creative team. Anim silang naroon. Dalawa ang kulang – si Simon at si Ella na isang copywriter. May mga tinatapos pang ibang assignment ang mga ito.

        Magkakaiba ang linya ng mga miyembro ng grupo. Sina Edric at Simon ang kumakatawan sa art and photography. Tatlo ang manunulat – sina Ella, Meggy at Jing. Isa ang mga taga-public relations, si Louella. Isa ang tagapamahala ng budget at procurement, si Henry.

        Naipakilala na kay Alex noong nagdaang araw ang mga naroon. Nakakabatian na niya ang mga ito. Kumportable na siya sa grupo.

        Bilang team leader, si Edric ang namahala sa pulong.

        “May kopya tayong lahat ng papers ng New Haven Philippines,” panimula ng binata. “Naroon ang outline ng lahat ng projects nila sa bansa. I suppose may mga ideas na kayo para sa bubuuin nating campaign. As of now, dahil wala pa ang guidelines na mula mismo sa New Haven, the floor is open to all kinds of ideas, no matter how daring or conservative. Saka na tayo pipili ng naaangkop sa ideya rin ng kliyente.”

        Nabanggit na ni Edric kay Alex na ganoon ang estilo sa Millenium. Nagbabatuhan muna ng mga ideya. Tinatanggap ang lahat – isinasama sa diskusyon. Pagkatapos, lilinangin na lamang kung alin ang pinakaangkop sa produkto. Doon naman lalong nahahasa ang kanilang galing.

        “Kung full blast ang kanilang budget, mag-multi-media tayo,” mungkahi ng budget and procurement official na si Henry. “TV and print ads, feature articles sa glossy magazine, the works.”

        “Sa palagay ko nga ay ganoon ang plano nila,” tango ni Edric. “I suppose malaki ang budget na nakalaan dito.”

        “Ang tanong ay kung anong tipo ng ads,” sabi ng copywriter na si Jing. “Five star facility ito kaya kailangang bongga talaga. At kakaiba ito sa karaniwang resort hotel dahil spa – may health and beauty angle.”

        “Pre-launching ba ang campaign?” tanong ng PR officer na si Louella. “Paano tayong makakapag-photo shoot kung under construction pa ang mga hotel?”

        “Pwedeng mag-focus muna tayo sa nature,” sagot ng copywriter ding si Meggy. “I’m sure, kahit na under construction ang site, untouched pa rin naman ang dagat. At kung may katabi silang bundok, puwede rin tayo roon. Later na lang iyong shots ng mismong facilities kapag yari na.”

        “Oo nga,” sang-ayon ni Alexandra. “Maganda nga siguro kung ma-highlight natin ang natural na ganda ng lugar. That way, maipo-promote natin hindi lang ang New Haven kundi ang ganda mismo ng Pilipinas.”

        “Puwede tayong gumawa ng spots na a la Travel Time – iyong mahusay na documentary program sa TV,” sabi ni Edric. “Short and snappy nga lang ang gagawin natin.”

        “Intelligent and interesting,” tango ni Louie. “Malakas ang appeal niyan sa executives.”

        “Samahan na rin natin ng ganoong tipo ng informative spots na naka-focus naman sa health and beauty advantages ng isang spa, lalo pa’t nasa natural na setting,” mungkahi ni Jing. “Mga career women at wealthy housewives naman ang target niyon.”

        “Tamang-tama, bagay na bagay i-echo ang mga iyan sa feature articles at brochures,” tango ni Meggy. “These days pa naman, in na in ang back to nature at health tripping. Kasadung-kasado ang services ng New Haven tulad ng meditation, yoga, tai-chi, massage and aromatherapy, iba’t ibang aerobics at strength training regimes, hiking at natural beauty treatments. Siyempre, nandiyan din ang kumpleto nilang sports facilities at business conference facilities. So, sakop lahat. Pang-business at pampamilya na, pang-sports pa.”

        Tawanan ang grupo.

        “Ginawa mo namang rubbing alcohol,” iling ni Henry. “Class na class na sana ang dating sa akin, e. Koloka ka talaga, Meg.”

        Bago natapos ang pulong ay marami na ngang lumitaw na mga ideya. At kung si Alex lang ang tatanungin, lahat ng mga iyon ay puwedeng magamit.

        Tuwang-tuwa siya’t hindi naman pala nalalayo sa takbo ng isip niya ang mga ideya ng mga kasamahan sa trabaho. Kung ang mga mungkahing iyon ang matutuloy sa kampanya, hindi siya mangingiming panindigan ang pagiging image model at spokesperson ng New Haven. Ipagmamalaki pa niya iyon.

 

ALAS-DOS ng hapon, kasabay na nina Alex at Edric si GM sa paglabas ng opisina para makipagkita sa mga taga-New Haven sa tanggapan ng mga ito sa Makati.

        Nasa basement parking area na sila nang biglang tumigil si Edric.

        “Oh no, naiwan ko ang portfolio,” bulalas nito. “Babalikan ko muna. Isabay mo na kaya si Alex, GM. Susunod na lang ako.”

        “Okay,” sagot agad ng presidente.

        Naiilang sana ang dalaga na sumabay sa boss nila pero wala na siyang magawa.

        “Come on,” sabi ng presidente ng Millenium Advertising.

        Sumunod siya sa maliliksing hakbang nito.

        Napatunayan naman ni Alexandra sa maikling biyaheng iyon na magaan palang kasama at kausap si GM. Na wala siyang dapat na ikailang dito.

        Sa simula pa lang ay nagkuwento na ito ng tungkol kay Edric.

        “Bilib ako riyan sa kaibigan mo,” sabi nito. “Kahit noong estudyante ko pa lang siya, na-impress na ako sa trabaho niya at attitude. Seryoso. Masipag. Responsable. Kaya nga ni-recruit ko agad, e. Hindi ko na pinakawalan. At hindi naman ako nagkamali. He continually proves himself worthy of my trust. Kaya nga ipinangako ko sa kanya, basta’t huwag lang siyang mag-iiba, he’ll surely grow with the company.”

        “Talaga namang ganyan na si Edric kahit noong maliliit pa kami,” natutuwang sang-ayon ni Alex. “Siya nga ang rumerenda sa akin, e. Tagapayo. Tagaakay. Tagapagtanggol na rin. Maaga siyang nag-mature sa pag-iisip.”

        “Magkababata pala kayo,” sabi ni GM.

        “Magkapitbahay kasi kami, e,” paliwanag ng dalaga. “Magkabila ng isang duplex ang tinitirhan ng mga pamilya namin.”

        “That explains it,” tango ng boss. “I’m glad to also have you aboard the company, Alexandra. You and Edric make a great team.”

        “Thanks, GM,” sagot niya.

        Kumportable na rin siya sa boss niya nang pumanhik sila sa opisina ng New Haven Philippines. Kahit wala pa si Edric ay hindi na kabado si Alex.

 

PANSAMANTALA lang na umuupa ng office space sa gusaling iyon Makati ang New Haven Philippines. Kapag natapos na ang hotel spa na itinatayo ng kompanya sa gitna ng business district na iyon ay doon na rin ililipat ang mga opisina nito.

        Dahil kinailangan munang magpakilala sina Alexandra at GM sa reception desk sa lobby ng gusali bago sila pinayagang pumanhik, naipaalam na rin sa mga taga-New Haven ang pagdating nila. Sinalubong na agad sila ng mga senior executives ng kompanya sa may pinto pa lang ng opisina.

        “Good afternoon, GM,” nakangiting pagbati ng isang lalakig mga singkuwenta anyos na sa tantiya ni Alex.

        “Good afternoon, Mr. Gotiangko,” sagot ni GM habang nakikipagkamay dito.

        Pagkatapos, bumaling agad kay Alex ang boss niya.

        “Alex, I’d like you to meet Mr. Ramon Gotiangko, Philippine franchise holder of New Haven Philippines,” sabi nito. “Mr. Gotiangko, may I present Miss Alexandra Noblejas.”

        Tulad ng hinihiling ng kagandahang-asal, unang naglahad ng palad si Alex, nakangiti.

        “Pleased to meet you, sir,” sabi niya.

        “The pleasure is mine, Miss Noblejas,” sagot ng matandang mabilis na nakipagkamay sa kanya.

        “Allow me to introduce some of our executives,” pagpapatuloy ni Ramon Gotiangko nang bitiwan ang kamay niya. “Dwight Jaro here is our vice president for public relations and Jimmy Suarez is our vice president for operations.”

        Isa-isa ring kinamayan ni Alex ang dalawang lalaki.

        Tantiya niya kay Jimmy Suarez ay mga kuwarenta na ang edad. Pero si Dwight Jaro ay mukhang kaedad lang ni GM.

        At napakalagkit ng pagtitig nito sa kanya habang mahigpit siyang kinakamayan.

        “A, heto na pala si Edric,” sabi ni GM nang bumukas na muli ang pinto sa may likuran nila. “Gentlemen, I’d like to present our art director, Edric Gonzalo.”


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya'y Mga Lumang Mga Post na link.)


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)