FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
MATAPOS
makipagkilanlanan kay Edric ang mga taga-New Haven ay inanyayahan na sila ng
mga ito sa conference room.
Mabilis na nakalapit si Dwight Jaro sa
tabi ni Alexandra. At dumikit na ito nang husto sa kanya sa kanilang paglalakad.
“Hindi yata kita nakita the last time we
were at the Millenium Advertising office,” sabi nito. “Kahit hindi naman
naipakilala sa amin ang lahat ng empleyado roon, I’m sure na kung naroon ka I
would have spotted you. And I would never forget such a beautiful face.”
Namula ang dalaga.
“Kapapasok ko lang kasi sa agency,”
sagot niya. “In fact, this is my first assignment.”
“Masuwerte pala kami,” sabi ni Dwight.
Pasimpleng lumingon si Alex, hinahanap
si Edric. Nakita niyang nasa pinakahulihan ito ng grupo. Nag-iisa. Nangunguna
kasi sa harap si GM, kausap nina Ramon Gotiangko at Jimmy Suarez.
Hindi kumportable si Alex na hindi si
Edric ang katabi niya. Pero parang balewala naman sa binata. Ni hindi nga ito
nakatingin sa kanya. Abala itong nagmamasid sa paligid.
Isang pribadong conference room ang
pinuntahan nila. Maliit lang. Pangwalo katao lang ang bilugang conference table
na naroon.
Naupo nang magkaharap sina GM at Ramon
Gotiangko. Tumabi naman si Jimmy Suarez sa kaliwa ni Ramon Gotiangko.
Agad na hinila ni Dwight ang silyang
nasa kanan ng kinauupuan ni GM. Iminuwestra roon si Alex.
“Thank you,” sabi niya bago umupo.
Pumuwesto agad si Dwight sa katabi
niyang bakanteng silya na katabi rin naman ng kinauupuan ni Jimmy Suarez.
Wala nang ibang pagpipilian si Edric
kundi ang maupo sa kaliwa ni GM, katabi ng dalawang bakanteng silya. Lihis sa
sento ng pag-uusap.
Gustong mainis ni Alex kay Dwight Jaro.
Pero mukhang hindi naman napapansin ni Edric ang ginagawa nitong pambabakod sa
kanya.
Naisip na lang
ni Alex, at least magkaharap sila ng pwesto ni Edric.
“Gentlemen, I have good news,”
pagsisimula ni GM sa pulong.
At inihayag na nito ang magiging papel
ni Alexandra sa publicity campaign ng New Haven Philippines. Inisa-isa pati
nito ang kanyang mga qualifications kasabay ng pag-aabot ng kopya ng kanyang
resume kay Ramon Gotiangko. Sinenyasan din nito si Edric na ibigay na ang
portfolio ng dalaga.
Nakatingin sina Dwight at Jimmy Suarez
nang maingat na pasadahan ni Ramon Gotiangko ang resume at portfolio.
Namilog ang mga mata ni Jimmy Suarez at
napaawang ang bibig ni Dwight sa mga litrato ng dalaga. Tanging si Ramon
Gotiangko ang nanatiling kalmadong nakangiti lamang.
“I’m impressed,” tango ng may-ari ng New
Haven pagkatapos. “But I’m not surprised. Ang totoo niyan, this was exactly the
same idea that popped into my head seeing Miss Noblejas here. Ihahain ko nga
sana ang suggestion during the meeting. That just proves that you have, indeed,
chosen well.”
“Thank you, sir,” sabi ni Alex. “And
please just call me Alexandra.”
“Alexandra,” ulit ni Ramon Gotiangko.
“Even your name suits you perfectly – regal and elegant.”
“May we then include Alexandra’s
participation in the campaign proposal we will be submitting by next week?”
tanong ni GM.
“Of course,” sagot ni Ramon Gotiangko.
“Then we can proceed to your
expectations from this campaign,” sabi ni GM. “May we have your views, sir?”
Naglahad naman ng kanyang mga ideya si
Ramon Gotiangko. Tulad ng inaasahan na nina Alex, malawak at pangmatagalan ang
gusto nitong publisidad na nakatutok sa pinakamayamang sektor ng lipunan. Iyon
naman kasi talaga ang pinupuntiryang maging kliyente ng five-star spa hotel
chain.
Panay ang sulyap ni Alex kay Edric dahil
gusto sana niyang ipaabot dito ang kanyang kasiyahan. Paano’y angkop na angkop
ang mga sinasabi ni Ramon Gotiangko sa mga pinag-usapan kanina ng creative
team. Kaso’y hindi man lang nagagawi sa kanya ang paningin ng kababata.
Nakatutok lang ang atensiyon nito sa matandang nagsasalita.
“I really believe that Alexandra here
can greatly enhance our image by providing a beautiful and intelligent
personification of New Haven,” pagtatapos ni Ramon Gotiangko.
“We’ll do our best to create a complete
campaign tailored according to your specific expectations, Mr. Gotiangko,” sabi
ni GM. “It will be ready for your preliminary evaluation by next week. That
includes the budget.”
“I don’t mind putting a high ceiling on
the publicity budget as long as it’s worth it,” sagot ni Ramon Gotiangko. “So
don’t scrimp on this. Show me the best you can do.”
“We will, sir,” maliksing tango ni GM.
“All major decisions will have to have
my approval, of course,” pagpapatuloy ng matanda. “But for coordination
purposes, you may contact Jimmy on matters pertaining to operations and Dwight
on matters pertaining to public relations.”
“Yes, sir,” tango uli ni GM.
Ngumiti si Dwight kay Alexandra.
“Tututukan ko ang campaign na ito,” sabi
ng lalaki. “Hands on.”
Pumormal ang mukha ng dalaga. Hindi niya
nagustuhan ang kanyang narinig. Pakiramdam niya ay may pahaging iyon na kabastusan.
Agad din namang nakahalata si Dwight sa
kanyang pagkainis at parang napahiya ito. Umilap ang mga mata at humugot ng
panyong ipinunas sa biglang nagpawis na mukha.
Nang matapos ang meeting, inihatid ng
tatlong taga-New Haven ang mga taga-Millenium hanggang sa pinto ng opisina.
Muli, naulit ang mga pagkakamayan.
Mahigpit pa rin ang paghawak ni Dwight
sa kamay ni Alex.
“We’re honored to have you as our image
model and spokesperson, Alexandra,” sabi nito. “You have my utmost respect and
admiration.”
Halatang-halatang nagpapalapad ito ng
papel at bumabawi sa nabitiwang kagaspangan kanina.
“Thank you,” napipilitang sagot ni
Alexandra kasabay ng isang matipid na ngiti.
Sumulyap na naman siya kay Edric pero
nakikipagkamay naman ang binata kay Jimmy Suarez. Hindi pa rin siya nito
napapansin.
“HINDI na ninyo
kailangang bumalik pa sa opisina,” sabi ni GM nang nasa elevator na sila at
pababa ng gusali. “Just go on home. Past four na rin naman.”
“Okay,” tango ni Edric.
“Thank you, GM,” sabi naman ni Alex.
Naghiwalay sila sa katabing parking lot.
Kay Edric na nakisakay si Alex.
Pero may tampo na siya sa kababata.
Pakiramdam kasi niya’y inignora siya nito kanina, kung kailan pa naman
gustung-gusto niyang makipagtalastasan kahit sa pamamagitan lang ng
makakahulugang tingin.
Dati naman nilang gawain iyon, noon pa.
Kaya nga nagkakaintindihan sila kahit hindi nag-uusap sa gitna ng gaano man
kagulong sitwasyon. Parang may sarili na silang koda. Pero bakit ba kanina ay
hindi man lang sumulyap sa kanya si Edric?
Hindi tuloy siya nagsalita sa kotse.
Bahagya pang nanulis ang kanyang nguso sa pagmamaktol.
Hinihintay niyang batiin ni Edric ang
kanyang pagsisintir, tulad ng dati nitong gawi. Tatanungin siya. Aamuin.
Pero nanatili rin itong walang kibo.
Nagbukas ng radyo. Inilagay sa istasyong masaya ang tugtog. Hindi bagay sa mood
niya.
Pinatay nga niya ang radyo.
“O, bakit?” sa wakas ay nagtanong na rin
ang binata.
Pero napaka-casual pa rin ng tono nito.
Parang hindi totoong concerned.
“Wala,” padaskol na sagot niya.
“Ngayon ka pa susumpungin kung kailan
aprubado na ng big boss ng New Haven ang puwesto mo,” sabi ni Edric. “Bilib nga
sa iyo si Mr. Gotiangko. Pati iyong isang vice-president nila, kandarapa sa
iyo.”
Tumaas ang kilay ng dalaga. Napansin din
pala ng loko ang pagtutok sa kanya ni Dwight Jaro. Nagselos kaya ito?
“Mag-ingat ka lang doon,” pagpapatuloy
ni Edric. “Parang hindi mapagkakatiwalaan, e. Mukhang pabling.”
Biglang napalis ang inis ni Alex.
Lumukso pa sa tuwa ang kanyang puso. Nagseselos nga si Edric!
Kunwari pa raw, hindi siya pinapansin
kanina. Iyon pala, nakataas ang radar. Nagseselos na pala sa lagay na iyon.
Napakagat-labi siya para mapigil lang
ang sarili sa pagngiti.
Pero hindi pa pala tapos ang sinasabi ng binata.
“Kung kay Dwight Jaro rin lang, mas lamang
naman nang di hamak si GM,” dagdag pa nito. “Kay GM ka na lang.”
Biglang nagsalubong ang mga kilay ni
Alex.
“Ano’ng kay GM na lang ako?” nalalabuang
tanong niya.
“Kung magkakagusto ka rin lang, kay GM
na imbes na sa Dwight Jaro na iyon,” diretsahan nang sabi ni Edric.
“Ano?” gulat na bulalas ni Alexandra.
“At sino naman ang may sabi sa iyo na magkakagusto ako kay Dwight Jaro o sa
boss natin? Sira ka pala, e.”
Nagkibit-balikat lang si Edric. Ngingiti-ngiti
pa na parang nakakaloko.
“Pareho naman silang bilib na bilib sa
iyo, e,” sagot nito. “Sinasabi ko lang na GM is the better choice. Si GM na
lang ang gustuhin mo.”
Lalong nalabuan si Alex. Napailing siya.
“May topak ka yata ngayong araw,” sabi
niya. “Hindi kita maintindihan. Ang weird mo.”
At ibinaling na niya ang kanyang tingin
sa labas ng bintana.
Hindi na rin naman nangulit pa si Edric.
Pero nagulo na nang husto ang isip ni
Alexandra.
Kanina, akala niya, nagseselos si Edric
kay Dwight. Nagseselos din ba ito kay GM?
Pero bakit parang ibinubuyo pa nga siya
nito kay GM? Dahil ba saludo ito sa boss nila? Kung ganoon, ibig sabihin ay
balewala kay Edric kung magkagusto man siya kay GM.
Gusto nang maiyak ni Alex.
Hindi na nga sila nag-usap hanggang sa
makarating ng bahay. Pero si Edric ay pasipul-sipol lang habang nagmamaneho.
Parang walang katabi na sambakol ang mukha.
Pagtigil ng kotse sa labas ng gate ng
duplex ay umibis na agad si Alex. Dire-diretso siyang pumasok sa pantaong gate
pero hindi niya binuksan ang mas malaking tarangkahan para makapasok ang kotse
ni Edric. Sa halip ay walang lingun-lingong tumuloy na siya sa bahay nila.
Bahala na si Edric na magbukas ng gate!
“ALEXANDRA,
bumaba ka na sabi at kausapin mo si Edric,” medyo galit nang ulit ni Allana. “Hindi
ka na bata, ha? Kung ano man iyong ipinagsisintir mo sa kanya, pag-usapan n’yo
nang maayos. Ikaw na nga itong pinuntahan para amuin. Mag-a-apologize naman daw
iyong tao. Huwag ka nang parang kondesang nagpapapresyo riyan, ha?”
Napilitan siyang bumangon mula sa kama
at manaog sa salas. Kandahaba pa rin ang nguso.
“Sorry na, o,” sabi agad ni Edric nang
salubungin siya sa paanan ng hagdan.
“Ano ba’ng nakain mo?” pagalit pa ring
tanong niya habang patungo sa salas. “Ba’t ang yabang mo ngayon?”
“Mayabang?” ulit ni Edric. “Paanong mayabang?”
Pabagsak siyang naupo sa sopa.
“Doon pa lang sa meeting sa New Haven,
hindi ka na namamansin,” sumbat niya. “Pagkatapos, kung anu-ano pang
pinagsasabi mo sa kotse. Wala namang sense.”
“Ano’ng hindi namamansin sa meeting?”
sagot ng binata na naupo sa tabi niya. “E, meeting nga iyon, hindi ba? Alangan
namang magkuwentuhan tayo roon.”
“Namimilosopo ka pa,” buska niya. “Hindi
siyempre kuwentuhan ang ibig kong sabihin, ano? Tingin na ako nang tingin sa
iyo, ni hindi ka man lang tumitingin sa akin. Parang hindi tayo magkakilala.”
“O, sige, sorry na,” sagot ni Edric.
“Nasanay lang kasi ako sa meeting na purely business. Walang kasamang
kabarkada.”
May tumurok na naman sa puso ni Alex.
Iyong salitang “kabarkada.” Kabarkada pa rin pala ang turing sa kanya ni Edric.
Pero paano naman niya isusumbat iyon sa binata?
“E iyong mga pinagsasabi mo tungkol kina
Dwight Jaro at GM?” biglang pagbabago niya ng direksiyon.
“Totoo namang pumuporma sa iyo si Dwight
Jaro, a,” sagot ni Edric. “Huwag mong sabihing hindi mo pa nahalata kanina.
Nagpapaalala lang naman ako. Siyempre, ayokong mapahamak ka. Masama ba iyon?”
Oo nga naman.
Sa totoo lang, ikinatutuwa niya ang
pagiging protective nito.
“Pero bakit biglang nasali sa usapan si
GM?” tanong niya.
Iyon ang mas ipinagtataka niya.
“Obvious din naman ang mutual admiration
ninyo, e,” kalmadong sagot ng binata. “And there’s nothing wrong with that.
Kilala ko si GM. He’s a gentleman. Alam niya kung saan siya lulugar. With him,
you’ll be in good hands.”
“Bakit ba inirereto mo ako sa kanya?” inis
na inis na talagang bulalas ni Alex.
Hindi niya malaman kung maniniwala ba
siya o hindi na may gusto sa kanya si GM. Pero wala na siyang pakialam doon.
Ang gusto niyang malaman ay kung bakit itinutulak siya ni Edric sa boss nila.
Wala naman siyang gusto kay George Milan.
“Hindi naman kita inirereto,” paliwanag
ng binata. “Sinasabi ko lang kung ano ang tingin ko sa dalawang admirers mo.
Baka sakaling makatulong sa pagpili mo.”
“Bakit, hindi ba ako marunong pumili
para sa sarili ko?” pikon na pikon nang sagot niya.
Nagtaas ng dalawang palad si Edric.
“Okay,” sabi nito. “Mali na ako roon. I
overstepped my boundaries. I’m sorry. Pero alam mo namang iniisip ko lang ang kapakanan
mo kaya patawarin mo na ako. Hindi na mauulit.”
Napabuntonghininga si Alexandra.
Naniniwala nga siyang kapakanan niya ang
naging pangunahing konsiderasyon ng kababata. Hindi naman iyon ang
ipinagsisintir niya, e.
Pero paano nga ba niya ipaliliwanag na
ang nakakasakit sa damdamin niya ay ang kaalamang kaya pala siyang ipaubaya ni
Edric sa iba?
“Peace na tayo, o,” panunuyo pa ng
binata.
Kahit parang mawawasak na ang puso
niya’y pinilit pa rin ni Alex na ngumiti. Bahagya nga lang.
“O, sige na,” sagot niya sa nanghihina nang
boses.
“Totoo?” sabi ni Edric. “Baka naman
hilaw na sagot iyan.”
“Pagod na ako, e,” pagdadahilan niya.
“Nakakapagod mag-away. Okay na. Itutulog ko lang ito. Peace na tayo.”
“Sige, mabuti pa ngang matulog ka na,”
nakangiting sabi ni Eldric. “See you tomorrow.”
At tumayo na ito.
Dahil sa tindi ng kanyang kinikimkim na
mga emosyon ay hindi napansin ni Alex na may lungkot at pagdurusa ring
nakakubli sa ngiti ng kababata.
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya'y Mga Lumang Mga Post na link.)