Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ALEXANDRA Chapter 8


FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

PANAUHING pandangal sa pagtitipon ng New Haven Philippines sina Alexandra at GM. At talaga namang naging sentro ng atensiyon ang dalaga.

        Ang pormal na pagpapakilala sa kanya ni Ramon Gotiangko bilang spokesperson at image model ng kompanya ay sinalubong ng standing ovation.

        Maluha-luha si Alex. Kung ganito lang sana pati personal niyang buhay. Bakit ba sa gitna ng mga parangal ay hungkag pa rin ang kanyang damdamin?

        Kaliwa’t kanan ang pagpapakilala sa kanya sa mga kasosyo ni Ramon Gotiangko. Noon din niya nakilala ang iba pang mga executives ng New Haven Philippines.

        Siyempre, naroon din sina Jimmy Suarez at Dwight Jaro.

        Pero nagulat si Alex kay Dwight. Ibang-iba ito nang gabing iyon.

        Hindi nga agad lumapit sa kanya si Dwight. Nang mamataan niya ito sa may kalayuan ay nakatanaw lang sa kanya at nakangiti na parang medyo nahihiya pa.

        Nginitian din niya ito. Pagkatapos ay nakuha na ang kanyang atensiyon ng mga nakapaligid na tagahanga.

        Manaka-naka, sa kahabaan ng gabi ay nasusulyapan niya uli si Dwight. Nasa malayo pa rin ito. Nakatanaw pa rin sa kanya. At kapag nagtama ang kanilang paningin ay ngingiti lamang – ngiting parang isang maamong tupa.

        Tapos na ang programa at ang kainan nang lapitan siya ni Dwight. Papatapos na ang pagtitipon.

        “Congratulations again,” sabi nito.

        “Thank you,” sagot niyang nakikiramdam.              “Nahiya akong lumapit agad sa iyo kanina,” dagdag nito. “Ang dami mong admirers.”

        “Hindi naman,” iling niya. “Mga bagong kakilala lang.”

        “Lahat ng makakilala sa iyo, nagiging admirer mo,” sabi ni Dwight. “And who can blame them? You’re a very special lady, Miss Alexandra Noblejas.”

        “Thank you,” sabi uli niya.

        Sa kung anong dahilan ay hindi na antipatiko o presko ang dating sa kanya ni Dwight Jaro. Sa halip ay nakapagpasaya pa sa kanya ang mga papuri nito.

        Naisip niya, kung nagkamali si Edric ng pagtantiya kay GM, maaaring nagkamali rin ito ng paghusga kay Dwight.

        At sino ba siya para magkundena sa taong ito nang batay lang sa kanyang naging masamang first impression? Ngayon nama’y wala siyang makita kay Dwight kundi pagpapakumbaba at pagkamaginoo. Bakit nga ba hindi niya bigyan ang ito ng isa pang pagkakataon?

        Kaya naging magiliw siya sa pakikipagkuwentuhan kay Dwight nang gabing iyon. Bagay na nakita niyang nakapagbigay ng malalim na kasiyahan dito. Pero wala namang ginawang pagsasamantala ang vice-president for public relations ng New Haven Philippines. At isa pang puntos iyon na binilang ni Alex pabor dito.

        Nang lapitan siya’t muling kausapin ni Ramon Gotiangko ay kusang lumayo na lamang si Dwight. Pero nang masulyapan niya itong muli ay wala siyang nakitang pagkainis dito sa naputol nilang pag-uusap. Bagkus ay nginitian pa siya nito nang buong tamis.

        Hanggang sa mag-uwian ay hindi na nagkaroon ng pagkakataon para maituloy pa ang naputol na pagkukuwentuhan nila ni Dwight. Saglit lang itong nakapagpaalam sa kanya bago siya niyaya ni GM na  sumabay na kay Ramon Gotiangko sa paglabas sa function room.

        “I’ll be seeing you on Monday at your office,” sabi na lang ni Dwight. “May ihahatid kasi akong papers sa inyo.”

        “Okay,” sagot niya. “See you then.”

 

NANG GABING iyon ay nag-isip uli nang mabuti si Alex. Ngayong hindi na niya puwedeng pagbalingan si GM, bakit nga ba hindi niya bigyan na lamang ng kaunting atensyon si Dwight Jaro?

        Sa nakita niya kanina, hindi naman ito nakakatakot na tulad ng gustong palabasin ni Edric. Siguro’y masyado lang naging agresibo noon ang lalaki dahil sa sobrang pagka-entusiyastikong makapuntos sa kanya. Pero nang mapatunayan nitong ayaw niya sa ganoong estilo ay agad naman itong nagbago.

        Mas okay nga iyong ganoon, naisip niya. Kung ano ang gusto niya, siyang sinusunod. Aba, pabor sa kanya iyon.

        Oo nga. Kaya niyang i-handle si Dwight.

        Isa pa’y siguradong aalma si Eldric. Mabuti nga. Talagang iinisin niya ito nang husto. Kahit sa ganoong paraan man lang ay maiganti niya ang kanyang natapak-tapakang damdamin.

        Hindi na baleng mas lalong hindi niya maaatim na matutunang mahalin si Dwight. Sisiguruhin naman niyang mapanatili ang distansiya sa pagitan nila. Tama na kay Dwight iyong maambunan niya ito ng kaunting atensyon. At siya rin nama’y maglulunoy sa atensyon at panunuyo nito.

Sandali lang naman. Pagkatapos ay balak din niyang tapatin agad ito na hanggang pagkakaibigan lang ang pwede sa kanila.

 

DUMATING nga si Dwight sa Millenium nang Lunes nang hapon, bandang ala-una. Bukod sa inihatid nitong papeles ay may dala rin itong sandosenang red roses para kay Alexandra.

        Nakalagay na sa plorera ang mga bulaklak kaya kinailangan na lang na ipatong sa mesa ng dalaga.

        “Ang ganda-ganda naman,” parang tuwang-tuwang sabi ni Alex. “Thank you, Dwight.”

        Sinadya niyang gawing napaka-sweet ng kanyang pagsasalita dahil naroon din sa audio visual room si Edric. May isinusulat itong report sa computer.

        Sinimulan na niya ang pang-iinis dito sa pamamagitan ng pagiging magiliw sa pinag-iinitan nitong tao.

        “You’re welcome,” sagot ni Dwight. “Anong oras ang coffee break n’yo? Puwede kaya kitang maimbita for a snack?”

        “Katulad din ng standard ang coffee break namin – three o’clock,” sagot niya. “And of course, naman, puwede mo akong imbitahin. Huwag lang tayong lalayo, ha?”     

        “A... excuse me,” biglang sabad ni Edric. “I hate to interrupt pero malapit nang magsimula ang meeting ng creative team, Alexandra. It’s scheduled for two to five this afternoon, remember? Sa meeting na tayo magko-coffee break.”

        “Ay, oo nga pala,” sabi ni Alex.

        Nakalimutan niya talaga ang meeting na iyon. Naisahan pa tuloy siya ng loko.

        “Paano, Dwight, hindi pala ako puwede sa coffee  break,” baling niya sa kanyang tagahanga. “Five o’clock pa matatapos ang meeting namin.”

        Umarte siyang para bang hinayang na hinayang sa pagkakataon.

        Mabilis namang nakaisip ng pambawi si Dwight.

        “May ihahatid lang din naman akong press release diyan sa Manila Times – malapit lang dito,” sabi nito. “Tamang-tama, I can be back here by five. Kung okey lang sa iyo, gawin na nating merienda cena. Or an early dinner.”

        Lumiwanag ang mukha ni Alex. Paano’y mas matindi pang pang-inis iyon kay Edric.

        “Sure,” mabilis niyang tango. “Why not?”

        Tumayo naman si Edric.

        “Excuse me,” sabi nito sa kanila. “Mauuna na ako sa conference room.”

        At mabilis ang mga hakbang na lumayo na ito.

        “Sige, susunod na ako,” nakangiting pahabol ni Alexandra.

 

SUMAMA si Alex kay Dwight na maghapunan sa Tony Roma’s, isang steak house sa Makati. Pagkatapos ay pumayag din siyempre siya na magpahatid pauwi.

        Wala pa sa garahe ang kotse ni Edric pagdating nila sa duplex. Nanghinayang ang dalaga. Mas maganda sana kung nakita ng kapitbahay niya ang paghatid sa kanya ni Dwight.

        Ipinakilala na rin niya ang tagahanga kina Greg at Allana. Tinanggap naman nang mahusay ng mag-asawa si Dwight.

        Magmula noon ay araw-araw na siyang inulan ng atensyon ni Dwight.

        Sa tuwing darating sila ni Edric sa opisina (dahil sabay pa rin silang pumapasok) ay may naghihintay na isang plorera ng red roses sa kanyang mesa. Iniuuwi niya iyon tuwing hapon kaya laging bago ang naroon sa umaga.

        Mga bandang alas-otso’y medya – iyong siguradong nasa mesa na siya – ay tatawag naman si Dwight para lang bumati ng “good morning.”

        Sa hapon, sinusundo siya nito nang alas-singko impunto. Umaalis daw ito sa Makati nang alas-kuwatro para lang hindi mahuli sa pagsundo sa kanya. Bilang vice president ay may pribilehiyo itong umalis nang maaga sa opisina.

        Madalas ay niyayaya siya nitong kumain sa labas bago ihatid pauwi. Hindi na nga lang niya uli napagbigyan si Dwight sa dinner invitation nito.

        Paano naman kasi si Edric, parang sinasadyang pinatatagal ang mga pagpupulong ng creative team. Kung natapos sila nang eksaktong alas-singko noong Lunes, noong Martes ay alas-sais na sila nakauwi. Pagdating ng Miyerkules ay alas onse na natapos ang meeting.

        Kunsabagay, totoo namang hinahabol nila ang deadline para sa gagawing proposal. Ang pangako ni GM kay Ramon Gotiangko ay maisusumite iyon bago matapos ang linggo.

        Matiyaga pa ring naghintay si Dwight kay Alexandra. Walang reklamo.

        Iyon nga lang, tumanggi na ang dalaga na kumain pa sa labas dahil masyado na silang gagabihin sa pag-uwi. Diretso na lang siyang nagpapahatid sa bahay.

        Laging madilim ang mukha ni Edric kay Alex pero hindi naman makakibo ang binata. Paano’y nakapagbitiw ito noon ng pangako na hindi na muling makikialam sa kanyang mga tagahanga.

        Sa mga pagkakataong ito’y ini-enjoy na ni Alexandra ang matinding tensiyong namamagitan sa kanila ni Edric sa pagpasok nila sa opisina tuwing umaga. Siya naman itong nagbubukas ng radyo sa istasyong masaya ang tugtog. Pakanta-kanta pa siya sa biyahe. At kunwari ay balewala sa kanya ang mga pabigla-biglang pagpepreno ng binata.

        Huwebes, sa tanggapan na ng New Haven nagkita sina Alex at Dwight. Sila kasi uling tatlo nina GM at Edric ang naghatid ng proposal kay Ramon Gotiangko.

        Sa isang upuan ay binasa ng matanda ang kabuuan ng proposal. At noon din mismo ay inaprubahan nito iyon.

        “I like it,” sabi ni Ramon Gotiangko. “I like it very much.”

        At pinirmahan na nila ni GM ang kontrata para sa kampanya.

        “This calls for a celebration,” sabi ni Ramon Gotiangko pagkatapos. “Let’s party tomorrow night. Tutal naman, it’s Friday tomorrow. Sagot na namin ang party. Puwedeng gawin sa penthouse nitong building. Bring the whole Millenium staff.”

        “It’s a date!” masayang sagot ni GM.

        “Puwede bang maging escort mo sa party?” tanong naman agad ni Dwight kay Alex.

        “Sure,” sagot niya.

        “Saan kita susunduin – sa office o sa bahay?” tanong ni Dwight.

        “Sa office na lang,” sagot niya.  “Tuluy-tuloy na ako sa party.”

 

KINABUKASAN ng umaga, nagbibihis pa si Alex ay kinatok na siya ni Allana sa kuwarto.

        “Bukas iyan, Mommy,” sabi niya.

        Pumasok si Allana.

        “May sakit daw si Edric,” sabi nito. “Hindi makakapasok. Kaya sumabay ka na lang kay Daddy. Siya ang maghahatid sa iyo sa office.”

        “Ano raw ang sakit ni Edric?” dudosong tanong niya.

        “Trangkaso raw, e,” sagot ni Allana. “Ipinasabi nga lang kay Luding.”

        Katulong nina Edric si Luding.

        Pero hindi pa rin naniwala si Alex. Sa palagay niya ay nagdadahilan lang ang kababata. Ayaw lang nitong sumama sa party ng New Haven. Siguro ay pikon na pikon na sa kanila ni Dwight.

        Tuwang-tuwa naman siya.

 

MASAYA ang party, hindi pormal. Talagang selebrasyon. Sagana ang pagkain. Bigay na bigay ang sayawan.

        Nadiskubre ni Alexandra na mahusay palang magsayaw si Dwight. Kahit hindi siya gaanong marunong magsayaw ay tinuruan siya nito, at mabilis naman siyang natuto. Hindi nagtagal ay nakakasabay na rin siya rito.

        Masaya nga sana ang party. Hindi tuloy maintindihan ni Alex kung bakit hindi siya gaanong nag-e-enjoy.

        Nang lumaon ay inamin na rin niya sa kanyang sariii na nanghihinayang siya’t wala roon si Edric – pero dahil lang hindi tuloy nito nakita ang pagsasayaw nila ni Dwight. Hindi pala matamis ang pagganti kung wala ang pinaghihigantihan.

        “Puwede ba akong dumalaw dito bukas ng gabi?” tanong ni Dwight pagkahatid sa kanya pagkatapos ng party.

        “Oo naman,” sagot ni Alex.

        Mag-aalas-dos na ng madaling araw noon kaya hanggang tarangkahan na lamang si Dwight. At si Greg pa naman mismo ang nagbukas ng gate para sa anak.

        Nang papasok na silang mag-ama sa bahay, napansin ni Alex na wala nang ilaw kahit sa bintana ng silid ni Edric.

        Sayang, naisip niya. Hindi rin nito nakita ang paghahatid sa kanya ni Dwight nang ganoong oras ng madaling araw.

        Hindi niya alam na nasa tabi ng bintana si Edric. Pinapanood siya hanggang sa makapasok siya ng bahay.

 

DUMALAW nga si Dwight kinabukasan ng hapon.

        Nagkataong naroon din kina Alex sina Bianca,  Catlyn at Desiree.

        Mga ala-una pa lang ng hapon ay naroon na ang tatlo. Nang malamang may sakit si Edric ay nagyaya agad ang mga ito na lumipat sa kabila para mangumusta.

        “Ikaw naman, hindi mo man lang pala dinalaw,” paninita pa ni Bianca kay Alex.

        “Paano naman, may pasok ako kahapon,” pangangatuwiran niya. “Nag-party pa kagabi sa New Haven. Madaling-araw na nga ako nakauwi. Kita naman ninyo, alas-onse na ako nagising. Iyong pananghalian ko, parang almusal pa lang iyon.”

        Pero sumama siya sa tatlo nang lumipat kina Edric. Gusto niyang makita kung paano pangangatawan ng binata ang pagsasakit-sakitan.

        Kaso, ni hindi sila binaba nito.

        “Pasensiya na kayo, masyado raw masakit ang ulo,” paliwanag ni Edna.

        “Mataas ho ba ang lagnat?” tanong ni Alex.

        “Hindi naman talaga siya nilagnat, e,” nakakunot ang noong sagot ng matrona. “Ewan ko nga ba. Siguro hindi pa lang. Masakit na masakit daw ang katawan niya, e. Masakit na masakit din ang ulo. Baka kasunod na iyong lagnat.”

        “Naku, hayaan na lang ho ninyong makapagpahinga siya,” sabi ni Bianca. “Pakisabi na lang na kinukumusta namin siya. Sana gumaling siya agad.”

        “Sige, girls, thank you,” sagot ni Edna.

        Pigil na pigil naman si Alexandra para huwag matawa. Nakasisiguro na kasi siya. Talagang nagdadrama lang si Edric. Pati sariling ina ay naisahan.

        Bumalik ang grupo kina Alex at doon na nagkuwentuhan. Agad naman niyang ibinida sa tatlo ang tungkol kay Dwight.

        Kung may drama si Edric, aba’y mas bongga naman ang drama niya. Kailangang maibalandra sa lahat ang tungkol sa kanila ni  Dwight. Sayang naman kung hindi.

        Bahagi iyon ng pagbabangong-puri niya – kahit wala namang nakaalam sa “pagkapahiya” niya kay Edric. Pakiramdam ni Alex, kailangan pa rin niyang ipagparangalang may nahuhumaling sa kanya na tulad ni Dwight Jaro, vice-president ng malaking kompanya, guwapo rin naman at may personalidad.

        “Dadalaw daw mamaya,” pakibit-balikat pang pagtatapos niya. “Ewan ko lang kung darating nga.”

        “Aba, hintayin natin, girls, at nang makaliskisan,” sabi ni Catlyn.

        “Oo nga,” sang-ayon nina Desiree at Bianca.

        Kaya nang dumating si Dwight nang gabing iyon ay apat ang nakaharap nitong babae.

        Mahusay namang napakisamahan nito ang tatlo. Masaya ang kuwentuhan. At nang mag-uwian ay inihatid pa ni Dwight sina Bianca, Catlyn at Desiree.

        Pero kinabukasan ay naroon na uli kina Alex ang tatlo.

        “I don’t like him very much,” iling ni Desiree.

        “Ako rin,” sang-ayon agad ni Catlyn.

        “Bakit naman?” gulat na tanong ni Alexandra.

        “Ewan ko pero masama rin ang vibrations ko sa kanya,” dagdag pa ni Bianca.

        “May pagka-manghuhula ka na pala ngayon,” medyo sarkastikong tugon ni Alex.

        “Alex, masyado siyang smooth-talker, hindi mo ba napansin?” sabi ni Desiree. “Parang hindi siya sincere na tao.”

        “Sobra ka naman,” sagot niya. “How can you say that? Impression mo lang iyon.”

        “E bakit pare-pareho kaming hindi maganda ang pakiramdam tungkol sa kanya?” tanong ni Bianca. “Magtawa ka na pero sobra namang coincidence iyon.”

        “Hindi lang kasi tayo sanay sa katulad niya na malakas ang dating,” katwiran ni Alex. “Sanay tayo sa tulad ni Edric na soft-spoken. Pero hindi naman porke malakas ang dating ni Dwight, masamang tao na siya, ano?”

        “Bakit, balak mo ba siyang sagutin?” diretsahang tanong ni Desiree. “Gusto mo ba ang taong iyon?”

        Diretsahan nang sinasabi ng mga kaibigan niya na hindi sang-ayon ang mga ito kay Dwight. At saka wala rin naman talaga siyang balak na sagutin si Dwight.

        Pero kailangang makumbinse pa niya ang tatlo tungkol sa mga kapurihan ni Dwight. Masyado naman siyang loser na lalabas kung ang manliligaw niya ay hindi man lang niya maipagmayabang.

        “Hindi ko pa naman napagdedesisyunan iyan,” sagot niya kunwari. “Kailan lang naman kami nagkakilala. Pero sa ngayon, hinahayaan ko lang munang mas makilala ko pa siya. Marami rin naman siyang good points, a. He’s good looking. Matalino. Successful. At mabait naman. He’s a gentleman.”

        “So far,” dugtong ni Bianca. “Pero huwag kang masyadong magtitiwala. Mag-ingat ka pa rin.”

        “A, hindi n’yo na ako kailangang pagsabihan sa puntong iyan,” sagot ni Alexandra.

        Dahil wala naman talaga siyang balak na magbigay ng puwang para maisahan ni Dwight Jaro. 

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya'y Mga Lumang Mga Post na link.)


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)