Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ALEXANDRA Chapter 9

  

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

UNANG araw ng aktuwal na location shoot para sa publicity campaign ng New Haven. Baguio ang napiling pagsimulan. Pagkatapos ay bababa sa Subic. Magtutuloy sa Batangas.

        Wala muna sa Maynila. Saka na lang, kapag nayari na ang New Haven Hotel Spa sa Makati.

        Kapag natapos ang mga kukunan sa Luzon, sandaling magpapahinga ang team habang inaayos ang mga unang spots. Pag-aaralan muna ang mga iyon bago magtuloy sa Cebu, Boracay at Davao.

        Hinintay lang na “gumaling” si Edric bago pinag-usapan ang biyahe. Kung sabagay, sandali lang namang “nagkasakit” ang binata. Nang sumunod na Lunes ay nakapasok na ito. Huwebes ay patungo na sila ng Baguio.

        Si Edric ang direktor. Sila pa ring dalawa ni Simon ang may hawak ng camera work, pang print ads man o pang-TV.

        Kasama sina Gerri at Charlotte para sa styling.

        Naroon din si Henry, tagapamahala ng pera at pagbili ng mga kakailanganing supplies.

        Pero hindi na isinama ang mga manunulat. Tapos na ang trabaho ng mga ito para sa mga kukunang ads. Naisulat na ang mga dapat isulat. Feature articles naman  na ilalathala sa iba’t ibang mga prestihiyosong magasin ang inaasikaso nina Meggy, Jing at Ella.

        Hindi na rin isinama sa location si Louella. Nasa Maynila ang mga editor ng mga babasahin at TV executives na kailangan nitong kontratahin para sa kampanya.

        Pero kasama ng team si Dwight bilang kinatawan ng New Haven kahit na kung tutuusin ay wala rin naman talagang papel doon ang vice-president for public relations ng naturang kompanya.

        May inupahang malaking bahay ang New Haven Philippines na siyang titirhan ng team. Parang mansiyon ang bahay na may labindalawang silid tulugan at sariling household staff na kinabibilangan ng isang mayordoma, isang cook, tatlong tagapaglinis, isang labandera at dalawang hardinero na siya ring nangangalaga sa maintenance ng bahay.

        Tatlong araw at tatlong gabi lang naman ang ilalagi nila sa Baguio. Ang kanilang pagdating, dalawang araw ng shooting, at ang kanilang pagbiyahe patungong Subic.

        Kahapon sila dumating. Alas-singko na ng hapon. Nag-ayos lang muna sila ng mga gamit at nagpahinga. Walang pinayagan si Edric na lumabas para mag-goodtime. Nagsitulog silang lahat nang maaga.

        Kaninang umaga, pagkakain pa lang ng almusal ay lumakad na sila. Dalawang coaster ang inarkila para masakyan nila’t mapaglulanan ng mga gamit. Malapit lang naman ang bahay sa property ng New Haven.

        Gaganapin ang shooting sa isang bahagi ng malawak na lupaing sakop ng New Haven Hotel sa Baguio. Ang bahaging iyon ay bulubundukin at may makapal na pine tree grove. Sa ilalim naman ng mga puno ay kayraming mga ligaw na bulaklak na parang nagpapasikatan sa ganda at kulay.

        Naka-set up na. Naayusan na si Alex. Nakapagbihis na rin siya sa loob ng coaster sa tulong ni Charlotte.

        Kulay-ube ang kanyang sweater. Hapit na hapit iyon sa kanyang katawan hanggang balakang. Ang kapares ay malambot na bulaklaking palda na bias cut at hanggang bukung-bukong niya ang haba. Naka-medyas siya na light pink at naka-sneakers na puti.

        Sa eksena, namamasyal siya sa ilalim ng mga puno. Masaya. Naroong sasandal siya sa puno. Naroong yuyuko siya’t aamuyin ang mga bulaklak. Naroong magsasayaw siya nang paikut-ikot at magtatatakbo sa damuhan.

        Habang hinihintay ang tawag ni Edric ay ninenerbiyos si Alex. Nanatili siya sa loob ng coaster – nag-iisa. Sinabi niyang kailangan niya ng kaunting panahon para i-psych up ang kanyang sarili.

        Ano ba itong napasukan niya? Ngayon lang niya naramdaman ang ganitong pagkanerbiyos.

        Iyong isipin lang na nakasalalay sa kanya ang kalalabasan ng kabuuang kumpanya ay sapat na para panghinaan siya ng tuhod. Bakit ba niya inakalang kaya niyang pangatawanan ito?

        Noon, noong pictorial pa lang sa studio, parang kaydali. Wala pa kasing pressure noon. Para lang siyang naglaro. Nag-ilusyon.

        At maayos pa kasi sila ni Edric noon.

        Iyon. Iyon nga yata ang pinakabuod ng kanyang problema. Ang relasyon niya kay Edric.

        Sumama na nang sumama ang relasyon nila. Ngayon, para na silang mga estranghero sa isa’t isa. Maingat na maingat. Napaka-civil. Napaka-polite. Napaka-plastic.

        Paano siya ngayon aarteng masaya sa harap ni Edric?

        Kunsabagay, iyon din naman ang ginagawa niya nitong nagdaang mga araw, hindi ba? Umaarte siya na masaya sa harap ng binata kahit nagdurugo ang kanyang puso.

        Akala niya, maaampat na ang sakit sa pagbaling niya kay Dwight. Bakit wala namang nabawas sa lihim niyang pagdurusa? Nagsisilbi lang na isa sa mga props niya si Dwight. Bahagi ng kanyang maskara. Sa likod niyon, nag-iisa pa rin siya’t lumuluha.

        May kumatok sa pinto ng coaster. Si Gerri.

        “Alex, ready ka na raw for take?” tanong nito.

        “O-okay,” sagot niya. “Nandiyan na.”

        Bahala na.

 

“CUT!” sigaw ni Edric, sabay baba ng hawak na camera.

        Magkasalubong ang mga kilay ng binata.

        “I’m sorry,” sabi agad ni Alex.

        Alam niya kung ano ang problema. Sa kalagitnaan ng take ay bumigay siya.

        Paano naman kasi niya magagawang magtatakbo’t magsasayaw sa gitna ng mga bulaklak gayong kaharap niya ang taong may likha ng sugat sa puso niya?

        Pinilit niyang umarte. Nagawa niya. Pero hindi nga nagtagal at unti-unting nalukot ang mukha niya. Parang gusto na niyang umiyak.

        “P-please... j-just give me a minute, okay?” pakiusap niya sa direktor.

        Tumango lang si Edric at tumalikod na.

        Tumalikod din si Alex. Naglakd siya nang kaunti palayo. Patungo sa may likuran ng isang pine tree

        Sumandal siya roon. Tumingala. Nagpigil ng mga luha.

        “Alex, take control of yourself,” mariing utos niya sa kanyang sarili. “Kailangang mapangatawanan mo to. Sa kahit na anong paraan, kailangang magawa mo ito.”

        Paano nga ba? Kailangang mas mag-internalize pa siya sa pag-arte. Kakalimutan muna niya ang kanyang problema. Oo nga. Kunwari, walang masamang nangyari sa pagitan nila ni Edric. Kunwari, walang nabago sa sitwasyon. Tulad pa rin sila noon. Iisipin niyang mahal siya ni Edric – tulad ng iniisip niya noon.

        Muling nagtangkang bumulwak ang mga luha ni Alex. Paano’y parang pinamukhaan pa rin siya ng katotohanan.

        Kumurap-kurap siya. Huminga nang malalim. Lumunok.

        “Kaya ko ito,” sabi niya sa kanyang sarili. “Kaya ko ito,” ulit niya. “Mahal ako ni Edric. Mahal ako ni Edric. Mahal ako ni Edric.”

        Ilang taon din ba niyang inalagaan ang pantasyang iyon? Puwede pa niyang ulitin, kahit para sa kampanya lamang. Iyon na lang ang paraan.

        Inayos niya ang kanyang sarili. At kampante siyang naglakad pabalik sa dapat niyang kalagyan.

        Nilapitan siya ni Charlotte para i-retouch ang kanyang make-up.

        “Okay na?” tanong nito matapos dampian ng pulbos ang tungki ng kanyang ilong.

        Tumango siya.

        Si Charlotte na ang nagsabi kay Edric.

 

“CUT!”

        Hiyang-hiya na talaga si Alex. Pumalpak na naman siya.

        Okay na sana. Nagawa na nga niyang ngumiti nang diretso sa camera. Nasakyan na uli niya ang dati niyang pantasya.

        Kung bakit naman kasi pumuwesto pa si Dwight sa may likuran ni Edric.

        Pagkakita niya kay Dwight, muli na namang parang sumambulat ang katotohanan sa kanyang mukha. Kusang napalis ang kanyang ngiti.

        “E-Edric, isang hiling na lang,” sabi niya. “N-nadi-distract kasi ako, e. Kung puwede, i-clear muna natin ang set. Wala munang manonood. Puwede bang tayo lang at sina Gerri at Charlotte ang maiwan?  Kung kailangan, puwede na rin pati si Simon.”

        “Okay,” sagot ng direktor.

        At bumaling ito kay Simon para ipasa ang instruksiyon.

        Si Alex na mismo ang lumapit kay Dwight.

        “O, ano’ng problema?” tanong ng lalaki.

        “Nire-request ko sana na i-clear ang set,” paliwanag niya. “Na-distract kasi ako pagkakita ko sa inyo, e. Puwede bang iwan na lang muna ninyo kami? Nakakahiya na kasi kay Edric. Nakakailang take na ako.”

        Ngumiti si Dwight. Ikinatuwa pa nito ang sinabi niya. Akala palibhasa ng lalaki ay positibo ang ibig sabihin ng pagka-distract niya sa pagkakita rito. Na nawawalan siya ng konsentrasyon dahil dito.

        “No problem,” saogt nito. “Doon muna kami sa ibaba.”

        Nag-alisan nga ang lahat, pati na ang mga miron na trabahador sa konstruksiyon na kasalukuyang naka-break.

        Umalis pati sina Simon, Gerri at Charlotte.

        “O, bakit pati sila?” tanong ni Alex.

        “Hindi ko naman kailangan si Simon,” sagot ni Edric. “At hindi mo naman kailangan ng retouch.”

        Dadalawa silang naiwan.

        “Are you okay?” tanong nito.

        Malambot ang tono ng binata. May pag-aalala.

        Napakurap si Alex. Matagal-tagal na ring hindi niya naririnig ang ganoon mula sa kababata.

        “I... I guess so,” sagot niya.

        “Just relax,” payo ni Edric. “Savor the scene. Enjoy it. Huwag mo munang isipin na trabaho ito. Kukunan na lang kita ng test shots.”

        “Okay,” tango niya.

        “Maglakad-lakad ka lang muna,” sabi ni Edric habang muling kinukuha ang camera.

        Sumunod si Alex.

        Pilit na inalis muna niya sa kanyang isip ang lahat-lahat, liban sa tinig ni Edric. Liban sa mga huling tinuran ni Edric. Liban sa lambing ng pananalita ng binata.

        Sa ganoong paraan ay muli niyang nabuo ang mga dati niyang pantasya. Na nagkakaunawaan sila ni Edric. Dahil mahal din siya ni Edric.

        Unti-unting sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. Unti-unting nabuhay ang ilaw ng kaligayahan sa kanyang mga mata.

        Maya-maya’y kusa na siyang nagpapaikut-ikot sa kasiyahan sa gitna ng mga bulaklak. Patakbu-takbo. May kasaliw pang mumunting halakhak.

        Pagdating niya sa tabi ng isang puno, sumandal muna siya’t napikit. Patingala. Sa kanyang imahinasyon ay papalapit si Edric. Yumuko. Dadampian siya ng halik sa mga labi. Kaya kusa ring umawang ang kanyang mga labi. Naghihintay.

        Kanina pa nakatutok sa kanya ang camera ni Edric. Hindi na test shots ang kinukunan nito. Totoo na. Sayang naman kasi ang performance ni Alex. Ang husay-husay. Parang tunay.

        Pero nang sumandal ang dalaga sa puno, pumikit, tumingala at umawang ang mga labi ay kamuntik nang matigil sa paghinga si Edric.

        “Umaarte pa rin ba si Alex?” tanong ng binata sa sarili. “Kung hindi ay sino naman kaya ang iniisip nito?”

        Nanikip ang dibdib ni Edric. Paano’y halos nakasisiguro itong si Dwight Jaro ang nasa balintataw ni Alexandra.

        “Cut!” biglang sigaw ng direktor.

        Napadilat si Alex.

        “K-kinunan mo?” tanong niya.

        Tumango si Edric.

        “Good take,” sagot nito. “Mas okay nga pala kung hindi ka nadi-distract.”

        Malambot pa rin ang tono nito. Hindi lang alam ni Alex na may kalakip na iyong pagkabigo.

 

PAGKARAAN ng lunch break ay muling kinausap ni Alexandra si Dwight.

        “Hindi naman sa itinataboy kita, Dwight,” sabi niya. “Pero siguro, mas magiging productive ako kung iiwan mo muna kami sa kabuuan ng shooting hanggang sa Batangas. Kailangan kong mag-concentrate, e. Alam mo namang hindi ako professional model o aktres. Hindi ako makapag-intenalize kung nadi-distract ako.”

        “I understand,” mabilis na sagot ng lalaki, nakangiti pa. “Nakita ko nga kanina, e. Hayaan mo, mag-eempake na ako. I’ll be leaving right away.”

        Bago ito umalis ay kinausap pa muna nito si Edric. Liyad ang dibdib.

        “Direk, I’m leaving Alex in your care, ha? You’re responsible for her anuman ang mangyari.”

        Na para bang may karapatan na ito kay Alexandra.

        Dumilim tuloy nang husto ang mukha ni Edric.

        Pero si Alex, maliwanag na maliwanag ang ngiti nang paalis na ang coaster na magbabalik kay Dwight sa mansiyon kung saan ito mag-eempake na’t magtutuloy sa istasyon ng bus.

        “Bye!” kaway pa ng dalaga.

        Nang ganap na makaalis ang sasakyan ay saka lang uli nagsalita si Edric.

        “Siguro, makakapag-concentrate ka na.”

        Tumawa si Alex.

        “I’m all yours, Direk,” sagot niya.

        Ang gaan-gaan ng pakiramdam niya. Para siyang walang kapruble-problema.

        Hindi nga niya maintindihan ang kanyang sarili. Wala namang namilit sa kanya na i-entertain ang panliligaw ni Dwight. Sarili niyang pakana iyon. Pero bakit ngayong nagawa niyang palayuin ang lalaki ay para siyang nakawala sa kung anong tanikala?

        At bakit nang masimulan niyang mabuong muli ang dati niyang mga pantasya ay parang ayaw nang pumayag ng kanyang puso’t isipan na bitiwan ang mga iyon sa kabila ng katotohanan?

        Nasisiraan na yata siya ng bait. Mas gusto na niyang maniwala’t mangunyapit sa pantasya kaysa sa reyalidad.

        Natawa uli si Alexandra kahit wala namang kausap. Hindi na bale. Basta masaya siya. Ang saya-saya niya.

 

NASA balkonahe si Edric. Nag-iisa. Nakatitig sa kawalan.

        Maghahatinggabi na. Tulog na ang mga kasama niya. Maaga niyang pinatulog. Kasama si Alexandra.

        Pero heto pa rin siya. Nakatanga.

        Binabalikan niya ang mga pangyayari. Gusto niyang suriin. Pero hindi na yata siya marunong mag-analisa. Wala na yata siyang lohika.

        Umalis lang sa set kanina ang Dwight na iyon, nagkabuhay na si Alex. Nakaarte na. Ang galing-galing pa.

        At noong tuluyan nang lumisan ang lalaki, lalo pang sumaya ang dalaga. Naging mataginting ang halakhak. Naging masiglang-masigla ang kilos.

        Paano niyang ipapaliwanag iyon? Ano ang dapat niyang ipakahulugan doon?

        Ayaw na yata niyang isipin. Natatakot siyang ang konklusyong kanyang abutin ay dahil hindi makapagtrabaho si Alex kung nariyan si Dwight. Dahil nasisira ang konsentrasyon ni Alex kapag nakikita si Dwight. Dahil mahal ni Alexandra si Dwight.

        “Hindi! Hindi maaari!” tanggi ng puso niya.

        Ipinilig ng binata ang ulo niya. Na para bang mabubura niya ang masamang pangitaing iyon sa ganoong paraan.

        Hindi. Hindi na lamang niya iisipin iyon. Ang mahalaga ay masaya na uli si Alexandra.

        Hindi tulad kaninang umaga, noong unang dalawang take nila. Noong makita niya ang pagkalukot ng mukha nito na parang maiiyak. Noong may nakita siyang bumadhang parang kung anong trahedya sa magandang mukhang iyon. Ayaw na niyang makita pa uli si Alex na ganoon.

        Ang mahalaga lang naman sa kanya ay ang kaligayahan ng kanyang kababata.

        Siya, hindi na bale. Bahala na siya sa sarili niya.

        Humugot si Edric ng malalim na buntunghininga bago lumakad nang papasok sa bahay.

        Matutulog na siya. Bukas, kailangan uli siya ni Alexandra.

 

HUWEBES sila umakyat sa Baguio. Linggo, bumaba sila sa Subic. Lunes at Martes, shooting sa tabing-dagat at sa gubat. Miyerkules, biyahe patungong Batangas. Huwebes at Biyernes, shooting sa buhanginan at sa laot. Sabado, uuwi na sila ng Maynila.

        Siyam na araw na pala.

        Biyernes ng gabi at hindi makatulog si Alexandra. Nakadapa siya sa kama sa kuwarto niya sa cottage. Nasa kabilang kuwarto naman si Charlotte.

        Isa iyon sa mga cottage ng New Haven Spa Hotel sa Batangas na sadyang inunang tapusin para sa kanila.

        Nasa ikalawang cottage sina Edric, Simon, Henry at Gerri. Mag-isa si Gerri sa kuwarto. Siksikan naman sa kabila sina Edric, Simon at Henry.

        Mabigat ang loob ni Alex. Parang ayaw pa niyang mag-umaga. Kung puwede lang sanang pigilin ang pagdaan ng oras.

        Ang saya kasi ng nagdaang siyam na araw. Parang nagkatotoo ang kanyang pantasya. Magkasundung-magkasundo sila ni Edric. Parang walang namagitang tensiyon sa kanila sa Maynila.

        Kaya nga ayaw na sana niyang magbalik sa Maynila.

        Sa Baguio, sa Subic at dito sa Batangas, magaang na magaan ang pakikitungo nila sa isa’t isa. Nagkakabiruan na uli sila. Nagkakatawanan.

        At sa shooting, sa pamamagitan ng pagtitig niya kunwari sa kamera, ay naipapahayag niya ang kanyang mga pinakalihim na damdamin kay Edric. Kunwa’y umaarte lang siya. Kunwa’y trabaho lang.

        Kahit panay ang ilusyon, masarap pa rin sa pakiramdam.

        Mas gusto na nga yata niyang mamuhay na lamang sa ilusyon kaysa sa reyalidad.

        Pero sa gustuhin man niya o hindi, bukas – o mamaya na pala – ay babalik na sila sa Maynila. At muli niyang makakaharap si Dwight.

        A, iyon ang isang llusyon na hindi niya dapat patagalin pa.

        Nakapagpasya na si Alex. Tama na ang kabalintunaang iyon. Dapat na niyang putulin bago pa mauwi sa kung ano. Kakausapin niya si Dwight. Ipapaliwanag niya sa maayos na paraan na hindi ito dapat na umasa pa ng higit sa pakikipagkaibigan.

        Naaawa sana siya kay Dwight. Paano’y alam na alam niya kung paano ang malagay sa katayuan nito. Pareho lang naman silang sawi sa pag-ibig.

        Pero wala siyang magagawa. Hindi niya mapipilit ang sarili niyang umibig kay Dwight. Tulad ng kung paanong hindi niya mapipilit si Edric na umibig sa kanya.

        At hindi niya mapipigil ang paglipas ng oras.

        Maging ang pagpatak ng kanyang mga luha.

 

HINDI si Edric ang tipo ng lalaki na takot umiyak. At iyon ang ginagawa niya habang nakaupo sa batuhang pinakamalayo sa kanilang mga cottage. Hinahayaan niyang umagos ang mainit na luha sa kanyang mga pisngi. Ninanamnam niya ang init. Ninanamnam niya ang hapding humihiwa sa kanyang puso.

        Para bang sa ginagawa niyang iyon ay pinatitibay niya ang kanyang sarili sa pagsalubong sa umaga.

        Dahil kasabay ng pagsikat ng araw ang pagtatapos ng siyam na araw ng kaligayahan.

        At may napagpasyahan na siya. Isang bagay na mangangailangan ng ibayong tatag ng loob.

        Pagdating sa Maynila ay gagawin niya ang huling pakikialam sa buhay ni Alexandra. Masiguro lang niya ang kaligayahan nito kahit pa sa piling ni Dwight Jaro ay isusuko na niya nang tuluyan ang kanyang pag-ibig. Kahit pa mangangahulugan iyon ng pagkamatay rin ng kanyang kaligayahan.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya'y Mga Lumang Mga Post na link.)


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)