Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ALEXANDRA Chapter 12


FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

HINDI akalain ni Alexandra na si Ramon Gotiangko pa mismo ang pupunta sa opisina ng Millenium Advertising para mag-apologize sa kanya.

        At sinadya pa siya nito sa audio visual room, kasama ni GM.

        “Sir!” gulat na gulat na sambit ng dalaga.

        Lunes iyon ng umaga. Naigpawan na niya ang krisis. Lalo pa’t napakaganda ng naganap sa kanila ni Edric. At noong Sabado ay ipinagtapat na nila sa kanilang mga magulang at mga pinakamatalik na kaibigan ang bago nilang relasyon.

        “Alexandra,” nakalahad ang dalawang kamay na sabi ng matandang Gotiangko. “I’m very sorry about what happened, iha. And I apologize.”

        Sinalubong niya ang mga kamay ni Ramon Gotiangko.

        “Sir, you don’t need to apologize. Wala kayong kinalaman doon. Ako nga ang nahihiya sa inyo. Paano ang campaign? I think you may need to choose a new spokesperson and image model.”   

        “Hindi,” iling ni Ramon Gotiangko. “You stay. There’s no reason for you to go. That guy, Jaro, on the other hand is no longer working for us. And our lawyers have warned him – if anything untoward happens to you, he’ll be the primary suspect. Sa palagay ko naman ay mananahimik na siya. In fact, parang basang sisiw noong imbestigahan namin. Pero kung magsasampa ka ng demanda, Alexandra, we know where to find him. We have people keeping a close watch on him kahit nasa Bicol na siya. At susuportahan ka namin.”

        “Thank yoiu, sir,” sagot ni Alex. “Pero gusto ko na ring kalimutan ang pangyayari. Nagpapasalamat lang ako na walang naganap na higit pa roon.”

 

WALA pang isang buwan pagkatapos ng insidente ay nasa Cebu na ang team nina Alexandra at Edric. Kukunan na nila ang pangalawang batch ng mga ads para sa New Haven Philippines.

        Magmula Cebu ay tutuloy sila sa Boracay. Pagkatapos ay sa Davao naman.

        Wala nang problema sa shooting. Ganadung-ganado na ang direktor, ganadung-ganado pa ang star.

        Sa site ng New Haven Spa Hotel sa Cebu, marami nang natapos na mga beach cottages. Panay studio-type nga lang. Mabuti na lang at nagkasya namang magtig-isa ang mga miyembro ng team.

        Sa unang gabi nila roon, katulad ng dati ay maagang nagsipagpahinga ang mga tao. Kahit kasi maikli lang ang biyahe sa eroplano at hindi nakakapagod, napagod naman sila sa pamamasyal at pagsi-shopping. Paano’y first time nilang lahat sa Cebu.

        Ganoon pa ma’y naiwan pa ring gising sina Alexandra at Edric.

        Nakaupo ang dalawa sa batuhan sa dulo ng beach. Nakakubli sa dilim.

        Sa loob ng tatlong linggo nilang relasyon ay ngayon lang sila nagkaroon ng ganitong pagkakataon na mapag-isa. Magmula noong nagkatuklasan sila sa audio visual room ay sa sinehan na lang naulit ang pagtatagpo ng kanilang mga labi. At dadalawang beses pa lang uli.

        Kaya naman ngayo’y parang ayaw nang maghiwalay ng magkatipan. Hindi na nila napapansin ang lamig ng hanging dagat. Magkayakap naman kasi sila. At muli’t muling naghahanapan ang kanilang mga labi. Hindi matapus-tapos na mga halik. Bunga ng ilang taong pananabik.

        Maya-maya’y nagtanong si Alexandra. Medyo bantulot.

        “Ed... p-paano kang natutong humalik?”

        “Ano?” natatawang sagot ng katipan. “Paano? Ewan ko. Basta hinalikan lang kita.”

        “I-ibig mong sabihin, ako pa lang ang nahahalikan mo?” paniniguro niya.

        “At sino pa nga ba?” sagot ni Edric. “Sino pa kaya ang mahahalikan ko? Para namang hindi close guarding ang ginawa mo sa akin all these years.”

        “Hmmn, yabang,” irap ni Alex. “Ikaw nga riyan, e. Ni ayaw mo akong pahalikan sa pisngi noong sixteenth birthday ko.”

        “Bakit, gusto mo ba sana?” pahumindig na tanong ni Edric.

        “Ang hinihintay ko noon, iyong ikaw ang humalik sa akin,” pagtatapat ni Alexandra nang nakangiti. “Disappointed nga ako noong hindi mo ginawa, e.”

        Lumamlam ang ngiti ng katipan.

        “Babawi na lang ako,” sagot nito bago siya hinagkang muli sa mga labi.

        Matagal din silang natahimik. Nag-usap nang labi sa labi.

        Maya-maya, nang nakahimlay na uli si Alex sa dibdib ni Edric, nagtanong na naman siya.

        “Ed... what comes next?”

        “Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ng binata.

        “Pagkatapos ng halik...” sagot ni Alexandra. “Ano pa?”

        Bahagyang natawa si Edric.

        “Marami pa,” sabi nito. “Maraming-marami pa.”

        “Like what?” giit niya.

        “Alam mo na iyon,” sagot ni Edric. “Siguro naman, nababasa mo. Napapanood sa movies.”

        “Panay bitin naman, e,” parang pagrereklamo pa ni Alex.

        “Huwag mong sabihing wala kang ideya?” sabi ni Edric. “Ituturo ko pa ba sa iyo ang basic human biology? Delikado yata kung ako ang magtuturo sa iyo niyon, a.”

        “Luku-luko, alam ko naman iyon, ano,” natatawa ring sagot niya. “Pero napaka-technical naman. Hindi ko ma-relate sa romance.”       

        “Huwag mo nang isipin iyon,” payo ni Edric. “Basta I assure you, hindi problema iyon.”

        “Bakit parang alam na alam mo na?” tanong ni Alex.

        “Naku, nagduda pa,” sabi ni “Edric. “Alam mo namang pareho lang tayo, e. Teka nga, bago pa mapunta kung saan itong pinag-uusapan natin, mabuti pang ihatid na kita sa cottage mo.”

        Nauna na ngang tumayo ang binata. At inalalayang tumayo na rn ang katipan. Magkahawak-kamay silang naglakad nang dahan-dahan patungo sa cottage ni Alex.

        Tahimik siya. Parang may malalim na iniisip.

        Pagdating sa may pinto ng cottage, ibinigay niya kay Edric ang susi. Ito na ang nagbukas ng pinto.

        “Good night,” sabi ng binata bago siya hinagkan sa mga labi.

        Halik lang dapat ng pamamaalam – na tumagal na nang tumagal. Hanggang sa makapangunyapit na si Alex sa leeg ng katipan.

        “Halika muna sa loob,” bulong niya rito nang ilang saglit na maghiwalay ang kanilang mga labi.

        Natigilan si Edric. Lalong humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya.

        “Huwag mo akong biruin nang ganyan,” bulong nito sa medyo gumagaralgal na tinig.

        “H-hindi naman ako nagbibiro, a,” sagot ni Alexandra.

        Tinitigan siya ni Edric.

        Nakipagtitigan din si Alex.

        Kapwa may kakaibang kislap sa kanilang mga mata.

        Si Edric ang unang kumilos. Itinulak nito ang pinto, hinila siyang papasok sa cottage at agad ding isinara ang pinto. Ini-lock pa nito ang deadbolt.

        “’Ayan,” sabi nito pagkatapos, “naka-lock na. Baka hindi na ako umalis dito. Lagot ka.”

        Magkayakap pa rin sila.

        Ngumiti si Alexandra.

        “Ano nga ba iyong itinatanong ko kanina?” painosenteng sabi niya.

        Tumawa si Edric.

        “Pilya ka,” sabi nito. “Masyado kang maraming gustong malaman.”

        “Ako lang ba?” sagot ni Alexandra.

        “Nag-aalala lang ako kung sigurado ka nga bang ngayon na,” sabi ni Edric. “A-ayoko kasing madaliin ka. Ayokong pagsisihan mo pagkatapos.”

        “Never,” bulong ni Alex. “Basta kasama kita, wala akong pagsisisihan.”

        Pinangko siya ni Edric. Dinala sa kamang nasa kabilang bahagi ng silid. Maingat na inihiga.

        Suot pa rin niya ang kanyang sundress na bulaklakin na may spaghetti straps. Medyo nalilis lang sa kanyang pagkakahiga.

        Naupo naman si Edric sa gilid ng kama. At sinimulan nitong haplusin ang kanyang katawan – mula sa kanyang pisngi, pababa sa leeg, sa dibdib, paikot...

        Napapasinghap si Alexandra. Napapaigtad.

        “Noon ko pa sinasamba ang katawang ito,” bulong ni Edric. “Noon ko pa pinangarap na gawin ito.”

        At dahan-dahan, unti-unti, sinimulan siya nitong hubdan at sambahin ng haplos, ng halik. Hanggang sa ganap na matambad ang kanyang kahubdan. Ang kanyang buong kariktan. Kasabay ng kanyang ganap na pagsuko sa kaligayahang dulot ng mga labi’t daliri ni Edric.

        “Edric...” halos walang patid niyang daing.

        Nangungunyapit siya sa anumang bahagi ng kasuotan nito na kanyang mahagilap. Pilit na hinuhubdan din ang katipan.

        Pero hindi pa agad pumayag si Edric. Nanatili itong nakabihis. Samantalang siya ay makailang ulit na nitong tinuruan kung ano iyong tinatawag na rurok ng kaligayahan.

        “Edric... please,” pagmamakaawa na ni Alexandra. Sa wakas ay pinagbigyan na siya nito.

        Lalong nag-apoy si Alexandra nang matambad din sa kanya ang kahubdan ng katipan.

        At nang samahan siya nito sa higaan, pakiramdam niya sa sariling katawan ay kumunoy na kalulubugan ni Edric. Na ganap na aangkin kay Edric.

        Pero siya rin pala’y inangkin. Dahil muli’t muli, ganap niyang isinuko ang kanyang kamalayan. Siya’y naging sanlaksang bulalakaw na sumagitsit at sumabog sa kawalan. Paisa-isa pero magkakasunod. Parang wala nang katapusan.

        Nang magkayakap na silang namamahinga pagkaraan ng ilang oras, nagtanong na naman si Alexandra.

        “Ed... bakit ngayon lang natin ginawa ito?”

        Natawa uli ang katipan.

        “Ikaw talaga,” sagot nito. “Paano po, inilalagay kita sa pedestal. Parang diyosa ng pag-ibig na sinasamba ko lang mula sa malayo.”

        Eksakto pala ang nasa sa isip niya all those years.

        “Ayoko ng ganoon,” sagot ni Alex. “Malayo sa iyo. Malungkot. Mas gusto ko ang ganito. Iyong sinasamba mo ako ng haplos, ng halik. Gusto ko, lagi tayong ganito.”

        Napahalakhak nang marahan si Edric.

        “Aba, gusto ko rin,” sabi nito. “Kaya pagbalik natin sa Maynila, magpapakasal na tayo. Kung hindi, lagot ako sa Daddy at Mommy mo at sa Papa’t Mama ko. Hindi naman maniniwala ang mga iyon na ibinuyo mo lang ako rito.”

        “Talaga,” sagot ni Alexandra. “Malay ko ba sa mga bagay na ito.”

        At sinundan niya iyon ng napakapilyang ngiti, sabay dapo ng mga daliri sa lugar na hindi inaasahan ng katipan.

        “Alex...!” singhap ni Edric.

 

EPILOGO

 

“AYOKO sa harap,” pagkatanggi-tanggi ni Bianca.

        “Dito raw sa harap ang bridesmaids, e,” sagot ni Catlyn. “Dapat dito tayong tatlo.”

        “Kayo na lang diyan,” sabi ni Bianca.

        “Ay, talagang dito ako sa harap. Sa gitna pa,” sabi naman ni Desiree. “Sana nga, ako ang makasalo ng bouquet. Para ikasal na rin kami ni Arman pag-uwi niya this year.”

        “Hmp, bahala na nga kayo,” iling ni Bianca.

        At sinadya pa nitong pumuwesto sa pinakalikuran ng nakaumpok na mga kadalagahan.

        “One, two, three,” sabi ni Alexandra bago niya itinapon sa kanyang likuran ang bouquet ng mga white orchids.

        “Aaay!” tilian ng mga dalaga.

        “Aaaay!” mas malakas na sigaw ng nag-iisang boses... ni Bianca.

        Sigaw iyon ng pagkagulat, hindi ng excitement.

        Kung bakit naman kasi sa karamihan ng mga dalagang nagsisiksikan sa harap ay sa ulo pa nito bumagsak ang bouquet ni Alexandra.

        “Si Bianca!” tili ni Desiree.

        “’Ayan kasi!” sabi naman ni Catlyn.

        Si Alex naman, tawa nang tawa.

        Nakasimangot na iwinasiwas ni Bianca ang bouquet.

        “Bakit ako?” reklamo nito. “Wala naman akong boyfriend. Dapat si Des.”

        “You’ll never know,” sagot ni Catlyn. “Baka may ibang plano para sa iyo ang kapalaran. Baka maunahan mo pa si Desiree.”

 

“ANO pa ang kasunod?” tanong ni Alexandra kay Edric pagkatapos silang makunan ng litrato na nagbubukas ng isa sa kanilang mga regalo.

        “Ewan ko,” sagot ng groom. “Wala na yata. Marami na ngang nagsipag-uwian sa mga bisita, e.”

        Ngumiti si Alex.

        “Wala na?” ulit niya. “Uwian na talaga?”

        “Bakit?” nakangiti na ring tanong ni Edric. “Gusto mo na akong yayaing pumanhik, ano?”

        Sa bagong katatapos na New Haven Spa Hotel sa Makati ginanap ang reception ng kasal nila. At sa honeymoon suite sila magpapalipas ng gabi bago tumulak patungong Cebu kinabukasan.

        “May operator ba ang lahat ng elevator dito?” parang napaka-inosenteng tanong ni Alexandra.

        “Ano naman ang kinalaman...”

        Natigilan si Edric.

        “Alex... may naiisip ka na namang kalokohan, ano?”

        “Ako? Kalokohan?” sagot ng bride.

        Pero may kakaiba nang kislap sa mga mata ni Edric.

        Mabilis nitong kinuha ang kamay ni Alex at hinila siyang patungo sa pinakamalapit na elevator – na pagkatapos ay nabitin nang kung ilang minuto sa pagitan ng ikaanim at ikapitong palapag sa hindi malamang dahilan.

 

WAKAS


May sariling mga kuwento ng pag-ibig sina Bianca, Catlyn at Desiree.

Abakada ng Pag-ibig: Bianca

Abakada ng Pag-ibig: Catlyn

Abakada ng Pag-ibig: Desiree

 

Basahin ang kwento ng pag-ibig ni GM sa

Abakada ng Pag-ibig: Hiyas


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)