Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: BIANCA Chapter 3

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

INIHATID siya ni Paolo pauwi.

        “Huwag na,” tanggi ni Bianca noong simula. “Paano mo ako ihahatid e baka hindi mo nga kabisado itong lugar na ito. Baka mawala ka sa pabalik dito kina Catlyn.”

        “Mahusay ang aking memory,” sagot ng binata. “Basta ituro mo sa akin ang papunta sa inyo, makakabalik din ako rito nang maayos. Don’t worry.”

        “Sanay ka ba namang sumakay ng tricycle?” hirit pa niya.

        “Hindi naman tayo sasakay ng tricycle,” sagot ni Paolo. “Dala ko ang isa sa mga kotse nina Mama at Papa Willy.”

        “Magda-drive ka? Baka nakakalimutan mo nang iba ang driving dito kaysa sa States,” parang pananakot ng dalaga.

        “Iyan din ang sabi ni Mama at ni Papa Willy kanina,” natatawang sagot ng kaharap. “To prove myself, ako na ang nag-drive mula sa bahay nila sa ParaƱaque hanggang dito. You only live a few blocks away. Maihahatid kita at makakabalik ako rito nang hindi pa natatapos ang kuwentuhan ni Mama at ni Tita Carol.”

        Hindi nagpahalata si Bianca na na-impress siya.

        “Iiwanan mo sila, e ikaw nga ang guest of honor sa reunion na ito,” pangangatwiran niya. “Nakakahiya naman iyon.”

        “Mas maipapakita nga natin sa kanila na talagang I’ve fallen head over heels for you,” pakli ni Paolo. “Hindi ba kailangan nga nating bigyan ng sapat na preparasyon ang ating soon-to-be-announced wedding plans?”

        Ano pa nga ba ang ipangongontra ni Bianca sa katwirang iyon?

        Magmula kanina ay panay na ang pagdidirihe ni Paolo sa kanilang pagkilos, ayon lang naman daw sa pangangailangan ng kanilang proyekto. Pagkatapos ng matagal-tagal din nilang pag-uusap sa lanai ay niyaya naman siya nito sa itaas ng bahay para ipakilala sa ina, stepfather at mga kapatid nito sa ina.

        Estimadung-estimado siya ng binata maging sa pagkain. Sinabayan pa uli siya nito para raw hindi siya mahiya dahil tapos nang kumain ang iba pang naroon.

        Napansin ni Bianca na panay ang sulyap sa kanila ng matatanda at makahulugan ang mga tinginan ng magkapatid na Pilar at Carol. Mukhang epektibo nga ang ginagawang ‘pagpapahalata’ ni Paolo.

        Pagkatapos niyang kumain ay nagkuwentuhan pa muli sina Paolo at Catlyn. Napansin din ni Bianca na kakaiba ang mga sulyap ng kanyang kaibigan sa pinsan nito. Para bang pati ang kanyang kababata ay naiilang sa sariling pinsan.

        Hindi nagtagal at nagpaalam na si Bee.

        At agad ngang nagboluntaryo si Paolo na ihahatid siya pauwi.

        Iyong naging argumento nila ay naganap nang halos pabulong para hindi mapansin ng matatanda. Nakakunot naman ang noo ni Catlyn habang nakikinig sa kanila.

        Nauna nang tumayo ang binata.

        “Tita Carol, Mommy, Tito Abe, Papa Willy,” parang pagro-roll call nito sa apat na matatandang naroon, “mauuna na raw si Bianca. Ihahatid ko muna siya sa kanila. Pagamit uli ng sasakyan, ha, Papa Willy?”

        “Ingat lang,” sagot ng amain.

        Tumango si Paolo.

        “Nice meeting you, iha,” nakangiting sabi ni Pilar. “I hope we’ll see each other again.”

        May pahaging na iyon. May pahiwatig ng pag-aapruba.

        “You will, ‘Ma,” salo naman agad ni Paolo. “I promise.”

        Talagang hindi nito pinalalampas ang anumang oportunidad na mailatag nang maayos ang pundasyon ng kanilang plano.

        Hangang-hanga tuloy si Bianca sa binata. Cool na cool ito sa pag-arte. Parang totoong-totoo ang lahat ng sinasabi. Samantalang siya na mismong may pakana nito ay katakut-takot ang kaba.

        Lalo pa siyang pinamulahan ng mukha sa huling tinuran ni Paolo. Tinugon pa mandin iyon ni Pilar na pagkaliwa-liwanag na ngiti.

        Parang nahihiya’t nagi-guilty na nga si Bianca. Mukhang botong-boto pa naman sa kanya ang ina ng binata. Wala itong kamalay-malay sa binabalak niyang diskarte – na para na ring panloloko nila ni Paolo sa kanilang mga pamilya.

        Bahala na.

        Inihatid sila ni Catlyn hanggang sa sasakyan.

        “Tatawagan kita mamaya, Bee,” bilin nito habang tinitingnan siya nang makahulugan.

        “Sige, hindi muna ako matutulog,” sagot niya. “Hihintayin ko ang tawag mo.”

        Sabik din siyang makausap nang sarilinan si Catlyn para maitanong dito kung bakit parang ilang na ilang ito kay Paolo.

        Sigurado naman siyang tatanungin ng kaibigan ang tungkol sa mga napagkasunduan nila ng binata. Marami kasing hindi narinig si Catlyn sa mga pinag-usapan nila.

 

HABANG lumalabas ng garahe ang Honda Civic na minamaneho ni Paolo ay biglang nakadama ng pag-aalinlangan si Bianca.

        Totoo ba ito?

        Kani-kanina lang ay pumapasok siya sa tarangkahan ding iyon na walang pinanghahawakan kundi ang isang proposisyong “suntok sa buwan.” Ni hindi pa niya kilala si Paolo Cordero. Ngayo’y magkatabi pa sila sa kotse at inihahatid na siya pauwi ng kanyang “mapapangasawa”.

        “O, saan tayo?” biglang tanong ni Paolo. “Kailangang ituro mo sa akin ang papunta sa inyo.”

        “A, oo nga pala,” parang naalimpungatang sagot niya. “Straight ahead ka lang nang tatlong kanto, pagkatapos turn right.”

        “Okay,” tango ng binata. “Pero malalim yata ang iniisip mo.”

        Umamin na si Bee.

        “Hindi ko kasi akalaing ganito kadali at kabilis mangyayari ito,” sagot niya. “Pagbabakasakali lang talaga ‘yung pakiusap ko kay Catlyn, e.”

        “Ako rin, ni wala sa hinagap ko na magpapakasal ako sa trip kong ito,” nakangiting sabi ni Paolo.

        “At least, mutually beneficial ito sa atin,” pakli ng dalaga.

        Parang paalala na rin iyon sa sarili niya. Pampanatag ng pag-aalinlangan.

        “Definitely,” mabilis na tugon ni Paolo.

        Ito’y parang siguradung-sigurado sa sarili.

        May biglang naisip na tanong si Bianca.

        “Wala bang magiging kumplikasyon sa panig mo? I mean, wala ka bang girlfriend sa States na maaapektuhan sa gagawin nating ito?”

        Ngayon lang niya naisip itanong iyon dahil hanggang kaninang patungo siya kina Catlyn ay larawan ng isang computer nerd ang nasa kanyang imahinasyon – isang torpeng walang panahon na makihalubilo sa mga babae. Pero sa nakita niyang personalidad ni Paolo ay parang mas mahirap paniwalang wala itong girlfriend.

        “None at the moment,” pakibit-balikat na sagot ng binata.

        Napakakaswal ng sagot na iyon.  Pero ang implikasyon ay may dati itong nobya – o mga nobya pa nga siguro, naisip ni Bee.

        Napakagat-labi siya. May panibagong kaba na nadagdag sa kanyang dibdib. Kaya ba niyang pakisamahan ang isang tulad ni Paolo Cordero sa papasukin nilang sitwasyon? Mukhang malawak na ang karanasan nito sa mga babae, samantalang siya ay nangangahas lang na mangapa sa teritoryong hindi niya kabisado.

        “Don’t worry,” dagdag ni Paolo habang nakangiting sumusulyap sa kanya. “Walang magseselos sa iyo. You’re the only woman in my life right now.”

        “Good,” kunwa’y balewalang sagot niya. “Oops, kumanan ka na diyan. Pagkatapos, kaliwa naman.”

        “Talaga palang malapit lang kina Catlyn ang sa inyo, ano?” sabi ng binata.

        “Diyan lang sa may gate na pula,” pagmumuwestra ni Bee.

        Itinabi ni Paolo ang kotse.

        “Thanks for the ride,” sabi ni Bianca. “At salamat sa pagpayag mong tulungan ako.”

        “My pleasure,” sagot ni Paolo.

        At mabilis itong umibis.

        Napakabilis talagang kumilos ng binata dahil bago pa man nakahuma si Bianca ay binubuksan na nito ang pinto ng kotse sa tabi niya.

        Pag-ibis niya ay muli sanang magpapasalamat ang dalaga. Pero natigilan siya nang makita niya kung sino ang nasa may likuran ni Paolo. Ang nagbukas ng gate ng bahay nila.

        “D-daddy...?” sambit ni Bianca.

        Napalingon si Paolo.

        “Good evening, sir,” sabi agad nitong umiikot paharap kay Bert Fortuna.

        Parang hindi man lang nagulat ang binata.

        “Good evening,” maayos namang sagot ni Bert.

        “A... Daddy, si Paolo, pinsan ni Catlyn,” pagpapakilala ni Bianca. “Galing ako sa kanila, e. Paolo, my dad.”

        “Paolo Cordero, sir,” sabi ng binata.

        Naglahad ng kamay si Bert.

        “Bert Fortuna,” sabi nito.

        Nagkamay ang dalawa.

        “Glad to meet you, Paolo,” sabi ng mas nakatatandang lalaki. “Tuloy ka muna.”

        Napakurap-kurap si Bianca.

        Wala sa plano niyang anyayahang pumasok ng bahay ang binata. Kunsabagay, wala rin sa plano niya ang biglang pagdating ng daddy niya.

        Tumingin sa kanya si Paolo na parang nagtatanong.

        Ano pa nga ba ang magagawa niya?

        “Oo nga. Tuloy ka muna,” sabi na rin ni Bianca.

        Hindi bale, naisip niya. Gagamitin na lamang niya ang pagkakataon para lalo pang mapabilis ang kanyang plano. Kailangang maging alisto siyang gaya ni Paolo sa pagtugon sa mga biglang pagbabago ng sitwasyon.

        “Matagal nang kaibigan ni Bee si Catlyn at kilala ko na ang mga magulang at kapatid niya pero ngayon ka lang yata nagawi rito, Paolo,” sabi ni Bert nang nakaupo na silang tatlo sa salas at nagkakape.

        Heto na, naisip ni Bianca. Nagsisimula nang mag-imbestiga ang daddy niya. Hindi naman niya ito masisisi. Kauna-unahang pagkakataon ba namang may lalaking naghatid sa kanya pauwi.

        Mula’t sapul kasi ay hindi pa tumanggap ng manliligaw si Bianca. Iyong mga nagpapakita ng intensiyon ay pinaprangka na niya agad na ayaw niyang magpaligaw. Ni hindi nga siya tumatanggap ng tawag sa telepono. At alam din ng daddy niya kung bakit. Kaya siguro ganoon na lang ang kuryusidad nito sa kaharap na binata.

        “Sa States ho kasi ako nakatira for the past eleven years,” sagot ni Paolo. “Kadarating ko lang noong isang araw.”

        “Ganoon ba?” sabi ni Bert. “Nagbabakasyon ka lang ba o are you here for good?”

        “Depende ho sa mga pangyayari,” nakangiting sagot ng binata.

        At tumingin ito sa kanya nang makahulugan. Iyong tipo ng tingin na sadyang ipinahahalata sa daddy niya.

        Pero bakit ba kahit alam ni Bianca na nagdadrama lang ito ay namula pa rin siya? Siguro, dahil hindi lang talaga siya sanay na makitungo nang ganito sa lalaki. Wala siyang kaalam-alam sa pakikipagligawan.

        Iniba na lang niya ang usapan.

        “First cousins sina Catlyn at Paolo, Dad,” sabi niay. “Graduate siya ng UCLA and he’s into computers.”

        Kailangang bumilib ang daddy niya sa binata. Mahalagang maganda ang maging first impression nito kay Paolo para mapadali ang pagpayag nito kapag humingi sila ng permisong magpakasal sa malapit na hinaharap.

        “Really?” sagot nga ni Bert. “Aba, computer specialist nga mismo ang in demand ngayon. You’re on the right track, young man. Saang kompanya ka ba nagtatrabaho sa States?”

        Bago makasagot si Paolo ay sumabad na si Bianca.

        “Nagde-develop siya ng software, Dad,” sagot niya. “Consultant din siya sa iba’t ibang kompanya. He’s a freelancer.”

        Napatingin sa kanya ang binata, bahagyang nakataas ang kilay pero nakangiti.

        “Ang dinig ko, that’s where the money is,” sabi ni Bert.

        Nginitian lang din ito ni Paolo.

        Sinadya ni Bianca na magsinungaling – na gawing eksaherado ang kinalaman ng binata sa computer industry – para isipin nga ng ama niya na maayos at mataas ang kabuhayan nito. Na kaya nitong bumuhay ng pamilya. Alam palibhasa niyang isa iyon sa mga kuwalipikasyong hahanapin ni Bert sa kanyang mapapangasawa.

        Mabuti na lang at hindi siya kinontra ni Paolo.

        Nagtagal din nang kaunti ang kuwentuhan nilang tatlo. Maraming mga tanong si Bert. Listo namang sumagot si Paolo.

        Alas nuwebe’y medya dumating sina Bianca at Paolo. Alas-diyes kinse na nang makapagpaalam ang binata.

        Pero hindi lang basta paalam ang ginawa. Bago umalis ay may pormal pa itong ipinagpaalam kay Bert.

        “Sir, I understand that you’re not here most of the time,” sabi ni Paolo. “Kaya gusto ko sanang humingi ng permiso ninyo na makadalaw nang regular kay Bee, kahit habang wala kayo.”

        Halatang nagulat si Bert. Hindi marahil nito inaasahan ang ganoong paggalang mula sa isang matagal nang naninirihan sa ibang bansa.

        “Of course,” sagot nito. “Mabuti at nagkakilala na tayo ngayon. Isa pa, like I said earlier, hindi na iba sa amin si Catlyn at ang pamilya niya. You’re always welcome here, iho.”

        “Salamat ho,” nakangiting sabi ng binata.

        Inihatid ito ni Bianca hanggang sa tarangkahan.

        “Hindi ko expected na darating si Daddy,” paliwanag niya kay Paolo nang malayu-layo na sila sa pinto ng bahay. “Pasensiya ka na’t napasubo ka agad.”

        “It’s a blessing in disguise,” sagot ng binata. “Mabuti nga ito, napabilis pang lalo ang development ng relationship natin. Kita mo, puwede ko nang simulan ang pormal na panliligaw sa iyo.”

        Namula na naman si Bianca.

        “Oo nga pala,” pag-iiba niya uli ng paksa, “pangangatawanan mo na iyong mga sinabi ko kay Daddy na hanapbuhay mo, ha? Mas makakatulong kasi sa pagpayag niya sa kasal natin kung ang akala niya ay malaking-malaki ang kinikita mo. Alam mo naman ang mga tatay...”

        Natawa si Paolo.

        “Okay ka ring pumili ng kuwento, ano?” sabi nito. “Nagulat nga ako kung saan mo napulot iyong pagiging freelance consultant ko sa iba’t ibang kompanya. Wala naman akong binanggit na ganoon sa iyo. Pero don’t worry, mapapangatawanan ko iyon. No problem.”

        “Salamat uli sa cooperation mo, Paolo,” seryosong sabi ng dalaga. “I appreciate your efforts to make this plan work.”

        “Dapat din akong magpasalamat sa pagpili mo sa akin,” sagot ng binata. “I’m already enjoying this, hindi mo ba napapansin?”

        “Napansin ko nga,” natatawang amin ni Bianca. “Bilib nga ako sa iyo, e. Parang ang dali-dali para sa iyo nitong ginagawa natin.”

        “Just relax and enjoy it, too,” payo ni Paolo. “Kayang-kaya natin ito. Sagot kita rito.”

        Tumawa na nang ganap si Bee.

        “I guess I really made the right choice,” sabi niya. “Kailangan ko nga iyang ganyang confidence mo. Alam mo bang kung kailan ka na pumayag ay saka ko lang yata na-realize kung gaano kakumplikado at ka-drastic itong gagawin natin? Parang gusto ko na tuloy mag-chicken out. Pero nakakapagpalakas ng loob ang attitude mo, pati na rin ang presence of mind mo. Ang bilis mong mag-react sa mga pabagu-bago sitwasyon. Naikakasa mo pa rin sa direksiyon ng plano natin.”

        “Nag-internalize lang ako,” paliwanag ng binata. “Basta ang alam ko, magmula kaninang tinanggap ko ang proposal mo, we have a single goal – to get married as soon as possible. Therefore, lahat na ng ginagawa ko ay patungo sa direksiyong iyon. Siyempre, pangunahin doon ang pagkumbinse sa mga pamilya natin. Palagay ko naman, even just for this night, malaki na ang na-accomplish natin sa larangang iyon. As far as your dad and my family is concerned, seryoso na kitang nililigawan starting tonight. Kaya, siyempre, kailangang mabilis ang ating follow through. That means I’ll be seeing you tomorrow.”

        “H-ha?” sagot ni Bianca.

        “We should be spending a lot of time together para ma-justify ang ating whirlwind romance, hindi ba?” pagpapatuloy ni Paolo. “Sunday naman bukas. Wala kang pasok. Magdadala ako ng pangmeryenda sa hapon. Puwede tayong magkuwentuhan dito. Then I’ll ask you out to dinner. Sa palagay mo ba, papayagan kang sumama sa akin na walang chaperone?”

        “A... e-ewan ko,” nalilito nang sagot niya. “Hindi pa naman kasi nangyari na nagpaalam ako kay Daddy para makipag-date, e.”

        “Then let’s just give it a try,” makumpiyansa pa ring sabi ng binata. “Ako’ng bahala.”

        At sinundan pa nito ang pahayag na iyon ng isang pilyong kindat.

        Namula na naman si Bianca.

        “See you tomorrow,” paalam na ni Paolo.

        “Ingat,” bilin niya.

        Kumaway din si Bianca.

        Pagbaling niyang pabalik sa bahay matapos maisara ang tarangkahan ay nakita niyang nasa may pinto si Bert, nakamasid sa kanya.

 

“SA tingin ko, magiging seryosong manliligaw mo si Paolo,” sabi ni Bert paglapit niya rito.

        Nagkibit-balikat lang kunwari ang dalaga.

        “Biglaan yata ang pagluwas mo, Dad,” pakli niya nang makapasok na sila ng bahay. “Next week pa dapat ang schedule ng punta mo rito, hindi ba?”

        “Oo nga, e,” sagot ng ama. “Tinawagan kasi ako ng mommy mo.”

        “Tinawagan ka?” gulat na sabi ni Bianca. “Milagro. Ni ayaw nga niyang nababanggit kita sa kanya, e. Well, kunsabagay, gusto lang sigurong ipagmayabang sa iyo na nagpakasal siya sa isang Italyanong kailan lang niya nakilala. She just wanted to rub it in. Gumaganti lang iyon sa iyo.”

        Halatang-halata ang inis sa tono ng pananalita niya.

        “It’s not like that, Bianca,” tanggi ni Bert. “Sit down. Mag-usap tayo.”

        Tatay na tatay naman ang tono nito. Iyong hindi puwedeng tanggihan ng anak.

        Sumunod si Bee, pero nanunulis na ang nguso. Muli na namang nanariwa sa dibdib niya ang hinanakit sa ina.

        Naupo siya sa silyang kaharap ng inokupa ng daddy niya sa salas.

        “Desperate na ang mommy mo kaya tumawag sa akin,” pagkukuwento ni Bert. “Ayaw mo raw siyang kausapin sa phone. Galit ka nga raw sa pagpapakasal niya. Bakit naman ganyan, Bee? You’re old enough to understand the situation. Pareho kaming may kanya-kanya nang buhay at may pangangailangang magkaroon naman ng second chance na lumigaya.”

        “Hindi naman iyon, Dad,” pangangatwiran ng dalaga. “Payag naman akong mag-asawa siya uli gaya mo. Pero tinupad sana muna niya ang pangako niya sa amin ni Francesca. Alam naman ninyo na iyon ang primary goal ko – ang makapunta sa States. Hindi ba niya puwedeng ipagpaliban ang kanyang pagpapakasal hanggang naroon na kami? Para siyang teenager na ayaw paawat sa Italyanong iyon.”

        “Bianca!” matigas na saway ng ama. “Hindi mo dapat pinagsasalitaan ng ganyan ang mommy mo.”

        Bumulwak na ang luha ng dalaga.

        Agad namang lumambot si Bert. Lumipat ito sa tabi ng anak at inakbayan si Bee.

        “After so many years, ngayon lang siya nakatagpo ng lalaking makakapagpaligaya sa kanya,” paliwanag ng ama. “Intindihin na natin kung gaano katindi ang naging impact niyon sa kanya. She has been so lonely for so long. Siguro naman, she has a right to this happiness. Don’t worry, tutulungan naman kitang matupad ang pangarap mo. Pipilitin nating maghanap ng paraan para makapunta ka sa States, kahit bilang graduate student muna. Sagot ko ang pag-aaral mo. Then, maybe we can work it out from there. Kakausapin ko rin si Francesca. Baka gusto niyang magsabay na kayo.”

        Naisip na rin ni Bianca ang solusyong iyon – ang pumunta sa States bilang estudyanteng kukuha ng masteral degree. Pero pansamantalang visa lang ang makukuha niya sa ganoon. Pagkatapos ng kanyang kukuning kurso ay pababalikin na uli siya sa Pilipinas.

        Mas gusto niya iyong mabilis at siguradong paraan – iyong magiging American citizen na siyang talaga. At si Paolo nga lang ang tangi niyang pag-asa.

        Hindi niya siyempre ipagtatapat iyon sa daddy niya. Alam niyang hinding-hindi ito papayag sa kanyang plano.

        Pero ikinatuwa na rin ni Bianca ang kaalamang gusto siyang tulungan ni Bert. Kung ganoon ay baka mas madali niya itong makumbinse na payagan siyang pakasal kay Paolo. Puwede niyang sabihing biglaan din siyang na-in love na tulad ng nangyari sa mommy niya at sa Italyanong iyon.

        Oo nga pala. Puwede niyang mapakinabangan ang ehemplo ng mommy niya. Bakit ba hindi niya iyon naisip agad?

        Nagpahid ng luha ang dalaga. Kunwa’y pilit na ngumiti.

        “I’m sorry, Dad,” sabi niya. “I got carried away. Pero siguro nga, tama ka. Hindi ko lang kasi na-realize noon na napaka-unpredictable pala ng pag-ibig. It comes when we least expect it. Biglang-bigla na lang. Ganoon nga siguro ang nangyari kay Mommy.”

        “So, kakausapin mo na siya pagtawag niya?” tanong ni Bert.

        Saglit pa ring nag-alinlangan si Bianca. Ang totoo’y masama pa rin ang loob niya.

        Sa kabilang banda, naisip niyang kakailanganin din niya ang pagpayag ng mommy niya sa gagawin niyang pagpapakasal kay Paolo. Kung patuloy niya itong aawayin at tutulan nito ang kasal niya ay posibleng maimpluwensiyahan nito pati ang pasya ni Bert.

        “Sige, Dad, makikipag-ayos na ako kay Mommy,” sagot ni Bianca.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)