FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
PAGDATING ni
Paolo kina Catlyn ay panay kantiyaw ang sumalubong sa kanya.
“Akala namin, dito na kami matutulog,
e,” sabi ni Pilar. “Ihahanda na sana ng tita mo ang guest room.”
“Hindi naman ako masyadong nagtagal, a,”
depensa ng binata. “Nakipagkuwento lang ako nang sandali sa daddy ni Bee.”
“You met her father?” sabi ni Willy. “At
nakipaghuntahan ka pa. Aba, magaling. Kapag boto na sa iyo ang ama, maganda na
ang chances mo. Mahusay ka pala sa strategy and tactics, iho.”
“Nagkataon lang ho na dumating ang
father niya galing Baguio,” nakangiting sagot ni Paolo.
“Buwenas ka,” sabi ni Abe. “Bihirang
lumuluwas dito si Bert. Tiyempo ang dating mo roon.”
“Oo nga ho,” sagot ng binata. “Kaya
nilubos ko na. Humingi na ako ng permiso na pormal na aakyat ng ligaw kay Bee.”
“Huuu! Galing! Bilib na talaga ako sa
bilis mo, Kuya,” tuwang-tuwang hiyaw ng mas nakababata niyang kapatid na si
Whammy.
Labimpitong taong gulang ito, first year
college sa La Salle, at hangang-hanga sa nakatatandang kapatid.
Nakipag-high five pa ito sa kasunod na
si Pia na kinse anyos naman.
“Mabuti at hindi ka naman pala American
style kung manligaw,” pabirong sabi ni Carol. “At least, nagpaalam ka kay
Bert.”
“Pinoy pa rin ako hanggang ngayon,
Tita,” sagot ni Paolo.
“Dapat lang,” sabi naman ni Pilar.
Bago umalis ang mga bisita ay hinila
muna uli ni Catlyn ang pinsan sa isang tabi.
“Nakakagulat ka naman,” parang
panunumbat ng dalaga. “Akala ko ba, hindi ka interesado sa plano ni Bee
kaninang ikinuwento ko iyon sa iyo? Bakit biglang nagbago ang ihip ng hangin?”
“Well, you didn’t tell me she was
gorgeous,” sagot ni Paolo. “Nakita ko siya mula sa balcony kaninang papasok
siya sa gate. Wow! I couldn’t resist. She’s so sexy in a very subtle way. How
could I say no?”
“Paolo, isa sa mga best friends ko si
Bee,” babala ni Catlyn. “Kung may binabalak kang kalokohan, huwag mo nang ituloy.”
Sumeryoso ang binata.
“Hindi mo na nga yata ako kilala, Cat,”
sagot nito. “Hindi ako nanloloko, lalo pa ng babae. Tutulungan ko si Bianca to
the best of my abilities. But I’m not doing it for the money. Gagawin ko ito
dahil gusto ko. I enjoy being with her, getting to know her. It’s a pleasure
helping her.”
“Attracted ka sa kanya, obviously,” sabi
ni Catlyn. “Pero remember, business deal lang ang usapan n’yo. May balak ka
bang gawing totohanan ang kasalan? I mean for good?”
Saglit na natahimik si Paolo.
Pagkatapos, isinuklay nito ang mga
daliri sa buhok.
“There’s a problem,” amin nito. “Ang
goal niya ay maging American citizen at tumira sa States. Ako naman, umuwi rito
para maghanda sa pag-claim ko ng Filipino citizenship. I want to stay here for
good.”
“Ha?” namimilog ang mga matang sambit ni
Catlyn. “P-pero paano na ang deal n’yo?”
Nagkibit-balikat si Paolo.
“I’m temporarily postponing my own
plans, that’s all,” sagot nito. “Uunahin ko muna si Bee. I’ll take her to the
States if that what she wants. Hihintayin kong makuha na niya ang kanyang
citizenship at settled na ang lahat. Pagkatapos, babalik na ako rito for good.
Sarili ko naman ang aasikasuhin ko.”
Tiningnan siya nang matiim ni Catlyn.
“So it’s really a business deal,”
paniniguro nito.
“It is what it is,” nakangiting sagot ng
binata. “I’d rather think of it as helping a friend. A gorgeous friend.”
“MABUTI’T
gising ka pa,” sabi ni Catlyn. “Hindi ako nakatawag agad. Kaaalis lang nina
Paolo, e. Nagkakagulo rito kanina nang sabihin niyang nagpaalam na siya sa daddy
mo para ligawan ka nang pormal.”
“Sinabi niya iyon?” sagot ni Bianca.
“Inianunsiyo niya sa lahat?”
“Tuwang-tuwa nga sina Tita Pilar, e,”
sabi ni Catlyn. “Gustung-gusto nila ang ideya na Pilipina ang liligawan ni
Paolo.”
“Nakaka-guilty naman,” sagot ni Bianca.
“Ngayon ka pa magi-guilty,” sumbat ni
Catlyn. “Ewan ko ba sa inyong dalawa. Ako ang kinakabahan dito sa gagawin n’yo,
e.”
“Bakit nga ba?” tanong ni Bee. “Kanina
ko pa nga napapansin na ilang na ilang ka sa sarili mong pinsan.”
“Paano, ibang-iba na nga siya,” sagot ni
Catlyn. “Hindi naman siya ganyan noong araw. At saka nagulat ako na pumayag
siya sa plano mo. Noong una ko iyong iniharap sa kanya, pinagtawanan lang ako.
Pagkatapos, noong kaharap ka na, biglang umoo. Paano pala, nagandahan at naseksihan
sa iyo.”
“Ano?!” hindi makapaniwalang sagot ni
Bee. “Loka, hindi mo ako mapapaniwala riyan. Sanay iyon sa mga long-legged na
blondes at redheads sa States.”
“Iyon ang sabi niya sa akin, e,” pakli
ni Catlyn. “Noong makita ka raw niyang pumapasok sa gate namin, he couldn’t
resist you. Gorgeous ka raw. Very sexy in a very subtle way – iyon ang
eksaktong words niya.”
Nanlamig si Bee. Kinabahan na kung
paano. Pero may kakaibang init ding namuo sa gawi ng sikmura niya. Hindi niya
malaman kung natutuwa siya o nagpa-panic sa kanyang narinig.
“G-ganoon?” sabi niya.
“Kaya mag-ingat ka,” diretsahan nang
payo ni Catlyn. “Baka mamaya niyan, ma-in love kayo sa isa’t-isa. Naku,
malaking kumplikasyon. Ikaw, gustong maging American citizen. Siya pala,
pagkatapos kang matulungan, uuwi na rito for good. Igi-give up niya ang kanyang
US citizenship at kukuha siya ng Filipino citizenship.”
“Ha? Bakit?” tanong ni Bee.
Hindi niya maintindihan kung bakit
gugustuhin ninumang gawin ang ganon.
“Itanong mo sa kanya,” sagot ni Catlyn.
“Bukas, uusisain ko ang tungkol
diyan,”sabi ni Bee. “Darating daw siya rito sa hapon. Magdadala ng meryenda.
Pagkatapos, yayayain akong mag-dinner sa labas. Siyempre, all for daddy’s sake.
Papapel na siya na masugid na manliligaw. Sa palagay mo ba, ano ang minimum
period na kailangan bago kami magpaalam na pakasal?”
“Ewan ko sa inyo,” parang kinikilabutang
sagot ni Catlyn. “Ayokong sumali riyan. Ninenerbiyos na nga ako dito sa naging
papel ko sa kasunduan n’yo, e. Baka mamaya, pagsisihan natin ito.”
“Lalo mo naman akong pinakakaba, e,”
saway ni Bianca sa kaibigan. “Pinsan mo si Paolo. Trust him. Sagot daw niya ako
rito.”
“Ipagdarasal ko na lang kayong pareho,”
sagot ni Catlyn.
HINDI agad
nakatulog si Bianca. Naghahalo sa kanya ang excitement, kaba at kung anu-ano
pang mga emosyon na hindi niya maintindihan.
Hindi rin naman niya ipinagtataka iyon.
Natural lang na ma-excite siya dahil hindi niya inasahang magiging ganito
kadali ang pagpapatupad sa kanyang plano. Mas mapapabilis pa yata ang kanyang
pagiging American citizen kaysa sa kung hinintay niya ang petisyon ng kanyang
ina.
Pero hindi ang buhay sa Amerika ang nasa
sentro ng kamalayan ng dalaga. Sa mga oras na iyon ng gabi ang nasa isip niya
ay si Paolo.
Si Paolo at ang mga sinabi raw nito kay
Catlyn.
Ano nga raw iyon? Tinawag siya nitong
“gorgeous”. Nang makita raw siyang papasok sa gate nina Catlyn kanina ay naakit
na nang husto sa kanya kaya biglang nagpasyang tanggapin ang kanyang alok na
pagpapakasal. “Very sexy in a very subtle way” daw kasi siya. He couldn’t
resist.
Maalala lang ang mga salitang iyon ay
namumula na si Bianca kahit siya nag-iisa. Hindi niya akalaing ganoon ang
tingin sa kanya ng binata. Sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya nakatanggap
ng ganoong klase ng papuri – iyong nakakaantig ng kung anong damdamin.
Pati mga papuri ni Paolo ay katulad din
ng mga titig at ngiti nito. Mapanukso. Mainit. Nakakadarang.
Naalala niya ang babala ni Catlyn.
Mag-ingat daw sila at baka sila ma-in love sa isa’t-isa.
Parang natauhan si Bianca sa alaalang
iyon. Lalo pa nang kasunod niyang maalala ang sinabi pa ng kaibigan tungkol kay
Paolo – na pagkatapos siyang tulungan ay ganap na nitong lilisanin ang Amerika
at maninirahan na nang permanente sa Pilipinas bilang isang Filipino citizen.
Ang weird!
Magkaibang-magkaiba nga sila ng
patutunguhan.
Napabuntonghininga ang dalaga. Mabuti na
rin iyon, naisip niya. Iyon na mismo ang magsisilbing balakid para hindi siya
matuksong magkagusto sa napakaguwapo at kaakit-akit na pinsan ni Catlyn.
Hayun, naamin na rin niya sa kanyang
sarili. Napangiti si Bee. Natuloy sa marahang bungisngis na itinago niya sa
unan.
Sa totoo lang, ang guwapo naman talaga
ni Paolo. Sa unang pagkakita pa lamang niya rito ay napatanga na siya.
Masyadong malakas ang pisikal na appeal ng binata. Na lalo pang pinatingkad ng
pilyo nitong personalidad.
Tama si Catlyn. Kailangan niyang
mag-ingat. At ang dapat niyang ingatan ay ang sarili niyang damdamin. Hindi
siya dapat matukso. Lalo pa ngayong nalaman niyang kaakit-akit din pala siya sa
paningin ng binata.
Dapat niyang kontrolin ang kanyang
sarili. Ang ganitong pagkakilig ay kailangang itago niya sa kanyang mga
pinakapribadong sandali.
Bahala na.
DUMATING nga si
Paolo na tulad ng ipinangako nito. May dalang isang malaking bilao ng pancit
Malabon at isang lata ng biskuwit na camachile.
“Ito ang alam kong magkapares,” sabi ng
binata. “Naaalala ko noong namimiyesta kami sa mga kamag-anak ni Papa Willy sa
Malabon noong maliit pa ako.”
Tuwang-tuwa naman si Bert at sina Manang
Naty sa masarap na meryenda. Softdrinks na lamang ang idinagdag nila.
Muling nagkakuwentuhan sina Paolo at
Bert. Kung anu-ano lang. Pati nga ang exchange rate ng dolyar sa piso at ang
mga kaakibat na isyung pang-ekonomiya ay napagdiskusyunan. At nalaman nilang may
tatak nga ng isang tunay na UCLA graduate ang binata – hindi konserbatibo at sa
halip ay makatao ang paninindigan. Balwarte rin kasi ng aktibismo at mga
progresibong ideya ang naturang unibersidad sa Estados Unidos.
Masarap ang kuwentuhan kaya hindi na
nakapagtatakang agad na pumayag si Bert nang ipagpaalam ni Paolo na
kukumbidahin si Bianca na maghapunan sa labas. Sa puntong iyon ay hindi na
“Sir” kundi “Tito Bert” ang tawag ng binata sa nakatatandang lalaki.
“Go ahead,” sabi ni Bert. “Enjoy
yourselves.”
Kaswal lang ang suot ni Paolo – twill na
pantalong malabnaw na abuhin at long-sleeved polo na kulay uling, nakalilis ang
mga manggas.
Binagayan iyon ni Bee nang saglit siyang
magpaalam para magbihis. Simpleng damit na yari sa checkered pink-and-white
cotton, kuwadrado ang neckline, may maiikling manggas at hanggang kalagitnaan
ng hita. Tinernuhan ng puting sandalyas.
Tulad ng nakagawian na niya, nakalugay
lang ang kanyang buhok at wala siyang make-up. Tanging relo at maliit na hikaw
na perlas ang kanyang accessories.
Pagbalik niya sa salas ay nakita niya
ang pag-ilaw ng mga mata ni Paolo sa paghanga.
“Tito Bert, you have a very lovely
daughter,” sabi nito sa kaharap.
Namula si Bee. Lalo siyang apektado ng mga
salita ng binata ngayong alam na niyang hindi lang iyon bahagi ng script ng
kanilang drama. Totoong humahanga ito sa kanya.
May pagmamalaki naman sa malapad na
ngiti ng kanang ama.
Ipinaaalam ni Paolo kay Bert na sa
Ortigas sila pupunta – sa kulumpon ng mga restawran sa El Pueblo.
Sa harap nito ay tinanong siya ng
binata.
“What would you like for dinner –
American, Japanese, Italian or Thai cuisine?”
Nagkibit-balikat siya.
“Kahit ano,” sagot niya. “I like them
all.”
“O, sige, di iisa-isahin natin sila
starting tonight,” pangako ni Paolo. “Siguro, let’s start with American food.
Okay ba sa iyo ang Friday’s?”
“Oo, ‘ba,” tango niya.
“I’m warning you, Paolo, hindi
nagdidiyeta iyang si Bianca,” biro ni Bert. “Magana iyang kumain. Ewan ko nga
ba kung bakit hindi tumataba.”
“Daddy naman,” reklamo ng dalaga.
“Mas gusto ko ngang kasabay ang ganoon,
Tito Bert,” sagot ni Paolo. “Mas kumportable.”
Nang nasa sasakyan na sila, may
ipinahayag si Bianca.
“Ako ang taya, ha? Basta lahat ng
gagastusin natin dito sa pagse-set up ng plano, sagot ko. Kasama siyempre itong
mga date kunwari na ganito.”
“Not this one,” iling ni Paolo. “Sa akin
ito.”
“Bakit?” magkasalubong ang mga kilay na
tanong niya.
“Let’s just consider this as a
getting-to-know-you date,” nakangiting sagot ng binata. “Hindi pa bahagi ng
aktuwal na plano. Okay?”
“Pero...” tanggi pa sana ni Bee.
“I insist,” dagdag ni Paolo.
“Okay,” pakibit-balikat na sagot na rin
niya.
Naisip niya, pagbibigyan na niya ang
amor propio ng binata. Kahit sa unang date man lang nila. Gusto marahil nitong
patunayan na kaya naman siyang ilibre sa mamahaling kainan. Na may pera rin
naman itong naipon kahit paano.
Kumakain na sila sa Friday’s nang
itanong ni Bianca ang tungkol sa balak ni Paolo na maging Filipino citizen.
Sinabi niyang naikuwento iyon sa kanya ni Catlyn nang mag-usap sila sa telepono
kagabi.
“Bakit naman gusto mo pang bumalik
dito?” pagtatapos niya.
“Mas masarap mamuhay rito kaysa sa States,”
sagot ng binata. “Sarili nating bayan ito. Doon, kahit American citizen na ang
Pinoy, estranghero pa rin sa paningin ng ibang mga puti. Outsiders pa rin ang
mga may kulay ang balat. Isa pa, marami pang kailangang gawin dito para
matulungang umunlad ang Pilipinas at ang mga mamamayan. Gusto kong makatulong
kahit paano.”
Hindi gaanong pinansin ni Bianca
ang sinabi ni Paolo tungkol sa
diskriminasyon sa Estados Unidos. Matagal na niyang alam iyon. At nakahanda
naman siyang kayanin iyon kapag naroon na siya.
Ang turing niya sa bagay na iyon ay isa lamang sa mga hamon na dapat
niyang kaharapin para matupad ang kanyang pangarap. Talagang may mga bagay na
dapat niyang isakripisyo.
Ang pinagtuunan niya ng pansin ay ang
sinabi ng binata tungkol sa Pilipinas.
“Ano naman ang balak mong gawin dito?”
tanong niya.
Naisip kasi niyang kung ang pagiging waiter
at ang pagkukutingting nga lamang ng computer ang inaatupag nito sa States ay
ano naman kayang kontribusyon ang iniisip nitong maiaambag sa Pilipinas?
Ngumiti si Paolo.
“Nagtataka ka siguro kung paanong
mabubuhay ang isang waiter dito, ano?” sagot nitong parang nabasa ang kanyang
iniisip. “Lalo pa’t masyado akong magastos sa mga computer needs ko.”
Namula si Bianca.
Naiinis na siya sa kanyang sarili.
Nagiging madalas na ang kanyang pamumula sa harap ni Paolo. Hindi naman niya
mapigil ang ganoong reaksiyon ng kanyang katawan.
“Well, I have a confession to make,”
pagpapatuloy ng binata. “I’m sorry if I gave you the wrong impression before,
at hindi ko itinama ang mga assumptions mo. Totoong naging waiter ako for a
while. I needed to have some kind of an income habang tinatapos ko iyong
program na nasimulan kong i-develop noong nasa college pa ako. After I
graduated, I decided to spend most of my time on the project. Waitering at
night was the perfect job dahil libre akong makapagtrabaho sa computer ko nang
buong araw. At iyon mismong pagtatrabaho ko sa restaurant sa gabi ay parang
pahinga na rin dahil physical labor lang naman iyon. Napapahinga na ang utak
ko. But like I told you, nag-resign na ako roon. And the reason was that I
finally perfected my program. And I sold it to Microsoft for some big bucks –
and I mean big. Aside from a very significant lump sum, may regular pa akong
matatanggap na royalties hangga’t bumebenta ang programa kong iyon. Hanggang
mga apo ng apo ko, baka makatanggap pa rin niyon.”
Napamulagat si Bianca.
“Puwede na akong mag-retire,”
pagpapatuloy ni Paolo. “O magtayo ng sarili kong business. Kaya naisip kong
dito ko gagawin iyon. Gusto kong mag-train ng mga computer specialists dito.
Alam kong marami tayong magagaling na computer professionals. At magtatayo ako ng
software company na dito nakabase pero nagse-service ng mga kompanya worldwide.
Hindi malayo iyon sa sinabi mo sa daddy mo na trabaho ko.”
Nakatanga lang si Bee. Para siyang
nasupalpal sa lahat ng mga iniisip niya tungkol kay Paolo.
Pagkatapos ay napabulalas siya.
“Akala ko pa naman, wala kang pera.”
Tumawa si Paolo.
“Akala mo siguro, iyon ang dahilan kung
bakit tinanggap ko ang offer mo, ano? That I needed the money so badly at
mahirap tanggihan ang two thousand dollars.”
Sumama ang mukha ng dalaga.
“Pinagtatawanan mo lang pala ang offer
ko,” sabi niya. “Barya lang sa iyo.”
“I don’t need it,” amin ni Paolo. “Pero
hindi ko minaliit iyon at lalong hindi pagtatawanan. Nanggaling din ako sa
walang-wala, remember? Alam kong napakalaking bagay na ng halagang iyon. Kaya
naman alam ko rin na mas kailangan mo iyon. So I want you to keep it for
yourself. Tutulungan kita nang walang bayad dahil nasisiyahan akong tulungan
ka.”
Namula na naman si Bianca. Naalala na
naman niya kung bakit biglang nagpasya ang binata na tulungan siya. Totoo nga
palang hindi iyong perang ibabayad niya ang dahilan. Kung ganoon, totoo ring
ang paghanga nito sa kanya ang batayan ng pagtulong ni Paolo.
“Nakakaasiwa naman,” sabi niya. “Dati
kasi, akala ko, mutually beneificial ito sa ating dalawa. Tutulungan mo ako
habang natutulungan din kita financially. Iyon pala, hindi mo naman kailangan
ang tulong ko at malaking pang-iistorbo itong ginagawa ko sa buhay mo.”
“Ano’ng pang-iistorbo?” mabilis na pakli
ng binata. “Hindi mo ba alam na ito na ang pinaka-exciting na pangyayari sa
buhay ko bukod sa pagkakaperpekto ko sa aking program at sa pagbebenta ko
niyon? But those two things don’t really count dahil computer lang ang kausap
ko sa una at pera lang ang involved doon sa huli. Itong ginagawa natin, iba.
Ngayon lang ako uli na-involve nang ganito sa mundo, sa buhay, sa kapwa-tao.
It’s exhilirating. I need this.”
“Mas mai-involve ka sa mundo at sa
kapwa-tao mo kung sisimulan mo na ang pagtatayo ng kompanya mo rito,” sagot ni
Bianca. “That’s a much more worthwhile undertaking. At mas marami ka pang
matutulungan.”
“Hindi ko pa rin naman talaga magagawa
iyon nang ora-orada,” sabi ni Paolo. “This trip was meant to be, first and foremost,
a vacation for me. Secondary iyong gagawin kong research and feasibility study
para sa aking project. And I can still do that while helping you out.”
Natahimik si Bianca.
Sa isang bahagi ng isip niya, may maliit
na tinig na nagsasabing hindi niya dapat abalahin ang binata. Lalo pa’t hindi
naman pala ito tatanggap ng bayad. Pero may mas malakas na puwersang tumutulak
sa kanya na ipagpatuloy ang kanilang nasimulan.
May kutob siya kung ano ang tunay na
dahilan. Hindi niya magawang kumalas kay Paolo. Nanghihinayang siyang putulin
nang napakaaga ang kanilang mga pagkikita.
Pero mahirap aminin ang ganoong
katotohanan. Kaya kinumbinsi ni Bianca ang sarili na ang gagawin niya ay
alang-alang sa katuparan ng kanyang matagal nang pinapangarap na pagiging American
citizen. Hindi ba’t iyon naman talaga ang puno’t dulo ng lahat ng ito?”
“Okay,” sabi niya sa binata. “Sabihin na
nating hindi mo nga kailangan ang two thousand dollars. Pero ayoko namang
magkakagastos ka pa sa pagtulong mo sa akin. Kailangang ako pa rin ang gagastos
sa lahat.”
“Ganito na lang,” sagot ni Paolo. “Para
hindi maging kumplikado, aabonohan ko muna ang lahat. I’ll keep all the
receipts and we’ll do an accounting later. Saka mo na ako i-refund pagkatapos
ng lahat. Deal?”
“Deal!” tango ni Bee.
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito,
pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)