Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: BIANCA Chapter 6

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

NAPAGKASUNDUAN nina Bianca at Paolo na sapat nang panahon ang isang buwan bago sila humingi ng pahintulot sa kanilang mga magulang na pakasal.

        Sa loob ng isang buwan na iyon ay naging kumportableng-kumportable na sila sa piling ng isa’t isa. Naging mabuting magkaibigan. At kung titingnan lang ng mga hindi nakakaalam ay mapagkakamalan nga talaga silang magkasintahan.

        Kahit kasi wala sa harap ng mga kinauukulan – ang daddy ni Bianca o ang pamilya ni Paolo – ay nakasanayan na nila ang umarte na parang magkarelasyon. Hindi naman sa pisikal na aspeto. Lagi pa ring maginoo at maingat si Paolo. Talagang naging natural na lang sa kanila ang maging malambing at sweet sa isa’t isa.

        Hindi nga maipaliwanag ni Bianca maging sa kanyang sarili ang uri ng relasyong namamagitan sa kanila.

        Araw-araw ay nagkikita sila. Pagkatapos ng kanyang trabaho at pagkagaling ng binata sa mga lakad nitong kaugnay ng inihahandang pagtatatag ng sariling kompanya ay nagtatagpo sila.

        Lagi siyang nagmamadali patungo sa mga pagtatagpo nilang iyon. At mas nag-aayos na siya sa sarili.

        Hindi pa rin naman siya nagmi-make-up. Nakalugay pa rin na tulad ng dati ang kanyang buhok. Pero namimili na siya ng kanyang mga isinusuot. Para bang pinangangatawanan na niya ang pagiging “very sexy in a very subtle way.”

        Hindi naman siya nabibigo sa kanyang paghahanda at pagmamadali. Lagi kasing nauuna sa kanya si Paolo sa kanilang mga tagpuan. At parang bagot na bagot ito sa paghihintay sa kanya. Kapag nakikita naman siyang dumarating ay agad na lumiliwanag ang mukha nito sa kasiyahan. At umiilaw ang mga mata nito sa paghanga.

        “Hi, sweetheart,” sasabihin nito sa kanya.

        Na may kasunod na, “Ang ganda-ganda talaga ng sweetheart ko.” O kaya, “You look ravishing.”

        Kung minsan naman, tititigan lang siya nito nang nakangiti hanggang sa hindi na siya makatiis at namumulang sasawayin na niya ito ng “Tigilan mo nga ako, Mr. Cordero.”

        Damang-dama niya ang matindi nilang pisikal na atraksiyon sa isa’t isa. Hindi naman iyon ikinukubli ni Paolo. Sa panig niya ay mas may pagpipigil pa. Sinisikap niyang huwag ipahalata ang kanyang damdamin sa binata, pero hindi niya alam kung may nahihiwatigan pa rin ito. Bahala na.

        Dapat sana ay maging dahilan iyon para mailang sila sa isa’t isa. Pero ang kakatwa ay hindi naman ganoon ang nangyayari. Oo nga’t naroon ang waring nakakakuryenteng tensiyon sa pagitan nila. Pero sa halip na maging balakid ay parang nagsisilbi  pa iyong bigkis sa kanilang dalawa.

        Para silang pares na mananayaw na naggigirian, magkaharap at hindi nagkakadaiti pero sumasabay sa indak ng iisang misteryosong tugtugin.

        Pilit na pinapaniwala ni Bianca ang kanyang sarili na kaya niyang panghawakan ang sitwasyon. Na kontroladung-kontrolado naman niya ang kanyang sariling damdamin.

        Wala namang masama kung pansamantala ay masiyahan siya sa piling ni Paolo, hindi ba? Hindi naman bawal na mag-enjoy sila habang magkasama.

        Kaya wala siyang tutol sa araw-araw nilang pagsasama, sa sabay nilang paghahapunan sa kung saan-saang kainan, at sa regular na paghatid sa kanya ni Paolo pauwi, na madalas ay maghahatinggabi na.

        Dalawang beses pa rin uli siyang nakumbidahan nina Pilar.

        Noong minsan ay isinama siya ng mag-anak na mamasyal nang buong araw ng Linggo sa Angono, Rizal. Pinuntahan nila ang gallery ng pamliya Blanco at ng iba pang mga pintor at eskultor sa bayang iyon.

        Nang sumunod na Linggo naman ay nagpunta sila sa Paniman Beach sa Puerto Azul. Nag-swimming nang maghapon.

        Sa bawat pagkakataong iyon ay masayang-masaya si Bianca. Para na rin kasi siyang miyembro ng pamilya.

        Iwinawaksi na lamang niya sa isip ang katotohanang hindi naman talaga magaganap ang ganoon. Hindi siya magiging permanenteng bahagi ng pamilya ni Paolo.

        Ang lagi niyang isinasaisip ay dapat siyang matuwa dahil gumugulong ang kanyang plano nang walang anumang problema. Hindi magtatagal at makakamtan na niya ang pinakaaasam niyang American citizenship. Makakarating na siya sa Amerika at makakapanirahan doon.

Karagdagang bonus pa na kasundo niya ang lalaking katulong niya sa pagpapatupad ng kanyang pangarap. At sa kahit kaunting panahon ay naging masaya siya sa piling ni Paolo at ng pamilya nito.

        Sa tuwing nakadarama siya ng anumang pag-aalinlangan o panghihina ng loob ay iyon na lamang ang isinisiksik ni Bianca sa kanyang utak.

        Pagkaraan nga ng isang buwan ay nagsabi na si Paolo kay Pilar.

        “Pakakasal na kayo?” gulat pero natutuwang sabi ng ina. “Pumayag si Bianca? Ang bilis, a. But that’s wonderful news!”

        Tinawagan naman ni Bee si Bert sa Baguio.

        “Dad, puwede ka bang lumuwas? May sasabihin kami ni Paolo sa iyo, e.”

        Agad namang nahulaan ng ama ang kanilang binabalak.

        “Bakit, magpapakasal na ba kayo?” tanong nito.

        “Dito na natin pag-usapan,” sagot ng dalaga.

        Nag-aalala kasi siyang baka tumutol ito. Mas mahirap mangumbinse sa telepono kaysa sa personal na pag-uusap.

        “Bababa ako bukas,” sabi ni Bert.

        Hindi naman ito tumutol nang magkakaharap na sila’t nagsabi na si Paolo.

        “Bakit naman kayo nagmamadali?” tanong lang nito.

        “Gusto sana naming makasama na si Bee sa pagbalik ko sa States, Tito,” katwiran ng binata.

        “Are you sure you know each other well enough?” tanong pa ni Bert. “Sigurado na ba kayo sa papasukin n’yo?”

        “We’re sure, Dad,” sagot ni Bianca. “Katulad siguro ito ng nangyari kay Mommy.”

        Natawa si Bert.

        “Kaya pala naalis agad iyong tampo mo sa kanya, ano?” sabi nito. “Naiintindihan mo na rin ang sitwasyon niya.”

        “Papayagan mo ba kami, Dad?” tanong ni Bianca.

        Nagkibit-balikat ang ama.

        “Mapipigil ko ba kayo?” sagot nito. “Anyway, I trust that you’re both old enough and wise enough to decide for yourselves. As long as you’re happy, I’m happy for you. For both of you.”

        Saka pa lang nakahinga nang maluwag si Bee.

        “Thank you, Dad,” sabi niyang nakangiti.

        “Thank you, Tito,” sabi rin ni Paolo.

        “Tito?” sagot ni Bert. “Daddy na.”

        “Oo nga pala,” sabi ni Paolo. “Thanks, Dad.”

        “Tawagan ninyo si Fiona,” paalala ni Bert.

        Ginawa nga agad iyon ng dalawa.

        Parang hindi makapaniwala si Fiona sa ibinalita ng anak.

        “Ikakasal ka na?” sabi nito. “Doon sa pinsan ni Catlyn? Iyong ikinuwento sa akin ng daddy mo?”

        “His name is Paolo, Mommy,” sagot ni Bianca. “At whirlwind romance din ang nangyari sa amin. Parang kayo.”

        “Oh my God,” sambit ng Matrona. “Nakakabigla nga pala ang ganitong balita. Ako naman ngayon ang ginulat mo.”

        “Kilala na siya ni Daddy,” sabi ni Bianca. “And he gave us his blessing. I hope you will, too.”

        “Are you happy, Bee?” tanong ni Fiona. “Does he make you happy?”

        Napangiti si Bianca. Hindi na siya kailangang magsinungaling.

        “Yes, Mommy,” malinaw na sagot niya. “Very happy.”

        “Okay, then,” pumipiyok na sabi ng ina. “I give you my blessing.”

        “Thank you, Mommy,” tuwang-tuwang sagot ni Bianca.

        “Kailan ang kasal?” tanong ni Fiona. “Uuwi kami.”

 

HINDI na nila kinailangan ng matagalang preparasyon. Hinintay lang nila ang petsa kung kailan makakarating daw sina Fiona at Gian. Simpleng kasalan lang naman kasi ang gusto ni Bianca. Hindi na nga niya pinilit na makadalo pa si Francesca mula sa Cebu dahil nataon ang petsa sa eksamen nito sa eskuwela.

        Bakit pa nga ba nila kakailanganin ang engrandeng kasal? Sayang lang ang gastos, naisip ni Bee. Wala namang tunay na kahulugan ang seremonya.

        Sinadya pa nga niyang huwag masyadong bigyan ng halaga ang kanyang mga paghahanda. Para bang ayaw niyang magkaroon ng kahit kaunting sentimental na kaugnayan sa okasyon.

        Panay RTW ang pinili niyang kasuotan para sa buong entourage at maging para sa kanilang dalawa ni Paolo.

        Maliit lang naman ang kanilang entourage.

        Ninong at ninang sina Abe at Carol. Best man si Whammy. Maid of honor si Pia. Flower girl ang isa sa mga pamangkin ni Catlyn na si Angela. Ring bearer si Gary. Coin bearer si Romnick.

        Candle sponsors sina Alexandra at Edric. Veil sponsor si Catlyn, na ang katuwang ay pinsan nila ni Paolo na si Nico. Cord sponsor si Desiree, na ang katuwang naman ay ang isa pang pinsan nina Paolo na si Patrick.

        Bahala na raw sina Abe at Carol sa mga isusuot nila. Ganoon din ang mga secondary sponsors.

        Simpleng barong at pantalong itim naman ang pinili ni Bianca para kina Paolo, Whammy, Gary at Romnick.

        Ang damit nina Pia at Angela ay gawa sa kulay kremang seda, kuwadrado ang neckline, sleeveless, empire cut at hanggang ibabaw lang ng tuhod. Isang kulay kremang long-stemmed rose ang dadalhin ng dalagita habang isang basket ng kulay kremang mga talulot ng rosas naman ang dadalhin ng bata.

        Ang wedding gown ni Bianca, simpleng strapless sheath na hapit sa katawan. Embossed ang tela nito kaya hindi na kailangan ng burda or beads. Isang bouquet ng white, pink, and peach roses ang hawak niya. 

        Ang lahat ng iyon ay napagpasyahan ng bride-to-be sa isang hapon lang ng pamimili. Dala na nila ni Paolo ang mga kaukulang sukat at dalawang tindahan lang ang pinuntahan nila – isang panlalaki at isang pambabae. Pagkatapos ay nagtuloy na sila sa flower shop para umorder ng mga bulaklak, at sa jewelry store para bumili ng mga singsing.

        Ayaw pa sana ni Bianca na bumili ng singsing na gawa sa tunay na ginto.

        “Iyong silver na lang,” sabi niya. “Mukha rin namang white gold. Tutal, props lang naman.”

        “Hindi,” iling ni Paolo. “Gusto ko, iyong totoo na. Itatago mo ang sa iyo, itatago ko ang sa akin. A permanent and lasting reminder of our time together.”

        Iyon nga sana ang gustong iwasan ni Bianca. Ang magkaroon ng permanenteng simbolo ng kanilang kasal. Pero mahirap ipaliwanag iyon kay Paolo kaya hindi na lamang siya nakipagdiskusyon.

        Ang pinili ni Paolo ay magkapares na singsing na gawa pa sa Italy, yari sa 18 carat white gold at may tiglilimang butil ng kuwadradong brilyante.

        “Ang mahal niyan,” sabi ni Bianca.

        “Sagot ko ito,” sabi ni Paolo. “Regalo ko sa ating dalawa.”

        Gusto niyang sabihing, “Para ano pa?” Pero parang may bikig sa kanyang lalamunan kaya nagkibit-balikat na lamang si Bee.

        Tatlong araw bago ang kasal, dumating si Fiona na nag-iisa.

        “I’m sorry, Bee,” paliwanag nito. “Nagkaroon ng biglaang problema sa isa sa mga planta ng kompanya nina Gian. Hindi talaga niya puwedeng iwan. He sends his regrets. Babalik na lang ako rito later na kasama siya. O kaya’y dadalawin na lang namin kayo ni Paolo sa States.”

        Hindi naman iyon ininda ni Bianca. Lihim pa nga siyang nagpasalamat na sa ibang araw na niya makikilala ang pangalawang asawa ng ina. Masyado nang maraming mga bagay na nagsisiksikan sa kanyang puso’t isip sa mga oras na iyon.

        Sa bahay nila tumuloy si Fiona. Nagpaubaya naman si Bert at lumipat muna sa malapit na apartelle.

        Kinabukasan ay ibinalita ni Bert sa anak na hindi makakaluwas para sa kasal ang mag-ina nitong taga-Baguio. Tumawag daw at nagsabing nilalagnat ang anak nitong si Bibeth na walong taong gulang.

        Naisip ni Bianca na maaaring nagdahilan lang ang mag-ina. Ayaw lang marahil makaharap si Fiona. Mabuti na rin siguro iyon. Isa pang kabawasan sa mga ipinag-aalala niya.

        Lahat ay ipinagkikibit-balikat na lamang ng dalaga.

        Parang ayaw na niyang masyadong mag-analisa ng mga bagay-bagay. Napapansin kasi niya na habang papalapit nang papalapit ang araw ng kasal ay pagulo naman nang pagulo ang damdamin niya. Natataranta siya na hindi niya mawari. Natatakot sa kung ano.

        Ayaw niyang pagapi sa kanyang mga nadarama. Ngayon pa ba naman siya maduduwag at aatras?

        Bahala na.

        Matatag pa rin ang mukhang inihaharap niya kay Paolo at maging kina Alexandra, Catlyn at Desiree.

        Lalo pa sa tuwing kinukulit siya ng tatlo.

        “Sigurado ka ba riyan sa papasukin mo?” paulit-ulit na tanong ng mga ito.

        “Puwede ka pang umatras,” parang panunulsol pa sa kanya.

        Hindi siya natitinag.

        Kahit hindi na rin malinaw sa kanya ang lahat.

        Bakit nga ba niya gagawin ito? Dahil ba talaga sa gusto niyang maging American citizen at tumira sa Amerika?

        Pero nitong mga huling araw ay bakit unti-unti na siyang nakadarama ng mga agam-agam sa magiging buhay niya roon? Sa pag-iisa niya roon.

        Dahil ba pagdating doon ay maghihiwalay na sila ng landas ni Paolo?

        Talaga namang ganoon ang orihinal na plano, hindi ba?

        Kung ayaw na niyang tumira nang mag-isa sa Amerika, di huwag na nga niyang ituloy ang kasal.

        Pero... gusto niyang ituloy ang kasal.

        Bakit nga?

        Ewan niya. Basta.

        Kaya nga ayaw nang mag-analisa ni Bianca.

 

ANG kasal ay gaganapin sa simbahan ng San Nicolas de Tolentino, malapit lang kina Bianca, alas-nuwebe ng umaga. Ang reception ay gagawin sa pinakamaliit na function room ng new Haven Spa Hotel sa Makati, alas-onse. Maagang pananghalian ang ihahain.

        Kakaunti lang naman ang mga bisita. Bukod kina Alexandra, Edric at Desiree, at sa mga magulang ng mga ito, ay panay malalapit na kamag-anak lang ng mga ikakasal ang kinumbida.

        Alas-sais pa lang ng umaga ay kinakatok na ni Fiona si Bianca sa kuwarto.

        “Gising na ako, Mommy,” sagot niya.

        “Just checking,” sabi ng ina. “Sige, maliligo na ako sa ibaba. You better start preparing yourself, too. Ikaw na ang gumamit nitong upstairs bathroom.”

        “Yes, Mommy,” sagot niya.

        Ang hindi alam ni Fiona ay halos hindi naman nakatulog ang anak. Paidlip-idlip lang. At kanina pang alas kuwatro’y medya ay gising na gising na siya.

        Pero handa naman si Bianca. May dalawang hiwa ng pipino na nakapatong sa talukap ng kanyang mga mata sa magdamag. Ayaw kasi niyang mahalata ng iba na nangangalumata siya. Lalo pa’t hindi naman siya kumuha ng make-up artist na mag-aayos sa kanya. Mas gusto niyang siya na lang ang mag-ayos sa kanyang sarili.

        Sa kabila ng isinagot niya sa ina ay hindi pa bumangon ang dalaga. Masyado pang maaga sa tantiya niya. Nanatili siyang nakapikit sa ilalim ng mga hiwa ng pipino.

        Pagkaraan ng isa’t kalahating oras ay muling kumatok si Fiona.

        “I’m ready, Bee,” sabi nito. “Open up. Tutulungan na kita.”

        Mabigat ang katawang bumangon na si Bianca. Pakiramdam niya’y para bang tatrangkasuhin siya. Wala naman siyang lagnat o kahit sipon man lang.

        Binuksan niya ang pinto.

        “Hindi ka pa nagsisimula?” nanlalaki ang mga matang singhap ni Fiona. “Ano ka ba namang bata ka? Darating na maya-maya ang photographer at videoman.”

        “Mabilis lang naman akong mag-ayos, Mommy,” sagot niya. “Maliligo na ako.”

        Mainit na mainit na tubig ang ipinampaligo ni Bianca. Panlaban sa kung anong lamig na para bang nanunuot hanggang sa kanyang kaluliuwa.

        Pagbalik niya sa kuwarto, naroon pa rin si Fiona. Balisang-balisa na.

        “Sa ibaba ka na lang kaya maghintay, Mommy,” sabiniya rito. “Lalo akong matataranta sa iyo, e. Asikasuhin mo na lang iyong photographer at videoman pagdating. Bababa ako as soon as I’m ready.”

        “Bilisan mo,” bilin ng ina habang papalabas. “Kung bakit naman kasi hindi ka kumuha ng professional stylist, e.”

        “Kaya ko na ito, Mommy,” sabi ni Bianca bago isinara at ikinandado ang pinto.

        Nang mapag-isa ay tinuyo niya sandali sa drier ang kanyang buhok. Pagkatapos, nilagyan niya iyon ng mouse at inikot sa jumbo rollers.

        Kahit ayaw sana niyang mag-make-up ay nakadama siya ng pangangailangang maglagay ng magsisilbing parang tabing sa kanyang mukha. Isang uri ng telon sa pagitan niya at ng mundo.

        Nagpahid siya ng manipis na powder foundation sa kanyang mukha at leeg. Ginuhitan niya ng manipis na eyeliner ang ibabaw lang ng kanyang mga mata. Ang kasunod ay kaunting powder bronzer sa magkabilang gilid ng kanyang noo, sa talukap ng kanyang mga mata pababa sa magkabilang gilid ng ilong, sa magkabilang pisngi at sa ilalim ng baba. Pinasadahan niya ng waterproof mascara ang kanyang mga pilikmata. Panghuli sa lahat ang pinkish brown lipstick sa kanyang mga labi.

        Sa loob ng kinse minutos ay tapos nang mag-make-up si Bianca. Sinunod lang niya ang sistemang nabasa niya minsan sa isang fashion magazine.

        Nagbihis na siya. Malinis na mga panloob. Hindi na kailangan ng stockings o half slip. Diretso na ang suot ng gown. Kasunod ang kulay kremang sapatos.

        Binalikan niya ang kanyang buhok. Inalis ang mga rollers. Sinuklay. Ganoon lang.

        Isinuot niya ang hikaw niyang may maliit na brilyantitos. Iyong minana pa niya sa kanyang yumaong lola, nanay ng daddy niya.

        Handa na siyang manaog. Naroon na siguro ang mga bulaklak na galing sa flower shop.

        “Heto na pala siya, e,” sabi ni Fiona pagbaba ni Bianca sa hagdan.

        Nakatayo na sa tabi ng matrona si Bert.

        Wala itong kibo. Nakangiti lang sa anak.

        Malungkot ang ngiting isinukli ni Bianca sa ama. Paano’y masakit sa kanya ang makitang magkatabi ang mga magulang na parang karaniwang mag-asawa gayong alam naman ng lahat ang masaklap na katotohanan.

        Sa araw pa namang ito ay sensitibo siya sa anumang usaping kaugnay ng pagpapanggap.

        “Simulan na natin ang video at picture-taking, Bee,” sabi ni Fiona. “Mauubos na ang oras natin.”      

        Sabay na tumayo mula sa sofa ang tatlong lalaki – ang photographer, videoman at tagahawak ng ilaw. Kanina pa rin pala naghihintay sa bride.

        Kabilang ang mga iyon sa mga bagay na ayaw na sanang ipagawa ni Bianca – ang magpakuha ng video at mga litrato sa okasyong ito. Hindi nga lang puwedeng tanggihan. Mabuti na lang at napapayag niya ang ina na sa ibaba na lang ng bahay gawin ang mga kuhanan sa halip na sa kuwarto. Talagang umayaw na siya na magpakuha habang nag-aayos pa lamang.

        “Iyong belo?” tanong ng photographer.

        “Wreath lang ang isusuot niya,” sagot ni Fiona. “Andiyan na. Sandali, ikakabit ko.”

        Pakiramdam ni Bianca ay mga artista sila sa entablado nang ipuwesto siya ng photographer sa pagitan nina Bert at Fiona. Family picture daw. Harap dito. Harap doon. Smile.

        Kinunan pa siya nang mag-isa. Sa may hagdan. Sa salas. Sa labas ng pinto ng bahay. Pasakay sa bridal car.

        Tinatanong niya sa kanyang sarili, “Para ano pa?”

        Sa wakas ay patungo na sila sa simbahan.

        Pero sa daan ay biglang nakadama ng panic si Bianca. Parang gusto niyang patigilin ang sasakyan. Parang gusto niyang tumakas.

        Naalala niya ang sabi nina Alexandra, Catlyn at Desiree: “Puwede ka pang umatras.”

        Kaya ba niya?

        Kaya ba niyang ituloy ang kasal?

        Kaya ba niyang umatras?

        Hindi. Hindi niya kayang umatras.

        Itutuloy niya.

        Bahala na.

        Tamang-tama lang ang dating nila sa simbahan. May sampung minuto pa bago mag-alas nuwebe. Naroon na raw si Paolo at ang lahat ng miyembro ng entourage.

        Sumandal si Bianca sa upuan ng kotse at pumikit.

        “Bakit, Bee?” nag-aalalang tanong ni Fiona.

        “Wala, Mommy,” sagot niya. “I’m okay.”

        “Hayaan mo siya,” sabi ni Bert sa dating asawa. “Nagpapalipas lang iyan ng kaba.”

        Maya-maya ay lumapit na si Catlyn.

        “Puwede na raw magsimula,” sabi nito.

        Nanlamig ang buong katawan ni Bianca.

        Magmula roon ay parang wala na siya sa sarili. Inakay na lamang siya ni Bert papasok sa simbahan. Nakangiti siya sa mga tao pero ang totoo ay walang rumerehistro sa kanyang utak. Hindi nga niya matandaan kung sinu-sino ang kanyang mga nakasalubong.

        Ipinuwesto siyang muli sa pagitan nina Bert at Fiona.

        Tumugtog ang martsa.

        “Tayo na, Bee,” narinig niyang bulong ng daddy niya.

        Humakbang ang kanyang mga paa. Naninigas.

        Tinatanong niya ang kanyang sarili. “Ano ba itong ginagawa ko? Parang hindi totoo. Ano ba ito, bangungot o pantasya?”

        Parang nawala sa tabi niya sina Abe at Carol.

        Altar na ang kaharap niya.

        Nakasalubong niya ang nanunuot na titig ni Paolo. Ang ngiti ni Paolo.

        Nakatitig lang din si Bianca.

        Humahakbang si Paolo, papalapit sa kanya.

        Nagsimula nang manlambot ang mga tuhod ni Bianca.

        “Bee,” pahikbing bulong ni Fiona.

        Napalingon siya.

        Napaluha ang kanyang ina.

        Saka lang naalala ni Bianca. Hahalik nga pala siya dapat ng pamamaalam sa kanyang mga magulang.

        Kay Fiona muna. Pagkatapos, kay Bert naman.

        At inangkin na siya ni Paolo.

        Nakangiti pa rin ito, nakatitig sa kanyang mga mata. Habang kinukuha ang kanyang kamay at ikinakapit sa braso nito.

        Sunud-sunuran si Bianca.

        Hindi umaalis ang mga mata ni Paolo sa kanya habang nilalakad nila ang maikling distansiya patungo sa altar. Bihag din siya ng titig nito.

        Nagsimula ang seremonya.

        Hindi binitiwan ni Paolo ang kamay niya. Mahigpit ang pagkakapisil nito sa palad niya.

        Sinisikap ni Bianca na isara ang kanyang isip sa nagaganap. Masakit pala kasing tanggapin na hindi naman totoo ang kasalang ito.

        Pero pumapasok at pumapasok sa kanyang kamalayan ang ilang mga salita. Iyon pa namang mga pinakamatindi ang tama.

        “Wherever thou goest I will go... your people shall be my people...”

        Samantalang sila ni Paolo, magkasalungat ang patutunguhan. Magkahiwalay na agad ang tatahaking landas.

        Nagsimulang uminit ang kanyang mga mata.

        Hanggang dumating sila sa sumpaan.

        “Paolo, do you take this woman, Bianca, as your lawful wedded wife, to have and to hold, to love and to cherish, in sickness and in health, till death do you part?”

        “Yes, Father, I do,” matatag na sagot ni Paolo.

        “Bianca, do you take this man, Paolo, as your lawful wedded husband, to have and to hold, to love and to cherish, in sickness and in health, till death do you part?”

        “Yes, Father, I do,” halos pabulong na sagot niya.

        Doon na nagsimulang mangilid ang kanyang mga luha. Hindi na niya mapigil.

        Sumusugat sa kanyang puso ang mga kasinungalingan. Lalo pa’t kailangan na niyang aminin sa harap ng altar, sa harap ng Diyos, na ang kanyang mga binibigkas na salita ay taos-puso at puno ng pag-asam at panghihinayang.

        Siya ang may katha ng dramang ito. Pero siya rin pala ang magkakamali. Nakalimutan niyang umarte. Naging totoo para sa kanya ang kuwento. Umibig siya kay Paolo.

        Ang masaklap nito, totoo man ang kanyang binitiwang sumpa, tunay at legal man ang nagaganap na kasalan, wala pa ring kabuluhan ang lahat dahil umaarte lang si Paolo.

        Ayaw niyang linlangin ang kanyang sarili. Alam niya, gaano man ang paghanga ni Paolo sa kanya, pisikal lang iyon. Nagagandahan. Naseseksihan. Iba iyon. Hindi pag-ibig.

        At dahil may likas itong kabutihan ng loob, totoong nagmamalasakit ito sa kanya. Handa siyang tulungan sa abot ng makakaya. Pero hindi na sakop ng pagmamalasakit na iyon ang pilitin nitong ibigin siya.

        Dahil kung may kahit kaunting pag-ibig si Paolo sa kanya, dapat ay nagtapat na ito bago pa man naganap ang sarsuwelang kasalang ito.

        Umangat ang kamay ni Bianca para pahirin ang kanyang mga luha.

        Pero naunahan siya ni Paolo. Dumampi na ang panyo nito sa kanyang mga pisngi.

        Hiyang-hiya si Bianca.

        “S-sorry,” bulong niya.

        “Don’t worrry,” paanas ding sagot ni Paolo. “Everything will be all right.”

        Pilit niyang pinigil ang pagtuloy ng kanyang mga luha, pero makailang beses pa uling bumulwak ang mga iyon bago natapos ang seremonya. Makailang beses pa uling dumampi ang panyo ni Paolo sa kanyang pisngi. Ayaw namang ipaubaya na lamang sa kanya ang panyo.

        “Pasensiya ka na,” bulong niya bago sila humarap sa mga tao.

        “You don’t have to apologize,” sagot nito. “Magkakampi tayo. I’m your husband now, remember?”

        Hayun na naman ang panibagong luha.

        Natawa na nang marahan si Paolo.

        “Traumatic ba talaga ang magpakasal sa akin?” biro nito habang tinutuyo uli ang kanyang pisngi.

        “Kiss! Kiss!” kantiyaw na ng ilan sa kanilang mga bisita, karamihan ay mga pinsan ni Paolo na kaedad ni Whammy.

        “O, baka lalo kang maiyak sa request na iyon,” panunukso pa nito.

        Napangiti na rin si Bianca.

        Iginiya siya ni Paolo na paharap sa naghihintay nilang mga bisita.

        “Huwag na huwag mong kakalimutan. I’ll always be here for you,” bulong nito sa may tainga niya.

        At nang matanggap nito ang kanyang pagtango ay sinelyuhan ni Paolo ang pangakong iyon ng isang matamis na halik. Isang masuyo at mabining dantay ng mga labi sa mga labi.

        Nagkislapan ang mga naghihintay na mga kamera.

        Sa pagkakataong iyon ay nagpasalamat si Bianca na kahit paano ay magkakaroon ng permanenteng alaala ng kauna-unahang pagtatagpo ng kanilang mga labi – dahil kaybilis din naman nilang naglayo para tanggapin ang kabi-kabilang pagbati.

        Iyon na nga kaya ang una’t huli nilang halik?

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)