Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: BIANCA Chapter 7

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

MAY kasabihang mag-ingat ka sa iyong hihilingin at baka iyon matupad.

        Kani-kanina lang, sa simbahan, lihim na hiniling ni Bianca na maulit pa ang paghalik ni Paolo sa kanyang mga labi. Hindi niya akalaing pagsisisihan niya ang kahilingang iyon.

        Kling... kling... kling... kling...

        Nasa aktong susubo na lamang si Bianca ng Russian potato salad nang kalampagin na naman ng mga bisita ng kanilang mga kutsara’t tinidor ang kanilang mga baso.

        Magmula nang dumating ang mga bagong kasal sa kanilang reception ay tatlong beses nang ginagawa iyon ng mga bisita – senyales na hinihiling ng mga ito na hagkan ng groom ang bride sa mga labi.

        Samakatuwid, dalawang beses nang nahahagkan ni Paolo si Bee sa kanyang mga labi, bukod pa sa halik sa simbahan.

        Pagpasok na pagpasok pa lamang nila sa function room ay sinalubong na sila ng tunog na iyon. May mga bisita kasing naunang dumating sa hotel.

        Namula agad si Bianca.

        Napangiti naman nang pagkaliwa-liwanag si Paolo.

        “O, paano?” tanong nito sa kanya nang nakataas ang isang kilay. “Ipapahiya ba natin sila?”

        Lumalim ang kanyang pamumula. Ni hindi niya masalubong ang nakakalokong titig ng asawa.

        Hindi tumigil ang tunog ng mga baso. Lalo pa ngang lumakas at may kasabay nang kantiyaw.

        “Kiss... kiss...”

        “Sige na nga, para matapos na,” sabi ni Bianca.

        Kinabig siya ni Paolo sa beywang.

        Kusang tumingala si Bee.

        Pumikit siya nang yumuko si Paolo.

        Sandaling-sandali lang din na lumapat ang mga labi nito sa mga labi niya. Pero tulad kanina ay pigil ang kanyang hininga at para siyang hihimatayin. Sayang at kaybilis uling natapos.

        Kasabay ng pagdilat niya ang kanyang pagsinghap na parang naghahabol ng hininga. Kumukuha ng balanse. Sa litong kalagayang iyon ay nakasalubong niyang muli ang matiim na titig ni Paolo. Pinagmamasdan siya.

        Nagpapalakpakan ang mga bisita sa kanilang harapan.

        Pilit na ngumiti si Bianca. Iyong parang balewala sa kanya ang nangyari. Hindi niya alam kung kapaniwa-paniwala ba siyang tingnan. Pero may magagawa ba siya?

        Mabuti na lang at nagsipaglapitan na sa mga sandaling iyon ang mga bisitang hindi nakabati sa kanila sa simbahan. Naging abala uli sila sa kabi-kabilang mga halik at pakikipagkamay.

        Ang ikalawang pagtunog ng mga baso ay nang maupo sina Bianca at Paolo sa bridal table.

        “Na naman?” reklamo ni Bianca.

        Tunay na reklamo iyon. Paano’y napakahirap pala ng pakiramdam ng nahahagkan ni Paolo. Para siyang tinatakasan ng lakas. Pagkatapos, bitin naman. Para lang siyang tinatakam. At lalo siyang nalulubog sa frustration. Napakahirap pa namang itago ang kanyang damdamin.

        “Tradisyon na iyan,” sagot ni Paolo. “Wala tayong magagawa.”

        Pero nanunukso ang ngiti nito. Halatang ini-enjoy nito ang bahaging iyon ng selebrasyon.

        “O, sige na,” sabi niya.

        Sa baba naman siya hinawakan ng asawa. Tulad ng dati, isang mabilis na halik. Short and sweet.

        Lalong naging eratiko ang takbo ng pulso ni Bianca.

        At ngayon, sa kalagitnaan ng kanilang pagkain, heto na naman.

        “Ano ba naman iyan,” sabi niya. “Amoy salad na ako, e.”

        Kumislap ang mga mata ni Paolo.

        “Mmm, e di lasang salad din,” pabulong na sagot nito. “Masarap iyong salad, a.”

        Pakiramdam ni Bee ay buong katawan na niya ang namula. Damang-dama niya ang paggapang ng init sa kanyang katauhan.

        “H-hindi ba puwedeng mamaya na lang?” hiling niya.

        “Papayag ba ang mga iyan?” sagot ni Paolo. “Hindi sila titigil hangga’t hindi natin pinagbibigyan.”

        Humugot siya ng malalim na buntunghininga. Pampalakas ng loob.

        “Okay, sabi niya.

        Hindi niya inaasahan ang ginawa ni Paolo. Hindi na tulad ng unang tatlong halik ang iginawad nito sa kanya. Literal na tinikman nito ngayon ang kanyang mga labi. Mabilis lang din naman. Pero parang nakuryente si Bianca. Nadama niya hanggang talampakan.

        “I couldn’t resist,” nakangiting paliwanag ni Paolo pagkatapos.

        May kakaibang timbre ang boses nitong bumubulong.

        Hindi makakibo si Bianca. Wala siyang maapuhap sabihin.

        Sa ikaapat, ikalima at ikaanim na pagkakataon, hindi na ang mga bisita ang humiling na hagkan ng groom ang bride. Ang photographer at videoman na ang nagdirihe sa kanila pagkatapos ng subuan ng cake, ng magkalingkis na pagsimsim ng champagne at ng pagpapakawala ng mga kalapati mula sa wedding bell.

        Nang unang sabihin iyon ng photographer matapos subuan ni Bianca si Paolo ng cake, hindi niya naitago ang kanyang pagkataranta.

        Naalala kasi niya ang huling ginawang paghalik ni Paolo. Diyos ko, hihimayin na yata talaga siya kapag naulit pa iyon.

        Nahalata siya nito.

        “Don’t worry, I’ll behave,” nakangiting bulong ni Paolo. “I promise.”

        Wala rin namang nagawa si Bianca. Talagang bahagi na rin ng tradisyon ang hinihiling ng pagkakataon.

        Tumupad din naman si Paolo sa pangako. Naging “mabait” uli ang mga halik nito. Wala nang tinangkang kapilyuhan.

        Pero hindi doon natapos ang lahat. Siyam na mesang tigsasampu katao ang kanilang mga bisita. At nang magpakuha sila ng litrato sa tabi ng bawat mesa, siyam na ulit din silang hinilingan pang maghalikan.

        Dapat sana ay nasanay na siya. Namanhid na. Pero hindi. Sa halip ay pigil na pigil nga ni Bianca dahil kung pagbibigyan niya ang kanyang sarili ay gusto na niyang yapusin si Paolo at hilingan ng isang tunay at hindi biting halik.

        Nang matapos ang kasayahan ay kakaiba na ang pakiramdam ni Bee. Parang naninikip ang kanyang dibdib. Dahil na rin siguro sa lakas ng pintig ng kanyang puso.

        “Nasa suite na ang mga bagahe ninyo, sir, ma’am,” sabi sa kanila ng isang empleyado ng hotel.

        Iniabot nito kay Paolo ang susi ng silid.

        Doon kasi sila magpapalipas ng magdamag. Pagkatapos, simula bukas, iikutin nila ang iba’t ibang lokasyon ng New Haven Spa Hotel – sa Baguio, Subic, Batangas, Cebu, Boracay at Davao. Isang popular na honeymoon package tour iyon ng hotel.

        Napilitan sina Bianca at Paolo na “mag-honeymoon” dahil iyon ang inaasahan ng lahat. Isa nga iyon sa mga unang itinanong sa kanila nina Fiona, Pilar at Carol – ang tatlong matronang nakatutok sa kanilang relasyon.

        Nabigyan naman sila ng malaking diskuwento ng New Haven dahil sa representasyon nina Alexandra at Edric.

        Pero nakasaad sa package na honeymoon suite ang kanilang ookupahan sa kabuuan ng tour. Hindi nila nagawang ipabago iyon dahil mahahalata ang kanilang pagpapanggap. Inurirat pa naman nina Fiona, Pilar at Carol ang mga detalye ng kanilang reservations. Kilig na kilig ang tatlong matrona para sa kanila.

        Kaninang pag-alis ni Bianca sa bahay ay inilagay na sa trunk ng bridal car ang kanyang maleta. Siniguro iyon ni Fiona.

        Ganoon na lang ang kaba ni Bee nang ipaalam ng hotel staffer na nasa honeymoon suite na ang kanilang mga gamit.

        “Thank you,” suwabeng-suwabe namang sagot ni Paolo. “We’ll be right up.”

        Nakauwi na ang karamihan sa mga bisita. Ang naroon na lamang ay sina Fiona, Bert, Pilar, Willy, Carol, Abe, Catlyn, Whammy, Pia at ang mag-anak ni Manang Naty.

        Inaasikaso ng magbalaeng Fiona at Pilar ang pagpapabalot sa ekstrang pagkain na hindi naihain, kasama na ang wedding cake. Katulong naman nina Carol at Catlyn sina Naty, Popoy, Nova at Nadia sa pagsasakay ng mga regalo’t bulaklak sa kanilang van.

        Sina Bert, Willy at Abe ay masayang nagkukuwentuhan habang nagkakape sa isang mesa sa sulok ng silid.

        Sina Whammy at Pia ay nakikipagbiruan sa mga batang sina Romnick at Gary.

        “O, pumanhik na kayo,” sabi ni Fiona sa mga bagong kasal.

        “Oo nga,” tango ni Pilar. “Bahala na kami rito. Ilalagak na lang namin kina Naty ang mga regalo n’yo.”

        “Magkita na lang tayo sa Cebu,” dagdag ni Fiona.

        Lilipad kasi itong patungong Cebu kinabukasan para dalawin naman ang mga magulang at si Francesca. Mag-aabot pa sila roon nina Bianca at Paolo pagpunta ng dalawa sa New Haven-Cebu.

        Tumingin si Paolo kay Bianca.

        “Let’s go,” yaya nito.

        Wala siyang nagawa kundi ang magkibit-balikat.

        Humalik na sila sa matandang naroroon at sumakay na nga sa elevator. Nang mapag-isa sila sa loob ng elevator ay parang pagod na pagod na napasandal si Bee sa isang dingding.

        “Nakaka-drain,” sabi niya.

        “Wala nang nanonood sa atin ngayon,” sagot ni Paolo. “Puwede ka nang mag-relax.”

        Hindi lang masabi ni Bianca na mas nakakatensiyon nga sa kanya ang kanilang pagkakasarilinan.

        Noong gumawa sila ng reservations ay hindi na nila sinilip ang honeymoon suite. Pero dahil nga naturingang “suite” ay inakala ni Bee na may hiwalay na kuwarto iyon bukod sa maliit na receiving area at kitchenette.

        Nagulat siya nang ang mabungaran nila ay isang silid na walang mga dibisyon liban sa banyo. Nasa kalagitnaan ng kuwarto ang malapad na kama. Sa kanan ay loveseat. Sa kaliwa ay maliit na mesang kainan na may katabing mini-refrigerator.

        “Suite na ba ito?” tanong ni Bianca.

        Si Paolo naman ang nagkibit-balikat.

        “Well, this is their idea of a honeymoon suite,” sagot nito. “Kunsabagay, for traditional honeymooners, bagay na bagay nga ito.”

        “P-pero paano...”

        Hindi na kailangang tapusin ni Bianca ang kanyang ipinag-aalala.

        “Sa carpet na lang ako matutulog,” sabi na agad ni Paolo. “Hindi naman ako magkakasya diyan sa loveseat.”

        “Ibibili kita ng sleeping bag,” mabilis na alok ni Bee. “Iyong makapal at kumportable.”

        “At paano naman nating iaakyat dito ang sleeping bag?” natatawang tanong ni Paolo. “Paano natin ipapaliwanag iyon?”

        “Pakialam ba nila,” irap ni Bianca. “Di sabihin nating bibitbitin natin iyon sa Baguio and elsewhere. Sabihin nating magka-camping tayo.”

        “Hmm, fast thinking,” tango ni Paolo.

        “Nakakakonsensiya naman kung pababayaan kitang matulog diyan sa carpet, ano?” pakli ni Bee.

        “Well, kung nakukonsensiya ka, I was hoping...” nakangiting ibinitin ni Paolo ang pangungusap pero tumingin ito sa kama.

        “No way, Mr. Cordero,” mariing pahayag ni Bianca.

        Tumawa si Paolo.

        “Just kidding,” sabi nito.

        Napailing si Bianca.

        Pero nag-aalala siya. Paano’y alam niyang matindi nga ang atraksiyon ni Paolo sa kanya. Nakasisiguro man siyang hindi siya nito pupuwersahin ay malamang na patuloy naman siya nitong tutuksuhin. At sa kalagayan ng puso niya ngayon, may posibilidad na matukso siya.

        “Magbibihis ka nga pala,” seryoso nang sabi ni Paolo. “Gusto mo bang lumabas muna ako?”

        “Hindi,” iling ni Bianca. “Sa banyo na lang ako magbibihis.”

        Binuksan niya ang isa sa mga built-in cabinets. Naroon nga ang kanilang mga bagahe. Magkakatabi.

        Binuksan niya ang kanyang maleta. Naglabas siya ng bihisan. Pantalong maong at puting tank top.

        Dumiretso siya sa banyo. Siniguradong nakakandado ang pinto.

        Pero kahit nakakulong na siya roon ay asiwa pa rin si Bianca. Nagmamadali siya sa pagkilos. Parang gusto pa nga niyang magtapi ng tuwalya bago hubarin ang kanyang gown. Para bang makikita siya ni Paolo sa kabila ng makakapal na sementadong dingding ng banyo.

        “Sira ka na yata,” saway niya sa kanyang sarili.

        Para matauhan, pagkahubad niya ng damit-pangkasal ay naghilamos muna siya. Nanlalagkit na rin kasi siya sa hindi nakasanayang make-up.

        Nang makita niya ang selyadong mga toothbrush na naroon, nagsepilyo na rin si Bianca.

        Pagkatapos, isinuot na niya ang maong at pang-itaas.

        Paglabas ay hawak niya ang kanyang gown sa isang kamay at ang kanyang magkapares na sapatos sa kabila. Nakayapak lang siya.

        At biglang napasinghap si Bianca. Sabay ikot patalikod.

        Paano ba nama’y wala nang pang-itaas si Paolo. At nasa aktong naghuhubad ng pantalon.

        Napahalakhak ito sa naging reaksiyon niya.

        “Don’t worry,” sabi nito. “Puwede kang tumingin. Hindi naman ako naka-bikini briefs. Naka-boxer shorts ang asawa mo, Mrs. Cordero. Hindi ka maeeskandalo.”

        Hindi pa rin siya humarap.

        “Tapos ka na bang magbihis?” tanong niya.

        “One minute,” sagot ni Paolo.

        Eksaherada siyang bumuntonghininga.

        “Okay, you can turn around now,” natatawa pa ring sabi nito pagkaraka.

        Saka lang siya umikot.

        Nakapantalong maong na nga si Paolo. Pero nagsusuot pa lang ito ng t-shirt na puti. At nakayapak.

        Iniiwas ni Bianca ang kanyang paningin. Inabala niya ang sarili sa paglalagay ng kanyang sapatos sa shoerack sa loob ng cabinet at pagha-hanger ng kanyang gown.

        “Ikaw naman,” sabi ni Paolo. “Para namang hindi mo pa ako nakitang naka-swimming trunks.”

        “Pasensiya ka na. Hindi ako sanay sa ganito, e,” sagot niya.

        Naupo siya sa loveseat.

        Tumabi sa kanya si Paolo.

        “O, tena sa Glorietta,” sabi ni Bianca. “Ibibili na kita ng sleeping bag.”

        “Sandali muna,” sagot ni Paolo. “May hihilingin lang sana ako.”

        “Ano ‘yon?” nakakunot-noong tanong niya.

        “A gift,” sagot ni Paolo. “A kiss. May I kiss the bride?”

        “H-ha?” bulalas ni Bee.

        “Kasi kanina, sa simbahan, that was for ceremonial purposes,” sabi ni Paolo. “Iyong sa reception naman, para sa mga bisita. This time, I want it for myself. Don’t I deserve a kiss? A real kiss?”

        Natameme si Bianca. Isa pa’y mahirap magsalita kung nagkakabuhul-buhol na pati ang iyong paghinga.

        “Just a kiss... I promise,” sabi pa ni Paolo na nakatitig sa kanya.

        Napalunok si Bee.

        Humaplos ang hintuturo ni Paolo sa pisngi niya.

        Kusang napapikit ang kanyang mga mata.

        Naramdaman na lang niyang itinataas na ni Paolo ng hintuturo ang kanyang baba. Pagkatapos, lumapat nang muli ang mga labi nito sa mga labi niya.

        Iba palang humalik si Paolo kapag walang nanonood sa kanila. Sa pagtatagpo pa lamang ng kanilang mga labi ay nakadama na agad si Bianca ng kakaibang init.

        Inangkin ni Paolo ang kanyang mga labi nang kung paano inaangkin ng isang esposo ang mga labi ng kanyang asawa. Nanunuyo. Nanunukso. Nagtuturo. Nangungubkob. Ganap na nang-aangkin.

        At ganap ding isinuko ni Bianca ang sarili sa halik na iyon . Nagpaubaya siya. Bumigay. At di nagtagal ay tumugon din ng ganoon kainit. Wala nang pag-aatubili.

        Kapwa sila nasa kasukdulan ng emosyon nang pilit na kumalas si Paolo. Humihingal ito nang umatras at tumayo, sabay hila rin sa kanya nang patayo.

        Wala pa sa sarili si Bianca.

        Saglit siyang niyakap ni Paolo. Pinagdikit nito ang kanilang mga noo.

        Muling napapikit si Bee.

        “We better go,” bulong ni Paolo.

        Napadilat siya. Naalimpungatan.

        Nagmamadali si Paolo. Hila pa rin siya nito papalabas ng pinto.

        Sumusunod si Bianca na naghahabol din ng hininga.

        Nasa labas na sila ng silid at nakasara na ang pinto nang kapwa sila matigilan.

        “Oh, no,” sabi ni Bee.

        Napasandal siya sa pinto at napangiti. Ngiting nauwi sa pagbungisngis.

        Maya-maya’y katabi na niya si Paolo. Iniihit din ng tawa.

        Paano’y pareho pa silang nakayapak. At wala silang dalang kahit ano. Walang mga wallet. Wala kahit susi ng kuwarto.

        “Ikaw kasi, e,” sabi ni Paolo.

        “Anong ako?” sagot niya.

        “Masyado kang nakakasira ng ulo,” sabi nito.

        May sumikdo sa puso ni Bee. Pero hindi siya nagpahalata.

        “Dati nang sira ang ulo mo, oy,” sagot niya sa asawa.

        Dumiretso uli si Paolo. Kinuha ang kamay niya’t hinila siya.

        “O, saan tayo pupunta?” tanong ni Bianca.

        “E di maghahanap ng house phone at hihingi ng saklolo,” sagot nito.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)