Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: BIANCA Chapter 1

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

Abakadang Pag-ibig: Alexandra

Abakada ng Pag-ibig: BIANCA

by Maia Jose



Copyright Maria Teresa C. San Diego

All Rights Reserved

 

Published in print by Valentine Romances

Books for Pleasure, Inc.

First Printing 1998

 

ISBN: 971-502-842-X

 

TEASER:

 

        Walang panahon si Bianca sa pag-ibig. Ang pangarap niya ay makapunta sa Estados Unidos, maging American citizen at kumita ng dolyares. Kaya naman handa siyang mangahas na magbayad ng dalawang libong dolyar para pakasalan ng American citizen na si Paolo.

        Pinoy na Pinoy si Paolo. Kapwa Pilipino ang mga magulang nito. Ipinanganak sa Estados Unidos ang binata pero lumaki sa Pilipinas. Nagbalik lang ito sa States para doon magkolehiyo.

        Ngayo’y nagbabakasyon ang binata sa Maynila. At hindi nito natanggihan ang alok ng magandang dalaga.

        Ang kondisyon ni Bianca ay  strictly business. Kasalang hanggang dokumento lamang. Pero may ibang dahilan pala ang pagpayag ni Paolo.

 

CHAPTER 1

 

“BIANCA! Bianca, gising,” tawag ni Manang Naty habang bahagyang niyuyugyog ang balikat ng natutulog na dalaga.

        “Mmm,” parang wala pa sa sariling sagot niya.

        “Bianca, long distance galing sa States,” dagdag ni Manang Naty. “Ang mommy mo.”

        Napamulagat si Bee, sabay balikwas ng bangon. Halos agawin na niya mula sa kamay ng matandang katiwala ang cordless phone.

        “Mommy?” sabi niya kahit mahapdi pa sa antok ang mga mata at paos pa ang boses.

        “Hello, Bianca?” sagot ni Fiona mula sa kabila ng linya. “Good morning, anak!”

        “Good morning, Mommy,” tugon ng dalaga. “Ang aga-aga nitong tawag mo, a. Five thirty pa lang dito. What’s up?”

        “May ibabalita kasi ako, Bee,” halatang excited na sabi ni Fiona. “Huwag kang masyadong mabibigla, ha? I just got married.”

        “Ano ‘yon, Mommy?” tanong niya. “Hindi ko masyadong narinig. Pakiulit.”

        Ipinilig-pilig pa ni Bee ang ulo niya. Tulog pa yata siya kaya kung anu-ano na tuloy ang dinig niya sa sinabi ng mommy niya.

        “Ang sabi ko, Bianca, I just got married,” malinaw na malinaw na ulit ni Fiona. “It’s a whirlwind romance. Italyano kasi si Gian. He’s so romantic.”

        At bumungisngis pa ang matrona na parang teenager.

        Unti-unting nanuot at tumalab sa kamalayan ni Bee ang tinuran ng ina.

        “Got married?” ulit din niya. “Ibig mong sabihin, tapos na? Ikinasal ka na?”

        “Just last night, baby,” sagot ni Fiona. “Dito sa Las Vegas. We flew in from San Francisco, checked into the hotel, bought our rings and got married at nine in the evening. Pagkatapos, we went dancing and got drunk on champagne. Kagigising nga lang namin – it’s one thirty in the afternoon here. At ikaw ang una kong binalitaan. After this, si Francesca naman ang tatawagan ko.”

        “P-pero kanino ka nagpakasal, Mommy? Sino siya?” naguguluhang tanong ni Bee. “Bakit wala ka namang nababanggit sa akin na ganyang balak? Wala ka namang boyfriend, a.”

        “Sabi ko nga, it’s a whirlwind romance,” paliwanag ng matrona. “I just met him two weeks ago. Nandito lang siya on a business trip. Hindi na ako pinakawalan. Pinag-resign na nga ako sa trabaho. Tomorrow we’re flying to Italy. Can you imagine? Hindi pala ako magiging American citizen. Italyana pala ang kalalabasan ko.”

        Malutong na halakhak ang kabuntot ng pahayag na iyon.

        Hindi alam ni Fiona na kasabay ng halakhak nito ay gumuho naman ang mundo ni Bianca.

        “A-ano’ng hindi ka na magiging American citizen?” natatarantang sabi ng dalaga. “Mommy, you can’t do this. Mommy, isang taon na lang, American citizen ka na. Ipe-petition mo kami, hindi ba? Kami ni Francesca.”

        “Tutulungan naman daw ako ni Gian na madala kayo sa Italy,” sagot ni Fiona. “At mas mapapabilis na iyon dahil sa status ko ngayon.”

        “Mommy, ayoko sa Italy!” pasigaw na tanggi ni Bianca.

        “Bianca, please,” sabi ni Fiona. “Be reasonable, anak. Kasal na kami ni Gian. Nasa Italy na ang future ko.”

        “Hindi mo man lang kami inisip,” sumbat ni Bianca. “Hindi ka man lang nakapaghintay hangga’t nakarating kami riyan. Ganyan ka naman, e. Hindi mo naman talaga kami iniisip. Balewala naman talaga kami sa iyo!”

        Pagkasabi niyon ay pinatay na niya ang linya at ibinabalibag ang cordless phone sa kama.

        At nagpalahaw siya ng iyak.

        “Manang Natyyy! Manang Naty, si Mommy... nag-asawa ng kung sinong Italyano. Pupunta na sa Italy.”

        “Ay, makikita niya roon si Sophia Loren,” kinikilig namang sabi ng singkuwenta’y singko anyos niyang yaya.

        “Ano ka ba naman, Manang?” padabog na sumbat ng dalaga. “Hindi mo ba naiintindihan? Sinayang ni Mommy ang tsansa niyang maging American citizen. Sinira niya ang tsansa namin ni Francesca na makapunta sa States!”

        At muli siyang nagpalahaw nang iyak.

 

NASA elementarya pa si Bee nang maghiwalay ang mga magulang niya. Dinala ng mommy niya ang kaisa-isa at mas nakababata niyang kapatid na si Francesca nang umuwi ito sa mga magulang sa Cebu. Naiwan naman siya sa daddy niyang si Bert sa bahay nila sa Project 6 sa Quezon City.

        Noong nasa second year high school si Bee, nagkaroon ng pangalawang pamilya sa Baguio ang daddy niya. Madalas kasi itong bumiyahe at naglalagi roon dahil sa negosyo.

        Magmula nang mag-asawa, dumalang na ang pag-uwi ni Bert sa Project 6. Lagi nang naiiwan si Bee sa piling ni Manang Naty at ng pamilya nitong doon din nakatira sa bahay nila.

        Malaking bagay kay Bianca ang makapiling ang mag-anak ng nakagisnang yaya. Ang mga ito na ang tumayong kapamilya niya sa mga panahong siya’y nag-iisa.

        Hardinero nila’t handyman ang asawa ni Manang Naty na si Manong Popoy. Naging katulong nila sa bahay ang panganay na anak ng mag-asawa na si Nida bago ito nakapag-asawa. Ngayo’y ang pangalawang si Nova at ang bunsong si Nadia naman ang nakakatulong ng ina sa bahay. Kasama rin nila ang dalawang anak na lalaki ni Nova na lima at anim na taong gulang – bunga ng maagang pakikipag-live in nito noon na nauwi rin sa paghihiwalay.

        Dahil na rin siguro sa kawalan niya ng matatawag na sariling pamilya ay napamahal na kay Bianca ang dalawang batang sina Romnick at Gary. Ikinatutuwa pa nga niya ang kalikutan ng mga ito sa loob ng bahay.

        Pareho ang naging kapalaran nila ni Francesca. Iniwan din ito ng kanilang ina sa Cebu nang magpunta ang matrona sa States para magtrabaho bilang medical technologist. Ang kasama ngayon ng kapatid niya ay ang kanilang lolo’t lola.

        Ang pangako ni Fiona ay ipe-petition ang dalawang anak sa sandaling maging US citizen na ito.

        At iyon ang pangakong kaytagal nang pinanghahawakan ni Bianca.

Maliit pa siya’y pangarap na niyang makarating at tumira sa States. Manghang-mangha kasi siya sa mga napapanood niya sa pelikula at telebisyon tungkol sa bansang iyon. Para sa kanya, wala nang bansang mas gagaling pa sa Estados Unidos.

        Habang nagdadalaga si Bee ay lalong sumidhi ang kanyang kagustuhang  maging US citizen. Lalo pa nga nang magkaroon ng bagong pamilya ang daddy niya. Wala na kasing dahilan para manatili pa siya sa Pilipinas.

        Habang naghihintay sa petition ng kanyang mommy ay pinagtiyagaan muna niyang magtrabaho bilang sales representative ng medical supplies. Kahit alam niyang ang isang B.S. Chemistry graduate na tulad niya ay over-qualified sa ganoong trabaho ay kuntento na siya dahil nga may inaabangan siyang mas magandang pangyayari sa kanyang buhay.

        Pagkatapos, basta na lang sinira ng mommy niya ang lahat. Hindi matanggap ng dalaga ang kanyang pagkabigo.

 

“BAKIT ganoon siya? She’s so unfair!” paiyak na himutok ni Bianca.

        Namumugto na ang mga mata niya sa maghapong pag-iyak. Halos wala na nga siyang mailuha.

        Ngayo’y nakasalampak siya ng upo sa gitna ng magulo niyang kama, nakapantulog pa rin na shorts at maluwang na t-shirt. Magmula kasi pagkagising kaninang umaga ay hindi na siya nakapagbihis o kahit nakapaghilamos man lamang. Halos wala pa nga siyang nakakain kahit na alas-singko na ng hapon. Panay kape lang ang inilaman niya sa kanyang tiyan.

        Mabuti na lang at nagsidatingan na ang kanyang mga pinakamatalik na kaibigan – sina Alexandra, Catlyn at Desiree.

        Magkakaibigan na sila magmula pa sa toddler class ng pinasukan nilang pre-school. Magkakasama sila noon sa iisang mesa dahil nagkataong magkakasunod ang kanilang mga pangalan sa alpabeto at iyon ang ginawang batayan ng kanilang guro sa paggugrupo sa mga mag-aaral.

        Wala nang iba pang maaasahan si Bianca na dadamay sa kanya kung hindi ang kanyang mga pinakamatalik na kaibigan. Nasa Baguio ang daddy niya. Nasa Cebu si Francesca. Isa pa’y mas malapit naman talaga siya sa kanyang mga kaibigan kaysa sa sarili niyang pamilya.

        Kaninang umaga, nang medyo mahimasmasan na siya sa halos hysterical na pag-iyak ay isa-isa niyang tinawagan ang mga ito. At sinuportahan nga siya ng tatlo. Medyo natagalan nga lang ang pagdating ng mga ito dahil pare-parehong may mga pinanggalingang kompromiso.

        Si Alex, bilang image model at spokesperson ng New Haven Spa Hotel, ay nasa shooting ng isang commercial nang makontak ni Bianca sa cellphone. Mabuti na lang at mismong ang asawa rin nitong si Edric ang direktor ng commercial kaya nakahingi ng sandaling break ang modelo para lang mapakinggan ang kanyang pahagulgol na pagsusumbong.

        “I’ll be right there  pagkatapos na pagkatapos nitong ginagawa namin,” pangako ni Alex. “Pipilitin kong matapos kami nang maaga ngayong hapon. Nandito lang naman kami sa Makati, e.”

        Si Catlyn, na nagtatrabaho sa sariling trading company ng pamilya nito, ay may iniistima namang business partners nang matawagan niya. Inaasikaso nito ang mag-asawang Amerikano na nagmamay-ari ng isang kompanyang gumagawa ng makinang nakakapag-recycle ng kemikal na film developer. Sinasamahan nito ang mag-asawa sa mga film development companies na maaaring maging potensiyal na kostumer ng produkto.

        “May mga appointment kami hanggang hapon, Bee,” sabi ni Catlyn. “Pero pagkatapos ko silang maihatid sa hotel nila mamaya, tutuloy agad ako riyan sa bahay ninyo.”

        At si Desiree, na nagtatrabaho sa isang human development training company, ay nasa isang training seminar naman nang makausap niya.

        “Sayang, hindi lang ako puwedeng magpaalam right now dahil isa ako sa mga panelist ngayong araw,” sabi ni Des. “Pero pagkatapos ng panel discussion ngayong hapon, pipilitin kong makalabas nang maaga para makapunta riyan.”

        Sa kabila nga ng lahat ng mga kompromisong iyon, alas-singko pa lang ng hapon ay nagsidatingan na sa bungalow nina Bianca sa Project 6 sina Alexandra, Catlyn at Desiree.

        Alalang-alala ang mga ito sa kaibigan, lalo pa nang makita ang ayos niya sa kuwarto. Pinaligiran siya ng tatlo sa kama.

        “Tahan na, Bee,” sabi ni Alex.

        “Huwag mong masyadong dibdibin,” sabi ni Catlyn.

        “Akala ko ba, ako lang ang iyakin?” sabi ni Des.

        Lalo lang nagpalahaw si Bianca.

        “Wala na talaga siyang pakialam sa akin,” himutok pa niya. “Hindi na niya inisip ang mangyayari sa akin.”

        “Hindi naman siguro ganoon, Bee,” sabi ni Alexandra.

        “Oo nga naman,” sang-ayon ni Catlyn. “Na-in love lang ang mommy mo. Talagang hindi mapipigilan iyon. Matagal din naman siyang naghintay bago nakatagpo ng pangalawang love, hindi ba?”

        “Kahit na,” pangangatwiran ni Bianca. “Puwede naman silang gumawa ng paraan para hindi masira ang pagpunta namin ni Francesca sa States, a. Di sana hindi muna sila nagpakasal. Naghintay muna sila.”

        “E kasi nga sa Italy nakatira iyong lalaki,” paalala ni Desiree. “May business trip lang daw sa States, hindi ba? Siguro, ayaw nang maghiwalay noong dalawa. Mahirap nga naman ang long distance love affair. I should know.”

        Nasa abroad kasi ang boyfriend ni Desiree na si Arman – bagay na laging ipinagsisintir ng dalaga.

        “Talagang hindi niya kami mahal,” giit ni Bianca. “Pareho lang sila ni Daddy. Mga sarili lang nila ang iniisip nila. Balewala na kami ni Francesca.”

        “Come on, Bee, huwag ka namang mag-self-pity,” sagot ni Alexandra. “Wala namang mangyayari sa ganyan, e. Alam kong masakit pero tanggapin mo na dahil hindi na mababago ang sitwasyon. Ipakita mo sa kanila na sa kabila ng lahat ay kaya mong tumayo sa sarili mong mga paa. Kahit naman laging wala ang daddy mo rito, you survived, hindi ba? And look at you now. You’re doing very well in your job.”

        Ngumiwi ang mukha ni Bianca.

        “Siyempre naman, ano?” sagot niya. “Kasi kumuha lang ako ng kahit na anong trabahong available. Pinagtitiyagaan ko na nga lang ito habang hinihintay ko ang pagpunta ko sana sa States.”

        “Hoy, excuse me, huwag mong isnabin ang sales,” pakli ni Catlyn. “Hindi yata madali ang magbenta, lalo na ngayong panahon ng krisis at nagtitipid ang lahat ng tao. Maganda ang performance mo hindi dahil madali iyang trabaho mo. Ang ibig sabihin lang niyon, magaling ka. May talent ka sa sales.”

        “At malayo ang mararating mo dito sa atin kahit hindi ka na magpunta sa States,” dagdag ni Desiree.

        Lalong dumilim ang mukha ni Bianca.

        “Basta, talagang pupunta ako sa States,” pahayag niya. “By hook or by crook.”

        “Hay naku, ang kulit mo,” iling ni Desiree.       “Ireto na lang kaya kita sa pinsang kong si Paolo na magbabalikbayan,” pabirong sabi ni Catlyn. “American citizen iyon. Di kapag nakapag-asawa ka ng American citizen, solved na ang problema mo.”

        “Ang cheap, ha?” sagot ni Alexandra. “Ganoon lang ba iyon?”

        “Hindi naman ganoon kadesperada itong kaibigan natin, Catlyn,” sabi ni Desiree.

 

PERO ganoon nga kadesperada si Bianca. Dahil nang gabing iyon ay hindi na maalis sa isip niya ang biro ni Catlyn.

        Iyon nga pala ang pinakamabilis na paraan para maging isang American citizen – ang pakasal siya sa isang American citizen.

        Walang-wala sa plano ng buhay ni Bianca ang pag-aasawa. Ni ang pakikipagnobyo. Wala siyang panahon sa mga bagay na iyon dahil nga magiging sagabal sa kanyang pagpunta sa States.

        Pero kung pag-aasawa lang ang natitirang paraan para niya matupad ang kanyang pangarap, bakit nga ba hindi?

        Marami na rin siyang narinig na mga kuwento tungkol sa mga Pilipinong pumasok sa marriage of convenience para nga maging American citizen. Nagbayad ang mga ito sa isang American citizen na mapapakasalan. Sa papel lang naman ang kasalan. Legalidad lang. At kapag nakuha na ng Pilipino ang kaukulang citizenship, madali nang ayusin ang diborsiyo.

        May pera siyang naipon mula sa mga padala ng mommy niya. Limang libong dolyar. Kahit hanggang dalawang libong dolyar ay puwede niyang isakripisyo para ipambayad sa taong makakatulong sa kanya. Ang natitira niyang pondo’y kakailanganin naman niya sa pagsisimula ng buhay niya sa Amerika.

        May pinsan daw si Catlyn na magbabalikbayan. Kung nagbiro itong ireto iyon sa kanya, ibig sabihin ay binata iyon. At American citizen nga raw.

        Bukas na bukas ay kakausapin niya nang masinsinan si Catlyn.

 

“ANO? Nasisiraan ka na ba?” hindi makapaniwalang sagot ni Catlyn.

        Sa lakas ng reaksiyon nito’y napalingon tuloy sa kanila ang mga nangakaupo sa katabi nilang mga mesa sa Almon Marina.

        Pagkatapos ng trabaho ay nagkita ang magkaibigan sa kainang iyon sa Megamall. Si Bianca ang tumawag at nagyaya kay Catlyn. Iyon ang pinili niyang tagpuan nila dahil nasa Ortigas ang tanggapan ng Mesias Traders – ang kompanya ng pamilya ng huli – at itinaon na rin ni Bee na sa araw na iyon mag-client call sa kalapit na Medical City.

        At matapos ngang maihain ng waiter ang mga order nila ay ipinahayag na agad ni Bianca ang kanyang mungkahi sa kaibigan.

        Na naging dahilan para manlaki ang mga mata nito at mapabulalas ng malakas na sagot.

        “Shh!” saway ni Bianca. “Huwag mo namang ibulgar. Sa atin-atin lang ito. Ikaw na lang ang makakatulong sa akin, e.”

        “Bee, nagbibiro lang ako kahapon,” paglilinaw ni Catlyn.

        “Alam ko,” tango niya. “Pero nagkaideya nga ako sa biro mong iyon. It’s possible, hindi ba? Nagawa na ng marami. At kung pinsan mo ang makaka-deal ko, I’ll be safe. Kaysa naman makipag-deal ako sa kung sinong hindi ko kilala.”

        Napailing si Catlyn.

        “Ewan ko,” sabi nito. “Hindi rin ako sigurado kung papayag si Paolo sa ganyang set-up.”

        “What’s he like ba?” tanong ni Bianca. “Ano’ng personality niya?”

        “The last time I saw him was about eleven years ago,” sagot ni Catlyn. “Kaga-graduate lang niya noon sa high school sa La Salle...”

        “Dito?” gulat na sabad ni Bianca. “Akala ko ba, Stateside siya?”

        “Ipinanganak siya sa States,” sagot ni Catlyn. “Pero dito siya nag-elementary at high school. Bumalik lang siya doon para mag-college.”

        “Bakit ganoon?” tanong pa ni Bee.

        “Ang mother kasi niya – si Tita Pilar na younger sister ni Mommy – doon sa States nag-graduate studies at nagturo sa UCLA,” paliwanag ni Catlyn. “Doon na rin nito nakilala at napangasawa si Tito Dale, na Pinoy rin. Only child nila si Paolo. Iyon nga lang, noong three years old ang pinsan ko, nag-divorce ang parents niya. Iniuwi ni Tita Pilar dito si Paolo. Kaya nga dito siya nag-elementary at high school. Noong college naman, pinabalik siya ng papa niya sa States para mag-aral sa UCLA rin.”

        Tumango si Bianca.

        “So, US citizen nga siya dahil doon siya ipinanganak,” sabi niya. “At least, sigurado tayo roon.”

        “Oo naman,” sabi ni Catlyn. “Pero ang hindi ko masisiguro ay kung ano ang magiging reaksiyon ni Paolo sa proposal mo. As far as I can remember, mahiyain ang pinsan kong iyon. Masyadong seryoso. Palaaral. Para ngang nerd, e. At sa narinig ko lately, he’s into computers. Kaya baka lalo pang naging nerd iyon.”

        Tumaas ang kilay ni Bianca pero nakangiti siya.

        “Hmm, that’s good,” sabi niya. “Mas madali ngang pakisamahan ang ganoon, hindi ba? Wala naman siyang dapat ipag-alala sa akin. Aside from the legalities, wala na kaming pakialaman. Hindi ko siya iistorbohin sa anumang pagkakaabalahan niya.”

        “Kung magsalita ka parang napakasimple niyang iniisip mong gawin,” iling ni Catlyn. “Pero ako ang kinakabahan diyan sa gusto mong mangyari, Bee.”

        “Kaya nga ikaw ang nilapitan ko at pinsan mo ang gusto kong pakiusapan, e,” sagot ni Bianca. “You’re my last hope.”

        “Bahala na,” sabi ni Catlyn.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)