FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
KUNG kailan pa
siya nakabalik sa sariling kuwarto sa sariling bahay ay saka pa nakadama si
Catlyn ng malalim na depresyon.
Paano’y saka lang din niya naisip na
wala pala siyang pinanghahawakang anumang kaugnayan kay Jake ngayong
magkahiwalay na sila ng tirahan.
Napaka-abnormal naman kasi ng sitwasyong
kinapalooban nila. Nauna muna ang pagsasama sa maigting na panganib. Nauna ang
pagtira sa ilalim ng iisang bubong. Tuloy, naging napakalapit na nila sa isa’t
isa. At hindi man lang napansin ni Catlyn na hindi naman nila napag-uusapan
kung ano nga ba talaga ang namamagitan sa kanila.
Ano nga ba sila sa isa’t isa?
Oo, alam ng dalaga na umiibig siya kay
Jake. Sigurado siya roon.
Pero hindi naman niya iyon masabi sa
binata.
Paano niya masasabi samantalang wala rin
naman itong binabanggit tungkol sa paksang iyon?
Hindi siya naghanap ng ganoong pag-uusap
noong magkasama pa sila. Hindi niya kinailangang marinig ang mga salitang
ganoon dahil busog na busog siya sa araw-araw na pag-aaruga ni Jake.
Kaysarap naman kasing makasama ni Jake.
Sa ginawa nitong pag-aasikaso sa kanya’y parang nadama na rin niyang mahal siya
nito.
Pero ngayo’y nagtatanong na si Catlyn.
Pagmamahal na nga ba iyon? Anong klaseng pagmamahal?
Baka naman maasikaso lang talaga si Jake
sa kaibigan. Baka rin dinibdib nito ang pagiging bahagi na ng pamilya Mesias
kaya’t itinuturing na siyang parang kapatid.
Hindi niya akalaing ganoon katinding
kirot ang hatid ng ideyang iyon sa kanyang puso. Ang sakit-sakit namang isiping
baka kapatid o kaibigan lang ang turing sa kanya ng lalaking kanyang pinakamamahal.
Paano niya malalaman ang katotohanan?
Wala siyang magagawa kundi ang
maghintay. Dadalaw naman daw si Jake. At sa bawat pagkikita nila ay kailangang
makakuha siya ng anumang palatandaan tungkol sa damdamin nito.
Pero ang hirap din palang maghintay.
Nang mga sumunod na araw, kabi-kabila
ang mga gustong mag-interview kay Catlyn. May taga-radyo at TV. May
taga-diyaryo. Pero wala siyang pinagbigyan. Hiniling niyang hayaan na lamang
siyang manahimik sa pribado niyang buhay.
Ayaw na niyang ikuwento ang mga
pangyayari, liban na lamang sa pinakamatalik niyang mga kaibigan.
Pinuntahan siya agad nina Desiree,
Bianca at Alexandra nang malamang nakauwi na siya ng bahay. Nabalitaan lang din
ng mga ito ang mga tunay na pangyayari kasabay ng pag-anunsiyo ng mga awtoridad
sa pagkakadakip sa grupo nina Hernandez.
“All the while, paniwalang-paniwala kami
na nag-extend ka ng stay mo sa reshouse ng mga Garchitorena sa Quezon,” sabi ni
Alexandra. “Pagkatapos, sumama ka pa raw sa pag-inspeksiyon ng mga planta nila
sa Mindanao.”
“Pasensiya na kayo,” sagot ni Catlyn.
“Pati kayo, kinailangang pagsinungalingan nina Mommy. Tarantang-taranta kasi
sila noon. Kailangang iisang kuwento lang ang ibigay nila sa lahat para hindi
sila malito at mabuko.”
“Hindi naman kami nagtatampo, ano,”
paglilinaw ni Alex. “Ang ibig ko lang sabihin, kampanteng-kampante kami rito samantalang
nasa panganib ka pala. Wala man lang kaming naitulong.”
“Mabuti na lang at may nakatagpo kang
knight in shining armor,” sabi ni Bianca. “Parang sine ‘yong nangyari sa inyo,
ano? Hindi ko akalaing may mangyayaring gano’n sa isa sa atin.”
“Kailan naman namin makikilala itong
iyong action hero?” tanong ni Desiree. “Naiintriga na ako sa kanya, ha?”
Nagkibit-balikat si Catlyn.
“Ewan ko,” sagot niya. “Hindi ko alam
kung kailan siya makakalibre sa bago niyang trabaho para makadalaw sa amin.
Hayaan n’yo, kapag may pagkakataon, ipakikilala ko siya sa inyo.”
Hindi lang niya masabi na, “Ako nga, bitin na bitin na rin, e.”
At nabitin pa siya nang husto nang mga
sumunod na araw at linggo.
Dalawang linggo ang nagdaan bago tumawag
si Jake. Sa opisina pa ito ng Mesias Traders tumawag at sina Carol at Abe lang
ang nakausap.
Wala noon sa opisina si Catlyn.
Inaasikaso na kasi niya ang mga papeles para sa itatayo niyang sariling
kompanya. Pumirma na palibhasa ng kontrata si Greg Garchitorena para maging
permanenteng supplier ng Garchitorena Industries and Mesias Traders.
Pikon na pikon ni Catlyn nang ikuwento
sa kanya ng mga magulang ang tawag ni Jake.
“Pasensiya na raw tayo at hindi siya nakakadalaw
sa atin,” sabi ni Carol. “Isinasama kasi siya ni Greg Garchitorena sa lahat ng
planta ng Garchitorena Industries. Iniinspeksiyon daw nila ang mga security
arrangements ng bawat planta. Ganoon din sa mismong mga bahay ng mga
Garchitorena dito sa Maynila, doon sa Quezon at sa Baguio. Biro mo, kung
saan-saan na pala sila nakaikot sa loob lang ng dalawang linggo. Halos walang
pahinga.”
“Ganoon talaga si Greg kapag na-obsess,”
sabi naman ni Abe. “Siyempre, nakakatakot naman talaga itong nangyari. Sila pa
naman ang tunay na target. Hindi malayong may iba pang mga grupo riyan na
magtatangka ring gumawa ng ganoon. Mabuti na iyong preparado.”
“Masuwerte rin si Jake sa trabahong ito,
ano?” sabi ni Carol. “Maganda ang pasuweldo sa kanya ni Greg. Libre pa ang board
and lodging at transportation expenses. Wala siyang pagkakagastusan. Makakaipon
talaga siya.”
“Hindi nga matapatan ni Gen. Dario kahit
gusto sanang kunin uli ng matanda si Jake,” sagot ni Abe. “Paano namang
matatapatan ng naluluging security agency ang Garchitorena Industries?”
“Pero ang alam ko, kung nauna lang daw
ang offer ni Gen. Dario ay tatanggapin iyon ni Jake kahit maliit,” sabi ni
Carol. “Marunong namang tumanaw ng utang na loob itong binata natin. Kaso nga
lang, una na siyang nakatango kay Greg.”
“Pinag-aagawan siya kaya wala na siyang
panahon sa atin,” nagtatampong sabi ni Catlyn.
“Ikaw naman,” saway ni Abe.
“Nagpaliwanag na nga’t nag-apologize iyong tao. Of all people, tayo ang dapat
na makaunawa sa kalagayan niya. He really needs that job. Kahit tayo, hindi
natin kayang tapatan iyon.”
“Kung itinuloy niya ang pinag-usapan
naming pagnenegosyo, kayang-kaya niyang kitain ang higit pa roon,” irap ni
Catlyn.
“Kakailanganin pa rin niya ng panimulang
pondo kahit para man lang sa personal needs niya,” katwiran ni Carol. “Tama
naman iyong desisyon ni Jake na magtrabaho muna nang suwelduhan para lang
makapag-ipon ng starting fund. Biro mo, ini-advance na agad sa kanya ni Greg
ang tatlong buwang suweldo. That’s a huge sum! Aba, kahit naman sino, talagang
magsisipag kapag ganoon ang incentive.”
Lumabi si Catlyn.
“Nami-miss mo na siya, ano?” kantiyaw ni
Carol. “Nasanay ka kasing araw-araw kayong magkasama.”
“Katulad lang ito noong mag-asawa si
Alan,” iwas ng dalaga. “Nanibago ako noong simula pero nakapag-adjust din ako
agad. Matagal na kasing wala rito sina Kuya kaya nawili uli ako nong makasama
ko si Jake sa kampo. Lilipas din ito lalo na kung ganitong hindi ko na siya
nakikita.”
Hindi na kumibo si Carol. Hindi ito kumbinsidong
nami-miss ng anak ang binata na tulad lang ng pagka-miss ni Catlyn sa mga
kapatid na lalaki. Pero itinigil na nito ang panunukso. Napansin din kasi
nitong malalim ang itinatagong pagkabigo ng anak.
Naisip ni Catlyn, kung gusto siyang
makausap ni Jake ay pihadong tatawag ito uli. Malamang ay sa bahay na siya
titiyempuhan sa gabi.
Pero hindi na naulit ang tawag ng
binata. Parang nakuntento na ito na nakausap sina Abe at Carol.
“Hindi niya ako nami-miss,” himutok ni
Catlyn sa sarili.
Lalong lumalim ang kanyang depresyon. Hindi
niya alam na nagsisimula na itong mahalata ng mga taong nagmamahal sa kanya.
Paano’y hindi na niya makuhang mangiti. Isinusubsob na lamang niya ang sarili
sa trabaho. Nagkataon namang marami talaga siyang kailangang asikasuhin sa
itinatayo niyang kompanya.
Sumimple si Carol. Gumawa ng paraan.
Pagkaraan ng isang linggo – iyong sa tantiya nito ay nadaig na ng pananabik ng
anak ang pagtatampo – inutusan nito si Catlyn na magpunta sa tanggapan ni Greg
Garchitorena.
“Sa Makati rin lang ang lakad mo mamaya,
dalhin mo nga kaya Greg itong panibagong quotation na ito,” sabi ng matrona.
“Sabihin mong dinagdagan ko pa ng three percent na discount iyang spare parts
na iyan.”
“Okey lang,” wala sa loob na sagot ng
dalaga.
“Puntahan mo na rin tuloy si Jake at kumustahin,”
dagdag ng ina.
Natigilan si Catlyn.
Naroon nga pala si Jake.
Pero kunwa’y nagkibit-balikat lang siya
nang mahimasmasan.
“Depende kung naroon siya,” sagot ng
dalaga. “Baka nag-iikot na naman iyon sa kung saan-saan.”
Ang totoo niyon ay bigla siyang kinabahan.
Nagpapasalamat siya at nagkaroon siya ng
lehitimong dahilan para magawi sa tanggapan ni Greg Garchitorena. Ipinagdarasal
niyang magkataong naroon nga si Jake. Pero kabadung-kabado siya sa muli nilang
pagkikita.
Sabik na sabik na siyang makita’t makasama
si Jake. Pero natatakot din siya. Nangangamba siya sa maaari niyang mapatunayan
sa paghaharap nila.
Hindi ba’t hindi naman siya tinatawagan
ng binata? Hindi siya pinananabikan ni Jake na tulad ng nadarama niyang
pananabik dito. Paano kung hindi niya maitago nang husto ang kanyang damdamin?”
Huwag na lang kaya?
Pero matatanggihan ba niya ang utos ng
mommy niya?
Bahala na. Basta pupuntahan na lang niya
si Greg Garchitorena. Tatapusin niya ang dapat niyang tapusin sa tanggapan
nito. Ganoon lang. Pagkatapos, aalis na siya.
Paano kung naroon si Jake? Paano kung
hindi na niya ito maiwasan?
Bahala na.
MAINIT na
mainit ang pagsalubong at pag-estima ni Greg Garchitorena kay Catlyn.
“Hindi naman ho ako magtatagal,”
pagpapauna na ng dalaga. “Ipinabibigay lang ni Mommy itong bagong quotation
para sa spare parts. Dinagdagan daw niya ng three percent ang discount para sa
inyo.”
“Approved,” sagot agad ng matanda.
“Ipagagawa ko na agad ang P.O. nito. Pero mabuti at ikaw pa ang nagdala nito,
iha. Ang balita sa akin ng daddy mo ay magsasarili ka na ng kompanya.”
“Tumutulong pa rin naman ho ako sa
kanila,” sagot niya. “Katulad ngayon. May mga lalakarin din lang akong iba dito
sa Makati, isinabay ko na itong paghahatid ng quotation sa inyo.”
“Hindi mo na ba mahihintay si Jake?”
tanong ni Greg. “Parating na iyon. Magmeryenda muna tayo para mag-abot man lang
kayo.”
Parang biglang nangatog ang mga tuhod ni
Catlyn.
“N-next time na lang ho,” sagot niya.
Hindi na nga siya napigil pa roon ng
matanda.
Nagmamadaling bumaba ang dalaga sa
basement parking area ng gusali, pabalik sa kanyang sasakyan.
Bumukas ang pinto ng isang kadarating na
Toyota Crown.
“Catlyn!” tawag ng isang napakapamilyar
na tinig.
Nanlamig ang dalaga. Kusang tumigil sa
paghakbang ang kanyang mga paa.
Paglingon niya, si Jake nga ang nakita
niyang papalapit. Nakangiti.
“Uy!” kunwa’y napakakaswal na bati niya
rito. “Ikaw pala. Galing ako kay Mr. Garchitorena, e. May ipinabigay si Mommy
na quotation.”
Kailangang maipaliwanag niya agad kung
bakit siya naroon. Official business. Hindi para puntahan si Jake.
“Kumusta ka na?” tanong ng binata.
“Very busy,” mabilis na sagot niya.
Na ang gusto niyang maipaabot ay “wala akong panahon para isipin ka o ma-miss
ka.”
“Hi, Catlyn!”
Boses babae.
Ang nalingunan ni Catlyn ay si Gwen.
Kaiibis lang nito mula sa kotseng pinagmulan ni Jake. Papalapit din sa kanila.
Parang may kutsilyong humiwa sa puso
niya. Kamuntik na siyang mapasinghap sa hapdi. Nag-init agad ang kanyang mga
mata sa nagbabantang mga luha.
Ito pala ang dahilan kung bakit
masyadong abala si Jake sa pamilya Garchitorena.
“Oh my God, Catlyn, I’m so sorry about what
happened to you,” sabi ni Gwen nang makalapit sa kanila. “I really freaked out. Mabuti na lang, nandoon si Jake. Isn’t he great? Kaya tuloy ako
ngayon, I never go anywhere without him.”
At nginitian pa nito nang
pagkaliwa-liwanag ang binata.
Nangiti lang din nang alanganin si
Catlyn. Ang gusto talaga niyang
gawin ay umirap, sabay iyak.
“I hope you’re not blaming me for what
happened,” baling uli ni Gwen sa kanya.
“N-no, of course not,” nagawang isagot
ni Catlyn.
“Thanks,” sabi ni Gwen. “I’m so glad
you’re all right. Well, guess I’ll leave the two of you to catch up. I’ll just
go and see Dad upstairs. ‘Bye!”
Kumaway pa ito nang pa-cute bago sila
tinalikuran at iniwan.
Gusto nang manugod ni Catlyn.
Sa halip ay bumaling siya sa kabilang
direksiyon at nagsimulang maglakad patungo sa kanyang sasakyan.
Sumabay sa kanya si Jake.
“Wala ka sa opisina ninyo noong tumawag
ako,” sabi nito.
“Busy ako sa pag-aasikaso ng papers ng
kompanya ko,” sagot niya.
Malamig ang boses niya. Pasuplada na.
Hindi na niya maitago ang kanyang pagkapika.
“I’m sorry na hindi na kita napuntahan o
natawagan man lang, Cat,” masuyong sabi ni Jake.
“Ikinuwento naman nina Mommy sa akin
kung bakit,” sagot niya. “I understand.”
“Galit ka,” diretsahang puna ng binata.
“Hindi, a,” mabilis niyang tanggi.
“Bakit naman ako magagalit?”
“Huwag mong bigyan ng ibang kulay ang
mga sinabi ni Gwen,” biglang pasok ni Jake. “Ganoon lang talaga iyon kung
magsalita.”
“Ano namang kulay ang ibibigay ko sa mga
sinabi niya?” sagot kunwari ni Catlyn kahit nagpupuyos na ang loob niya.
“Paalis na siya patungong New York sa
makalawa,” dagdag ni Jake. “Naghahabol siya ng mga aasikasuhin kaya busy kami
ngayon. Pinasasamahan siya sa akin ng Daddy niya sa mga lakad, e. Parang
bodyguard.”
“A, ganoon ba?” sagot ni Catlyn. “Para
ka palang si Kevin Costner.”
Pinigil siya ni Jake sa siko. Natigil si
Catlyn sa mabilis na paglalakad. Napilitan siyang humarap sa binata.
“Catlyn, walang namamagitan sa amin ni
Gwen,” sabi nito.
Namula siya.
“Bakit? Ano naman ang kinalaman ko kung
may namamagitan man sa inyo o wala?” sagot niya.
“Galit ka, e,” sabi ni Jake.
“Hindi sabi ako galit,” nanggagalaiti
nang sagot niya. “Bakit ba ipinagpipilitan mong galit ako?”
Pagkasabi niyon ay marahas niyang binawi
ang braso niya bago muling tinalikuran at iniwan ang binata.
Sa pagtalikod niyang iyon, kusa nang
bumagsak ang kanyang mga luha.
Inis na inis si Catlyn. Ipagkakanulo pa
siya ngayon ng sarili niyang luha. Pero anumang pagpigil ang gawin niya ay
patuloy ang pagdaloy ng mga iyon sa kanyang pisngi. At parang sasabog na ang
kanyang dibdib sa sama ng loob.
Hinabol siya ni Jake. Humarang ito sa harap
niya.
“Catlyn, mahal kita,” walang kaabog-abog
na paglalahad ng binata.
Natigilan siya. Napatanga.
Kinulong ni Jake sa dalawang palad ang
mukha niyang hilam sa luha.
“Mahal na mahal kita,” pabulong nang
sabi nito habang nakatitig sa kanyang mga mata.
At bago pa siya nahimasmasan sa kanyang
pagkabigla ay masuyo na siya hinagkan sa kanyang mga labi.
Doon na bumigay si Catlyn.
Kasabay ng isang hikbi ay yumakap na
siya’t nangunyapit kay Jake. Mahigpit. Kay higpit-higpit. Lahat ng kanyang mga
takot at pangungulila ay inihanap niya ng katugunan sa mga bisig ng binata.
Lahat ng kanyang nadaramang pagmamahal ay inihayag na niya sa pamamagitan ng
mga labing wala pang karanasan sa ganoong larangan.
Hindi naman siya pinabayaan ni Jake.
Niyakap din siya nito nang buong higpit.
Tinugon ang kanyang pangungulila. Binura ang kanyang mga takot at pangamba.
At sinuyo nito ang kanyang inosenteng
mga labi. Tinuruan siyang makipagtalastasan sa kakaibang lengguwahe ng
pag-ibig.
Nagkalas lamang ang kanilang mga labi nang
kapusin na sila ng hininga.
Dumapo naman ang mga labi ni Jake sa noo
ni Catlyn.
Pagkatapos ay nagpaliwanag ang binata
habang nakasiksik ang kanyang mukha sa leeg nito.
“I’m sorry kung hindi agad ako
nagkalakas-loob na magtapat sa iyo. Natakot ako. Naduwag. Nahiya ako sa iyo, sa
Mommy at Daddy mo, sa mga kapatid mo. Parang wala akong karapatang umibig sa
iyo. Kaya nga noong tumawag ako, nagpasalamat pa ako na wala ka roon. Pero
noong hindi kita makausap, hirap na hirap naman ang loob ko. Miss na miss na
kita, akala mo ba? Kahit libangin ko ang sarili ko sa trabaho, ikaw pa rin ang
laging laman ng isip ko. Gabi-gabi, hindi ako makatulog. Inaalala kita.
Nagsisisi ako na hindi ako nagtapat sa iyo noong magkasama pa tayo. Hindi ko
naman magawang puntahan ka sa inyo. Pero kanina, nang makita kita, hindi na ako
nakapagpigil. Lalo pa nang makita kong masama ang loob mo sa akin.”
Tuluyan nang naiyak si Catlyn.
“Akala ko, hindi mo man lang ako
na-miss,” pumipiyok na sabi niya sa pagitan ng mga hikbi. “Pagkatapos, kanina,
akala ko, kayo na no’ng babaeng iyon...”
“Si Gwen?” natatawang sagot ni Jake.
“Naman. Paano mo namang ikukumpara ang sarili mo sa kanya?”
“Kaya nga pikon na pikon ako, e,” amin
ni Catlyn.
“Ang tingin ni Gwen sa akin, security
guard,” sabi ni Jake. “Kapag may panganib, siguradong ako ang ihaharap niya.
Hindi na baleng mapahamak ako, basta mailigtas lang siya. Iyon naman ang papel
ko, e. Bodyguard.”
Biglang natigil ang paghikbi ni Catlyn.
Nahalinhan ng galit.
“Iyan pa nga ang masama, e,” pag-aalma
niya. “Isoli mo na lang kaya ang ibinayad nila sa iyo? Kaysa naman ganyang nakataya
ang buhay mo. Jake, ayokong nalalagay ka sa ganyang panganib. Kaya nga tayo
pumasok sa witness protection program, hindi ba?”
Nangiti ang binata.
“Kita mo na?” sagot nito. “Ikaw pa itong
laging gustong magprotekta sa akin. Sa simula’t simula pa lang, ganyan ka na.
Paano ba naman akong magmamahal ng iba pa?”
Napangiti na rin nang saglit si Catlyn.
“Siyempre,”
sabi niya. “M-Mahal kita, e.”
Napabuntonghininga si Jake.
“Sa wakas, narinig ko rin,” sabi nito.
“Ang sarap namang pakinggan.”
Muling sumeryoso si Catlyn.
“Kaya nga kausapin na natin si Mr.
Garchitorena,” hiling niya. “Mag-resign ka na. Natatakot ako sa ganitong
trabaho mo.”
“Napakiusapan lang naman akong samahan
si Gwen sa mga lakad niya hanggang makaalis siya sa makalawa,” sagot ni Jake.
“Liban doon, hindi na delikado ang trabaho ko rito. Inaayos ko lang ang mismong
sistema ng security nila pero iba na ang aktuwal na magpapatupad niyon. Ang
usapan talaga namin ni Mr. Garchitorena ay tatlong buwan lang ang kontrata ko.
Pagkatapos niyon, magbibitiw na ako. Aasikasuhin ko na iyong pinag-usapan
nating negosyo.”
“Talaga?” tuwang-tuwang sabi ni Catlyn.
“Seryoso ka pa rin pala roon? Akala ko pa naman, kinalimutan mo na iyon.”
“Seryoso akong makapagpundar ng
kabuhayan, Catlyn,” pahayag ng binata. “Para maging karapatdapat ako sa iyo.”
“Ikaw lang ang kailangan ko,” sagot
niya. “Kung paano kita nakilala noon. Iyong kabuhayan, mapagtutulungan nating
dalawa iyon.”
“Ibig mong sabihin, papayag kang pakasal
sa akin?” tanong ni Jake.
“Hinihintay ko lang na yayain mo ako,”
nakangiting sagot niya. “Kahit ngayon mismo, sasama ako sa iyo.”
Tumaas ang kilay ng binata.
“Ngayon mismo?” ulit nito. “Kahit
mahigit isang buwan mo pa lang akong nakikilala at ngayon lang ako nagtapat sa
iyo?”
“Dahil isang buwan na rin naman tayong
parang nag-live in, hindi ba?” natatawang paalala ni Catlyn. “Kaya
kilalang-kilala na kita.”
“Oo nga pala,” natatawa na ring sagot ni
Jake. “Wala na akong maitatago sa iyo.”
Sa mga salitang iyon ay may eksenang
muling nagbalik sa isip ni Catlyn.
“Talagang halos wala ka nang maitatago
sa akin,” pabungisngis na sabi niya.
“Ano’ng pinagtatawanan mo, ha?”
nagdududang tanong ng binata.
Nagtapat na si Catlyn. Ikinuwento niya ang nangyari sa sapa sa bundok. Detalyado.
“ANO?!!!” namumulang bulalas ni Jake.
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito,
pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)