Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: CATLYN Chapter 11

 

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

EKSAKTONG natapos ang kontrata ni Jake kay Greg Garchitorena ay idinaos naman ang kasal nina Jake at Catlyn.

        Ang pondo ay nagmula sa unang malakihang benta ng magkatuwang na magkatipan. May nakuha kasing contact si Catlyn na manufacturer ng mga industrial security devices sa Germany. Sa tulong ng rekomendasyon ni Greg ay nailapit nila ni Jake ang mga produkto sa iba pang mga industriyalista. At dahil maalam si Jake sa mga pasikut-sikot kaugnay ng seguridad, tatlong deal agad ang kanilang naisara.        Kahit malaki ang kinita ng magkatipan, napagkasunduan nilang gawing simple lang ang kasalan. Hindi magarbo.

        Ginawa ang reception sa pinakamaliit na function room ng New Haven Spa Hotel sa Makati. Kaunti lang kasi ang bisita, mga pinakamalapit lang na kamag-anak at kaibigan. Ang groom ay ni wala namang kaanak sa Maynila.

        Ninong sina Greg Garchitorena, Gen. Dario at Lt. Samson.

        Espesyal na bisita sina Garci, Santi, BenHur at CR.

        Hindi siyempre nawawala ang barkada ni Catlyn – ang mag-asawang Alexandra’t Edric, ang mag-asawang Bianca’t Paolo, at si Desiree na siyang maid of honor.

        “Sinasabi ko na nga ba,” himutok ni Des bago nagsimula ang martsa sa simbahan. “Ako nga ang unang nagka-boyfriend sa ating apat pero heto ako, ako pa ang naiwang dalaga.”

        “Pikutin mo na kasi si Arman pag-uwi niya rito,” biro ni Alex.

        “O kaya’y maghanap ka na ng iba,” sabi naman ni Bee.

        “Baka nga matandang dalaga ang kalabasan ko nito, e,” disgustadong sagot ni Desiree. “Hmp, nakakainis talaga!”

        “Hayaan mo, Des, sa iyo ko ihahagis ang bouquet,” pangako ni Catlyn. “Basta siguraduhin mo lang na masasalo mo, ha?”

 

PATAPOS na ang reception nang malaman ni Catlyn na sa honeymoon suite na rin ng New Haven nila idaraos ang kanilang unang tatlong gabi bilang mag-asawa.

        “Akala ko ba, magtu-tour tayo?” nagtatakang tanong niya kay Jake.

        Ang alam kasi niya ay isang gabi lang sila roon. Pagkatapos, tig-isang gabi rin sila sa iba’t ibang sangay ng New Haven Spa Hotel sa bansa.

        “May ibinulong sa akin si Paolo, e,” nakangiting sagot ni Jake. “Alam mo naman iyong nangyari sa honeymoon nila, hindi ba? Siguradong maiiwan din daw tayo ng tourist bus kung bukas natin sisimulan ang tour. Kaya pina-postpone ko.” 

        Natawa na rin si Catlyn.

        “Natatandaan ko  nga ang kuwentong iyon,” sabi niya. “Pero bakit kailangang tatlong gabi pa tayo rito? Ang tagal naman.”

        “Huwag kang mag-alala, sinisiguro ko sa iyong hindi ka maiinip,” kumikindat na sagot ni Jake. “At sinisiguro ko rin sa iyo na tatlong umaga tayong tatanghaliin ng gising. Aba, ang dami mo yatang pagbabayaran sa akin. Natatandaan mo ba iyong ginawa mong kapilyahan sa sapa sa bundok? Alam mo bang hindi ako nakatulog magmula nang ipagtapat mo iyon sa akin?”

        Napabungisngis ang bride.

        “Ikaw naman kasi, e,” panunukso pa niya. “Hindi ko akalaing makapagtitiis ka nang mahigit dalawang buwan. Masyado kang good boy kahit engaged na tayo. Hindi man lang kita na-seduce. Hindi rin ako mapagkatulog, a, baka akala mo.”

        Naningkit ang mga mata ni Jake sa pagkapikon.

        “A, ganoon ha?” sagot nito. “Katakut-takot na pagpipigil na nga ang ginawa ko sa laki ng hiya ko kina Mommy at Daddy, kakantiyawan mo pa ako nang ganyan? Humanda ka mamaya...”

 

PAGDATING ng bagong kasal sa kanilang honeymoon suite, tinupad nga ni Jake ang ipinangako nito.

        Alas-singko ng umaga sa ikaapat na araw ng honeymoon, tumunog ang alarm clock.

        “Sweet...” bulong ni Jake sa may tainga ng asawa. “Alarm clock na yata iyon.”

        “Hmmm,” padaing na sagot ni Catlyn.

        “Pakipatay,” bulong ni Jake.

        Abala kasi ang dalawang kamay nitong gumagala sa katawan ng kabiyak.

        Kinapa ni Catlyn ng isang kamay ang alarm clock na nasa side table. Ilang beses pang tumigil ang kanyang kamay para mangunyapit sa kubrekama, kasabay ng singhap at daing, bago niya nagawang patayin ang alarm.

        “Cat...” bulong uli ni Jake kapagdaka. “Alas-sais ang alis ng bus.”

        “Mmm,” sagot ni Catlyn na parang wala sa sarili.

        Naririnig niya ang sinasabi ng asawa pero wala na siyang pakialam sa bus na iyon.

        “Paano ito?” tanong ni Jake sa pagitan ng pag-ulan ng halik sa kanyang leeg, pababa sa kanyang dibdib.

        “Love... huwag na kaya... huwag na kaya tayong... mag-tour,” pasinghap-singhap na bulalas ni Catlyn.

        “Okay,” malambing na sagot ni Jake bago dumausdos pang lalo na pababa ang mga labi nito.

        “Jake...” daing ni Catlyn. “Jake, tawagan mo muna ang... front desk.”

        “Mamaya na,” sagot ni Jake. “Pagkatapos...”

 

WAKAS

 

May sariling mga kuwento ng pag-ibig sina Alexandra, Bianca, at Desiree.

Abakadang Pag-ibig: Alexandra

Abakada ng Pag-ibig: Bianca

Abakada ng Pag-ibig: Desiree


Basahin ang kwento ng pag-ibig

ng heredera ng mga Garchitorena sa

Abakada ng Pag-ibig: Gwen


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)