FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
MASAKIT na masakit ang ulo niya. Pakiramdam niya’y umiikot ang buong mundo. Nang subukin naman niyang dumilat ay kadiliman ang sumalubong sa kanya.
Tinangka ni Catlyn na magsalita pero
nakabusal ang kanyang bibig. At naramdaman niyang nanunuyo na ang kanyang
lalamunan at bibig.
Maya-maya lang ay nagbalik na sa kanya
ang lahat. Ang biglaan nilang pagpreno sa highway dahil sa nakaharang na mga
sasakyan. Ang pagsulpot ng mga armadong lalaki. Ang pagkakabaril kay Mang
Gener.
Nanghilakbot si Catlyn. Naisip niyang
bihag siya ngayon ng mismong mga taong bumaril kay Mang Gener. Diyos ko! Bakit?
Ano’ng gagawin nila sa kanya?
Pero sa halip na sumigaw uli ay halos
pigilin pa niya ang kanyang paghinga. Ayaw niyang mapansin ng kanyang mga
kidnaper na nagkamalay na siya.
Nasaan kaya siya? Ano’ng nangyari sa
kanya?
May busal ang kanyang bibig. May piring
ang kanyang mga mata. At naramdaman niyang nakatali ang kanyang mga kamay at
paa.
Nakahiga siya sa semento. Patagilid.
Nakadikit sa malamig na semento ang kanyang pisngi. Nakabaluktot ang kanyang
katawan at mga binti. Salamat na lang at sa harap niya nakatali ang kanyang mga
kamay. Mas mahihirapan siya kung sa likod niya nakapilipit ang mga iyon.
Pero sino ang may kagagawan nito? At
para ano?
Nangilid ang mga luha ni Catlyn. Takot
na takot siya.
Narinig niyang may nagbukas ng pinto sa
malapit. Hindi siya kumibo. Kunwa’y wala pa rin siyang malay.
“Ayan,” sabi ng isang tinig-lalaki.
Magaspang.
“Iyan? Sino iyan?” tanong ng isa pang
tinig-lalaki.
Mas pino. Pero may awtoridad. At mas
mabalasik.
“May ID kaming nakita sa wallet niya,”
sagot ng unang lalaki. “Catlyn Mesias. Ni hindi Garchitorena ang apelyido.
Hindi man lang yata kamag-anak ng mga Garchitorena ‘yan.”
“E ba’t n’yo pa binitbit dito?” tanong
ng pangalawang lalaki. “Wala naman yatang pakinabang ‘yan. At bakit wala roon
si Gwen? Kalinaw no’ng nakuha nating tip, a. Siguradung-sigurado raw na ngayong
umaga bibiyahe si Gwen Garchitorena.”
“Nagkaroon siguro ng biglaang
pagbabago,” sagot ng unang lalaki. “Ewan ko. Nataranta rin nga kami, e. Ayaw
namang tirahin ni Carding iyan nang wala ka raw order. Dinala na namin. Nakahanda
na rin naman iyong panyong may gamot na pantapal sa mukha. Baka kahit paano,
may makuha rin tayo kapalit ng babaing iyan. May nakalagay na Mesias Traders
doon sa isang calling card niya. Malay natin, may sariling negosyo ang pamilya
niyan. Kahit isa o dalawang milyon lang, makakuha tayo. Kahit nga ilang daang
libo lang, pambawi rin iyon sa gastos natin.”
“Nasaan ang mga gamit nito na nakuha
n’yo?” tanong ng pangalawang lalaki.
“Andiyan sa kabila, boss,” listong sagot
ng unang lalaki.
Narinig ni Catlyn ang papalayong mga
yabag. Pero hindi na uli naisara ang pinto.
Muli siyang nanghilakbot. Si Gwen pala
ang balak kidnapin ng mga taong ito. Naka-schedule nga namang kasama niya si
Gwen kanina. Nagbago lang ito ng travel plans. Siya tuloy ang napahamak.
Paano na siya ngayon?
Nang muling magsalita ang mga lalaki,
dinig pa rin niya kahit mula sa medyo malayo.
“Small time ito,” inis na sabi ng
pangalawang lalaki. “Tingnan n’yo naman ang mga damit. Panay lokal. Itong
nakuha ninyong relos, Swatch. Itong singsing at hikaw, hindi man lang
mamahalin. Baka kahit isang milyon hindi nito kayang magbigay. Dedoin na lang
natin. Huwag na nating patagalin. Baka matulad pa kay Didit Ong. Wala na nga
tayong nakuha, kamuntik pa tayong sumabit.”
Nangatal si Catlyn sa narinig.
Nabasa niya sa diyaryo ang tungkol sa
nangyari kay Didit Ong, mga dalawang buwan pa lamang ang nakakaraan. Anak ito
ng Chinese billionaire na si Dennis Ong. Kinidnap. Humingi ang mga kidnapper ng
sampung milyong pisong ransom. Lihim namang nakipag-ugnayan ang pamilya Ong sa
militar. Naamoy iyon ng mga kidnapper kaya tumakas ang mga ito kahit hindi pa
nakukuha ang pera. Iniwang bangkay na lamang ang dalagang hostage.
Ito rin pala ang mga taong gumawa ng
karumal-dumal na krimeng iyon. Diyos ko! Ganoon din ba ang kahihinatnan niya?
“Boss, baka may mapiga pa rin tayo kahit
paano,” giit ng unang lalaki. “Kung minsan, mas mabuti pa iyang maliliit na
isda. Mas nagbibigay. At walang masyadong kontak iyan kaya hindi malakas ang
loob na makipag-cooperate sa militar. Kung may negosyo iyan, may umiikot na
pera. Subukan lang natin. Kapag pumalag ang pamilya, e di saka natin tirahin at
iwan.”
“Hmm,” ungol ng pangalawang lalaki. “Sige.
Subukan. Pero alamin muna natin kung ano itong Mesias Traders na ito. Sasama na
ako sa pag-iimbestiga. Baka mabulilyaso na naman kayong mga ugok kayo.
Siguradong nakaalerto na ang mga iyon at alam nang nakidnap ang babaing ito.”
“Okay, boss,” sagot ng unang lalaki.
“Iiwan ko rito si Carding. Mahusay magbantay iyon.”
“Dalhin mong lahat iyang mga gamit, lalo
na iyang singsing,” utos ng pangalawang lalaki. “Kung magpapadala tayo ng sulat
sa pamilya, kailangang kasama ‘yan. Pruwebang hawak natin ang hostage.”
At narinig na ni Catlyn na papalayo pang
lalo ang mga yabag.
Maya-maya’y may narinig siyang
nagbukas-sara na pinto. Makailang beses. Pagkatapos, tunog ng papaalis na
sasakyan.
Nanlalamig na siya. Naninigas na sa
takot. Pero pinipigil niyang mamanhid ang kanyang utak. Ayaw niyang mawalan ng
pag-asa. Kailangang mag-isip siya ng paraan. Kailangan niyang makatakas.
Ayon sa narinig niya, isa lang ang
maiiwang magbabantay sa kanya. Iyong Carding. Ito na ang pagkakataon niya.
Kapag nakabalik ang iba pang mga kidnapper, hindi na talaga siya makakaalpas
pa.
Sinubok niyang igalaw ang kanyang mga
paa. Sobrang higpit ng pagkakatali. At sa pakiramdam niya ay ilang ulit na
pinaikut-ikot sa mga paa niya ang panali.
Sinubok niyang igalaw ang kanyang mga
kamay. Ganoon din. Parang imposibleng
makalag o mapaluwag man lang ang mga taling iyon. Pero sinubok pa rin niyang
ikuskos ang kanyang mga paa’t kamay sa semento. Baka sakaling unti-unting
magnisnis ang panali sa gaspang ng semento.
Mga kinse minutos na sigurong ginagawa
iyon ni Catlyn nang may mga kamay na biglang pumigil sa kanyang mga kamay.
“Hmph!” pagtatangka niyang sigaw.
Nanlaban siya. Nanulak. Nanipa.
Umiiyak na siya sa matinding pagkatakot.
Diyos
ko! sigaw ng isip niya. Tulungan mo
ako! Ayoko pang mamatay! Iligtas mo ako!
“Miss!” sabi ng isang tinig-lalaki.
“Miss, teka. Sandali. Hindi kita sasaktan.
At binitiwan siya nito.
Nanginginig si Catlyn. Hindi niya
mapigil.
Hindi niya kilala ang tinig. Iba sa
naunang dalawa kanina.
“Miss, makinig ka muna,” sabi nito.
“Makinig ka’t nakasalalay rito ang iyong kaligtasan.”
Ano pa nga ba ang magagawa niya kundi
ang makinig?
“Pakakawalan kita,” sabi ng lalaki.
“Tutulungan kitang makatakas.”
Hindi makapaniwala si Catlyn. Totoo ba
ang kanyang narinig? Pero bakit? Bakit biglang-bigla? Anong milagro ito? Baka
nilalansi lang siya. Pinaglalaruan. Ano na namang parusa ito?
“Pakakawalan kita dahil kung hindi,
p-papatayin ka rin nila tulad ni Didit Ong,” sabi ng lalaki sa gumagaralgal
nang tinig. “A-ayoko na. H-hindi ko na kaya. Sabi nila noon, malinis na
pagnanakaw lang ang gagawin namin. No sweat. Walang papatayin. Pagkatapos,
unang job pa lang, m-may... may pinatira na sila sa akin. Kasamahan pa namin.
Pangalawa ‘yung k-kahero. Pangatlo ‘yung d-drayber mo.”
“Diyos ko!” sambit ni Catlyn sa isip
niya. “Ito pala iyong lalaking bumaril kay Mang Gener.”
Lalo siyang nanghilakbot.
“Sharpshooter ako, Miss,” sabi ng
lalaki. “Kaya nakasisiguro ako, tinamaan ko lang ang drayber mo sa balikat.
Flesh wound lang. Hindi niya ikamamatay kung may makakasaklolo sa kanya’t hindi
siya mauubusan ng dugo. Ganoon na lang ang magagawa ko para sa kanya. Tulad ng
ginawa ko rin doon sa una’t pangalawang pinatira nila sa akin. Hindi ko naman
kasi puwedeng tanggihan ang utos nila. Kapag umayaw ako, ako naman ang titirahin
nila. Palagay ko naman, may nakasaklolo agad sa drayber mo sa highway. S-sana.
Tulad ng ipinagdarasal kong may nakasaklolo rin doon sa mga una kong tinira.
P-pero namatay ‘yung isa. Iyong k-kahero. Hindi na kaya ng konsensiya ko kung
may susunod pa.”
Unti-unting nakatanaw ng pag-asa si
Catlyn.
“Iyong si Didit, hindi ako ang bumaril
sa batang iyon,” sabi pa ng lalaki. “Si Boss ang tumira sa kanya noong paalis
na kami. Awang-awa ako sa bata. Hindi ko siya m-makalimutan. Kaya ayokong
mangyari iyon sa iyo.”
Diyos
ko, sana pakawalan na nga niya ako,
dasal ni Catlyn.
“Pakakawalan kita at tatakas na rin
ako,” sabi ng lalaki. “Pakiusap ko lang, sabihin mo sa mga pulis na si Carding
ang tumulong sa iyo. Sabihin mo rin ang mga ipinagtapat ko sa iyo. Makabawas
man lang sa mga kasalanan ko sakaling mahuli rin ako.”
Tumango si Catlyn. Mabilis. Paulit-ulit.
“Kakalagan kita sa kamay,” sabi ni
Carding. “Bahala ka nang magkalag sa tali mo sa paa. Mag-iiwan ako ng kutsilyo
sa may labas ng pinto para magamit mo. Pero bigyan mo ako ng ilang minuto para
makalayo. Kailangang magkahiwalay tayo ng pupuntahan. Hahanapin tayo ng mga
iyon, e. Mas may tsansa tayo kung magkahiwalay. Mag-iingat ka. Lumayo ka agad
dito. Huwag kang titigil sa paglayo.”
Pagkasabi niyon ay sinimulan nang
kalagin ni Carding ang tali niya sa kamay.
Hindi na halos humihinga si Catlyn.
Takot na takot siyang baka magbago pa ang isip ng lalaki. O baka magbalik ang
mga kasama nito’t madatnan sila. Tuluy-tuloy ang tahimik niyang pananalangin.
Maya-maya’y naramdaman niyang libre na
ang kanyang mga kamay. Dahan-dahan niyang iginalaw ang mga iyon.
Lumayo na si Carding.
“Mauuna na ako,” sabi nito. “Magbilang
ka hanggang dalawampu bago mo alisin ang piring mo sa mata. Pagkatapos, madaliin
mo rin ang pagtakas.”
Nagsimulang magbilang si Catlyn.
Wala pa siya sa sampu ay narinig na
niyang nagbukas at nagsara ang pinto na sa tantiya niya ay palabas ng kung
anong gusaling iyon.
Hindi na siya nakapaghintay pa. Hinablot
na niya ang piring niya sa mata. Kasunod ang busal niya sa bibig.
Nasa isang maliit na silid pala siya.
Sementong walang pintura ang sahig at mga dinding. May rehas na bakal ang
bintanang jalousies. May pintong nakabukas.
Maliwanag pa sa labas pero di na
kainitan ang araw. Tantiya ng dalaga ay mga alas-kuwatro o alas singko na ng
hapon.
Nagkukumahog siya sa pagkalag ng tali
niya sa mga paa. Pero hindi niya magawa. Sobrang higpit ng pagkakabuhol ng
panali.
Naalala niya ang kutsilyong binanggit ni
Carding.
Pagapang niyang tinungo ang nakabukas na
pinto. May kutsilyo ngang naghihintay sa tabi niyon.
Nanginginig ang mga kamay ni Catlyn nang
putulin niya ang makapal na gapos sa kanyang mga paa. Hindi pala madaling
gawin. Kahit matalas ang kutsilyo ay nagtagal din siya.
Sa wakas ay naalis din.
Kamuntik na niyang itapon ang kutsilyo
sa isang tabi, kasabay ng tali. Naalala niyang kakailangin niya ng kahit na
anong pananggalang sa kung ano man.
Hawak ang kutsilyo, lumabas siya ng
silid.
Isang maliit na bungalow pala ang kinaroroonan
niya. Unfinished. Walang pintura. Pero kumpleto na.
At halatang iyon ang kuta ng mga
kidnaper. May mga sleeping bag sa gawing salas. May plastic na mesa’t mga silya
sa gawing komedor. May two-burner gas stove at iba pang gamit at pagkain sa
kusina.
Agad na naghanap ng tubig si Catlyn. Ni
wala kasi siyang malunok sa laway. Tuyung-tuyo ang bibig at lalamunan niya.
Nakakita siya ng pitsel. Parang tubig
ang laman. Inamoy niya. Walang amoy. Isinawsaw niya ang isang daliri at
tinikman iyon. Tubig nga. Uminom siya. Naubos niya ang halos nangangalahating
laman ng pitsel.
Parang nabuhayan ng lakas si Catlyn.
Hinanap ng kanyang mga mata ang pintong
papalabas ng bahay.
May isang pintong katabi ng pinagmulan
niya – papasok sa isa pang maliit na kuwarto. May isang pintong katabi ng kusina na nakaawang, patungong banyo’t
kasilyas. Dalawa ang pintong papalabas. Isa sa bandang salas. Isang palabas sa
likod-bahay.
Ang huli ang pinili ni Catlyn. Ayaw
niyang makasalubong ang mga kidnaper sakaling bumalik ang mga ito.
Nanginginig pa ang kanyang mga tuhod
pero pinilit niyang tumakbo. Tumakbo siya nang tumakbo hanggang sa matawid niya
ang hawan na nakapaligid sa bahay at marating niya ang kagubatang nasa likuran
nito.
Kailangan niyang magkubli sa kagutaban.
Kailangan niyang makalayo.
Wala siyang iniisip na direksiyon. Ni
hindi niya alam kung saan gumawi si Carding. Basta takbo lang siya nang takbo.
Biglang-bigla, mula sa likuran ng isang
puno, may lalaking sumulpot at humarang sa kanyang harapan.
Hindi agad nakahinto si Catlyn. Nabangga
siya sa sa dibdib ng estranghero. Nabitiwan niya ang hawak niyang kutsilyo.
At agad na yumakap ang mga bisig nito sa
kanyang beywang. Mahigpit.
Tumili si Catlyn.
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito,
pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)