Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: CATLYN Chapter 3

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

        

NAGPASYA si Jake na itatakas muna niya ang babae. Hindi na baleng masayang ang matagal niyang pagmamanman at paghahanda. Maipagpapaliban niya ang kanyang paghihiganti. Mas mahalagang maialis muna sa panganib ang babae.

        Kagabi pa siya nakapuwesto sa dati niyang kublihan sa kagubatan. Nasa likuran iyon ng bahay na ginagawang safehouse nina Hernandez. Mataas ang kinalalagyan niya kaya kitang-kita niya ang lahat ng nagaganap sa ibaba. May gamit pa siyang largabista.

        Mag-iisang linggo na niyang minamanmanan ang bahay simula pa noong sina Carding at Baltik lang ang pabalik-balik, naghahatid ng supplies. Noon niya nasigurong may gagawin na namang operasyon ang grupo.

        Kahapon ng umaga ay kamuntik nang nabuo ang squad. Bukod kina Carding at Baltik ay dumating din sina Meloy at Gabo.

        Gustung-gusto na niyang sugurin kahapon ang mga ito. Nangangati na ang kanyang mga kamay na mag-itsa ng granada at magpaulan ng bala sa mga hayop. Pero nagpigil siya.

        Kulang pa ng isa. At ang pinuno pa mandin. Si Hernandez.

        Kapag nabulabog ang safehouse, tiyak na maglalaho na parang bula si Hernandez. Kaya naghintay pa siya ng pagkakataon para matiyempuhan ang grupo nang buung-buo.

        Pag-alis ng apat kahapon, umalis din siya. Bumalik siya sa kanyang kuweba sa bundok. Nagpahinga. Kumain. Natulog. Nag-ipon uli ng lakas.

        Kagabi, hatinggabi na nang magbalik siya sa kanyang kublihan. Handa na naman siya sa matagalang pagmamanman. May baon siyang tubig at pagkain.

        Ala-una na ng hapon kanina nang magbalik sina Carding, Baltic, Meloy at Gabo. Sakay ng dalawang van.

        Nakita niya nang ibaba ng mga ito mula sa isang van ang katawan ng isang babae. Natakot siyang baka patay na ang babae. Nagsisi siyang hindi niya itinuloy ang paglusob niya kagabi. Sana’y napigil niya ang panibagong krimeng ito.

        Pero nabuhayan ng loob si Jake nang makita niyang ipinasok ng apat sa bahay ang babae. At sa pagtutok niya ng largabista sa nakabukas na bintana ng bahay ay nakita niya nang maingat itong ilapag sa sahig ng isa sa mga kuwarto. Buhay, kung ganoon.

        Nagsimula siyang magplano kung paano niya maililigtas ang babae.

        Bandang alas-dos, dumating si Hernandez.

        Sumulak ang dugo sa ulo ni Jake.

        Kauna-unahang pagkakataong nakita niyang muli si Rodrigo Hernandez – ang mortal niyang kaaway.

        Isang kalabit lang sa gatilyo ng kanyang long-range rifle ay makapaghihiganti na siya. Pero gagawin lang hostage ng mga kasama nito ang babae. At hindi niya maatim na madamay ang iba sa kanyang problema.

        Pinigil niya ang kanyang sarili.

        Maya-maya’y umalis si Hernandez. Kasama sina Meloy, Gabo at Baltik. Naiwan si Carding. Nag-iisang bantay sa babae.

        Iniisip na ni Jake, madali niyang magagapi si Carding. Makukuha niya ang babae.

        Pero saan niya ito dadalhin? Kung wala pa rin itong malay ay makakaya ba niyang dalhin ito sa kanyang kuweba? Mahirap yata.

        Bahala na. Basta’t ilalayo niya ito sa tiyak na kapahamakan.

        Unti-unti na siyang lumapit sa bahay. Sa pagpapalit-palit niya ng kublihan ay natigil ang pagmamasid niya sa bahay sa pamamagitan ng largabista.

        Nagulat na lamang si Jake nang muli niyang tingnan ang bahay at makitang tumatalilis si Carding. May dala itong backpack at tumatakbong palayo sa bahay, patungo sa kakahuyan. Mabuti na lamang at sa kabilang direksiyon. Hindi patungo sa kanya. Hindi rin naman sa direksiyon ng daang pababa sa bayan.

        Nagtaka si Jake.

        Itinutok niya ang largabista sa bintana ng silid na kinaroroonan ng babae. Wala na ito roon. Kinabahan siya.

        Ano’ng ginawa ni Carding sa babae? Hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili kung may nangyaring masama rito nang hindi man lang niya nasaklolohan.

        Biglang bumukas ang pinto sa likod-bahay. Lumabas ang babae. Tumakbong patungo sa kagubatan. Patungo sa kanya.

        Kumubli si Jake sa likod ng puno.

        Nang heto na ang babae sa may harap niya ay lumantad siyang bigla.

        Bumangga ang babae sa kanyang dibdib. Awtomatikong hinapit niya ito sa beywang.

        At tumili ang babae sa kanyang mukha. Kamuntik nang mabingi si Jake.

 

 

 

ISANG malapad na palad ang tumakip sa bibig ni Catlyn.

        “Tumahimik ka,” utos ng lalaki.

        Lalong nagpumiglas si Catlyn.

        “Hindi kita sasaktan,” pagpapatuloy ng lalaki na hindi man lang natinag sa kanyang paghuhulagpos. “Tutulungan kita.”

        Bigla siyang binitiwan nito.

        Kamuntik nang mawalan ng balanse si Catlyn, pero nakabawi rin siya. At agad siyang humakbang nang paatras. Palayo sa lalaki.

        “Babalik ka roon?” tanong nito. “Sa mga kumidnap sa iyo?”

        “P-paano mong nalaman ‘yan?” takot na takot na tanong ng dalaga. “K-kasama ka nila, ano?”

        Alam niya, hindi ito si Carding. Magkaiba ang boses ng dalawa. Hindi rin ito isa sa dalawang lalaking narinig niya kanina. Pero maaaring may iba pang kasama ang grup na hindi pa lang niya naririnig na nagsalita.

        Umiling ang lalaki.

        “Kaaway nila ako,” sagot nito. “Kaya kakampi mo ako. Minamanmanan ko sila.”

        “Pulis ka?” puno ng pag-asang tanong ni Catlyn.

        Pinagmasdan niya ang kaharap. Matangkad. Matipuno. Sa pangangatawan ay maaaring sabihing pulis o militar. Pero magulo ang makapal na buhok at hindi nakapag-ahit. Baka naman undercover?

        “Hindi ako pulis,” iling ng lalaki. “Pero tutulungan kita. Halika na, huwag tayong mag-aksaya ng oras. Baka  bumalik agad ang mga iyon.”

        Pagkarinig niyon ay hindi na kailangang kumbinsihin pa si Catlyn. Gusto na nga niyang makalayo sa lugar na iyon.

        May dinukwang ang lalaki sa likod ng puno. Pagdiretso nito’y may isinukbit na sa balikat. Baril.

        Napasinghap si Catlyn. Nanlaki ang mga mata.

        Bakit may baril din ang lalaking ito? Sino ito? Pagkakatiwalaan ba niya ang isa ring armadong hindi naman daw pulis?

        Hinila siya ng lalaki sa siko.

        “Dito tayo,” sabi nito.

        “T-teka...” sabi niya.

        Kumalas si Catlyn. Mabilis siyang yumuko para pulutin ang nabitiwan niyang kutsilyo. Kasabay niyon, iniisip niya kung ano ang susunod niyang gagawin.

        Pero naunahan siya ng lalaki. Nadampot na agad nito ang kutsilyo.

        “Ako na’ng magdadala nito,” sabi sa kanya. “Baka matalisod ka pa’t masugatan mo ang sarili mo.”

        Gusto niyang tumanggi pero naisukbit na ng lalaki sa sinturon ang kutsilyo. At wala siyang sapat na lakas ng loob para agawin iyon.    Litung-lito si Catlyn. Panibagong panganib ba itong nasuungan niya?

        Pero wala naman siyang pagpipilian. Sa tantiya niya’y hindi niya agad matatakbuhan ang lalaking ito. Mas mabilis at maliksing kumilos ito kaysa sa kanya. Mas malakas pa. At mukhang sanay sa bundok at kagubatan.

        “Tayo na,” sabi ng lalaki.

        At muli siya nitong hinila sa siko.

        Naging sunud-sunuran si Catlyn.

        Wala na silang imikan pagkatapos niyon. Lakad-takbo na lamang paakyat sa gubat na nasa gilid ng bundok. Pahilis sila sa kanilang pinagmulan.

        Nauuna ang estranghero. Hatak-hatak siya.

        “Bakit tayo umaakyat?” tanong ni Catlyn nang hindi na niya matiis ang pagdududa. “Hindi ba pababa ang patungong kabayanan?”
        “Diyan ka rin unang hahanapin nina Hernandez,” sagot ng lalaki. “Susuyurin nila ang pababa ng bundok. Gusto mo bang maabutan nila tayo? Mabagal ka pa namang kumilos.”

        “Pero saan tayo pupunta?” tanong niya. “Saan mo ako dadalhin?”

        “May kuweba akong pahingahan diyan sa itaas ng bundok,” sagot ng lalaki. “Doon muna tayo. Hindi nila tayo makikita roon.”       

        Tinanggap na rin ni Catlyn nang pansamantala ang paliwanag na iyon.

        May dinatnan silang matarik na bahagi ng bundok. Hatak pa rin siya ng lalaki.

        “Hindi ko kaya diyan,” sabi ni Catlyn.

        “Kakayanin mo,” sagot ng lalaki.

        “Dito na lang sa kaliwa,” sabi niyang itinuturo ang mas patag na bahagi ng bundok.

        “Para mas madali kang mahanap ng mga hahabol sa iyo?” sabi ng lalaki.

        Tiningala ni Catlyn ang matarik na bahagi ng bundok.

        Hindi nga iisipin ng mga kidnaper na kakayanin niyang akyatin iyon nang mag-isa.

        “Sige,” tango niya. “Kakayanin ko.”

        Nauna pa rin ang lalaki. Halos hilahin na siya nitong paakyat. Itinuturo sa kanya kung saan niya iaapak ang kanyang mga paa.

        Hindi na nag-iisip si Catlyn ng iba pa liban sa bawat hakbang na ginagawa niya. Ang mahalaga’y huwag siyang madulas. Huwag makabitiw sa kamay ng lalaki. Huwag madausdos.

        Sa mga sandaling iyon ay nakasalalay ang kanyang buhay sa kasama na estranghero. Mahigpit ang kapit niya sa kamay nito.

        Hindi niya tinitingnan ang ibaba ng bundok. Hindi niya iniisip kung gaano pa kalayo ang itaas. Basta’t mairaos lang niya ang bawat hakbang.

        Nagkagalus-galos na ang kanyang mga kamay at braso. Hindi niya alintana ang hapdi. Mas takot siyang mahulog. Hindi naman nakamamatay ang mga galos.

        Nag-aagaw na ang liwanag at dilim nang abutin nila ang itaas ng bundok. Pareho silang humihingal. Pero pakiramdam ni Catlyn ay mapupugto na ang kanyang hininga.

        “Magpahinga lang tayo sandali,” sabi ng lalaki. “Pagkatapos, tumuloy na tayo. Malapit na lang naman ang kuweba. Kailangang makarating tayo roon bago tuluyang dumilim.”

        “S-sino... ka... ba?” tanong ni Catlyn sa pagitan ng paghingal. “B-bakit ka... may p-pahingahang... kuweba? B-bakit mo ako... tinutulungan?”

        “Dapat lang naman, hindi ba?” sagot ng lalaki. “Kailangan mo ng tulong. At hindi ako masamang tao. Hindi ko kayang pabayaang mapahamak ang kahit na sinong nakikita kong nasa panganib at kaya ko namang tulungan. Pero mamaya ko na ipapaliwanag sa iyo kung sino at ano ako, pagdating natin sa kuweba. Huwag ka na munang magsalita at lalo ka lang hihingalin. Magpahinga ka na lang.”

        At inabutan siya nito ng lalagyan ng tubig.

        Pagkakita sa canteen ay nakalimutan na ni Catlyn ang mga katanungan. Uhaw na uhaw na pala siya.

        Halos maubos niya ang tubig. Naalala lang niya ang lalaki kaya siya tumigil sa paglagok.

        “S-sorry,” sabi niya nang isinosoli na rito ang lalagyan. “Naparami ang inom ko.”

        “Okay lang,” sagot nito. “Mas kailangan mo naman.”

        At inubos na nito ang natirang laman ng canteen.

        Mga limang minuto lang siyang pinagpahinga ng lalaki. Nagyaya na agad ito.

        “Tayo na.”

        Sumunod na naman si Catlyn.

        Bahagyang pataas na lamang ang nilakad nila. Hindi na matarik. Pero masukal pa rin ang kagubatan. Hinahawan lang ng lalaki ng kamay ang kanilang dinaraanan.

        Normal na ang kanilang paglakad. Hindi na nagmamadali. Unti-unti na ring humupa ang paghingal ng dalaga.

        “Hayun na ang kuweba, o,” sabi ng lalaki maya-maya.

        Tumingin si Catlyn sa dakong itinuturo ng lalaki pero wala naman siyang makitang kuweba.

        “Saan?” tanong niya.

        Natawa ang lalaki.

        “Hindi mo nga makikita,” sagot nito. “Nakatago sa mga halaman.  Iyon ang kagalingan sa kuwebang iyon. Tagung-tago. Ligtas tayo roon.”

        “S-sigurado ka?” kinakabahang tanong niya. “Hindi na nila tayo masusundan?”

        “Dadalawa ang daan paakyat dito,” sagot ng lalaki. “Iyong inakyat natin at isang mas matarik pa. Ang ibang bahagi ng bundok na ito, maaakyat lamang ng mountain climber na naka-rappel dahil malabangin at mabato. Hindi naman siguro nila iisiping magagawa mong umakyat kahit man lamang doon sa inakyatan natin kanina. Isa pa, mas iisipin nilang isinama ka ni Carding.  At siguradong ang takbo ni Carding ay hindi patungong itaas ng bundok kundi pababa sa pinakamalapit na kabayanan. Doon ka nila hahanapin.”

        “Kilala mo si Carding?” gulat na sambit ni Catlyn.

        “Kilalang-kilala ko silang lahat,” sagot ng lalaki.

        Lalong nagulumihanan si Catlyn. Muli siyang nag-isip. Dapat bang nagtiwala siya sa lalaking ito? Hindi kaya niya inilagay pang lalo ang kanyang sarili sa panganib? Mas mahirap pa namang takasan ang lugar na ito. Alam niyang hindi niya kakayaning bumaba nang mag-isa sa inakyat nila kanina. Tiyak na mahuhulog siya.

        Napatingin siya sa lalaki.

        Kunsabagay, nabawasan na ang takot niya rito. Siguro, dahil maayos naman siyang inalalayan nito magmula pa kanina. Wala siyang nadamang kagaspangan sa kilos nito.

        At kahit pa makapal ang buhok ng lalaki, hindi nakapag-ahit, mukhang barakung-barako at palaban, sa mas malapitang pagsusuri ay hindi nga naman ito mukhang masamang tao. Kumbaga, mas mukha itong action star kaysa kontrabida.

        Napangiwi si Catlyn sa sarili sa ideyang iyon. Dito ba naman sa gitna ng ganitong panganib ay ganoong mga kalokohan pa ang naiisip niya?

        May hinawing mga sukal ang lalaki. At natambad sa paningin ni Catlyn ang telong kulay berde. Nakasabit sa kung saan at nakaladlad na parang kurtinang nakatabing sa harap nila.

        “O, heto na’ng gate natin,” sabi ng lalaki. “Ano’ng masasabi mo?”

        At hinawi naman nito ang telon. Bungad na pala ng kuweba ang nasa likuran niyon. Pagkadilim-dilim na kuweba na nasisinagan lang ng flashlight na hawak ng lalaki.

        “Ang galing!” napapakurap na sagot ni Catlyn.

        Pumasok ang lalaki. May niyuko.

        Umilaw ang isang gasera. Maliwanag.

        “Isara mo na ang telon,” utos ng lalaki. “Hindi dapat maaninag sa labas ang liwanag.”

        Tumalima si Catlyn.

        Nagpalinga-linga siya sa kuweba.

        Maliit lang ‘yon. Tantiya niya ay humigit-kumulang sa apat na metro ang haba at lapad. At mukhang dati na ngang pinagpapahingahan ng lalaki dahil maraming nakaayos na supplies sa isang tabi. May mga plastic na boteng lalagyan ng tubig. May mga pagkaing de-lata. May tumpok ng mga hilaw na kamote. May isang malaking backpack.

        Isang bagay ang kumislap sa utak niya. Ang tanging maaaring maging paliwanag sa lahat ng ito.

        “NPA ka ba?” diretsahang tanong niya sa lalaki.

        “Hindi,” iling nito. “Wala akong grupo. Mag-isa lang ako.”

        May kinuha itong plastic na bote ng alcohol mula sa malaking backpack sa sulok. Iniitsa sa kanya.

        Nasalo naman iyon ni Catlyn.

        “Linisin mo ang iyong mga galos para hindi maimpeksiyon,” sabi ng lalaki. “Tiisin mo lang ang hapdi.”

        May pahabol pa itong iniabot sa kanya. Isang pakete ng bulak.

        Sumunod si Catlyn.

        Pero sa unang dampi pa lang ng bulak na may alcohol sa isa sa kanyang mga galos ay napadaing na siya sa nadamang hapdi. Hinipan niya nang hinipan ang kanyang galos sa braso. Sumungaw ang luha sa kanyang mga mata.

        Lumapit ang lalaki.

        “Akina,” sabi nito habang kinukuha mula sa kanya ang bulak na may alcohol.

        Hinawakan nito ang kanyang braso at sinimulang linisin. Maingat na maingat. Ito na rin ang umihip sa kanyang mga nililinis na galos.

        Lalong naintriga si Catlyn sa kanyang kaharap.

        Natapos ang paglilinis sa mga galos ng dalaga. Natiis niya ang hapdi.

        Pagkatapos maisoli sa backpack ang alcohol at natirang bulak, naupo ang lalaki sa sahig ng kuweba. Pasandal sa dinding.

        Gumaya si Catlyn. Pero sa kabilang dinding siya sumandal. Kaharap nito.

        “Sino ka bang talaga?” tanong niya uli. “Ano’ng kinalaman mo sa kanila? Ano’ng ginagawa mo rito?”

        “Ikaw muna,” sabi ng lalaki. “Sino ka? Ano’ng ginawa nila sa iyo?”

        “Ako si Catlyn Mesias,” sagot niya. “Napagkamalan nila akong si Gwen Garchitorena dahil nakasakay ako kanina sa van ng mga Garchitorena...”

        Muli niyang naalala ang naganap kay Mang Gener.

        Biglang napaiyak si Catlyn.

        “S-si Mang Gener,” pahikbi nang sabi niya. “Diyos ko! Binaril nila si Mang Gener!”

        Nagbalik sa kanyang gunita ang pagkakalugmok ng matanda. Napahagulgol na siya nang tuluyan.

        Lumipat ang lalaki sa tabi niya. Hinagod siya sa likod. Nang-aalo.

        “Sino si Mang Gener, Catlyn?” tanong nito.

        “D-drayber siya ng mga Garchitorena,” sagot ng dalaga. “K-kanina nga lang kami nagkakilala. Kumbidado lang naman kasi kami ng mga Garchitorena sa resthouse nila sa Buenavista.”

        “Kaibigan ka ng mga Garchitorena?” sabi ng lalaki.

        Umiling siya.

        “Hindi talagang kaibigan,” sagot niya. “Hindi naman kami ubod ng yaman na tulad nila. May business lang kami at may mga ibinebenta kami sa kanila. Kaya nga hindi namin matanggihan ang imbitasyong ito. Kliyente sila e. Diyos ko, kung alam ko lang na ganito ang aabutin ko, hindi na baleng hindi masara ang deal na iyon.”

        “May business kayo? Kayo nino?” pag-iimbestiga pa ng lalaki.

        “Kami ng mga magulang at kapatid ko,” sagot ng dalaga. “Maliit na trading company. Kumbaga, buy and sell. Pero sabi nga no’ng isa sa mga kidnaper kanina, small time. My God, balak nilang patayin na lang ako kung wala kaming mabibigay sa kanilang pang-ransom. T-tulad daw ng ginawa kay... kay Didit Ong. Oh my God...”

        At muling napahagulgol si Catlyn.

        “Sinasabi ko na nga ba,” matigas na sabi ng katabi niyang lalaki. “Kagagawan nila ‘yon.”

        Pagkatapos, may naalala ito.

        “Paano ka nga pala nakatakas?” tanong nito sa kanya.

        “Iyong iniwan nilang bantay, pinalaya ako,” sagot niya. “H-hindi na raw niya kayang masangkot pa sa p-pagpatay.”

        “Si Carding,” sabi ni Jake.

        “Siya nga,” sagot ni Catlyn. “A-at ikaw – sino ka nga ba? Sagutin mo naman ako. Ano’ng gagawin mo sa akin. Tutulungan mo ba talaga ako o baka pinaaasa mo lang ako sa wala?”

        “Jake ang pangalan ko,” sagot ng lalaki.

        “Jake ano?” tanong pa niya.

        “Jake na lang,” sagot nito. “Tama na iyon.”

        “Ano’ng ginagawa mo rito sa bundok, Jake?” tanong niya. “Bakit may kuweba kang ganito?”

        “Minamanmanan ko sila,” sagot ni Jake.

        “Bakit nga?” tanong pa ni Catlyn.

        “Kailangan kong maghiganti sa kanila,” sagot ni Jake. “Napakalaki ng kasalanan nila sa akin.”

        Natigilan si Catlyn.

        Mahina lang ang boses ni Jake. Banayad ang pananalita. Pero damang-dama niya ang matinding galit sa mga binitiwan nitong salita.

        “B-bakit? A-ano’ng ginawa nila sa iyo?” kinakabahang tanong niya.

        “Sinira nila ang buhay ko,” mariing sagot ni Jake. “Dahil sa kanila, pinaghahanap ako ngayon ng mga pulis at nabansagang kriminal!”

        Natulala si Catlyn. Nanlamig. Namutla.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)