Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: CATLYN Chapter 4

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

GUSTO nang umurong si Catlyn papalayo. Gusto na niyang sumigaw. Humingi ng saklolo. Tumakbo.

        Isa palang nabansagang kriminal itong taong sinamahan niya. Pinaghahanap ng mga pulis. Tumakas siya mula sa mga kumidnap at balak pumatay sa kanya para lang mahulog sa mga kamay ng lalaking ito?

        Kitang-kita iyon ni Jake.

        Nanlumo ang binata.

        “Catlyn, hindi ako masamang tao,” sabi nitong nakatitig nang diretso sa kanyang namimilog na mga mata. “Ewan ko lang kung paniniwalaan mo ako. Lahat na yata ng makarinig na wanted ako ng mga pulis ay agad na natatakot sa akin. Pero isinusumpa ko, wala akong kasalanan.”

        Napakurap ang dalaga.

        “B-bakit ka w-wanted?” nagawa niyang itanong.

        “Kasangkot daw ako sa pagnanakaw at pagpatay,” sagot ni Jake.

        Lalong nanlaki ang mga mata ni Catlyn.

        “Pero wala akong kasalanan, Catlyn,” giit ng binata. “Hindi ko ginawa ‘yon. Wala akong kinalaman doon. Na-frame up lang ako. At ang may kagagawan ay ang grupong kumidnap sa iyo.”

        Nakatitig pa rin sa kanya si Jake. Nakikiusap ang mga mata. Humihingi ng kahit kaunting pagtitiwala mula sa kanya.

        “P-paano’ng nangyari?” tanong niyang may agam-agam pa rin.

        “Magkasama kami sa iisang security agency,” pagkukuwento ni Jake. “Na-assign ang team namin sa pabrika ng Ivory Ceramics sa Cavite. Malaking kompanya iyon na nag-e-export ng iba’t ibang ceramic products. Team leader namin si Rodrigo Hernandez. Anim kaming lahat. Ang apat pa ay sina Carding, Baltic, Meloy at Gabo.

        “Baguhan lang ako sa grupo. Kapapasok ko pa lang sa agency. Kaya hindi ko alam na may plano na pala sila. Balak pala nilang nakawan ng payroll ang Ivory. Inside job.

        “Noong gabi bago nila isagawa ang pang-aagaw, saka lang ako kinausap ni Hernandez. Inalok ako ng parte sa makukulimbat. Mahigit isang milyon ang suma total dahil mahigit tatlong daan ang mga manggagawa ng kompanya. Mga dalawandaang libo rin daw ang magiging parte ko.

        “Nagwala ako. Hindi ko kasi matanggap na ganoon pala silang klase ng tao. Nagtiwala pa naman ako sa kanila. Akala ko, matino ‘yong nasamahan kong grupo.

        “Hindi na nila ako pinakawalan pa. Noong gabi ring iyon, bugbog sarado  na ako. Pagkatapos, dinala ako sa isang lugar na walang katau-tao. Binaril ako at iniwan sa gitna ng masukal na damuhan. Akala siguro nila, patay na ako.”

        Binaltak ni Jake ang suot na t-shirt pataas. Natambad ang dibdib nito na sa gawing ibaba ng kaliwang balikat ay may sariwa pang bakas ng tinahing sugat.

        Napasinghap si Catlyn.

        “I-ikaw ‘yung sinabi ni Carding na unang pinatira sa kanya,” sabi ng dalaga. “A-ayaw raw niya pero wala siyang nagawa. Sinadya na lang daw niyang patamaan ka sa balikat. Flesh wound na lang. Para raw may tsansa ka pang mabuhay sakaling may makasaklolo sa iyo at hindi ka maubusan ng dugo.”

        Parang mga bahagi ng jigsaw puzzle na napagtagni-tagni niya ang mga kuwento nina Carding at Jake. Gumaan ang kanyang dibdib. Nasisinag na niya ngayon ang katotohanan.

        Natawa nang patuya si Jake.

        “Dapat pa pala akong magpasalamat kay Carding,” sabi ng binata.

        Pagkatapos ay sumeryoso ito.

        “Utang ko ang buhay ko sa mag-amang magsasaka na nakapulot sa akin sa lugar na iyon. Kahit duguan ako, hindi sila natakot na iuwi ako’t pagpalain. Binendahan nila ang sugat ko. Tumawag sila ng albularyo. Mabuti na lang at nagkataong ang albularyong iyon ay marunong ding mag-alis ng bala at gumamot ng impeksiyon. Inabot din ng tatlong araw ang lagnat ko’t pagdedeliryo pero nairaos din nila ako.”

        “Bakit hindi ka nila dinala sa ospital?” tanong ni Catlyn.

        “Wala silang pera,” sagot ni Jake. “Malayo ang ospital. At hindi sila sanay magpaospital. Iyong albularyo lang ang inaasahan nila kahit sa sarili nilang mga sakit. Mabuti na nga lang iyon. Dahil noong gumaling ako ay saka ko nalamang itinuloy pala nina Hernandez ang pagnanakaw sa payroll. Napatay pa nila ang kahero ng kompanya. At komo kasama ako sa grupo, nang mawala ang buong security team ay kasama nila akong nalagay sa listahan ng mga wanted.”

        “E di nagsabi ka sana ng totoo sa mga pulis,” bulalas ni Catlyn. “Star witness ka pala. Ikaw ang nakakaalam sa lahat. Bakit hindi mo sila isinuplong? Biktima ka rin nila, a.”

        Muling natawa si Jake. Mapait na pagtawa.

        “At maniniwala sa akin ang mga pulis?” sagot nito.

        “Bakit hindi?” pagtataka ni Catlyn.

        “Masama ang rekord ko, Catlyn,” sabi ng binata. “Hindi ako iyong tinatawag na credible witness.”

        “Bakit naman?” tanong pa ng dalaga.

        “Dati akong pulis,” sagot ni Jake. “Pero naalis ako sa serbisyo.”

        “Ha?” gulat na sambit ni Catlyn.

        “Pulis ako sa Mindanao, sa Davao del Norte,” sabi ni Jake. “Na-assign kami sa Baranggay Isidro, sa bunduk-bundok na. Marami raw kasing NPA sa lugar na iyon. Totoo pala. Isa ako sa mga nadukot nila.”

        Napatakip ang kamay ni Catlyn sa bibig niya.

        Ano ba naman ang buhay nitong lalaking ito? Parang sine. Masyadong maraming drama at aksiyon.

        “Hindi naman kami sinaktan,” mabilis na pahabol ni Jake. “Siguro, dahil maayos naman ang naging relasyon namin sa mga tao sa Isidro at mga kaanak din nila iyong mga kasapi ng NPA na kumuha sa amin. Wala kaming mga nagawang pang-aabuso sa mga tao roon. Noong ipinapaliwanag nila sa amin ang kanilang ideolohiya, kahit hindi ako sumasang-ayon ay nauunawaan ko kung bakit at paano sila napilitang kumapit sa ganoong paniniwala. Tingin kasi nila, pinabayaan na sila’t hindi ipinagtatanggol ng pamahalaan. Inisip nila na wala nang pag-asa ang tulad nilang mahihirap sa loob ng kasalukuyang sistema ng lipunan.”

        “S-sumapi ka sa kanila?” tanong ni Catlyn.

        “Hindi,” iling ni Jake. “Hindi pa rin ako sumasang-ayon sa ideolohiya nila. Pero naging kaibigan ko sila kahit paano. At pinakawalan nila kami. Doon nagsimulang magduda sa akin yung aming hepe. Lalo pa nung nagmungkahi ako na baka puwedeng daanin sa maayos na pag-uusap at mga programang pantao ang pangungumbinse sa mga mamamayan ng Isidro na magbalik-loob sa pamahalaan. Dahil sa mga pahayag kong iyon, nawalan ng tiwala sa akin ang aking mga superiors. Pinagbintangan akong komunista. Wala pang isang buwan, tinanggal na ako serbisyo.”

        “But that’s unfair,” sabi ni Catlyn.

        Nagkibit-balikat si Jake.

        “Kanino ako maghahabol?” sabi nito. “At bakit pa? Ayoko na rin namang maging pulis kung ganoon din lang ako kadaling pagbintangan.”

        “Kaya ka ba pumasok sa security agency?” tanong ni Catlyn.

        Tumango ang binata.

        “Umalis ako sa Davao at lumuwas dito sa Maynila,” pagpapatuloy nito sa salaysay. “Naisip kong gamitin ang training ko laban sa mga totoong kriminal. At dahil hindi na ako puwedeng maging pulis, security agency ang tinungo ko.”

        “Iyon pala, naroon ang mga talagang kriminal,” dugtong ni Catlyn. “Maling agency ang napasukan mo. Minalas ka.”

        “Sila ngayon ang misyon ko,” nakatiim-bagang na pahayag ni Jake. “Makapaghihiganti rin ako sa kanila.”

        “Paano mo sila na-trace dito?” tanong ni Catlyn.

        “Noong gumaling ako’t nalaman ko ang ginawa nila, nagplano na ako,” sagot ni Jake. “Dahil hindi nga ako puwedeng magsuplong sa batas, ako na lang ang uusig sa kanila. Binalikan ko ang lahat ng impormasyong nakuha ko sa mga dati naming kuwentuhan. Palihim kong pinuntahan ang mga lugar na nabanggit nila. Nakaabot pa nga ako sa Bikol dahil tagaroon si Hernandez. Pero wala akong nakuha. Nagbakasakali ako rito Quezon dahil tagarito si Carding. Dito ko sila natiyempuhan.”

        “Saan ka kumuha ng mga armas?” may pagdududang tanong ni Catlyn.

        Bukod kasi sa dala ni Jake kanina na riple ay may nakita pa siyang handgun na nakasukbit sa beywang nito. At may namataan pa siyang granada.

        “Sa agency,” sagot ng binata. “Ito, inaamin ko, ninakaw ko. Pinasok ko ang agency isang gabi. Kabisado ko iyon kaya nakasalisi ako.”

        “Nagnakaw ka rin,” panunumbat ni Catlyn.

        “Wala na akong choice,” sagot ni Jake. “At para rin naman sa mga mamamayan ang gagawin kong pang-uusig sa mga kriminal na iyon. Para hindi na madagdagan pa ang kanilang mga biktima.”

        “Labag sa batas ang maging vigilante, Jake,” paalala ng dalaga. “Hindi natin dapat inilalagay ang batas sa ating mga kamay.”

        “Madaling sabihin iyan kung hindi ka pa napapaso,” sagot ng binata. “Ako, hindi lang napaso. Sunog na sunog na ako. Wala na akong pangalan o reputasyon. Maibabangon ko na lang ang aking dangal sa pamamagitan ng paghihiganti sa grupong iyon. At para ko na ring binigyang katarungan ang pagkamatay ni Didit Ong, ng kaherong si Mr. Corpuz at ng kasama mo kanina, pati na rin ang pagkidnap sa iyo.”

        Napailing si Catlyn.

        “Ano’ng gagawin mo? Susugurin mo’t papatayin ang sinasabi mong sina Hernandez?” pang-uusig niya. “Magagawa mo nga ba iyon?”

        “Gagawin ko na nga sana kanina kung hindi lang naroon ka’t madadamay,” sagot ng binata.

        Napamulagat si Catlyn.

        “Papatay ka, Jake?” sabi niya. “Akala ko ba, ayaw mo ng ganoon?”

        “Mga pusakal na kriminal at mamamatay-tao itong makakaharap ko ngayon,” sagot ni Jake. “Buhay ang inutang nila at buhay rin ang kapalit.”

        “Pero madudungisan ng dugo ang iyong mga kamay,” sabi ni Catlyn. “Kapag ginawa mo iyon, Jake, ano pa ang kaibhan mo sa kanila?”

        Natigilan ang binata. Napatingin sa kanya.

        “Sumama ka na lang sa akin, Jake,” pangungumbinse ni Catlyn. “Sumuko ka. Susuportahan kita. Kukuha tayo ng mahusay na abugado para pakinggan ka ng korte at ng batas. Maipapakulong natin ang grupong iyon.”

        Agad na umiling ang binata.

        “Hindi,” sagot nito. “Malabong mangyari iyon. Wala naman akong pambayad sa magaling na abugado. Kapag sumuko ako, siguradong pati ako sasabit. Madaling baluktutin ang katotohanan. Sa bilibid ang bagsak ko niyan. Pagkatapos, tutuluyan na nila Hernandez ang pagligpit sa akin. Siguradong may mga galamay rin sila ro’n.”

        Bago pa muling nakapangatuwiran si Catlyn ay tumayo na si Jake. Tinungo nito ang tumpok ng mga de lata.

        “May skyflakes tayo,” sabi nito. “Ano’ng gusto mong isabay, pork and beans with hotdog o pork and beans with corned beef?”

        “Kahit ano,” pagkikibit-balikat niya. “Bahala ka.”

        “May binuksang dalawang de lata ang binata. May binuksan ding pakete ng biskuwit. Dinala ang mga iyon sa kanya, kasama ang dalawang plastic na kutsara.

        “Pork and beans with corned beef at Skyflakes,” sabi ni Jake. “Pagpasensiyahan mo na itong hapunang ganito, ha?”

        “Anong pagpasensiyahan?” sagot ni Catlyn. “Sa tindi ng gutom ko ngayon, kahit hilaw na kamote puwede ko sigurong kainin. Almusal pa ang huling kain ko, a.”

        Iniabot ng binata sa kanya ang isang lata ng pork and beans at isang kutsara. Inilapag naman nito sa tabi niya ang pakete ng biskuwit. Pagkatapos, may kinuha itong plastic na litrong bote ng tubig. Inilapag din iyon sa tabi ng biskuwit. Saka  lang ito naupo sa tabi niya, hawak ang isa pang lata ng pork and beans at kutsara.

        “Kumpleto, a,” sabi ni Catlyn pagkatapos lumunok ng pork and beans. “Handang-handa ka.”   

        “Pang-emergency ko nga lang itong mga ito,” sagot ni Jake. “Kapag ganitong wala nang panahong maghanda. Kung kaya rin lang kasi, nag-iihaw ako ng kamote riyan sa labas ng kuweba. Pero puwede lang gawin iyon sa araw. Iyong hindi magiging pansinin ang apoy.”

        “Dala mo rin iyang mga kamote?” tanong ng dalaga.

        “Hindi na,” iling ni Jake. “Wild lang ‘yan. Hinukay ko riyan sa paligid.”

        “Talaga?” gulat na sabi niya.

        “Hindi lang kamote ang makukuha sa gubat,” dagdag ni Jake. “Nakakapitas din ako ng saging. Kung minsan, may naliligaw na papaya. May niyog pa – wala nga lang akong gulok na pambukas niyon. Ayokong ipakipagsapalaran sa bao ng niyog itong aking hunting knife.”

        “E ang tubig, saan mo kinukuha?” tanong ni Catlyn.

        “May bukal diyan sa malapit,” sagot ng binata. “Malinis ang tubig.”

        “Kung pakikinggan lang kita, parang ang dali-dali nitong ginagawa mo,” sabi ni Catlyn. “Parang nagka-camping ka lang.”

        Dumilim ang mukha ng binata.

        “Huwag kang magkakamaling isipin ‘yan,” sagot nito. “Huwag mong kalilimutan kung bakit ginagawa ko ito. Mapanganib ito, Catlyn. Hindi ito bakasyon.”

        Napakislot ang dalaga.

        Panandalian na sanang nakatakas siya sa kanyang pagkatakot. Pero muling ipinamukha sa kanya ni Jake ang katotohanan. Parang bigla siyang nawalan ng ganang kumain.

        Ibinaba niya ang lata ng pork and beans. Kinuha na lamang niya ang bote ng tubig. Uminom siya mula roon.

        Nang hindi na niya uli kinuha ang de lata, pinansin siya ni Jake.

        “Tapos ka na?”

        “Nawalan na ako ng gana,” amin niya. “Ipinaaalala mo pa kasi sa akin ang sitwasyon.”

        “Pilitin mong ubusin ang pagkain mo,” utos ng binata. “Sayang iyan. Walang refrigerator dito. At kailangang mong mag-ipon ng lakas. Malayo ka pa sa kabihasnan.”

        Dinampot niya uli ang lata. Pilit na nagsubo.   Mas unang natapos si Jake. Naubos nito ang isang lata ng pork and beans. Napangalahati ang pakete ng Skyflakes.

        Tumayo ito at kumuha ng sariling litrong bote ng tubig.

        “Ano’ng plano mo ngayon?” tanong ni Catlyn matapos niyang maubos na rin ang kanyang pagkain. “Paano ako?”

        “Matulog na muna tayo,” sagot ni Jake. “Bukas na natin ayusin iyan. Diyan ka na humanap ng pupuwestuhan mo. Dito ako sa may bungad mahihiga. Hihinaan ko lang ang gasera para may maaninag ka pa rin. Kung papatayin natin iyan, talagang wala kang makikita.”

        “E... k-kailangan ko sana munang lumabas,” parang nahihiyang sabi ng dalaga.

        Agad namang naunawaan iyon ni Jake.

        “Oo nga pala, sorry,” sagot nito. “Hindi ko naisip iyon. Kunsabagay, ako rin. Halika.”

        May kinuha itong ekstrang flashlight na iniabot sa kanya bago siya iginiyang palabas ng kuweba.

        “Sandali, titingnan ko muna kung walang ahas,” pabirong sabi nito bago tinungo ang isang kulumpon ng matataas na damo na katabi ng kuweba.

        “A-ahas?” kinakabahang ulit ni Catlyn.

        Bumalik si Jake mula sa likuran ng damuhan.

        “Wala. Walang ahas,” nakangiting bawi nito. “Sige, puwede ka na. Bilisan mo lang. Dito lang ako. Sumigaw ka kung ano man.”

        “S-sigurado kang walang ahas?” tanong pa rin ng dalaga. “B-baka may biglang sumulpot.”

        “Binulabog ko na ang lugar,” sabi ni Jake. “Kaya nga bilisan mo na bago pa magbalikan ang mga kung anu-ano roon.”    

        Mabilis ngang tumalima si Catlyn.

        Kung maaari nga lang sana ay pipigilin na lamang niya ang tawag ng kalikasan. Takot na takot na siya’y ilang na ilang pa. Nahihiya siya kay Jake. Pero hindi talaga pupuwedeng magpigil pagdating sa ganitong bagay. Bumigay na siya.

        Pagkatapos ay halos patakbong bumalik siya sa kinaroroonan ng binata. Inabutan niya itong nakatalikod sa pinanggalingan niya.

        Maginoo naman pala, naisip ni Catlyn.

        “T-tapos na ako,” sabi niya.

        Hinarap siya ni Jake.

        “Dito ka muna,” sabi nito. “Ako naman.”

        Agad ding tumalikod si Catlyn sa patutunguhan ng binata.

        Mas mabilis si Jake. Sandali lang at nasa tabi na uli niya ito.

        “Halika na,” sabi nito.

        Pagpasok nila sa kuweba, nagbilin pa ang binata.

        “Gisingin mo lang ako kung kailangan mong lumabas uli. Huwag kang mahihiya. Lalong huwag kang mangangahas na lumabas nang mag-isa. Mahirap na. Gubat iyang nasa labas.”

        Tumango si Catlyn bago nahiga sa malayong dulo ng kuweba.

        Pero iniisip niya – nagmamalasakit ba si Jake o tinatakot lang siya para hindi niya maisipang tumakas?  Maging ang pagpuwesto nito sa may bungad ng kuweba ay pagpuprotekta ba sa kanya o paninigurong hindi siya makakaalpas?

        Hindi na bale. Wala naman talaga siyang balak na tumakas.

        Naniniwala siya sa ikinuwento ni Jake. Matibay na ngayon ang pananalig niyang mabuti itong tao na naipit lang sa hindi makatarungang sitwasyon.

        Tiwala siyang tutulungan siya ni Jake na makauwi nang maluwalhati. Kaya naman kahit matigas na lupa ang kanyang higaan ay naging mahimbing ang tulog ni Catlyn nang gabing iyon.


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)