Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: CATLYN Chapter 5

 

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

MALIWANAG ang kuweba nang gumising si Catlyn. Iyon pala’y tinanggal ni Jake ang nakatabing na telon. Nakakapasok na ang sinag ng araw.

        Nag-iisa siya. Wala ang binata.

        Tumayo si Catlyn at nag-inat. Napangiwi siya sa sakit. Naninigas ang kanyang mga kalamnan sa buong katawan.

        Naisip tuloy niya, kailangan na talaga niyang maglaan ng panahon para sa regular na ehersisyo. Kung sanay siguro siyang mag-gym ay hindi ganito katindi ang paninibago ng kanyang katawan sa ginawa niyang pag-akyat sa bundok kahapon.

        Hindi bale, sabi niya sa sarili. Pagbalik niya sa normal niyang buhay ay isasama na niya ang pag-eehersisyo sa kanyang pang-araw-araw na schedule.

        Papalabas na siya ay siya namang pagpasok ni Jake. May dala itong mga inihaw na kamote na nakalagay sa saha ng saging.

        “Almusal,” nakangiting anunsiyo nito.

        “Uy, gusto kong tikman iyan,” nakangiti ring sagot ni Catlyn. “Pero kailangan ko munang mag-may I go out.”

        “Sige, basta huwag ka lang lalayo,” sabi ni Jake.

        “May paliguan ba rito?” tanong ng dalaga.

        “Sasamahan kita sa dinadaluyan ng bukal pagkakain,” sagot ni Jake.

        Lumabas na si Catlyn. Doon lang naman siya kumubli sa kabilang gilid ng kuweba. Takot talaga siyang lumayo. Baka bigla na lang kasing sumulpot ang mga kidnaper na siguradong naghahanap sa kanya. O baka rin kung ano namang klase ng hayop ang biglang lumitaw. Mahirap na.

        Bumalik na rin agad siya sa loob.

        Inabutan naman siya ni Jake ng isang plastic na galunan ng tubig.

        “O, ito na muna ang ipanghilamos at ipangmumog mo,” sabi nito.

        “Hay, salamat,” sagot niya. “Iyan talaga ang kailangan ko.”

        Lumabas uli siya ng kuweba para maghilamos at magmumog. Naghugas din siya ng kamay.

        Pagpasok niya, kumain na sila.

        “Ngayon lang ako nakatikim ng inihaw na kamote,” sabi ni Catlyn. “Ang alam ko lang, nilalaga o ipiniprito ito. Pero okay din pala ang inihaw.”

        “Masarap din ang inihaw na saba,” sagot ni Jake. “Wala lang akong nakuhang saba nitong mga huling araw.”

        Nabusog si Catlyn, na ikinagulat niya. Hindi niya akalaing makakakain siya nang ganoon karami. Karaniwan kasi ay nagkakape lang siya sa umaga. Hindi siya sanay na nag-aalmusal. Wala siyang ganang kumain sa umaga. Pero ngayo’y gutom na gutom siya at ganadong kumain.

        “Gusto mo nang pumunta sa bukal?” tanong ni Jake matapos makapagligpit ng kanilang pinagkanan.

        “Naku, oo,” alisto niyang  sagot. “Nanlalagkit na ako, e.”

        May kinuha si Jake sa backpack. Inabutan siya ng malinis na face towel at polong checkered na berde.

        “Pasensiya ka na, ito lang ang maipapahiram ko sa iyo,” sabi nito. “Wala akong gaanong dalang gamit.”

        “Paano ka kung ako ang gagamit nito?”  tanong ni Catlyn na medyo nahihiya.

        “Okey lang ako,” sagot nito. “May t-shirt pa ako rito.”

        Hindi nga pala kalayuan sa kuweba ang bukal na tinutukoy ni Jake. May nilikha itong mababaw na sapa na dumadaloy pababa sa bundok.

        “Diyan ako sa bukal mismo kumukuha ng tubig na inumin,” sabi ng binata. “Sa sapa naman ako naliligo at naglalaba.”

        “Kung lalabhan ko ba itong polo ko, may panahon pa itong matuyo?” tanong ni Catlyn. “Kung bababa na tayo agad ngayon, hindi ko na ito babasain.”

        Umilap ang mga mata ni Jake.

        “Sige lang, labhan mo na,” sagot nito. “Matutuyo pa iyan. Mainit naman ang araw. Dito ka lang. Doon naman ako sa bandang ibaba. Tumawag ka lang kung magpapasundo ka na.”

        At lumayo na ang binata.

        Mula sa gawing ibaba ng sapa na tinungo nito, hindi na siya matatanaw ni Jake. May mga nakatabing kasing malalaking bato at mga halaman.

        Gayunpaman, hindi pa rin magawa ni Catlyn na maghubad nang tuluyan sa paliligo.

        Inalis na lang muna niya ang kanyang sandalyas at polo. Itinira niya ang kanyang bra at pantalon.

        Naupo siya sa isang bato sa gilid ng sapa. Isinawsaw niya ang hiram na face towel sa tubig at ginamit na pangkuskos ng katawan. Mabilis ang kanyang pagkilos. May kasabay pang palinga-linga sa paligid.

        Nang matapos siya mula ulo hanggang beywang, mabilis niyang tinanggal ang kanyang bra. Nagmamadaling kinuskos din niya ng binanlawang face towel ang kanyang dibdib. Pagkatapos, agad niyang isinuot ang polo ni Jake.

        Maluwang sa kanya ang polo. Hindi halatang wala siyang bra.

        Abot din iyon hanggang sa kalagitnaan ng kanyang mga hita. Puwede na siyang maghubad ng pantalon.

        Pagkaraan ng saglit na pag-aatubili, tinanggal na rin ni Catlyn ang kanyang bikini panty. Binilisan na lamang niya ang pagbabanyos sa sarili. Pagkatapos, ipinagpag niya ang kanyang pantalong maong bago isinuot – na hindi na kasama ang kanyang panloob.

        Nilabhan niya ang kanyang panloob at polo. Kahit walang sabon, kinusot na lamang niya nang mabuti ang mga iyon sa tubig.

        Matapos pigain at pagsama-samahin ang mga nilabhan, tumayo na ang dalaga’t itinali sa gawing beywang ang suot na maluwang na polo. Nagsuot na rin siya ng sandalyas.

        Presko na kahit paano ang kanyang pakiramdam. Huwag lang niyang iisiping wala siyang mga panloob.

        Siguro naman, madaling matutuyo ang kanyang mga nilabhan.

        Bitbit ang mga basang gamit na naglakad siya pababa sa sapa. Patungo kay Jake.

        Paglampas niya sa malaking tipak ng bato, napasinghap si Catlyn. Nanlaki ang kanyang mga mata.

        Paano’y nakita niya si Jake  na hubad na hubad sa hanggang tuhod na tubig. Mabuti na lang at nakatalikod ito sa kanya.

        Napaawang ang mga labi ng dalaga. Ni hindi siya makakurap.

        Parang may nakita na siyang katawan na halos kapareho ng tinitingnan niya ngayon. Iyong sa estatwang David ni Michelangelo. Hangang-hanga siya sa estatwang iyon. Naipapakita ang kagandahan ng pigura ng tao sa paraang klasiko.

        Ngayo’y may kaharap siyang ganoong tipo ng pigura. Pero iba pala kapag sa totoong buhay na. Iba ang epekto sa kanya. Ibang klase ng paghanga ang kanyang nadarama. Higit na mas personal ang tama.

        Napalunok si Catlyn. Saka lang siya kumurap. Kasabay niyon, naisip niyang bigla na baka mapalingon si Jake. Nagkukumahog tuloy siyang napaatras. Nagmamadaling bumalik sa kanyang pinanggalingan.

        Naupo siya uli sa iniwan niyang maliit na tipak ng bato.

        Napuna niyang nanginginig ang kanyang mga kamay. Nangangatog siya’t kinakabahan. Pero hindi sa takot. Kakaiba itong kanyang nararamdaman.

        Pilit na pinakalma ni Catlyn ang kanyang sarili.

        Kung bakit naman kasi nakalimutan niya ang bilin ni Jake na tumawag lang siya kapag gusto na niyang magpasundo. Nawala sa isip niya na maaari nga niya itong madatnan sa ganoong ayos kung hindi siya magbibigay ng babala na papalapit siya.

        Pagkaraan ng ilang minuto, narinig niyang tumatawag si Jake mula sa malayo.

        “Catlyn! Catlyn, okay ka na ba? Puwede na ba akong pumunta riyan?”

        “O-oo!” sagot niya. “Tapos na ako.”

        Paglapit ni Jake ay nakapagpalit na rin ito ng pang-itaas na t-shirt. Pero tulad niya ay iyon pa rin ang suot na pantalon.

        “Presko na?” nakangiting tanong nito.

        Tumango siya. Pero alanganin ang kanyang pagkakangiti.

        Conscious na conscious siya. Nagi-guilty pa. Paano ba nama’y naglalaro uli sa kanyang isip ang larawan ng natunghayan kanina.

        Bumalik sila sa kuweba.

        “Isasampay ko lang itong nilabhan ko,” sabi ni Catlyn.

        “Diyan sa bandang likuran para hindi tanaw mula sa ibaba,” payo ni Jake.

        Laking pasasalamat ng dalaga na hindi na ito sumama sa kanya nang magsampay siya ng gamit sa mabababang sanga ng puno sa may likuran ng kuweba. Nahihiya siyang makita nito ang kanyang mga panloob.

        Nauna na si Jake sa loob ng kuweba.

        Pagsunod ni Catlyn, napansin niyang nag-aayos ng backpack si Jake. Nagsasamsam ng mga gamit.

        “Aalis na ba tayo?” kunot-noong tanong niya. “Paano iyong mga nilabhan ko? Ibabalot ko na lang nang basa?”

        “Ako lang ang aalis,” sagot ng binatang hindi tumitingin sa kanya. “Dito ka lang. Ligtas ka rito. may iiwan ako sa iyong cellphone at dalawang ekstrang battery pack. Pati itong instructions tungkol sa exact location nitong kuweba. Tawagan mo ang mga magulang mo. Idikta mo sa kanila ang isinulat kong location para maibigay nila sa rescue team na susundo sa iyo. May patag na lugar diyan sa bandang itaas na puwedeng paglapagan ng helicopter. Siguradong masusundo ka agad ng rescue team. Iiwan ko rin sa iyo ang lahat ng tubig at pagkain dito.”

        Inilapag nito sa lupa ang cellphone at mga bateryang nakabalot sa plastic. Iniabot naman sa kanya ang isang piraso ng papel na may nakasulat nang mga direksiyon.

        Hindi iyon tinanggap ni Catlyn.

        “A-ano ito?” naguguluhang tanong niya. “B-bakit? Bakit mo ako iiwan? Saan ka pupunta?”

        “Hindi ako dapat abutan dito ng rescue team,” sagot ni Jake. “Aarestuhin ako, sigurado. At saka may tatapusin pa akong misyon. Nabulabog na sina Hernandez. Mahihirapan na naman akong makatiyempo sa kanila. Bakasakaling maispatan ko pa sila riyan sa ibaba habang naghahanap sa iyo.”

        “Itutuloy mo ang paghihiganti?” magkasalubong na ang mga kilay na sabi ni Catlyn. “Hindi mo ba naiisip na lalo mo lang palalakihin ang problema mo niyan? Baka mapatay ka pa. Naisip mo ba iyon? At kung sila naman ang mapatay mo, di naging kriminal ka na nga. Bakit mo tototohanin ang maling bintang sa iyo?”

        “Patay na kung patay,” nakatiim-bagang na sagot ni Jake. “Magsama-sama na kami sa impiyerno.”

        “Huwag, Jake,” iling ni Catlyn. “May iba pang paraan. Tutulungan kita. Tetestigo ako. Katulad ng sinabi ko kagabi, kukuha tayo ng mahusay na abugado. Ipinapangako ko ang suporta ng buong pamilya namin sa iyo. Maipapanalo natin ito.”

        Umiling ang binata.

        “Salamat na lang,” sagot nito. “Pero hindi mo ako lubos na kilala. Bakit mo ako tutulungan nang ganoon? Matagalang laban iyon sa korte. Magastos. At wala akong panggastos.”

        “Bakit naman hindi kita tutulungan?” sabi ni Catlyn. “Ikaw nga, tinulungan mo ako kahit hindi mo rin ako kilala. Huwag mong problemahin iyong gastos. Magagawan ng paraan iyon. Hindi problema iyon.”

        Umiling uli si Jake, sabay sukbit na ng backpack sa likod.

        “Magkaiba ang mga landas ng buhay natin, Catlyn,” sabi nito. “Bumalik ka na sa maayos mong buhay. Hayaan mo na ako sa magulo kong mundo.”

        At lumakad na itong palabas ng kuweba.

        “Jake, please, huwag mo nang ituloy iyan,” pakiusap ni Catlyn.

        Nginitian lang siya nang malungkot ni Jake at nilampasan.

        Sumunod ang dalaga palabas.

        “Jake, huwag mong sayangin ang buhay mo,” giit niya.

        Tuluy-tuloy sa paglakad ang binata.

        Sumunod pa rin si Catlyn.

        “Jake naman...” sabi niya. “Pag-usapan pa natin ito.”

        “Bumalik ka na sa kuweba, Catlyn,” walang lingun-lingong sagot ni Jake. “Tumawag ka na sa inyo.”

        “Susundan kita,” pagbabanta ng dalaga. “Sasama ako sa iyo.”

        “Bumalik ka na sa kuweba bago ka makalayo,” sabi ni Jake. “Baka maligaw ka na niyan pabalik, sige ka.”

        “Kasalanan mo pag nangyari yun,” parang batang sagot niya.

        “Ibang daan ang gagamitin ko,” sabi ng binata. “Mas matarik. Huwag ka nang sumunod.”

        “Susunod ako,” giit ni Catlyn.

        Patigasan sila.

        Nag-iba ng daan si Jake. Naging matarik agad na pababa ang lupa. Binilisan nito ang paglakad.

        Nahirapan na si Catlyn. Kinakabahan na rin nga siya na hindi na niya alam ang daan pabalik sa kuweba. Pero hindi bale. Kasama naman niya si Jake. Tiwala siyang hindi siya nito pababayaan. Hindi siya matitiis.

        Pero habang tumatagal, palayo nang palayo ang distansiya nila sa isa’t isa. Naiiwan na siya.

        “Jake!” tawag ni Catlyn. “Jake, sandali.”

        Nagsimula na siyang mataranta lalo pa’t hindi siya nililingon ng binata. Tuloy lang ito sa mabilis na pagbaba.

        Binilisan din ni Catlyn ang pagkilos niya. At dahil hindi nga siya sanay na bumaba ng matarik na bundok, nadulas siya nang makaapak sa buhaghag na lupa.

        “Aaaay!” tili niya.

        Tuluy-tuloy ang pagdausdos niya pababa. Pahiga. Pahilis sa direksiyong tinungo ni Jake.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)