Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: CATLYN Chapter 6

 

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

NANG marinig ni Jake ang pagtili ni Catlyn, para siyang tinulos ng sibat sa puso.

        Nagmamadaling binalikan niya ito.

        Ang totoo, kanina pa siya nag-aalala sa dalaga. Sadyang tinitikis lang niya ito. Gusto kasi niyang sumuko na ito’t magbalik sa kuweba.

        Mas ligtas si Catlyn sa kuweba. Hindi na ito dapat na madamay pa sa kaguluhang kinasangkutan niya.

        Nataranta siya nang hindi niya matanaw si Catlyn sa kanyang pinanggalingan.

        “Catlyn!” pasigaw niyang tawag. “Catlyn, ano’ng nangyari sa iyo? Nasaan ka?”

        Ang alam niya’y hindi naman masyadong malayo ang distansiya nila sa isa’t isa. Pero malayo na ang nababalikan niya ay wala pa rin si Catlyn.

        Ang ikinakakaba pa niya’y hindi ito sumasagot sa pagtawag niya.

        Lumakad uli si Jake pababa. Sinuyod na niya ang tingin ang magkabila ng kanyang dinadaanan.

        Saka pa lang niya nakita si Catlyn.

        Nakahandusay ito sa lupa, sa ibaba ng matarik na guho ng lupa sa gilid ng kanilang dinaanan.

        “Catlyn!” sigaw ni Jake.

        Hindi sumagot ang dalaga. Ni hindi tuminag.

        Parang sinakmal ng kamay na yelo ang puso ni Jake.

        Mabilis siyang bumaba sa kinaroroonan nito. Mahirap dahil buhaghag ang lupa. Gumuguho. Halos padausdos nga rin ang kanyang pagbaba.

        Kamuntik na niyang mabagsakan mismo si Catlyn. Nakaiwas lang siya sa huling sandali. Napaupo siya sa tabi nito.

        “Catlyn!” tawag uli ni Jake, pero hindi na pasigaw.

        Pinulsuhan niya agad ang dalaga. At nagpasalamat siya nang masiguro niyang humihinga pa rin ito nang normal.

        Inilapag ni Jake sa lupa ang kanyang backpack at maingat niyang ineksamin si Catlyn sa buong katawan. Mabuti na lang at kasama sa naging training niya ang ganoong pag-eeksamen sa taong nasaktan.

        Napansin agad niyang namamaga ang kaliwang bukung-bukong ng dalaga. Malamang ay napilipit sa pagkakahulog nito.

        May kinuha siyang therapeutic gel sa kanyang back-pack. Ipinunas niya iyon sa apektadong parte ng paa ng dalaga. Makakatulong iyon na makapagpababa ng pamamaga at may pampamanhid din sa sakit. Pagkatapos, inikutan niya ng benda ang paa.

        Mabuti na lang din at may baon siyang mga kagamitang pang-first aid.

        Pero natatakot pa si Jake na galawin si Catlyn. Hangga’t hindi ito nagkakamalay ay hindi niya malalaman kung may pinsala ba ito sa gawing leeg o likod. Lubhang napakadelikado ng mga parteng iyon ng katawan. Kapag may pinsala roon at ginalaw ang pasyente ay maaari itong tuluyan nang maparalisa o mamatay pa nga.

        Sising-sisi si Jake habang pinagmamasdan ang maamong mukha ng dalaga.

        Kasalanan niya kaya naaksidente si Catlyn. Hinabol siya nito dahil pinagmamalasakitan siya. Pinipigil siyang gumawa ng bagay na alam din naman niyang hindi tama.

        Oo, aminado siyang nasa katwiran si Catlyn. Tama si Catlyn.

        Pinagdilim lang ng galit ang kanyang isip. Sinaklot ng pagkamuhi ang kanyang damdamin. Pinatigas ang kanyang puso.

        Ang iniisip kasi niya, wala nang mawawala pa sa kanya. Nawala na kasi ang lahat. Ano pa ang paglalaanan niya ng kanyang kinabukasan kung hindi ang paghihiganti?

        Wala naman siyang pamilya. Walang nagmamahal sa kanya.

        Nag-iisang anak si Jake. Namatay ang nanay niya sa panganganak sa kanya. Iniwan siya sa biyuda niyang lola nang muling mag-asawa ang tatay niya. Namatay naman ang lola niya noong labing isang taong gulang siya. Napilitan tuloy siyang pumisan sa kanyang ama’t madrasta. At dahil hindi naman siya doon lumaki, hindi naging malapit ang mga loob nila sa isa’t isa.

        Magtatapos na siya sa high school nang mamatay ang kanyang ama. At dahil hindi na sila nagkasundo ng kanyang madrasta mula’t sapul, umalis na ng bahay si Jake.

        Nakitira siya sa isang kaibigan hanggang sa matapos ang taon. Nakitulung-tulong sa karinderya ng pamilya nito. Pamasahe’t kaunting pambaon lang sa eskuwela ang kapalit bukod sa pagkain at matutulugan. Ipinagpapasalamat na niya iyon nang malaki. Kahit paano ay nairaos niya ang pag-aaral.

        Dalawang taon pa muna siyang namasukan kung saan-saan pagkatapos niyon bago siya nakapag-training para maging pulis.

        Iyon na nga sana ang pinakasentro ng buhay at pagkatao niya – ang kanyang pagiging pulis. Napakataas ng pagpapahalaga niya sa kanyang pinasok na propesyon. Handa siyang ibigay ang kanyang buhay para sa bayan.

        Hanggang sa masira ang kanyang mga ilusyon.

        Nagbakasakali naman siyang matatagpuan niya ang kanyang kaganapan sa pinasok na security agency. May pangarap pa rin siyang maging tagapagtanggol ng bayan laban sa kasamaan.

        Pero muli siyang nagapi ng kasamaan.

        Kaya handa na siyang makihamok sa larangan ng kasamaan. Para maging patas ang labanan, kailangan na niyang maging kasinlupit ng kanyang mga kalaban.

        Desidido na siya.

        Pero nabalisa siya kay Catlyn. Sa mga sinabi ni Catlyn.

        Hindi niya akalaing pinaniwalaan siya ng dalaga.

        Oo nga’t nakiusap siya rito. Humingi ng pang-unawa. Pero saloob-loob niya’y inakala niyang natural lang na hindi siya paniwalaan nito. Estranghero nga naman siya. May rekord pa. At kagagaling lang ni Catlyn sa mapanganib na sitwasyon. Siyempre pa’y hindi ito agad magtitiwala sa tao.

        Pero nagtiwala ito sa kanya. Naniwala sa kuwento niya. At tinanggap ang pagkatao niya.

        Higit pa roon, nagmalasakit si Catlyn sa kanya. Pilit siyang sinasagip sa susuungin niyang panganib at kasamaan. Nangakong tutulungan siyang makakuha ng katarungan.

        Nasaling ang damdamin ni Jake.

        Masarap pala ang pakiramdam ng pinaniniwalaan. Inuunawa. Tinatanggap. Pinagmamalasakitan. Nakakataba ng puso.

        Sa kauna-unahang pagkakataon, may isang taong nagpahalaga sa kanya.

        Kahit pa sabihing maaaring tumatanaw lang ng utang na loob si Catlyn, napakalaking bagay pa rin iyon para kay Jake.

        Pero hanggang kanina, pilit niyang binalewala ang lahat ng iyon. Ayaw nga kasi niyang madamay pa si Catlyn sa kanyang gulo.

        Tama na ‘yung baunin niya ang kaalamang nagmamalasakit ito sa kanya. Nagtangka itong tulungan siya. Iingatan na lamang niya ang napakagandang alaalang iyon.

        Balak talaga niyang iwan ang dalaga kanina.

        Pero hindi niya uli akalaing magiging pursigido rin si Catlyn sa paghabol at pagpigil sa kanya. Hanggang sa maaksidente na nga ito.

        Sising-sisi si Jake. Hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili kapag napahamak si Catlyn.

        Kailangang magising ang dalaga.

        At napagtanto niya na kapag nagising si Catlyn ay iingatan na niya nang husto ang pagtingin nito sa kanya. Hindi na niya ipakikipagsapalarang madungisan pa ang pagkakakilala nito sa kanyang pagkatao.

        Hindi niya maatim na mandiri si Catlyn sa kanya kapag nabahiran ng dugo nina Hernandez ang kanyang mga kamay. Oo, magagawa pala niyang kalimutan ang paghihiganti para lang sa dalaga.

        At, oo, puwede niyang ipagkatiwala ang kanyang sarili kay Catlyn. Papayag siya sa kahilingan nito na sumuko siya at humarap sa korte. Alam niyang paninindigan ng dalaga ang pagtulong sa kanya.

        Paano kung hindi sila magtagumpay? Kung makulong siya? Baka maipapatay na nga siya nang tuluyan nina Hernandez sa bilibid.

        Bahala na. Handa na rin naman siyang mamatay, hindi ba? Ang mahalaga, malinis ang pagkatao niyang maiiwan sa alaala ni Catlyn.

        Pero sa ngayon ay kailangan muna niyang pagpalain ang dalaga.

        Sinubok niyang pahiran ito ng baon niyang White Flower sa tapat ng ilong.

        “Catlyn...” tawag niya rito.

        Umungol ang dalaga. Gumalaw ang ulo.

        Nabuhayan ng loob si Jake.

        “Catlyn,” sabi uli niya. “Catlyn, gising. Pilitin mong gumising. Si Jake ito. Catlyn, naririnig mo ba ako?”

        Dahan-dahang dumilat ang dalaga. Blangko pa ang mga mata nito. Parang wala pa sa sarili.

        “Catlyn!” tuwang-tuwang sabi ni Jake. “Catlyn, nandito ako.”

 

 

 

PAGDILAT niya, ang una niyang nakita ay mga sanga’t dahon ng matataas na puno. Sa likuran ng mga iyon, langit na bughaw at mga puting ulap.

        Nagtataka si Catlyn.

        Nasaan siya?

        Pagkatapos, narinig niya ang pamilyar na tinig.

        Si Jake!

        Nawala ang kanyang pangamba. Nagbalik sa kanya ang lahat.

        “Jake...” sambit niya habang bumabaling sa binata.

        Agad naman siyang pinigilan nito.

        “Teka, huwag kang kikilos,” sabi nito. “Alamin muna natin kung nasaktan ka. May masakit ba sa iyo? Ang leeg mo? Ang likod mo?”

        Nakiramdam si Catlyn.

        “Ang ulo ko,” sagot niya. “At saka ang paa ko. Masakit.”

        “May sprain ka sa kaliwang bukung-bukong,” sabi ni Jake. “Minor injury lang iyon. Sa ulo mo naman, saan ang masakit?”

        Itinuro ni Catlyn ang gilid ng kanang bahagi ng ulo niya, sa may buhok.

        “Dito,” sabi niya.

        Kinapa na rin niya ang kanyang ulo.

        “May bukol,” dagdag niya.

        Sinalat din iyon ni Jake.

        “Nauntog ka siguro sa bato o sa puno,” sabi nito. “Kaya ka siguro nawalan ng malay. Naduduwal ka ba? Nahihilo?”

        “Parang hindi naman,” sagot ni Catlyn.

        “Ano pa ang nararamdaman mo?” tanong ni Jake. “Kumusta ang leeg mo?”

        “O-okey naman,” sagot niya.

        Dahan-dahang sinalat ni Jake ang kanyang batok.

        “Nararamdaman mo ba ito?” tanong sa kanya.

        “Oo,” sagot niya. “At wala namang masakit diyan.”

        “E sa likod mo?” tanong pa ng binata. “Wala ring masakit?”

        “Wala,” sagot niya. “Sa ulo lang talaga at sa paa.”

        “Good,” tango ni Jake. “Wala ka naman sigurong injury sa leeg o sa spine. Iyon ang ikinatatakot ko kanina kaya hindi kita magalaw. Baka lalo lang kasing makasama sa iyo. Ngayon, puwede na kitang ibalik sa kuweba. Doon na natin tingnan iyang bukol sa ulo mo.”

        Tinangka ni Catlyn na maupo. Agad siyang inalalayan ng binata.

        “Huwag kang pabigla-bigla sa pagkilos,” paalala nito.

        “Susubukan kong tumayo,” sabi niya nang makaupo na.

        “Sige, unti-unti lang,” sagot ni Jake.

        Muli siya nitong inalalayan.

        Nagawa ni Catlyn na makatayo pero hindi niya maiapak ang kanyang kanang paa. Masakit.

        “Paano akong makakalakad nito?” tanong niya. “Kailangan pa naman nating umakyat.”

        “Doon tayo dumaan sa kabila,” sagot ni Jake. “Sa dinaanan natin kahapon. Hindi gaanong matarik doon. Puwede kitang buhatin.”

        “Kaya mo ba ako?” sabi ni Catlyn. “Mabigat ako. May backpack ka pa.”

        Natawa si Jake.

        “Kaya kita,” sagot nito.

        Ganoon nga ang ginawa nila. Binuhat ni Jake si Catlyn. Dala rin ng binata ang backpack. Kinailangan lang nilang magpahinga nang dalawang beses bago nila narating ang kuweba.

        “Napasubo ka,” sabi ni Catlyn nang ilapag siya ng binata sa kuweba. “Kawawa ka naman. Sorry, ha?”

        “Ako nga ang dapag mag-sorry sa iyo,” sagot ni Jake. “Naaksidente ka sa kahahabol sa akin.”

        “Okay lang kung ang kalalabasan nito’y hindi ka na nga tutuloy,” umaasang sabi ni Catlyn. “Iiwan mo pa rin ba akong ganito?”

        “Magagawa ko ba iyon?” sagot ni Jake.

        “Sinasabi ko na nga ba, e,” nakangiting sabi ni Catlyn. “Tama ang paniniwala kong mabuti kang tao, Jake. Kaya nga ba hindi talaga kita puwedeng hayaan na sirain ang sarili mo.”

        Napabuntonghininga si Jake. Walang maisagot. Naninikip ang dibdib nito sa emosyon.

        Kumuha na lang ito ng dalawang litrong bote ng tubig. Iniabot sa kanya ang isa. Tumungga naman ito mula sa pangalawa.

        Uminom din si Catlyn.

        “Patingin na nga uli ng bukol mo sa noo,” sabi ni Jake pagkatapos.

        Muli nitong sinalat ang ulo niya.

        “Malaki, a,” sabi pa nito. “Wala pa naman tayong yelo.”

        Kumuha ito ng face towel na binasa ng tubig.

        “Ito na lang muna ang idikit mo riyan para malamigan kahit paano,” sabi ng binata.

        Sumunod si Catlyn.

        Kinuha naman ni Jake ang cellphone.

        “Ano’ng number n’yo,” tanong nito.

        Sinabi ni Catlyn.

        Pinindot ni Jake ang mga numero. Pagkatapos, ibinigay nito sa kanya ang telepono, pati na rin ang kodigo ng direksiyon ng kuweba at lugar na maaaring paglapagan ng helicopter.

        Si Abe ang sumagot.

        “Daddy!” sabi ni Catlyn. “Si Catlyn ito.”

        “Catlyn! Nasaan ka? Ano’ng nangyari sa iyo?” nangangatal ang boses na tanong ng ama.

        “Safe na ako, Daddy,” sabi agad ng dalaga. “May tumulong sa akin na makatakas sa mga kidnaper. Pero nasa bundok pa kami at my sprain ako sa paa. Kailangan n’yo kaming ipasundo ng helicopter. Kumuha kayo ng ballpen at papel. Ididikta ko ang location namin pati na ang puwedeng paglapagan ng chopper.”

        “Sandali,” sabi ni Abe.

        At narinig ni Catlyn na agad itong sumigaw ng “Ballpen! Papel! Dali!”

        “O, sige na,” sabi nito pagkaraka.

        Dahan-dahang binasa ni Catlyn ang mga direksiyong sinulat ni Jake.

        Binasa rin iyon ni Abe sa kanya pagkatapos.

        “Correct, Dad,” sabi ng dalaga. “Dating pulis ang gumawa ng direksiyon na iyan kaya accurate iyan at maiintindihan ng rescuers.”

        “Aalis na agad kami, Catlyn,” sabi ni Abe. “Are you sure you’re okay?”

        “Ankle sprain nga lang, Dad, at saka kaunting bukol sa ulo,” sagot niya. “But I’m fine. Don’t worry.”

        “Paano ka nakakatawag kung nasa bundok ka pa?” pagtataka ni Abe.

        “May cellphone ang tumulong sa akin,” sagot ni Catlyn. “Oo nga pala, Dad, he also needs our help. He’s been wrongly accused of a crime he didn’t commit. Mabuting tao siya. I can attest to that. Jake ang pangalan niya. Tulungan natin siya. Kontakin n’yo si Atty. Rivera para maging abogado niya. At please, Dad, siguruhin mong ipaalam sa authorities na ang kasama ko ay ang taong nagligtas sa akin. He’s not a criminal. He’s not dangerous. Utang ko sa kanya ang buhay ko. Please make sure they won’t harm him in any way.”

        “Catlyn, dinidiktahan ka ba ng kasama mo?” pagdududa ni Abe. “Naririnig ba nila ang pag-uusap natin?”

        “No, Dad,” sagot niya. “Totoo itong sinasabi ko.”

        “Okey, kailan ang birthday ng mommy mo?” biglang tanong ni Abe.

        “Ha?” Gulat na tanong ni Catlyn. “Bakit, Dad?”

        “Just answer me,” giit ni Abe. “Kailan ang birthday ng mommy mo? Kung totoong lahat iyang mga sinasabi mo, give me the correct date. Kung nagsasalita ka lang under duress – dahil may nagdidikta at nagbabanta sa iyo – give me the wrong answer. Hindi naman nila malalaman kung tama o mali ang sagot mo. But I’ll know.”

        Napangiti si Catlyn.

        “January 19,” sagot niya. “Satisfied?”

        “Okey,” pabuntonghiningang sabi ni Abe. “Thank God you’re all right. I’ll do as you say, anak. Heto, kausapin mo lang nang sandali ang mommy mo.”

        “Catlyn?” umiiyak na sabi ni Carol.

        “Mommy, huwag ka nang mag-worry,” sabi naman ng dalaga. “I’m safe now. Ipasundo na lang ninyo kami. And please make sure that daddy follows my request to the letter. Kailangan nating bigyan ng proteksiyon si Jake – ang taong nagligtas sa akin. Sasabihin ng mga pulis sa inyo na wanted siya, pero na-frame up lang siya. He saved my life. Ikuha natin siya ng mahusay na lawyer. Isama ninyo si Atty. Rivera sa pagsalubong sa amin.”

        “S-sige, anak,” parang naguguluhang sagot ni Carol.

        Si Abe na uli ang kumuha sa telepono.

        “Patungo na kami riyan, Catlyn,” sabi nito. “Just hold on.”

        Nang matapos ang kanyang pakikipag-usap sa mga magulang, tumingin ang dalaga kay Jake.

        “Gagawin ko ang lahat para tulungan ka, Jake,” sabi niya. “I promise.”

        “Hindi sila naniniwala sa iyo, ano?” sagot naman ng binata. “Inisip nilang ako ang kumidnap sa iyo. Na hostage kita. Na diniktahan kita sa mga sinabi mo. Na ako ang humihingi ng proteksiyon.”

        Namula si Catlyn.

        Nagtaka siya kung paanong nahulaan ni Jake ang lahat ng iyon. Hindi naman nito naririnig ang boses ng daddy niya at wala naman siyang nabanggit liban sa pagsabing “Totoo itong sinasabi ko.”

        “Dati akong pulis, Catlyn,” parang pagsagot ni Jake sa kanyang iniisip. “Sanay ako sa hostage negotiations. Madaling hulaan ang takbo ng pag-uusap n’yong mag-ama. At hindi kataka-takang iyon ang isipin nila. Lalo pa silang magdududa kapag nakausap nila ang mga awtoridad at nabigyan sila ng briefing tungkol sa mga ikinakaso sa akin. Sasabihin nilang na-brainwash lang kita at napapaniwalang inosente ako. May psychological explanation nga roon, e. Kung paanong nangyayari na kung minsan ay nakukumbinse ang hostage na kumampi sa mismong nang-hostage sa kanya.”

        “Pero hindi ganoon ang kaso natin,” sagot ni Catlyn. “Ipaglalaban kita. At may maipiprisinta naman tayong pruweba sa mga sasabihin natin. Ang sugat mo. Ang mag-amang nakapulot sa iyo. Ang albularyong gumamot sa iyo. The fact na magkakapareho ang mga tama ninyo ng binaril na kahero at ni Mang Gener. We can prove your story. Inosente ka. Nasa panig tayo ng katotohanan.”

        “Gusto lang kitang balaan,” sabi ni Jake. “Hindi porke tama tayo ay madali na ang lahat para sa atin. Hindi ganoon kasimple ang buhay. Ayokong pati ikaw ay mabigo.”

        “Okay,” tango ni Catlyn. “Tatandaan ko iyan. Pero kahit gaano kahirap at kakumplikado ang susuungin natin, kasama mo ako.”

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)