Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: CATLYN Chapter 8

 

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

NATANGGAP sina Catlyn at Jake bilang mga state witness. Pinayagan din silang manatili sa kampo sa ilalim ng proteksiyon ni Lt. Samson.

        Naibigay ang desisyon nang araw ring iyon. Hindi na nila kinailangan pang lumabas ng kampo. Ang mga abogado na lamang ang nakipag-ayos.

        Samantala, dumating na ang mga gamot ni Catlyn. Nagpadala rin ng wheelchair at dalawang saklay si Major Benitez para raw siguradong maipapahinga nang husto ang paa ng dalaga.

        “Makakapagpahinga ka na rin,” biro ni Catlyn kay Jake. “Hindi mo na ako kailangang buhatin pa.”

        “Okay lang naman sa akin iyon,” sagot ng binata. “Hindi ka naman gaanong mabigat.”

        Dinala sila ng tinyente sa kanilang magiging quarters. Maliit lang. May dalawang silid tulugan, iisang banyo at maliit na kitchenette na karugtong na rin ng kainan at salas.

        Furnished na ang unit. May dalawang sopa, mga bentilador, at TV sa salas. May mesang kainan. May electric stove at refrigerator. May mga kama at cabinet sa silid tulugan.

        “Kukuha lang kami ng mga gamit ninyo at pagkain,” paalam ni Carol. “Dadalhan ka na rin namin ng damit, Jake. At araw-araw namin kayong dadalhan ng pagkain dito. Huwag kayong mag-alala.”

        “Babalik kami agad,” sabi ni Abe.

        “Mag-iingat kayo sa mga pupuntahan at gagawin ninyo,” paalala ni Lt. Samson. “Baka mahalata ng mga nagmamanman sa inyo na may dinadalhan kayo ng gamit dito. Madali nilang mahuhulaan na may itinatago tayo rito sa kampo. Mabuti pa siguro, iutos n’yo na lang sa ibang mga anak ninyo ang mga paghahanda.”

        Ganoon na nga lang ang ginawa ng mag-asawa. Tinawagan na lamang ng mga ito ang ibang mga anak.

        Dahil halos kasukat ni Jake ang panganay na si Aaron, ito at ang asawang si Mindy ang pinabili ng mga gamit ng binata. Kumpleto ang inorder ni Carol – mga panloob, pantulog, walking shorts, t-shirts na may kuwelyo, slacks na twill, polo na short sleeved at long sleeved, tsinelas, sports socks, medyas na pormal, rubber shoes, sapatos na balat. Mayroon ding pang-ahit at mga panlalaking toiletries.

        “Naku, hindi ko naman ho kakailanganin ang lahat ng iyon,” tanggi pa sana ng binata.

        “Kakailanganin mo rin ng mga pormal na kasuotan para sa mga pagharap ninyo sa korte,” sagot ni Carol. “Iyon namang iba, pang-araw-araw mo rito.”

        Si Alan ang natoka sa pagkuha ng mga gamit ni Catlyn mula sa bahay palibhasa’y ang asawa nitong si Nona ang pinakamalapit sa edad ng dalaga at mas nakakaalam sa mga kakailanganin niya. Kinausap ng dalaga ang hipag para makapagbilin nang mas ispesipiko. Sisimplehan na lamang ng mag-asawa ang paglalabas ng mga gamit sa bahay.

        Ang mag-asawang Adrian at Karen ang pinabili ng pagkain at groceries para kina Catlyn at Jake.

        May kanya-kanya nang bahay ang magkakapatid kaya magmumula sa iba’t ibang lugar. Magkakahiwalay silang pupunta sa kampo para maghatid ng mga gamit. Napag-usapang hindi pa naman siguro minamanmanan ng grupo nina Hernandez pati mga kapatid ni Catlyn.

        Pagkakataon na rin iyon para makita’t makasama ng ibang miyembro ng pamilya si Catlyn. Labis-labis din namang nag-aalala ang mga ito para sa bunsong kapatid.

        Nagsalu-salo na silang lahat sa maagang hapunan sa kampo, kasama pati si Lt. Samson at ang dalawang sundalong on duty sa pagiging personal security team nina Catlyn at Jake.

        Ang hindi na nakapaghintay ay ang dalawang abogado. Nagpaalam na agad ang mga ito para masimulang asikasuhin ang iba pang mga bagay na dapat gawin para sa kaso. Isa na roon ang paghahanda sa investigative team na maghahanap sa mag-amang sumagip kay Jake at sa albularyong gumamot dito.

        Kasabay ng kainan, inulit nina Jake at Catlyn ang kanilang pagkukuwento ng mga pangyayari. Para iyon sa mga kapatid at hipag ng dalaga. Nalaman na rin tuloy ng dalawa nilang bodyguards ang buong katotohanan.

        “Hindi tama ang ginawa ng superiors mo sa Davao, Jake,” si Lt. Samson na mismo ang nagsabi. “Hindi naman bawal sa ating mga nakauniporme ang makaunawa sa kalagayan ng ating kapwa, kahit pa sa mga rebelde. Hindi iyon grounds for dismissal sa isang pulis.”

        “Kaya nga hinanapan nila ako ng ibang kasalanan,” sagot ng binata. “Kinasuhan nila ako ng insubordination. Pero pinikon naman kasi nila ako nang pinikon kaya nakasagot na rin ako. Pinagbintangan nila akong bumaligtad na. Komunista na rin daw ako. Baka maging espiya pa raw ako para sa kabila. Siyempre, umalma na ako noon. Ayun, nagtagumpay silang kasuhan ako.”

        “Baka naman puwede pang habulin iyon,” sabi ni Garci, o Josue Garcia, isa sa sundalong bodyguard nina Jake at Catlyn. “Baka puwedeng paimbestigahan uli.”

        “Oo nga,” tango ni Lt. Samson. “Puwede iyon.”

        “Ayan, Jake, habulin, mo,” sabi ni Santi, o Dominador Santillan, ang pangalawang bodyguard nila.  

        Umiling ang binata.

        “Hindi na lang,” sagot nito. “Ayoko na ring bumalik doon.”

        “E di kapag cleared ka na, dito ka magpa-assign sa urban areas,” sabi ni Santi. “Dito, mas nakatutok ang pulis sa krimen.”

        “Isa-isang lang lang muna,” nakangiting sagot ni Jake. “Ito ngang nakasalang kong kaso ngayon, hindi ko pa alam kung ano ang kalalabasan. Mabuti na lang at nagmagandang-loob ang mga abogado ko na tumulong nang walang bayad. Mismo kasing pantustos sa sarili ko, hindi ko alam kung saan ko hahagilapin. Kung hindi sa tulong nina Catlyn, ni wala akong gamit kundi ang laman ng dala kong backpack.”

        “Jake naman,” sagot ni Catlyn. “Hindi ba pinag-usapan na natin iyan? Kulang pa nga ito kung itutumbas sa pagsagip mo sa akin. You saved my life. Ako naman, gagawin ko rin ang lahat para maibalik sa iyo ang normal mong pamumuhay.”

        “At kasama kaming lahat sa pangakong iyan, Jake,” dagdag ni Abe. “Ituring mo na ang sarili mong miyembro ng pamilya Mesias dahil para sa amin ay ganoon kahalaga ang ginawa mong pagtulong kay Catlyn. Parang anak ka na rin namin ngayon.”

        Namula sa emosyon ang mukha ng binata.

        “M-maraming salamat ho,” sagot nito.

        Inikot ni Jake ng tingin ang lahat ng taong nakapaligid dito.

        “Mula’t sapul, panay kamalasan na lang yata ang nangyari sa buhay ko,” sabi ng binata. “Pero nitong huli, parang bumabawi na sa akin ang kapalaran. Una, iyong mga sumagip sa akin nang barilin ako nina Hernandez. ‘Yung mag-amang gumamot sa akin. Pagkatapos, si Catlyn. Kinumbinse akong huwag magpakasama. Ngayon naman, kayong lahat na sumusuporta sa akin. Nabubuo tuloy uli ang tiwala ko sa kapwa at sa buhay.”

        “May mga masasamang damo lang talaga kahit saan, Jake,” sabi ni Carol. “Pero mas nakararami pa rin ang matitinong tao na nagsusumikap na manindigan sa tama at huwag padala sa masamang impluwensiya.”

        “Isa na ako sa mga kamuntik na mahatak ng kasamaan,” amin ni Jake. “Mabuti na lang, hindi ako tinigilan ni Catlyn. Kaya lang, naaksidente tuloy siya sa kapipigil sa akin. I’m sorry. Kasalanan ko iyon, e.”

        “Okay na naman ako, a,” mabilis na sagot ng dalaga. “Ang mahalaga, nakinig ka rin sa huli.”

        “At talagang hindi ka titigilan nitong kapatid namin, Jake,” sabi ni Aaron. “Makulit itong bunso namin, e. Kapag may napagpasyahan, pinaninindigan kahit na ano pa ang mangyari.”

        “Oo nga,” sang-ayon ni Adrian. “What Catlyn wants, Catlyn gets.”

        “Pero ginagawa ko lang naman iyon kung alam kong tama ako,” pangangatwiran ni Catlyn. “At hindi ako basta nagde-demand lang na parang spoiled brat. I work for whatever I want to achieve. Pinagsumikapan ko at pinaghirapan.”

        “That’s true,” tango ni Alan. “Kaya makakaasa ka, Jake, na hindi bibitiw si Catlyn sa labanang ito hangga’t hindi natin naipapanalo. And, as always, kapag naman napatunayan naming tama siya, we’re behind her all the way.”

        “Iba talaga ang may buong pamilya,” nakangiting sabi ni Jake. “Iyan ang hindi ko naranasan. Masuwerte kayo.”

        “Hindi mo ba narinig ang sabi ni Daddy kanina?” paalala ni Catlyn. “Bahagi ka na rin ng pamilyang ito, Jake.”

        “Napakalaking karangalan para sa akin,” sabi ng binata. “Hayaan ninyo, sisikapin kong maging karapat-dapat.”

        Gabing-gabi na nang nagsiuwian ang mga miyembro ng pamilya Mesias. Umalis na rin si Lt. Samson.

        “Iisa lang pala ang kama sa kuwarto ko,” pansin ni Jake. “Maghalinhinan na lang tayo sa pagtulog, Santi, Garci.”

        “Hindi,” iling ni Garci. “Sa iyo lang talaga iyon. Kami, dito na sa salas. Maghahalinhinan na lang kami ng pag-idlip sa sopa.”

        “Hindi kayo makakatulog nang mabuti niya,” pag-aalala ni Catlyn.

        “Ganoon talaga ang duty,” sagot ni Santi. “Magaang pa nga itong assignment na ito dahil nasa kalagitnaan naman tayo ng kampo. Kaya nga puwede pa kaming umidlip-idlip. Oks na oks lang kami rito.”

        “Basta kumuha lang kayo riyan ng kape at anumang makakain, ha?” bilin ni Catlyn. “Para sa ating lahat iyan.”

        “Yes, ma’am,” pabirong saludo pa ni Garci.

        Minanipula ni Catlyn ang kanyang wheelchair papasok sa kanyang kuwarto. Madali naman palang makasanayang gamitin iyon.

        Kumuha lang siya ng kanyang tuwalya at mga bihisan. Bitbit niya ang mga iyon ay nagtungo naman siya sa banyo. Naroon na ang dinala sa kanilang mga sabong pampaligo, shampoo at conditioner, pati na sabong bareta at panlaba. Kaso, may problema. Hindi pala maipapasok sa pinto ng banyo ang wheelchair.

        Nakita iyon ni Jake.

        “Sandali,” sabi nito sa dalaga. “Magpapasok na lang ako ng plastic chair para maupuan mo sa ilalim ng shower. Pagkatapos, bubuhatin kitang papasok.”    

        “Magsasaklay na lang ako,” sagot ni Catlyn. “Puwede naman, e.”

        “Sigurado ka bang kaya mo na?” tanong ni Jake. “Baka madulas ka sa loob, mahirap na.”

        “Kaya ko,” giit ng dalaga.

        Silya na nga lang ang ipinasok ni Jake.

        “Tumawag ka lang kung kailangan mo ng tulong, ha?” bilin nito. “Andito lang kami sa labas.”

        Pero pinilit ni Catlyn na mairaos nang mag-isa ang lahat ng kailangan niyang gawin sa banyo. Dapat lang. Paano ba naman siyang magpapatulong kina Jake, Garci at Santi sa pagpaligo? Ano sila, sinusuwerte?

        Naalala niyang muli ang nasaksihan niya kaninang umaga lang sa may sapa sa bundok. Si Jake na naliligo.

        Napangiti ang dalaga.

        Walang binatbat sina Lt. Samson, Garci at Santi kung ikukumpara kay Jake. Kahit sa panlabas na pagkilatis pa lamang ay halata na niya iyon. Iba talaga si Jake.

        At kaninang buhat-buhat siya nito, napatunayan niya kung gaano kalakas ang binata. Matangkad siya sa karaniwang babae. Mabilog na makurba ang kanyang pangangatawan. At hindi siya magaan. Ganoon pa man, naging napakadali kay Jake ang pagpangko sa kanya.

        At kaysarap ng pakiramdam niya kaninang nasa mga bisig siya nito, nakakapit sa leeg ng binata at nakahilig sa matipuno nitong dibdib. Para bang napakanatural na sa kanya ang mahimlay roon nang ganoon. Parang ayaw na niyang magpababa. Nakakawili pala iyon.

        Natigilan si Catlyn sa ilalim ng shower.

        Ano itong nadarama niya para kay Jake?

        Kahapon lang sila nagkakilala. Pero bakit parang kaytagal na nilang magkasama?

        Napakahalaga na sa kanya ng lalaking ito. May kung anong puwersang nagbibigkis sa kanila na hindi niya makalasan – at ayaw rin naman niyang kalasan.

        Hindi na niya maitatatwang bahagi na ng buhay niya si Jake. Hindi lang pagtanaw ng utang na loob ang dahilan kung bakit hindi niya ito maiwan.

        Umiibig na nga ba siya?

        Nakadama si Catlyn ng kakaibang tuwa sa ideyang iyon. Nayakap niya ang kanyang sarili.

        Napakadali ngang ibigin si Jake.

        Habang natutuklasan niya ang pagkatao nito, ang kuwento ng buhay nito, ay lalong nahuhulog ang loob niya sa binata.

        Idagdag pa roon ang matinding atraksiyong pisikal na nadarama niya para kay Jake.

        Oo nga. Umiibig na nga yata siya kay Jake.

        Lalong lumapad ang ngiti ni Catlyn. Nauwi si pigil na pagtawa. Nag-uumapaw ang kaligayahan sa kanyang dibdib.

        Gusto sana niyang magpaikut-ikot sa ilalim ng dutsa na parang nagsasayaw sa ulan, hindi lang niya magawa dahil hindi pa kaya ng kanyang paa. Gusto niyang humalakhak, nag-aalala lang siyang baka siya marinig sa labas.

        Kung wala silang kasamang iba, baka hindi niya napigilan ang sarili na lumabas ng banyo at yumakap na lang basta kay Jake.

        Tinapos niya agad ang kanyang pagpaligo. Nagtuyo siya ng sarili at nagbihis. Doon na rin siya sa banyo nagsepilyo.

        Paglabas, nakita niyang nakaupo pa rin si Jake sa malapit sa pinto ng banyo. Nag-aabang.

        Tumayo agad ito pagkakita sa kanya.

        “Okay ka lang?” tanong nito.

        Tumango si Catlyn.

        “Pero pahingi sana uli nong medical gel na ipinahid mo sa paa ko kaninang umaga,” malambing na hiling niya. “Baka kasi sumakit uli.”

        “Naku, oo nga,” sagot ni Jake.

        Nilapitan agad siya nito.

        “Huwag ka nang magsaklay at baka mapuwersang masyado iyang paa mo,” sabi nito.

        Kinuha nito ang dalawang saklay mula sa kanya at itinabi iyon nang pasandal sa dinding. Pagkatapos, basta na lamang siya pinangko ng binata.

        “Ihahatid na kita sa kuwarto mo,” sabi nito.

        “H-ha?” kumakabog ang dibdib na sambit ni Catlyn.

        Arte lang niya iyong paghingi ng gamot kay Jake. Gusto lang niyang magbakasakaling ito na rin mismo ang magpahid ng gamot sa paa niya. Hindi niya akalaing higit pa roon ang gagawin nito.

        Inilapag siya ni Jake sa kama.

        “Sandali, kukunin ko iyong gamot,” paalam nito.

        Pag-alis ng binata ay saka lang humugot ng malalim na buntonghininga si Catlyn.

        Agad naman itong nagbalik.

        “Akin na ‘yang paa mo,” sabi nito habang nauupo sa gilid ng kama.

        Si Jake nga mismo ang nagpahid ng gamot sa kanyang bukung-bukong. Maingat na maingat.

        Naging maingat din naman ito sa ibang bagay. Iniwan nitong nakabukas ang pinto ng silid niya. Para siguro hindi magkaroon ng masamang kahulugan ang pagpasok nito roon. Para rin mapanatag ang loob niya.

        Lalong nahulog ang loob ni Catlyn sa binata.

        “’Ayan, hindi na gaanong sasakit iyan,” sabi nito pagkatapos. “Mabuti nga’t medyo humupa na ang pamamaga. Umeepekto na rin siguro iyong ininom mong tabletas.”

        “Siguro nga,” sagot ni Catlyn. “Pero iba pa rin ang ginhawa nitong may gel.”

        “Di iiwan ko na sa iyo itong gel,” sabi ni Jake. “Ako naman, maliligo na rin muna. Amoy pawis na ako. Nakakahiya tuloy sa iyo.”

        “Sus, hindi naman, a,” sagot agad ni Catlyn.

        Gusto niyang idagdag na masarap pa rin itong yakapin kahit amoy-pawis. Nangako ang dalaga sa sarili na kapag may unawaan na sila’y talagang sasabihin niya iyon kay Jake.

        Tumayo ang binata at nagtungo sa may pinto.

        “Magpahinga ka na,” sabi nito. “Good night.”

        “Good night,” sagot ni Catlyn.

        Ini-lock muna ni Jake ang doorknob bago nito hinilang pasara ang kanyang pinto kasabay ng paglabas nito.

        “I love you,” pabulong na pahabol ni Catlyn.

        Pagkatapos ay nakangiting hinaplos ang kanyang bukung-bukong sa mismong lugar na hinaplos ni Jake.

        Haay, ang sarap pala talagang ma-in love.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)