Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: CATLYN Chapter 9

 

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

ISANG buwan ding nagsama sa ilalim ng iisang bubong sina Catlyn at Jake.

        Pero hindi naman sila nagsosolo. Katunayan, nadagdagan pa nga ang kanilang security detail. Nakahalili nina Garci at Santi sina BenHur o Benjamin Hortaleza at CR o Christopher Rosales.

        Para silang isang masayang pamilya kahit na hindi normal ang kanilang ‘pagkakakulong’ sa loob ng kampo.

        Ang pinakamabigat nilang kalaban ay ang pagkabagot. Para maiwasan iyon, hiniling nila kina Carol at Abe na hilaw na pagkain na lamang ang irasyon sa kanila. At nagpaligsahan sa pagluluto sina Catlyn at Jake.

        Paborito at espesyalidad pala ng binata ang lahat ng klase ng sinigang. Sinigang na baboy, sinigang na baka, sinigang na bangus, sinigang na dalag, sinigang na hipon. Sinigang na sampaloc, sinigang sa bayabas, sinigang sa miso, sinigang sa kamias. Kasama pa pati sinampalukang manok.

        Nagpasikat naman si Catlyn sa kanyang kare-kare, callos at paella.

        Ipinagmalaki ni Jake ang paggawa ng tapa, tosino at longganisa na walang salitre.

        Gumawa si Catlyn ng daing na boneless bangus at crispy pata na pagkalutung-lutong.

        “Pinakamasarap naming assignment ito,” tuwang-tuwang sabi ng kanilang security detail.

        Dinalhan sila ni Aaron ng maliit na washing machine para hindi na sila mahirapang maglaba. Inako naman ni Jake ang pag-aasikaso sa paglalaba at pati na rin ang pamamalantsa. Dagdag pa iyon sa regular nitong paglilinis ng kanilang quarters.

        “Marunong naman akong gumawa ng mga iyan, a, baka akala mo,” reklamo ni Catlyn.

        “Ako na rito,” sagot ng binata. “Magluto ka na lang. Pagalingin mo muna nang husto iyang paa mo bago mo isabak sa kung anu-anong iba pang gawain.”

        Sa pagluluto nga naman ay puwedeng nakaupo lang siya. Mababa naman kasi ang patungan ng electric stove.

        Sabay silang nanonood ng TV. May rasyon sila ng lahat halos ng diyaryo. Dinalhan din sila nina Abe ng radio-cassette recorder, VHS player at sari-saring tapes.

        Pero mas madalas ay nagkukuwentuhan lang sila.

        Naikuwento na tuloy nila sa isa’t isa ang halos lahat ng detalye ng kanilang buhay – ang mga katatawanan, ang mga trahedya, pati na rin ang kanilang mga pangarap.

        Ipinaliwanag ni Catlyn kay Jake ang mga pasikut-sikot ng negosyong trading.

        “Ito ang pinakamagandang negosyo sa tantiya ko dahil puwedeng pasukin kahit na walang kapital,” sabi pa ng dalaga. “Talagang kakayahan mo lang sa sales ang pinakamahalaga. Kapag nakumbinse mo ang customer, diretso na ang bayad niya sa iyong principal source. Ang delivery, diretso rin mula pier patungo sa customer. Maghihintay ka na lang ng remittance ng komisyon mo. Siyempre, pipili ka rin ng principal na hindi manloloko. Iyong hindi ka iisahan.”

        “Parang napakasimple lang kung ipaliwanag mo,” sabi ni Jake.

        “Simple lang namang talaga,” sagot ni Catlyn. “Kayang-kaya mo nga ring pasukin ito lalo na kung sa produktong kabisado mo. Gaya halimbawa ng pagbebenta ng mga security devices na pang-industrial use. Nasa linya mo iyon, hindi ba?”

        “Pero paano namang makakahanap ng principal ang isang tulad ko?” tanong ni Jake. “Wala naman akong contact abroad.”

        “Puwede kang mag-research sa mga embassy dito sa atin,” sagot ni Catlyn. “May mga listahan sila ng mga kompanyang interesadong makipagkalakalan. Parang yellow pages ng international trade. Naka-classify pa iyon batay sa produktong binebenta ng bawat kompanya. Padalhan mo lang ng letter of inquiry ang mga mapipili mo. Siguradong padadalhan ka na nila ng kumpletong impormasyon kung wala pa silang exclusive agent sa Pilipinas.”

        “Ganoon lang?” sabi ni Jake.

        “Kung interesado ka, tutulungan kita,” pangungumbinse ni Catlyn. “Mas maganda ang ganito. Sariling negosyo mo.”

        “Sige, pag-aaralan ko,” tango ng binata.

        Nang mga sumunod na araw nga’y nagpadala si Catlyn kina Carol at Abe ng mga reference materials na puwedeng pag-aralan ni Jake. Mga babasahin tungkol sa business requirements ng pamahalaan. Mga files ng business correspondence na puwedeng tularan ang porma.

        Tuwang-tuwa rin naman ang mag-asawa sa ipinapakitang interes ng binata. Nagdala pa tuloy si Abe ng laptop computer na puwedeng pagpraktisan ni Jake.

        “Naku, wala akong alam sa computer,” tanggi ng binata.

        “Word processing lang naman ang una mong kailangang matutunan,” sagot ni Catlyn. “At dahil dati ka nang marunong magmakinilya, madali mo nang matututunan ito.”

        Siya ang naging computer instructor ni Jake. At sa pangalawang araw pa lang ay nakagawa na ng business letter ang binata sa laptop.

        Kasunod niyon ay nagdala naman sina Abe ng mini-printer.

        “Para akong nagkokolehiyo, a,” sabi ni Jake.

        Nang malaman ni Greg Garchitorena ang tungkol kina Catlyn at Jake, agad sila nitong dinalaw sa kampo. Unang linggo pa lang nila iyon doon.

        Bukod sa pamilya Mesias, sa mga abogado at sa mga awtoridad, si Greg Garchitorena lang ang nakakaalam ng tungkol kina Catlyn at Jake.

        “I’m very sorry about what happened, iha,” sabi nito pagkakita sa dalaga. “Diyos ko, hindi ko akalaing magiging kapahamakan mo pala iyong pangungumbida namin sa inyo.”

        “Wala naman ho kayong kasalanan sa nangyari, Mr. Garchitorena,” sagot ng dalaga.

        “Alam mo bang takot na takot si Gwen nang malaman niya ang nangyari?” pagkukuwento ng matanda. “Halos ayaw na ngang lumabas ng bahay.”

        “Mabuti na nga ho ang nag-iingat,” sagot ni Catlyn. “Lalo pa ngayong hindi pa nahuhuli ang grupong iyon.”

        “Nagsabi na ako na magbibigay ako ng full support sa manhunt na ito,” pahayag ni Greg. “Kung kailangang mag-offer ng cash reward para sa makapagbibigay ng impormasyon leading to their arrest, handa akong mag-donate ng kahit ilang milyong piso. Iyong iba pang logistical needs para sa operasyon, aakuin ko para lang mapabilis ang trabaho. Kailangang mahuli na agad ang mga ulupong na iyon.”

        Binalingan nito si Jake na kanina pa naipakilala sa matandang industriyalista.

        “Oo nga pala, iho, may ipapakiusap ako sa iyo,” sabi ni Greg. “Pagkatapos ng lahat ng ito, puwede mo kaya akong matulungan bilang security consultant? Maganda ang background mo na nadagdagan pa nitong karanasang ito. Gusto kong magpatulong sa iyo sa pag-evaluate ng aming mga kasalukuyang security arrangement sa pamilya at sa iba’t iba naming kompanya. You’ll be working directly with me. Puwede kaya?”

        “H-ho?” gulat na sagot ni Jake. “Naku, oho. Maraming salamat ho sa pagtitiwala ninyo sa kakayahan ko.”

        Natawa si Greg Garchitorena.

        “Jake, sino pa ba naman ang hindi magtitiwala sa iyo?” sagot ng matanda.

        Pag-alis ng industriyalista, agad na nagtanong si Catlyn.

        “Tatanggapin mo ba ang job offer niya, Jake?”

        “Ako pa ba ang tatanggi?” Sagot ng binata. “Wala naman akong pagpipilian. At malaking karangalan na pagkatiwalaan niya ako nang ganoon.”

        “Paano itong pinag-uusapan nating business mo?” tanong pa ni Catlyn.

        “Patuloy ko pa rin itong pag-aaralan at pagpaplanuhan,” sagot ni Jake. “Pero iba na siyempre iyong kumikita na muna ako. Iyong sumusuweldo nang regular. Kailangang makapag-ipon man lang ako nang kahit paano bago ko pagtangkaang simulan itong pagnenegosyo.”

        “Kunsabagay,” parang napipilitang pagsang-ayon ng dalaga.

        Masama kasi ang loob niya. Buong akala niya’y mahahatak na niya si Jake na maging kasosyo sa itatayo niyang trading company. Aalukin sana niya itong maging partner. Kanya-kanya sila ng tututukang mga produkto. Kanya-kanya ng specialization.

        Pero naunahan siya ng alok ni Greg Garchitorena.

        Hindi pa rin ganap na sumuko si Catlyn.

        “Basta kapag handa ka nang mag-business, sabihan mo lang ako,” bilin niya kay Jake. “Ako naman ang nagboboluntaryong maging all-around consultant mo.”

        “Siyempre naman,” sagot ng binata. “Kanino pa ba ako babaling?”

        “Sana nga mahuli na ang mga demonyong iyon at matapas na itong kaso natin para makapamuhay na tayo nang normal sa labas,” himutok ni Catlyn. “Para matuloy na ang mga balak natin.”

        Hindi nila akalain na sa loob ng isang buwan ay mareresolba na nga ang lahat ng iyon.

        Una munang nahanap ng mga imbestigador nina Atty. Rivera at Atty. Feleo ang mga tagapagligtas ni Jake na sina Mang Gorio at Francing. Ang mga ito na rin ang nagturo sa kinaroroonan ng albularyong si Ka Miguel.

        Agad na nagpahayag ang tatlo ng kanilang mga testimonya sa mga awtoridad. Pumayag din ang mga ito na muling tumestigo sa korte kapag kinailangan.

        “Matibay na ang ebidensiyang hindi ka sangkot sa nakawan sa Ivory Ceramics at iba pang krimen nina Hernandez, Jake,” sabi ni Atty. Feleo. “Isa na lang ang problema natin. Iyong pagkuha mo ng firearms sa Diamond.”

        “Aminado naman ako roon, Attorney,” sagot ng binata. “Tatanggapin ko ang nararapat na parusa kung kinakailangan. Ang mahalaga lang ay mahuli muna sila. Bahala na kung magsama-sama man kami sa bilibid.”

        Hindi nagtagal at nahuli nga ang grupo ni Hernandez.

        Nakatulong nang malaki ang mga tip na ibinigay ni Jake sa mga awtoridad. Dahil doon ay natunton agad at naaresto si Carding, na agad ding nangumpisal sa lahat ng nalalaman.

        Ginamit ang impormasyong bigay ni Carding sa magkakaugnay na surveillance na isinagawa ng militar sa maraming mga lugar na may kaugnayan sa iba pang miyembro ng grupo. Isa-isang natagpuan ang naghiwa-hiwalay na sina Gabo, Meloy at Baltik. Pero hindi agad inaresto ang mga ito. Bawat isa ay sinubaybayan hanggang sa muling magsama-sama at makipagkita sa pinunong si Hernandez.

        Sa Zambales nahuli ang grupo.

        Saka pa lamang inihayag ng mga awtoridad ang buong pangyayari sa madla.

        Isa sa mga unang tumugon ang may-ari ng Diamond Security Agency, ang retiradong si Gen. Dario.

        Malaki ang galit ng retiradong heneral sa grupo ni Hernandez dahil sinira ng mga ito ang kredibilidad ng ahensiya na nasa bingit na tuloy ng pagka-bankrupt.

        Nang malaman nito ang tungkol kay Jake ay agad na nagpahayag ang matanda.

        “Hindi ako magrereklamo laban kay Jake Lozano. As far as I am concerned, kinuha niya ang mga armas na iyon with my blessings. Lisensiyado naman siyang dalhin ang mga iyon at gamitin laban sa krimen. Kung tutuusin ay hindi rin naman talaga niya nagamit.”

        Ganap na napawalang-sala si Jake.

        Nagbigay ng testimonya sina Jake at Catlyn laban sa grupo ni Hernandez. Pero higit na naging mapagpasya ang mga pangungumpisal ng mismong mga miyembro ng grupo. Sila-sila na ang nagdiin sa bawat isa, lalo na sa kanilang pinuno, sa pag-asang mapagaan ang sariling kasalanan.

        Nakalaya na rin sina Catlyn at Jake sa witness protection program.

        “Sa amin ka muna tumuloy, Jake,” pangungumbida ni Abe.

        “Salamat ho,” sagot ng binata. “Pero may quarters ding naghihintay sa akin kina Mr. Garchitorena. Kasama raw iyon sa trabahong inialok niya. Doon na raw ako tumuloy magmula rito.”

        “Well, natutuwa naman kami at may maganda kang trabahong napasukan, anak,” sabi ni Carol.

        Nakagawian na nitong tawaging ‘anak’ ang binata – bagay na ikinatutuwang marinig ni Catlyn sa tuwina.

        Pero sa mga sandaling iyon ay bagsak na bagsak ang loob ng dalaga.

        “Doon ka na agad tutuloy?” sabi niya.

        Inaasahan kasi niyang makakasama pa niya si Jake sa bahay nila sa Project 6. Balak nilang mag-anak na ipagamit na sa binata ang isa sa mga dating silid nina Aaron, Adrian at Alan.

        “Kailangan ko na kasing magsimulang magtrabaho agad,” paliwanag ni Jake. “Nakakahiya kay Mr. Garchitorena. Binigyan na nga niya ako ng tatlong buwang advance sa suweldo. At ngayong may trabaho na ako, nakakahiya nang mang-abala pa lalo sa inyo.”

        “Abala?” nakataas ang kilay na ulit ni Catlyn. “Ganyanan na ba tayo ngayon? Naku, ha, mapipikon ako niyan.”

        “Oo nga naman,  Jake,” sabi ni Carol. “Kahit kailan, huwag mong iisiping abala ka sa amin. Kung hindi ay iisipin  naman naming hindi mo tinatanggap ang pagiging miyembro na rin ng pamilyang ito.”

        “S-sige ho,” namumulang sagot ng binata.

        “Okey lang na doon ka tumira sa mga Garchitorena kung iyon ang kailangan sa trabaho mo,” pagpapatuloy ng matrona. “Pero aasahan naming dadalaw ka rin naman sa amin sa bahay o sa opisina. Alam mo naman ang mga address at phone numbers doon.”

        “O-oho,” sagot ni Jake.

        Ipinasundo ni Greg Garchitorena sa isang kotse ang binata.

        Nang maghihiwalay na sila, parang maiiyak si Catlyn.

        “Mami-miss ko ang luto mo,” sabi ni Jake.

        “E di pumunta ka sa bahay para maipagluto kita,” sagot niya.

        Ngumiti lang si Jake at hinaplos siya sa buhok.

        “Ingat,” sabi nito.

        “Ikaw rin,” sagot niya.

Inalalayan pa siya ni Jake pasakay sa kanilang van.

        At nang umandar iyon at naiwan si Jake, pakiramdam ni Catlyn ay naiwan na rin sa binata ang kanyang puso. Napalitan yata iyon ng napakabigat na bato na nagpapasikip sa kanyang dibdib.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)