Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: CATLYN Chapter 1

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

Abakadang Pag-ibig: Alexandra

Abakada ng Pag-ibig: Bianca


Abakada ng Pag-ibig: CATLYN


by Maia Jose

 

Copyright Maria Teresa C. San Diego

All Rights Reserved

 

Published in print by Valentine Romances

Books for Pleasure, Inc.

First Printing 1998

 

ISBN: 971-502-852-7

 

TEASER:

 

        Dahil napagkamalang anak ng bilyonaryo, nakidnap si Catlyn. At sa kanyang pagtatangkang makatakas, nakatagpo niya si Jake.

        Pero magtitiwala ba siya sa isang estranghero sa gitna ng kabundukan at kagubatan? Maaari bang maging isang knight in shining armor ang binatang nagtatago rin pala sa batas?

        At bakit doon pa – sa gitna ng panganib – nasumpungan ni Catlyn ang pag-ibig?

 

CHAPTER 1

 

SABADO ng hapon. Nagpupulong sa tanggapan ng Mesias Traders ang mag-asawang Abe at Carol Mesias at ang bunsong anak ng mga ito na si Catlyn.

        Nagsasalita si Abe, ang chief executive officer ng kompanya at padre de pamilya.

        “If you can swing this deal, Catlyn, we’ll give you your freedom. Papayag na kami sa proposal mong magtayo ng sarili mong trading company.”

        “Talaga, ha, daddy?” paniniguro ng dalaga.

        “Pinag-aaralan na namin ng daddy mo at ng mga kuya mo ang iyong project proposal at feasibility study,” sagot ni Carol. “May mga kailangan pang pinuhin pero on the whole, it looks promising. At least, it looks manageable dahil magsisimula ka sa maliit lang muna.”

        “But first, I have to clinch the deal with the Garchitorenas,” dugtong ni Catlyn. “I can do that. Sa palagay ko, na-impress naman si Mr. Garchitorena sa ginawa kong product presentation last week. Hihirit na lang iyon ng discount. Mapag-uusapan na namin iyon this weekend sa Quezon.”

        “Talaga bang gusto mong paunlakan ang imbitasyon nila?” tanong ni Abe. “Puwede namang sa opisina mo na lang puntahan si Greg next week.”

        “Dad, ikaw nga ang nagturo sa amin ng kahalagahan ng PR, hindi ba?” paalala ng dalaga. “Malaking bagay na kinumbida tayo nina Mr. and Mrs. Garchitorena sa kanilang vacation house for the weekend. Ibig sabihin, nakuha natin ang loob nila. Hihiyain pa ba naman natin sila?”

        “May mahalaga kasi kaming meeting sa Concepcion Industries sa Sabado ng umaga, Catlyn,” sabi ni Carol. “That means after lunch na tayo makakapagbiyahe. Uuwi naman tayo ng Sunday afternoon. May panahon pa bang pag-usapan ang negosyo sa ganoon kasikip na schedule? Siyempre, makikipag-chika-chika pa tayo roon.”

        “No problem,” sagot ni Catlyn. “Friday to Sunday naman ang imbitasyon nila. Mauuna na lang ako roon sa Biyernes ng umaga. Tutal naman, ako ang responsable sa business talk. Pagdating n’yo, kayo naman ang bahala sa chika-chika.”

        “Are you sure?” tanong ni Abe.

        “Kayang-kaya, Dad,” may pagmamalaking paniniguro ng dalaga.

 

ALAS-SINGKO’Y medya ng hapon ding iyon, nagmamaneho na si Catlyn mula sa kinaroroonan ng kanilang opisina sa Ortigas pauwi sa Project 6, Quezon City.

        Pero hindi pa siya uuwi sa bahay. May tutuluyan pa siyang salu-salo nilang magkakabarkada.

        Apat silang magkakabarkadang babae – siya, si Alexandra, si Bianca at si Desiree. ABCD. Makakasunod sa alpabeto ang mga unang titik ng kanilang pangalan – dahilan para sila pagtabi-tabihin sa iisang mesa ng kanilang naging guro noon sa pre-school. Doon sila unang nagkakila-kilala at naging matalik na magkakaibigan.

        Hanggang ngayon ay buo pa rin ang kanilang barkada, kahit nakapag-asawa na ang dalawa.

        Ang napangasawa ni Alexandra ay ang kapitbahay nito’t kababatang si Edric, na naging kababata rin nila. Ang napangasawa naman ni Bianca ay si Paolo, pinsang buo ni Catlyn.

        Sina Alexandra at Edric ang nangumbida sa hapunan, sa bagong townhouse ng mag-asawa doon din sa Project 6. Lahat sila’y sa lugar na iyon nakatira. Hindi kalayuan sa isa’t isa.

        Nakangiti si Catlyn nang ihimpil niya ang kanyang Honda Civic sa tabing daan sa gilid ng townhouse compound nina Alex. Masayang-masaya siya. Paano nga naman, maganda na ang naging resulta ng pulong nilang mag-anak sa opisina ay makakasama pa niya ngayon ang pinakamamahal niyang mga kaibigan. Balanseng-balanse na ang kaligayahan niya.

        Si Desiree ang nagbukas ng gate makaraan siyang mag-doorbell.

        “Ikaw na lang ang hinihintay namin,” sabi agad nito.

        “Galing pa ako sa Ortigas, e,” paliwanag niya. “Bakit, gutom na ba kayo? Past six pa lang, a.”

        “Hindi iyon,” iling ng kaibigan. “Actually, lumabas nga uli si Edric para bumili ng tube ice at parating pa lang din si Paolo. Mamaya pa tayo maghahapunan pagdating nila. Pero may ikukuwento raw si Alex at ayaw simulan hangga’t hindi tayo kumpletong mga girls.”

        “Ganoon ba?” naiintrigang sabi ni Catlyn. “Di tayo na sa loob.”

        “Hay, salamat, andito ka na,” sabi ni Bianca pagkakita sa kanya. “Bitin na bitin na kami ni Des dito kay Alex, e.”

        “Ay talaga namang dapat lang na hintayin n’yo ako, ano?” sagot ni Catlyn. “O, ngayon, sige, game na, Alex. Ano ba iyong nakakaintrigang ikukuwento mo?”

        “Maupo ka nga muna, hoy,” natatawang sagot ni Alexandra. “Ni hindi ka pa nga nakapagbaba ng bag, e.”

        Hinablot na ni Bianca ang bag ni Catlyn at iniitsa sa center table, sabay hila sa kanya paupo sa tabi nito sa sopa.

        Sumunod din ng upo sa tabi niya si Des.

        “O, heto na kaming tatlo,” sabi ni Desiree kay Alexandra. “Shoot.”

        Tumawa uli si Alexandra. Pagkalutung-lutong na tawa.

        “O, sige na nga,” sabi nito pagkaraka. “Heto ang sorpresa – I’m pregnant! Magkaka-baby na kami!”

        “Aaaaay!” halos sabay-sabay na tili nina Catlyn, Bianca at Desiree.

        Nag-unahan pa sila sa pagtayo at pagyakap kay Alex. Pinagkulumpunan nila ito.

        “Kailan mo pa nalaman?” tanong ni Catlyn.

        “Ilang buwan na iyan?” kasabay na tanong ni Bianca.

        “Ano’ng gusto n’yo, girl o boy?” tanong naman ni Desiree.

        Nagtaas ng dalawang kamay si Alexandra.

        “Isa-isa lang,” tumatawa pa ring sagot nito. “Kahapon namin na-confirm. One month and a half na raw. At babae man o lalaki, okay sa amin ni Edric. Kahit pa nga one of each.”

        Tawanan sila.

        “Ang tagal din bago kayo nakabuo, ano?” sabi ni Desiree pagkatapos. “Mahigit isang taon na mula noong ikasal kayo, a.”

        “Paano, lagi akong tagtag sa location shooting at mga sosyalan,” sagot ni Alex. “Pero nagsabi na kami kahapon kay big boss – kay Mr. Gotiangko. On leave na muna ako magmula ngayon hanggang two months after makapanganak ako. Tutal naman, marami na kaming nagawang advance promo materials na magagamit nila habang nagpapahinga ako.”

        Image model kasi si Alexandra ng New Haven Spa Hotel chain. Photographer at artistic director naman si Edric ng advertising company na siyang humahawak sa promotions ng naturang hotel.

        “Mabuti naman at very understanding ang ninong ninyo sa kasal,” sabi ni Bianca. “Ako kaya, kailan mabubuntis?”  

        “Wala pa nga kayong isang taon ni Paolo, e,” sagot ni Catlyn. “Ikaw talaga, laging nagmamadali. I-enjoy n’yo muna ang inyong extended honeymoon.”

        “Oo nga pala,” pabungisngis na sang-ayon na rin ni Bee. “May part two pa nga pala ang honeymoon namin. Ipapasyal pa niya ako sa States habang inaasikaso niya ang kanyang final transfer dito.”

        “Baka doon kayo makabuo,” sabi ni Alex.

        Nagkibit-balikat si Bianca.

        “Puwede,” sagot nito. “Pero dito pa rin ako manganganak. Gusto namin, Filipino citizen agad ang baby namin.”

        “Ganyan ka na ngayon, ha?” kantiyaw ni Desiree.

        Paano naman kasi, dati ay gustung-gusto ni Bianca na maging American citizen. Iyon nga ang dahilan kung bakit nagpakasal ito kay Paolo, na isang balikbayan. Pero ang nagsimula bilang marriage of convenience ay nauwi sa totohanang pag-iibigan. At ngayo’y ayaw na ni Bee na maging Amerikana. Ang asawa nama’y nag-a-apply na maging Filipino citizen kahit ipinanganak sa Amerika.

        “Talaga!” sagot ni Bianca. “Loyal Pinoy na ako ngayon. Ang dami ba namang ikinuwento sa akin si Paolo tungkol sa hirap ng buhay sa States. Ayoko nang tumira doon. Tama na ‘yung maipasyal niya ako roon nang minsan.”

        “Sana maipasyal din ako ni Arman abroad,” parang pangangarap ni Desiree. “Sana sa honeymoon namin.”

        Nagtatrabaho kasi sa ibang bansa ang matagal nang boyfriend ni Des na si Arman. Nagsimula ito sa Middle East at nalipat sa isang cruise ship na bumibiyahe mula Estados Unidos paroo’t parito sa Caribbean.

        “Hindi malayong mangyari iyon,” sagot ni Catlyn. “Lalo na sa trabaho ni Arman ngayon. Malamang ay mag-honeymoon kayo sa cruise ship nila.”

        Pagkatapos, naalala niyang siya na lang pala itong walang boyfriend sa kanilang magkakaibigan. Pero hindi naman siya tulad ni Desiree na sabik na sabik nang magpakasal at lumagay sa tahimik. Wala pa sa priorities niya ang usaping pakikipagnobyo, lalo pa ang mga usapin ng kasal, honeymoon at pagkakaroon ng baby. Ang mas pinananabikan niyang maganap ay ang pagtatayo niya ng sarili niyang trading company.

        “May ikukuwento rin nga pala ako sa inyo,” bigla tuloy niyang naibulalas sa mga kaibigan. “Baka malapit na ring matuloy itong pet project ko. Pumayag na sina Daddy at Mommy na magsarili ako ng kompanya. May kailangan lang akong maisarang business deal.”

        “Uy, finally,” sabi ni Alexandra. “E di para ka ring magkaka-baby niyan.”

        “Oo nga, e,” natatawang amin niya. “Para talagang baby ko itong project na ito. At kapag nagtuluy-tuloy, matutupad din iyong balak namin ni Bee na ako ang tatayong international distributor ng mga magiging produkto niya.”

        “Of course,” sabi ni Bianca. “Full blast na nga ang pagri-research ko para sa aking skin care products. At pagpunta namin ni Paolo sa States, mamimili na raw kami ng mga kakailanganin kong laboratory equipment.”

        Chemist palibhasa si Bee at naghahandang lumikha ng sariling mga produktong pampaganda na gawa sa lokal na mga halamang gamot at iba pang natural ingredients.

        “Habang sini-set mo pa iyan, magko-concentrate naman muna ako sa local distribution ng aking mga imports,” paliwanag ni Catlyn.

        “Talang buung-buo na ang plan of action mo, ha?” pansin ni Desiree.

        “Oo naman siyempre,” sagot niya. “Hindi ko mapapapayag sina Daddy kung hindi detalyado ang aking proposal. Masyadong metikuloso ang mga iyon. Kaya nga pati itong final deal na pinasasara nila sa akin, sisiguruhin kong magandang-maganda ang kalalabasan.”

        “Malaki siguro iyan, ano?” sabi ni Alexandra. “Gagawin ba namang basis para sa pagsasarili mo.”

        “Malaki,” tango ni Catlyn, “Garchitorena Industries ang kliyente. Bukod sa makinaryang pampabrika, may consummables pa na tuluy-tuloy nilang gagamitin at tuluy-tuloy ding pagkakakitaan ng Mesias Traders. Long-term relationship pag nagkataon. Kaya nga this weekend, pupunta kami sa resthouse ng mga Garchitorena sa Quezon. Alam n’yo na, PR kasabay ng negosasyon sa diskuwento.”

        “Bilib na talaga ako sa iyo pagdating sa sales, Cat,” sabi ni Bianca. “Ako, suko na ako riyan. Tututok na lang ako sa aking product development at ipagkakatiwala ko na sa iyo ang marketing and sales ng mga produkto ko pagdating ng panahon.”

        “Ako naman ang image model ng products mo, ha, Bee?” pagboboluntaryo ni Alex. “Kahit nanay na ako. At kay Edric mo na rin ipagawa ang advertising mo.”

        “E sino pa nga ba?” sagot ni Bianca. “O, ikaw naman, Des, ano’ng papel ang gusto mo?”

        “Ako na lang ang kostumer mo,” sagot ni Desiree. “Malamang, by that time, housewife and mother na ang papel ko sa buhay. Gagamitin ko na lang na pampaganda ang mga produkto mo para lalong ma-in love sa akin si Arman at hindi na makaisip na magtrabaho uli sa malayo.”

        Tawanan sila.

        Alas-siyete dumating si Edric. Halos kasunod lang si Paolo. Pero maghahatinggabi na nang maghiwa-hiwalay ang magkakaibigan. Parang hindi sila mauubusan ng mga pagkukuwentuhan at pagtatawanan.

 

ANG orihinal na usapan ay susunduin si Catlyn ng Mercedez Benz van ng mga Garchitorena nang Biyernes ng alas-sais ng umaga para magbiyahe patungong Buenavista, Quezon.

        Huwebes ay tinawagan siya ng social secretary ng industriyalista.

        “Miss Mesias, there’s been a change of plans. Magbibiyahe na lang daw kayo nina Miss Gwen by helicopter kaya hindi na kailangang alas-sais ng umaga ang alis. Susunduin ka na lang ng van nang alas-onse at dadalhin sa helipad ng Garchitorena Towers sa Makati.”

        Ang tinutukoy nitong si Gwen ay ang bunsong anak na dalaga ng mga Garchitorena na kaedad ni Catlyn. Magsasabay dapat sila sa pagpunta sa Quezon. Huwebes pa lang kasi ay bibiyahe na ang mag-asawang Garchitorena.

        “Naku, takot akong sumakay ng helicopter,” sagot ni Catlyn. “Paano ba ‘yan?”

        “Ganoon ba?” sabi ng sekretarya. “Well, if you prefer the original plan, we can still take you to the hacienda by land. Ituloy na lang natin iyong pagsundo sa iyo nang six in the morning. Is that okay?”

        “Sige, ganoon na nga lang,” sagot ni Catlyn.

        At lihim pa siyang nagpasalamat na hindi niya makakasama sa biyahe si Gwen.

        Nakilala na ni Catlyn si Gwen Garchitorena at nakasama pa nga sa dalawang pagkakataon – minsan sa dinner kung saan kinumbidahan ng pamilya Mesias ang pamilya Garchitorena at minsan nang abutan niya ito sa opisina ni Greg Garchitorena. Sa parehong mga pagkakataon ay napatunayan niyang magkaibang-magkaiba sila ng ugali at mahirap na maging malapit na magkaibigan.

        Sosyal na sosyal kasi si Gwen. Walang bukambibig kundi fashion o kaya nama’y mga tsismis tungkol sa mga kapwa socialite. Hindi ito nakikialam sa negosyo ng pamilya. Kampante naman kasi ito na ang mga magulang at mas nakatatandang mga kapatid na ang bahalang mamahala sa mga negosyo nila.

        Ang kakatwa, magkasalungat man sina Catlyn at Gwen sa pag-uugali ay may malaking pagkakahawig naman sila sa hitsura. Halos magkapareho sila ng tangkad at pangangatawan. Magkakulay ang kanilang balat, parehong maputi at makinis. Magkatulad ang mahaba, makapal at kulot nilang buhok. Pareho silang mestisahin. Mas matapang lang ang mukha ni Gwen at mas maamo naman ang ganda ni Catlyn.      

Hindi napupuna ni Catlyn ang pagkakahawig nilang iyon. Para sa kanya ay magkaibang-magkaiba talaga sila ni Gwen sa lahat ng bagay. Paano silang magiging magkahawig samantalang kahit sa bihis at pag-aayos na nga lang ay magkaiba na sila?

        Si Gwen ay laging nakasuot ng designer clothes. Pati bag nito, sapatos, wallet, sunglasses at iba pang mga abubot ay panay imported at may mamahaling brand names. Araw-araw ay iba’t ibang mga alahas ang nakaadorno rito. At lagi itong naka-full make up.

        Ang suot naman ni Catlyn nang magbiyahe patungong Quezon ay napaka-casual. Kulay asul na long sleeved cotton polo na nakalilis ang manggas at nakapaloob sa pantalong maong. Scarf na pinulupot at ginamit bilang sinturon. Itim na Mojo sandals. Panay lokal.

        Nakalugay ang kanyang buhok at wala siyang make-up. Ang tanging alahas niya’y maliit na gold hoops sa kanyang tainga, college ring at relong Swatch.

        Sakaling medyo pormal ang mga hapunan ng mga Garchitorena ay nagbaon siya ng dalawang magkaternong pantalong seda at pang-itaas na sleeveless (isang pares na itim at isang pares na royal blue) at makintab na itim na flat pumps.

        May dala pa siyang dalawang pantalong maong at dalawang polo. Tama na iyon dahil uuwi na naman sila sa Linggo ng hapon.

        Maliit nga lang ang dala niyang travelling bag.

        “Tumawag ka rito pagdating mo roon,” bilin ni Carol bago sumakay ang anak sa sundo niyang van.

        “Yes, Mommy,” sagot niya. “Dala ko naman ang cellphone ko.”

        Kinausap pa ni Carol ang nagmamaneho ng van – na nagpakilala bilang si Mang Gener, kuwarenta’y singko anyos at matagal na raw na nagmamaneho para sa mga Garchitorena.

        “Mag-iingat ho kayo sa biyahe,” sabi ng matrona.

        “Oho, ma’am,” sagot ng tsuper. “Kabisado ko ho ang rutang iyon.”

        Naisip ni Catlyn, nahahawa na yata siya sa pagkanerbiyosa ng mommy niya. Paano’y parang kinakabahan din siyang hindi niya mawari.

        “Tutuloy na kami, Mommy,” pagmamadali na niya para matapos ang mahabang paalaman. “Don’t worry. Basta hihintayin ko kayo roon bukas, ha?”

        “We’ll be there,” pangako naman ni Carol.

 

SANAY nga si Mang Gener na ipinagmamaneho ang mismong pamilya Garchitorena. Kaya pati baon nitong mga CD ay panay class at masarap pakinggang jazz music. Hindi tuloy nabagot si Catlyn sa biyahe kahit dadalawa lang sila.

        Sa simula ay nakipagkuwentuhan muna siya kay Mang Gener. Nakipagpalagayang-loob. Nang kumportable na sila sa isa’t isa, hindi na siya nahiyang humingi ng diskargo para maidlip muna.

        “Naku, sige lang, Miss Catlyn,” sagot nito. “Relax ka lang diyan. Huwag mo akong alalahanin.”

        Hindi naman natulog ang dalaga sa kabuuan ng biyahe. Pagising-gising din siya. Pero kung minsan, kahit gising siya ay nananatili siyang nakapikit, nagmumuni-muni.

        Excited na siya sa kalalabasan ng pag-uusap nila ni Greg Garchitorena. Sigurado siyang sa susunod na linggo ay mapapapirma na niya ito ng kontrata. At masisimulan na rin niya ang pag-aasikaso sa mga papeles ng kanyang itatayong kompanya.

        Noong bagong kapagtatapos lang niya  sa kolehiyo, dalawang taon na ang nakakaraan, ay ayaw sana niyang magtrabaho sa Mesias Traders. Aniya’y wala nang hamon sa sariling family corporation. Siyempre pa’y malalagay na agad siya sa mataas na puwesto na walang kapagud-pagod.

        Kaya naman pinagbigyan siya ng kanyang daddy. Kung gusto raw niya ng hamon ay bibigyan siya ng hamon. Ginawa siyang simpleng sales representative. Minimum wage. May komisyon nga pero kakapiranggot – five percent. Kailangang may abutin pa siyang sales quota para umakyat iyon sa ten percent. At ang hawak niyang produkto, lubricants. Bukod sa napakaraming kakumpitensiya ay mahirap pang ibenta ng isang bagitong dalagang tulad niya dahil panay mga pabrika ang kailangang puntahan at maintenance men ang kailangang kausapin.

        Doon natuto nang husto si Catlyn.

        Kunsabagay, kahit maykaya ang kanilang pamilya ay hindi sila pinalaking spoiled na magkakapatid. Palibhasa hands-on ang kanilang mga magulang sa negosyo ay ipinamulat din ng mga ito sa kanila ang kahalagahan ng sipag at tiyaga sa paghahanapbuhay. Kaya nga siya naghahanap ng hamon.

        At napagtagumpayan naman niya ang hamong iyon. Pagkaraan ng sandaling adjustment period ay na-triple ni Catlyn ang kanilang benta ng lubricants sa Novaliches-Malabon area. Kahit baha ay inilulusong niya roon ang service vehicle niyang Nissan double cab pick-up. Bukod sa sales calls at demo, siya pa rin mismo ang nagdedeliver at naniningil.

        Magmula noon ay dumami na ang mga produktong ipinahawak sa kanya nina Abe at Carol. Pati ang kanyang mga Kuya Aaron, Kuya Adrian at Kuya Alan ay napabilib niya.

        Ngayo’y may mga tauhan nang sinu-supervise si Catlyn para sa karamihan sa kanyang mga hawak na product lines. Iyong mga pinakamahahalagang accounts na lamang ang personal niyang minimintina.

        At dahil sa palagay niya ay nakakuha na siya ng sapat na karanasan at nakapag-ipon ng magagamit niyang pangkapital, nagpaalam ang dalaga sa pamilya na magsasarili na ng kompanya.

        Marami na siyang nakahilerang mga produkto na nais niyang angkatin mula sa ibang bansa – mga produktong tinanggihan ng kanyang mga magulang at kapatid dahil hindi naman daw ganoon kalaki ang kanilang kikitain. Iba ang pananaw ni Catlyn. Alam niyang mapapalago niya ang kanyang sariling negosyo nang kahit paunti-unti sa ganoong paraan.

        Ang pinili niya ay iyong mga produktong hindi pa ginagawa sa Pilipinas. Wala siyang matatapakang lokal na negosyo. Makatutulong pa siya sa pangangailangan ng kanyang mga kababayan.

        At tulad ng sinabi niya kina Bianca, balak din niyang maging distributor ng mga lokal na produkto sa ibang bansa. International trading ang papasukin niya.

        A, hindi magtatagal at mapapatunayan na rin niya ang kanyang mga business strategies.

        Dakong alas-onse ay nagtanong si Catlyn kay Mang Gener.

        “Malapit na ho ba tayo?”

        Panay gubat na kasi ang nakikita niya sa magkabila ng highway.

        “Mga kuwarenta’y singko minutos na lang, Miss Catlyn,” sagot nito.

        Paliko sila noon sa isang blind curve. At sabay silang nagulat nang bigla nilang makita ang dalawang van na nakaharang sa kalye.

        Biglang napapreno sa Mang Gener.

        “Banggaan ho?” tanong ni Catlyn.

        Bago nakasagot ang drayber ay may biglang nagsulputan sa paligid ng kinalululanan nilang van. Apat na lalaking armado, may mga telang nakabalot sa ulo. Mga mata’t bibig lang ang nakalitaw.

        Hindi pa man nakakasigaw si Catlyn ay pumuwesto na ang isang lalaki sa harap ng van. Basta na lang nagpaputok ng baril.

        Pakiwari ni Catlyn ay slow motion ang nakita niyang pagsabog ng windshield at pagkalugmok ni Mang Gener sa manibela.

        Sa matinding shock ay ni hindi na niya alam na nagtititili na pala siya.

        Hanggang sa magdilim na lamang ang kanyang  paligid.


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento