FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
TUMAWAG si
Desiree sa opisina.
“May itatanong lang ako kay Brad, Siony,”
sabi niya sa kanilang sekretarya.
“Naku, hindi rin nakapasok,” sagot ng
babae. “Hindi rin naman nakatawag. Malamang, nagtuluy-tuloy na ang trangkaso.
Kahapon pa masama ang katawan niya, hindi ba?’
Nag-alala si Desiree. Alam niyang
nag-iisa lang ang kaibigan sa bahay.
Bigla siyang nagpasyang puntahan ito.
Malapit lang naman ang Project 8.
Medyo nahirapan pa siyang hanapin ang
kina Brad. Address lang kasi nito ang alam niya. Hindi pa siya nakakapunta sa
bahay nito. At hindi niya kabisado ang Project 8.
Pero nakarating din naman ang dalaga.
Pinindot niya ang buzzer. Sandali lang.
Ayaw niyang magulantang si Brad.
Nang walang mangyari ay pinindot niya
uli. At muli. At muli. Sanda-sandali lang din. Pero sunud-sunod.
Wala pa rin.
Nagduda na si Desiree. Baka sira ang buzzer.
O baka kung ano na ang nangyari kay
Brad.
Kumatok siya sa gate. Ginamitan pa niya
ng pisong barya para malakas ang tunog.
“Brad!” sinabayan niya ang tawag.
“Brad!”
Ayaw naman niyang sumigaw na lang nang sumigaw
doon. Nakakahiya sa kapitbahay.
Naglakas-loob na si Desiree. Mababa lang
naman ang gate. Abot niya ang barrel bolt nito. At alam naman niyang walang aso
si Brad.
Pumasok siya sa bakuran.
Ini-lock niya uli ang gate bago siya
nagtuloy sa bahay.
Kumatok siya sa pinto. Malakas.
“Brad!” tawag niya uli. “Brad!”
MALALIM ang
tulog ni Brad. Iyong tulog na walang panaginip. Iyong tulog ng isang hindi sanay
uminom pero nakaubos ng anim na bote ng beer nang halos walang hapunan at wala
ring pulutan.
Alas-tres na ng madaling araw nang
makatulog siya. Alas-nuwebe kasi ng gabi nang magsimula siyang uminom... uli.
Alas-otso nang maghapunan siya nang
isang sandwich na ang palaman ay sandwich spread lang. Hindi pa niya naubos.
Masakit kasi ang ulo niya.
Paano, sa pananghalian pa lang ay
umiinom na siya. Pag-uwi na pag-uwi niya galing sa opisina. Pagkatapos niyang
magpaalam na “masama ang pakiramdam”.
Masama naman talaga ang kanyang
pakiramdam. Parang puputok ang kanyang dibdib sa sama ng loob. Sa paninibugho.
Sa pagkabigo.
Kaya sinabayan niya ang kanyang pananghalian
ng beer. Ilang kutsarang kanin at sardinas at beer.
At maghapon pa siyang nag-beer. Paunti-unti
lang habang nagsisintir. Hindi niya pinapansin maging ang pagtunog ng telepono.
Hanggang nakaanim na pala siya. Alas-singko ng hapon, tulog na siya.
Gumising siya nang alas-siyete. Masakit
na masakit nga ang ulo.
Ipinaligo niya. Masakit pa rin.
Sinubok niyang kumain ng sandwich. Hindi
nga niya kayang ubusin.
Bakasakaling makuha sa inom. Kasabay ng
sakit ng dibdib niya.
Kaya uminom siya uli. At mas mabilis na
niyang naubos ang anim pang bote. Mabuti na lang pala at nag-stock na siya ng
maraming beer sa refrigerator magmula noong isang linggo.
Sa salas uli siya nakatulog. Sa sopa.
BOG! BOG! BOG! BOG!
May bumabayo sa ulo niya. Parang
sumasabay sa pintig ng kanyang sentido. Lalong nagpapalala sa sakit ng kanyang
ulo.
“BOG! BOG! BOG! BOG!
Tuloy pa rin ang pagbayo. Malakas.
Unti-unti siyang nagkamalay.
Tunog pala iyon. Ingay. Parang may pumupukpok
sa kahoy. Parang katok. Katok? May kumakatok!
Pinilit
niyang dumilat. Masilaw. Mahapdi ang kanyang mga mata.
“Brad!” narinig niya ang pamilyar na
boses.
Parang boses ni Desiree.
Boses ni Desiree?
Biglang napaupo ang binata.
“Brad!” tawag uli mula sa labas lang ng
pinto.
Si Desiree nga!
“Sandali!” sigaw niya. “Sandali lang.”
Tumayo siya. Lalong parang mabibiyak ang
kanyang ulo pero nilabanan niya ang sakit.
Nakarating din siya sa pinto. Nabuksan
din niya iyon.
At hindi siya makapaniwala nang makita
niyang naroon nga ang kanyang pinakamamahal.
Biglang naglaho ang kalasingan ni Brad.
Pero lalo namang tumindi ang sakit ng
kanyang ulo.
NAGULAT si
Desiree sa hitsura ni Brad.
Magulo ang buhok nito. Hindi nakapag-ahit.
Gusut-gusot ang suot na t-shirt na pambahay at shorts. Walang tsinelas.
At mabaho. Nangangamoy-beer.
“Lasing ka ba?” kunot-noong tanong niya
rito. “Ba’t ganyan ang ayos mo? Ba’t ka naglasing? Hindi ba may sakit ka?”
Nagtaas ng palad ang binata.
“Dahan-dahan ang boses mo,” hiling nito
sa mahinang boses. “Ang sakit-sakit ng ulo ko.”
At nagsimula na itong humakbang pabalik
sa loob ng bahay. Mga hakbang na nag-iingat na hindi makatagtag sa sensitibong
sakit ng ulo nito.
“May hangover ka,” sumbat ni Desiree habang
isinasara at ikinakandado ang pinto.
Naisip niyang gawin iyon dahil alam
niyang walang sapat na seguridad ang gate ni Brad. Kailangan nga palang tandaan
niyang pagsabihan ito na gawan ng paraan ang gate na iyon. Delikado. Masyado
itong kampante sa sarili porke’t lalaki.
“Upo ka lang diyan, ha?” sabi ng binata
habang tumutuloy sa sariling silid-tulugan. “Maliligo lang ako.”
“Kaya mo ba?” pag-aalala ng dalaga.
“Bakit, tutulungan mo akong maligo?”
sagot ni Brad.
“Gago!” bulyaw ni Desiree. “Lasing ka nga!”
Tumawa lang si Brad. Mapait na tawa.
NAKATAPAT na
siya sa dutsa ay hindi pa rin
maubos-maisip ni Brad kung bakit naroon sa bahay niya si Desiree. At hindi ito
nakasuot ng pang-opisina. Naka-shorts pa man din nang pagkaikli-ikli at naka-t-shirt
na hapit na hapit sa katawan.
Kahit wala siyang hangover ay
kakailanganin talaga niyang mag-cold shower.
Pero bigla niyang naalala ang huli
nilang pag-uusap kahapon.
Diyos ko, itinuloy nga kaya ng dalaga
ang balak nito kay Arman? At may kinalaman ba roon ang pagsugod nito ngayon?
Alam niyang siya ang unang pinupuntahan
ni Desiree sa tuwing may problema ito. Ibig sabihin ay may problema ito ngayon
tungkol sa naganap sa kanila ni Arman.
Halos tumigil ang paghinga ni Brad.
Nagkuyom ang kanyang mga kamao.
Mapapatay niya si Arman kung may ginawa
itong labag sa kagustuhan ni Desiree.
At paano kung ginusto rin ng dalaga?
Kung ganoon nga ang nangyari ay gusto
nang mamatay ni Brad.
Tinapos na niya ang pagpaligo. Minadali
na rin niya ang pag-aahit, pagsesepilyo’t pagbibihis para makalabas na siya kay
Desiree.
“ITINIMPLA kita
ng black coffee,” salubong ni Desiree kay Brad. “Pampaalis daw ito ng
hangover.”
Nasa komedor na ang dalaga. Nakapatong
na sa mesa ang dalawang tasa ng kape. Nakialam na siya sa kusina para ihanda
iyon.
Kahit nakikita niyang malaki na ang
iginanda ng kulay at hitsura ni Brad pagkapaligo ay labis pa rin siyang nag-aalala.
“Thanks,” sagot ng binata. “Sasabayan ko
ng paracetamol at susundan ng oatmeal. Effective iyon. Gusto mo ng oatmeal?”
“Kakakain ko lang,” sabi niya. “Inumin
mo na iyan. Ako na’ng gagawa ng oatmeal mo. Nasaan ba?”
“Ako na,” sagot ni Brad.
“Maupo ka na nga riyan,” giit ni
Desiree. “Hindi ako natutuwa sa dinatnan kong ayos mo, ha? Huwag kang makulit.
Nasaan ang oatmeal mo?”
Naupo si Brad sa harap ng mesang kainan.
Sa tapat ng isang tasa ng kape.
“May instant oatmeal diyan sa ibabaw ng
ref,” sagot ng binata.
Nagsimulang maghalo si Desiree ng oatmeal
at mainit na tubig sa puswelo.
“Bakit ka ba nagkaganyan?” tanong niya
habang ginagawa iyon. “Hindi ka naman umiinom, a. Saan ka ba nagpunta at
nalasing ka nang ganyan? Masama pa naman ang pakiramdam mo kahapon.”
“Wala akong sakit,” sagot ni Brad sa
pagitan ng paghigop ng kape. “At dito lang ako sa bahay uminom. Ako lang.”
Isinunod nito ang pag-inom ng gamot.
“E bakit nga?” takang-takang tanong ni
Desiree habang tinitimplahan ng asukal at kaunting gatas ang oatmeal. “Bakit ka
uminom? At nagpakalasing ka pa. Ang dami no’ng bote ng beer na niligpit ko mula
riyan sa mesa kanina, a.”
“Wala,” sagot ni Brad. “Gusto ko lang.”
“May problema ka ba?” tanong ng dalaga
habang idinudulog sa mesa ang oatmeal.
“Ikaw itong siguradong may problema kaya
napasugod ka rito,” sagot ni Brad. “Kilala kita. Huwag kang magkakaila.”
Hindi
iyon sinagot ni Desiree.
“Kumusta na’ng headache mo?” ganting
tanong niya.
“Lalong sasakit ang ulo ko kung
magpapaliguy-ligoy ka,” sagot ni Brad.
“Kumain ka muna,” sabi ni Desiree. “Kailangan
mo iyan para gumaling iyang ulo mo.”
“Desiree...” iling ni Brad.
“Hindi ako magkukuwento hangga’t hindi
mo nauubos iyang oatmeal mo,” giit ng dalaga.
Napilitang sumunod si Brad. Mabilis
nitong inubos ang oatmeal kahit parang babara na sa lalamunan nito. Itinulak na
lamang ang huling subo ng natitira pang kape.
“O, ayan,” sabi nito pagkatapos.
“Sabihin mo na ang problema mo’t kung anu-ano nang worst case scenario ang
naiisip ko.”
“Nakipagkalas na ako kay Arman,”
dire-diretsong pagtatapat nga ng dalaga.
Napatanga si Brad.
“O!” sabi ni Desiree. “Hindi ka makapaniwala,
ano?”
“T-totoo?” kunot-noong paniniguro ng
binata.
“Totoo,” sagot niya.
“Kailan?” tanong ni Brad.
“Kanina,” sagot niya. “Sa apartelle.”
“SA apartelle?
Kanina?” pataas na pataas ang boses ng binata, kasabay ng pandidilat ng mga
mata nito. “DOON KA NATULOG NANG MAGDAMAG?”
“Of course not!” pahumindig na sagot ni
Desiree. “Pinuntahan ko siya sa apartelle kanina para makipagkalas. Ba’t ako
matutulog doon?”
Eksaheradong nakahinga nang maluwag si
Brad.
“Akala ko, kung ano na ang nangyari doon
sa plano mo kahapon, e,” sabi nito. “Akala ko, itinuloy mo.”
“Itinuloy ko nga,” sagot ng dalaga.
Nagsalubong na naman ang mga kilay ni
Brad.
“Nagpahalik ka sa kanya? Sa lips?”
parang panunumbat nito.
“Oo,” amin ni Desiree. “Pero walang nangyari.”
“Ano’ng walang nangyari?” tanong ni Brad
na madilim na madilim na uli ang mukha.
“Hinalikan niya ako,” sabi ni Desiree.
“Pero parang hindi halik. Hinalikan niya ako sa lips na tulad lang ng paghalik
niya sa akin sa cheeks. Ganoon lang. Wala na. Walang feeling. Walang kahit na
ano.”
“Ganoon?” umaliwalas na ang mukhang sabi
ni Brad.
“Kaya ko nga na-realize na wala na
kaming pag-asa, e,” pagpapatuloy ng dalaga. “I realized na hindi ko siya mahal.
At hindi rin niya ako mahal. We’re not in love. Pinag-isipan ko nang mabuti
nang magdamag. And first thing this morning, pinuntahan ko siya’t kinausap.”
Napabuntonghininga si Brad.
“So, it’s over?” tanong nito. “After six
years?”
Tumango si Desiree.
“Nagising din ako,” sabi niya. “At
na-realize din naman niyang totoo ang sinasabi ko kanina. Maayos naman kaming
nagpaalaman.”
“Whew!” iling ni Brad. “Na-shock yata
ako, a.”
Napangiti si Desiree.
“Nawala ba ang sakit ng ulo mo?” tanong
niya.
“Pawala na,” nakangiti ring sagot ng
binata. “Ikaw, kumusta ka na pagkatapos niyon?”
“Heto,” sagot niya. “Malungkot din,
siyempre. Pero mas matindi ang feeling of relief. Iyong pinuproblema ko noon na
akala natin ay tungkol lang sa adjustment, mas malalim pala. Ngayon, wala na
ang bigat ng problemang iyon. Parang nakalaya ako. Magaan na ang loob ko.”
“So this time, hindi problema ang
isinugod mo rito,” sabi ni Brad. “You just wanted to share this news with me,
ganoon ba?
Saglit na natigilan ang dalaga bago sumagot.
“O-oo,” sabi niya. “P-pero may problema
pa rin ako, e.”
“Ano pa’ng problema mo?” pagtataka ni
Brad.
“Iyon nga ang ipinunta ko rito,” pahina
nang pahina ang boses na sabi niya. “M-may ipapakiusap ako sa iyo.”
“Anything,” sagot ng binata.
“Kiss me again, Brad,” hiling niya.
“H-HA?” gulat
na sambit ni Brad.
Nanlumo si Desiree.
“’Ayan,” sabi niya. “Ganyang-ganyan din
ang naging reaction ni Arman sa akin noong nagprisinta akong magpahalik sa
kanya. Ayaw rin niya. Parang napilitan nga lang na sumunod, e. Kunsabagay,
understandable na ganyan din ang reaction mo ngayon. Kasi naman, noong nasa
Tagaytay tayo, you were just making a point. Pinapatunayan mo lang sa akin na
hindi ka gay. At least, malinaw na ngayon. Iyon kasi ang ipinagtataka ko kagabi
pa, e. Kung bakit ganoon ang nangyari sa Tagaytay.”
Pagkasabi niyon ay tumayo na si Desiree.
“Sige,” sabi niya. “Magpahinga ka na.
Tutuloy na ako.”
Sa kung anong dahilan ay nagsikip ang
dibdib niya at parang gusto niyang maiyak.
Tumayo rin si Brad.
“Teka.. teka...” sabi nito. “Ano’ng
malinaw na? Lalo yatang nagulo, a. Gusto ko munang maintindihan.”
Napabuntonghininga si Desiree.
“Hinalikan mo ako noon para patunayang
hindi ka gay, hindi ba?” sabi niya.
Atubiling tumango si Brad.
“That’s it,” sabi ng dalaga. “That clears
up everything. Impulse lang ‘yung nangyaring iyon. Fluke. Magulo rin ang isip
ko noon tungkol sa amin ni Arman kaya ganoon naman ang naging reaction ko. But
it won’t happen again. Napatunayan na natin ngayon.”
“It won’t happen again?” ulit ni Brad.
“Dahil sa reaction mo kanina nang magpahalik
ako sa iyo,” nauubusan na ng pasensiyang paliwanag ni Desiree.
“Nagulat ako sa sinabi mo,” sagot ni
Brad. “Pero hindi iyon pagtanggi.”
Tiningnan niya nang masama ang binata.
“Brad, huwag mo na akong utuin,”
napipikon nang sabi niya bago tumalikod.
Kailangan niyang tumalikod at umalis na
agad. Malapit nang bumagsak ang kanyang mga luha.
Pero pinigil siya ng mga braso ni Brad.
Niyakap siya nito sa mga balikat at inikot nang pabalik.
“Desiree...” buong suyong sabi nito. “How
can you ever think na tatanggihan kitang hagkan?”
Nakayuko siya. Tuluyan na kasing
naglaglagan ang pahamak niyang mga luha.
Itinaas pa man din ni Brad ng dalawang
palad ang kanyang mukha.
“All these years, I’ve dreamt of holding
you in my arms and kissing you,” pahayag nito habang nakatitig sa kanya. “Kaya
nang mangyari iyon sa Tagaytay, at tinugon mo ako, para akong nakarating sa
langit. Iyon ang kaganapan ng isang pangarap na
kaytagal kong iningatan. At patutunayan ko sa iyo na higit pa roon ang magaganap
sa tuwing hahagkan kita.”
Parang namamalikmata si Desiree.
Totoo ba ito? Lahat ng naririnig niya
ngayon kay Brad? Lahat ng nakikita niya sa mga mata nito?
Napapikit na lamang siya nang papalapit
na ang mga labi ni Brad.
Kaysarap namang magpaubaya sa mga bisig
ni Brad. Pakiramdam niya’y doon nga siya nakalaan. Iyon pala ang mga bisig na
kaytagal na niyang hinihintay.
At nang muling magtagpo ang kanilang mga
labi, natupad ang pangako ni Brad. Dahil higit pa sa naganap sa una nilang
halik ang muling pagniniig ng kanilang mga labi.
Hindi nga lang maharot ngayon ang
paghalik ni Brad. Wala ang noo’y pusok ng pagpapatunay ng hinamong pagkalalaki.
Ngayo’y hindi nagmamadali si Brad na
patunayan ang sidhi ng damdamin. Bagkus ay naging napakalambing nito sa pagsuyo
sa mga labing pinakamamahal. Idinuyan siya sa kaytatamis na pagsimsim na para
bang nagsasabing nasa kanila ang lahat ng panahon para magsuyuan.
Kung bakit naman habang tumatagal ang
ganoong panunuyo ng binata ay lalo pang parang mapuputol na ang hininga ni
Desiree sa antisipasyon.
“Brad...” singhap niya nang iwan muna nito
ang kanyang mga labi para paulanan ng mumunting mga halik ang talukap ng
kanyang mata, ang kanyang mga pisngi, ang kanyang punong-tainga.
“I love you, Desiree,” bulong nito bago
kinagat nang marahan ang gilid ng kanyang tainga.
Daing lang ang nagawa niyang isagot.
Hindi nakuntento ang binata. Muling
ikinulong sa dalawang palad ang kanyang mukha.
“Look at me,” pabulong na hiling nito.
Dumilat siya.
“Tell me you love me,” hiling ni Brad.
Puno ng pananabik ang mga mata nito.
Ngumiti si Desiree.
“I love you,” sagot niya. "And, yes, ngayon ko lang na-realize, I have
always loved you. All these years, ikaw pala ang mahal ko. Ikaw lang.”
“Alam mo bang naglasing ako dahil sa
iyo?” sabi ni Brad. “Dahil hindi ko kayang tanggapin iyong sinabi mo na
magpapahalik ka kay Arman. Hindi ko kaya lalo na pagkatapos ng pinagsaluhan
natin sa Tagaytay.”
“Nayanig din ako sa Tagaytay,” amin ng
dalaga. “Kaya nga kinailangan kong alamin kung ano ang mangyayari sa amin ni
Arman. Mabuti naman at napatunayan ko. Wala kang dapat ipagselos, Brad. Kahit dumikit
ang mga labi niya sa mga labi ko, para lang akong nadikit sa malamig na
semento. Alam ko na ngayon kung bakit. Dahil ikaw lang ang kilala ng mga labi
ko. Sa iyo lang nabubuhay ang damdamin ko.”
Kinuha ni Brad ang ang isang kamay niya
at idinikit sa dibdib nito.
“Feel my heart,” sabi nito. “Buhay na
buhay din dahil sa iyo.”
“Kiss me again, Brad,” minsan pa’y
hiling ni Desiree.
Na agad ding tinugon ng binata.
Ngayo’y mas maalab na. Dahil mas
nanghahamon na rin ang mga labi ni Desiree na nakakaalala pa sa dati nilang
kapusukan.
Mabilis na nag-alsa ang mas masidhing
damdaming kanina pa nirerendahan ni Brad.
“Des...” bulong nito kapagdaka. “I could
go on kissing you forever... pero... pero baka... I mean...”
Nakikipagtitigan si Desiree sa lalaking
tunay niyang minamahal.
“Don’t stop,” hiling niya rito.
“K-kahit...?” hindi maituloy ni Brad ang
katanungan.
“Don’t stop,” nakangiting ulit niya.
Nangiti rin si Brad.
“Forever?” tanong nito.
“Forever!” sagot ni Desiree.
Pinangko muna siya ni Brad bago muling
hinagkan... habang humahakbang ito patungo sa magiging pugad ng kanilang
panghabambuhay na kaligayahan.
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito,
pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)