Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Huwebes, Pebrero 9, 2023

Abakada ng Pag-ibig: DESIREE Chapter 3

 

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

NAKADALAWANG daan si Desiree na dala ang kanyang pulang Honda Civic sa harap ng arrival area ng Ninoy Aquino International Airport bago niya namataan si Arman.

        Sa pangatlo niyang pasada, malayo pa ay nakilala na niya ang boyfriend niyang naghihintay sa tabi ng daan.

        Pero nanibago siya sa kanyang nakita. Hindi iyon ang inaasahan niya.

        Bakit parang tumanda yata si Arman? Masyadong mature ang hitsura nito. Mas seryoso pa kaysa dati ang mukha.

        At ganoon na nga bang magbihis si Arman kahit dati pa? Magbibiyahe lang ay naka-wool slacks, long-sleeved pin-striped shirt, kurbata at pormal na sapatos na balat. Parang may pupuntahang business meeting.

        May nadamang pagkadismaya si Desiree. Nabawasan nang malaki ang kanyang excitement.

        Agad din naman siyang na-guilty sa ganoong mga naisip. Bakit ba panay mga negatibong bagay ang kanyang pinapansin?

        Pinangiti niya nang malapad ang kanyang sarili. Pinasigla.

        Naisip niyang magbiro para mapasaya ang una nilang pagkikita.

        “Hi, handsome!” pa-OA na sabi niya pagtapat niya sa kinatatayuan nito at pagkabukas niya sa passenger door window ng kotseng minamaneho. “Need a ride?”

        Pero napahiya ang dalaga nang salubungin siya ni Arman nang isang blangkong tingin.

        Hindi yata siya nito nakilala.

        Biglang bawi si Desiree. Biglang balik sa normal ang kanyang tinig at disposisyon.

        “Arman? It’s me. Desiree,” sabi niya.

        Halatang na-shock ang binata.

        “Desiree!” nanlalaki ang mga matang ulit nito.

        Para pagtakpan naman ang kanyang pagkapahiya, mabilis na umibis ang dalaga’t binuksan ang trunk ng kanyang kotse.

        “Come on. Isakay mo na iyang luggage mo rito bago tayo sitahin ng mga guwardiya,” sabi niya sa katipan.

        Hindi agad nakahuma ang binata. Tiningnan lang siya nito mula ulo hanggang paa. Pagkatapos, nagsalubong ang mga kilay nito sa mukhang lalo pa yatang nagseryoso.

        Namula si Desiree.

        Hindi ganoon ang inaasahan niyang magiging reaksiyon ni Arman sa kanyang suot na denim shorts at tank top na may spaghetti straps. Seksing-seksi at preskung-presko pa naman ang ayos niya lalo pa’t ang nakasapin lang sa mga paa niya’y puting flat sandals na may dadalawang kayninipis na strap. Sinadya niyang magmukhang fresh na fresh para sa kanyang boyfriend.

        Halatang hindi sang-ayon ang binata sa kanyang get up.

        Napabuntonghininga si Desiree.

        “Bawal tayong magtagal dito,” paalala niya.

        Saka lang ito kumilos.

        Nang nasa loob na sila ng kotse at paalis sa airport, nagtanong si Arman.

        “Bakit ikaw lang mag-isa? Si Winston?”

        Noong huling uwi kasi ng binata ay si Winston ang sumundo rito, dala ang sariling kotse. Nakisakay lang si Desiree. Paano’y hindi pa siya marunong magmaneho noon at wala pang sariling sasakyan.

        Nagkibit-balikat ang dalaga.

        “Hindi ko na inistorbo si Kuya dahil lagi nang busy iyon sa bago nilang fastfood outlet,” sagot niya. “Heto naman at nagmamaneho na ako ng sarili kong car. Naikuwento ko na ito sa iyo sa sulat, remember?”

        “Akala ko, nag-aaral ka pa lang na mag-drive,” sabi ni Arman.

        “That was more than six months ago,” sagot niya. “May lisensiya na nga ako, e. At kahit noong naka-student permit pa lang ako, I made it a point na makapag-drive na ako nang makapag-drive para masanay. Sinasamahan lang ako ni Brad – remember him? Dati na kasi siyang lisensiyado.”

        “Bakit hindi ka na lang nagpakuha ng driver sa kuya mo?” sagot ni Arman. “Iyong may edad na para experienced at may disposisyon.”

        Napipikon na si Desiree.

        Ano’ng ibig sabihin ni Arman – wala siyang karapatang mag-drive dahil kulang pa siya sa karanasan at walang disposisyon? At kahit pa ba naman sa pagkuha ng driver ay kailangan pa niyang umasa sa kanyang Kuya Winston? Ano siya, batang tatanga-tanga?

        Gusto na niya itong sagutin nang pabalang pero nagpigil siya.

        “Hindi ko kailangan ang driver,” malumanay pa ring sabi niya. “Sanay na akong mag-drive.”

        Sa sandaling iyon ay may Pajero na bigla na lamang nag-change lane at nag-cut sa harap ng kotse niya.

        “What the hell!” bulalas ni Arman.

        Pero maagap namang nakaiwas si Desiree sa disgrasya.

        “Tarantado iyon, a,” sabi ng binata. “Itabi mo. Ako na’ng magda-drive.”

        “Ano?” sagot ng dalaga. “Hayan nga’t naninibago ka sa takbo ng mga sasakyan dito, ikaw pa ang magda-drive? Ordinaryong pangyayari lang iyon sa pang-araw-araw kong pagmamaneho. Kaya nga defensive driving lang ako palagi, e. I can deal with those kinds of things.”

        Napatingin sa kanya nang matagal si Arman.

        “Bakit?” tanong ni Desiree.

        Binawi nito ang tingin.

        “Wala,” iling nito.

        Tahimik na nagbilang ang dalaga nang hanggang sampu para maigpawan ang kanyang pagkainis.

        “Itutuloy na ba kita sa apartelle?” tanong niya pagkaraka.

        Sa tulong niya ay nakapagpareserba na si Arman ng isang unit sa isang disenteng apartelle sa likod ng Heart Center. Malapit lang iyon sa Project 6 kung saan naman nakatira ang dalaga.

        Sa apartelle titigil si Arman habang nasa Maynila dahil nasa Cebu ang mga kamag-anak nitong kinalakhan. At wala itong balak na umuwi ng Cebu. Nagpapadala lamang ito nang regular ng kung anu-anong package sa tiyahin at mga pinsan bilang pagtanaw ng utang na loob.

        “Oo, doon na tayo,” tango ni Arman. “May coffee shop naman ang apartelle, hindi ba? Doon na lang muna tayo mag-snack. You’re not dressed to go anywhere else anyway.”

        Nagpanting na talaga ang tainga ni Desiree.

        “Mainit ang panahon dito kaya ang ganitong get-up ay appropriate sa halos lahat ng lugar, liban lang sa corporate world at sa mga pormal na fine dining restaurants,” sagot niya. “At hindi naman sa opisina o sa formal dinner ang lakad ko ngayong hapon. Kung tutuusin, iyang suot mo ang out of place dahil hindi naman sa opisina o sa business function ang punta mo. I’m sure, pawis na pawis ka na riyan. Bakit kasi hindi ka na lang nag-casual sa biyahe.”

        “Malamig sa plane,” pagdadahilan ng binata.

        Pero nag-alis na rin ito ng kurbata na isiniksik na lamang sa bulsa pagkatapos. Itinupi rin nito ang magkabilang manggas nang hanggang siko.

        Hindi na napigil ni Desiree na napairap.

        Na nahuli naman ng sulyap ni Arman.

        “I’m sorry,” sabi agad nito. “Mali yata ang simula natin. Nagkakairingan na agad tayo.”

        Humugot ng malalim na buntonghininga ang dalaga.

        “Oo nga, e,” amin niya. “Sorry rin.”

        “Naninibago lang siguro tayo sa isa’t isa,” sabi ni Arman. “You’ve changed a lot.”

        “Ikaw rin,” sagot niya. “O baka lang hindi ko na masyadong maalala kung paanong makaharap ka. It’s been so long. At parang iba ka sa naaalala ko.”

        “I haven’t changed much,” pahayag ni Arman.

        “Then I must have a faulty memory,” pagkikibit-balikat ni Desiree.

        Natahimik silang pareho.

        Medyo napatagal din ang katahimikang iyon. At hindi iyong tipo ng katahimikang kumportable. Habang tumatagal ay lalong nakakailang.

        “Kumusta ang biyahe?” tanong ni Desiree nang hindi na siya makatiis.

        Alam niyang napakakorni ng tanong na iyon pero wala na talaga siyang ibang maisip na maaari nilang mapag-usapan.

        “Okey lang,” wala ring kalatuy-latoy na sagot ni Arman. “Hindi kasingsarap ng isini-serve namin sa barko ang pagkain pero puwede nang pagtiyagaan.”

        “E ang trabaho mo sa barko?” pagpapatuloy ni Desiree. “Kumusta iyon?”

        “Matatapos na ang kontrata ko in six months simula sa pagbabalik ko roon,” sagot ng binata. “Then I have to decide whether to sign another contract or come home for good.”

        Napakunot-noo ang dalaga.

        Sa higing ng pananalita ni Arman ay hindi pa ito nakakapagpasya kung uulit pa ng panibagong kontrata sa barko o uuwi na. Ibig sabihin ay wala pa ring kasiguruhan ang kanilang mga plano.

        At bakit ang sabi nito’y “I have to decide” sa halip na “we have to decide?” Hindi ba’t kasama dapat siya sa desisyong iyon?

        Nagsimula nang manikip ang dibdib niya sa paghihinanakit.

        “Ano’ng balak mo ngayon?” tanong ni Desiree sa malamig na tinig.

        “Kaya nga ako nagbakasyon para makapag-isip-isip, e,” sagot ni Arman. “Marami pang kailangang ayusin. Tingnan natin.”     

        Ewan kung napansin ni Arman ang biglang pag-arangkada ng kanilang sasakyan. O kung napansin man iyon ng binata, ewan kung naikonekta nito ang pangyayari sa huling mga salitang binitiwan.

        Nagbukas ng radyo si Desiree para hindi na uli niya kailangang magsimula ng panibagong pakikipag-uusap.

        Nakuntento na rin naman si Arman sa tahimik na pakikinig sa istasyong halos panay OPM ang tugtog.

        Pagdating sa apartelle, tinulungan sila ng doorman na magbaba ng bagahe. Pagkatapos, ipina-valet parking na lamang ni Desiree ang kotse.

        Nang makapag-check in si Arman sa front desk ay binalingan nito ang dalaga.

        “Hintayin mo na lang ako sa coffee shop. Isu-supervise ko lang ang pag-aakyat nila nitong mga bagahe ko. Hindi magandang tingnan kung papanhik ka pa, e.”

        Hindi maganda ang naging dating niyon kay Desiree.

        Una, parang pautos ang pagkakasabi ni Arman.

        Pangalawa, pakiramdam niya’y ikinahihiya nito ang hitsura niya.

        “Actually, hindi ako gutom, e,” sagot niya sa binata. “Mabuti pa siguro, tutuloy na ako para makapagpahinga ka na rin.”

        Napakunot-noo si Arman.

        “Aalis ka na?” sabi nito. “Hindi ko pa nga naibibigay ang pasalubong ko sa iyo. Kukunin ko pa sa luggage ko.”

        “Hayaan mo na iyon. Saka na lang,” sagot ng dalaga. “Oo nga pala, kinukumbida ka ni Mommy na mag-dinner sa bahay bukas ng gabi. Siguro, wala ka nang jet lag by that time. Natatandaan mo pa ba ang papunta sa bahay?”

        “Oo naman,” sabi ni Arman. “Pero parang alangan itong maghihiwalay tayo nang ganito. Something’s not right here.”

        “Kaya nga siguro dapat muna tayong magpahinga,” sagot ni Desiree. “Pagod ka sa biyahe. Naninibago tayo sa isa’t isa gaya ng sinabi mo kanina. Let’s have a new start tomorrow. Baka mas maayos na ang mood nating pareho.”

        “Sige, bahala ka,” tango na rin ng binata.

 

HALOS padabog ang pagmamaneho ni Desiree pauwi. Kung gaano siya kasaya kaninang pag-alis niya ng bahay ay kabaligtaran ang nadarama niya ngayon.

        Pakiramdam niya ay nadaya siya.

        Kaytagal niyang naghintay, nangarap, umasam. Pagkatapos, ganito lang pala ang mapapala niya.

        Ano’ng nangyari kay Arman? Bakit kaylayo nito sa kanyang inaasahan?

        Pero nang isa-isahin niya ang mga bagay na inaayawan niya ngayon sa binata ay napaisip siya. Hindi nga ba dati nang ganoon si Arman?

        Iyong hitsura ng binata, hindi naman talaga tumanda kaysa hitsura nito noong huling uwi sa Pilipinas. Talaga namang anim na taon ang itinanda nito sa kanya kaya natural lang na hindi na ito kasimbata halimbawa ni Brad na kaedad lang niya.

        Lalo lang nagpapatanda sa hitsura ni Arman ang pagiging seryoso nito palagi – na dati na nitong ugali magmula pa noong una silang magkakilala. Noon nga ay isa iyon sa mga ikinagusto niya sa binata. Bakit ngayon ay hahanapan niya ito ng aliwalas ng mukha na tulad ng kay Brad?

        Pati ang pagbibihis ngayon ni Arman ay napagdidiskitahan niya samantalang kahit naman noon ay talagang konserbatibo na ito sa paggayak. Bihirang-bihira nga niya ito makitang nakamaong. Kadalasan ay pormal na slacks at polo. Kung naka-t-shirt man ay laging iyong may kuwelyo. At laging nakasapatos ng balat. Siyempre, ngayong mas abante na ang katayuan ng binata sa buhay, makikiling na rin ito sa kasuotang gaya ng suot nito kanina.

        Noon ay hangang-hanga siya sa porma ni Arman. Pero ngayong marami na siyang alam tungkol sa angkop na pananamit, napipintasan na niya ito.

        Hindi si Arman ang nagbago kung hindi siya.

        At dahil din sa mga pagbabagong naganap sa kanya, hindi na niya nagugustuhan ang dating ugali ng boyfriend na “pangangalaga” sa kanya. Ang pagiging dominante nito sa maraming bagay, ang pagiging maawtoridad na noo’y ikinakilig niya, ay nakapagpapakulo na ngayon sa dugo niya. Hindi na kasi siya nene na nangangailangan ng tagapangalaga at tagapagligtas.

        Naisip ng dalaga, kung tutuusin ay hindi nga naman kasalanan ni Arman na nagbago na siya. Hindi rin marahil nito inaasahan na ganito na siya ngayon.

        Dapat din nga pala niyang unawain si Arman. Naninibago ito sa kanya. Kailangan niya itong bigyan ng panahon para makapag-adjust.

        Marahil nga ay nabigla ito sa kanya kaya nakapagbitiw kanina ng mga salitang parang pagdadalawang-isip sa plano nilang pagpapakasal.

        Doon humupa ang galit ni Desiree.

        Kunsabagay, siya man ay hindi rin handang pakasal kay Arman sa ganitong sitwasyon. Kailangan munang matuto ang binata na unawain at tanggapin ang mga pagbabagong naganap sa kanya bago mabalik sa dati ang kanilang pagtitinginan.

        Sige, bibigyan niya ito ng pagkakataon at panahon. Siguro naman, bago matapos ang bakasyon ni Arman ay puwede na nilang pag-usapan nang maayos ang lahat-lahat.

 

HINDI na rin nagmeryenda si Arman. Wala siyang ganang kumain kahit kakaunti lang ang nakain niya sa eroplano.

        Naguguluhan ang binata. Mas angkop sigurong sabihing “in a state of shock.”

        Nakahiga siya sa kama nang hindi man lang nakapaghubad ng damit. Sapatos lang ang nagawa niyang alisin. Pagkatapos ay natulala na siya sa pagkakatitig sa kisame.

        Hindi siya makapaniwala sa kanyang nadatnang girlfriend. Ano’ng nangyari sa kanyang si Desiree?

        Ano iyong sinabi nito sa kanya sa airport? “Hi, handsome. Need a ride?” Nungkang maiisip niyang masasabi iyon ni Desiree. Si Elaine pa siguro, oo. Mas bagay ang mga salitang ganoon kay Elaine.

        At ano ba iyong suot ni Desiree kanina? Kailan pa ito natutong magsuot nang ganoon? Aba’y halos wala nang ikinaiba sa mga isinusuot ni Elaine.

        Ang tapang pang sumagupa sa pagmamaneho samantalang isa sa pinakadelikadong mga kalye sa mundo ang mga kalye ng Maynila. Dito ay nagkalat ang mga tarantadong drayber na walang pakialam sa traffic rules and regulations.

        At mataray nang magsasagot ang dalaga. Parang laging nanghahamon.

        Ibang-iba na nga si Desiree.

        Hindi na ito iyong dalagang gustung-gusto niyang pangalagaan at ipagtanggol sa mundo.

        At, ang mas nakakabalisa pa, hindi na rin siya sigurado kung si Desiree pa rin ang babaing nais niyang mapangasawa.

        Kanina ay nilukob ang kanyang puso ng mga agam-agam. Lalo niyang nasigurong hindi pa siya handang makipag-usap ng tungkol sa kasalan.

        Siguro ay kailangan pa nila ng panahon para muling makilala ang isa’t isa. O para muli niyang makilala si Desiree, dahil siya mismo ay wala namang gaanong ipinagbago.

        Hindi niya alam kung paano niya matututunang tanggapin at mahalin ang bagong Desiree pero kailangan niya itong bigyan ng pagkakataon. Mayroon silang isang buwan para magkaliwanagan.

 

“O, kumusta na si Bayaw?” tanong ni Diva.

        Nakasalubong agad ni Desiree ang kapatid pagpasok niya ng bahay. Nabigla tuloy siya sa tanong nito.

        “He’s fine,” awtomatiko niyang sagot.

        “E nasaan ang pasalubong ko?” tanong pa ng dalaga.

        Inirapan niya ito.

        “Mahiya ka nga,” sagot niya. “Ni iyong pasalubong ko hindi pa niya nailalabas sa luggage niya, e. May jet lag pa iyong tao, ano? Inihatid ko lang at iniwan sa apartelle. Anyway, dito naman siya maghahapunan bukas.”

        Tumaas ang kilay ni Diva.

        “Inihatid mo lang at iniwan?” ulit nito. “After not seeing each other for two and a half years, ganoon lang? Aba, kung ako ikaw, hindi ako papayag.”

        “Actually, ako ang may gustong makapagpahinga muna siya bago ko siya harapin nang totohanan.”

        At tinalikuran na niya ang kapatid habang nagtatawa pa ito.

        Kabisado niya si Diva. Alam niyang iba ang ipinakahulugan nito sa kanyang tinuran.

        Dati ay naaasiwa siya sa pagkaagresibo ng mas nakababatang dalaga. Mas marami pa kasi itong karanasan sa mga lalaki kung ikukumpara sa kanya. Pero nitong mga nakaraang taon ay natuto rin siyang sumagot sa kapatid. At ngayo’y sinadya niyang hayaan na mag-isip ito ng kung anu-ano tungkol sa kanila ni Arman. Nakakapika na kasi.

        Nang gabing iyon, ang mga magulang naman nila ang nagtanong.

        “O, kumusta na si Arman?” tanong ni Walter.

        “Mabuti naman, Daddy,” sagot ni Desiree.

        “Darating siya bukas?” paniniguro ni Delia.

        “Yes, Mommy,” tango niya.

        “Masuwerte ka riyan sa mapapangasawa mo,” sabi ni Walter. “Pasalamat ka sa Kuya Winston mo. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi mo makikilala si Arman.”

        “Kaya ingatan mo nang mabuti ang pakikitungo sa nobyo mo,” dugtong ni Delia. “Para hindi ka iwan.”

        Hindi sumagot si Desiree.

        Pero iba na ngayon ang kahulugan ng kanyang pananahimik. Hindi na kakimian o pagkatalo. Sa sarili niya ay sinasagot niya ang kanyang mga magulang. Kinukontra. Pinagpapaliwanagan. Hindi nga lang niya isinasatinig ang lahat ng iyon dahil alam niyang hindi naman niya makukukumbinse ang mga ito. At wala siya sa mood na makipag-argumento.

 

NAKAPANHIK na si Desiree sa kuwarto niya nang isa-isang tumawag ang kanyang mga kabarkada. Alam palibhasa ng mga ito na sa Sabadong iyon ang dating ni Arman.

        “O, lumulutang ka sa alapaap sa kaligayahan ngayon, ano?” sabi ni Alexandra. “Alam na alam ko ang ganyang feeling.”

        Ewan kung bakit hindi niya nagawang magtapat sa kaibigan. Siguro’y nahiya siya. Para kasing magiging katawa-tawa siya kung pagkatapos ng maraming taon ng paghihintay ay aamin siyang hindi pala siya masaya sa pagdating ng kanyang boyfriend.

        Tawa na lang ang isinagot niya kay Alex.

        Ganoon din ang naging reaksiyon niya kina Bianca at Catlyn.

        “Naku, di ang sweet siguro ng reunion ninyo kanina, ano?” sabi ni Bee. “Pakuwento naman.”

        “Ay, huwag na,” kunwa’y nahihiyang sagot niya, sabay tawa.

        “Effective ang pagkakasalo mo sa bouquet ko, ano?” sabi naman ni Catlyn. “Matutupad na rin ang pagiging bride mo.”

        “Naku, hindi pa nga namin napapag-usapan iyon,” tumatawag iwas niya. “Kadarating lang no’ng tao, e.”

        “Oo nga naman,” sabi ni Catlyn. “Siyempre, sweet nothings muna. Ay, nakakakilig talaga iyang stage na iyan.”

        Pero nang muling mapag-isa si Desiree, ipinagtaka niya kung bakit kahit kaunting kilig ay wala siyang nadarama.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)