FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
LUNES ng umaga.
Masama uli ang pakiramdam ni Brad pero pinilit niyang gumising nang maaga. Uminom
uli siya ng paracetamol. At sa halip na kape ay herbal tea ang isinabay niya
rito, na agad niyang sinundan ng mainit na oatmeal bago siya naligo nang mainit
na tubig.
Naginhawahan naman siya. Nagkaroon ng
sapat na lakas para pumasok.
Iyon lang naman ang pinaghahandaan niya.
Ang pagpasok sa opisina. Ang muli nilang pagkikita ni Desiree.
Hindi na baleng alam niyang panay
kuwento tungkol kay Arman ang isasalubong sa kanya ng dalaga. Basta’t kailangan
niya itong makita, makasama, makausap.
Sinuwerte naman si Brad. Paghimpil ng
kotse niya sa basement parking area ng gusali ay halos kasunod lang na pumasok
naman ang kotse ni Desiree.
At pag-ibis ng dalaga ay agad siya
nitong kinawayan.
SI Brad. Tuwang-tuwa
si Desiree nang makita ang kaibigan.
Tamang-tama, kailangang-kailangan niya
ngayon ng kausap. Ng mapagsusumbungan.
Nahihiya siyang magsumbong sa mga
kabarkada niyang babae, lalo pa’t maliligaya ang mga ito sa kani-kanilang
napangasawa. Para namang magmumukha siyang masyado nang kawawa. Siya na nga
itong naiwan na dalaga pa rin hanggang ngayon kahit siya ang unang
nagka-boyfriend sa kanilang apat. Pagkatapos, ganito pa ang kalalabasan ng
relasyon nila ni Arman.
Mas makakapagtapat siya kay Brad. Wala
itong lovelife na maipagmamalaki sa kanya. Wala siyang ikakahiya kahit pa dito
rin siya noon nagbida nang nagbida tungkol kay Arman.
Maaasahan talaga niya si Brad. Heto
nga’t pagkakita pa lang sa kanya ay alisto na agad ito sa paglapit.
“Good morning!” nakangiti nitong
pagbati. “Kumusta na?”
“Hay naku, it’s really good to see you,”
napapabuntonghiningang sagot ni Desiree. “Kailangan ko ng kausap, Brad. Ang
gulu-gulo ng isip ko.”
Biglang gumuhit ang pag-aalala sa mukha
ng binata.
“May problema?” tanong nito.
“Malaki,” tango niya.
“Ano, gusto mo bang lumabas na muna tayo
para makapag-usap nang mabuti?” tanong ni Brad. “Wala naman tayong nakasalang
na urgent na trabaho ngayon. Magpaalam ka na magpapa-check-up sa doktor. Sasabihin
ko namang pupunta ako sa dentista. Huwag lang tayong magsasabay sa pagpanhik at
pag-alis. We can meet at the campus. Maghintayan na lang tayo sa dati.”
UP campus ang tinutukoy ni Brad. At ang
dati na nilang tinatambayan doon ay ang Sunken Garden kung saan nila
maipaparada ang kanilang mga sasakyan sa ilalim ng mayayabong na puno.
Ilang beses na rin nilang ginawa ang
ganoong pagpuslit sa opisina. Ang unang tatlong beses ay nang ma-depress si
Desiree sa pagpapakasal nina Alexandra, Bianca at Catlyn. Sa bawat pagkakataon
ay si Brad ang umalalay sa kanya.
“Sige,” tango ni Desiree. “This is
another one of those days na hindi ko yata kayang maging productive sa opisina.
Useless lang kung papasok ako. Actually, pumunta lang talaga ako rito para
makita ka’t makausap.”
Napangiti si Brad.
Napakahalaga para sa binata ang tinuran
niya. Iyong kailanganin niya ito kahit bilang moral support lamang ay
napakalaking bagay na para dito.
“Mauna ka nang pumanhik,” sabi nito.
“Magpapalipas muna ako ng ilang sandali sa men’s room para hindi tayo magsabay.”
“BAKIT ganoon,
Brad?” tanong ni Desiree. “It’s unfair. Ang tagal-tagal kong naghintay at
umasa. Pagkatapos, ganito?”
Nakaupo na sila sa damuhan sa lilim ng
mga puno sa Sunken Garden ng UP.
“Akala ko ba, na-analyze mo na ang
sitwasyon?” sagot ng binata. “At sa tingin ko, tama naman ang analysis mo. Nagbago
ka. You grew up. Na-develop mo ang iyong mga potentials. Hindi masama iyon. In
fact, it’s good for you. Pero, siyempre, nagulat si Arman dahil hindi naman
niya nasaksihan ang iyong unti-unting pagbabago. Ang inaasahan niyang madaratnan
ay iyong Desiree pa rin na iniwan niya noon. Understandable din naman ang
kanyang naging reaksiyon.”
“Pero paano na ngayon?” tanong ng
dalaga.
“Sabi mo nga, gusto mo siyang bigyan ng
pagkakataon at panahon para makapag-adjust sa iyo,” paalala ni Brad. “Well,
hindi pa sapat iyong panahon na ibinigay mo sa kanya. You can’t expect him to
make adjustments in twenty-four hours. Baka hilo pa iyong tao sa jet lag. At saka
dagdag siyempre na pressure sa kanya iyong kaharap niya ang pamilya mo.”
“Pressure ba iyon?” ingos ni Desiree.
“Sila nga nina Daddy, Kuya Winston at
William ang magkasundung-magkasundo.”
“Of course,” sagot ni Brad. “Siyempre,
magpapa-good shot siya sa pamilya mo. At mas madali sa kanya ang
makipag-interact sa mga lalaki sa pamilya. He took advantage of that. Mabuti
nga at hindi naging awkward iyong gabing iyon.”
“Kunsabagay,” pabuntonghiningang sabi ni
Desiree.
Pero si Brad, masama ang loob. Siya pa ngayon
ang nagtatanggol kay Arman sa harap ng babaing minamahal.
Nagtatanong din si Brad sa sarili,
“Bakit ganito?” Umaalma rin damdamin niya. “It’s unfair!”
Hindi nga ba’t ito na ang pagkakataong
pinakahihintay niya? Ang magkasira sina Desiree at Arman? Pero ngayon ay siya pa
itong nagtatangkang magkumpuni sa sitwasyon.
Ngayon napapatunayan ng binata na mas
mahalaga pa rin talaga sa kanya ang kaligayahan ni Desiree kaysa sa pansarili niyang
interes. Kung kay Arman lang tunay na liligaya ang dalaga, sisikapin niyang tumulong
para magkaayos ang dalawa.
“Huwag mo kasi siyang bibiglain,” dagdag
na payo pa ni Brad sa dalaga. “Huwag muna iyong mga masyadong nakakagulat sa
kanya ang mga isusuot mo. Mayroon ka rin namang mga outfit na medyo toned-down
nang kaunti. Iyon na muna ang ipakita mo sa kanya hanggang masanay siya. At
saka huwag ka masyadong high blood. Pa-sweet ka muna. Cool ka lang kapag
pinaninindigan mo ang iyong mga paniniwala’t karapatan. Maipapaliwanag mo naman
iyon sa kanya nang hindi kayo kailangang mag-away”.
“Nakakairita kasi, e,” sagot ni Desiree.
“Lalo tuloy akong nabubuyong mang-inis din sa kanya.”
“E paano kayo magkakasundo kung
sasalubungin mo siya sa nang ganyan?” sabi ng binata.
“You’re right,” pabuntonghininga uli na
amin ni Desiree. “But in the meantime, gusto ko munang mag-relax. At least,
kapag kasama kita, I can be myself. Hindi ko kailangang tumulay sa alambre.”
Natawa si Brad.
“Ang sabihin mo, kapag ako ang kasama
mo, kahit magpasirku-sirko ka pa sa pagtulay sa alambre ay hindi na ako masi-shock,”
sagot nito. “Malamang ay sabayan pa kita.”
Nakitawa na rin si Desiree.
Nang mainit na ang araw sa tanghaling
tapat ay nagyaya ang dalaga na mananghalian sa Katipunan. Pagkatapos ay nagyaya
itong manood ng sine sa Galleria.
Dati
na nilang gawi iyong nanonood ng sine na magkasama. Magkasundo kasi sila sa mga
gustong panoorin – mga light comedy. Pareho silang mababaw lang ang kaligayahan
pagdating sa ganoong entertainment.
Iniwan muna nila ang kotse ni Desiree sa
UP. Nakisakay na lang ito kay Brad. Babalikan na lang nila ang kotse nito bago
umuwi.
“Hindi ba kayo magkikita ngayon?” tanong
ni Brad.
“Ang alam niya nasa opisina ako,” sagot
ng dalaga. “Pero pupunta raw siya sa bahay mamayang gabi. Hayaan mo, makakauwi
naman ako nang alas singko. Hindi mabubuko itong paglalakwatsa natin. At least,
malamig na ang ulo ko pagharap ko sa kanya. Bakasakaling masunod ko ang mga
payo mo.”
Tulad
nang dati, nag-enjoy nga sila sa pinanood nila. Ang saya-saya nila.
Nang kunin nila ang kotse ng dalaga sa
UP, tinanong ito ni Brad nang seryoso na uli.
“Will you be okay?”
“Medyo,” sagot nito. “At least, napatibay
mo ang desisyon ko. Kailangan ko na lang talagang pangatawanan iyon. Pero mas
kaya ko na siguro ngayon. Nandiyan ka naman uli bukas para sumalo sa akin,
hindi ba?”
“Of course,” sagot ni Brad. “Lagi naman.”
“Thanks for being such a very good
friend, Brad,” taimtim na pahayag ni Desiree. “I couldn’t face this without
you. Sana, makabawi rin ako sa iyo. Basta huwag mong kakalimutan na narito rin
ako para sa iyo anytime you need me. I’ll always support you no matter what.”
Humugot ng malalim na buntonghininga ang
binata.
“Alam ko rin naman iyon, e,” sagot niya.
“Sa abot ng makakaya mo, lagi mo akong tutulungan.” Pero sa sarili ay may idinugtong ang binata. “Ang
masaklap lang ay hindi na abot ng kakayahan mong turuan ang iyong damdamin na
ako ang ibigin sa halip na si Arman.”
ALAS-SAIS y medya
na ng gabi nakarating ng bahay si Desiree. At inabutan niya roon si Arman,
kakuwento ng Daddy niya.
“O, Desiree, ipinagpaalam ka ni Arman sa
akin,” sabi ni Walter. “Maghahapunan daw kayo sa labas.”
“Ngayon?” gulat na sabi ng dalaga.
Wala naman kasi silang napag-usapan ni
Arman tungkol sa paglabas.
“Mag-freshen up ka muna,” sabi ni Delia.
“Nakakahiya naman kay Arman kung amoy pawis ka. Pero bilisan mo lang at kanina
ka pa niya hinihintay.”
Napabuntonghininga na naman siya.
Nakapagpasya na si Arman at ang kanyang mga magulang. At inaasahan ng mga ito
na basta susunod na lamang siya.
Gusto niyang magreklamo pero naalala niya
ang sinabi ni Brad.
Sige, magpapasensiya na lang muna siya.
Ni hindi sila nakapag-usap ni Arman
habang nasa bahay. Pinapanhik na kasi agad siya ng Mommy niya. Pagpanaog naman
niya’y pinalakad na sila ng Daddy niya.
Ipinagamit pa ni Walter kay Arman ang
Hi-Ace van nito.
“Sa Kamayan tayo,” sabi ng binata nang
paalis na sila.
Muli, nainis si Desiree. Ni hindi man
lang kasi siya kinunsulta. Malay nito kung hindi niya gustong kumain ng
Filipino food sa mga oras na iyon. Basta nagdikta na lamang ito.
Pero sa halip na kumontra ay nanahimik
pa rin siya.
Pati nga ang suot niya ay iniayon niya
sa payo ni Brad. Nang palitan niya ang suot na pang-opisinang palda’t blusa na
may blazer ay simpleng palda’t blusa rin ang pinili niya. Hanggang ibabaw ng
tuhod niya ang paldang khaki. May maiikling manggas naman ang blusa niyang
golden brown na hanggang balakang at hindi nakapaloob sa palda. Sumusunod iyon
sa hubog ng kanyang katawan pero hindi gaanong fitted. May pagkakonserbatibo pa
rin ang dating.
Pati ang sapatos niyang pang-opisina ay
hindi na niya pinalitan – kulay kapeng pumps na may isa’t kalahating pulgada
lang na taas ng takong.
Hindi naman problema kay Desiree ang
magsuot nang ganoon. Marami rin naman siyang mga damit na ganoon lang kasimple
at hindi gaanong sexy. Pero ang katwiran
niya’y gusto niyang mayroon siyang kalayaang magsuot ng kahit na anong gusto
niyang isuot. Iyong kung gusto niyang maging sexy ay puwede. Kung gusto niyang
maging konserbatibo ay puwede rin. Hindi iyong lagi siyang may kailangang
sundin na mga patakaran na itinakda lamang ng iisang tao.
At iyon mismo ang nadarama niya ngayon.
Kahit sarili rin naman niyang mga damit ang suot niya ay nakakaasiwa
palibhasa’y napilitan lang siyang iyon ang piliing isuot sa gabing ito.
Dahil halos lahat na lang ay kailangan
niyang pigilin, natahimik na lamang si Desiree. Kaysa naman may masabi uli
siyang magsisimula sa kanilang iringan.
“Maganda ang takbo ng business nina
Winston, a,” si Arman na ang nagsimula. “Iyon din ang gusto kong pasukin kung
sakali. Walang pagkalugi sa food business basta closely supervised. Kailangan
nga lang, nakatutok ang mismong may-ari. Gaya ng ginagawa nina Winston at
Nenet. Pareho silang full-time sa business nila.”
Nakahalata si Desiree. Parang sinabi na
rin ni Arman na gusto nitong tumutok din siya sa itatayo nitong negosyo kung sakali. Kailangan na niyang
sumagot.
“Hotel and Restaurant Administration din
naman kasi ang natapos ni Nenet, tulad ninyo ni Kuya,” pangangatwiran niya.
“Siyempre, linya niya iyong negosyong ganoon. Ako, wala akong interes sa food
business. Ni wala nga akong interes sa kusina, e. Malayo yata iyon sa kurso
kong Psychology.”
“Natututunan naman ang kahit na anong
negosyo kung talagang gugustuhin,” sagot ni Arman. “At saka ang maganda riyan sa
kurso mo ay maaari mong gamitin sa maraming larangan. People management din
iyan, hindi ba? Mahalaga iyan sa kahit na anong negosyo. Sa food business,
kailangang-kailangan niyan. Maraming taong involved, e.”
Hindi na rin nagpatalo si Desiree.
“Like you said, kung talagang gugustuhin,”
sabi niya. “Pero kung walang interes, mahirap pilitin. Ako, I’d rather pursue
my present career. Malayo na ang narating ko sa loob lang ng ilang taon. Sayang
naman ang naipundar kong time and effort para makamtan iyon. Malayo pa ang
mararating ko. Eventually, puwede rin naman akong magsarili pero sa ganito ring
linya. Puwede akong magtayo ng sarili kong human resources development
company.”
Nagsalubong ang mga kilay ni Arman.
Tumahimik ito at hindi na muling nagsalita hanggang makarating sila sa West Avenue
at makahimpil sa harap ng Kamayan.
Alam ni Desiree na hindi nito nagustuhan
ang kanyang mga tinuran. Pero lalo namang hindi niya nagustuhan ang pagtatangka
nitong kontrolin pati ang kanyang direksiyon sa hinaharap nang wala man lang
konsultasyon.
At talaga namang hindi niya ma-imagine
ang kanyang sarili na namamahala sa isang food business. Hindi niya kaya iyong
ginagawa ng hipag niyang si Nenet na madaling-araw pa lang ay namamakyaw na ng
bilihin sa palengke. Maghapong nakakulong sa kusina. At inaabot ng lampas
hatingggabi sa pagsasara ng kainan.
Alam niyang dati nang balak ni Arman na
magtayo ng sariling negosyo kapag naglagi ito sa Pilipinas, pero bakit naman
kailangang pati siya ay matali sa negosyong iyon? Kung sila ang magkakatuluyan,
hindi ba’t mas maganda kung may kanya-kanya silang pinagkakakitaan? Sa ganoon,
malasin man ang isa sa kanila ay may isa pang magtataguyod sa pamilya.
Noon, oo, inisip niyang makukuntento
siyang manatili na lang sa bahay kapag ikinasal sila. Pero habang umuunlad siya
sa kanyang career ay nagbago rin ang kanyang pananaw.
Kailangan niyang ipaliwanag iyon kay
Arman. Pero hindi niya magagawa ito hangga’t hindi pa naman nila napag-uusapan
ang tungkol sa patutunguhan nilang dalawa. Wala pa ngang kasiguruhan kung
matutuloy ba ang kasal nila.
Pareho nang sira ang gabi nila pag-upo
nila sa restawran.
“Buffet, Ma’am? Sir?” tanong ng kanilang
waiter.
“No, thanks,” mabilis na sagot ni
Desiree. “Fresh lumpia lang ang sa akin at calamansi juice.”
Inunahan na niya si Arman kahit alam
niyang ayon sa tamang etiquette ay lalaki dapat ang nagsasabi ng kanilang order
sa waiter. Kapag ganoong mainit ang ulo niya, sadyang kinakalimutan na niya ang
eti-etiquette.
At hindi na baleng mag-amoy-bawang siya sa
fresh lumpia. Wala naman siyang kabalak-balak na magpa-good night kiss sa
kasama niya.
Hindi na rin nag-buffet si Arman.
Halatang aburido rin ito nang umorder ng kanin, inihaw na baboy at iced tea.
Nang iwan sila ng waiter, hindi na
nakapagpigil ang dalaga.
“Arman, alam mo, palagay ko’y kailangan
nating mag-usap nang masinsinan,” sabi niya. “Alam kong naninibago ka sa akin.
Pero ano ang magagawa ko? I grew up. I changed – for the better, I think. Ewan
ko lang kung ganoon din ang tingin mo sa mga pagbabagong naganap sa akin. Hindi
ko rin alam kung matatanggap mo pa ako ngayon. So far, panay iringan ang
nangyayari sa atin. Paano na ito?”
Umiling ang binata.
“I’m sorry, Des,” sabi nito. “Siguro
nga, nahihirapan akong mag-adjust sa mga pagbabagong naganap sa iyo. Parang
lahat na kasi, nagbago. Ang gayak mo. Ang personality mo. Pati na ang mga plano
mo. Hindi ko alam kung may lugar pa ako sa lahat ng mga pagbabagong iyon.”
Napabuntonghininga si Desiree.
Paano niya sasagutin iyon? Paano niya
sasabihing kahit nga hindi naman gaanong nagbago si Arman ay nagbago naman ang
pagtingin niya sa mga dati na nitong pag-uugali at gawi? Totoo nga kayang wala
na itong lugar sa buhay niya?
“Bago ko pag-aralang mag-adjust sa mga
pagbabago mo, Des, kailangang malaman ko muna kung gusto mo pa ba talagang
gawin ko iyon,” pagpapatuloy ni Arman. “May patutunguhan pa ba tayo na
magkasama?”
Nasukol ang dalaga.
Pero hindi rin siya nahirapang magpasya.
Napakahaba na ng panahong pinaghintay niya. Hindi ganoon kadaling bitiwan ang
nabuong mga pangarap. Kailangan niyang bigyan ng pagkakataon ang kanilang
nakaraan. Mangungunyapit na lamang siya sa pag-asa.
“Siyempre naman gusto kong magkasundo
tayo,” sagot ni Desiree. “That’s exactly the point of all these, hindi ba?”
“Kung ganoon, pagpasensiyahan mo na lang
sana ako habang pinagsusumikapan kong makilala kang muli,” hiling ni Arman.
“Gagawin ko ang lahat para makapag-adjust tayo nang maayos sa isa’t isa.”
Tumango ang dalaga.
“You’re right,” sabi niya. “Hindi lang
ikaw ang mag-a-adjust sa akin. Mag-a-adjust din ako uli sa iyo. At kailangang
magtulungan tayo.”
Naglahad ng kamay si Arman.
“Finally, may napagkasunduan din tayo,”
nakangiting sabi nito. “Let’s shake on that.”
Natatawang ibinigay ni Desiree ang kamay
niya.
Pero habang nagkakamay sila ay
tinatanong niya ang kanyang sarili, bakit sa ganitong paraan nila sineselyuhan
ang kanilang kasunduan? Parang katawa-tawa namang nagkakamay ang magkasintahan.
Bakit hindi man lang siya hagkan ni Arman kahit sa pisngi?
Oo nga pala. Hindi si Arman ang tipo ng
lalaki na hahalik sa pisngi ng girlfriend sa isang pampublikong lugar. Mas
estilo siguro ni Brad iyon – kung nagkataong may karelasyon si Brad.
Napakurap ang dalaga. Paanong napunta
kay Brad ang kanyang isip?
Isa na namang tanda ng kabalintunaan ng
relasyon nila ni Arman. Habang kaharap niya ito – hawak pa man din nito ang
kamay niya – ay naliligaw ang kanyang isip sa ibang lalaki. Mabuti na lang at
si Brad ang lalaking iyon. Safe. Harmless.
Kahit paano, medyo gumaan din naman ang
pakikitungo nila ni Arman sa isa’t isa
pagkatapos nilang magkasundo. Habang naghahapunan ay nakapagkuwentuhan na sila.
Kumustahan. Balitaan sa mga pangyayari sa buhay ng isa’t isa sa nagdaang
dalawa’t kalahating taon.
May napansin si Desiree. Kung pababayaan
lang niya ang kanyang sarili ay laging kasali si Brad sa mga kuwento niya.
Halos lahat yata ng mga pangyayari sa buhay niya ay kinasasangkutan ng binata.
Pero naging maingat siya. Kahit pa
makailang ulit na niyang naipaliwanag kay Arman ang tungkol sa platonic
friendship na namamagitan sa kanila ni Brad ay ayaw niyang bigyan ito ng puwang
para magduda’t magselos. Mahirap na. Baka umabot pa iyon sa pagkasira ng
pagkakaibigan nila ni Brad.
Sinensor ng dalaga ang kanyang mga kuwento. Hindi niya gaanong binanggit si Brad. Alam naman niyang wala siyang ginagawang masama.
Pero nang ihatid siya ni Arman sa bahay
at makaalis na ang binata, si Brad pa rin ang lihim na pinagpasalamatan ni
Desiree. Dahil sa mga payo nito ay nakaisang hakbang na silang magkasintahan
patungo sa muling pagkakasundo.
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito,
pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)