Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Huwebes, Pebrero 9, 2023

Abakada ng Pag-ibig: DESIREE Chapter 7

 

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

MGA branch managers ng isang kilalang boutique ang mga trainees nina Desiree at Brad. Ang paksa ng seminar ay ang wastong pamamahala sa sales staff para mapataas ang morale ng mga ito, mapasinop ang trabaho at mapataas ang pagkaproduktibo ng lahat.

        Maraming bahagi ang seminar. May mga ice breaker. May mga lecture. May mga games – na hindi lang basta laro kundi mismong mga paraan din ng pagkatuto sa mga prinsipyong inilahad sa mga lecture. Maraming oras para sa bukas na talakayan at pagsagot sa mga katanungan.

        Kabisadung-kabisado na nina Brad at Desiree ang pagdadala sa mga seminar na ganoon kahit ang bawat isa ay naiiba dahil iniaangkop din nila sa mismong mga natatanging katangian at pangangailangan ng grupong kasangkot. Tuloy, walang pagkabagot ang dalawa sa kanilang trabaho. Laging may bagong hamon. Lagi rin silang may bagong nadidiskubre’t natututunan mula sa kanilang mga tinuturuan.

        Dalawampu ang participants. Dadalawa sina Desiree at Brad na trainors. May sarili naman kasing service staff ang inupahan nilang bahay. May mayordoma, kusinera, dalawang katulong, labandera at utility man na siya na ring hardinero. Asikaso ng mga ito ang lahat ng kanilang mga pangangailangan. Kaya nga suki nang upahan ng Optima ang bahay na iyon.

        Maayos na natapos ang seminar nang linggo nang alas-singko ng hapon. Dumating ang mga van na inupahan ng Optima para maghatid sa mga participants pabalik sa Maynila. Ang mga van din na iyon ang nagdala sa mga ito sa Tagaytay.

        Naiwan sina Desiree at Brad. Maydala naman kasing sariling kotse si Brad at nakisakay rito ang dalaga. Isa pa’y magbabayad pa sila sa mayordomang si Nanay Taling.

        Nang matapos ang usapan nila nina Nanay Taling, nagpaalam si Brad.

        “Magpapahangin lang ho muna kami riyan sa likuran. Hihintayin lang namin ang paglubog ng araw bago kami tumulak. Hindi pa rin namin pinagsasawaan ang sunset view dito, e.”

        “Aba’y sige lang kayo,” sagot ng matandang babae. “Huwag nga ninyong sayangin ang pagkakataon ngayong narito na rin lang kayo. Talaga namang magandang panoorin iyan. Kahit nga nakatandaan ko na ang tanawing iyan, e, hindi ko pa rin pinagsasawaan.”

        Sa tuwing naroon sila ay nakagawian na nga nina Desiree at Brad na panoorin ang paglubog ng araw mula sa harding nasa likuran ng mala-mansiyong bahay. May mga kumportableng upuan sa gilid ng hardin.

        Doon uli sila nagtuloy.

        “O, ngayon, ikuwento mo na ang ipinagsisintir mo sa nobyo mo,” may himig pabiro pang sabi ni Brad nang nakaupo na sila sa pandalawahang upuang naroon.

        Magkatabing-magkatabi sila. Magkadikit ang mga hita. Medyo makitid kasi ang upuan. Pero kumportable naman sila sa ganoong pagsisiksikan.

        Sumandal si Desiree at tumingin sa malayo.

        Nakaharap sa kanya si Brad. Nakatukod ang isang braso sa gawing likuran ng ulo niya.

        “Napapagod na akong makisama sa kanya,” reklamong dalaga. “Parang wala na kaming napagkasunduan nang normal. Laging kailangang may makukumpromiso. Bibigay siya o bibigay ako.”

        “Kaya nga adjustment period, e,” sagot ni Brad. “Mahirap talaga iyan sa simula. At talagang kanya-kanya kayo ng bigayan. Hindi puwedeng kanya-kanyang kabig lang.”

        “Pero hindi ko yata kayang gawin ito nang habambuhay,” sabi ni Desiree. “Iyong sa araw-araw na lang ay pakikisamahan ko siya. Makikibagay ako sa kanya. Parang walang katapusang negosasyon sa kahit ano na lang. Sa pagkilos. Sa pananalita. Sa damit. Sa pagkain. Pati sa panonood ng sine.”

        “Makakasanayan din siguro ninyo ang mga hilig at gawi ng isa’t isa,” sabi ni Brad.

        “Ang nangyari nga roon sa sine, pareho kaming hindi nag-enjoy,” paalala ni Desiree.

        Naisumbong na kasi niya iyon kay Brad kinabukasan pa lamang noong pangyayari.

        “Kaya nga dapat, piliin na ninyo iyong isa man sa inyo ang mag-enjoy,” sagot ni Brad. “Palitan na lang kayo sa pagpili ng panonoorin.”

        “Ibig sabihin, kailangan kong pilitin ang sarili ko na manood ng violent na action movies, ganoon?” ingos ng dalaga. “Ayoko nga. Nagkaka-nightmares ako sa mga iyon. Nati-tense ako hanggang sa mga sunod na araw. Lalo pa akong nagiging paranoid sa paligid. Pakiramdam ko, parang laging may umaali-aligid sa akin na mga goons.”

        “May ganti ka naman sa kanya, a,” natatawang sagot ni Brad. “Ang sabi mo nga, halos mandiri siya kay Jim Carrey. Nakokornihan. Di mapipilitan din siyang manood ng mga ayaw niya kapag turno mo nang pumili ng pelikula.”

        “Palagay ko kasi, sineseryoso niya nang husto ang mga comedy films kaya nakokornihan siya,” sapantaha ni Desiree. “Hindi niya magawang tingnan ang mga ito nang tongue-in-cheek, just for fun. Napaka-killjoy niya. Pero kahit na mangunsumi siya sa inis, hindi pa rin tatapat iyon sa reaksiyon ko sa mga tipo ng pelikula ni Van Damme. Those movies are actually hazardous to my health. Magkakasakit ako sa nerbiyos.”

        Hindi na napigil ni Brad na matawa nang tuluyan.

        “Eksaherada ka talaga,” saway nito. “Hindi ba’t sinabi na nga niya sa iyo na ayaw ka naman niyang piliting gustuhin ang mga bagay na gusto niya?”

        “Sinabi niya lang iyon pagkatapos niya akong pagurin sa ilang oras na pag-aaral ng letseng cha-cha na iyan, ano?” irap ng dalaga. “E sa talagang parehong kaliwa ang paa ko pagdating sa pagsasayaw. At wala naman akong hilig sa sayawan.”

        “Kaya nga hindi ka naman daw pipilitin kung ayaw mo,” sabi ni Brad. “Hindi ka naman kasi nagsabi agad na hate na hate mo ang dance floor.”

        “Paano nga, sumusunod ako noon sa payo mo na magpa-nice-nice sa kanya, remember?” nakataas ang kilay na sagot ni Desiree.

        “Na tumalab naman, hindi ba?” paalala naman ng binata. “Sabi mo nga, kahit paano ay napaplantsa na ninyo ang inyong mga iringan bago kayo naghihiwalay.”

        “In a way, oo,” sabi ni Desiree. “Pero parang sa salita lang, e. Hindi ko pa rin masyadong feel na nagkakaintindihan na talaga kami. Siya rin naman.  I’m sure, na-bad trip talaga siya nang husto sa lakad namin nina Kuya Winston at Nenet noong Huwebes.”

        At ikinuwento na niya nang madetalye sa binata ang naganap sa karaoke bar. Hindi na kasi sila nagkaroon ng pagkakataong mapagkuwentuhan iyon noon Biyernes nang umaga. Bumiyahe na agad sila na kasunod ng mga van ng participants patungo rito sa Tagaytay at ang seminar na ang napag-usapan nila sa daan.

        “Ikaw, ha?” pasaway uli na sabi ni Brad. “Pintasera kang masyado.”

        “Hindi naman sa ganoon,” tanggi ni Desiree. “Sa iyo ko lang naman dini-describe  nang ganito ka-vivid ang pangyayari. Objective lang ako. Siyempre, hindi ko naman ito ikukuwento sa ibang tao. At lalong hindi ako nagpahalata sa kanya na nadismaya ako nang husto sa boses niya, ano? Sa totoo lang, naawa pa nga ako sa kanya, e. Sising-sisi ako kung bakit hindi ko pinigil sina Kuya sa pamimilit sa kanya na kumanta. Hayun, napahiya tuloy ang pobre.”

        “That was really humiliating,” iling ni Brad. “My God, hindi ko kaya iyon.”

        “Hindi naman mangyayari sa iyo ang ganoon,” sabi ni Desiree. “Mas magaling ka pa ngang kumanta kaysa kay Kuya Winston.”

        Narinig na niyang kumanta si Brad sa mga katuwaang jamming sessions sa ilang mga training seminars nila. Madalas nga silang mag-duet.

        “Accident of nature lang naman ang ganoong ability,” sagot ni Brad. “I can’t take creidt for it. Nagkataong pinalad akong ipanganak nang ganoon. Nagkataon ding ipinanganak si Arman na walang singing talent. Hindi niya kasalanan iyon.”

        “Kaya nga naaawa ako, e,” sabi ni Desiree. “Kahit naman sina Kuya, dinisimula na lang iyong pangyayari. Pero siyempre, hindi na mababawi iyon.”

        “Naipit lang yung tao,” sabi ni Brad. “Lalo pa dahil kuya at hipag mo ang mapilit.”

        Napabuntonghininga si Desiree.

        “Ang hirap talaga nang magkakaiba ang likes and dislikes,” iling niya. “Sana naging katulad mo na lang siya. Kasundo ko sa halos lahat ng bagay. At kahit doon sa mga bagay na hindi natin napagkakaisahan, nag-e-enjoy akong makipag-argumento sa iyo. Hindi tayo nagkakaasaran nang totohanan.”

        “Aherm...” nakangiting sabi ni Brad. “Sige pa, ituloy mo pa. Gustung-gusto ko yata iyang naririnig ko. Mabuti pala kung napupundi ka sa nobyo mo. Naa-appreciate mo ako nang bigla.”

        “Lagi naman, a,” pahumindig na sagot ni Desiree. “Di ba sinasabi ko naman sa iyo na ikaw lang ang lalaking best friend ko? Panay babae na iyong ibang mga kabarkada ko. Iyon namang mga husbands nila, hindi ko ka-close nang ganito. Kaya tigilan mo iyang pagse-self-pity mo kunwari riyan.”

        “Oo na,” tatawa-tawang sabi ni Brad. “Gusto ko lang namang i-confirm.”

        “Alam mo, masuwerte nga sana ang magiging partner mo,” seryosong pagpapatuloy ni Desiree. “Sayang nga lang.”

        “Bakit sayang?” biglang interesadung-interesadong tanong ni Brad.

        Hindi niya alam na ang inaasam ng binata ay sasabihin niyang sayang at hindi siya ang naging partner nito.

        Kaso, iba ang isinagot ni Desiree.

        “Sayang, kasi hindi ka pa nagkakapartner. Marami namang gay relationships na successful...”

        At bigla siyang napatigil.

        Pero huli na. Nakita niya ang pagrehistro ng matinding shock sa mukha ng kaharap.

        “I-I’m sorry, Brad,” natatarantang bawi ng dalaga. “N-nadulas lang ako. H-hindi ko sinasadya.”

        “You... you think I’m gay?” namumula ang buong mukha’t namimilog ang mga matang bulalas ni Brad.

        “It’s perfectly all right,” nagkakandautal ding paliwanag ni Desiree. “Matagal ko nang iniisip, and it doesn’t  change anything. It doesn’t change how I feel about you. How much I care for you.”

        “It doesn’t change anything?” mataas na ang boses na ulit ni Brad. “Of course, it changes everything.”

        “Brad, please,” mangiyak-ngiyak nang sabi ni Desiree. “You can trust me with your secret. Walang magbabago sa atin. Matagal ko na ngang hinihintay na ipagtapat mo sa akin, e. But if you’re not ready, it’s all right. I’m so sorry na pinangunahan kita.”

        “DESIREE, I’M STRAIGHT!” mariing pahayag ni Brad.

        Napakurap ang dalaga.

        Iniisip niya, matindi pala talaga ang identity crisis ng kaibigan. Hindi pa nito matanggap ang sariling pagkatao.

        Nakita niyang nakakuyom na ang dalawa nitong kamaong nakapatong sa magkabilang tuhod.

        “Bakit mo ba inisip na gay ako?” tanong ng binatang nakatiim-bagang.

        “K-kasi wala ka namang magustuhang girl, magmula pa noon, hindi ba?” paalala ni Desiree.

        “Iyon lang?” parang hindi makapaniwalang tanong ni Brad.

        “Ilang taon na iyon magmula pa noong freshmen tayo sa UP,” muling paalala ng dalaga. “Hanggang ngayon, kahit crush man lang, hindi ka nagkaka-crush. Kahit babae na ang nagpagpa-charming sa iyo, dedma ka pa rin. Magaganda naman sila. Sexy. Matitino. Matatalino. Iyong mga umaali-aligid sa iyo, lately, professionals na. Hindi mo pa rin pinapansin.”

        “Kasi hindi ko sila gusto,” nanggigigil na sagot ng binata.

        “Kaya nga,” sabi naman ni Desiree. “Wala kang magusutuhang babae.”

        “That doesn’t automatically mean I’m gay!” diin ni Brad.

        “Totoo?” may pagdududa pa ring tanong ni Desiree. “Brad, wala akong tinatagong sekreto sa iyo. Siguro naman, alam mong mapagkakatiwalaan mo rin ako. Sasama talaga ang loob ko sa iyo kung hindi mo ipagtatapat sa akin ang totoo. O baka hindi mo lang sinusuri nang mabuti ang sarili mo? Be honest with yourself. Huwag kang matatakot.”

        Tumayo na si Brad. Halatang parang sasabog na ito sa matinding emosyon.

        Maya-maya’y muli itong naupo sa tabi niya. Hinarap siya. Hinawakan sa magkabilang pisngi.

        “Paano ko ba patutunayan sa iyo na straight ako?” tanong ng binata. “There’s no other way.”

        At bago nahulaan ni Desiree ang intensiyon nito’y binihag na ng mga labi ni Brad ang kanyang mga labi.

        Isang halik na may nais patunayan. May kailangang patunayan. Kaya ganoon na lang ang alimpuyo ng damdamin. Para bang ibinuhos na ni Brad sa halik na iyon ang buo nitong pagkalalaki.

        Nang-aangkin. Nagtatatak. Nanggigising ng kanyang pagkababae.

        Sa simula’y hindi nakahuma si Desiree.

        Estranghero sa kanya ang pangyayari. Hindi pa siya nahahagkan sa labi sa buong buhay niya.

        Kaya’t naging parang tagamasid lang muna siya. Nakikiramdam. Pero hindi nagtagal at para na siyang malulunod sa nakakabaliw na mga sensasyon.

        Ang mga kamay niya sa simula ay nasa kanyang kandungan. Pero hindi na niya namalayang unti-unting tumaas ang mga ito at nangunyapit ang kanyang mga daliri sa polo ni Brad.

        At hindi na niya alam kung kailan siya kusang yumakap na rin kay Brad. Kung kailan natutong tumugon ang kanyang mga labi.

        Nang tumugon siya’y parang lalo pang nagatungan ang apoy sa pagitan nila. Lalo silang nagliyab.

        Kung hindi pa sila nabasa ng biglang pag-ulan ay hindi pa sila maaawat.

        Ang totoo niyon ay nagsimula sa madalang na mga patak ang ulan, na hindi nila napansin. Kinailangang mabasa na sila nang ganap para sila maalimpungatan.

        Bigla silang nagbitiw. Napakurap.

        Si Brad ang unang nakagalaw para hilahin siyang pabalik sa malaking bahay at sumilong.

        Sinalubong naman sila ni Nanay Taling sa pinto.

        “Naku, nabasa kayo,” pag-aalala nito. “Mabuti na lang at may mga bihisan kayo. Hala, magtuyo na muna kayo’t magpalit ng damit. Ipaghahanda ko kayo ng mainit na kape bago kayo bumiyahe. At mabuti sigurong hintayin muna ninyong humina nang kaunti ang ulan bago kayo sumugod sa daan.”

        Naging sunud-sunuran sila sa matanda.

        Wala pa rin silang imikan. Tuluy-tuloy lang sa kanya-kanyang silid kung saan naroon pa ang kanilang mga bagahe.

        Litung-lito si Desiree. Para siyang naka-automatic pilot habang kumukuha ng tuwalya’t bihisan.

        Naghubad siya ng basang kasuotan at sapatos. Tinuyo niya ang kanyang buhok at katawan. Nagsuot ng tuyong damit at sandalyas.

        Nagsuklay sa harap ng salamin.

        Nakatitig sa sarili.

        Nakatitig sa kanyang mga labi.

        Hindi siya makapaniwala. Hinagkan siya ni Brad. Hindi gay si Brad.

        Hanggang doon lang ang kayang puntahan ng kanyang isip. Hindi ito makaabante dahil bumabalik nang bumabalik sa alaala ng pinagsaluhan nilang halik.

        Sa bawat sensasyong kanyang nadama sa halik na iyon.

        Pakiramdam ni Desiree ay napakasensitibo ng kanyang mga labi. Damang-dama pa niya ang lahat ng ginawa rito ni Brad.

        At ang kanya ring pagtugon.

        Kakatwa, pero hindi lang pala ang mga labi niya ang nakadarama nang kakaiba, bawat himaymay yata ng kanyang laman ay gising na gising. Buhay na buhay. Bahagya pang nangangatog.

        Ganoon pala ang mahagkan. Napakagandang karanasan. Napakasarap.

        Pero bakit hindi niya iyon naranasan sa kanyang boyfriend? Bakit hindi pa siya hinahagkan nang ganoon ni Arman?

        Bakit kay Brad pa niya natikman ang kanyang unang halik?

        Nakakahiya tuloy kay Brad.

        Alam na alam pa naman nitong hindi pa siya nahahagkan ni Arman sa mga labi. Noong isang araw lang ay ipinagmamaktol niya rito ang pagkakamayan nila ng nobyo niya sa ibabaw ng mesa sa restaurant.

        “Hindi man lang ako hinalikan,” sumbong niya kay Brad.

        “Gusto mong halikan ka niya roon, in front of all those people?” hamon naman ng binata.

        “Sa cheek lang siyempre, ano?” paglilinaw niya. “Hindi pa nga niya ako nahahalikan sa lips, ever.”

        Natatawang napailing lang noon sa kanya ang kaibigan.

        Naisip tuloy ngayon ni Desiree, siguro’y naaawa si Brad sa kanya. Sa kawalan niya ng karanasan.

        Pagkatapos, ngayon, ito pa pala ang magiging first kiss niya.

        At nabisto nito kung gaano siya kasabik na mahagkan. Kaya ganoon na lang ang kanyang naging tugon.

        Hiyang-hiya talaga siya kay Brad. Hindi nga niya malaman kung paano niya ito haharapin.

        Pero hindi naman siya puwedeng magtago nalang sa kuwartong iyon sa habampanahon.

        Mabuti na lang at si Brad iyon.

        Lumabas na rin si Desiree.

 

SA salas niya dinatnan si Brad. Doon nagpahain ng mainit na kape at bagong lutong bibingka si Nanay Taling.

        Nakayuko ang binata. At nang magtaas ng paningin ay pulang-pula ang mukha.

        “I’m sorry, Des,” halos pabulong na sabi nito nang makalapit siya.

        Tumayo ito’t sinalubong siya.

        “I’m so sorry. Please forgive me.”

        Umiling siya.

        “Huwag ka ngang ganyan,” sagot niya. “Lalo lang akong nae-embarrass, e. Kasalanan ko naman. Sukat pagkamalan kitang gay.”

        “Naniniwala ka nang hindi totoo ang maling akala mo?” may pag-aalalang tanong ng binata.

        “Oo na,” sagot niya. “Two hundred percent pa.”

        “Hindi ko pa rin dapat ginawa iyon,” sabi ni Brad.  “Nabigla lang ako.”

        “I understand,” tango ni Desiree. “Hayaan mo na. Ako nga itong nakakahiya, e.”

        “Bakit naman?” tanong ni Brad.

        “Bakit pa raw?” ulit niya. “Para namang hindi mo alam na naunahan mo pa si Arman na mahalikan ako nang ganoon.”

        Natigilan ang binata.

        “G-galit ka dahil nauna ako sa kanya?” tanong nito pagkaraka.

        “Hindi ako galit sa iyo,” sagot ni Desiree. “Actually, sa kanya pa nga ako naiinis ngayon, e. Hindi kasi niya ginawa kaya tuloy naunahan siya. Nahihiya nga ako sa iyo. Di ba, parang kawawang-kawawa na talaga ako. Mas una pang nahalikan nang hindi ko boyfriend. Pero mabuti na lang at ikaw iyon.”

        “A-ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ni Brad.

        “Hindi ko naman ma-imagine na mahalikan ako ng ibang lalaki, ano?” sagot ni Desiree. “No way. Papatayin ko siya kung sino man siya.”

        “Ako ang papatay sa kanya,” agaw ni Brad.

        Nangiti si Desiree.

        “See?” sabi niya. “Mabuti na lang talaga at nagkataong ikaw iyon.”

        “Pero bakit okay lang sa iyo kung ako at hindi okay kung iba?” magkasalubong ang kilay na tanong ng binata.

        “Siyempre,” sagot ni Desiree. “Si Brad ka, e. Safe. Harmless – ay hindi pala, sorry!”

        Natawa siya nang bahagya.

        “Pero sa totoo lang, safe pa rin talaga ang pakiramdam ko sa iyo,” paglilinaw ni Desiree. “Huwag kang magagalit o maiinsulto. I just feel that you won’t ever do me any harm. Parang gaya no’ng kahit matindi ang ating mga argumento, alam kong magkakampi pa rin tayo.”

        Lumambot ang ekspresyon sa mukha ni Brad.

        “Totoo iyan,” sagot nito. “I’ll always do anything for you.”

        Biglang may nadama si Desiree na kailangang-kailangan niyang gawin. Patakbong niyakap niya si Brad.

        Gulat na sinalubong din siya nito ng yakap.

        Kayhigpit-higpit ng yakap ni Desiree sa binata. Nakayapos ang kanyang mga braso sa likod nito. Nakasubsob ang kanyang mukha sa leeg nito, sa may punong tainga. Halos magkasingtaas kasi sila.

        “I love you, Brad,” buong-pusong pahayag niya. “You’re my very, very best friend.”

        Hindi niya nakita ang mga emosyong rumehistro sa mukha ng binata. Una’y matinding kaligayahan – na agad na nahalinhan ng di mailarawang sakit.

        “I love you, Des,” nagawa pang isagot ni Brad habang niyayakap din siya nang buong higpit. Nakapikit ito na itinatago ang sakit.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)