FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
“MAY problema
tayo ngayon,” sabi ni Desiree habang
nasa biyahe sila ni Brad pauwi sa Maynila.
“Ano iyon?” tanong ng binata.
“Si Arman,” sagot niya. “Kung noon ngang
inakala kong gay ka, nagbabantulot akong itodo ang pagkukuwento sa kanya nang
tungkol sa iyo, ngayon pa kaya? Baka kasi hindi niya maintindihan ang
friendship natin.”
“Kapag nalaman niya ang nangyari kanina,
hahamunin ako niyon tiyak ng patayan,”
sabi ni Brad.
At seryoso ito.
“Hindi nga niya dapat malaman iyon,
ano?” mabilis na sagot ni Desiree. “Walang dapat na makaalam niyon. Tayo lang.”
“Okay,” maikling sagot ni Brad.
Biglang may naisip ang dalaga.
Nag-aalalang bumaling siya uli sa katabi.
“Paano iyon kapag hinalikan na niya ako
nang ganoon? Hindi ba niya mahahalata na may nauna sa kanya?”
Kamuntik nang mapapreno si Brad.
“O, dahan-dahan naman,” sabi ni Desiree.
“Sorry,” salubong ang mga kilay na sagot
ng binata.
“Teka, sagutin mo iyong tanong ko,”
paalala ni Desiree nang maayos na uli ang takbo nila. “Mahahalata ba niya na
nakipaghalikan ako sa iyo?”
Nagtagis ang mga bagang ni Brad.
“Ewan ko,” sagot nitong pilit na
ikinukubli ang panggigigil.
Ang totoo’y nanggagalaiti na ito sa tindi
ng nadaramang pagseselos. Maisip lang na hahagkan ni Arman si Desiree na tulad
ng kung paano nito hinagkan ang dalaga kanina ay parang gusto na nitong
magwala.
“Hindi mo alam?” sabi ni Desiree.
“Bakit, ikaw ba, hindi mo nalalaman iyon? Kanina, sakaling hindi mo pa alam na
hindi pa ako nahahagkan sa lips ninuman, malalaman mo ba iyon based sa
reactions ko?”
“Hindi ko iyon iniisip kanina,” sagot ni
Brad.
Madilim ang mukha nito. Hindi lang iyon
napapansin ni Desiree dahil gabi na’t madilim na rin sa loob ng kotse.
“Kunsabagay, ako rin, hindi na
makapag-isip kanina,” parang nahihiyang amin ng dalaga. “Siguro, mas halatang
wala akong experience kasi sabik na sabik akong makaranas ng kung paano ang
hinahalikan.”
Napalunok si Brad. Ang higpit-higpit na
ng pagkakahawak nito sa manibela.
“Alam mo, blessing in disguise iyong
halik na iyon,” masayang pagpapatuloy ni Desiree. “May bagong antas na ngayon
ang relationship natin. Mas nakakapagtanong na ako sa iyo tungkol sa mga bagay
na ikinahihiya kong itanong noon. Isn’t this great?”
“Great!” sarkastikong sagot ng binata.
Na hindi naman nakuha ng dalaga.
“Kung si Arman na kaya ang hahalik sa
akin, ganoon din ang mararamdaman ko?” tanong pa niya. “Dapat siguro, mas
matindi pa roon, hindi ba? Boyfriend ko siya, e.”
Hindi na talaga nakasagot si Brad. Kulang
na lang ay magdilim ang paningin nito.
“Alam mo, masuwerte talaga ang magiging
girlfriend mo, Brad,” biglang baling ni Desiree. “Pero huwag ka munang
magkaka-girlfriend, ha? It may be selfish of me, pero kailangan ko muna ang
undivided attention mo habang inaayos ko itong sitwasyon namin ni Arman. Hayaan
mo, kapag ikinasal na ako, ikaw naman ang ihahahap ko ng partner para fair.
Basta dapat hindi niya sisirain ang special friendship natin.”
“Huwag na huwag mo akong ipapares sa
kung kani-kanino,” sagot ni Brad sa himig na nagbabanta. “Ako ang magpapasya
kung sino ang gusto ko o ayaw ko.”
“Kaso, lahat na lang yata, ayaw mo,” reklamo
ni Desiree. “Napakapikihan mo naman.”
“Bahala na ako roon,” sagot ni Brad.
“Kunsabagay, okay lang sa akin iyon,”
nakangiting sabi ng dalaga. “Wala akong poproblemahing baka magselos sa akin
tulad ng kung paanong baka magselos si Arman sa iyo.”
“Paano kung magselos nga siya’t
pagbawalan ka nang makitungo sa akin?’ tanong ni Brad.
Iyon ang pinakakinatatakutang mangyari ng
binata.
“Hindi dapat mangyari iyon,” kampanteng
sagot ni Desiree. “Hindi ko na nga kasi paaabutin pa sa ganoon. Ngayon pa lang,
nag-iingat na ako. Pinipili ko na ang pagkukuwento ko sa kanya tungkol sa iyo.”
“Hindi mo pa rin maiiwasang makarating
sa kanya sooner or later ang closeness natin,” pag-aalala ni Brad. “Baka lalo
niyang mapagkamalang may itinatago ka sa kanya.”
“Subukan lang niyang magbintang nang
wala sa lugar at siya ang iiwan ko,” depinidong sagot ng dalaga.
Parang haplos iyon sa sugatang damdamin
ni Brad. Pero hindi pa rin sapat para maampat ang pagdurugo ng puso nito.
HINDI makatulog
si Desiree. Hindi maalis sa isip niya ang halik ni Brad. Hindi niya makalimutan
ang lahat ng nadama niya sa halik na iyon.
Sa tinagal-tagal ng panahon na
naturingan siyang may boyfriend, bakit ngayon lang niya naranasan ang ganoon?
Binabalik-balikan niya ang mga sandaling
nakakulong siya sa mga bisig ni Brad. At sinusubok niyang ilarawan sa kanyang
imahinasyon na si Arman ang kanyang kapiling.
Bakit ayaw rumehistro si Arman sa
kanyang balintataw?
Kasi naman, siyempre, si Brad iyong
kasama niya kanina at hindi si Arman.
Nagpasya si Desiree. Kailangang mahagkan
siya ni Arman. Bukas na bukas din.
Kung ganoon pala ang pakiramdam niyon,
bakit ba nila ipinagkakait sa kanilang mga sarili?
At kung araw-araw ba siyang hahagkan ni
Arman nang ganoon, o higit pa roon, aba’y baka mas madali na silang magkakaunawaan.
MAAGANG-MAAGA
pa ng Lunes, pagkatapos niyang makapaligo at bago pa man siya nagbihis ng
pang-opisina, ay tinawagan na ni Desiree si Arman sa apartelle.
“Good morning,” masuyong bungad niya
rito. “Na-miss mo ba ako?”
“H-ha?” parang nabiglang sagot ng
binata. “O-oo, siyempre.”
“Gustung-gusto na rin kitang makita,”
sabi ng dalaga. “Sunduin mo ako nang maaga mamaya, ha?”
“Sige,” sagot ni Arman. “Iyon naman talaga
ang usapan natin, hindi ba?”
“See you,” masayang paalam ni Desiree.
Pinili niya nang mabuti ang isusuot niya
para sa espesyal na araw na iyon. Light pink – kulay ng pag-ibig. Malambot at
makinis na seda. Palda’t blusang konserbatibo sa isang banda dahil mahaba ang
manggas at puwedeng pang-opisina ang estilo. Pero kung susuriin, mapapansing
dahil sa tabas at bagsak ng tela ay sunod na sunod sa magandang hubog ng
katawan ng dalaga ang outfit na hanggang kalagitnaan lang ng kanyang mga hita
ang ikli.
Tinernuhan niya iyon ng slingback pumps
na puti na tatlong pulgada ang taas ng takong na stilleto at puti ring envelope
bag.
Ang kanyang buhok ay itinaas niya sa isang
French twist. Naka-display ang kanyang makinis na leeg at batok.
Iningatan din niya nang husto ang
pag-aayos sa kanyang mukha. Kaunting-kaunting make-up lang – sapat para makapagpalutang
sa kanyang kagandahan nang hindi nawawala ang natural na dating.
Pagkatapos ng lahat, napangiti si
Desiree pagtingin niya sa salamin.
Siguro naman, maaakit na niya ang
kanyang boyfriend para hagkan siya sa labi sa kauna-unahang pagkakataon.
Lalo pang nasiyahan si Desiree nang
masaksihan ang reaksiyon ni Brad pagkakita sa kanya sa opisina.
Pagdating niya sa kanyang cubicle ay
inabutan na niya itong naghihintay roon.
“You look beautiful!” bulalas ng binata
pagkaraan ng saglit na parang pagkatulala.
“Thank you,” nakangiting saot niya.
“Sinadya ko ito. At kasalanan mo.”
“Kasalanan ko?” kunot-noong tanong ni
Brad. “After yesterday,” nakangiti pa ring
sabi ni Desiree. “Remember?”
Namula ang binata. Halatang hindi
kumportable sa alaalang iyon.
Mabilis na nagpatuloy si Desiree.
Pabulong.
“Dahil doon, naisip kong panahon na para
halikan ako ni Arman.”
“Ano?” parang pahumindig namang tanong
ni Brad.
“Si Arman,” pabulong pa ring paglilinaw
ng dalaga. “Siya ang boyfriend ko, hindi ba? So, dapat lang na maranasan ko na
rin na mahalikan ako ng sarili kong boyfriend. Pero dahil ang bagal-bagal niya,
I’ve decided to make the first move. Tonight. Kaya dressed to kill ako ngayon.
Do I look irresistible enough?”
Biglang nag-iba ang mukha ni Brad.
“Hey, is there something wrong?”
nag-aalalang tanong ni Desiree. “May masakit ba sa iyo?”
Nagtaas ng dalawang palad ang binata.
“A... p-parang lalagnatin nga yata ako,
e,” sagot nito. “T-teka... excuse me.”
At paatras na itong lumabas ng kanyang
cubicle.
“Saan ka pupunta?” tanong ni Desiree.
“Sa men’s room,” sagot ng binata.
Nag-aalala pa ring napailing na lang ang
dalaga.
Hinintay niyang magbalik si Brad.
Magkatabi lang naman ang mga cubicle nila.
Halatang bagong hilamos ito.
“Kumusta na?” tanong ng dalaga.
“A... b-baka kailangan kong
mag-day-off,” sagot ni Brad.
“Mabuti pa nga,” tango ni Desiree.
“Dumaan ka na rin sa doktor para makapagpa-check-up.’
“Bahala na,” sagot ni Brad. “S-sige,
magpapaalam lang ako.”
“Ingat, ha?” bilin niya.
SA gitna ng
matinding pananabik sa magaganap sa kanila ni Arman, hindi pa rin maalis ang
pag-aalala ni Desiree kay Brad. Makailang ulit niya itong tinawagan sa bahay sa
maghapong iyon. Lagi namang walang sumasagot.
Baka naman nagpunta nga sa doktor, sabi
na lang ng dalaga sa sarili. O baka rin nakatulog nang malalim kaya hindi
marinig ang telepono.
Hustong kabababa lang niya uli sa
awditibo nang dumating si Arman.
Nagulat pa si Desiree.
At hindi niya alam kung bakit may nadama
siyang sundot ng pagka-guilty. Alam naman niyang wala siyang ginagawang masama
na dapat niyang ika-guilty.
Namula tuloy siya. Bagay na lalo pang
nagpatingkad sa kanyang ganda.
“Ready?” tanong ni Arman.
“Of course,” mabilis na sagot ng dalaga.
“You look like you’re in bloom,” pansin
ni Arman.
Namukadkad ang ngiti ni Desiree.
“Dapat lang, hindi ba?” sagot niya.
“Nandito ka, e.”
Napakurap si Arman. Parang naasiwa.
Napapansin na ni Desiree iyon, noon pa.
Na kapag may nababanggit siya na medyo romantic – na dapat ay natural lang na
napag-uusapan ng magkasintahan – ay naaasiwa ang binata.
Kaya siguro hindi nauso sa kanila ang magsabi
sa isa’t isa ng mga katagang “I love you,” o “Mahal kita”.
Hinahanap niya iyon ngayon. Isa iyon sa
mga bagay na pinananabikan niya.
Napabuntonghininga ang dalaga.
Hindi bale. Baka naman kapag nahagkan na
siya ni Arman ay biglang magbago ang lahat sa pagitan nila.
Kaya nga kailangan na talagang maganap
ang “magic moment” na iyon.
“Let’s go,” mabilis na yaya ni Desiree.
Marami silang nakasabay palabas ng opisina.
Kabi-kabila ang batian. Naipakilala na kasi ni Desiree ang boyfriend niya sa
mga kaopisina noong isang linggo pa. Si Brad na nga lang yata ang hindi pa nito
nakakaharap.
Sa kotse na lang uli sila
nagkasarilinan.
“Puwede bang sa Manila Hotel naman tayo
mag-dinner?” hiling ni Desiree. “Sa coffee shop lang naman.”
“Why not?” sagot ni Arman. “Hindi pa nga
tayo nakakapunta roon.”
Pinili ng dalaga ang lugar na iyon dahil
alam niyang may maganda at romantikong hardin ang hotel na may seaside promenade.
Nakita niya iyon noong minsang may dinaluhan sila ni Brad na cocktail party ng
isang kompanya.
Wala na siyang ibang maisip na romantic
na lugar kung saan maaaring maganap ang kanyang pinaplanong eksena. Ayaw niya naman
na sa sinehan maganap ang kanilang unang halik.
Naisip niya ang UP campus, isa sa mga
pinakapaborito niyang lugar. Pero masyadong nakaugnay sa kanila ni Brad ang
lugar na iyon. At gusto niyang panatilihing kanila lang iyon. Isang kanlungan
kapag kailangan niyang makasama at makausap ang kanyang best friend.
Mas bagay sa kanila ni Arman ang hardin
ng Manila Hotel. Kapag tinanong siya – saan naganap ang inyong first kiss? Sa
seaside promenade sa garden ng Manila Hotel. Bagay na bagay ang setting.
Mabuti na lang at pumayag si Arman na
doon sila maghapunan.
Sinadya ni Desiree na maging super sweet
habang kumakain sila. Kuwento siya nang kuwento tungkol sa mga naganap na
katatapos na training semnar sa Tagaytay – hindi siyempre kasali ang tungkol sa
kanila ni Brad.
“You really love your work, don’t you?”
tanong ni Arman.
“Oo naman,” sagot ng dalaga.
“Kaya imposibleng makumbinse kang
magbago ng trabaho,” malungkot na sabi nito.
Natigilan si Desiree. Hindi niya akalaing
mapupunta na naman sa sensitibong paksa ang kanilang pag-uusap.
“Well, hindi ko hihilingin sa iyo ang
imposible,” pabuntonghiningang dagdag ng binata.
“Arman...” sabi ni Desiree. “Saka na natin
pag-usapan ang tungkol diyan. Don’t you think there are other more immediate
things that we have to agree on first?”
“Like what?” kunot-noong tanong ng
binata.
Nagpalinga-linga ang dalaga.
“Mahirap mag-usap nang sarilinan dito,”
sabi niya. “Doon kaya tayo sa garden, tapos na rin lang tayong kumain.”
“Okay,” tango ni Arman.
At sinenyasan na nito ang waiter para sa
kanilang bill.
Naglakad-lakad sila sa hardin
pagkatapos.
“Maganda rito,” ano?” sabi ni Desiree.
“Banda roon, may seaside promenade pa. Very romantic.”
“Kabisado mo, a,” pagtataka ni Arman.
“Nakapunta na kasi ako rito noon,” paliwanag
ng dalaga. “May dinaluhan kaming cocktail party ng kliyente. Nanghinayang nga
ako na hindi ikaw ang kasama ko. Very romantic nga kasi. Ipinangako ko sa
sarili ko na kailangang bumalik ako rito na kasama na ang boyfriend ko.”
“Kaya pala bigla mo akong niyaya rito,”
sabi ni Arman.
“Halika, doon tayo sa seawall,” anyaya
ni Desiree.
Dumako sila sa tabing-dagat.
Napansin ng dalaga na walang ibang tao
roon. Tamang-tama para sa kanyang binabalak.
Tumigil siya’t sumandal sa seawall.
Tumigil din si Arman sa tabi niya.
“Mag-aanim na taon na tayo, hindi ba?”
sabi ng dalaga.
“Parang kailan lang,” sagot ng boyfriend
niya.
“Pero, after all those years, hindi mo
pa ako nahahagkan,” lakas-loob na bulalas ni Desiree.
“Ano’ng hindi pa?” kunot-noong tanggi ng
binata. “Hinahagkan kita sa tuwing bago ako umalis.”
“Sa pisngi lang iyon,” sagot ng dalaga.
“Oh!” parang napahiyang sabi ni Arman.
“Don’t you think it’s about time?”
masuyong tanong ni Desiree. “Kailangan ko pa bang hilingin na hagkan mo ako...
nang hindi lang sa pisngi?”
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito,
pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)