Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Huwebes, Pebrero 9, 2023

Abakada ng Pag-ibig: DESIREE Chapter 9

 

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

KAHIT hindi gaanong maliwanag ang bahaging iyon ng seawall ay kitang-kita ni Desiree ang malalim na pamumula ni Arman. Halatang-halata rin ang pagbabantulot ng binata.

        Gusto nang mainsulto ng dalaga. Saan ka naman kasi nakakita ng boyfriend na hinihilingan na ng girlfriend ng halik ay nagbabantulot pa?

        Pero ayaw niyang magalit. Hindi sa mga sandaling ito. Hindi niya sasayangin ang pagkakataon. It’s now or never, sabi nga.

        Iniisip na lang niya na talaga sigurong konserbatibo si Arman. Nahihiya. Natotorpe. Kung tutuusin nga naman kasi ay hindi sila nasanay sa ganitong mga tagpo.

        Siya na ang unang lumapit sa binata.  Pero hindi rin pala niya kayang tingnan ito nang diretso. Nanatili siyang nakayuko sa harap nito.

        Parang kaytagal, pero kumilos din si Arman paglaon. Hinawakan siya nito sa baba para itaas ang kanyang mukha.

        Nagtama ang kanilang tingin.

        Nabasa ni Desiree ang kalituhan sa mga mata nito. At sa mga sandaling iyon ay nadama niyang ganoon din ang nasa kanyang puso at isipan.

        Sa gitna ng kalituhan ay nagtagpo ang kanilang mga labi.

        Nagtagpo lang. Kapwa nakapinid. At hindi na kumilos nang higit pa roon.

        Walang nadama si Desiree kundi pagtataka.

        Ganito lang ba?

        At, pagkaraan lang ng sansaglit, kusa nang kumilos ang kanyang buong katawan nang palayo kay Arman.

        Hindi naman siya nagpumiglas. Hindi niya itinulak ang binata. Basta’t dahan-dahan lang siyang umurong.

        At agad naman siya nitong binitiwan.

        Tumalikod si Desiree.

        Parang kayhaba ng katahimikan bago nagsalita si Arman.

        “Des...”

        “Shhh!” putol agad ng dalaga. “Huwag muna. Pareho pa tayong naguguluhan. Let’s just go home. Please.”

        Bumuntonghininga ito.

        “Okay,” sagot ng binata.

        Wala silang imikan mula roon hanggang sa biyahe pauwi.

        Binuhay ni Arman ang radyo. Para namang tukso ang nataong awitin na pumailanlang mula roon.

        You never close your eyes anymore

        when I kiss your lips...

        Pareho silang hindi kumportable sa kahabaan ng kanta pero walang sinuman sa kanilang nagkaroon ng lakas ng loob para patayin ang radyo.

        Katulad ng dati, itinuloy ni Arman ang sasakyan sa apartelle.

        “Paano?” tanong nito pagtigil nila roon.

        “Mag-usap na lang tayo bukas,” matamlay na sagot ni Desiree.

        At binuksan na niya ang kanyang pinto para umibis.

        Umibis na rin si Arman. Hinintay siya nito sa tabi ng driver’s seat.

        “Good night,” paalam ng binata nang makasakay na siya uli. “Drive carefully.”

        “Good night,” sagot niya.

        Isinara na ni Arman ang kanyang pinto.

        At iniatras na ni Desiree ang sasakyan.

        Habang nagmamaneho siya pauwi ay sadyang isinara muna niya ang kanyang isip. Kailangang makauwi muna siya nang matiwasay. Kailangang ibuhos niya ang kanyang konsentrasyon sa daan. At hindi mangyayari iyon kung papayagan na niyang makawala ang parang bagyong namumuo sa kanyang puso’t isipan.

        Nakarating naman siya sa bahay nang ligtas. Nabuksan niya ang tarangkahan. Naipasok niya ang kotse sa garahe. Nai-lock uli nang tama ang gate.

        Nakapasok siya ng bahay. Nai-lock din niya ang pinto. Nakapanhik siya nang maayos sa kanyang silid.

        Mabuti na lamang at wala siyang nakasalubong ni isang miyembro ng pamilya. Waring tulog na tulog na ang lahat pati na mga katulong.

        Pagkasara na pagkasara niya sa pinto ng kanyang silid ay tuluy-tuloy na si Desiree sa kanyang higaan.

        Ibinagsak na lamang niya sa sahig ang kanyang envelope bag at sapatos.

        Padapa siyang nahiga. Parang punong bumagsak.

        Hilung-hilo siya. Hindi pisikal kundi emosyonal na pagkahilo.

        Hindi niya maintindihan kung ano ang nangyari. Bakit ganoon?

        Hindi ba dapat ay naulit ang naranasan niya kagabi? O nahigitan pa? Bakit wala siyang nadama nang maglapat ang mga labi nila ni Arman?

        At pupusta siyang wala ring nadama si Arman. Wala siyang napansing kahit na anong reaksiyon mula rito.

        Kahit naman wala siyang ibang karanasan ay alam niyang hindi dapat ganoon ang nagaganap sa magkasintahan. Kahit sabihin pang eksaherasyon lang ang napapanood niya sa pelikula o nababasa sa mga nobela ay alam  niyang kahit kalahati man lang sa inilalarawan sa mga iyon ay totoo.

        Kahit ibatay na nga lang niya sa naganap sa kanila ni Brad.

        At hindi nga niya boyfriend si Brad!

        Ayaw niyang isipin. Ayaw niyang aminin. Kaya nga kanina pa niya pinipigil ang sarili na mag-isip. Pero heto’t nakabalandra na sa harap niya ang katotohanan.

        Imposibleng nagmamahalan sila ni Arman.     Imposibleng nag-iibigan sila.

        Walang pag-ibig na namamagitan sa kanila ng boyfriend niya!

        Nanlata na nang tuluyan si Desiree.

        Gusto niyang maiyak. Sa isip ay alam niyang dapat siyang umiyak. Mag-aanim na taon na ang relasyon nila ni Arman. Ngayong napatunayan niyang hungkag at walang kabuluhan ang relasyong iyon ay dapat siyang umiyak, hindi ba?

        Bakit hindi siya maiyak?

        Nanghihinayang siya, oo. Malalim na panghihinayang.

        Panghihinayang sa anim na taon ng paghihintay at pag-asam. Anim na taong nasayang.

        At nalulungkot siya. Malalim na pagkalungkot. Dahil alam niyang pagkatapos nito ay hindi na maibabalik kahit ang pagiging magkaibigan nila ni Arman. Mahirap na para sa kanilang dalawa. Nakakailang na.

        Pero sa kabila ng lahat ng iyon ay hindi talaga siya maiyak.       

        Bakit kaya?

        At mayroon pang isang katanungang gumugulo sa kanyang damdamin.

        Kung ganoon lang ang halik na namagitan sa kanila ni Arman dahil hindi sila nagmamahalan, bakit kaiba naman ang naganap sa kanila ni Brad?

        Ang kahulugan ba niyon ay nagmamahalan sila ni Brad?

        Biglang bumilis ang tibok ng puso ni Desiree. Kinabahan siya. Nanlamig ang kanyang mga palad.

        At muli, isinara niya ang kanyang isip.

        Isa-isa lang muna. Kailangan pa niyang ilagay sa lugar ang relasyon nila ni Arman.

 

MAAGANG nagbihis si Desiree kinabukasan. Pero Hindi pang-opisina. Casual na shorts na maong, baby t-shirt na puti at sneakers. Wala rin siyang make-up. Yung gusto niyang gayak pag wala siya sa opisina. Yung kung sino siya ngayon.

        Tumawag siya sa opisina para magsabing hindi siya papasok. Nagdahilan siya na masama ang katawan.

        Pagkatapos ay nagtuloy siya sa apartelle.

        Sinadya niyang huwag munang tawagan si Arman. Alam niya palibhasang hindi siya papayagan nito na pumanhik. Tuluy-tuloy lang siya.

        Hindi naman siya hinarang sa reception desk. Namumukhaan na  kasi siya ng mga guwardiya’t receptionist sa madalas na paghahatid niya sa kanyang boyfriend. Nginitian pa nga siya ng mga ito.

        Kumatok siya sa pinto ng unit ni Arman.

        Medyo natagalan bago nito nabuksan ang pinto. Galing pala kasi ito sa banyo. Kitang-kita sa basa pa nitong buhok. At halatang nagmadali ito sa pagsusuot ng t-shirt at shorts na may mga bakas pa ng pagkakatiklop.

        “Desiree!” gulat na sambit nito nang makita siya.

        “Kailangan nating mag-usap, Arman,” sabi niya. “Papasukin mo ako.”

        “P-pero...” pag-aalangan ng binata.

        “Come on,” sabi ni Desiree. “I assure you, hindi masisira ang reputasyon mo o reputasyon ko. Kailangan ko lang ng privacy sa pag-uusapan natin. Ayokong iparinig sa lahat ng taong maaaring nasa coffee shop sa ibaba.”

        Napapakurap na umurong si Arman mula sa pinto.

        “C-come in,” sabi nito.

        Pumasok siya. Tuluy-tuloy na naupo sa sopa.

        Atubiling isinara ni Arman ang pinto.

        Gusto nang mailang ni Desiree. Paano’y parang takot na takot pa rin ang binata samantalang napakadisente naman ng sitwasyon. Nasa salas lang sila ng unit. Nakabukod naman ang silid tulugan.

        At naisip pa niya, sa sitwasyon nilang dalawa ngayon ay napakalayong mangyari na matukso silang lumapit man lang sa silid na iyon.

        “Hindi ka papasok sa opisina?” tanong ni Arman nang maupo ito sa silyang kaharap ng sopa.

        “Hindi rin naman ako makakapagtrabaho roon hangga’t hindi tayo nakakapag-usap nang masinsinan,” sagot ng dalaga. “We need to settle things once and for all, Arman.”

        “Settle things?” halatang kinakabahang ulit ng binata.

        “Arman, puwede ba?” nauubusan na ng pasensiyang sabi ni Desiree. “Let’s just be honest with each other. Huwag na tayong magbulag-bulagan sa nangyayari sa ating dalawa.”

        “Ano ba sa tingin mo ang nangyayari  sa ating dalawa?” seryosong tanong nito.

        “Wala,” sagot niya. “And that’s the problem. Just like last night’s kiss.”

        Namula si Arman.

        “Desiree, kung hinahanapan mo ako ng hot and passionate kisses...”

        Nagtaas agad ng palad ang dalaga.

        “Hindi lang naman ikaw,” sabad niya. “Ako rin. Pareho tayong walang naramdaman kagabi. Don’t you see? We don’t feel anything for each other.”

        Natigilan si Arman. Napakurap.

        Bumalik ang pagkalito sa mga mata nito.

        “Pareho lang tayong nagtataka sa nangyari,” amin ni Desiree. “Pero hindi natin puwedeng i-deny ang katotohanan.”

        “P-pero for six years...” sabi ni Arman.

        Napabuntonghininga ang dalaga.

        “Yes, for six years, naghintay ako,” sagot niya.

        “Ikaw lang ba?” parang panunumbat ng binata. “Ako rin. Nagtrabaho ako. Nag-ipon. Nagplano. Para sa atin. Para sa bubuuin nating pamilya. Dahil ikaw yung inisip kong ideal woman for me.”

        “Ako nga ba?” hamon ni Desiree. “Mag-isip-isip ka muna uli. Nagbago na ako, hindi ba? Baka ang ideal woman mo ay iyong nakilala mo six years ago. Hindi na ako ganoon. Hindi ko na maibabalik ang sarili ko sa ganoon. At hindi ko rin na rin gugustuhing magbalik sa ganoong pagkatao. I’ve grown up. Ito na ako ngayon.”

        Napalunok si Arman.

        “Nagsisikap naman akong mag-adjust sa mga pagbabagong naganap sa iyo, hindi ba?” sabi nito pagkaraka.

        “Pinipilit mo, oo,” sagot ng dalaga. “Pero hindi naman fair na ipilit ko ang sarili ko sa iyo. In the same way na hindi rin fair sa akin na pilitin ang sarili kong mag-adjust sa iyo. Kahit hindi ka gaanong nagbago, nagbago naman ang mga reaksiyon ko sa iyo. Sinubukan nating pagtagpuing muli ang ating mga sarili pero hindi na pala puwede. Iba na.”

        “Are you saying this is the end?” tanong ni Arman. “Tinatapos mo ang anim na taong relasyon nang ganito lang?”

        “Ginawa na natin ang lahat,” paalala ni Desiree. “Huwag tayong matakot na aminin ang katotohanang wala na tayong magagawa pa. Mas nakakatakot kung pikitmata tayong tutuloy, magpapakasal, at habambuhay na magkukunwaring maligaya sa piling ng isa’t isa. Hindi natin kaya iyon. Sooner or later, maghihiwalay lang tayo.”

        “Paano ang pamilya mo?” tanong ni Arman. “Kulang na lang ay nangako ako sa parents mo at kay Winston. Sa panig ko naman, walang pamilyang umaasa na ikakasal na tayo.”

        “Magpapaliwanag ako sa kanila,” sagot ng dalaga. “Huwag kang mag-alala. Hindi ka nila masisisi. Sisiguruhin kong hindi sila magagalit sa iyo. Wala naman talagang may kasalanan sa nangyayaring ito.”

        Napailing si Arman.

        “Sayang...” sambit nito.

        “Nakapanghihinayang talaga ang anim na taon,” salo ni Desiree. “Pero mas nakapanghihinayang ang mga susunod pang maraming taon kung hindi natin bibigyan ang ating mga sarili ng pagkakataon para hanapin ang tunay nating ikaliligaya. Both of us deserve much more. May ibang mga taong nakalaan para sa atin. I’m sure of that.”

        Tiningnan siya ni Arman.

        “Ibang-iba ka na nga,” sabi nito. “You seem to be so strong. So sure of yourself. Hindi mo na nga ako kailangan.”

        Nangiti si Desiree.

        “Pero totoong kinailangan kita noon,” sagot niya. “And you were there for me. Naaalala ko iyon. And I thank you for it. Mahina pa ako noon, at pinalakas mo ang loob mo. Kung tutuusin, ang suporta mong iyon ang unang nakatulong sa akin para maigpawan ang aking mga kahinaan. Kinikilala ko iyon. Bahagi ka ng pagbabago ko.”

        “Well, I’m glad,” malungkot ang ngiting sabi ng binata. “Natutuwa ako na natulungan kita. And, I confess, may pagkamakasarili iyong kagustuhan kong maging knight in shining armor. Masarap kasi sa pakiramdam. But now, I guess it really is time to let go.”

        “I’ll never forget you,” pahayag ni Desiree.

        “Ikaw rin,” sagot ni Arman. “Hindi na kita malilimot. Even if I do fall in love with someone else, you’ll always have my affection. At kahit hindi mo na ako kailangan, laging magmamalasakit pa rin ako sa kapakanan mo.”

        “Hindi ko naman iniaalis iyon sa iyo,” sabi ng dalaga. “Ako rin naman, I will always care for you. Kahit hindi na tayo magkita, ipagdarasal kong maging maligayang-maligaya ka.”

        Tumayo na si Desiree.

        “Baka magkaiyakan pa tayo nito, a,” pagbibiro niya. “Mabuti pa, tumuloy na ako.”

        Tumayo na rin si Arman.

        “Paano na...?” tanong nito.

        “Ako na’ng bahalang magpaliwanag sa bahay,” sagot niya. “Huwag mong alalahanin iyon. Hindi ka na kailangang humarap pa sa kanila.”

        “Hanggang next week pa naman ako narito,” sabi ni Arman. “Kung gusto akong kausapin ni Winston o ng Daddy mo, okay lang. Ang gusto ko rin naman, maayos nating maresolba ang lahat bago ako umalis.”

        “Sasabihin ko sa kanila iyan,” tango ng dalaga.

        Tinitigan siya ni Arman nang may kalungkutan.

        “I’ll miss having you in my life, Des,” sabi nito. “Kahit iyong mga sulatan lang natin.”

        “I’ll miss that, too,” amin ni Desiree.

        Ngayon lang sumungaw ang mga luha sa kanyang mga mata.

        Mamasa-masa rin ang mga mata ng binata.

        “Can I give you a hug?” hiling nito.

        “Of course,” mabilis na sagot niya.

        Sabay silang lumapit sa isa’t isa. Sa pagkakataong iyon, parang natibag ang pader na kaytagal nang nakapagitan sa kanilang dalawa. Ngayong malinaw na ang lahat ay mas naipahayag na nila ang tunay na pagmamahal-kaibigan na nadarama nila sa isa’t isa.

        Kayhigpit-higpit nilang nagyakap.

 

NAGTULOY muna si Desiree sa Jollibee para magkape. Sisinghut-singhot pa siya.

        Masakit din pala. Ngayon lang niya nararamdaman ang kawalan. Parang may namatay na bahagi ng kanyang pagkatao. Kasabay ng paglaho ng dati niyang mga pangarap at pantasya. Iyong mga pangarap at pantasya tungkol sa kinabukasan nila ni Arman.

        Pero kaya niyang igpawan ang kirot. Dahil kasabay naman niyon ang mas makapangyarihang pakiramdam ng paglaya.

        Para siyang nakalaya sa anim na taong pagkagapos. Sa anim na taong pagkakulong.

        Kung susumahin, mas lamang ang kanyang pagsasaya kaysa pagdadalamhati.

        Pero hindi pa ganap na resolbado ang pagkagulo ng kanyang isip. May isa pang bagay na napagpapalito sa kanya.

        Kailangang makausap niya si Brad. Ngayon din.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)