Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Marso 29, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ELAINE Chapter 11

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 11 

“O, HAYAN ka na pala,” nakangiting sabi ni Emong pagpasok niya. “Tumuloy rito si Arman pagkagaling sa center, e. Kanina pa nga kami nagkakasarapan ng kuwentuhan.”

        “Good evening, Elaine,” sabi ng binatang agad na tumayo pagkakita sa kanya.

        Hindi nakasagot ang dalaga sa pagkabigla.

        “Dito ko na pinaghahapunan si Arman,” papapatuloy ni Emong. “Kaya pumanhik ka na muna’t magbihis bago mo siya harapin.”

        “S-sige, Dad,” nakuhang isagot ni Elaine matapos humalik sa pisngi ng ama.

        At tumalilis na siyang papanhik.

        Sinalubong naman siya ni Yolly sa pasilyo ng pangalawang palapag ng bahay.

        “Elaine, bakit hindi mo man lang ikinuwento sa amin si Arman?” parang nagtatampong sumbat nito pagbalik niya.

        “W-wala na namang dapat ikuwento, Mommy,” sagot niya.

        Pero sinundan siya ng ina hanggang sa kuwarto. Naupo ito sa kanyang kama.

        Naupo naman si Elaine sa harap ng tokador.

        “O, magbihis ka na habang nag-uusap tayo,” untag ni Yolly. “Hinihintay ka sa ibaba. Nakakahiya naman kung magpapatagal-tagal ka pa.”

        “Kailangan ko pa ba siyang harapin, Mommy?” nagawa na niyang ireklamo. “Hindi naman maganda ang naging paghihiwalay namin. Ayoko na siyang makaharap.”

        “Kaya nga mas dapat na mag-usap man lang kayo nang masinsinan,” sagot ni Yolly. “Anumang gusot ang dinaanan ninyo, mas mabuting napapag-usapan nang mahusay at mahinahon. Maayos namang pumarito ‘yung tao. Disente namang kausap. And your Dad and I feel that he’s sincere. Nagtapat siya sa amin, e.”

        Kinabahan si Elaine.

        “A-anong nagtapat?” tanong niya.

        “Tungkol sa inyo,” sagot ng ina. “Kung paanong nagkaloko-loko ang relasyon n’yo. Excuse me, hindi pa nga pala kayo pormal na nagkakarelasyon.”

        Nataranta na talaga si Elaine.

        “Mommy, ano ba talaga ang ikinuwento ng lalaking iyon sa inyo ni Daddy?”

        “The whole story – or at least, the general outline,” sagot ni Yolly. “Iyong may girlfriend siya dati sa Manila. Kaya kahit daw attracted kayo sa isa’t isa, iniwasan ka niya. By the way, that was very decent of him. Pagkatapos, naghiwalay sila nu’ng girlfriend niya because they realized that they weren’t in love. Dahil daw doon, nawalan siya ng tiwala sa pag-ibig. So when he went back to you, iba na siya. Cynical na. Inalok ka raw niya ng relasyong walang commitment pero, of course, ayaw mo because you believe in love. Which makes us very proud of you, anak. Ngayon, nandito siya para ligawan ka uli. This time, for real. Dahil na-realize daw niyang he’s actually in love with you.”

        “Ganoon?” sarkastikong bulalas ni Elaine. “Bolahin niya ang lelang niya.”

        “Elaine!” saway ni Yolly. “Hindi naman kami naive para basta maniwala sa kanya if we think he’s a fraud. Ilang oras na namin siyang kausap. Na-interrogate na siya nang husto ng Daddy mo. At kahit pagbali-baligtarin, consistent pa rin siya sa mga sinasabi niya. And besides, kung balak ka lang niyang bolahin, dapat noon pa. Puwede namang sinabi niya sa iyo noon na mahal ka niya even if he didn’t really feel that way. Instead, he close to be honest with you even if it meant that you would turn him down. At ngayong napatunayan niya sa sarili niyang mahal ka nga pala niya, he had the guts to come here to tell you. At malakas ang loob niyang kausapin kami. Hindi gagawin iyon ng isang nambobola lang.”

        Umiling si Elaine.

        “Ayoko na, Mommy,” sabi niya. “I’ve tried so hard to get over him. Ayoko na.”

        “Well, desisyon mo iyan,” sagot ni Yolly. “Hindi ka naman namin didiktahan sa bagay na iyan. Kaya lang, huwag mo naman kaming ipapahiya. Umakyat siya nang mahusay sa pamamahay natin, harapin mo siya nang mahusay. Mag-usap kayo nang mahinahon. Pakinggan mo muna siya. And  then tell him whatever it is you want to tell him – pero sa maayos ding paraan. Okay?”

        Napilitang tumango si Elaine.

        “O-okay, Mommy,” pabuntonghiningang sagot niya.

        “Oo nga pala, we invited him to dinner,” dagdag ni Yolly. “Maghapunan na muna tayo bago kayo mag-usap. Hahayaan na namin kayong magkasarilinan sa salas pagkatapos nating kumain. Pero please naman, ayusin mo ang pagharap sa kanya sa hapunan, ha?”

        “Yes, Mommy,” parang batang sagot niya.

        “O, sige, sumunod ka na agad sa ibaba,” bilin ni Yolly habang papalabas ng silid.

        Nagngingitngit si Elaine nang mapag-isa.

        Ang tusong Arman na iyon, dumiretso pala sa mga magulang niya. At nakapagpalapad na agad ng papel.

        Kung alam lang ng Daddy at Mommy niya ang buong katotohanan – ang mga ginawa nito sa kanya.

        Pero alam ni Arman na hindi niya maipagtatapat iyon sa mga magulang niya. Hindi niya mailalahad na siya pa noon ang humiling kay Arman na bigyan siya ng isang gabi nang walang anumang pananagutan.

        General outline nga lang ang ikinuwento ni Arman sa Mommy niya. At sa kuwentong iyon ay pareho silang nagmukhang santo at santa.

        Baka akala nito’y magpapasalamat pa siya sa pagtatakip na iyon. Hudas talaga.

        Kahit na galit, nagmadali pa rin ang dalaga sa pagbibihis. Kapag ganoong seryoso na ang tono ng Mommy niya ay hindi niya kayang suwayin ito.

        Pero sinadya niyang ang isuot ay lumang t-shirt na maluwang at medyo kupas nang leggings. Mabuti nang malaman na agad ni Arman na wala itong halaga sa kanya. Na hindi niya ito pagpapagandahan.

 

SI Emong ang nagtaas ng kilay pagkakita sa suot ng bunso.

        “O, wala ka na bang ibang damit, Elaine?” pansin nito. “Nakakahiya naman sa bisita mo.”

        “Wala ho ‘yon,” salo agad ni Arman. “Hindi na naman ako ibang tao. Kumportable lang ho talaga si Elaine sa akin. Hindi na namin kailangang magpa-impress sa isa’t isa.”

        “Kunsabagay,” tango ng matanda.

        Lumabas agad sa salas si Yolly.

        “Ikaw na lang ang hinihintay namin, Elaine,” sabi nito. “Tayo na. Let’s eat.”

        Silang apat lang ang nagsalo. Magmula kasi noong maitayo ang center ni Elaine ay tuwing Sabado’t Linggo na lamang dumadalaw ang mga kapatid niya’t mga pamilya ng mga ito.

        Inis na inis ang dalaga dahil pagdulog nila sa hapag ay parang mas kumportable pa si Arman kaysa sa kanya. Ni hindi nga ito nangingilag sa kanyang mga magulang. Mukhang kasundung-kasundo nito ang dalawang matanda.

        Samantalang siya, tensiyonadang-tensiyonada. Paano’y hindi niya maipakita ang kanyang galit. Nangako siya sa kanyang Mommy na magpapakatao sa harap ng pagkain.

        Kahit na ang totoo’y ni ayaw na sana niyang kumain. Hindi niya malasahan ang kanyang isinusubo. Parang may bikig sa kanyang lalamunan. May nagliliparang mga paruparo sa kanyang sikmura. At pakiramdam niya’y hindi siya matutunawan.

        Huling kanlungan na nga niya ang bahay na ito. Ang kanyang pamilya. Pati ba naman ito’y sinakop na ng kapangyarihan ni Arman? Hanggang dito’y madadaig pa rin siya?

        Hindi siya papayag.

        Paninindigan na talaga niya ang kanyang sarili.

        Sinulyapan siya ni Arman at nginitian. Kamuntik nang mabulunan si Elaine.

 

KATULAD ng ipinangako ni Yolly, iniwan nga sina Arman at Elaine sa salas pagkatapos ng hapunan.

        Mukhang pinagsabihan ng matatanda pati ang mga katulong. Napansin ng dalaga na matapos maitabi ang kanilang pinagkanan ay dumilim at tumahimik na agad sa gawing kusina. Ipinagpabukas na siguro ang paghuhugas. Nagsipasok na sa kanilang kuwarto ang lahat ng kanyang mga kasama sa bahay.

        Ito na ang hinihintay niyang pagkakataon.

        “Pumapel ka nang husto sa parents ko, ano?” sumbat agad ni Elaine kay Arman. “Akala mo, nakaisa ka na? Wala kang karapatang pumunta rito. At tapos na ang kahibangan ko sa iyo.”

        “Just hear me out, Elaine,” pakiusap ng binata. “Please...”

        Nagkibit-balikat siya.

        “Wala akong choice,” sagot niya. “Inutusan ako ng Mommy ko na pakinggan ka. Sige. Pero kuwidaw ka, hindi nila pakikialaman ang desisyon ko tungkol dito. So balewala rin ang pagpapalakas mo sa kanila.”

        “Nagtapat ako sa kanila bilang paggalang,” paglilinaw ni Arman. “At para patunayan ang aking sinseridad. Hindi para sa anupaman.”

        “Iyan lang ba ang ipapaliwanag mo?” patutsada ng dalaga. “Tapos ka na?”

        “Elaine, I was wrong,” sagot ni Arman. “Maling-mali ako noon. Magulung-magulo pa kasi ang isip ko noong mga panahong iyon. Inakala kong physical attraction lang ang namamagitan sa atin. Hindi ako makapaniwalang there’s such a thing as love. Dahil nga hindi naman pala pag-ibig iyong nadama ko sa girlfriend ko noon. After that disaster with her, I thought I was incapable of falling in love. Hindi pala.

“These past six months without you, napatunayan kong umiibig pala ako. I love you. I can’t live without you. Ikaw ang gusto kong pakasalan at makasama sa habambuhay. Ikaw ang gusto kong maging ina ng aking mga anak. I want us to live happily ever after. I know we will.”

        “Ang yabang mo pa rin talaga, ano?” sagot ni Elaine. “Akala mo, ganoon lang kadali iyon? Basta’t magbabago ka ng isip at susugurin mo ako rito. Akala mo, magtatatalon ako sa tuwa at hahalik sa iyong mga paa? Akala mo, these past six months, hinihintay kita? Actually, Arman, kinalimutan na kita. I’ve gotten over you. Sorry ka na lang.”

        “Hindi mo ako mapapaniwala riyan,” matatag na sagot ng binata. “Alam kong galit ka pa. And you’re still hurting. And I’m really sorry for hurting you, Elaine. Pero huwag mong sasabihing kinalimutan mo na ako. That you’ve gotten over me. That’s a lie. Dahil habang narito ka pa rin sa puso ko, alam kong nariyan pa rin ako sa puso mo. I love you, and I know you love me. Pareho lang tayong nagdurusa, at pareho nating hindi makakalimutan nang ganoon lang ang isa’t isa. Magkarugtong na ang buhay natin. Ang kaligayahan natin.”

        “Ang kapal mo,” sagot niya. “Bahala ka kung ayaw mong maniwala sa akin. Paniwalaan mo ang gusto mong paniwalaan.”

        “Unang-una, narito ako para hingin ang iyong kapatawaran,” sabi ni Arman. “Pangalawa, para ilahad sa iyo ang aking pag-ibig at yayain kang pakasal. Pero alam ko rin namang hindi ko makukuha ang iyong tunay na kasagutan hangga’t hindi humuhupa ang galit mo. Hangga’t hindi mo napapatunayan ang sinseridad ko. So, I’m ready and willing to prove myself to you. At handa rin akong maghintay.”

        “I don’t care,” sagot ni Elaine. “Bahala ka sa buhay mo.”

        Tumayo na siya.

        “Pinakinggan na kita,” pagpapatuloy niya. “Siguro naman, puwede na akong magpahinga.”

        “Okay,” sagot ni Arman na tumatayo na rin.

        “Kailangan kitang ihatid sa gate para mai-lock ko iyon sa paglabas mo,” paliwanag ni Elaine. “Baka isipin mong special treatment iyon. Huwag kang mag-ilusyon.”

        “Okay,” natatawang ulit ng binata.

        Pero bago tuluyang lumabas ng gate ay binalingan siya.

        “Good night,” sabi nitong nakatitig sa kanya. “I love you.”

        Kinabig agad niya ang tarangkahan nang pasara.

        Pero nanuot hanggang puso’t kaluluwa ni Elaine ang mga salita ni Arman. Ang titig ni Arman.

        At hindi na siya nakatulog nang gabing iyon.

        Hindi niya malaman ang gagawin. Ang mararamdaman.

        Sa kaibuturan ng puso niya’y kinikilig siya. Gusto niyang magtitili sa tuwa. Magsasayaw. Marinig ba naman niya mula kay Arman ang mga salitang “I love you”. Iniibig daw siya. Gusto siyang pakasalan. Maging ina ng mga anak nito. Makasama nito habambuhay.

        Damang-dama niya ang sinseridad sa tinig ng binata. Kitang-kita niya ang katotohanan sa mga mata nito.

        At walang nagbago sa kanyang damdamin para kay Arman. Sa kanyang reaksiyon sa pagtitig nito.

        Pero nagrerebelde pa rin ang kanyang nasaktang puso. Hindi pa rin niya magawang ipakita sa binata o kaninuman ang kanyang tunay na nadarama. Masakit pa ang sugat.

        Pagkatapos ng lahat ng pagdurusa niya, ganoon na lang ba iyon?

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento