Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Marso 29, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ELAINE Chapter 12

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 12

 

KINABUKASAN, paggising niya, may bulaklak at prutas nang naipahatid si Arman.

        May kasamang maikling note.

 

Dearest Elaine,

        Please forgive me.

        I love you.

        Will you marry me?

Yours forever,

Arman

 

        Nangakangiti ang kanyang Mommy at Daddy habang pinapanood siya sa pagbasa niya ng note na iyon.

        Irap ang ipinakita niyang reaksiyon.

        “Kumusta ang pag-uusap ninyo kagabi?” tanong ni Yolly.

        “Pinakinggan ko siya,” sagot niya. “Pagkatapos, pinrangka ko. Wala siyang maaasahan. Ayoko na sa kanya. He’s too late.”

        “Pero mukhang hindi siya sumusuko,” sabi ni Emong.

        “Bahala siya,” pasupladang sagot ng dalaga.

        Pagdating niya sa center, may bulaklak din palang naghihintay roon. At ganoong-ganoon din ang nakasulat sa kalakip na note.

        “Siya ba iyon?” tanong ni Connie.

        “Makulit,” sagot niya.

        Nangiti ang kanyang hipag.

        Pag-uwi niya sa bahay, naroon uli si Arman.

        Pero may handa nang drama si Elaine.

        “Sorry, masakit ang ulo ko.”

        “That’s okay. Magpahinga ka na lang,” sagot agad ng binata. “Puwede naman akong bumalik later.”

        Sa hapunan, nalaman niyang matagal uli itong nakakuwento ng Daddy niya.

        “Actually, partly ay ako raw ang ipinunta niya rito,” sabi ni Emong. “Humingi ng advice sa akin. Gusto raw niyang magtayo ng negosyo rito. Restaurant at health food store.”

        “And he’s serious,” dagdag ni Emong. “Balak daw niya noon na itayo iyon sa Manila. Pero ngayon, dito na niya gustong mag-settle down. Humingi nga ng referral sa akin para sa abogado. Itinuro ko ang ninong mo. Pupuntahan daw niya bukas. Kukunsulta siya tungkol sa pagtatayo ng business dito.”

 

INARAW-ARAW na ni Arman ang pagpapadala ng mga bulaklak at prutas sa bahay nila’t sa center. Hindi nagbabago ang mga kalakip na note.

        Regular din itong dumadalaw sa bahay sa gabi.

        Noong sunud-sunod na ang pagdadahilan ni Elaine, pinagalitan siya ng Mommy niya.

        “Bukas, harapin mo na si Arman, ha?” utos nito.

        Kinabukasan naman ng umaga, pagpunta niya sa center, nagulat siya sa bagong sign board na ikinakabit sa tapat ng katabi niyang puwesto.

 

SOON TO OPEN!

ARMANS’

Food for your Body and Soul

 

        Aba’t itutuloy nga yata. At tumabi pa man din sa center niya.

        Nang magkaharap sila nang gabing iyon, casual lang ang pakikitungo niya sa binata. May kalamigan pa nga. Parang napipilitan lang.

        Ang totoo’y kinakabahan siya.

        “Sa iyo ba iyong magbubukas na business sa tabi ng center?” tanong niya.

        Tumango si Arman.

        “That proves I’m here to stay for good,” sabi nito. “Nandito ang kinabukasan ko.”

        Hindi niya pinansin ang mga salitang iyon.

        “Ano iyon, restaurant?” sa halip ay itinanong niya.

        “Medyo naiibang klase ng restaurant,” paliwanag ng binata. “Lahat kasi ng food and drink na ise-serve ay healthy. Low in fat, low in sodium at walang mga preservatives o artifical additives. Pero masarap. Malasa. At saka kumpleto. May juice bar, snack bar at regular dining area. Magkakaroon din ng tindahan ng health food at health supplements. Tamang-tama nga na kakumbinasyon ng fitness center mo. We’ll be complementing each other.”

        Nagkibit-balikat si Elaine.

        “It’s a free country,” sagot niya. “Hindi naman kita puwedeng palayasin mula sa puwestong iyon.”

 

TULUY-TULOY at mabilis ang paghahanda ni Arman para sa bagong negosyo. Alam na alam ni Elaine hindi lang dahil sa nakikita niya ang ginagawang renovation sa lugar. May gabi-gabi rin siyang update mula mismo sa binata.

        Ang malamig niyang pakikitungo rito ay hindi naging sapat para tumigil si Arman sa pagdalaw sa kanya.

        At habang tumatagal, nababawasan na rin nang nababawasan ang pagtataray niya. Nakakapagod din palang umastang galit kapag unti-unting humuhupa na ang tunay na galit.

        Pero pinanatili pa rin niya ang distansiya sa pagitan nila.

 

ISANG dapit hapon, pagkaraan ng isang buwan, dumating si Arman sa fitness center.

        Pauwi na sana si Elaine, pati ang administrative assistant niyang si Beth. Sila ang magsasara ng center nang araw na iyon.

        Nakasalubong nila ang binata nang papalabas na sila ng pinto.

        “Puwede ba tayong mag-usap nang sandali sa loob?” hiling ni Arman. “May ibibigay lang ako sa iyong imbitasyon. At may ire-request.”

        “Pauwi na kami, e,” sagot niya.

        “Sandali lang ito,” pakiusap ng binata. “Please?”

        Nagkibit-balikat siya.

        “Sige, Beth, mauna ka na,” sabi niya sa kasama. “Ako’ng na’ng bahala rito.”

        “Sige, Ma’am,” sagot nito.

        Pumasok sila ni Arman.

        “Bakit dito mo pa inihabol iyan?” tanong niya. “Puwede naman sa bahay.”

        “Sinadya kong pauwi ka na,” amin ng binata. “Para may privacy tayo.”

        “H-ha?” kinakabahang sabi niya.

        Agad namang inabot sa kanya ni Arman ang isang sobre.

        “Imbitasyon sa opening ng restaurant next week,” nakangiting sabi nito. “At sana, ikaw ang guest of honor. Ikaw ang gusto kong mag-cut ng ribbon.”

        Nagulat si Elaine.

        “Bakit ako?” tanong niya. “Dapat si Mayor. O kaya iyong mga sikat dito. ‘Yung mga poste ng bayan. Sino ba ako para  mag-cut ng ribbon sa opening ng restaurant mo?”

        “Ikaw ang pinakamahalagang tao sa buhay ko,” sagot ng binata. “Ikaw ang inspirasyon ko sa pagtatayo ng buong business na iyon. Sa lahat ng ginagawa ko at gagawin ko pa. Ikaw lang ang nararapat na maging guest of honor sa okasyong iyon. Wala nang iba.”

        Namula si Elaine.

        “Hayan ka na naman,” sabi niya.

        “Hindi mo pa ba ako napapatawad?” malungkot na tanong ni Arman.

        Nakatitig ito sa kanya. Hindi na niya magawang magsinungaling.

        “Wala na ‘yon,” kunwa’y balewalang sagot niya.

        Agad na lumiwanag ang mukha ng binata.

        “Thank you,” madamdaming sabi nito. “So naniniwala ka na sa akin?”

        Hindi agad nakasagot si Elaine.

        Nilapitan siya ni Arman. Hinarap nang malapit na malapit.

        “Naniniwala ka na  bang mahal na mahal kita?” tanong nitong hinahawakan siya sa magkabilang balikat. “Na hindi ako mabubuhay nang wala ka? Na ikaw ang gusto kong pakasalan – at sa lalong madaling panahon?”

        Nalulusaw na ang puso ni Elaine. Naglaho na nang ganap ang anumang natitira niyang paghihimutok.

        Umiwas siya ng tingin.

        Hinuli naman ni Arman ang kanyang baba. At muling itinaas ang kanyang mukha.

        “I love you, Elaine,” bulong nito. “Sigurado ako. Sa iyo ko lang ito nararamdaman. I can’t live without you. I love you so much.”

        Bihag ng titig nito ang kanyang mga mata. At hindi na niya maikubli ang katugong pag-ibig na nagniningning doon.

        “A-Arman...” bulong niya.

        “Tell me...” hiling nito.

        “I still love you,” pagtatapat na rin niya.

        Iyon lang ang hinintay ng binata. Pagkarinig ng mga salitang iyon ay inangkin na nito ang iniaalay niyang mga labi.

        Kaytagal-tagal nilang nasabik sa isa’t isa. Kaya naman kayhigpit ng kanilang mga yakap. Kay-init ng kanilang halik.

        At hindi naging sapat iyon.

        “Elaine, pakasal na tayo,” hiling ni Arman habang hinahagkan siya sa leeg.

        “Yes,” padaing niyang sagot.

        “Bukas o makalawa,” dagdag ng katipan. “Kahit mauna na muna sa sibil.”

        “H-ha?” sabi ni Elaine na bahagyang kumakalas. “Bakit?”

        “Dahil kailangan ko nang panindigan agad ang gagawin natin ngayon,” sagot ni Arman.

        Namula si Elaine.

        “N-ngayon?” bulong niya. “Dito?”

        “Please...” pagmamakaawa ni Arman. “Hindi ko na kaya. Please...”

        At sinimulan uli siyang hagkan nito sa balikat.

        “Arman...” sabi ni Elaine. “Arman, binabalaan kita...”

        Tumigil ang katipan. Tumingin sa kanya.

        Nagpatuloy si Elaine. Galit.

        “Kapag sinimulan mo, tatapusin mo. Kung hindi, hindi na talaga kita mapapatawad kahit kailan.”

        Napangiti si Arman.

        “Pangako,” masuyong sagot nito. “Hindi na uli kita iiwan. Hindi na kailanman.”

        At tinupad nga nito ang pangakong iyon. Nang gabing iyon. At sa susunod pang mga araw at gabi ng kanilang habambuhay.

WAKAS

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.) 

Kasunod nito ang:

Abakada ng Pag-ibig: Francesca


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento