Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Marso 29, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ELAINE Chapter 3

 

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 3 

GANOON pala ang mahagkan. Iyong tunay na halik. Nakakadarang. Nakakabuwang. Nakakatulala.

        Nakahiga na si Elaine sa sariling kama sa sariling apartment nang muli niyang pakinggan ang kanyang isip para bigyang-daan ang mga katanungang kanina pa pilit na nagpupumiglas doon.

        “Bakit? Bakit biglang-bigla ang pagbabago ni Arman sa kanya? Hindi ba’t ang inaasahan nilang lahat ay ipinagluluksa pa nito ang nasirang relasyon sa dating girlfriend?”

        Mabilis namang nakasagot ang puso ng dalaga.

        Hindi raw pala mahal ni Arman ang dati nitong girlfriend, hindi ba? At sabi nga nito kanina, ikinatutuwa nito ang bagong angking kalayaan.

        Pero ano ang kinalaman niyon sa bigla nitong pag-ukol ng atensiyon sa kanya? At hindi lang simpleng atensiyon.

        Alangan namang biglang-bigla na lang siyang minahal ni Arman.

        O maaari kayang dati na pala siyang mahal nito? Na kaya nito napagtantong hindi pala nito mahal ang dating girlfriend ay dahil sa kanya na pala in love?

        Nanikip ang dibdib ni Elaine sa hindi mapigil na tuwa.

        Kaya naman ganadung-ganado siyang maghanda para sa kanilang paglabas sa gabing iyon.

 

“BEAUTIFUL!” sabi ni Arman pagkakita kay Elaine. “You look ravishing!”

        Hinagod siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa, at pabalik, bago nagtagal ang titig nito sa kanyang mga labi.

        “T-thank you,” namumulang usal ni Elaine.

        Sulit na ang kanyang paghahanda.

        Naramdaman niya ang pagkalat ng init sa kanyang buong pagkatao. Dala iyon ng apoy na naglalagablab mula sa mga mata ni Arman. Para bang gusto siyang lukubin.

        Ang natural na reaksiyon ni Elaine ay ang magbaba ng paningin. Pero hindi niya magawa. Para siyang nahipnotismo. Nanatili siyang nakatitig din sa binata.

        At hindi niya maikubli ang katugong apoy na nagniningas na rin sa kanyang mga mata.

        “Ahermm...” pagpaparinig ni Gerry.

        Saka lang napansin ni Elaine na nakatayo pala sina Gretchen at Gerry sa likod ni Arman.

        Nakatayo ang tatlo sa tapat ng pinto ng kanyang apartment. Sinusundo siya.

        “Akala ko ba, alas-siyete ang ating dinner reservation,” paalala ni Gerry kay Arman. “Baka mahuli na tayo.”

        Sa halip na sagutin ang kaibigan ay si Elaine pa rin ang kinausap ng binata.

        “Shall we go?” anyaya nitong nakalahad ang kamay.

        “I’m ready,” sagot niya.

        Kusang lumagay ang kanyang kamay sa kamay ni Arman. Ang binata na ang nagsara sa kanyang pinto – pinihit pang muli ang seradura para masigurong nakasusi na iyon. At magkahawak-kamay pa rin silang nagtungo sa elevator, kasunod ang nagkakangitiang sina Gretchen at Gerry.

        Parang natural lang iyon kay Arman. Para bang dati na nilang gawain ang maging magkahawak-kamay nang ganoon – samantalang noon ay ni hindi ito dumidikit sa kanya.

        Si Elaine naman ngayon ang conscious na conscious. Damang-dama niya ang bawat pagbabago sa higpit ng pagkakapisil ng binata sa kanyang palad.

        Dalawang kotse ang dinala nila – kotse nina Arman at Gerry. Sila ni Arman sa una. Sina Gerry at Gretchen sa pangalawa.

        “Bakit hindi na lang isang sasakyan?” tanong ni Elaine.

        “You never know with those two,” sagot ni Arman. “Baka bigla na lang nilang maisipang humiwalay ng lakad pagkatapos ng dinner. Alam mo na. And besides, we might have our own plans as well.”

        At nginitian siya nito nang makahulugan.

        Namula na naman si Elaine. At nagawa na niyang magbawi ng tingin.

        Pero muli siyang napatingin kay Arman nang namimilog ang mga mata nang makita niya kung saan sila humantong.

        Bagong bukas lang ang La Mer, isang mamahaling restaurant na agad na nakatanggap ng papuri mula sa mga food critics ng iba’t ibang pahayagan. Balitang-balita na buwan ang binibilang bago makakuha man lang ng reservation sa kainang iyon.

        “Paano kang nakapagpa-reserve?” manghang tanong ni Elaine.

        “Kaibigan ko ang isa sa mga chef,” nakangiting sagot ni Arman. “In fact, naikuha ko rin siya ng discount sa cruise natin noong ikasal ang kapatid niya. Ginamit nila sa kanilang honeymoon.”

        “Hmm, impressive,” nakangiting sabi ng dalaga.

        “I’m glad you approve,” sagot ni Arman.

        Ipinagbilin ni Arman sa valet parking ang sasakyan.

        Ganoon din ang ginawa ni Gerry.

        Nang magtagpong muli ang apat na magkakaibigan sa bungad ng restaurant ay nanlalaki rin ang mga mata nina Gerry at Gretchen sa pagkamangha.

        Nagbubulungan pa ang dalawa habang papasok sila. Nakaabrisiyete si Elaine kay Arman, at si Gretchen kay Gerry.

        Tahimik lang si Elaine. Mahirap palang magsalita kapag nag-uumapaw ang galak.

        Para siyang nakapaloob sa isang pantasya. Katabi niya si Arman. Inuulan siya nito ng mga papuri. At nasa isang napaka-espesyal na lugar sila.

        Tapos na nga yata ang mga araw ng kanyang pagdurusa. Simula na ito ng kanyang walang hanggang kaligayahan.

        “Where to?” tanong ni Gretchen pagkatapos ng pabuloso nilang hapunan.

        “How about  The Dophin?” sagot ni Arman.

        “Uy, sige,” sang-ayon agad ni Gerry. “Okay doon.”

        Kilalang-kilala rin ang The Dolphin sa Fort Lauderdale. Isa itong entertainment complex na may restaurant, music lounge, bar at disco.

        Ang disco ang pinakatanyag sa apat na bahagi ng complex. In na in iyon sa young crowd. At kapag naroon na’y parang nawawala raw ang lahat ng inhibisyon ng mga tao.

        “Elaine?” baling ni Arman sa kanya.

        “Sure,” pakibit-balikat na sagot niya.

        Hindi pa siya napupunta sa lugar na iyon kaya wala naman siyang batayan para husgahan ang lugar. Pero sa puntong iyon ay papayag yata siyang sumama saan man magyaya si Arman.

        Hindi naman kalayuan ang The Dolphin sa La Mer. Pagdating nila roon ay marami silang nakasabay na malamang ay naghapunan din muna sa ibang lugar. Nagsisimula nang mapuno ang disco.

        Mabuti na lamang at nakakuha pa sila ng mauupuan sa bar.

        “Drinks muna,” sabi ni Gerry. “Treat ko naman ito.”

        Umorder agad si Gretchen ng dry martini.

        “Nag-wine na ako kanina sa dinner,” sabi ni Elaine. “Tama na iyon.”

        “Mag-Screwdriver ka man lang dito,” alok ni Arman. “Hindi ka ba nauuhaw? Orange juice and vodka lang naman iyon. Hindi matapang.”

        “Okay,” sagot agad niya.

        Hindi naman sanay si Elaine na umiinom. Sa barko ay iniiwasan niya kahit red wine o white wine sa hapunan. Lalo naman ang mga mas matapang na cocktail mix. Isa iyong bahagi ng kulturang Kanluran na hindi naging bahagi ng buhay niya.

        Pero kaydali niyang nagpahatak kay Arman nang gabing iyon.

        Tuloy, hindi pa man sila nagsasayaw ay medyo tipsy na siya. Napapadalas na ang kanyang mga bungisngis habang nagkukuwentuhan silang apat kasabay ng pag-inom. Hindi na rin siya naiilang na halos nakasandal na siya kay Arman sa pagkakaupo sa siksikang bar.

        Nang maubos ang kanilang inumin, nagyaya na si Gretchen.

        “Come on, let’s dance.”

        “Sige,” tango agad ni Elaine.

        Siya pa ang tumayo’t humatak sa kamay ni Arman patungo sa dance floor.

        Wala pa sila roon ay umiindak na si Elaine sa paglakad. Kaindak-indak naman kasi talaga ang musika. Mahusay pumili ang deejay ng disco. At sanay na sanay ang dalaga sa araw-araw na dance aerobics sa barko – isang klaseng itinuturo rin niya bukod sa step aerobics. Bukod pa roon ang gabi-gabing ballroom dancing na laging bahagi ng cruise.

        Nangunguna siya sa paglakad kaya hindi niya nakikita ang paghangang nasa mga mata ni Arman habang pinapanood ang bawat galaw ng kanyang katawan.

        Pagdating sa gitna ng dance floor ay napaikutan sila ng mga mananayaw na bigay na bigay sa musika. Tunay ngang walang mga inhibisyon.

        Dahil sanay na sanay nga sa pagsasayaw, at dahil na rin siguro sa kalanguan, nadala na nang tuluyan si Elaine. Bumigay na rin siya. Higit pa sa pagsasayaw na ginagawa niya sa kanyang dance aerobics class. Higit pa sa mga exhibition na madalas hilingin sa kanya sa ballroom dancing sa barko.

        Ngayo’y sariling ekspresyon na ang lumalabas sa kanyang pagsayaw. Sarili niyang dance steps. Walang choreography. Basta’t gumagalaw siya nang ayon sa musika. Ayon sa ipinadarama sa kanya ng musika. Ayon sa nais niyang ipadama kay Arman.

        Dahil kay Arman lang nakatuon ang kanyang paningin. Ang kanyang buong atensiyon. Ang kanyang pagsasayaw.

        Ibinuhos na niya roon ang lahat ng naipon niyang damdamin para sa binata. Ang lahat ng kanyang emosyon.

        Umiindak din si Arman – mahusay rin itong sumayaw – pero hindi umaalis ang mga mata ng binata sa kanya.

        Parang dadalawa na lamang sila sa dance floor. Sa mundo.

        Nagsasayaw para sa isa’t isa.

        Habang nagtatagal ay nag-iiba ang pakiramdam ni Elaine. Para bang ang pagsasayaw nila’y naging karugtong ng halik na pinagsaluhan nila kanina.

        Kakatwang hindi naman sila nagdidikit sa dance floor ay parang magkaniig sila. Nadarama niya ang titig ni Arman na parang mga haplos sa kanyang katawan. Mainit. Nakakapaso.

        Lalong naging madamdamin ang kanyang paggalaw.

        Para namang sinadya na unti-unting nagbago ang tugtog. Naging malamyos. Mas mapang-akit. Mas sensuwal.

        Sumunod ang pag-indayog ng katawan ni Elaine.

        Ganoon din si Arman.

        At papalapit sila nang papalapit sa isa’t isa. Hanggang sa magpang-abot sila. Nagtagpo ang mga palad. Naglingkis. Nagdikit ang mga katawan. Lumipat ang mga bisig sa beywang ng isa’t isa. Nagyakap.

        Humimlay ang pisngi ni Elaine sa balikat ni Arman.

        Nadarama niya sa tapat ng kanyang dibdib ang malakas na kabog ng dibdib ng binata.

        Nadarama niya sa tapat ng kanyang sinapupunan ang malinaw na pruweba ng paghahangad at pangangailangan nito sa kanya.

        Hinagkan siya ni Arman sa gilid ng kanyang leeg.

        Napasinghap si Elaine.

        At marahan niyang kinagat ang balikat ng binata.

        Si Arman naman ang napasinghap.

        “Let’s get out of here,” bulong nito sa kanya.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento