FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 4
HATAK-HATAK
siya ni Arman sa gilid ng dance floor. Hinahanap nila sina Gerry at Gretchen.
“Nasaan ba ang dalawang iyon?” halatang
nauubusan na ng pasensiyang sabi ng binata.
“’Ayun,” sagot ni Elaine nang mamataan
niya ang mga kaibigan.
Hindi rin sila napansin agad ng mga ito
dahil magkayakap din ang dalawa. Nakapaloob din sa sariling mundo.
“Pare,” sabi ni Arman habang tinatapik
sa balikat si Gerry. “Pare, excuse me.”
Napilitang magtaas ng mukha ang dalawa.
“O?” pagtataka ni Gerry. “Bakit?”
“Mauuna na muna kami,’ paalam ni Arman.
“Iiwan na namin kayo. Is that okay?”
“Sure.” Si Gretchen na ang sumagot.
“Nag-e-enjoy pa kami, e. Go on. Do your thing. Have fun.”
At kumindat pa ito nang makahulugan.
Bago nakasagot si Elaine ay hatak-hatak
na uli siya ni Arman palabas ng disco. Nagmamadali.
Wala naman silang kailangang alalahanin
sa pagbabayad dahil sa bar pa lang ay binayaran na ni Gerry ang kanilang
drinks.
Inabutan ni Arman ng malaking tip ang
valet.
“We’re in a rush,” sabi ng binata.
Sandali nga lang at nasa harap na nila
ang kotse nito.
Mabilis ang pagpapatakbo ng binata. Pero
bago makalabas nang tuluyan sa compound ng The Dolphin ay saglit nitong
itinigil ang sasakyan.
“Bakit?” tanong ni Elaine.
Bilang kasagutan ay kinabig siya ni
Arman sa leeg at hinagkan nang maalab sa mga labi.
Nakaawang pa ang mga labi ng dalaga nang
bitiwan siya nito.
“Hold that thought,” nakangiting bilin
ni Arman bago muling pinaarangkada ang kotse.
Halos liparin na nila ang pabalik sa
kanilang apartment building.
Hindi na nila kailangan pang mag-usap. Tumuloy
na sila sa pad ni Elaine.
Pagdating sa tapat ng kanyang pinto,
naglahad ng kamay si Arman. Ibinigay naman niya ang kanyang susi. Ito na ang
nagbukas at muling nagsara ng pinto.
Dahil magkakatulad ang layout ng bawat
unit, kahit hindi sila nagbukas ng ilaw ay kabisado ni Arman ang patungo sa
silid-tulugan. Maliwanag naman ang tanglaw ng buwan na nasisinag mula sa mga
bintanang salamin na natatabingan lamang ng manipis na kurtina. Mahigpit ang
hawak ni Arman sa kanyang kamay habang hinihila siyang patungo roon. Kusa naman
siyang sumasabay.
Bago pa man makarating sa higaan ay magkayakap
na sila. Magkahinang na muli ang mga labi.
Liyo pa rin si Elaine sa matinding
emosyon. Basta’t umaayon lang siya sa anumang simulan ni Arman. Sumusunod sa
lahat ng nais nitong gawin.
Ang kamalayan niyang lango na sa pag-ibig
ay lalo pang nataranta sa sanlaksang sensasyong hatid ng naglalakbay na mga labi
at kamay ni Arman.
Pinupog siya nito ng halik sa kabuuan ng
kanyang mukha. Sa tainga. Sa leeg. Sa balikat.
Ang mga kamay nito’y humaplos sa kanyang
mga pisngi, pababa sa mga balikat, pababa sa kanyang mga braso. Bumalik sa
kanyang beywang. Umikot sa kanyang likod. Paakyat. Pababa.
Nang bumalik ang mga kamay na iyon sa
kanyang harapan ay sumapo naman sa kanyang dibdib.
Napasinghap si Elaine.
Mabilis na inililis ni Arman ang
magkabilang strap ng kanyang damit. Ibinaba hanggang sa matambad ang kanyang
dibdib sa nag-aapoy nitong paningin.
Napakagat-labi si Elaine.
Yumuko si Arman para tikman ang
nakahaing kasaganaan.
Napalakas pang lalo ang singhap ni
Elaine. Na nasundan ng sunud-sunod na mga daing.
Hindi na tuloy niya namalayan ang ganap
na pagbagsak ng kanyang damit sa sahig. At ang kasunod na pagkakababa ng
kanyang panloob.
Nagulat na lamang siya nang madama ang
isang kamay ni Arman na naroon na. Humahaplos sa pinakatagong bahagi ng kanyang
katauhan.
At ibinuwal siya ni Arman sa higaan. Habang
inaayos niya ang kanyang pagkakahiga ay nakapuwesto na ito sa pagitan ng
kanyang mga hita. Pinagsasawa ang paningin sa kanyang ganap na kahubdan.
Sapat lang ang liwanag ng buwan para
mamalas ni Arman ang kanyang kariktan.
Hindi pa nasiyahan sa pagmamasid ay
itinaas nito ang kanyang mga binti kasabay ng pagyuko nitong muli para ulitin
ang ginawa na sa kanyang dibdib.
“Arman,” pasinghap na sambit ni Elaine.
Ang kanyang mga daing ay walang bahagya
mang pagtutol.
Hanggang sa isuko na niya nang ganap ang
kanyang kamalayan sa isang sensasyong noon lang niya naranasan.
“Armaaaan!” impit na hiyaw ni Elaine.
Hindi pa rin siya tinigilan nito anumang
likot ng kanyang katawang parang nagkaroon ng sariling bait.
Paglaon ay si Elaine na mismo ang
humatak sa kaniig nang pataas.
“Come here,” parang pagmamakaawa niya.
“Please...”
Saka lang umahon si Arman.
Habang papaakyat ito sa kanya ay abala
naman ang mga kamay ni Elaine. Nagtatangkang hubarin ang mga suot ng binata.
Paano’y sapatos lamang ang nakuhang
alisin ni Arman bago ito sumampa sa higaan. Suot pa rin nito ang dilaw na
long-sleeved shirt na nakalilis ang mga manggas. Nakapaloob pa rin iyon sa
pantalon nitong twill na navy blue. At may sinturon pa rin ito at medyas.
Samantalang si Elaine ay wala nang maitatago
kay Arman. Lantad na lantad na sa binata pati kanyang kaluluwa.
Kaya naman nagmamadali siyang mahubdan
na rin ito.
“I know what you want,” nakangiting sabi
ni Arman nang pumantay ito sa kanyang mukha. “Huwag kang mag-alala. We’ll get
there.”
Tinulungan na rin siya nito sa
pagkakalas sa mga butones ng polo habang hinahagkan siyang muli sa kabuuan ng
kanyang mukha.
“I love you, Arman,” bulong ni Elaine.
Biglang tumigil ang mga halik ng binata.
Napadilat si Elaine.
Nakatunghay sa kanya ang kaniig.
Nakangiti pa rin nang masuyo.
“You want me,” parang pagtatama nito sa
sinabi niya. “And I want you, Elaine. I need you.”
“I love you,” ulit niya. “I want you and
I need you because I love you, Arman. Mahal na mahal kita.”
Umiling ang binata.
“No,” iling nito. “What people call love
is nothing. An illusion. Ito ang totoo. Ako. Ikaw. How our bodies feel together.
Our chemistry. It’s beautiful, hindi ba? Hindi na kailangan ng ilusyon ng
pag-ibig. Let’s be true to ourselves and our feelings. This is real.”
Napakurap si Elaine. Napakunot-noo.
Para siyang biglang nagising mula sa
isang panaginip. Unti-unting luminaw ang kanyang isip. Para siyang binuhusan ng
malamig na tubig.
Nanuot ang mga salita ni Arman sa
kanyang katinuan.
“H-hindi mo ako mahal?” sabi niya.
“Mahal,” sagot ng binata. “Pero sa
kahulugang affection. Siyempre mahal kita in that sense. Pero huwag na nating
isali sa usapan ang pag-ibig. Please. Believe me, Elaine, napatunayan ko nang
there’s no such thing as love. Mas totoo itong nararamdaman natin para sa isa’t
isa. This chemistry. Isn’t this fantastic? Bihira ito. Huwag nating bitiwan
ito.”
Pero kabaligtaran ang itinugon ni
Elaine.
“Bitiwan mo ako,” sabi niyang umuurong
nang palayo sa binata.
Naghagilap ang kanyang mga kamay ng
anumang maipantatakip sa kanyang kahubdan. Unan lang ang kanyang nadampot. Agad
niya itong niyakap sa kanyang harapan.
Biglang-bigla ay hiyang-hiya siya sa
kanyang ayos. Sa lahat ng naganap sa pagitan nila.
Paano niyang pinayagang umabot sila sa
ganito gayong hindi naman pala umiibig sa kanya si Arman?
Napakalaki niyang hangal.
“Elaine...” naguguluhang sambit ng
binata.
“Umalis ka na, Arman,” naiiyak nang
sabad niya. “Umalis ka na lang.”
“P-pero bakit? Dahil lang ayokong
sabihing I love you? It doesn’t mean anything, Elaine. Sabihin ko man iyon,
kung nagsisinungaling naman ako’y mas masama pa, hindi ba? I’m being honest
with you. I want you. I want you so much. Alam mo ‘yon. And I need you in my
life. Iyon ang totoo. Hindi pa ba sapat iyon?”
Nagpakailing-iling siya.
“Go away, Arman,” sabi niyang umiiyak na
nang tuluyan. “Just go away.”
Tumayo ang binata.
“You want me just as much as I want you,
Elaine,” sabi nito. “Napatunayan na natin, hindi ba? Pero hindi kita pipilitin
ngayon. Hindi kita pipilitin kailanman. I don’t have to. Kung pakikinggan mo
lang ang sarili mo ay aaminin mong iyon ang totoo. At kusa kang susuko sa akin.
Sa namamagitan sa atin. Tulad kanina.”
Uminit ang mukha ng dalaga. Paano’y hindi
nga niya maikakaila ang katotohanan sa sinabi ni Arman.
At hiyang-hiya siya.
Isinubsob na lamang niya ang kanyang
mukha sa yakap na unan.
Umalis na si Arman.
“Don’t worry about your front door,”
sabi pa nito bago tuluyang lumabas ng kanyang silid. “I’ll lock it for you.”
HINDI
malaman ni Elaine ang gagawin. Umiyak man siya nang umiyak ay parang kulang pa.
Hindi na niya maibabalik ang mga oras. Hindi na niya mabubura ang naganap sa
kanila.
Gusto niyang magdabog. Magpunit ng kahit
ano. Magtatapon ng kahit na ano. Pero wala naman siyang lakas. Nanlalata ang
kanyang buong katawan.
Ni hindi nga niya mabitiwan ang yakap na
unan. Para bang ikinahihiya niya maging sa sarili ang kanyang kahubdan.
Paano’y hindi lang katawan niya ang
nabilad kay Arman. Pati ang kanyang puso’t kaluluwa. Ang lahat ng mga
pinakatagu-tago niyang damdamin.
Kaylinaw ng mga eksenang nagbabalik sa
kanyang gunita. Ang mas nakakahiya pa’y kahit sa alaala na lamang ay kusa pa
ring tumutugong muli ang traidor niyang katawan. Ang traidor niyang damdamin.
Pero sa pagbabalik-tanaw ay napatunayan
niyang hindi naman siya dinaya ni Arman. Ni minsan ay wala naman itong
binanggit sa kanya tungkol sa pag-ibig.
Dapat ay nakinig na siya kaninang hapon
sa mga katanungan at agam-agam ng kanyang isip.
Kaso’y pinanaig niya ang kanyang puso.
Gusto kasi niyang maniwala sa ilusyong dati na siyang mahal ni Arman. Na siya
ang dahilan kung bakit hindi na nito nagawang mahalin ang girlfriend na nasa
Pilipinas.
Siya ang nandaya sa kanyang sarili.
Galit na galit si Elaine sa sarili.
Sising-sisi siya sa kanyang naging kahinaan.
Pero galit din siya kay Arman.
Akala pala nito’y papayag siya sa
ganoong uri ng relasyon. Walang pag-ibig. Ano raw iyon? Chemistry? Ano siya,
laboratory experiment?
Hah!
Kung tumugon man siya nang ganoon kainit
kay Arman ay udyok iyon ng kanyang damdamin. Ng pag-ibig.
Ano pa bang pruweba ang kailangan ni
Arman para mapatunayang hindi ilusyon lamang ang pag-ibig?
Oo, alam niyang nasaktan ito sa
pagkawasak ng dating pinakaiingat-ingatang relasyon. Pero tama ba namang sa
kanya ito bumaling para maaliw nang walang kaakibat na damdamin?
Malalim na pagkainsulto ang nadama ni
Elaine. Masakit. Mahirap lunukin.
Hindi niya matatanggap. Kailangang
gumanti siya.
Iyon lang ang nalalabing paraan para
maibangon niya ang kanyang kahihiyan sa harap ni Arman.
Para makabawi siya sa lahat ng ginawa
nito sa kanya.
Alam niyang totoo ang sinabi ng binata
na gusto siya nito. Kailangan siya nito. Damang-dama niya kanina ang pisikal na
pruweba ng katotohanang iyon.
At sa kabila ng lahat ng naganap ay umalis
itong hindi siya ganap na naangkin.
Bitin pa rin si Arman sa kanya.
A, iyon ang kanyang alas. Doon siya makakaganti
rito.
Gagawin niya ang lahat – higit pa sa
tinangka niyang gawin noon – para lalo pang akitin si Arman. At pagkatapos ay bibiguin
niya ito sa inaasahan. Ipalalasap niya rito kung gaano kasakit ang mabigo sa
lahat ng inaasam at pinapangarap.
Tabla-tabla lang.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento