FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 5
NAGSUMBONG
siya kay Gretchen kahit na alam niyang magkaiba sila ng pananaw sa pag-ibig.
Hindi na siya nahiya sa kaibigan. Ito
rin naman kasi ay detalyado kung magkuwento sa kanya ng tungkol sa mga ginagawa
nito kasama ng mga nakarelasyon. Wala na siyang masasabing hindi pa nararanasan
nito.
Sininghalan nga siya ni Gretchen sa
simula, tulad ng kanyang inaasahan.
“Iyon lang, umayaw ka na? Tama naman si
Arman, a. Mabuti nga’t nagising na iyong tao sa katotohanan sa mundo. Laos na
iyang paniniwala sa pag-ibig, Elaine. Mas mahalaga ngayon na makatagpo ng
lalaking nagsasabi lang ng totoo. Tulad ni Arman. Tulad ni Gerry. Mas totoong
tao sila. Hindi nambobola.”
“Alam kong hindi siya nambobola,” sagot
niya. “Kaya nga masakit, e. Alam kong totoo talaga ‘yung hindi pala niya ako
mahal.”
“E ano ngayon?” sabi ni Gretchen. “Gustung-gusto
ka naman niya. Sabi pa, kailangan ka niya. Aba, hindi basta-basta inaamin ng
mga lalaki ang ganoon. Salita lang iyong pag-ibig. Hindi ba’t ganoon din ang
definition niyon?”
Umiling si Elaine.
“Iba,” sagot niya. “Iba dito.”
Itinuro niya ang kanyang puso.
“Ay naku, ewan ko nga ba sa iyo,” buntonghininga
ni Gretchen.
Pero kampi pa rin siyempre sa kanya ang
matalik na kaibigan.
“Loka ka rin, ano?” natatawang reaksiyon
nito sa kanyang plano. “Kaya mo bang pangatawanan iyan?”
“Kaya nga nagpapaalalay ako sa iyo, e,”
sagot niya. “Baka kapusin ako sa ideya at taktika.”
“Don’t worry, tutulungan kita,” pangako
ni Gretchen.
NAGSUMBONG
din si Arman kay Gerry. Hindi nga lang kasingdetalyado.
“Wow, pare, bitin,” iling ni Gerry. “I
sympathize with you a hundred percent. Kung gusto mo, halika, sasamahan kitang
lumabas. May alam akong singles bar na
walang paltos. Siguradong may mapi-pick-up ka na panlunas diyan sa problema
mo.”
“That’s not the point, Gerry,” iling ni
Arman.” “Bitin pa rin ako kung hindi rin lang si Elaine.”
“Grabe, a,” iling pa uli ng kaibigan.
“Sigurado ka bang hindi ka in love sa kanya?”
“Sira ulo ka pala, e,” angil ni Arman.
“Kagagaling ko nga lang sa kalokohang iyan. Nabiktima na ako niyan. Hindi na
ako magpapaloko uli. Anong in love ang pinagsasasabi mo? Iyon nga mismo ang
naging problema namin ni Elaine, e. Masyadong fanatical ang paniniwala niya
riyan sa pag-ibig na iyan.”
“Karamihan naman talaga ng mga babae,
ganyan ang paniniwala, pare,” paliwanag ni Gerry. “Iilan lang ang tulad ni Gretchen
na nauntog na rin at namulat sa katotohanan na tulad natin. Pero hindi siya nag-iisa. Maghanap ka na lang
ng tulad din niya para hindi magkaproblema.”
“Sayang naman ang chemistry namin ni
Elaine,” sagot ni Arman. “Ayokong i-give up nang ganoon na lang. I can’t.”
“Kunsabagay,” sang-ayon ni Gerry. “Kung
ibabatay ko lang doon sa welcome kiss na nakita ko kahapon, I would think you
really have something special between the two of you. Kamuntik nang maging
x-rated iyon, a. Nasa gitna pa man din kayo ng lobby. I never thought that
could happen to you. Lalo naman sa kanya. Nag-iiba talaga si Elaine kapag ikaw
na ang concerned.”
“Kung alam mo lang ang nangyari sa amin
kanina...” sabi ni Arman.
“Well, I can imagine,” nakangiting sagot
ni Gerry. “So, ano’ng balak mong gawin?”
“Walang mangyayari kung aatras ako,”
sabi ni Arman. “Pero nararamdaman ko na kapag nagpursige ako’y imposibleng
hindi siya bumigay sa katagalan. Sarili niya ang makakalaban niya, e. Kung
magiging makatotohanan lang siya ay aaminin niyang gusto rin niya ako. She
wants me. She needs me. At hangga’t nagkikita kami’t nagkakasama, the
attraction and the sensual tension will always be there. Hanggang sa hindi na
niya kayang tikisin ang kanyang sariling pangangailangan.”
“Kaya aakitin mo siya’t tatakawin sa
araw-araw, ganoon ba?” naiintrigang tanong ni Gerry.
“Ganoon na nga,” determinadong sagot ni
Arman.
NAUNAHAN
ng binata ang dalaga.
Kinaumagahan ng pangyayari ay halos
sabay pa silang nagsumbong kina Gretchen at Gerry. Pero kinahapunan ay nagbalik
na agad si Arman sa apartment ni Elaine.
Hindi iyon inaasahan ng dalaga.
Nakapambahay lang siya nang buksan niya
ang pinto. Lumang workout outfit na gym shorts at sports bra na kupas na ang
pagkaabuhin. Nakayapak. Nakapusod ang buhok nang hindi maayos. Nagbabagsakan
ang maraming hibla sa magkabila ng kanyang mukha.
Dismayadung-dismayado tuloy siya nang
ang mapagbuksan ay si Arman.
Bihis na bihis ito. May dalang malaking
bungkos ng dalawang dosenang naglalakihang long-stemmed red roses.
Kung hindi lang huli na’y parang gusto
pang itago ni Elaine ang kanyang katawan sa likuran ng pinto. Paano’y manipis
na sa kalumaan ang kanyang kasuotan at siguradong nababakat ang mga hindi dapat
mabakat. Alam pa naman ng binata kung ano ang nakatago sa ilalim ng kasuotang
iyon.
Pakiramdam ni Elaine ay nakahubad pa rin
siya sa harap ni Arman. Hindi niya mapigil ang malalim na pamumula.
Nasa depensiba siya.
Si Arman ang unang nakapagsalita.
“I’m here to apologize,” mababa ang
boses na sabi nito. “I’m sorry, Elaine. Huwag ka na sanang magalit sa akin.”
At inialay nito sa kanya ang mga rosas.
Hindi naman niya magawang hindi iyon
tanggapin.
Tinanggap niya.
“Okay,” sagot niya sa mahinang tinig.
“Are you all right?” tanong nito.
“Of course,” mabilis niyang sagot,
nakakunot ang noo. “Minamadali ko ngang tapusin ang pagliligpit dito sa bahay bago
uli magbiyahe.”
“Puwede ba kitang tulungan?” alok ng
binata.
“Huwag na,” sagot agad niya. “Kaya ko
na, thank you.”
“Tawagin mo lang ako kung kailanganin mo
ako, okay?” nakangiting bilin ng binata.
Isang inosenteng bilin at inosenteng
ngiti, pero sa pilyong kislap ng mga mata ni Arman ay nagawa nitong maipaabot
sa kanya ang iba pang kahulugan ng mga salitang iyon.
At lalong nakadama ng matinding
pagkainis si Elaine nang kusang tumugon ang kanyang katawan sa parinig na iyon.
Naging sensitibo yatang bigla ang lahat ng kanyang erogenous zones.
Hindi na niya naitago ang pagkapikon.
“Asa ka pa,” sagot niya. “Manigas ka.”
At ibinalibag niyang pasara ang pinto sa mukha
ni Arman.
Narinig na lamang niya ang matagumpay na
halakhak nito sa kabila ng pinto habang sising-sisi naman siya sa kanyang
naging pabigla-biglang reaksiyon.
Noon lang niya naisip na sa halip na
ikahiya ang kanyang bihis at ayos ay ginamit na sana niya iyon para simulan ang
pang-aakit sa binata. Mismong ang kalumaan ng kanyang workout outfit ang
magdaragdag ng kaseksihan niyon. At mismong ang kawalan niya ng ayos ang
makapagbibigay sa kanya ng seductive look – na para bang kababangon lang niya
mula sa higaan at handang mahiga pang muli.
Sayang. Hindi niya napakinabangan ang
pagkakataon.
Siya pa nga ang naisahan ni Arman.
Nagawa siyang pikunin nito. Tinablan siya ng mga salitang siguradong sinadya
nitong bigyan ng double meaning.
Hindi bale. Sisiguruhin niyang kanya
naman ang susunod nilang engkuwentro.
LUNES
umaalis at bumabalik sa Fort Lauderdale ang Carribean Queen. Martes hanggang
Linggo, tuwing ikalawang linggo, ay bakasyon ang crew at staff ng barko. Linggo
ng gabi o Lunes na ng madaling-araw ang kanilang balik sa trabaho para sa
panibago na namang luxury Carribean cruise.
Kapag bakasyon rin lang ay naging gawi
na nina Elaine at Gretchen ang mag-ehersisyo sa park na malapit lang sa
tinitirhang apartment building. Iyon lang kasi ang pagkakataon nila para
ma-enjoy naman ang kapaligirang may mga puno, bulaklak at mala-alpombrang damuhan.
Iba naman sa malawak na karagatang lagi nilang natatanaw.
Madalas ay kasabay nila sina Gerry at
Arman sa paglabas ng gusali. Pero dati ay laging humihiwalay si Arman. Kung
jogging ang kanilang plano ay naka-bike ito. Kung sila naman ang naka-bike ay
ito ang makakaisip na mag-jogging.
Nang Miyerkules na iyon ay sumabay sa
kanila si Arman, na siya naman talagang inaasahan ni Elaine.
Kaya nga isinuot niya ang pinaseksi niyang
jogging outfit. Isang light pink na unitard, magkarugtong mula sa sleveless
tank top hanggang sa maikling shorts. Hapit na hapit sa kanyang katawang
perpekto ang sukat at parang nililok ng eskultor.
Hindi niya dati isinusuot ang outfit na
iyon sa labas ng ladies’ gym. Masyado nga kasing revealing. Pero ngayo’y
kailangan niyang bigyan ng golpe de gulat si Arman.
Hindi na baleng siguradong magiging
sentro rin siya ng atensiyon ng iba pang kalalakihan. Naisip niyang iyon nga
mismo’y maaaring mas lalo pang makapagpainit sa binata. Hindi ba’t sensitibo
ang mga lalaki sa kompetisyon?
Ang hindi inaasahan ni Elaine ay ang
magiging reaksiyon naman niya sa pagkakita kay Arman.
Sa halip na jogging pants kasi ay shorts
din ang isinuot nito. Ang pang-itaas pa mandin nito’y racer back sando na hapit
sa katawan.
Dati nang nakikita ni Elaine si Arman na
naka-swimming trunks pa nga sa poolside ng Carribean Queen. Pero may ibang
dating ngayon sa kanya ang binata. At hindi na niya ipinagtataka kung bakit.
Sariwang-sariwa pa kasi sa kanyang
alaala ang mga pangyayari kamakalawa ng gabi. May personal nang kahulugan sa
kanya ang bawat bahagi ng katawan ni Arman. Alam na alam na niya kung paano
humalik ang mga labi nito. Kung ano ang nagagawa ng mga kamay nito. Kung paanong
makulong sa mga bisig nito. Kung paanong humimlay sa dibdib nito.
Makita lang niya si Arman ay kusa nang
nagbabalik ang maiinit na eksena sa kanyang gunita.
Hindi pala ganoon lang kasimple ang
pinaplano niyang pagganti.
Habang inaakit niya si Arman ay apektado
rin siya. Hindi rin niya mapigil ang nadaramang matinding atraksiyon sa binata.
“Good morning!” masiglang bati ni Arman
paglapit sa kanya.
At agad siya nitong hinagod ng tingin
mula ulo hanggang paa, kasabay ng makahulugang pagngiti.
Namula si Elaine. Nag-init ang kanyang
buong katawan. Pero sa kabila niyon ay ngumiti pa rin siya nang
pagkatamis-tamis at lalong pinaliyad ang kanyang dibdib.
“Good morning,” sagot niya sa malambing
na tinig. “Ready to go jogging?”
“I’m always ready when you are,” sagot
ng binata, sabay kindat.
Natawa lang kunwari si Elaine. Naihanda
na niya ang sarili sa ganoong tipo ng parinig mula kay Arman. Nagawa na niyang
ilihim ang kanyang pagkapikon.
“Let’s go, guys,” tawag ni Gretchen.
At nanguna na ito sa pagtakbo, kasabay
si Gerry.
Sinabayan naman ni Arman si Elaine.
Sa simula ay conscious na conscious
siya. Panay kasi ang sulyap sa kanya ng binata. Nakangiti. Inaalala tuloy niya
ang kanyang hitsura habang tumatakbo. Maganda pa rin kaya siya kahit pawisan?
Pero nang lumaon ay mas nangibabaw ang
kasiyahan ni Elaine sa kanyang ginagawa. Masarap talaga ang mag-ehersisyo sa park na nasasapnan ng
makapal na damo at napapaligiran ng mga puno at bulaklak. Iba naman ang
kapreskuhan ng hangin kaysa sa hanging dagat.
Naging natural na ang kanyang pagngiti
kahit humihingal.
Nakatatlong ikot sila sa jogging path ng
park bago nagkayayaang tumuloy sa juice bar na nasa isang dulo niyon.
“Papasok muna ako sa ladies’ room, ha?”
paalam ni Gretchen.
“Sama ako,” segunda ni Elaine.
“Ako rin,” sabi ni Gerry.
“Sa ladies’ room ka rin?” biro ni
Gretchen.
“Of course not,” pahumindig na sagot
nito. “Sa kabila, siyempre.”
Tawanan sila.
“Sige, kukuha na ako ng mauupuan natin
sa bar,” sabi ni Arman.
Maraming tao sa ladies’ room kaya medyo
natagalan sina Elaine at Gretchen.
“Iwan mo na ako,” sabi ni Gretchen nang
naunang makatapos ang kaibigan. “Maghihilamos pa ako pagkatapos ko, e.”
“Okay,” sagot ni Elaine.
Lumabas na nga siya.
Sa may pinto pa lamang ay namataan na
niya si Arman na nakaupo sa bar. Nakatingin sa kanya. Para bang hinihintay
talaga nito ang paglabas niya.
Lihim na napangiti ang dalaga.
Malayu-layo rin ang kanyang lalakarin
patungo sa bar. At sinamantala niya ang pagkakataong iyon para lumakad nang
pasimple pero may pang-akit.
Siyempre, hindi niya ipinahalatang
sinasadya niya iyon para kay Arman. Ni hindi nga siya tumitingin sa binata.
Ang hindi niya napaghandaan ay ang
magiging reaksiyon ng iba pang kalalakihang naroon sa kanyang ginagawa.
Lalo na ang isang agresibong bodybuilder
na biglang humarang sa kanyang daraanan.
“Hi, beautiful,” nakangiting sabi nito
habang hayagang iniinspeksiyon ng tingin ang kanyang buong katawan.
“H-hi...” alanganing sagot ni Elaine.
Tinangka niyang lumiko sa kanan pero mabilis
ulit siyang naharang ng lalaki.
“Join me for breakfast?” paanyaya nito.
“Aaa... I’m sorry but I’m with someone,”
sagot ni Elaine.
Lumipad ang kanyang paningin sa
kinaroroonan ni Arman. Hihingi sana ng saklolo.
Pero wala na roon ang binata.
Iyon pala’y nasa tabi na niya ito.
“There you are, honey,” suwabeng-suwabeng
sabi ni Arman habang kinakabig siya sa beywang.
Pagkatapos ay binalingan nito ang
kaharap na lalaki at nginitian.
“Hi there,” sabi pa ni Arman. “Nice
morning, isn’t it?”
“Yeah,” tango ng lalaki na biglang
tumamlay ang ngiti.
“Come on, honey, I got us a place at the
bar,” baling ni Arman kay Elaine.
Tumango siya.
“Excuse us,” sabi niya sa estranghero.
Nagbigay daan naman ito.
Hindi inalis ni Arman ang pagkakayakap
sa kanyang beywang habang patungo sila sa bar. Hindi makapagreklamo ang dalaga.
“Thanks for the rescue,” napilitan pang
sabihin ni Elaine pag-upo nila.
“Ang dami mong admirers,” nakangiting
sagot ni Arman. “I can’t blame them. Ang sexy mo kasi, e.”
Napalunok siya.
Ang totoo’y pinagsisisihan na niya ang
pagsusuot ng ganoon ka-daring na outfit sa labas ng gym. Kamuntik pa tuloy
siyang napahamak. Kung nagkataong mas agresibo pa ang lalaking iyon ay baka
napasubo sa gulo pati si Arman.
Kahit hindi umabot sa ganoon ang pangyayari
ay may utang na loob pa siya ngayon sa binata. At hindi niya gusto iyon.
Inis na inis si Elaine.
Palpak na naman ang plano niya.
INIIWASAN
na sana ni Elaine na magpakita kay Arman pagkatapos niyon. Parang nawalan na
siya ng tiwala sa kanyang plano.
Pero anumang iwas ang gawin niya ay
laging naroon pa rin ang binata.
Pagdating niya mula sa supermarket isang
umaga ay nagkita sila sa lobby. At kahit na anong tanggi niya ay kinuha nito
ang kanyang mabibigat na shopping bag at inihatid siya hanggang sa kanyang
unit. Pumasok pa ito hanggang kusina.
“Iwan mo na lang iyan diyan sa kitchen table,”
sabi niya.
“Puwede bang makiinom ng malamig na
tubig?” tanong ni Arman.
Alam ng dalaga na gumagawa lang ito ng
paraan para magtagal doon pero hindi naman siya makatanggi. Pabuntonghiningang
kumuha siya ng baso.
“I can serve myself,” sabi pa ni Arman
habang kinukuha sa kanya ang baso.
Ito na ang nagsalin ng tubig mula sa
pitsel sa refrigerator.
“Thanks for your help,” sabi ni Elaine.
“I can take it from here. Marami pa akong gagawin, e.”
Tiningnan siya nang matiim ni Arman
matapos lumagok ng tubig.
“Hindi ka kumportableng nagkakasarilinan
tayo nang ganito, ano?” sabi nito. “The tension is too much. Pareho lang naman
tayo ng nararamdaman. Why won’t you give us a chance?”
Umiling si Elaine.
“Hindi tayo magkapareho ng nararamdaman,
Arman,” sagot niya. “Malayung-malayo ang nararamdaman mo sa nararamdaman ko.
There’s a world of difference between lust and love. At huwag mong sabihing
hindi kita binigyan ng pagkakataon. Sobra-sobra ang ibinigay ko sa iyo. Hindi
nga tayo dapat umabot sa ganoon.”
“Hindi kita pinilit,” paalala ng binata.
“Dahil nagkamali ako ng akala,” sagot ni
Elaine. “Nag-ilusyon akong mahal mo ako. Kasalanan ko. Ang linaw-linaw naman ng
sitwasyon. Dati, ni hindi mo ako pinapansin. Pagkatapos, biglang-bigla na lang
na gusto mo na ako. Imposible nga namang bigla mo na lang akong minahal.”
“Walang nagbago sa pagtigin ko sa iyo
magmula noon hanggang ngayon, Elaine,” sabi ni Arman. “Noon pa man, attracted
na ako sa iyo. Matindi. Pinigil ko lang ang aking sarili. Dahil din sa maling
akala. I thought I was in love with someone else. Pero puwede ba iyong in love
ako sa kanya samantalang gusto kita? Well, kasi nga, hindi naman pala totoo
iyong pag-ibig. Hindi ko siya mahal. Ni wala kaming physical chemistry. Tayo ang
may magic. Ngayong nagising na ako sa katotohanan, saka mo pa ako titikisin?”
Natawa nang patuya ang dalaga.
“Some pair we are,” sagot niya. “Oo
nga’t libre ka na ngayon. At gusto mo na ako ngayon. Pero hindi pa rin tayo
puwede, Arman. Dahil magkaiba tayo ng hinahanap. Kailangan ko ng pag-ibig.
Nangangarap ako ng kasal, ng sariling pamilya, ng living happily ever after –
lahat ng bagay na tinatalikuran mo na. Na ayaw mo nang paniwalaan.”
“Kaya nga sinasabi ko na sa iyo – batay
na rin sa sarili kong karanasan – it just doesn’t work, Elaine,” giit ni Arman.
“Sayang lang ang pangangarap mo. It’s an empty dream. An impossible dream.
Masasaktan ka lang sa kaaasa. Siguro nga, isang araw, may makakatagpo kang
lalaki na magsasabing iniibig ka niya. At papapaniwalain mo rin ang iyong
sarili na mahal mo siya. Pero magigising na lang kayo isang umaga sa
katotohanang wala na ang pag-ibig na iyon. Naglahong parang bula.”
“Just because it happened to you doesn’t
mean it will happen to everyone else, Arman,” sagot ng dalaga.
“Tumingin ka sa paligid, Elaine,” sabi
ni Arman. “Gaano kadalas ang diborsyo dito sa US? Gaano kadalas ang
paghihiwalay ng mga mag-asawa kahit sa atin sa Pilipinas? Tanungin mo ang
mismong mga kaibigan natin – si Gerry, si Gretchen – kung bakit hindi na sila
nananalig sa pag-ibig, sa commitment at sa kasal.”
“Hindi pa rin mamamatay ang aking
pag-asa,” sagot ni Elaine. “May mga relasyon pa ring matibay at matatag.
Nagtatagal hanggang kamatayan. Pinaninindigan at ipinaglalaban. At ganoon ang
pinapangarap kong maging buhay.”
“Ang iba sa kanila ay nabubuhay sa
ilusyon. O nagtitiis lang at nagpapakamartir dahil sa mga obligasyon sa
lipunan,” pakli ng binata.
“Hindi ganoon ang mga magulang ko at mga
kapatid ko,” sabi ni Elaine. “Maligaya sila.”
“Paano kung wala ka nang makatagpong
lalaki na nagpapadama sa iyo ng tulad ng nadarama mo para sa akin?” hamon ni
Arman. “Magpapakasal ka ba sa iba samantalang mas matindi ang chemistry natin?”
Nag-init ang tainga ni Elaine.
“Napakayabang mo talaga,” nanggigigil na
sumbat niya sa kaharap.
“Nagsasabi lang ako ng totoo,” sagot ng
binata. “Inaamin ko rin namang malamang na hindi na ako ma-attract sa ibang
babae na tulad nang kung paano ako attracted sa iyo. I don’t think I’ll ever want
any woman as much as I want you, Elaine. And I won’t settle for anything else
than what we can have together.”
Kakaibang init naman ang nadama ng
dalaga pagkarinig ng salitang iyon. Gumagapang sa kanyang katawan. Sa kanyang
buong pagkatao.
Pero hindi siya nagpatangay.
“Pasensiyahan na lang tayo,” sagot
niyang taas-noo.
“Sige, tulad ng sinabi ko noon, hindi
kita pipilitin,” tango ni Arman. “But I’m giving you fair warning, Elaine.
Hindi pa rin ako sumusuko. Hindi ako susuko hangga’t hindi ka sumusuko... sa
katotohanan... at sa akin.”
Napahumindig ang dalaga.
“How dare you threaten me...”
Bago siya nakatapos ay humakbang na si
Arman patungo sa kanya. Lumapit ito hanggang sa halos magdikit na ang kanilang
katawan, pero tumigil doon.
Napasinghap si Elaine.
“That wasn’t a threat, Sweetheart,”
bulong ni Arman. “That was a promise.”
At iniwan na siya nitong naghahabol ng hininga at nangangatog ang mga tuhod.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento