FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 6
LINGGO
pa lang ng gabi ay bumalik na si Elaine sa barko. Nauna na siya kay Gretchen
dahil alam niyang makakasabay ng kaibigan sina Gerry at Arman.
“Sayang naman ang Sunday night,” pigil
sana ni Gretchen sa kanya. “Sumama ka na lang sa amin sa paglabas.”
“Pihadong isasama rin ni Gerry si Arman
kapag nalamang kasama ako,” sagot niya. “Huwag na lang.”
“Ang dali mo namang umurong sa plano
mo,” hamon ng kaibigan.
“Ayoko na, Gretch,” amin ni Elaine.
“Hindi ko pala kaya. Napapahamak lang akong lalo, e. Matutulog na lang ako sa
barko. Hindi pa ako magagahol sa paghahanda sa Lunes ng umaga.”
Tahimik na nairaos ng dalaga ang gabing iyon.
Pero kabado pa rin siya sa magaganap sa sanlinggong cruise. Gaano man kalaki
ang Carribean Queen ay mahirap pa ring iwasan si Arman sa barko. Saan siya
magtatago rito? Wala siyang matatakbuhan.
Hindi talaga niya maisip kung paanong
ang Arman na nakilala niya noon ay naging si Arman ngayon. Ibang-iba na ito.
Pero bakit ba mas lalo pa ngayong
tumindi ang kanyang damdamin para sa binata? Kung kailan pa siya nakasisigurong
hindi ito kailanman magiging kanya.
Noon ay may pag-asa pa siya, kahit
kapiranggot, na mabaling sa kanya ang
pagtingin ni Arman at siya ang mapili nitong maging kabiyak sa habambuhay.
Ngayon, kahit lantaran na nitong inihahayag ang pagkakagusto sa kanya, alam
naman niyang panandaliang relasyon lang ang habol nito. Katulad lang ng relasyon
nina Gretchen at Gerry.
At gaano man kamoderno ang pananaw ni
Elaine sa buhay ay hindi niya matanggap iyon. Isipin lang niyang walang
pag-ibig ang pagnanasa sa kanya ni Arman ay napakasakit na.
Ang problema niya ngayon ay kung
paaanong paglalabanan ang tukso. Dahil totoo rin naman ang pahayag ni Arman na
ang tinitikis niya’y sarili niyang pangangailangan.
Kusang tumutugon ang kanyang katawan –
ang kanyang buong pagkatao – kay Arman. Sa mga yakap at halik nito. Sa haplos
lang ng mga kamay nito. Kahit simpleng sulyap lang nito. Dahil nga in love pa
rin ang nabaliw na yata niyang puso.
Kailangan niya ng pananggalang.
Siguro, mas magiging matatag siya kung
mayroon siyang ibang pananagutan. Katulad ng kung paano niya noon naipangako sa
kanyang sarili na kakalimutan na niya si Arman kapag naging pormal ang engagement
nito sa girlfriend sa Pilipinas.
Oo nga. Kailangan niyang ma-in love sa
iba. Iyon lang ang paraan para matalikuran niya nang ganap si Arman. At
maipapamukha pa niya sa binata na hindi totoong wala na siyang mahahanap na
lalaki na maaari niyang ibigin nang higit pa rito.
Saan nga kaya niya mahahagilap ang
lalaking iyon?
NAGKAKAGULO
pa ang buong barko sa unang araw ng cruise. Nag-iikot pa ang mga pasahero,
iniinspeksiyon ang mga pasilidad. Nagtatanung-tanong.
Wala pang naka-schedule na klase sa gym
para sa araw na iyon. Katulad ng ibang miyembro ng staff ay nagbibigay pa lang
sina Elaine ng orientation sa mga pasahero.
“Elaine!”
Pamilyar ang tinig na tumawag sa kanya.
Nakangiti na agad ang dalaga paglingon
niya kay Mrs. Emma Catarungan.
“Hello, Mommy!” masayang sagot niya.
“Welcome back.”
“Mommy” at “Daddy” na ang nakagawiang
tawag ng crew at staff ng Caribbean Queen sa mag-asawang Pilipino na sina Emma
at Luis Catarungan. Tatlong beses na kasing naglakbay ang mga ito sa barkong
iyon. Magkakasunod na mga taon. Pang-apat na ito.
Nawili raw ang mag-asawa sa Carribean
Queen dahil halos panay Pilipino rin ang crew at staff ng cruise ship. Tuwang-tuwa
sila sa mga kababayan. Mahigit tatlumpung taon na kasi ang mga itong naninirahan
sa Estados Unidos.
“I’m sure, hindi kayo nag-iisa,” dagdag
ni Elaine. “Si Daddy?”
“Nandiyan lang,” sagot ni Emma.
“Hinahanap ka rin.”
“Ako?” gulat na sabi niya. “Bakit?”
“Gusto ka naming makasalo mamaya sa
pananghalian,” sagot ni Emma. “May kasama kaming gusto naming ipakilala sa
iyo.”
Natawa si Elaine.
“Naku, Mommy, ha? Sino naman iyon?”
tanong niya.
“Anak naming binata, si Lance,” sagot ng
matanda. “He’s 32 years old and a surgeon. Talagang hinatak namin sa cruise na
ito para makapag-relax naman. At para makakilala ng Pilipinang tulad mo.”
Namula ang dalaga.
“Hindi lang naman ako ang Pilipinang
dalaga pa sa staff, Mommy,” sagot niya. “Marami kami.”
“But you’re our favorite,” nakangiting
sabi ni Emma. “Naikuwento ka na nga namin kay Lance, e. Naipakita rin namin sa
kanya ang pictures nating magkasama. Kaya madali namin siyang nakumbinsing
sumama ngayon. Usually, hindi ko iyan mahatak mula sa kanyang trabaho.”
“Naku, Mommy Emma, ha...” natatawang
iling ni Elaine.
“Just join us for lunch,” hiling ng
matanda. “Please?”
“O-okay,” napipilitang tango niya.
“Good,” tuwang-tuwang sabi ni Emma. “See
you at the dining room then. Hahanapin ko na iyong mag-ama at nang maibalita ko
sa kanila.”
IKINUWENTO
ni Elaine kay Gretchen ang pangyayari.
“Patay kang bata ka,” tumatawang sabi ng
kaibigan. “Inirereto ka nina Mommy Emma at Daddy Luis sa anak nila. Gusto
sigurong magkaroon ng daughter-in-law na Pinay.”
“Ano’ng gagawin ko?” tanong niya.
“Ano pa nga ba ang magagawa mo?” sagot
ni Gretchen. “Di pagbigyan mo ang imbitasyon nila. Guest sila, e. At wala
namang masama roon. Just meet the guy. Be nice to him. Malay mo, cute. Baka mas
guwapo pa kay Arman.”
Saka lang naisip ni Elaine na baka nga
ito na ang sagot sa kanyang problema.
Lalong nabuo ang ideya niyang iyon nang
makaharap niya si Lance.
Hindi lang cute ang binatang doktor.
Guwapo ito. Simpatiko. Suwabeng-suwabe sa kilos at pananalita.
“It’s a pleasure to finally meet you,
Elaine,” sabi nito habang kinakamayan siya. “Mas maganda ka pa pala sa personal
kaysa sa litrato.”
Namula siya.
Pero hindi naman siya nailang sa kabuuan
ng pananghaliang pinagsaluhan nilang apat. Dati na kasi siyang kumportable sa
mag-asawang matanda. At madali ring napanatag ang loob niya kay Lance.
Paano’y hindi agresibo ang binata.
Pagkatapos ng pagpuri nito sa kanya sa pagpapakilala sa kanila sa isa’t isa ay
hindi na siya uli nito pina-conscious. Naging napaka-casual na ng kanilang kuwentuhan.
Bago natapos ang pananghalian ay
napakarami nang nalaman ni Elaine tungkol sa binata at sa pamilya nito. Pawang
magagandang bagay.
Pediatric surgeon si Lance. Pinili
nitong magpakadalubhasa sa panggagamot sa mga bata. At bukod sa propesyunal nitong
panggagamot sa Estados Unidos ay naglalaan din ito ng malaking oras sa libreng
pagseserbisyo sa mga batang nangangailangan sa Pilipinas. Regular itong
sumasama sa isang medical mission ng mga volunteer doctors na umiikot sa mga naghihirap
na baryo sa mga probinsiya ng bansa para manggamot nang libre.
Pataas nang pataas ang respeto’t
paghanga ni Elaine sa binatang doktor.
Nang matapos ang kanilang dessert ay
muling nagyaya si Emma.
“May bingo raw sa deck ngayong hapon.
Sumali tayo just for fun.”
“Masaya nga iyon,” tango ni Elaine. “At
magaganda ang prizes.”
“So you’ll join us?” tanong ni Lance.
“I’m sorry, I can’t,” sagot niya. “On
duty ako sa gym this afternoon. Kailangang naroon kami para ipaliwanag ang
aming scheduled activities sa mga pasahero. Tumatanggap na rin kami ng registration
para sa mga classes.”
“May I walk you to the gym?” tanong ni
Lance.
“Sure,” sagot niya.
Nang magkasarilinan sila, halatang
nahihiyang nagpahayag ang binata.
“Pasensiya ka na, Elaine, kung masyadong
obvious ang matchmaking efforts ng parents ko.”
Nangiti siya.
“Okay lang iyon,” sagot niya. “In fact,
I should be flattered.”
“Hindi ka magagalit kahit na sabihin
kong balak kong panindigan ang gusto nilang mangyari?” dagdag ni Lance.
“H-ha?” sagot ni Elaine.
“I mean I’d like us to get to know each
other better these next few days,” paliwanag ng binata. “Right now, I like
everything about you. In fact, I’m smitten. Pero alam kong kailangan ko munang
ipakilala nang lubos ang sarili ko sa iyo. And that’s exactly what I intend to
do. What I’m really trying to say is that I’d like to court you, the Filipino
way.”
Natigilan si Elaine.
“Have I offended you?” nag-aalalang
tanong ni Lance nang hindi agad siya nakakibo. “Galit ka ba?”
“H-hindi,” iling niya. “Nagulat lang
ako.”
“Masyado ba akong mabilis?” kunot-noong
tanong ng binata. “I’m only announcing my intentions. Akala ko, this is the
proper way to do it.”
“Wala kang ginawang mali, Lance,”
nakangiting sabi ni Elaine. “In fact, nagulat ako dahil bihira na ngayon ang
nagpapahayag ng intensiyon na tulad ng ginawa mo. Kaya lang, hindi ba kailangan
mo rin muna akong makilala nang lubos bago ka manligaw?”
“Maraming-marami nang naikuwento sina
Mommy sa akin tungkol sa iyo,” sagot ni Lance. “At kahit sa sandaling pagsasama
natin, napatunayan ko nang higit ka pa sa inaasahan ko. I’m sure, lahat ng
malalaman ko pa tungkol sa iyo ay makadaragdag lang sa aking paghanga.”
Natawa si Elaine.
“Huwag kang pakasiguro,” sabi niya.
“Anyway, let’s just get to know each other better during the cruise. Saka na
lang ‘yung iba pa.”
“I just wanted you to know na doon ako patungo,”
sabi ng binata.
“I’ll consider myself warned,” biro ni
Elaine.
KINIKILIG
si Elaine habang ikinukuwento ang buong pangyayari kay Gretchen.
“Uy, ha, liligawan ka nang Pinoy style?
Ano iyon, ipagsisibak ka ng kahoy at ipag-iigib ng tubig? Baka itong barko ang
sibakin niya at tubig-dagat ang ipaligo niya sa iyo,” natatawang sabi ni
Gretchen.
“Hoy, seryoso iyong tao, ano?” giit ni
Elaine.
“Para namang he’s too good to be true,”
pagdududa pa rin ng kaibigan. “Nakita lang ang picture mo, na-in love na sa
iyo. Kunsabagay, beauty ka namang talaga. Ang suwerte mo, pag nagkataon. Guwapo
na, doktor pa. Rich. At kasundo mo ang mga magiging biyenan mo. Iyan na nga
yata ang pinakahihintay mong prince charming na magpapakasal sa iyo at
magbibigay sa iyo ng happy ever after.”
“Siya na nga kaya?” buntonghininga ni
Elaine. “Guwapo nga siya, hindi ba? At saka may malasakit sa kapwa. Matino.
Disente. Naniniwala sa Filipino values.”
“E di taob na talaga si Arman?” sabi ni
Gretchen.
Natigilan si Elaine.
Narinig lang ang pangalan ni Arman ay
agad na naging eratiko ang tibok ng kanyang puso.
“O, bakit ganyan ang reaksiyon mo?”
kantiyaw ni Gretchen. “Halatang-halata ka, ‘day. Natataranta ka pa rin kay
Arman.”
“Bakit ba kasi isinasali mo pa siya sa
usapan?” inis na sagot niya.
“At bakit hindi?” pakli ni Gretchen.
“Mabubura mo ba ang kanyang existence? Whether you like it or not, nandiyan pa
rin siya. Guguluhin pa rin iyang puso mo. Kaya ngayon pa lang, pagkumparahin mo
na sila ni Lance. At magsimula ka nang mag-tally ng score card nilang dalawa.”
“Of course not!” irap ni Elaine. “Bakit,
may honorable intentions ba sa akin si Arman? Dishonorable intentions, oo,
marami. Kaya hindi ko siya maihahanay kay Lance. Hindi sila magka-level.”
“Sabihin mo na ang lahat ng gusto mong
sabihin, pero alam pa rin natin pareho na hindi mo maiwawalang-bahala si
Arman,” giit ni Gretchen. “At kapag nalaman niyang nanliligaw sa iyo si Lance,
sigurado akong mas magiging agresibo pa siya sa paghamon sa iyo. Humanda ka
na.”
Kinabahan si Elaine.
“Hindi mo ba siya mapipigil, Gretch?”
hiling niya sa kaibigan. “Kausapin mo naman si Gerry, o. Baka sakaling makinig
siya kay Gerry. Ipakiusap mong tantanan na ako. Maawa naman siya sa akin.”
“Susubukan ko,” sagot ni Gretchen.
MABILIS
kumilos si Gretchen. Nang hapon din iyon ay nakausap na nito si Gerry. Bago
maghapunan ay nakausap naman ni Gerry si Arman.
“Nakikiusap siyang tigilan ko na siya
dahil may manliligaw siyang doktor?” mainit na agad ang ulo na sagot ni Arman.
“Hindi naman sa ganoon, pare,” sagot ni
Gerry. “Pinagkabit-kabit mo naman nang wala sa lugar ang mga sinabi ko, e.”
“Ganoon ang suma niyon, e,” sabi ni
Arman. “Parang ipinagmamalaki pa niya sa akin ngayon na may manliligaw siyang
doktor – na ‘ka mo’y liligawan siya nang Filipino style. Big deal.”
“Talagang big deal iyon sa mga babae,
pare,” sagot ni Gerry. “Lalo na sa isang babae na katulad ni Elaine ang
paniniwala. Biruin mong may back-up pa na mga magulang na more than thirty
years nang kasal. He represents everything she wants.”
“Hindi, pare,” iling ni Arman. “She
wants me. Tinatakbuhan lang niya ang katotohanang iyon.”
“Nakita mo na ba itong doktor na ito?”
tanong ni Gerry.
“Hindi pa. Bakit?” sagot ni Arman.
“Maybe you should see him first, bago ka
maging masyadong kampante, pare,” sagot ng kaibigan. “May tipo, e. May porma.”
Lalong nagdilim ang mukha ni Arman.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento