FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 7
GABI
na nang nagkita sina Elaine at Arman sa barko.
Kasalo si Elaine ng pamilya Catarungan sa
hapunan. Nagkasulyapan lang sila mula sa magkabilang bahagi ng luksuryosong
dining room.
Damang-dama ng dalaga ang init ng titig
ni Arman kahit sa malayo. Parang nanunumbat ito. Nang-uusig.
Lalo namang nagrebelde ang puso niya.
Sino si Arman para magpakita sa kanya ng ganoong galit? Wala naman itong
karapatan sa kanya. Hindi naman sila magkaanu-ano.
Sumiklab din ang galit sa kanyang mga
mata.
“To hell with you!” iyon ang mensaheng
ibinalibag ng kanyang tingin sa binata.
At sinadya niyang bumaling kay Lance
nang nakangiti nang pagkatamis-tamis.
Naging mas masuyo siya sa binatang
doktor at sa mga magulang nito nang gabing iyon. Hindi naman mahirap gawin.
Hindi niya kailangang magpanggap. Paano’y masarap naman talagang kasama ang
mag-anak. Magkasundung-magkasundo silang apat.
Pagkatapos ng hapunan, sinimulan na ang
ballroom dancing.
“The music has started,” sabi ni Luis.
“Let’s dance the night away.”
At kinuha na nito ang kamay ng esposa.
“Shall we dance?” nakangiting tanong ni
Lance kay Elaine.
“Okay,” masiglang sagot niya.
Mahusay palang sumayaw si Lance.
Sanay rin naman si Elaine sa ballroom
dancing sa barko. Kakaiba ang kaakit-akit na indayog ng kanyang katawan habang
nagsasayaw.
“You’re a good dancer,” sabi niya sa kapareha.
Nangiti si Lance. “Actually, automatic
na lang ang galaw ng mga paa ko kasi I learned this at such an early age from
my parents. Mahilig sila rito, e. Mabuti na nga lang at ingrained na sa utak ko
ang dance steps na ito. Kung hindi, baka nakalimutan ko na kung paanong mag-cha-cha
at nagkabuhul-buhol na ang mga paa ko habang pinapanood kita. You’re mesmerizing.”
Tumawa lang si Elaine at umikot.
Pagharap niya uli kay Lance ay nahagip
ng kanyang paningin si Arman nasa malayo, sa may likuran nito. Nakasandal sa dingding.
Magkasalubong ang mga kilay habang nakatingin sa kanila.
Naalala ng dalaga ang huling
pagkakataong nagsayaw siya. Sa The Dolphin. Hindi ganito ‘yon. Mas personal
iyon. Mas madamdamin. At para lang kay Arman.
Pero iyon ang sayaw na nagpahamak sa
kanya.
At ngayo’y si Arman pa ang may lakas ng loob na magalit.
Napikon siya.
Lalo niyang pinaindayog ang kanyang
katawan. Hindi tuld noong nagsasayaw siya sa The Dolphin. Dahil ngayo’y may
rebelyon na sa kanyang pagsayaw. Nananadya. Nanghahamon.
Parang hindi na si Lance ang kasayaw
niya. Si Arman lang ang nasa isip niya. Muli, nagsasayaw siya para lang kay
Arman. Para galitin ito.
Hindi na napansin ng dalaga ang
pagkagulat ni Lance. Ang pagkagulat ng marami sa dance floor.
Paano’y nagawa niyang isayaw ang
ordinaryong cha-cha nang napaka-seductive. May kakaibang intensity. May
kakaibang init.
Idagdag pa ang ekspresyon sa kanyang
mukha na parang walang pakialam sa mundo.
Natapos ang tugtog.
Muling sumulyap si Elaine sa
kinaroroonan ni Arman. May pagmamalaki.
Pero wala na roon ang binata.
Saka lang niya narinig ang palakpak ni
Lance.
“You’re breathtaking!” sabi nitong
punung-puno ng paghanga.
“Sorry, I got carried away,” sagot
niyang nakangiti.
“Well, I sure hope you get carried away
with every dance tonight,” tumatawang sabi ni Lance.
Boogie naman ang sumunod na tugtog.
Nagpatuloy sila sa pagsayaw. Pero hindi na ganado si Elaine. Pinagbibigyan na
lang niya ang mga Catarungan.
AKALA
ng dalaga ay kukumprontahin siyang muli ni Arman. Ganoon na lang ang kanyang
pangamba kahit sinasabi niya sa sarili na hindi siya dapat magpakita ng pag-atras
sa binata.
Pero hanggang sa naihatid siya ni Lance
sa kanyang quarters ay hindi na muling nagpakita si Arman.
“I hope we can spend more time together
in the next few days,” sabi ni Lance pagdating nila sa tapat ng pinto ng
kanyang silid.
“Actually, baka nga mas madalang mo
akong makikita sa labas ng gym o pool,” sagot niya. “Magsisimula na kasi bukas
ang fitness classes ko. Tatlo sa umaga. Tatlo sa hapon.”
“Kaya pala fit na fit ka,” humahangang
sabi ni Lance.
“Trabaho ko ito, e,” sagot ni Elaine.
“So when can I see you again?” tanong ni
Lance. “Kung kinakailangan, maghihintay ako sa labas ng ladies’ gym.”
“Baka mailang naman sa iyo ang mga nasa
klase ko,” natatawang sagot ni Elaine. “Mas mabuti pa kung doon ka magbabad sa
men’s gym para makapag-workout ka na rin o makapagpa-massage. Samantalahin mo
itong bakasyon mong ito. It will help you relax. I’ll be seeing you at dinner
time, sa dining room.”
“Puwede ka ba uling maanyayahan na sa
mesa namin maupo?” tanong ng binata.
“No problem,” sagot niya. “Pero para mas
masaya, after dinner bukas, hahatakin naman kitang makihalubilo sa younger set.
Do you think your parents will mind?”
“Puwede rin naman silang makihalo sa mga
kaedad nila, hindi ba?” sabi ni Lance. “At saka isinama nila ako sa cruise na
ito to have fun. So I’m sure they won’t mind our going our own way.”
“Okay, see you then,” paalam ni Elaine.
“Good night.”
“Good night,” sagot ni Lance. “And
thanks for a beautiful evening. I’m looking forward to tomorrow.”
Hindi ito nagtangka man lang na humingi
ng halik sa kanya, kahit sa pisngi.
Nangiti si Elaine.
Napakamaginoo talaga ni Lance.
Pero pagsara niya ng pinto sa kanyang
silid ay si Arman na muli ang nasa sentro ng kanyang isip.
Nasaan na kaya si Arman? Nagngingitngit
pa rin siguro ito. Buti nga.
Kaso ay nagngingitngit din siya sa
binata, hanggang sa makatulugan na lamang niya.
KINABUKASAN,
ang hinihintay ni Elaine ay hindi ang usapan nila ni Lance kundi ang
pinangangambahan pa rin niyang kumprontasyon nila ni Arman. Pero nakabalik pa
rin siya sa kanyang silid nang hindi hinaharang ni Arman.
Marahil ay sa dining room siya lalapitan
ni Arman. O habang patungo siya roon. Pero ni anino ng binata ay hindi niya
nakita. Ni hindi ito naghapunan sa dining room. Siya pa nga ang kandahaba ang
leeg sa paghahanap dito.
Parang wala tuloy siya sa kanyang sarili
habang kakuwento niya sina Lance, Emma at Luis.
“Is something wrong?” tanong ng binata.
“Something’s bothering you.”
“Wala,” mabilis niyang tanggi. “I’m sorry.
Medyo napagod lang ako sa mga klase ko kanina. Hindi kasi ako nagpa-massage
pagkatapos.”
“Baka kailangan mong matulog nang maaga
para maipahinga mo ang katawan mo,” sabi ng binata.
“I’ll be fine,” sagot niya. “Pass lang
muna siguro ako sa dancing. Pero sasamahan pa rin kita sa grupo at ipapakilala
sa kanila. Marami kang makukuhang dancing partners doon.”
Ang totoo’y wala lang talaga siya sa
mood na sumayaw.
“We can go and meet them,” tango ni
Lance. “Pero hindi na rin muna ako sasayaw. Magkuwentuhan na lang tayo sa bar
kung ayaw mo pang magpahinga.”
“Sige,” sagot niya.
Nagpaalam sila sa dalawang matanda.
“Enjoy yourselves,” bilin ng mga ito.
At dinala na nga ni Elaine si Lance sa
grupo nina Gretchen, Gerry at iba pang mga miyembro ng staff at crew. Naroon na
rin at nakikiumpok ang ilang mga nakababatang pasahero – na karamihan ay mga
anak ng mga retirees na mahilig sa ganoong cruise.
Ipinakilala ni Elaine ang binatang
doktor sa lahat.
“They’ve been dying to meet you,”
naibulong na niya kay Lance tungkol sa mga dalagang naroon. “Kagabi pa lang, impressed
na sila sa iyo. Marami ka nang secret admirers.”
Pero walang ipinakitang kayabangan ang
binata. Maginoo ang pakikitungo nito sa lahat.
At laging kay Elaine pa rin umuuwi ang
buong atensiyon nito.
Nang magsimula ang sayawan, hindi ito makantiyawang
sumayaw. Sinamahan lang nito ang dalaga sa panonood sa mga nagkakasayahan sa
dance floor.
Kumportable naman si Elaine sa
kuwentuhan nila.
At muli, naihatid siya ni Lance sa
kanyang silid pagkatapos ng sayawan nang hindi nagpapakita si Arman.
LUMIPAS
din ang pag-aalala ni Elaine. Naisip niyang napikon na siguro nang tuluyan si
Arman. O tinanggap na nito ang kanyang pagtanggi lalo pa’t nariyan na si Lance.
Nakatulong din marahil ‘yung pakiusap niya
kina Gretchen at Gerry. Baka nga nakinig na rin si Arman sa mga ito.
Nang mga sumunod na araw ay hindi na
talaga niya nakita ang binata. Naging abala na rin siya sa tatlong araw na
dumaong sila sa tatlong magkakaibang isla ng Carribean – ang San Juan, St.
Thomas at Serena Cay.
Sa bawat araw ay may lantsang nagdadala
sa mga pasahero sa bawat isla. Wala kung gayong mga aktibidades sa barko. Pati
ang mga klase sa gym at pool ay suspendido – liban na lamang kung may
pasaherong nais gumamit ng exercise machines nang mag-isa.
Ang mga miyembro ng staff ay nagsilbing
parang mga tour guide ng mga pasahero sa mga isla. At dahil hindi naman
kalakihan ang iikutan sa mga iyon, madalas ay nakikipagsaya na lamang sila sa
mga pasahero sa naggagandahang dalampasigan.
Hindi lumusong si Arman. Pero si Elaine
ay araw-araw na kasama nina Lance, Emma at Luis hanggang sa gabi.
Pag-alis sa Serena Cay, nagkaroon sila ng
isang araw na nasa karagatang muli bago dumating sa Port of Nassau sa Bahamas.
Habang nasa karagatan ang barko ay
naging abala na naman si Elaine sa kanyang mga klase.
Pagdating sa Nassau ay isinama pa rin siya
ng pamilya Catarungan sa pamamasyal.
“Talaga bang totohanan na iyan?” tanong
sa kanya ni Gretchen pagbalik niya sa barko nang gabing iyon. “Parang ayaw ka
nang pakawalan ng mga prospective in laws mo, a.”
“Wala pa naman kaming napag-uusapan ni
Lance, Gretch,” sagot niya. “We’re just getting to know each other muna.”
“Ano naman ang tantiya mo sa kanya?”
tanong ng kaibigan. “Maipapalit mo ba siya kay Arman?”
“Hayan ka na naman,” naiiritang irap ni
Elaine. “Hindi na nga ako kinukulit no’ng tao, binanggit mo pa. Wala na iyon.
Tapos na. Tumigil na rin.”
“Iyon ang akala mo,” sagot ni Gretchen.
Naintriga naman siya.
“Bakit?” tanong ni Elaine. “A-anong alam
mo?”
“Porke’t hindi nagpapakita sa iyo si
Arman, akala mo, balewala ka na sa kanya?” sabi ni Gretchen. “E bakit kaya
natutong uminom ‘yung taong iyon na dati namang hindi tumitikim ng hard drinks?
Bakit kaya gabi-gabing naglalasing sa quarters niya? Araw-araw na mainit ang
ulo sa mga tao niya. Ni hindi makausap ni Gerry nang matino.”
“G-ganoon?” gulat na sambit ni Elaine.
“Magmula po noong gabing nagwala ka sa
dance floor na kasayaw mo si Lance,” sabi ni Gretchen.
“Hindi naman para kay Lance iyon, e,”
bulalas niya. “Napikon lang ako kasi ang sama ng tingin niya sa akin. Na para
bang may karapatan siyang maging possessive.”
“’Ayun, inamin mo rin,” natatawang sabi
ni Gretchen. “Iyon nga ang tingin ko roon, e. Nakita kong pinapanood ka ni Arman.
Lalo ka namang nang-inis. Ayun. Very effective nga.”
“Siya naman ang unang nang-provoke sa
akin, e,” pangangatuwiran ni Elaine. “Kung makatingin siya, para bang krimen ‘yung
nakisalo ako kina Lance sa hapunan. Lalo naman noong kasayaw ko si Lance. Wala
naman siyang karapatan na tingnan ako nang ganoon.”
“Siyempre, nagseselos iyong tao,” sagot
ni Gretchen.
“Bakit siya magseselos, e hindi naman
niya ako mahal,” singhal ni Elaine.
“Gusto ka niya,” sagot ni Gretchen. “And
when a man wants a woman for himself, he won’t want to share her with anyone
else. Lalo pa sa isang tulad ni Lance na bukod sa guwapo ay may maipagmamalaki
pang credentials at naniniwala sa pag-ibig at kasal. Of course, Arman feels
threatened.”
“Makasarili siya,” sumbat ni Elaine. “Sariling
gusto lang niya ang iniisip niya.”
“Kung makasarili siya, sana’y ginulo na
niya kayo ni Lance,” sagot ni Gretchen. “Pero hindi niya ginagawa iyon dahil
alam niyang hindi niya maiaalok sa iyo ang iniaalok ni Lance na pag-ibig. Kaya
naglalasing na lang si Arman.”
Natigilan si Elaine.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento