FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 9
UMUWI
sila sa kuwarto niya.
Nang maipinid ang pinto ng silid ay
muling inangkin ni Arman ang kanyang mga labi. At muli, naglaho na ang
kapaligiran para kay Elaine.
Ang alam na lang niya ay ang pakiramdam
ng bibig ni Arman na waring nakahinang sa bibig niya. Kasabay niyon ang mga
sensasyon na hatid ng mga kamay nitong abala sa paggala sa kanyang buong
katawan.
Naulit ang naganap sa kanyang apartment.
Nasumpungan ni Elaine ang sarili na nakahiga nang wala nang anumang saplot samantalang
si Arman naghubad lang ng sapatos.
“Arman...” tutol niya habang nagtatangkang
hubdan ng pang-itaas ang katalik.
Pero hinuli nito ang kanyang mga kamay
at binihag nang nakataas sa magkabila ng kanyang mukha. At patuloy siya nitong
inulan ng mga halik sa mukha, sa tainga, sa leeg.
“Hayaan mong sambahin ko ang iyong
katawan,” bulong nito pagdaan ng mga labi sa kanyang mga tainga. “Just let me
please you, Elaine. Natatandaan ko pa ang lahat ng mga naging reaksiyon mo sa
ginawa ko noon. Ang lahat ng gusto mo.”
Napadaing siya. Kahit sa mga salita lang
ni Arman ay tumutugon na ang kanyang katawan. Nag-iinit. Nadadarang.
Inulit nga nito ang minsan nang
ipinalasap sa kanya noon. Pareho rin pero iba naman. Hindi niya maipaliwanag.
Pamilyar na sa kanya ang mga nagaganap, pero may mga natutuklasan siyang mga
bagong sensasyon. Mga kakaibang antas ng damdamin.
Wala siyang ipinagkait kay Arman. Wala
siyang itinagong reaksiyon. Walang pinigil na ungol o daing.
Si Arman na nga mismo ang nagtakip ng palad
sa kanyang bibig nang mapalakas ang kanyang mga daing.
Pero bago ito naging lubos na abala sa
pinakasensitibong bahagi ng kanyang katawan ay nakangiting inipit nito ang
sulok ng isang unan sa pagitan ng kanyang mga ngipin.
“Para huwag kang marinig sa labas,” parang
nanunudyong sabi nito.
At sinimulan nitong gawing halos imposible
para sa kanya ang tumahimik.
Mas maigting kaysa dati ang narating
niyang rurok ng pandama. At hindi lang minsan o makalawa o ikatlong ulit.
Alun-along mga sensasyon ang lumukob sa kanyang katinuan.
Hanggang sa manlupaypay siya at
nagmamakaawang humingi ng pahinga.
Saka lang siya muling niyakap ni Arman.
Hinagkan nang mariin, maalab, sa kanyang mga labi.
Nang magwalay ang kanilang mga labi ay
isiniksik ni Elaine ang kanyang mukha sa leeg ni Arman. Hinagkan niya ito nang
hinagkan.
Ginagawa niya iyon para mapigil ang
sariling bigkasin nang paulit-ulit ang isinisigaw ng kanyang puso. “I love you,
Arman. I love you so much. Mahal na mahal kita.”
Sasarilinin na lamang niya ang mga salitang
iyon. Ayaw niyang magpa-guilty. Hindi dapat.
Wala na naman kasi talaga siya ngayong
inaasahang anumang tugon mula kay Arman liban sa tunay nitong nadarama. Sapat
na muna sa kanya na gusto siya nito. Kailangan siya nito. Sinasamba nito ang
kanyang katawan. Inaasam ang kanilang ganap na pag-iisa.
Sa mga sandaling ito’y iyon lang ang
mahalaga – ang kanilang ganap na pag-iisa. Bahala na bukas. Bahala nang mawala
ang pinapangarap niyang kinabukasan. Suko na siya.
Naging mas mainit ang mga halik ni Elaine.
Nagsimula na ring gumapang sa leeg ni Arman. At ang kanyang mga kamay ay
nagsimulang magkalas ng mga butones ng pang-itaas nito.
Pero bigla siyang pinigil ng kamay ni
Arman.
“Elaine, stop,” marahang saway nito.
Nagtaka siya.
“B-bakit?” tanong niya. “It’s all right
with me, Arman. Payag na ako. Ayoko na ring labanan ito.”
Pero maingat na ibinaba ni Arman sa kama
ang kanyang kamay. Pagkatapos, hinila nito ang kumot mula sa paanan ng kama.
Dahan-dahang itinakip iyon sa kanyang kahubdan.
Nanatiling nasa labas ng kumot ang
binata.
“Sobra-sobra na sa nararapat ang
inangkin ko sa iyo, Elaine,” malungkot na sabi ni Arman. “Wala na akong
karapatang angkinin ka nang higit pa roon. Naging makasarili ako. Hindi ko
natiis na magnakaw ng kahit isa pang napakagandang alaala. Pero hindi ko
nanakawin sa iyo ang pagkakataong makapag-alay ng iyong unang kaganapan sa
lalaking makakapagbigay sa iyo ng pag-ibig, ng kasal at ng habambuhay na
pananagutan. Hindi ko man pinaniniwalaan iyon, hindi ko rin dapat na wasakin ang
iyong mga pangarap.”
Naunawaan ni Elaine ang magaganap.
“Iiwan mo uli ako?” manghang bulalas
niya. “Arman, gumaganti ka ba sa pagtataboy ko sa iyo noon? Gusto mo bang
magmakaawa ako’t makiusap sa iyo ngayon? Are you that cruel?”
Naupo na ang binata. Palayo sa kanya.
“Mas kamumuhian mo kung basta ko na lang
kukunin ang gusto ko, tulad ng binalak kong gawin noon,” sagot nito. “Madaling
sabihing gusto mo rin naman. But the point is, I can’t make you happy, Elaine.
Not in the long run. Hindi ko maibibigay ang mga pinapangarap mo.”
“I don’t care,” umiiyak nang iling niya.
“Alam ko na iyon ngayon. Wala na akong pakialam. We’re both adults, Arman, at
pareho tayo ng gusto sa mga sandaling ito. I can take care of myself
afterwards. Huwag mo nang problemahin kung paano ang puso ko pagkatapos nito.
Just give me this one special, magical night. Kahit ito man lang. Hindi ba ito
nga rin ang gusto mo?”
Tiningnan siya ng binata nang may
hinagpis.
“Alam mo kung gaano ko inaasam na
mangyari iyan,” sagot nito. “Pero kung maghihiwalay din lang tayo, I want to
leave you whole.”
Natawa si Elaine sa kabila ng kanyang
mga luha. Mapait na pagtawa.
“Whole?” pakutyang ulit niya. “You call
this whole? Warak-warak na ang puso ko, Arman. Kung ang tinutukoy mo ay ang
aking virginity, wala nang kabuluhan iyon. A mere technicality. Dahil inangkin
mo na pati kaluluwa ko.”
Napapikit ang binata. Kitang-kita niyang
nasaktan ito sa kanyang mga panunumbat.
“Hindi kita dapat na idinamay sa mga
naging kaguluhan sa pagkatao ko,” buong pagsisising sabi nito.
“Isinangkot ko ang sarili ko, Arman,”
paalala ni Elaine. “Pinili kong magkasama tayo ngayong gabi. Ang hinihiling ko
lang ay tapusin mo ang iyong sinimulan.”
“I shouldn’t even have touched you,”
galit na bigkas ng binata.
Pero ang galit nito’y sa sarili
nakatuon.
“Ngayon ka pa magsisisi,” kutya ni
Elaine. “Ngayon ka pa aatras.”
“Ayoko nang dagdagan pa ang pagkakasala
ko sa iyo,” sagot ni Arman.
“Duwag!” hamon ng dalaga.
Pero tumango lang din si Arman.
“You’re right,” sagot nito. “Natatakot
ako sa laki ng kasalanan ko sa iyo. I’m so sorry, Elaine. Patawarin mo ako.”
At tumayo na ito’t walang lingun-lingong
lumabas ng silid.
Umiyak na lang nang umiyak si Elaine.
Kakaunti na nga lang ang hiniling niya
sa kapalaran – ang maranasang makatalik ang tanging lalaking kanyang iniibig.
Kahit minsan lang. Kahit habampanahon na siyang mag-isa pagkatapos niyon ay
titiisin niya. Pero kahit iyon ay hindi ipinagkaloob sa kanya.
Bigung-bigo siya.
“ELAINE!
Elaine!”
Alas-sais y medya ng umaga. Sunud-sunod
ang mga katok at pagtawag ni Gretchen. Nagmamadali.
Dahan-dahan naman ang kilos ni Elaine
patungo sa pinto. Nananakit ang kanyang buong katawan, hanggang sa mga
kasukasuan. Para siyang tatrangkasuhin.
Paano’y napatagal ang pagkakababad niya
kagabi sa bathtub, pag-alis ni Arman. Lumamig na ang tubig niya’y hindi niya napapansin.
Inakala niyang maaalis sa paligo ang
anumang natitirang bahid ng pagkatao ni Arman sa kanyang katawan, puso at
isipan. Pero sinipon lang siya. At nanakit ang kanyang katawan. Idagdag pa roon
ang pamumugto ng kanyang mga mata.
Ang sama-sama talaga ng pakiramdam ni
Elaine.
Natigilan si Gretchen nang pagbuksan
niya ito ng pinto.
“A-alam mo na?” tanong nito.
“Ang alin?” walang kabuhay-buhay na
sagot nito.
Pumasok muna ang kanyang kaibigan at
isinara ang pinto.
“Na umalis na si Arman,” pagpapatuloy
nito.
“Umalis?” ulit niya.
Wala pa ring gaanong emosyon.
“Hindi mo alam?” sabi ni Gretchen.
“Akala ko, iyon ang ipinagmumugto ng mga mata mo. Nag-resign siya. Verbal lang
muna, kay Capt. Torres. Kaninang madaling araw ba naman. Isusunod na lang daw
ang official letter of resignation sa head office. At siya ang unang-unang
bumaba ng barko pagdaong natin kanina. Ang sabi pa ni Gerry, uuwi na siya sa
Pilipinas. For good.”
“Mabuti,” matamlay na sagot ni Elaine.
“Ayoko na nga siyang makita kahit kailan.”
“Nagkausap ba kayo kagabi?” tanong ni
Gretchen. “Dahil ba kay Lance? Desidido ka na ba kay Lance?”
“Pinutol ko na ang anumang kaugnayan ko
kay Lance, Gretch,” sagot niya.
At sa walang kaemo-emosyong tinig ay
ikinuwento niya sa kaibigan ang lahat ng
mga naganap kagabi. Na para bang ang mga isinalaysay niya’y walang kinalaman sa
kanyang sarili.
“Elaine, I think you’re in shock,” sabi
ni Gretchen pagkatapos.
Nagkibit-balikat si Elaine.
“At least it’s all over now,” sagot niya.
“Siguro naman, tapos na talaga. Matatahimik na ako.”
“In the end, wala rin pala sila pareho
sa buhay mo,” pabuntonghiningang sabi ni Gretchen. “What a waste!”
HININTAY
muna ni Elaine na wala na talagang pasahero sa barko man o sa pier bago siya bumaba
ng Carribean Queen. Siniguro niyang hindi na niya makakatagpo ang pamilya
Catarungan.
Sinabayan siya ni Gretchen.
Wala si Gerry. Mas maaga itong umuwi. Aalalayan
daw si Arman.
Ipinagdasal ni Elaine na hindi sila
magkatagpo ni Arman sa lobby o sa elevator ng kanilang apartment building.
Hindi na niya kaya.
Sa pagkakataong iyon ay pinagbigyan siya
ng kapalaran.
“Gusto mo bang samahan muna kita rito?”
tanong ni Gretchen nang ihatid siya sa pinto ng kanyang unit.
“Huwag na, Gretch,” sagot niya. “Thanks
for your support. Pero kailangan ko ring mapag-isa.”
Nagagawa na niyang ngumiti nang kaunti
sa kaibigan.
“Okay,” tango ni Gretchen. “Nandiyan
lang naman ako sa kabila. Just call me any time.”
IPINAGPASALAMAT
ni Elaine na hindi na sila nagkita ni Arman. Hanggang sa nabalitaan na lang
niya kay Gretchen na nakauwi na ito sa Pilipinas. Binitiwan na nang tuluyan ang
inuupahang apartment. Ipinabebenta na lamang kay Gerry ang lahat ng gamit na hindi
na nakayanang iuwi.
Ang bilis. Wala pang isang linggo. Hindi
pa uli lumalarga ang Carribean Queen.
Nang malaman niya iyon, may nabuo ring pasya si Elaine.
“Magre-resign ka rin?” gulat na sabi ni
Gretchen, na una niyang binalitaan. “Pero bakit pa? Wala na si Arman sa barko,
a. Hindi na raw babalik iyon.”
“Masyadong maraming masasakit na alaala
sa barko, Gretch,” sagot niya. “Kahit nga
sa apartment na ito.”
“So, lilipat ka ng trabaho at tirahan,”
sabi ng kaibigan. “Napaka-drastic naman niyan.”
“Hindi lang iyon,” sagot ni Elaine.
“Uuwi na ako sa amin sa General Santos.”
“Ha?” singhap ni Gretchen. “Bakit? Porke
ba umuwi si Arman?”
“Gaya-gaya lang ako, ganoon?” sagot
niya. “Hindi naman. I just feel that I need to be with my family. Nami-miss ko
na sila. Noon pa ako kinukumbinse nina Mommy na magtayo na lang doon ng fitness
studio. Susubukan ko iyon.”
“Baka doon pa kayo sa Pilipinas magkita
ni Arman,” parang pananakot ni Gretchen.
“Hindi mangyayari iyon,” sagot niya.
“Hindi naman siguro siya magagawi sa amin. Nasa dulo na kami ng Mindanao. Wala
naman siyang kamag-anakan sa banda roon. Ang alam ko, taga-Cebu siya. Most
probably, Cebu at Metro Manila lang ang iikutan niya.”
“Kunsabagay, mas malaki ang posibilidad
na sa Pilipinas mo matagpuan ang iyong Mr. Right,” sabi na rin ni Gretchen.
“Mas marami pa yata roong mga tulad ni Lance.”
Umiling si Elaine.
“Ayoko nang makasakit ng damdamin,
Gretch,” sabi niya. “Kahit gaano ka-ideal ang lalaki, hindi pa rin naman iyon
garantiya na mai-in love ako, hindi ba?”
“Oo nga pala,” nakangiwi ang mukhang
sagot ng kaibigan.
“Don’t worry about me. Hindi na ako naghahanap
ng romance sa buhay ko,” pahayag ni Elaine. “In fact, iyan mismo ngayon ang
gusto kong pakaiwas-iwasan. Tama ka. Problema lang ang pag-ibig. Pero ayoko rin
ng mga casual fling. Hindi ko kailangan ng lalaki para maging makabuluhan ang buhay
ko.”
“Hindi ka na rin naniniwala sa
pag-ibig?” nakataas ang kilay na sabi ni Gretchen.
“Of course I still believe in true
love,” mabilis niyang pakli. “Nangyayari pa rin iyon, tulad ng sa parents ko at
sa mga kapatid ko. Nangyari rin sa akin, one way nga lang. At tragic ang
ending. Siguro, matagal-tagal ko ring iindahin ito bago ako maka-recover.
Unti-unti kong pagtatagpi-tagpiin uli ang puso ko. Pero hindi na rin ako maghahanap
ng bagong pag-ibig. Once was enough. At hindi rin naman ako magmumukmok na lang
sa isang tabi. Marami pa akong puwedeng gawin sa buhay ko.”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento