Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Huwebes, Marso 30, 2023

Abakada ng Pag-ibig: FRANCESCA Chapter 10

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 10

MAGDAMAG siyang umiyak. Pero kahit umiiyak ay may nakatapal na dalawang hiwa ng malamig na pipino sa mga mata ni Francesca. Hindi kasi dapat mamugto ang mga iyon. Walang dapat makaalam sa kanyang paghihinagpis.

        Kinabukasan, may shooting sila.

        Nagawa niyang umarte pa rin nang tulad nang dati.  Parang walang nangyari. Propesyunal na uli siya.

        Pero naglalabu-labo pa rin ang damdamin ng dalaga.

        Patuloy niyang pinaaalalahanan ang kanyang sarili: “Bitiwan mo na ang pag-iilusyon mo kay Bobby. May iba siyang mahal. Wala kang karapatang umasam pa sa kanyang pag-ibig. Let him go.”

        Ngunit habang inuulit-ulit niya ang mga katagang iyon sa kanyang sarili ay paulit-ulit ding nasusugatan at nagdurugo ang kanyang puso. Hindi na nga niya malaman kung paanong may natitira pa para muling masugatan at masaktan.

        Sa tuwing kaharap niya si Bobby – na nangyayari nang halos labindalawang oras sa araw-araw – ay kailangan niyang ibuhos ang lahat ng kanyang kakayahan at lakas para maging masaya at normal kahit para na siyang mamamatay sa himutok.

        Mas mabuti pa sana kung nagalit na lang siya sa binata. Madaling kalimutan ang pag-ibig kung nahalinhan ng galit.

        Pero wala siyang ikagagalit kay Bobby. Hindi naman nito kasalanan na hindi siya inibig. Na umibig ito sa iba.

        At wala pa rin naman siyang maipintas sa binata. Bukod sa ginawang pagtatakip sa pribadong bahagi ng buhay nito, ganoon pa rin ang napakatamis na pakikitungo at pag-aasikaso nito sa kanya.

        Paano ba naman niyang buburahin nang ganoon na lamang ang pag-ibig niya sa lalaking ito?

        Sa panahong iyon nakilala ni Francesca si Godo Garcia.

        Taga-Grande Films din si Godo. Hindi nga lang agad ito nakaharap ni Francesca nang personal dahil magkaiba sila ng tipo ng mga pelikulang nilalabasan at sirkulong iniikutan.

        Si Godo Garcia ang pinakabagong junior action star na ini-launch ng Grande. At ang mga tipo ng leading ladies nito ay iyong mga pinakabago namang bold starlets ng kompanya.

        Nagkita lang sina Francesca at Godo sa isang movie talk show sa telebisyon. At ang nagpakilala pa sa kanila sa isa’t isa bago nagsimula ang palabas ay ang mismong host ng show.

        “Nandito pala ang best of the best ng Grande Films,” sabi ni Gelai Aban. “Francesca Fortuna and Bobby Bauzon. And, of course, Godo Garcia.”

        “Godo Garcia?” ulit ni Francesca na nagpapalinga-linga. “I haven’t met him yet.”

        “Ow, talaga?” pagtataka ni Gelai. “Aba’y kailangang magkakilala kayo. Magkapamilya yata kayo.”

        “Magkakilala na kami,” sabi ni Bobby. “Noon pa.”

        “Then we have to introduce him to Francesca,” sabi ni Gelai.

        At agad nitong tinawag si Godo.

        Malagkit agad ang titig ni Godo kay Francesca.

        “Matagal na kitang gustong makilala nang personal,” nakangiting sabi nito habang kinakamayan siya nang mahigpit. It’s a great pleasure to finally meet the newest princess of showbusiness.”

        “Naku, hindi naman,” tanggi agad ng dalaga. “Maraming magagalit niyan. Baguhan lang ako.”

        Kinailangan pa niyang bawiin ang kamay niya sa pagkakabilanggo nito sa mahigpit na pagkakapisil ni Godo.

        Nakamasid lang si Bobby nang walang masisinag na ekspresyon sa mukha.

        Casual lang na nagbatian ang dalawang lalaki.

        Pagkatapos ay tumutok na uli kay Francesca ang atensiyon ng junior action star.

        Halatang-halata ang pagkabighani ni Godo kaya mismong sa pagsisimula pa lang ng show ay pinansin na iyon ni Gelai.

        “Mga kaibigan, may mainit akong scoop sa inyo – and remember, it happened here,” kilig na kilig na pahayag nito. “Dito mismo sa harapan ko nangyari, friends. For the first time, ipinakilala ko na sa isa’t isa ang newest princess ng Grande Films na si Francesca at ang dashing junior action star ng kompanya na si Godo Garcia. Yes, believe it or not, ngayon lang sila nagkakilala nang personal. And right under the watchful eyes of her debonaire leading man, Bobby Bauzon, ay mukhang may nabubuong love triangle. Yes, dear televiewers, hindi ako maaaring magkamali. Magmula kanina ay hindi na maalis-alis ang mga mata ni Godo kay Francesca. And he has that gleam in his eyes that says he must be in love. Paano ba ‘yan, Bobby? Mukhang may katapat na ang mystery lady mo? Oh, so hindi na nga pala love triangle ito. It’s a square. Patas ang labanan. Ano kaya ang kahihinatnan? Stay tuned!”

        Napasinghap si Francesca nang marinig ang mga salitang iyon on the air.

        Agad siyang napasulyap kay Bobby.

        Saglit lang na nagtagis ang mga bagang nito, pero agad ding napagtakpan ng binata ang anumang reaksiyon. Nagawa pa nga nitong ngumiti sa kanya na parang nagsabing, “Relax. Okay lang iyan.”

        Pero hindi siya okay.

        Parang noon lang naipamukha sa kanya ang katotohanang, oo nga pala, lumalabas na may love triangle sila ni Bobby at ng girlfriend nito. At dahil siya ang pekeng girlfriend, siya ang kontrabida.

        Oo nga’t hindi ganoon sa tingin ng publiko. Para sa fans, ang mystery lady na iyon ang kontrabida.

        Pero ang masakit ay iyong punto de vista ni Bobby. Lihim kaya nitong kinaiinisan ang kanilang loveteam dahil nakakasagabal sa relason nito sa tunay na girlfriend?

        Nakadama ng pagrerebelde si Francesca. Kasabay ng pagkaawa na rin sa sarili.

        Bigla tuloy niyang binalingan si Godo Garcia at nginitian nang pagkatamis-tamis.

        Ano nga ba ang masama kung may mahalina sa kanya bukod sa kanyang ka-loveteam? Hindi naman niya kontrolado iyon, hindi ba?

 

KAYBILIS na ng mga pangyayari pagkatapos ng talk show na iyon. Parang apoy na kumalat ang tsismis tungkol sa puspusang panliligaw ni Godo kay  Francesca.

        Na sinabayan naman ng action star sa gawa.

        Umaga’t hapon ay may padalang bulaklak sa apartment niya o saan man siya naroon. Sa bawat show na labasan nito sa radyo man o telebisyon ay nagpapahayag ng pag-ibig sa kanya.

        Natutuwa si Francesca sa atensiyon pero hindi niya sineseryoso si Godo. Paano’y pana’y publicity lang naman ito. Hindi naman seryosong nagtatapat sa kanya nang pormal.

        Madalas na silang makitang magkasama magmula noon dahil sinasadya ng mga TV show hosts na kumbidahin sila nang sabay at hindi kasama si Bobby. Ganoon din sa mga functions na tulad ng mga ribbon-cutting o kahit mga handaan lang.

        Pero ang totoo, ni minsan ay hindi nag-date sina Francesca at Godo. Nungkang sasama siya sa lalaking iyon nang mag-isa.

        Siguro’y alam din naman iyon ni Godo kaya hindi na rin ito nagtangkang mangumbida man lamang. Tutal ay lagi naman silang nagkikita sa kung saan-saan.

        Kapag magkaharap sila sa harap din ng maraming tao ay para silang may sinusunod na script na hindi naman nila pinag-usapan. Panay ang diga ni Godo. Patawa-tawa namang umiiwas at nagpapalusot si Francesca.

        Enjoy ang lahat – mula sa mismong mga reporter maging hanggang ang madla. Nakakatuwang panoorin ang paghahabol ng playboy na action star sa good girl na leading lady. May elemento rin ng suspense dahil nalagay sa alanganin ang tambalan nina Francesca at Bobby. Marami ang nagpupustahan: sino ang magkakatuluyan – sina Bobby at Francesca nga ba o sina Francesca at Godo?

        Nagkatotoo rin ang isa pang hinangad ng dalaga. Kahit paano’y nakatulong ang parang piyestang iyon sa pang-aaliw niya sa kanyang sarili.

        Hindi na baleng hindi naman siya tunay na nililigawan ni Godo. Mabuti nga iyon dahil hindi naman talaga niya sineseryoso ito. Ang mahalaga’y hindi na siya nagmumukhang kawawa. Nababawasan nang kaunti pati ang pagkaawa niya sa kanyang sarili.

 

HINDI namalayan ni Francesca na naaapektuhan na pala ng isyu nila ni Godo ang tambalan nila ni Bobby.

        Siguro’y dahil parang mas gusto na niya iyong hindi sila gaanong madalas magkasama ni Bobby.

        Mas masakit kasi kapag kaharap niya si Bobby.

        Mas madali iyong ginagawa niyang pagpapanggap kapag kasama niya si Godo.

        Siyempre, ang agad na nakapansin sa sitwasyon ay sina Alice at Woodsy. At agad na kumilos ang mga ito.

        Kinausap siya ng dalawa. Sarilinan. Seryosohan.

        “Francesca, in love ka ba kay Godo?” tanong ni Woodsy.

        Nanlaki ang mga mata niya. Pagkatapos, napabunghalit siya ng tawa.

        “O, ano bang klaseng sagot iyan?” tanong ni Alice.

        “Ano naman kasing klase ng tanong iyan?” pakli niya nang mahimasmasan. “Akala ko pa naman ay kung gaano kaseryoso ang pag-uusapan natin. Pati ba naman kayo, napapaniwala niya sa mga gimik niya? Publicity lang iyon. Ni hindi nga ako nililigawan nang totoo ng taong iyon.”

        “Alam ko,” tango ni Woodsy. “Siyempre, nakikita ko iyon. Inaalam ko lang ang side mo. Malay ko kung napapaniwala ka niya.”

        “No way,” iling ni Francesca. “Hindi naman ako ganoon ka-naive. I was just enjoying the show. Trip lang. Alangan naman kasing soplahin ko siya nang paseryoso in public. E di nagmukha akong pikon.”

        “Good,” tango ni Alice. “Dahil kailangan nang tigilan ang sarsuwelang ito.”

        “Bakit?” tanong niya. “What’s wrong?”

        “Masyadong nararahuyo ang tao, e,” sabi ni Woodsy. “Lumalabnaw na ang response sa loveteam ninyo ni Bobby. Mahirap na. Remember, iyong loveteam pa rin ninyo ang main focus natin.”

        “Naniguro lang muna kami sa stand mo dahil ayaw naman naming sagasaan ka na lang,” paliwanag ni Alice. “Ngayong malinaw nang wala kang gusto sa kanya, kakausapin namin si Godo. Kung type niyang umastang Romeo, maghanap na lang siya ng ibang Juliet. Mamili siya sa kanyang mga leading ladies. Bakasakaling patulan pa siya ng mga iyon.”

        “Kunsabagay, hindi lang naman si Godo ang problema,” buntonghininga ni Woodsy. “Si Bobby rin. Actually, nagsimula ang lahat sa isyu ng mystery lady niyang iyon, e. Kaya nga kinausap ko siya kagabi. I gave him an ultimatum. Kailangang maputol ang anumang kaugnayan niya sa sinumang babaing iyon. Or, at least, itago niya nang husto. Iyong talagang walang makakakita o makakaamoy man lang sa nagaganap. Priority pa rin niya ang kapakanan ng loveteam ninyo. Tinanguan niya ang commitment na ito at kailangan niyang pangatawanan. Hindi lang naman siya ang nakataya rito. Tayong lahat.”

        Napamulagat si Francesca.

        “A-anong sabi niya?” parang nanghihinang tanong niya.

        “Nagmura sa galit,” sagot ni Woodsy. “Pero aminado siyang tama ako. At huwag daw akong mag-alala. Hindi niya sisirain ang kanyang commitment sa ating lahat.”

        “So, magsisimula tayo ng intensive repair work,” pahayag ni Alice. “Pasisiglahin nating muli ang tambalang Francesca Fortuna at Bobby Bauzon.”

 

MABILIS ang mga PRO ng Grande Films. Nagpalaganap agad ang mga ito ng mga artikulo tungkol sa pagtanggap na diumano ni Godo Garcia ng kabiguan sa panliligaw kay Francesca.

        Marunong naman daw magdala ng pagkabigo ang machong junior action star. Agad itong nagbuhos ng sama ng loob sa kandungan ng seksing-seksing si Aria Minea.

        Kasabay niyon, may inilabas na exclusive interviews kay Woodsy Javier.

        Inianunsiyo nito ang pag-aangat diumano sa tambalang Francesca Fortuna at Bobby Bauzon sa mas “mature” na tipo ng mga pelikula.

        “Tapos na sila sa mga pa-sweet roles,” sabi nito. “Sayang naman ang kanilang talent kung ipapako na lang natin sila roon. Napatunayan pa naman namin sa dinaanan nilang acting workshop na marami pang ibubuga ang dalawang ito sa pag-arte. Kayang-kaya na nilang gampanan ang mga tipo ng papel na ginagampanan noon nina Vilma Santos at Christopher De Leon. Mas madrama. Mas malalim. Mas daring.”

        “Pero paano na ang sinasabing mystery lady na itinatago raw ni Bobby?” tanong ng interviewer. “Hindi ba ito nakasira sa kanilang loveteam?”

        “Lumang isyu na ‘yon,” pagbabalewala ni Woodsy. “Wala namang sinumang nakapaglabas ng pruweba tungkol sa kung sino nga ba ang babaing iyon at kung girlfriend nga ba siya ni Bobby. Anyway, hindi na pinapansin ng tao ang paksang iyon. Hindi naman kasi relevant.”

        Pero si Francesca, kabado pa rin kay Bobby. Nag-aalala siya nang husto sa binata.

        Ayon kay Woodsy, nagpahayag ito na hindi sisira sa binitiwang commitment sa kanilang loveteam.

        Ibig sabihin, makikipaghiwalay ito sa girlfriend.

        O kaya naman ay magla-lie low ang dalawa para talagang hindi madiskubre ng publiko.

        Mahirap yata iyon. Kailangang maging patago ang lahat ng kanilang mga pagkikita. Hindi sila puwedeng lumantad sa tao. Kilalang-kilala pa naman ang mukha ni Bobby ng kahit na sino at kahit saan.

        May relasyon bang mabubuhay nang ganoon?

        Awang-awa si Francesca sa katambal.

        Sabihin nang nagiging para siyang martir pero ayaw niyang maranasan nito ang pagdurusang dinanas niya – na ngayo’y muli na namang nananariwa. Wala na yatang mas masakit pa sa mabigo sa pag-ibig.

        Pero ano nga ba ang magagawa niya?

        Dadamayan na lamang niya si Bobby. Ipadarama niya rito ang kanyang pang-unawa at pakikiisa. Sa ganoong paraan lang naman niya maaaring maihayag ang pinakalihim-lihim niyang damdamin.

 

NAGKITANG muli sina Francesca at Bobby sa meeting na ipinatawag ni Alice sa tanggapan ng Grande Films.

        Nanibago ang dalaga nang ang sumundo sa kanya ay ang driver ng Grande na si Mang Juan.

        Kunsabagay, madalas na ring nangyayari na ito ang sumusundo sa kanya. Sinusundo lang naman kasi siya ni Bobby kapag magkasama sila sa lakad. At nitong mga nakaraang araw nga’y mas madalas na magkahiwalay sila ng mga schedule.

        Pero sa meeting na ito’y pareho silang ipinatawag, kaya kahit paano’y umaasa sana si Francesca na susunduin uli siya ng katambal. Hindi nga ba’t sinundo nga siya nito noon patungo sa press conference kahit may problema sa pagsabog ng balita tungkol sa misteryosang babaing iyon?

        Lalo lang tuloy naisip ng dalaga na talagang matindi ang tama kay Bobby ng ultimatum ni Woodsy.

        Mahal na mahal siguro nito ang itinatagong girlfriend kung kaya napakalaking sakripisyo ang makipagkalas doon o makipag-cool off man lang nang pansamantala.

        Wala pa ang binata pagdating ni Francesca sa opisina. Na-late ito nang halos kalahating oras – bagay na hindi dati nangyayari kay Bobby.

        Sinalubong agad ng dalaga ang kapareha nang dumating ito.

        “Kumusta ka na?” puno ng pag-aalalang tanong niya.

        “Heto,” pagkikibit-balikat ng binata. “Ikaw, kumusta ka na? Balita ko, sinentensiyahan mo na si Godo Garcia. Bakit naman? Kandarapa na nga iyong tao sa panliligaw sa iyo.”

        Nagtaka si Francesca sa kakaibang tono ng pananalita ni Bobby. May pagka-brusko yata ngayon.

        “Nagpapaniwala ka pala sa publicity,” sagot niya. “Panay gimik lang naman ang taong iyon, e. Puro dada.”

        “Si Mr. Action Star, puro dada at kulang sa gawa?” sarkastikong sabi ni Bobby. “Kaya mo ba binasted?”

        Nagsisimula nang mainis si Francesca.

        “Kahit naman magpasirku-sirko pa siya sa harap ko, hindi ko pa rin siya papatulan, ano?” sagot niya. “Huwag na nga nating pag-usapan iyon. May mas mahalaga tayong dapat pagtuunan ng pansin, e.”

        “Baka naman nagseselos ka lang dahil kaybilis niyang bumaling kay Aria Minea?” tanong ni Bobby na parang talagang nananadya. “Well, ganyan talaga dito sa showbiz. Madalas, may kailangan kang i-give up para sa career. Gaya niyan, kinailangan mong pakawalan ang machong admirer mo dahil iyon ang utos ng manager natin at producer.”

        Napikon na nang husto ang dalaga.

        “Pareho lang naman tayo, hindi ba?” Wala nang pakundangang sagot niya. “Ikaw rin, kailangan mo na raw bitiwan ang iyong mystery lady. Ginawa mo ba?”

        Biglang natigilan si Bobby. Tumigas ang mukha.

        Napaatras naman si Francesca.

        “Well, it’s none of my business,” sabi niya bago tumalikod at naghanap ng ibang makakausap.

        Pero nangangatal ang kanyang buong katawan.

        Ngayon lang sila nagkasagutan nang ganoon ni Bobby. At hindi niya masakyan ang bagong bahagi ng personalidad nito na ngayon lang niya nakita.

        Nasaan na ang dati niyang kaibigan? Ang Bobby na nakilala niya na laging malumanay at malambing magsalita’t makitungo sa kanya?

        Ganoon ba talaga kalalim ang pag-ibig nito sa girlfriend para maging ganoon katindi ang epekto dito ng ultimatum ni Woodsy?

        Napakasakit niyon para kay Francesca.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento