Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Huwebes, Marso 30, 2023

Abakada ng Pag-ibig: FRANCESCA Chapter 11

 FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 11 

“NGAYONG kumpleto na tayo, puwede na siguro nating simulan ang meeting,” tawag ni Alice.

        Nagsilapitan ang lahat ng naroon sa bilugang conference table.

        Tumabi si Francesca kay Woodsy, pero sa gawing malayo kay Bobby.

        “We’re here to prepare for the second phase of the Francesca-Bobby tandem campaign,” pahayag ni Alice. “As you all know, ibang-iba kaysa dati itong susunod na pelikulang gagawin natin. Hindi na ito pang-teenybopper na kilig. Mas sumusunod ito sa mga yapak ng mga award-winning blockbuster nina Vi at Boyet. Ladies and gentlemen, narito ang script ng “Kasal sa Papel.”

        May umikot na staffer para magpasa ng makakapal na kopya ng script sa lahat ng naroon.

        Binasa agad ni Francesca ang maikling synopsis o outline ng kuwento na nasa unang pahina.

        Kaisa-isang anak ng multi-millionaire na si Donato Cuevas si Cheska. Scholar at protege naman ni Donato si Bob na anak ng pinagkakatiwalaan nitong accountant. Frustrated ang biyudong si Donato na magkaanak ng lalaki kaya mas nabuhos ang loob nito kay Bob kaysa kay Cheska.

        Lumaki si Cheska na nananaghili kay Bob. Alam ng dalaga na mas may kumpiyansa ang ama rito kaysa sa sariling anak. Walang tiwala si Donato sa kanyang kakayahan dahil lamang babae siya.

        Lingid sa kaalaman ng lahat, si Bob ay hindi naman kumportableng maging sunud-sunuran kay Donato Cuevas. Kung hindi lang sa tinatanaw na utang na loob ng ama nito kay Donato ay mas gusto pa sana ni Bob na maging working student at pagkatapos ay magsumikap sa sariling paraan. Hindi nito gustong mailuklok agad na executive ng Cuevas group of companies bilang tau-tauhan ni Donato.

        Nang maging kapwa propesyunal sina Bob at Cheska ay pilit ipinakasal ni Donato sa isa’t isa. Ginamit nito ang sakit sa puso bilang pang-emotional blackmail. Ang tunay na hangarin nito’y para manatili si Bob bilang tagapangasiwa ng lahat ng mga negosyo ng mga Cuevas.

        Napilitang magpakasal ang dalawa pero nagkaroon ng lihim na kasunduang mananatili silang kasal sa papel lamang. Kapag pumanaw si Donato ay agad nilang ipawawalang-bisa ang kanilang kasal. Makukuha na ni Bob ang inaasam nitong kalayaan at mapapamunuan na ni Cheska ang sariling mga kompanya.

        Pero habang palala nang palala ang kalagayan ni Donato Cuevas ay unti-unti namang umiibig sa isa’t isa sina Cheska at Bob.

        Namatay si Donato. Lumipas ang takdang araw ng pagbababang-luksa. Puwede nang ipawalang-bisa ang kasal sa papel. At kailangan nang magdesisyon nina Cheska at Bob. Sa huling sandali ay nanaig ang pag-ibig. Binigyang-laya nila ang kanilang mga damdamin at nagtalik sa kauna-unahang pagkakataon ang mag-asawa.

        Napasinghap si Francesca. Hindi na niya naituloy ang pagbasa sa nalalabi pang ilang talata.

        “W-Woodsy...” sabi niyang kinakalabit ang katabi. “A-ano ito?”

        Itinuro niya ang bahaging iyon ng synopsis.

        “Iyan ang sinasabi namin sa inyo na magpapabago ng image ninyo ni Bobby sa tao bilang mas seryoso nang mga artista,” sagot ng manager.

        “H-hindi ko kaya ito,” sabi niya.

        “Kaya mo,” giit ni Woodsy. “Si Bobby naman ang kaeksena mo, e. At si Direk Caloy pa rin ang hahawak sa pelikula. It will be a very romantic and passionate scene. Hinding-hindi mo ikakahiya.”

        “Woodsy...” parang panaghoy ni Francesca.

        “Trust me,” sagot ng manager. “Kailangan ninyong gawin iyan. Otherwise, baka hindi na ma-excite ang tao sa tambalan ninyo ni Bobby. Masyado nang maraming static sa loveteam ninyo. We have to clear the air with something as drastic as this. Kita mo nga, ginamit na namin pati mga pangalan ninyo sa characters para lalong lumakas ang dating.”

        Napakagat-labi si Francesca.

        Iyon na nga ang problema niya. Sobra ang lakas ng dating sa kanya ng script.

        Kung iyong sansaglit nga lang na kissing scene sa una nilang pelikula ay halos ikinahimatay na niya, ito pa kayang ganitong klaseng love scene?

        Hintakot na napasulyap siya sa kinauupuan ng katambal.

        Nakakunot ang noo nito habang nagbabasa rin. Pero parang nadama nito ang kanyang sulyap. Bigla itong tumingin sa kanya.

        Ibang-iba kaysa dati ang ekspresyon sa mga mata ni Bobby. May kung anong init na naroon.

        Natatarantang nagbawi agad si Francesca ng tingin.

 

“IPINATATAWAG ka na ni Direk,” sabi ni Woodsy. “Okay ka na ba?”

        Napabuntonghininga si Francesca.

        Gusto niyang sabihin na hindi pa siya okay. Hindi pa siya handa. Na kahit isang oras na siyang nakakulong sa silid na iyon para mag-internalize ay hindi yata niya kayang umarte sa pagkakataong ito. Sa eksenang ito.

        Noong mga nakaraang araw, nakaraos naman siya nang maluwalhati. Paano’y parang tumutugma lang ang mga eksenang kanilang kinunan sa tunay na tensiyong namamagitan pa rin sa kanila ni Bobby.

        Mabuti na nga lang at talagang hitik din ng tensiyon ang karamihan sa mga unang eksena sa pagitan nina Cheska at Bob.

        Maging doon sa mga eksenang dapat ay unti-unti nang napapaibig sa isa’t isa ang dalawang karakter, ang hinihiling pa rin ng script ay huwag nilang ipakita iyon nang hayagan.

        Nagawa niyang umarte nang ayon sa hinihiling ng script at ng direktor. Kunsabagay, ganoon din naman si Bobby.

        Pero malaki na ang pagkakaiba sa kanilang relasyon kapag wala sa harap ng kamera.

        Hindi na siya sinusundo ni Bobby patungo sa set o inihahatid pauwi sa apartment. Laging si Mang Juan na lamang ang naghahatid-sundo sa kanya.

        Lagi ring dumarating ang binata sa set nang tamang-tama lang sa call time samantalang siya ay laging maaga.

        Siguro ay sinasadya ni Bobby na gawin iyon para hindi magkaroon ng panahon kung saan mapipilitan silang magharap at magkuwentuhan. Pagdating kasi nito ay diretso na agad sa make-up at wardrobe change. Pagkatapos, kakausapin na sila ni Direk Caloy bago mag-take.

        Sa pagitan naman ng mga eksena, si Francesca na rin mismo ang gumagawa ng paraan para makaiwas. Humihiling siya lagi ng retouch ng make-up kahit hindi niya kailangan at hindi naman niya dating gawi. O kaya’y magpapaalam siyang iidlip muna kahit hindi siya inaantok at hindi naman talaga nakakatulog.

        Siguradong napapansin ng lahat ang malaking pagbabago sa pakikitungo nila ni Bobby sa isa’t isa. Pero ang kakatwa ay walang anumang komentaryo sina Woodsy at Alice sa nagaganap. Parang naninimbang din ang mga ito.

        Naisip ni Francesca na nauunawaan lang marahil ng dalawa ang lalim ng sama ng loob na dinaranas ni Bobby sa sapilitang pakikipaghiwalay sa girlfriend nito.

        Ngayo’y nakasalang na ang pinangangambahan niyang eksena.

        Nasa isang beach resort sila sa Batangas. Nasa pinamakamalaking cottage doon. Gabi ang eksenang magsisimula sa balkonaheng umiikot sa kabuuan ng bahay at magtatapos sa master’s bedroom.

        Ang unang eksena ay sa bahagi ng balkonaheng nakaharap sa dagat. Nakatayo siya roon at nakatanaw sa laot. Lalabas si Bobby. Tititigan siya mula sa may kalayuan. Hindi mapipigil ang sariling lapitan siya. Lilingunin niya ito. Magkakatitigan sila. Tataas ang kamay ni Bobby para haplusin siya sa pisngi. Mapapapikit siya. At hahagkan siya nito sa mga labi.

        Magsisimula raw sila nang tender, sabi ni Direk. Pero unti-unting magiging passionate ang kissing scene.

        Ang kasunod kasing eksena ay iyong nasa master’s bedroom na sila. Nasa kama.

        Kanina pa siya nakabihis. Isang tie-dyed na summer dress na may manipis na spaghetti straps na nakabuhol sa magkabila niyang balikat. Diretso lang iyon hanggang tuhod, walang korte pero kapag nililipad ng hanging-dagat ay humahapit sa mahubog niyang katawan.

        “Francesca...” tawag uli ni Woodsy.

        Napakurap ang dalaga.

        “A... oo... sige... okay na ako,” sagot niya.

        “Relax,” bilin ng manager.

        Tumango siya kahit alam niyang imposibleng magawa niya ang ipinapayo nito.

 

NAKATAYO siya sa balkonahe, nakatanaw sa laot. Mula sa sulok ng kanyang mga mata’y nakita niyang lumabas din si Bobby sa balkon.

        Nakapantalon ito na parang pajama sa lambot at estilo. Kulay kapeng may gatas. Ang pang-itaas nito’y puting camisa chino na nakabukas ang mga butones sa harapan.

        Tumigil ito nang may kalayuan pa sa kanya. Maya-maya’y naramdaman niya itong lumalapit, dahan-dahan ang paghakbang.

        Nang tumigil ito ay nilingon niya.

        At hindi na kinailangan pang umarte ni Francesca.

        Agad siyang nadarang sa init ng pagkakatitig ni Bobby sa kanya. Nag-aapoy ang mga mata nito sa pag-ibig at pag-asam.

        Nang tumaas ang kamay nito at humaplos sa kanyang pisngi ay kusa siyang napapikit. At hindi iyon dahil sa instruksiyong natanggap niya kanina mula sa kanilang direktor. Dahil sa mga sandaling iyon ay nakalimutan na ni Francesca na sila ni Bobby ay nasa harap ng kamera.

        Naramdaman niya ang pagdantay ng mga labi nito sa kanyang mga labi. Banayad. Nagpapasintabi.

        Parang natunaw ang puso ni Francesca. Nanlambot ang kanyang mga tuhod.

        Lumapat ang mga palad niya sa dibdib ni Bobby. At humaplos pataas. Hanggang sa nakapangunyapit na siya sa leeg nito.

        Para namang iyon lang ang hinihintay na senyal ng binata. Niyakap siya nito nang mahigpit sa beywang habang ang isang kamay nito’y nanatiling nakasapo sa kanyang pisngi. Ang banayad na dampi ng mga labi nito’y naging mas mapusok at mapang-angkin.

        Ang tanging nadarama na lamang ni Francesca ay ang mga sensasyong hatid ng bibig ni Bobby sa bibig niya.

        “Cut!”

        Napapitlag si Bobby. Parang naalimpungatan.

        Naglayo sila. Nagbitiw.

        “A-Are you okay?” kunot-noong tanong ni Bobby sa kanya.

        Sinulyapan niya lang ito nang mabilis, sabay tango.

        “I’m fine,” sagot niya bago nag-iwas ng tingin.

        Dahil ang totoo’y sagad hanggang kaluluwa ang mga sensasyong naipadama sa kanya ng halik na iyon. At hanggang ngayo’y parang may kuryente pang nananalaytay sa kanyang mga ugat.

        “Eksakto!” tuwang-tuwang sabi ni Direk Caloy paglapit sa kanila. “Nakuha ninyo nang eksakto ang eksena. Kaya ituloy na natin para hindi masira ang mood. Okay?”

 

IDINIRETSO sila sa master’s bedroom kung saan nakapag-set up na rin pala ang direktor at cinematographer.

        “Pinaghandaan na namin ito,” paliwanag ni Direk Caloy. “Ang target kasi talaga namin ay tuhugin ang eksena para natural na natural din ang labas ng acting ninyo.

        Sa tabi ng higaan ay nagbigay pa ng mga huling habilin ang direktor.

        “Ituloy lang ninyo ang ginawa ninyo sa balkonahe. Huwag munang mag-isip ng kung anu-ano. Just feel the scene. Trust your instincts. And trust each other.”

        Silang apat lang ng direktor at cinematographer ang nasa silid. Maging sina Woodsy at Alice ay hindi nakialam para hindi makaistorbo sa kanilang konsentrasyon.

        Madilim ang silid. Mood lighting ang ginamit para maging napaka-romantic ng eksena. Kunwa’y table lamp lang sa tabi ng kama ang tanging tanglaw.

        Pinahiga na sila. Una si Francesca. Nakatanghod sa kanya si Bobby na wala nang suot na pang-itaas.

        Umurong si Direk Caloy sa dilim sa likod ng kamera. Maging ang cinematographer na si Manong Ed ay hindi na nila halos maaninag.

        “Action!” mahina ngunit malinaw na sabi ng direktor.

        Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi tumitingin si Francesca sa kapareha. Itinuon niya ang kanyang mga mata kay Direk Caloy. Pero nang isenyas nito ang pagsisimula ng eksena ay napilitan siyang bumaling kay Bobby.

        Nakatitig na pala ito sa kanya. At sa pagkakataong ito’y parang salamin ng sarili niyang tanong at agam-agam ang nakita niya sa mga mata ng binata.

        Nakahiga silang dalawa sa kama pero may pagitan pa. Nakatagilid si Bobby at nakatukod ang isang siko sa unan. Nakatanghod sa kanya.

        Magkasalikop naman ang kanyang mga palad na nakapatong sa kanyang sikmura.

        Dahan-dahang kinuha ni Bobby ang kanyang isang kamay at dinala sa bibig nito. Hinagkan nang mabini ang kanyang mga daliri at ang gitna ng kanyang palad habang nakatitig pa rin sa kanya.

        Parang kinapos ng hininga si Francesca.

        Mabilis na kumilos ang binata. Lumapat ang katawan nito sa katawan niya.

        Nadoble ang boltahe ng kuryenteng hindi pa humuhupa sa paglatay sa kabuuan ng pagkatao ni Francesca. Kakaibang init na gumagapang sa bawat himaymay ng kanyang laman.

        Itinaas ni Bobby ang kanyang dalawang kamay sa unan sa magkabila ng kanyang mukha. Binihag ang mga ito roon ng mga palad ng binata. Magkalingkis ang kanilang mga daliri.

        At saka siya nito sinimulan uling hagkan.

        Napapikit si Francesca.

        Umulan ang masusuyong halik sa kabuuan ng kanyang mukha bago umuwi sa kanyang mga labi.

        Sa puntong iyon ay handa na uli si Francesca na tumugon nang init sa init, apoy sa apoy.

        Humigpit ang pangungunyapit ng kanilang mga kamay sa isa’t isa habang sinasabayan ng kanilang mga labi ang sayaw ng nagliliyab nilang mga damdamin.

        Pero hindi lamang ang bibig ni Bobby ang naghahatid sa kanya ng mga nakakabaliw na sensasyon. Hindi maalis sa sentro ng kamalayan ni Francesca ang kakaibang pakiramdam na dulot ng pagdidikit ng kanilang mga katawan.

        Ang matipunong dibdib ng binata ay nakadagan sa malambot niyang dibdib. At ang kanilang mga balakang ay parang sadyang hinubog nang angkop sa sukat ng isa’t isa. Maging ang malambot na tela ng mga saplot na nakapagitan sa kanila ay parang nagsilbi pang karagdagang stimulasyon sa napakasensitibo na nilang mga katawan.

        Nang magsimulang umindayog ang katawan ni Bobby ay may naantig sa kaibuturan ng pagkababae ni Francesca. At kusa na rin siyang napasunod sa ritmong itinuturo nito. Sa simula’y mabagal. Pero pabilis nang pabilis.

        “Cut!”

        Malakas ang sigaw ni Direk Caloy, kasabay ng biglang pagliwanag ng silid.

        Parang sinabuyan ng malamig na tubig sina Francesca at Bobby.

        Kapwa sila natigilan. Sabay ring kumilos agad. Si Bobby, gumulong nang paalis sa kanya. Si Francesca, paupo nang nakayakap ang mga braso sa sarili.

        “That was just beautiful!” pumapalakpak na sabi ng papalapit na si Direk Caloy. “I knew you could do it. At hinigitan pa ninyo ang aking expectations.”

        Biglang lumitaw sa may pinto ng silid sina Alice at Woodsy. Waring hinintay  lang ng mga ito na magliwanag ang silid bago pumasok.

        May dalang mga kopita si Alice at nakasampay sa isang bisig nito ang kanyang shawl at ang jacket ni Bobby. Isa-isang ibinigay sa kanila ang kanilang mga pananggalang sa lamig ng gabi at tig-isang kopita.

May bitbit namang dalawang nagyeyelong bote ng champagne si Woodsy.

        “Time to celebrate!” sabi nito.

        Inuna nitong lagyan ng champagne ang kopita ni Francesca.

        “For a job well done!” sabi ni Woodsy nang may laman na ang mga kopita nilang anim.

        “And for your biggest blockbuster yet!” dagdag ni Direk Caloy.

        Bahagya lang na rumehistro kay Francesca ang lahat ng mga salitang iyon. Nanginginig pa ang kamay niyang may hawak na kopita. Hindi pa rin kasi maalis-alis ang init na lumukob sa kanyang katawan. At may nadarama siyang kakaibang pagkabalisa.

        Nang makita niyang sumimsim na ng champagne ang mga kasama ay agad siyang sumunod.

        Pakiramdam niya’y uhaw na uhaw siya kaya kaybilis niyang naubos ang malamig na inumin.

        “More!” tumatawang sabi ni Woodsy na muling pinupuno ang kopita ng dalaga.

        Wala sa sariling uminom pa uli si Francesca.

        Kahit malamig ang champagne ay kung bakit lalo lang yata siyang nag-iinit.

        Masayang nag-uusap sina Woodsy, Alice at Direk Caloy at Manong Ed. Binabati na ang isa’t isa sa siguradong tagumpay na kakamtin ng kasalukuyang proyekto.

        Mayamaya’y napansin din ng mga ito ang kanyang pananahimik.

        “Okay ka lang, Francesca?” tanong ni Alice.

        “Ahm... nabigla yata ako sa champagne,” sagot niya. “Magpapahinga na lang siguro ako.”

        Nagsimula na siyang tumayo mula sa kama.

        “Ihahatid na kita,” sabi ni Bobby.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento