Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Huwebes, Marso 30, 2023

Abakada ng Pag-ibig: FRANCESCA Chapter 12

 FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 12 

MARAMI pa silang mga karagdagang eksenang kukunan sa beach resort sa mga susunod na araw kung kaya’t doon din nakatira ang buong tropa ng Grande Films sa mga cottages na nagkalat sa paligid.

        Walang natutulog sa mismong bahay na ginagamit nila bilang set para hindi maistorbo ang pagkakaayos niyon.

        May kanya-kanyang cottage sina Francesca, Bobby, Woodsy, Alice, Direk Caloy at Manong Ed.

        Doon ihahatid ni Bobby si Francesca – sa cottage ng dalaga.

        Tahimik sila nang lumabas ng set. Maging nang naglalakad sa buhanginan.

        Nagtataka si Francesca.

        Bakit bigla na naman siyang pinagmamalasakitan ni Bobby? May kinalaman ba ito sa katatapos lang nilang eksena?

        Hindi niya malaman kung ano ang kanyang iisipin. Magulung-magulo pa rin ang sarili niyang damdamin.

        Pagdating sa cottage, akala niya’y iiwan na siya nito matapos niyang mabuksan ang pinto.

        Binalingan niya ito para sana pasalamatan.

        Pero natigilan si Francesca nang makita niyang muli sa mga mata ni Bobby ang mga tanong at agam-agam na nakita niya kanina. Kasabay pa niyon ang pananabik na nakita rin niya kaninang umaarte ito sa kanilang eksena.

        At bago siya nakapagsalita ay humaplos ang palad ni Bobby sa kanyang pisngi. Tulad na tulad din sa kanilang eksena. Pero wala na ngayong kamerang nakatutok sa kanila, hindi ba?

        Napakurap si Francesca.

        Ano itong nangyayari?

        Tanging mga mata lang ni Bobby ang nangungusap. Humihiling.

        Nang hindi siya nagpakita ng anumang pag-iwas ay unti-unti itong lumapit. Hanggang sa muling magtagpo ang kanilang mga labi.

        Nakapikit na si Francesca. Ganap na nagpaparaya.

        Nalanghap niya ang hininga ng binata. Amoy-champagne na tulad din niya.

        Lasing lang ba si Bobby kaya nagagawa ito? Pero hindi ito malalasing sa dalawang kopitang champagne lang. Alam niya ang kakayahan nito sa alcohol.

Nadadala lang ba ito ng ginawa nila kanina sa harap ng kamera?

        Hindi pa rin niya lubos na nauunawaan ang nagaganap. Pero wala nang pakialam si Francesca.

        Basta ang alam niya’y kusang ginagawa ito ni Bobby. At nasa pribado na silang mundo. Sa kanilang dalawa na lamang ito.

        Bahala na kung resulta lang ito ng frustration ng binata sa nasira nitong relasyon. Ayaw muna niyang isipin ang lahat ng iyon.

        Marahil ay alipin pa rin si Francesca ng katatapos nilang eksena. Rumaragasa pa ang kakaibang kuryente sa kanyang buong katawan. Lalo lang pinag-alab ang kaytagal na niyang itinatagong damdamin para sa binata.

        Anuman ang mga dahilan nito, isinantabi na muna niya. Basta tumugon siya kay Bobby nang makatotohanan. Pinalaya niya ang matagal na niyang kinikimkim na damdamin. Pinagbigyan niya ang kanyang sarili.

        Uumit lang naman siya ng ilang oras sa dilim ng gabi. Walang kailangang makaalam. At bukas, kapag nagbalik na ang binata sa katinuan, palalayain niya itong muli nang walang pananagutan.

        Hindi sukat akalain ni Frances na magagawa niya ang ganitong kapangahasan. Pero heto’t ginagawa na nga niya. Nagiging totoo lang naman siya sa kanyang sarili sa mga sandaling ito.

        Kayraming mga pasya. Kaylaking desisyon. Pero sansaglit lang yatang nagdaan ang lahat sa isip ng dalaga.

        Pagkatapos ay hindi na niya kayang mag-isip pa.

        Tumutugon na ang kanyang mga labi sa mga labi ni Bobby. Yumayakap na ang kanyang mga bisig sa leeg nito.

        Naramdaman niyang iginigiya siya ng binata nang papasok sa cottage. Nang nasa loob na sila’y isang kamay lang ang ginamit nito para isara’t ikandado ang pinto.

        Sa sinag ng liwanag ng buwan na lumalagos sa bintana ay tinawid nila ang maliit na salas para maabot ang silid. Pero tumatawid sila ay hindi sila nagbibitiw at hindi naglalayo ang kanilang mga labi. Kahit habang nagtatanggal si Bobby ng jacket na iniwan nito sa sahig. Iniwan rin niya roon ang kanyang shawl.

        Pagdating sa silid, sabay silang bumagsak sa higaan. Suot na muli ni Bobby ang pang-itaas nitong camisa chino. Pero sa sandaling pagbitiw sa kanya ay kaybilis nitong naitapon iyon sa sahig kasunod ang pantalon nitong parang pajama.

        Panloob na lamang ang suot ng binata nang simulan namang tanggalin ang pagkakabuhol ng spaghetti straps sa kanyang magkabilang balikat. Nang makalas ang pagkakabuhol ng mga iyon ay isang isang hila lang ang kinailangan para siya mahubdan. Panloob na lang din niya ang naiwan.

        Hindi tumigil doon si Bobby. Tiningnan siya nito nang parang nanghahamon habang ganap na inaalis ang huli nitong saplot.

        Hindi napigil ni Francesca ang sarili na sumunod ang tingin sa dakong iyon.

        At siya naman ang ganap na hinubdan ng binata. May bahagyang ngiti na ito sa mga labi.

        Ibang-iba pala ang pakiramdam kapag walang anumang nakapamagitan sa dalawang katawang ganap na maglalapat. Napatunayan iyon ni Francesca nang muli siyang balikan ni Bobby sa higaan.

        Nakakapaso ang pagdidikit ng balat sa balat. Nakakapasong nakakakiliti.

        Bawat paggalaw nila’y may hatid na kakaibang sensasyon. Nagsabay-sabay pa ang pagkiskis ng balat sa balat, ang paggala ng mga kamay na nagsisiyasat at ang pang-aangkin ng mga labing sabik.

        Ganoon na lamang ang kahandaan ni Francesca kaya’t hindi nila sinadya ay natagpuan na lamang nilang kusa na silang napag-iisa.

        Parang napakanatural lang na kusang nagtapat at nagtugma ang kanilang mga katawan. Walang alinlangang tinanggap niya si Bobby, hanggang sa kapwa sila mahadlangan ng kanyang kawalan ng karanasan.

        Tumigil ang binata. May pag-aalala para sa kanya.

        Pero niyakap niya ito nang mas mahigpit. Bahagya pa niyang iniliyad ang kanyang katawan habang hinahagkan ito nang mas maalab sa mga labi.

        Isang makapangyarihang ulos ang naging tugon ni Bobby sa kanyang paanyaya. Na nasundan agad ng isa pa. At isa pa. Hanggang sa hindi na niya mabilang ang mga kasunod.

        Kung may nadama mang kirot si Francesca ay natabunan na iyon ng makayanig-kaluluwang kaganapan na sumambulat sa kanyang kamalayan.

        Iyon pala. Iyon pala ang kaganapang hinahangad ng pagkabalisang kanyang nadama kanina. Iyon pala ang patutunguhan ng kakaibang pananabik na ginising ni Bobby sa kanyang katauhan.

        Lahat ng mga sensasyon sa kanyang katawan ay parang pinag-isa. Inipon nang inipon hanggang sa hindi na niya halos makayanan ang kasidhian. At saka bumulusok pataas sa isang higanteng eksplosyon.

        Naulinigan niya ang sariling daing, kasabay ng ungol ni Bobby.

        Pagkatapos ay nanlupaypay sila sa mga bisig ng isa’t isa.

        Nakatulog siguro silang dalawa. Dahil ang sunod na namalayan ni Francesca ay ang mga labi ni Bobby na sumisimsim sa mga dunggot ng kanyang dibdib. Papalit-palit sa magkabila.

        Kasabay ng kanyang pagkagising ang mabilis ding pagkabuhay na muli ng kanyang pakiramdam.

        Muli silang nagniig.

        Muling nakatulog nang magkayakap.

        At minsan pang naulit ang kanilang kapusukan.

        Nagliliwanag na ang langit nang makatulog sila sa ganap na kahapuan.

 

“NAKU, tiyak na magugulat si Francesca sa pagdating ninyo,” sabi ni Woodsy. “Hindi niya inaasahang dadayuhin pa siya rito ng mga reporters, e.”

        Kasama nito at ni Alice si Gelai Aban at isa pang movie reporter na kararating lang sa resort nang umagang iyon.

        “Balita kasi namin, talagang hot na hot itong ginagawa ninyong pelikula dito,” sabi ni Gelai. “Siyempre, gusto naming makakuha ng first hand account.”

        “Hindi yata kapani-paniwalang magagawa ni Francesca ang mga sinasabing love scenes nila ni Bobby,” sabi ng reporter na si Boysie Belen.

        “Ang totoo niyan, nagawa na nila kagabi ang love scene na pinaka-highlight ng pelikula,” pagmamagaling ni Alice. “At ang sabi nga ni Direk, nahigitan pa nila ang kanyang mga expectations.”

        “Talaga?” naiintrigang sabi ni Gelai. “That I have to see.”

        Patungo ang apat sa cottage ni Francesca.

        “Katukin na natin para sabay-sabay tayong mag-brunch,” sabi ni Woodsy. “Medyo tinanghali lang siguro siya nang gising dahil alam naman niyang mamayang hapon pa uli ang shooting.”

        Kumatok sila sa cottage. Matagal. Walang sumagot.

        “Baka tulog pa,” sabi ni Alice. “Mauna na kaya tayo.”

        “Sandali, may spare key ako,” sabi ni Woodsy. “Malamang tulog pa nga iyon sa bedroom. Mag-iiwan lang ako ng note sa sala para pag gising niya malaman niyang may mga bisita sila. At para makasunod agad sa atin.”

        Binuksan ng manager ang pinto ng cottage.

        Pagkabukas niyon ay nauna pang pumasok si Boysie, na halos maitulak naman ni Gelai.

        Pagpasok pa lang ng lahat ay kita na agad ang mga nakakalat sa sahig.

        “That’s Bobby’s jacket!” bulalas ni Gelai.

        Si Boysie naman ay mabilis na tumuloy sa nakabukas pa man ding pinto ng silid-tulugan. At mabilis ding sumunod si Gelai bago nakapag-react si Woodsy.

        Namataan agad ng mga reporter ang pantalon at camisa chino na nagkalat sa sahig. At sa bahaging pinakamalapit sa kama, ang mga panloob na panlalaki’t pambabae na katabi ng isang sun dress.

        “Oh my Gaaad!” hindi napigil na tili ng kilig na kilig na si Boysie Belen.

        Paano’y nakatambad ang hubad na hubad na katawan ni Bobby na nakadapa sa hubad na hubad ding si Francesca. Mabuti na lang at sa posisyong iyon ay natakpan nila ang mga kaselanan ng isa’t isa.

 

SABAY na nagising sina Francesca at Bobby sa tiling iyon.

        Si Bobby ang unang nakaunawa sa sitwasyon. Isang malakas na pagmumura ang naibulalas nito nang makita ang apat kataong nakatanga sa kanila.

        Sumunod na rin kasi sina Woodsy at Alice sa dalawang reporter. At kapwa ito na-shock sa dinatnang eksena.

        Napakurap-kurap muna nang ilang saglit si Francesca bago niya natanggap na hindi isang masamang panaginip ang nagaganap.

        “Oh no...” sambit niya pagkaraka.

        At itinago na lang niya ang kanyang mukha sa dibdib ni Bobby.

        “Nakita na ninyo ang lahat. Siguro naman, puwede na ninyo kaming bigyan ng pagkakataong magbihis,” nanggagalaiting sabi ng binata sa apat na miron.

        Nahimasmasan agad sina Alice at Woodsy.

        “I’m sorry,” sabi agad ni Alice, sabay talikod.

        Si Woodsy naman ay agad na hinatak sa siko ang dalawang reporter.

        “Let’s go,” sabi nito sa dalawa.

        Nang umatras ang mga ito, mabilis na kumilos si Bobby.

        “Kailangang makausap ang mga iyon,” paliwanag nito kay Francesca habang umaalis sa kama. “Leave this to me.”

        Tamang-tama lang na papalabas ng pinto ng cottage ang apat ay nagsusuot na ng pantalon ang binata. Hindi na ito nag-abalang magsuot muna ng panloob.

        Hindi pa nakakahakbang nang palayo sa cottage sina  Woodsy nang muling magbukas ang pinto at lumabas si Bobby.

        “Sandali lang,” puno ng awtoridad na sabi ng binata.

        Sabay-sabay na napalingon ang apat.

        “Hindi ko alam kung ano ang karapatan ninyong panghimasukan ang aming privacy...” galit na pagpapatuloy  ni Bobby.

        Agad na sumabad si Woodsy.

        “Wala kaming masamang intensiyon. Hindi namin alam na may kasama pala si Francesca. And I thought her bedroom was locked. Lagi naman kaming pumapasok hanggang sala.”

        Nagtaas ng palad ang binata.

        “Okay,” sabi niya. “Nangyari na. At alam ko rin na hindi ko mapipigilan ang media na ilabas ang bagay na ito...”

        “Ilalabas lang naman namin kung ano ang totoo,” taas-noong sagot ni Gelai.

        “Kung ganoon, isama na rin ninyo ang impormasyong ito,” sabi ni Bobby. “Francesca and I are getting married. And no, she’s not pregnant. At least, hindi pa ngayon.”

        Pakisabi niyon ay tumalikod na ang binata at muling pumasok sa cottage.

        Nagpalitan naman ng nagugulumihang mga sulyap sina Woodsy at Alice bago iginiya na palayo ang dalawang reporter na nagmamadali rin upang makapagsulat na ng kanilang mga scoop.

 

NAKATAYO si Francesca sa loob lang ng pinto ng cottage.

        Kumot lang ang nagawa niyang ibalabal sa sarili para makahabol kay Bobby. Para makinig sa mga sasabihin nito.

        “A-anong kasal?” parang panunumbat niya sa binata pagpasok na pagpasok nito. “Bakit mo sinabi iyon?”

        “Iyon naman ang dapat, hindi ba?” sagot nito.

        Umiling si Francesca.

        “Hindi kailangang ikasal tayo kung dahil lang sa nangyari kagabi o dahil lang nakumpromiso tayo kanina. Hindi dapat,” sabi niya. “Lasing ka lang kagabi.”

        “Hindi ako lasing kagabi, Francesca,” kalmadong sagot ni Bobby. “Hindi tayo lasing pareho. Alam natin pareho ang ating ginawa. Naaalala natin pareho ang bawat detalye ng mga naganap. Nakasisiguro ako.”

        Namula ang dalaga. Bigla siyang nag-iwas ng tingin. Bahagyang tumalikod.

        “Kung ganoon, sabihin na nating pareho lang tayong nadala ng sitwasyon,” sabi niya. “Resulta lang iyon ng ginawa nating eksena.”

        “A one-night stand?” sagot ni Bobby. “Pinaparatangan mo akong naghanap lang ng one-night stand? At gusto mo akong papaniwalaing ganoon din ang naging intensiyon mo?”

        Tumawa ito nang sarkastiko.

        “Bakit hindi?” pahumindig na hamon ng dalaga, na bumabaling uli nang paharap. “Wala na ba akong karapatang gawin iyon kung gugustuhin ko?”

        “Hindi iyon gagawin ng isang wala pang karanasan, Francesca,” giit ni Bobby.

        “Karapatan kong pumili kung kailan, paano at kanino ko gustong maganap ang aking unang karanasan,” sagot ng dalaga. “I don’t have to follow any rules.”

        “So you chose me?” tanong ni Bobby. “At gusto mong palabasin na dahil lang nadala ka ng ating love scene. Pero hanggang doon lang.”

        Kunwa’y nagkibit-balikat si Francesca.

        “Hanggang doon lang naman talaga iyon, hindi ba?” sagot niya. “Hindi ko pa rin nakakalimutang may minamahal kang mystery lady, Bobby. Anumang PR tactics ang gawin nina Woodsy, alam kong hindi ganoon kadali para sa iyo ang bumitiw sa tunay mong karelasyon. So please, tama na ang pagpapaka-gentleman mo at pag-aalok ng kasal. It won’t do us any good. Ayoko ng pekeng kasal na gaya ng nasa script ng pelikula natin. Mas gugustuhin ko pang harapin ang anumang eskandalong ipagkakalat nina Gelai at Boysie tungkol sa atin.”

        Nagulat siya nang biglang lumiwanag ang mukha ng binata.

        “Ah, so this is all about the mystery lady,” nakangiting sabi ni Bobby.

        Nilapitan siya nito at hinawakan sa siko para igiya nang patungo sa kalapit na sopa. “Maupo nga muna tayo. Mahaba-habang pagkukuwento ito.”

        Hinila siya nito paupo.

        Pero umusad si Francesca sa pinakamalayong dulo ng maikli lang namang sopa.

        Lumapad ang ngiti ni Bobby.

        “I’m flattered na nagseselos ka pala sa aking mystery lady,” sabi nito.

        “Nagseselos?” Biglang nagpuyos si Francesca. “Aba, conceited ka rin naman, ano?”

        “Irene ang pangalan niya, Francesca,” banayad na sabi ni Bobby. “At kapatid ko siya. Kapatid ko sa ama.

        Natigilan ang dalaga.

        “Walang nakakaalam nito, maging sina Woodsy at Alice,” pagpapatuloy ni Bobby. “Ito ang pinakatagu-tagong sikreto ng pamilya Bauzon.”

        “P-Pero bakit hindi mo na lang sinabi na sister mo siya?” naguguluhang tanong ni Francesca.

        “Tinatanong ko rin kung bakit siya kailangang itago,” may bahid na ng galit na sagot ng binata. “Kung bakit mas mahalaga pa sa kapakanan ng sarili kong kapatid ang image nina Robert Bauzon at Laila Gomez bilang ulirang mag-asawa. Kita mo, kayrami nang nasaktan. Si Irene, most of all. Ako. Ngayon, pati ikaw.”

        Umilap ang mga mata ni Francesca. Hindi pa rin siya handang umamin sa bagay na iyon.

        “I-ibig mong sabihin, hindi totoong ideal ang family life ninyo?” tanong na lang niya.

        “That’s a big farce,” iling ni Bobby. “Noong maliit pa ako, nagumon si Daddy sa drugs. Nagkaroon siya ng kalaguyong starlet na katulad niya ang bisyo. Anak nila si Irene.”

        “Kasikatan ng parents mo ang mga panahong iyon, a,” gulat na sabi ni Francesca.

        Tumango si Bobby.

        “Mahusay lang magtakip si Mommy,” sabi nito. “Kunsabagay, isang taon lang naman iyon. Dahil sa drugs, nagkaroon ng mga kumplikasyon sa panganganak ang ina ni Irene. Ikinamatay. Doon natauhan si Daddy at nagbagong-buhay. Ever since, naging straight na siya. Bumawi nang husto sa amin. Pero si Irene, hindi na nila magawang iharap sa publiko. Dahil ayaw nilang malantad ang mga nangyari noon.”

        Punung-puno ng pait at paghihinanakit ang tinig ng binata.

        May nasaling na tagong bahagi ng puso ni Francesca.

        “M-mabuti’t close ka sa kapatid mo,” sabi niya.

        “Hindi naman siya pinabayaan nina Daddy at Mommy, e,” sagot ni Bobby. “Financially and materially, alaga siya mula nang mamatay ang kanyang ina. Guardian niya ang kanyang lola. Ikinuha siya nina Daddy at Mommy ng bahay. Ikinuha ng yaya at katulong. Sinustentuhan para mabihisan at mapakain nang maayos. Pinag-aral sa exclusive school. Of course, nakakasama rin namin siya. Ipinapakilala bilang inaanak ni Mommy – na totoo naman dahil si Mommy ang tumayong ninang nang binyagan siya. Pero kapag sinasabing kinakapatid ko siya, para akong nahihirinan. Gusto kong ipagsigawan sa mundo na kapatid ko siya. Na anak din siya ng Daddy ko. Karapatan niya iyon, hindi ba?”

        Tumango si Francesca.

        Namamasa sa luha ang kanyang mga mata. Paano’y parang nasasalamin niya sa kalagayan ni Irene ang naging kalagayan niya noon. Iyong busog nga sa mga materyal na bagay pero may napakalaki namang kakulangang emosyonal.

        At ang mas nakaantig ng kanyang damdamin ay ang sensitibong pag-unawa at pakikiisa ni Bobby kay Irene.

        Lalo tuloy lumalim ang pag-ibig niya sa binata.

        “Nagrerebelde ako sa patuloy na paglilihim nina Daddy at Mommy kaya sinasadya kong isama si Irene sa paglabas sa kung saan-saan,” paliwanag pa ni Bobby. “Hindi ko naman akalaing iba namang uri ng tsismis ang ibubunga niyon.”

        Tinamaan si Francesca. Paano’y isa rin siya sa mga naniwala sa tsismis na iyon.

        “I’m sorry,” sabi niya “Pinaratangan din kita nang mali.”

        Sumilay ang ngiti sa mga labi ng binata.

        “Huwag kang mag-apologize,” sagot nito. “Iyon na nga lang ang kaisa-isang positibong resulta ng tsismis na iyon – ang mapagselos kita. Napaghahalata ka tuloy.”

        Namula na naman si Francesca. Pakiramdam niya’y gusto na niyang maglaho sa kanyang kinauupuan.

        Nagpatuloy si Bobby.

        “Mabuti pa yata, magkalinawan na tayo,” sabi nito. “Alam mo na ang isang sikreto ko. Wala akong itinatagong girlfriend. Heto pa ang pangalawa. Patas na tayo dahil pinagselos mo rin naman ako. Gusto ko na noong sapakin si Godo Garcia, alam mo ba?”

        Namilog ang mga mata ni Francesca.

        “Hindi ko lang ginawa iyon dahil in-denial pa ako noon,” paliwanag ni Bobby. “Idini-deny ko pa sa sarili ko na mahal kita. Ayoko kasing umibig sa artista. Ayokong magkaroon ng komplikadong buhay na tulad ng kina Daddy at Mommy. Kung natatandaan mo, dini-discourage nga sana kitang mag-artista noong una tayong magkita sa Cebu? Kung hindi ka kinuha nina Woodsy at Alice, balak ko talaga sanang balik-balikan ka roon para ligawan nang pormal. Wala akong pakialam kahit gaano pa ka-terror ang Lolo mo.”

        Napaawang ang mga labi ni Francesca.

        “Pero ako ang na-discourage noong nag-artista ka,” dagdag ng binata. “Doon ako naduwag – sa ideyang mangangahas akong makipagrelasyon sa kapwa ko artista. Ganitung-ganito rin kasi ang kasikatan nina Mommy at Daddy noon. Natakot akong baka matulad tayo sa kanila. Kaya pinilit kong panatilihing propesyunal ang ating relasyon. Hindi ko lang akalain na magseselos ako nang ganoon katindi kapag may ibang nanligaw sa iyo. Kaya I attempted to keep my distance. Lalo pa noong naisip kong baka attracted ka rin sa action star na iyon.”

        “Doon?” nakangiwi ang mukhang bulalas ng dalaga. “Excuse me!”

        Natawa si Bobby.

        “Oo, alam ko na ngayong ako lang ang mahal mo,” sabi nito.

        “Ano?” mabilis na sagot ni Francesca.

        “Inamin mo na nga kanina na pinili mo ako for your first time, hindi ba?” paalala ni Bobby habang unti-unting umuusad nang papalapit sa kanya. “At alam kong isa lang ang maaaring maging dahilan para magdesisyon ka nang ganoon. Mahal mo rin ako. Magde-deny ka pa ba after last night?”

        Sumiksik si Francesca sa kanyang sulok ng sopa. Nakayuko.

        Biglang parang hiyang-hiya siya kay Bobby.

        Siniksik pa siyang lalo ng binata.

        Mayamaya’y naramdaman niya ang mga labi nito sa kanyang balikat. Nanunuksong humahalik nang pababa sa kanyang mga braso.

        Kaybilis na nabuhay ang kuryenteng kagabi pa nanunulay sa pagitan nila.

        “B-Bobby...” singhap niya.

        Sinungkit nito ang hintuturo ng kanyang baba para magkaharap sila.

        “I love you, Francesca,” pahayag nitong nakatitig nang diretso sa kanyang mga mata. “Nakahanda akong suungin ang lahat, makasama ka lang nang habambuhay.”

        Wala na siyang mapagtaguan.

        “I love you, Bob,” halos pabulong na sagot niya.

        “Teka nga,” nakangiting sabi ni Bobby habang tumatayo sa harap niya. “Sa kabila ng lahat, nahihiya ka pa yata sa akin. Mukhang marami pa akong kailangang burahin sa iyong mga inhibitions.”

        At sa isang iglap ay naibaba na nito ang suot na pantalon.

        “Ay!” sambit ni Francesca.

        Na nauwi sa impit na pagtili nang ang kumot namang suot niya ang biglang hablutin ng katipan.

 

MATAGAL nang nakaalis sina Gelai Aban at Boysie Belen nang nangakangiting lumabas ng cottage sina Bobby at Francesca para mas pormal na ipahayag sa lahat ang kanilang pagpapakasal.

 

PROLOGO

 

PINAGPIYESTAHAN nga ang scoop nina Gelai at Boysie tungkol sa “pagkakahuli” kina Francesca at Bobby. Pero hindi na naging gaanong kaeska-eskandalo iyon nang sabayan ng balita tungkol sa civil wedding ng dalawa sa opisina ni Mayor Vi sa Batangas nang hapon ding iyon.

        Na totoo namang naganap.

        Ideya iyon ni Woodsy. Isa na namang PR tactic pero sa pagkakataong iyon ay agad na sinang-ayunan nina Bobby at Francesca.

        Inianunsiyo naman nilang may susunod agad na kasalan sa simbahan sa susunod na buwan.

        Nang gabi ring iyon ay tinawagan ni Francesca ang kanyang Ate Bianca at ang kanyang Daddy at Mommy. Nagbigay naman ng basbas ang mga ito.

        Mas mahaba at madamdamin ang naging pakikipag-usap ni Bobby kina Robert at Laila. Pero maganda rin ang naging resulta.

        Pagbalik na pagbalik ng magkatipan sa Maynila ay ipinakilala ni Bobby sa isa’t isa  sina Francesca at Irene.

        At sa press conference kung saan nila inihayag ang mga detalye ng kanilang kasal, ipinakilala ni Bobby sa madla ang kanilang magiging maid of honor – si Irene, ang mystery lady. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinakilala ang dalaga bilang si Irene Bauzon, kapatid ni Bobby at kaisa-isang anak na babae ni Robert Bauzon.

        Nalathala sa lahat ng magasin at pahayagan ang tungkol sa naging lihim nina Robert at Laila. Pero hindi naganap ang inaasahang panlilibak ng marami sa inaakalang ulirang mag-asawa. Sa halip ay pinuri ang lakas ng loob at katatagang nagtulak sa kanila para ipagtapat ang katotohanan.

        Ang sabi nga ng isang kolumnista: “Ang katatagan ng isang relasyon ay hindi maibabatay sa kawalan ng problema: bagkus ay sa kung paano nahaharap at naiigpawan ang bawat problema.”

        Marahil ay nabasa ni Frank Fortuna sa Cebu ang lahat ng mga artikulong iyon. Posibleng nasaling din ang damdamin ng matanda. Kaya siguro nang mangahas sina Francesca at Bobby na lumipad sa Cebu para humingi ng basbas ng Lolo’t Lola ng dalaga ay tinanggap sila sa tahanan ng mag-asawang Fortuna na parang walang anumang sigalot na naganap sa nakaraan.

        “Okay naman pala si Lolo, e,” sabi ni Bobby pagkatapos. “Ni hindi nga binanggit iyong tampuhan ninyo.”

        “Ganoon talaga iyon,” sagot ni Francesca. “Mataas ang pride. Sa halip na amining nagkamali siya, magkukunwari na lang na parang walang nangyari. Pero hayaan mo na. Kahit ganoon iyon, mahal ko pa rin naman.”

        Nangakong dadalo sa kasal ang mag-asawang matanda. Darating din daw sina Fiona at Gian mula sa Italy, at si Bert at ang pamilya nito mula sa Baguio. Siyempre, hindi mawawala ang matron of honor na si Bianca at sina Paolo at Pauline.

        Ang mas abala sa pagtulong sa pag-aasikaso sa paghahanda ng kasal ay sina Robert, Laila at Irene. Katulong ng mga ito ang best man (woman daw) na si Woodsy, ang bridesmaid na si Alice at siyempre pa, ang ninong na si Bernie Grande.

        Nauna muna sa tunay na kasalan ang pagpapalabas sa pelikulang “Kasal sa Papel”. Tulad ng inaasahan, dinumog ito ng mga tao. Matsismis ba naman na ang kontrobersiyal na love scene doon ang naging dahilan para ora-oradang magpakasal sa Batangas sina Bobby at Francesca.

        Sigaw nga ng isang kilig na kilig na fan na ininterbyu matapos makapanood ng naturang pelikula: “Aaaay! It’s so kaka talaga! Kaka-in love!”

WAKAS

Basahin ang kwento ng pag-ibig

ng kapatid ni Bobby sa

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento