FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 3
MAAGANG
pumasok si Francesca.
Hindi niya ikinuwento sa lolo’t lola
niya ang naganap nang nakaraang araw, o ang magaganap pa sa araw na iyon. Alam
palibhasa niya na ituturing ng lolo niyang paglalakwatsa ang gagawin niyang
pagpanood ng shooting sa oras ng trabaho.
Hindi siya sanay na nagsisinungaling sa
dalawang matanda kaya hindi na lamang siya kumibo. Ang katwiran ng dalaga’y
ngayon lang naman niya pagbibigyan ang kanyang sarili. At wala namang masama sa
gagawin niya.
Kalabisan na bang maglaan siya ng kaunting
oras para sa kanyang sarili? Twenty-one na siya. Nasa tamang gulang at kaisipan
na. At ngayon lang niya gagawin ang pumuslit na parang teen-ager. Karapatan din
naman niyang maranasan ang ganito.
Akala nga niya ay lilipasan na siya ng
kanyang kabataan nang wala man lang napagdaanang excitement sa buhay. Na
malalanta na lang siya sa puno, ‘ika nga, nang nakatunganga sa kanyang lolo’t
lola.
Hindi naman kasi siya ang tipo na kusang
maghahanap ng excitement sa kung saan. Kahit noong nag-aaral pa siya, bahay-eskuwela
lang ang ruta niya. Wala siyang mga extra-curricular activities kung hindi rin
lang required ng eskuwela.
Oo, noon pa’y alam na niyang maraming
kulang sa buhay niya. Noon pa’y pinanghihinayangan na niya ang mga pagkakataong
lumampas sa kanya. Pero laging nanaig
ang kanyang pagtalima sa mga kagustuhan ng kanyang lolo’t lola.
Ngayon lang nangyari na nakadama si
Francesca ng determinasyong kumapit sa pagkakataon bago ito mawala.
PAGDATING
ni Francesca sa kanyang booth ay may lalaking naghihintay sa kanya.
“Utility man ako sa Grande, Ma’am,”
paliwanag ng lalaki. “Ipinagbilin ni Ma’am Alice na samahan ko kayo sa
location. Diyan lang naman sa beach.”
“Thank you sa paghihintay mo sa akin,
ha?” sabi ni Francesca. “Ano nga pala ang pangalan mo?”
“Roger, Ma’am,” sagot nito.
“Francesca na lang ang itawag mo sa
akin, Roger,” sabi ng dalaga. “Kanina ka pa Ma’am nang Ma’am, e. Hindi naman
ako sanay sa ganyan. Parang tumatanda ako.”
Nangiti si Roger pero napakamot sa
batok. Halatang ito naman ang asiwa na sumunod sa kahilingan niya.
Pagkatapos niyon ay nagmamadaling sumabay
na siya kay Roger patungo sa tabing-dagat.
“Alam mo, puwede naman sanang nagbilin
na lang din kayo kanina sa front desk para ipaalam sa akin ang location ng
shooting,” sabi niya sa kasama. “Hindi ka na sana naghintay pa. Tagarito naman
ako.”
“Ipinae-escort kayo ni Ma’am Alice, e,”
sagot ni Roger.
“Si Alice talaga,” iling niya. “Ang
bait-bait. Ano nga ba talaga ang trabaho niya sa Grande Films?”
“Naku, bale pinaka-second-in-command ni
Boss Bernie si Ma’am Alice,” sagot ni Roger. “Kasi, pamangking buo siya ni Boss
Bernie. Kapatid ni Boss ang mother niya.”
“Ganoon ba?” gulat na sabi ni Francesca.
“Pero bakit Boss Bernie rin ang tawag niya sa boss ninyo?”
“Kung magkaharap sila, Uncle Bernie ang
ginagamit ni Ma’am Alice,” pagkukuwento ng lalaki. “Pero humble kasi talaga si
Ma’am, e. Ayaw niyang ipagmayabang na pamangkin siya ng big boss. Kaya kung
hindi kaharap si Boss, nakiki-Boss Bernie rin siya.”
“Ibang klase rin si Alice, ano?” sambit
ni Francesca.
Parang bigla tuloy siyang nailang sa
bago niyang kaibigan. Hindi niya akalaing ganoon pala ito kaimportanteng tao.
Napakasimple naman kasi kung magdamit, magsalita’t kumilos. At kung
pakitunguhan nga siya’y parang magkapantay lang sila.
Medyo nahiya tuloy uli si Francesca
pagdating sa umpukan ng grupo ng Grande Films.
Agad naman siyang sinalubong ng
nakangiting si Alice.
“Hi,” sabi nito.
“Good morning,” sagot niya. “Nakakahiya
naman, ipinahintay mo pa ako kay Roger.”
“Aba, siyempre,” sabi ni Alice. “Special
guest ka yata.”
“Naku, ikaw nga itong big shot, e,”
sagot niya.
Natawa si Alice.
“Nabanggit lang siguro sa iyo na
pamangkin ako ng producer, naisip mo na iyan,” sabi nito.
“Second-in-command ka pala, e,” sabi ni
Francesca.
May bahid panunumbat ang pahayag na
iyon.
“Sus, ang sabihin mo, ako ang laging
kino-command,” pabalewalang sagot ni Alice. “Ako ang paboritong utusan ng uncle
ko. Kaya nga ako nandito, e. Halika na nga roon. Nagbibihis pa si Bobby at
nagse-set-up si Direk. Pero maipapakilala kita kina Tita Laila at Tito Robert.”
Kinuha nito ang kamay niya’t hinatak na
siyang patungo sa kinaroroonan ng mag-asawang artista.
Kausap ng mga ito si Woodsy nang lapitan
nila.
“Tita Laila, Tito Robert, I’d like you
to meet Francesca,” sabi ni Alice. “Francesca, kilalang-kilala mo na siguro
sina Laila Gomez at Robert Bauzon, ano?”
“Good morning, ho,” sabi ng dalaga.
“N-naku, matagal ko na ho kayong idol na pareho,” pahayag pa niya.
“Talaga?” nakangiting sagot ni Laila.
“Nakakataba naman ng puso. I’m glad to meet you, iha.”
“Me, too,” dagdag ni Robert. “Naikuwento
ka na nga sa amin ni Woodsy. Na-meet mo na pala sila nina Bobby kahapon.”
“Oho,” sagot niya.
Bumaling siya kay Woodsy.
“Good morning ho.”
“Hello again, my dear,” sagot nito. “Naikuwento
na nga kita kina Laila at Robert. Ang sabi ko sa kanila, I’ve found my newest
baby. Ang magiging ka-loveteam ni Bobby. How would you like to be the newest
baby and most exciting star of Philippine showbusiness, Francesca?”
“H-ho?” nakakunot ang noong tanong ng
dalaga.
Hindi niya agad nasakyan ang mga sinabi
ng manager.
“Inaalok kitang mag-artista under my
management,” paliwanag ni Woodsy. “Para maging ka-loveteam ni Bobby Bauzon.”
Nag-init ang mukha ni Francesca. Pero
pagkatapos ay unti-unti namang kumalat ang lamig sa kanyang pagkatao. Hindi siya
makakibo. Ni hindi makakurap.
Tama ba iyong narinig niya?
Tumayo si Woodsy at inakay siyang paupo
sa isa sa mga silyang naroon.
“Maupo ka nga muna,” sabi nito. “Para
kang hihimatayin diyan, e.”
“Binigla mo naman kasi siya, Woodsy,”
paninita ni Alice. “Wala ka man lang munang ibinigay na preparasyon.”
Naupo rin ito sa silyang katabi niya.
“Excited na ako, e,” katwiran ng manager.
“Hindi na ako makapaghintay. And besides, gusto ko talaga siyang sorpresahin para
hindi niya maitago ang tunay niyang reaksiyon. See? She can’t believe it.
That’s a positive sign.”
Dahan-dahan namang nahihimasmasan na si
Francesca. Napatingin uli siya kay Woodsy. Puno ng mga katanungan ang kanyang
mga mata.
“I’m sorry kung nabigla ka, darling,”
sabi nito. “Pero hindi ako nagbibiro. Kahit naman sina Laila at Robert,
nag-a-agree sa akin. You have the looks of a star. You belong to the movies.”
“Totoo iyon,” sang-ayon ni Robert. “Kahapon
pa lang, napansin ka na namin, iha. Natatandaan mo ba noong nadaanan ka namin
sa lobby? Naisip na rin agad naming mag-asawa na pang-artista ang ganda mo.”
“Ordinaryong tao lang ako,” naiiling na
sagot niya.
“Iyon mismo ang hinahanap kong tipo ng
babae para maging kapareha ni Bobby,” sabi ni Woodsy. “Parang girl-next-door.
Simpleng-simple. Hindi sosyal o sopistikada. Pero may natural na kagandahan.
Iyong kahit ano ang ipasuot mo, kahit basahan, lulutang at lulutang ang ganda.
At kapag naman binihisan nang husto, magmumukha na talagang prinsesa. Parang si
Cinderella. O, di ba?”
Napatunganga si Francesca.
Siya, si Cinderella? At si Bobby naman
si Prince Charming? Naku, hihimatayin na yata talaga siya.
“Hindi naman ako papayagan ng lolo’t
lola ko, e,” parang kusang sagot ng bibig niya.
Halatang-halata sa mga salitang iyon ang
kanyang panghihinayang at pag-asam.
“Iyon lang ba ang problema?” tanong ni
Woodsy. “Pero ikaw mismo, gusto mo?”
“Sino ba naman ang tatanggi sa ganyang
offer?” sagot ng dalaga. “Parang dream come true.”
“Well, hindi ka na rin naman minor,
hindi ba?” sabi ni Woodsy. “Nasa sa iyo ang karapatan to make that dream come
true. Hindi mo kailangan ng guardian’s consent para pumirma sa kontrata o
pumili ng panibagong career.”
Parang kidlat ang tama ng mga salitang
iyon sa ulirat ni Francesca. Totoo, hindi na siya menor de edad. Totoo nga bang
karapatan niyang pagdesisyunan ang ganito kahalagang bagay sa sarili niyang
buhay?
Oo naman. Alam niyang totoo rin iyon.
Alam niya sa pinakatagong bahagi ng kanyang puso. Hindi lang nakasanayan ng kanyang
kiming isip at damdamin.
Kaya ba niyang sumagot nang ayon sa
sariling kagustuhan, nang hindi muna kinukonsulta ang kanyang lolo’t lola? At
kahit alam na alam na niya na ang kanyang kagustuhan ay magiging kabaligtaran
ng kagustuhan ng kanyang lolo’t lola?
“P-pero hindi naman ako marunong umarte,”
bulalas ng dalaga.
“Siyempre,” sagot ni Woodsy. “Hindi ka
pa artista, e. Pero lahat ng tao, natuturuang umarte. Nasa galing na ng trainer
iyon. And I tell you, lahat ng hinawakan kong talent, naging de-kalibreng
artista. Hindi lang kasikatan ang ipinapangako ko kundi tamang paghasa ng lahat
ng mga potentials mo.”
“Maliit pa ako noong umalis kami sa
Maynila,” pagtatapat ni Francesca. “Dito na ako lumaki sa Cebu. Hindi na ako
nakabalik doon magmula noon.”
Ibinitin niya ang kanyang mga salita.
Naputol man ang pananalita ng dalaga ay
malinaw pa ring nakarating ang kanyang mensahe sa mga kaharap. Atubili siyang
iwan ang kinalakhang Cebu. Natatakot siyang bumalik sa Maynila na hindi na niya
gamay.
“Hindi ka naman mag-iisa sa Maynila,”
sagot ni Woodsy. “Kung pipirma ka ng kontrata sa akin bilang talent at sa
Grande Films bilang contract star, you’ll be part of a very concerned family.
Magiging mother hen mo ako. Nariyan din si Alice. And, of course, ang magiging ka-loveteam
mo – si Bobby. We’ll all be there for you.”
Napatingin si Francesca kay Alice.
Tumango ito nang nakangiti.
“Yes, kasama rin ang Grande Films na
nag-o-offer sa iyo ng kontrata,” paliwanag nito. “Contract star namin si Bobby,
e. Natural, kailangang contract star din namin ang ka-loveteam niya. Talagang
nakaplano nang i-build-up ang loveteam na iyan bilang pinakabagong premier
project ng kompanya. Ibig sabihin, laging top priority ang mga pelikula ninyo
at iba pang activities. Magkapareho kayo ng tatanggaping talent fees at
benefits. Mag-a-advance ang production ng lahat ng kakailanganin para sa
lifestyle ng isang artista. You’ll be financially independent and stable.”
Nagtaka si Francesca.
“I-a-advance iyon kahit hindi pa sigurado
kung tatanggapin ako ng tao? Paano kung mag-flop ako?”
Tumawa si Alice.
“Nakasisiguro kami, Francesca,” sagot
nito. “Dahil pareho kami nitong si Woodsy. We only bet on a sure thing. Iyong
walang paltos. At ganoon ang assesment naming lahat sa iyo. You’re a natural star
lalo na bilang ka-loveteam ni Bobby. You complement each other so well. Magtabi
lang kayo, kikiligin na ang mga tao.”
Napayuko si Francesca. Naisip niya,
hindi kaya iyon dahil halatang-halata na kinikilig siya kay Bobby?
“O, heto na pala ang magiging
ka-loveteam mo, e,” biglang sabi ni Woodsy.
Nang itaas niya ang kanyang paningin ay
papalapit na si Bobby.
Naka-swimming trunks ito na estilong
boxer shorts. Naka-beach sando. Naka-sports sandals. Nakakunot ang noo.
“Bobby, tamang-tama ang dating mo,” pagpapatuloy
ni Woodsy. “Just in time to hear Francesca’s answer to our proposal.”
Tumayo si Bobby sa harap niya’t
tinitigan siya.
“Papayag ka ba?” tanong nito.
Iyon mismo ang naging mapagpasya sa
pagdedesisyon ni Francesca. Si Bobby.
Paano ba niya magagawang tanggihan ang
maging prinsesa ng prinsipeng ito?
Dahan-dahan siyang tumango.
“Payag ako,” sagot niya sa mahina’t
nangangatal na tinig.
“Yes!” sigaw ni Woodsy nang nakataas pa
ang dalawang kamao.
“Great!” sabi ni Alice.
“Good!” sabi ni Robert.
Na tinanguan naman ng nakangiting si
Laila.
Pero si Bobby ang nanatiling nakatitig
sa kanya nang hindi nagbabago ang seryosong ekspresyon ng mukha.
Naupo si Bobby nang pa-squat sa buhangin
sa harap ni Francesca. Hindi umaalis ang titig nito sa mukha niya.
“Gusto kong siguruhing alam mo ang papasukin
mo,” sabi nito. “Magulo ang showbusiness. Maraming intriga. Kadalasan, below
the belt ang mga tira. Brutal. Walang sinasanto. Walang kinikilalang privacy.
At napakaraming temtasyon. Ang mahina-hina ay maaaring mapahamak sa sari-saring
bisyo. Kaya mo ba?”
“Tinatakot mo naman siya, e,” sabad ni
Woodsy.
“Sinasabi ko lang ang totoo,” sagot ni
Bobby. “Dapat niyang makita ang kabuuan bago siya magpasiya.”
“Kung sabagay, tama si Bobby,” sang-ayon
ni Alice. “Pero hindi ka naman namin pababayaan, Francesca.”
“B-basta ba tutulungan ninyo ako,”
nangangamba na ring sagot niya.
Napasulyap siya kina Woodsy at Alice
bago muling bumalik ang kanyang mga mata kay Bobby.
Napabuntonghininga ang binata. Saglit na
nagbaba ito ng paningin, pero agad ding tumitig uli sa kanya.
“I’ll always stand by you,” pangako
nito. “You can count on me.”
Iyon lang ang kailangang marinig ni
Francesca. Napanatag na muli ang loob niya.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento