FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 4
TAKOT
na takot si Francesca habang papauwi. Para tuloy gusto na niyang pagsisihan ang
kanyang ginawa. Parang gusto na lang niyang isiping isang magandang panaginip
lang ang naganap sa buong maghapong iyon.
Paano nga ba nangyaring manonood lang
daw siya ng shooting ay nakasagot na siyang mag-aartista na sa Maynila.
Mahirap tanggihan ang alok na iyon.
Malaking atraksiyon ang maging kapareha ni Bobby Bauzon.
Pero hindi lang iyon. Para rin siyang
pinagmilagruhan na biglang mabigyan ng pagkakataong makatayo sa sarili niyang
mga paa. Maging malaya. Magkaroon ng kasarinlan sa buhay.
Iyon. Iyon ang bagay na pinakamimithi ni
Francesca. Iyon ang pagkakataong agad niyang kinapitan kanina.
At iyon din ang tanging nagbibigay sa
kanya ngayon ng lakas ng loob na humarap sa kanyang Lolo Frank at Lola Luring.
Nasa bahay ang main office ng Golden Vista
kaya naroon ang dalawang matanda pag-uwi ng dalaga.
“O, bakit narito ka?” tanong agad ni
Frank. “Wala pang alas-singko, a.”
“May sakit ka ba?” tanong naman ni
Luring.
Umiling si Francesca.
“M-may ipagpapaalam ho sana ako, e,”
sagot niya.
“Hindi na ba makapaghihintay iyan
hanggang after office hours?” nakakunot ang noong tanong ni Frank. “Gaano ba
ka-urgent iyan para iwan mo ang trabaho mo?”
Napipikon na si Francesca.
“I-iyon na nga ho, ‘Lo,” sagot niya.
“Magre-resign na kasi ako.”
“Ano?!” pasigaw na sagot ng matanda.
Napasinghap naman ang misis nito.
Itinuluy-tuloy na ni Francesca ang
pagtatapat.
“May lilipatan kasi akong trabaho,” sabi
niya. “Kinukuha akong contract star ng Grande Films. Isasama ako sa Maynila.”
“Grande Films?” ulit ni Luring.
“Ano iyon, mag-aartista ka?” sabi ni
Frank. “Anong kalokohan ba ito, Francesca? Nasisiraan ka na ba ng ulo?”
“Seryosong offer ho iyon,” sagot ng
dalaga. “Maganda ang income. Disenteng trabaho. At saka magiging independent
ako. Nasa edad na naman ho ako, e.”
“Aalis ka? Pupunta ka sa Maynila? Iiwan
mo kami?” natatarantang bulalas ni Luring. “Naku, alam ba ito ng Mommy mo?”
“Hindi pa ho,” amin niya. “Pero ipaalam
ko rin naman sa kanya. Tatawagan ko siya.”
“Hindi ka rin papayagan niyon,” sagot ni
Frank.
“Ahm... nakapagdesisyon na ho kasi ako,
e,” pahayag ni Francesca. “Itutuloy ko na ito. H-hindi na naman ho ako menor de
edad.”
Naningkit sa galit ang mga mata ni
Frank.
“Ang ibig mong sabihin, nagdedesisyon ka
nang mag-isa mo at itutuloy mo ito whether we like it or not,” sabi nito.
“Hindi ka man lang kumunsulta muna. Hindi mo man lang pakikinggan ang sasabihin
namin ng Mommy mo. Ni hindi ka nagpaalam. Nagsasabi ka lang. Aba, magaling. Napakahusay
pala ng resulta ng pagpapalaki namin sa iyo.”
Bumagsak na ang mga luhang pinipigil ni
Francesca. Pumiyok na rin ang kanyang boses sa emosyon nang sumagot siya.
“Buong buhay ko naman, naging masunurin ako
sa inyo at kay Mommy, ‘Lo. Laging kayo ang nagdedesisyon para sa akin. Tango
lang ako nang tango. Wala akong boses. Wala akong opinyon. Kaya tuloy laging
nababalewala ang mga gusto ko, ang mga pangangailangan ko, ang kaligayahan ko.
Pero ni minsan, hindi ako kumibo. Magmula nang maghiwalay sina Mommy at Daddy
at dalhin ako ni Mommy dito sa Cebu, hanggang noong iwan ako ni Mommy dito para
magtrabaho siya sa States, hanggang noong bigla siyang nag-asawa ng Italyano at
lumipat sa Italy. Magmula noong i-enrol ninyo ako sa prep, hanggang sa
maka-graduate ako sa kursong pinili ninyo, hanggang sa magtrabaho ako sa
kompanya ninyo.
“Pero nasasakal na ho ako. Kailangan ko
namang mabuo ang sarili ko. Kailangan kong matutong mag-isip, magsalita at
kumilos ayon sa aking sariling pagkatao. Gusto ko namang makalaya. Gusto ko
namang lumigaya.”
“Sige, magpakaligaya ka,” galit na singhal
ni Frank. “Mag-artista ka. Bumalik ka doon sa Maynila. Tingnan ko lang kung
ano’ng mangyayari sa buhay mo.”
“M-maayos naman hong kausap ang mga
taga-Grande Films,” tangkang pagpapaliwanag pa rin ng dalaga. “Kung gusto
ninyo, papupuntahin ko sila rito para makausap ninyo.”
“Aba, huwag na huwag mo nga akong
isasali diyan sa kalokohan mong iyan, ha?” sagot ng matandang lalaki. “Hindi
ako kunsintidor. Ikaw ang nagdesisyon sa bagay na iyan, puwes, mag-isa mong pangahasan.
Pero kapag umalis ka sa pamamahay ko, Francesca, wala na akong responsibilidad
sa iyo. Kung gusto mong maging malaya, mag-isa, bahala ka. Mayabang ka na.
Matigas na ang buto mo. Tingin mo’y nasa tamang pag-iisip ka na. Hala, sige.
Bahala ka. Sasabihin ko sa Mommy mo na nagdesisyon ka nang mag-isa at wala
kaming anumang magagawa pa.”
Pagkasabi niyon ay tinalikuran na siya
nito.
Humihikbing sumunod si Luring sa asawa.
Hindi na rin naghintay pa si Francesca.
Alam niyang kapag nagbitiw ng salita si Frank Fortuna ay hinding-hindi na
mababawi pa iyon.
Kahit halos manlabo ang paningin sa
luha, tuluy-tuloy siya sa kanyang kuwarto. Nagmamadaling nag-empake siya ng
kanyang mga gamit.
Hindi naman siya nagdala ng marami.
Isang maliit na maleta lang. Kaunting damit. Mga personal na gamit. Panay basics
lang.
Hindi siya nahirapang pumili ng dadalhin
at iiwan. Ibinatay lang niya sa kanyang pangangailangan. Wala naman kasi siyang
naipong mga gamit na may sentimental value. Walang masasayang alaala ang
kanyang paglaki.
Bitbit ang maleta na lumabas siya ng
bahay. Wala nang paalam. Walang lingun-lingon.
SHOCK
ang naging reaksiyon ng mga taga-Grande Films sa kinahinatnan ni Francesca.
“Tingnan mo ang ginawa mo, Woodsy,”
panunumbat agad ni Bobby.
“Hindi naman niya kasalanan ito,” sagot
din agad ni Francesca. “Ako ang nagpasya, e. Desisyon ko ito.”
“Right,” tango ng manager. “At walang
katwiran iyong lolo’t lola mo. Aba, kalahi pala sila ni Hitler.”
“Paano, itutuloy mo pa ba ang pag-aartista?”
tanong ni Bobby sa dalaga. “Desidido ka na talaga?”
“Wala na akong choice ngayon,” sagot
niya. “Paninindigan ko na ang desisyon ko. Wala na akong babalikan.”
“Nandito naman kami, Francesca,” pahayag
ni Alice. “Pamilya mo na rin kami ngayon.”
Ikinuha agad siya nito ng sarili niyang
kuwarto sa Emerald. At kahit tumatanggi siya’y ibinili pa siya ng dagdag na mga
damit at gamit sa boutique na naroon.
“May dala naman ako,” sabi niya. “Puwede
na muna ito.”
“Anong puwede na?” sagot ni Alice. “Artista
ka na ngayon. May image ka nang dapat ingatan. Sabi nga, hindi puwede ang
puwede na. Huwag kang mag-alala, sagot ng kompanya ang mga iyan.”
Nakipanood siya sa natitirang tatlong
araw na shooting ng tropa sa resort.
May ipinadala naman agad na ahente ang
lolo niya para tumao sa booth ng Golden Vista sa lobby. Kilala niya iyon –
isang matandang dalagang oldtimer na sa kompanya at tapat sa lolo niya. Kahit
nag-aabot sila sa lobby ay iniiwasan siyang tingnan man lamang nito.
Alam ni Francesca na nagre-report din
ang babaing iyon sa lolo niya araw-araw. Kung ganoon ay nalaman nina Frank at
Luring nang tuluyang umalis sa Emerald ang grupo para bumalik sa Maynila – na
kasama na siya.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento