FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 5
“FRANCESCA,
maupo ka nga at mag-relax,” saway ni Woodsy. “Pati ako’y nate-tense sa iyo, e.”
Hindi natigil ang dalaga sa pabalik-balik
na paglalakad sa salas ng townhouse ng manager.
“Sana hindi mo na lang ibinigay ang
address na ito, Alice,” sa halip ay baling niya sa isa pang kasamang nakaupo sa
tabi ni Woodsy sa sopa.
“Puwede ba naman iyon?” sagot ni Alice.
“Kapatid mo siya. Karapatan din naman ng pamilya mo na malamang nasa maayos
kang kalagayan. Baka mamaya, maakusahan pa kami na itinatago ka o pinipilit
kang gumawa ng labag sa kagustuhan mo. Mabuti na iyong makita mismo nila ang
sitwasyon mo rito at makausap ka nila nang personal.”
“Mabuti nga at dito kayo magkikita sa
bahay ko,” paalala ni Woodsy. “At least, kampo mo ito. Wala kang dapat
ikabahala.”
Magmula nang makarating sila sa Maynila
ay kay Woodsy muna itinira si Francesca. May guest room ito na nakareserba para
sa mga mina-manage na talent na nangangailangan ng pansamantalang matutuluyan.
Isang linggo nang naroon ang dalaga.
Naipakilala na siya kay Bernie Grande at
sa lahat ng executives ng production company nito. Nakapirma na siya ng mga
kontrata bilang talent ni Woodsy Javier at contract star ng Grande Films.
Nalula si Francesca sa paunang bayad na
ibinigay sa kanya. Hindi niya akalaing aabot iyon sa kalahating milyon.
Mula sa halagang iyon ay nakabili na siya
ng kumpletong wardrobe at mga personal na gamit. Kasama niya sina Alice at
Woodsy sa pamimili at ang mga ito ang nagturo sa kanya ng kung ano ang
nababagay sa isang artista.
Sa pera ring iyon nagmula ang paunang
bayad sa semi-furnished studio apartment na kinuha nila para sa kanya.
Sa ngayon, bukod sa nakikitira pa siya
kay Woodsy ay nakikisabay pa rin siya sa sasakyan nito. Pero bukas ay
naka-schedule na siyang lumipat sa bago niyang apartment. At ihahatid-sundo na
siya sa lahat ng kanyang mga lakad ng van at driver na pahiram ng Grande.
Kapag nakapag-settle na raw siya sa
sarili niyang apartment ay saka naman sisimulan ang intensive acting workshop
na dadaluhan nilang dalawa ni Bobby.
“Bakit pati ikaw?” nagtatakang tanong
niya noon sa binata. “Marunong ka nang umarte, a. At saka anak ka ng dalawang pinakamamagaling
na artista sa bansa. Nasa dugo mo na ang pag-arte.”
Umiling ang binata.
“Nauna lang ako sa iyo ng isang
pelikula,” sagot nito. “First film ko pa lang ito, remember? At saka hindi
naman totoong nasa dugo ang kagalingan sa pag-arte. Pareho lang tayong beginner
dito. Kailangan ko pa ring matuto. Siguro, ang lamang ko lang sa iyo ay iyong
maaga kong nakita ang lahat ng mga nagaganap sa showbusiness. Sa puntong iyon,
puwede akong maging consultant at adviser mo.”
“Hindi rin lang naman panay acting ang tututukan
ng workshop ninyo, e,” dagdag ni Woodsy sa pag-uusap nila. “Magiging parang
bonding experience din ninyo iyon. Mas makikilala ninyo ang isa’t isa. Mas
magkakalapit kayo. Importante iyon. Kailangan kasing maging natural na natural
ang pagiging magka-loveteam ninyo. You have to really like each other a lot.
You have to be the best of friends. Mahahalata ng publiko kung hindi totoo ang
pakikitungo ninyo sa isa’t isa.”
Lalo tuloy na-excite si Francesca sa
pagsisimula ng kanilang workshop.
Kaso, dumating si Alice kagabi. May
mahalaga raw na sasabihin sa kanya.
Seryoso sina Alice at Woodsy nang
kausapin siya.
“May tumawag sa opisina kanina,”
panimula ni Alice. “Nagpakilala na kapatid mo. Bianca Fortuna Cordero raw.
Nag-check ako sa bio-data mo at iyon nga ang pangalan ng kapatid mo na
nakasulat doon. Gusto ka raw niyang makausap.”
Namutla si Francesca.
Paanong nalaman ni Bianca na konektado
siya sa Grande Films? Malamang ay nagsumbong na ang Lolo’t Lola niya sa Mommy
niya, at nagsumbong naman ito sa Ate niya.
Ni hindi pa nga siya tumatawag sa Mommy
niya para magkuwento ng tungkol sa mga pangyayari. Pagkatapos ng hindi
magandang paghihiwalay nila ng Lolo’t Lola niya ay hindi na niya alam kung paanong
makikipag-usap sa kanyang ina.
Sigurado naman kasing kampi ito sa
dalawang matanda. Siguradong mag-aaway lang sila.
Ngayon, pati ang Ate Bianca niya ay
sangkot na.
“Saka na lang,” iwas ng dalaga.
“Tatawagan ko na lang siya.”
“Bakit kasi hindi ka pa rin tumatawag sa
kanila hanggang ngayon,” paninita ni Woodsy.
“Naikuwento ko naman sa inyo ang
sitwasyon, hindi ba?” sagot niya.
Ipinagtapat niya ang lahat kina Alice at
Woodsy noong nasa Cebu pa lang sila.
Kung paanong hindi niya nakasama sa kanyang
paglaki ang daddy niya’t kaisa-isa’t nakatatandang kapatid dahil dinala siya ng
Mommy niya sa Cebu pagkatapos nitong makipaghiwalay sa asawa noong maliit pa si
Francesca.
Kung paanong magmula noon ay naging
parang mga estranghera sila ni Bianca sa isa’t isa.
Kung paanong sumama ang loob niya sa kanyang
ama dahil ni minsan ay hindi man lang siya nito dinalaw sa Cebu hanggang sa
mag-asawa na ito uli sa Baguio.
Kung paanong sumama ang loob niya sa
kanyang ina dahil iniwan din siya nito sa Cebu para magtrabaho sa States, at
bigla na lang nag-asawa sa kung sinong Italyano at lumipat sa Italy.
Kung paano siya pinalaki ng dominanteng Lolo
at sunud-sunurang Lola bilang isang napakamasunuring apo na walang sariling
opinyon at desisyon.
Lahat ng kanyang mga hinanakit sa buhay
ay naibulalas niya sa dalawa.
“Naiintindihan ka namin,” sagot ni Alice
nang gabing nag-uusap na sila sa townhouse ni Woodsy. “Pero obligasyon mo pa
ring ipaalam man lang sa Ate Bianca mo na nasa maayos kang kalagayan ngayon.
Siyempre nag-aalala rin ang mga iyon. Hindi puwedeng basta ka na lang
mag-disappear.”
“Mababasa rin naman nila sa mga ilalabas
ninyong publicity articles kung nasaan na ako ngayon,” pangangatuwiran niya.
“Pati ba sa kapatid mo’y naghihinanakit
ka?” tanong ni Woodsy. “Sa narinig kong mga kuwento mo, wala naman siyang
atraso sa iyo. Pareho lang kayong dalawa na naging biktima ng sitwasyon ng
pamilya ninyo.”
“Wala naman talagang atraso sa akin si
Ate,” amin ni Francesca. “At hindi ako galit sa kanya. Naiilang lang akong makipag-usap
sa kanya lalo na ngayon. Kung noon nga, noong pumasyal sila ng husband niya sa
Cebu pagkatapos ng kanilang honeymoon, naiilang pa kami sa isa’t isa. Di lalo
na ngayong may nangyaring ganito. Hindi ko alam kung ano ang mga isinumbong sa
kanya ni Mommy o nina Lolo’t Lola.”
“Then give her the benefit of the
doubt,” payo ni Alice. “Bigyan mo siya ng pagkakataon. Malay mo naman, siya pa
ang mas makakaunawa sa iyo. At least, alam na natin ngayon na nagmamalasakit
siya sa kapakanan mo. She cares.”
“Mas maganda kung magkaharap kayo sa
halip na sa telepono lang mag-usap,” mungkahi ni Woodsy. “Kumbidahin natin siya
rito bukas. Wala ka namang schedule. Sa hapon na tayo mag-supermarket para sa
mga dadalhin mo sa apartment.”
“Dito?” ulit ni Francesca. “Bukas na
agad?”
“Good idea,” tango ni Alice. “Itatawag
ko kay Bianca ang address nitong townhouse.”
Hindi na nakapalag si Francesca.
At ngayon nga’y hindi siya mapakali sa
paghihintay sa pagdating ni Bianca.
Bumalik si Alice para raw magbigay ng
moral support. Kasama niya ito at si Woodsy sa paghihintay.
Maya-maya’y may humimpil nang kotse sa
labas ng gate.
“Ayan na,” sabi ni Woodsy.
Lumabas ang katulong nitong si Maring
para pagbuksan ang bisita.
“Salubungin mo sa pinto,” sabi ni Alice
kay Francesca.
Sumunod siya.
Mag-isa si Bianca nang dumating.
Nakangiti ito, pero halatang kinakabahan din.
Bahagyang nabawasan ang pangamba ni
Francesca.
“Hello, Francesca,” sabi nito.
“H-hi, Ate,” sabi niya. “Tuloy ka.”
Umurong siya para makaraan ito. Hindi sila
nagyakap o naghalikan.
Tumuloy na si Bianca sa salas.
“Ate, si Alice De Vera, vice president
ng Grande Films. Siya ang nakausap mo kahapon,” pagpapakilala ni Francesca.
“Ito naman si Woodsy Javier, ang manager ko. Townhouse niya ito.”
“Thanks for helping me out, Alice,”
nakangiting sabi ni Bianca. “And thanks for inviting me here, Woodsy.”
“Wala iyon,” sagot ni Alice. “Gagawin
namin ang lahat para kay Francesca.”
“Parang pamilya na rin ang turingan
namin,” dugtong ni Woodsy. “So, of course, open arms kami sa only sister niya.
Maupo na kayo. Kami naman ni Alice, aakyat muna para makapag-usap kayong
magkapatid. Magpapalabas na lang ako ng refreshments kay Maring.”
“Thanks, Woodsy,” sabi ni Francesca.
“Upo ka, Ate.”
Iniwan na sila nina Alice at Woodsy.
“Tinawagan ka ba nina Lolo?” tanong agad
ni Francesca. “O ni Mommy?”
“Actually, ni Mommy,” sagot ni Bianca.
“Tinawagan siya ni Lolo. Pagkatapos, tinawagan niya ako. Hysterical nga, e.”
“I can just imagine kung ano ang version
na ikinuwento sa iyo,” mapaklang sabi ni Francesca. “Siguro sabi nila, wala
akong galang sa matatanda. Suwail ako. Rebelde.”
Nagkibit-balikat si Bianca.
“What can you expect?” sagot nito. “Para
namang hindi mo sila kilala. Dapat nasanay ka na. Ikaw nga itong lumaki sa
kanila, e. Ako, nakinig lang sa kuwento ni Mommy. Pagkatapos, ang sabi ko sa
kanya, gusto ko namang marinig ang side mo. Kaya nga kita hinanap. And of
course, I wanted to make sure that you’re all right.”
Medyo nagulat si Francesca. Hindi niya
akalaing ganoon ang magiging posisyon ng kapatid.
Tama nga yata sina Alice at Woodsy. May
posibilidad nga yatang maunawaan siya nito.
“I’m okay,” sagot niya. “Nakapirma na
ako ng three year contract sa Grande Films at kay Woodsy bilang manager.
Nag-advance na sila ng bayad sa akin. In fact, hanggang ngayong gabi na lang
itong pakikitira ko rito kay Woodsy. Lilipat na ako sa sarili kong apartment
bukas. Lahat ng pangangailangan ko, nasa ayos naman. You don’t have to worry
about me.”
“Mag-a-apartment ka?” sabi ni Bianca.
“Bakit hindi ka na lang tumira sa Project 6? Nandoon pa rin sina Manang Naty.
Maaasikaso ka nang husto roon. Kami naman ng Kuya Paolo mo, bihira nang magawi
roon. Mas naglalagi kami sa bahay sa Tagaytay. Mas hiyang kasi roon ang
pamangkin mo, si Pauline. Kung gusto mo, puwede ring doon ka sa amin pumisan,
sa Tagaytay. May kalayuan lang pero mas presko ang hangin at nakaka-relax ang
paligid.”
“Thanks,” sagot ni Francesca. “Pero
kailangan ko nang matutong magsarili. Kaya nga ako umalis sa Cebu, e.”
Tumango si Bianca.
“I understand,” sagot nito.
Napabuntonghininga si Francesca.
“I’m glad you do, Ate,” sabi niya.
“Hindi ko naman gustong maging ganoon
ang paghihiwalay namin nina Lolo at Lola, e. Nagsabi naman ako sa kanila nang
maayos na magre-resign na ako sa realty at lilipat ng trabaho. Karapatan ko naman
iyon, hindi ba? Nasa edad na ako. Pero nagalit na agad si Lolo. Kung anu-ano na
ang sinabi. Kung aalis daw ako, bahala na ako sa buhay ko. Mayabang na raw ako.
Si Lola naman, umayon lang din sa kanya. Kaya tuloy pagkatapos niyon, hindi na
ako tumawag kay Mommy o sa iyo. Umiwas na ako sa panibago na namang gulo.”
Tumulo ang kanyang mga luha habang
nagkukuwento.
Pumatong ang palad ni Bianca sa kamay
niyang nasa kanyang kandungan.
“Tama lang na ipinaglaban mo ang karapatan
at kapakanan mo,” sabi nito. “Matagal na nabalewala ang mga tinig at opinyon
natin. We were taken for granted. Akala nila, basta’t naitira tayo sa maayos na
bahay, napakain, nabihisan at napaaral, sapat na iyon. Hindi na tayo dapat na
maghanap ng higit pa roon. Magkapareho lang tayo ng pinagdaanan kaya
naiintindihan kita. Siguro, it’s time that we started to get to know each other
better. Gusto ko lang na malaman mong nandito ako para sa iyo.”
Nagsikip ang dibdib ni Francesca.
“Ate...” pahikbing sambit niya.
Bumagsak na rin ang mga luha ni Bianca.
At niyakap siya nito. Mahigpit.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento