Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Huwebes, Marso 30, 2023

Abakada ng Pag-ibig: FRANCESCA Chapter 6

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 6

MALAKI ang iginaan ng loob ni Francesca sa naging pag-uusap nilang magkapatid. Ipinagtapat niya iyon kina Alice at Woodsy kasabay ng pagpapasalamat sa pang-uudyok ng mga ito.

        Kinabukasan, naging piyesta ang paglilipat-bahay ng dalaga.

        Magkasabay sila ni Woodsy na umalis ng townhouse. Kasya naman sa van ng manager ang dala niyang mga personal na gamit at ang mga pinamili nilang groceries.

        Iyon lang ang kailangang dalhin ni Francesca dahil semi-furnished na ang nakuha niyang studio apartment. Mayroon nang basic na sopa, pang-apatang dining set, mini-refrigerator, built-in table-top electric range na kahilera ng lababo, microwave oven, washing machine, water heater sa banyo, queen-sized bed, airconditioner at telepono. May blinds na ang mga bintana.

        Inudyukan pa rin nina Woodsy at Alice ang dalaga na bumili ng bagong kutson para sa kama.

        “Malay mo kung sinu-sino ang mga nahiga riyan sa lumang kutson na iyan,” sabi ni Alice.

        “At kung anu-ano pa ‘kamo ang pinaggagawa diyan,” dagdag ni Woodsy.

        Agad namang sumang-ayon si Francesca.

        Siyempre, bumili rin siya ng ilang palit na beddings. Bukod doon ay kinumbinse rin siya ng mga kasama na bumili ng colored TV, VHS player at laser disc player na kakailanganin daw niya sa panonood ng sari-saring mga pelikula – isang requirement sa training ng artista. Para naman sa mga oras ng pagre-relax o pag-eehersisyo, kailangan niya ng maayos na radio-cassette-CD system.

        Sa kapiranggot na kusina, kinailangan niyang bumili ng ilang kagamitan sa pagluluto at dinnerware set.

        Lahat ng mga iyon ay nai-deliver at nailagak na sa apartment. Ipinakiusap na lamang nila sa manager ng apartment complex ang pagtanggap sa deliveries. Maayos naman ang 24-hour security sa compound.

        Isa nga iyon sa mga bagay na nagustuhan nina Francesca, Alice at Woodsy sa lugar na iyon nang namimili pa lamang sila ng kukuning apartment. Ligtas na ligtas ang apartment complex para sa isang dalagang namumuhay nang mag-isa. Bukod sa laging may security guard sa gate ay kakaunti lang ang units kaya magkakakilala ang lahat ng mga residente.

        Dahil excited, maagang kinaladkad ni Francesca si Woodsy patungo sa apartment. Alas-otso pa lang ng umaga, pagkatapos na pagkatapos makapag-almusal ay tumulak na sila.

        Bago umalis ng townhouse ay tinawagan ni Woodsy si Alice. Naghahanap ng karamay.

        “Talaga namang patungo rin ako roon, ano,” sagot nito.

        “Alam ko,” sabi ni Woodsy. “Tumawag ako para agahan mo. Ang aga-agang nagyayaya nitong alaga ko, e.”

        “O sige, maliligo lang ako,” sagot ni Alice. “Naroon ako in one hour.”

        Pero may nauna pa kay Alice na dumating. Halos kasunod lang nina Francesca.

        “Bobby!” gulat na sambit ng dalaga. “Ano’ng ginagawa mo rito?”

        “Ano pa, e di tutulong,” sagot ng natatawang binata. “Alam kong malaking trabaho ang maglipat-bahay. Dinaanan ko na iyan noong magsarili ako ng pad, e. Kakailanganin mo ng manpower para sa pagbubuhat ng gamit.”

        Halata ngang handang sumabak sa trabaho si Bobby. Naka-walking shorts ito na khaki, maluwang na t-shirt na walang kuwelyo at sports sandals.

        “May dala rin akong tools,” dagdag pa nito. “Naisip kong baka iyon ang nakaligtaan ninyong paghandaan. Alam mo na, electric drill, martilyo, pako, screws, screwdriver at ang mga bagong lock para sa mga pinto at fire escape.”

        “Ay, oo nga pala,” napapahampas sa noong sabi ni Woodsy. “Nakalimutan nga namin iyon. Iyan na nga ba ang sinasabi ko – that’s why we need men.”

        Nang dumating si Alice ay tumaas ang kilay nito nang abutan si Bobby na nag-a-assemble ng patungan ng TV at component system.

        “Uy, ang guwapo naman ng handyman natin,” sabi ni Alice.

        “Hindi kasi natin napansin na do-it-yourself pala ang entertainment module na ito, e,” sabi ni Francesca. “Kaya hindi natin naipagbilin na ipa-assemble sa mga nag-deliver. Nakakahiya tuloy kay Bobby. Hayan, napapasabak siya.”

        “Simple lang naman ito,” sagot ng binata. “Kaya nga ako nagpunta rito para tumulong sa mga ganitong bagay, e.”

        “Hayaan mo, may dala akong pangmerienda,” sabi ni Alice. “Malamig na malamig na softdrinks at homemade brownies. Ni-rush ko itong iluto kagabi para talaga ngayon. O, break muna.”

        “Mmmm, sige, masarap iyan,” alistong sagot ni Bobby.

        “’Ayan, tandaan mo, Francesca,” natatawang sabi ni Woodsy. “Totoo iyong kasabihang the way to a man’s heart is through his stomach. Matatakaw talaga ang mga men.”

        “E bakit ikaw, matakaw rin,” biro ng dalaga.

        Tawanan ang lahat.

        Bago mananghalian ay nailagay na nila sa ayos ang maliit lamang namang apartment.

        Saka naman nagdatingan sina Bianca, Paolo at Pauline.

        Gulat na gulat si Francesca.

        “Uy, kumpleto kayo, a! Ito ba si Pauline? Ang ganda-ganda naman ng pamangkin ko!”

        Sa unang pagkakita pa lang ay sumama naman agad ang nag-iisang taong bata sa tiyahin. Nakangiti pa ito.

        “Hello, Pauline. I’m your Tita Francesca,” sabi ng dalaga sa karga-kargang bata.

        “Brrr...” sagot ng batanga nagpapalobo ng laway.

        “That’s her way of saying she likes you,” puno ng pagmamalaking paliwanag ng amang si Paolo.

        “Naku, Kuya Paolo, mabuti’t sumama kayo ni Pauline kay Ate,” tuwang-tuwang sabi ni Francesca. “Tuloy kayo. Ipapakilala ko kayo sa mga kasama ko.”

        Ipinakilala nga ng dalaga sa isa’t isa ang lahat ng mga naroon. Noon pa lang nagkaharap sina Bianca at Bobby. Si Paolo naman, talagang wala pang kakilala. Pero mabilis namang nagkapalagayang-loob ang lahat.

        “Francesca,” bulong ni Woodsy maya-maya, “hindi mo sinasabing pamilyang artistahin pala talaga kayo. Ang guwapo ng bayaw mo, ha? Puwedeng ilaban kay Richard Gomez.”

        “Crush mo?” biro niya. “Sorry, he’s taken.”

        “Mukha ngang in love na in love siya sa Ate mo at baliw na baliw sa baby nila,” parang nanghihinayang na himutok ng manager.

        “Sigurado akong magiging happy ever after ang love story nila,” sambit ni Francesca. “Hindi sila matutulad kina Mommy at Daddy.”

        Napatingin sa kanya si Woodsy.

        “I’m sure,” sabi rin nito. “At ganoon din ang magiging love story mo pagdating ng panahon. You deserve no less.”

        Napangiti siya. Ngiting nagsasalamin ng magkahalong pag-asam at pangamba.

        At agad niyang ibinaling sa iba ang usapan.

        “Dito na kayo mananghalian, Ate Bee,” pangungumbida niya sa kapatid. “Balak naming magpa-home delivery, e.”

        “Huwag ka nang umorder at may dala talaga kaming pananghalian,” sagot ni Bianca. “Marami iyon. Sinamahan ko na rin nga ng paper plates, paper cups at plastic na kubyertos para wala ka nang huhugasan pagkatapos. Ini-expect ko naman talagang sasamahan ka nitong sina Woodsy sa paglilipat at pag-aayos dito, e.”

        “Kumpletung-kumpleto nga ang pamilya ko ngayon,” nakangiting sabi ni Francesca. “My long-lost family and my new family.”

        Casual lang ang pagkakasabi niya niyon pero nag-init ang kanyang mga mata sa nagbabantang mga luha. Agad na lang niyang itinago iyon sa pamamagitan ng sunud-sunod na paghalik sa yakap-yakap na pamangkin.

        Napahagikhik ang bata.

        Nilapitan siya ni Bobby matapos mailagak sa komedor ang pananghalian.

        “Mahusay ka palang mag-alaga ng bata,” sabi nito.

        “Ngayon ko nga lang nagawa ito, e,” sagot niya. “Ang sarap palang magkalong ng baby. Parang ayoko nang isoli sa Mommy niya.”

        “Malakas ang mother’s instinct mo kung ganoon,” pansin ng binata. “Hindi lahat ng tao, mahiligin sa bata. Nase-sense niya iyon kaya malapit din siya agad sa iyo. At saka, siyempre, iyon ding tinatawag na hatak ng dugo. Pamangkin mo siya, e.”

        Hinarap ni Pauline si Bobby at pinaulanan ng laway.

        “Brrrr!”

        “Ooops,” natatawang sabi ng binata.

        “That means she likes you, too,” natatawang sbi ni Francesca.

        “And I like you, too, Pauline,” sabi ni Bobby. “Very much.”

        Dumukwang ang binata at hinagkan ang paslit sa pisngi.

        Dahil magkadikit ang mga mukha ng magtiya, napalapit nang husto ang mukha ni Bobby sa mukha ni Francesca nang hagkan nito si Pauline. Nalanghap ng dalaga ang preskong pabango ng binata.

        At sa mismong paglapat ng mga labi ni Bobby sa pisngi ni Pauline ay kung bakit kay Francesca natuon ang mga mata nito. Saglit na nagkatitigan sila.

        Nabasag lamang ang sandaling iyon nang humagikhik nang malakas ang bata.

        Nagkatawanan na lang din sila.

        “O, let’s eat,” tawag ni Bianca.

        Nabusog silang lahat nang husto sa dala nina Bianca at Paolo na Caesar’s salad, lumpiang ubod, roast beef at relyenong manok. May kasama pang softdrinks.

        “O, nakita mo na, Francesca,” sabi ni Woodsy.  “Alam din ng Ate mo ang sekreto sa pagpapaligaya ng asawa. Magaling siyang magluto.”

        Natawa nang malakas si Bianca.

        “I’m sorry to disappoint you, Woodsy,” sagot nito. “Ipinaluto ko lang sa kusinera namin ang mga iyan. Wala akong kaalam-alam sa kusina.”

        “Totoo iyon,” tango ni Paolo. “Pero that’s okay with me. Mas gusto ko namang nasa tabi ko siya palagi kaysa nasa kusina. Puwede namang mag-hire ng magaling na cook, pero ang asawa hindi puwedeng palitan.”

        “Aaay, how sweet naman,” tili ni Alice.

        “Nakakainis ka, Paolo,” ingos naman ni Woodsy. “Why do you have to be so perfect?”

        Nagtawanan sina Paolo at Bianca habang magkalingkis ang mga kamay.

        Napabuntonghininga si Francesca habang nakangiting nakamasid.

        Tuwang-tuwa siya sa pagkakalapit nilang magkapatid at sa nakikita niyang kaligayahan nito sa sariling pamilya.

        Hindi rin tuloy niya maiwasang umasam na magkaroon din ng ganoong personal na kaligayahan.

        Ewan naman kung bakit kasabay ng ideyang iyon ay kusang dumako ang kanyang mga mata sa kinaroroonan ni Bobby.

        Na nahuli niyang nakamasid naman sa kanya.

        Sabay silang namula at nagbawi ng tingin.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento