Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Huwebes, Marso 30, 2023

Abakada ng Pag-ibig: FRANCESCA Chapter 8

 FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 8 

MATAGUMPAY ang acting workshop na pinagdaanan nila ni Bobby. Iyon ang konklusyon ni Francesca dahil naging napakadali na sa kanila ang kasunod na pitong araw na shooting.

        Hindi niya talaga maubos maisip na natapos nila ang isang pelikula sa loob lang ng isang linggo.

        “Light romantic comedy lang naman kasi ito, e,” paliwanag ni Alice. “Parang mga pang-TV nga lang na pelikula na mas pinalalim at pinahaba. Ang mahalaga rito ay iyong super-kilig ang kuwento. At ganoon na ganoon ang dating ninyo ni Bobby sa screen.”

        Kunsabagay, totoo iyon. Siya nga mismo, kinikilig habang nagsu-shooting sila. Hindi kasi nalalayo sa sarili niyang pantasya ang kuwentong iyon. Para tuloy siyang naengkanto at napasok sa mundo ng kanyang pantasya.

        Ang pelikula nila’y pinamagatang “Cindy, My Love.” At sa mismong poster pa lang ay halata na agad na iniaayon iyon sa fairy tale na Cinderella.

        Mukhang modernong prinsipe si Bobby sa ayos at gayak. Gusgusin naman si Francesca. At may isang mataray na madrasta’t dalawang maarteng step-sisters sa background.

        Ang ipinangalan pa kay Bobby sa pelikula ay William Prinsipe. Halaw sa anak ni Princess Diana na si Prince William.

        Heredero ng mayamang angkan si William at hinahabol ng maraming babae. Pero suplado ito at mayabang. Inis ito sa mga babaing naghahabol.

        Si Francesca ay si Cindy Rosal, anak sa labas ng isang yumaong negosyante. Kupkop siya ng biyuda nito na may dalawa ring anak mula sa unang asawa. Hindi siya mapaalis ng madrasta dahil nakasaad sa testamento ng kanyang ama na may karapatan siyang tumira sa mansiyon at tumanggap ng regular na allowance. Pero dahil palugi na ang naiwang negosyo ng yumao ay kakarampot na ang allowance na natatanggap ng dalaga. Ginagawa pa siyang alila sa mansiyon.

        Kabilang ang dalawa niyang step-sisters sa mga babaing naghahabol kay Wlliam, at kinamumuhian naman nito.

        Sa kabila ng pagmamalabis ng mga step-sisters niya sa kanya ay nakikisimpatiya pa rin si Cindy sa mga ito sa harap ng hayagang pang-iinsulto ni William. Nayayabangan siya sa mayamang binata.

        Pero, siyempre, nang makita ni William si Cindy ay na-in love ang binata sa dalaga.

        Si Cindy naman ang hindi makapaniwala. Inakala niyang bahagi lang iyon ng kalupitan ni William Prinsipe. Na nahamon lang ito sa pang-iisnab niya. Na balak lang siyang paglaruan ng mayamang spoiled brat.

        Kalakhan ng pelikula ay umiikot sa pagtatangka ng supladong heredero na mapaibig ang mailap na dalaga. Sa wakas, tulad ng inaasahan ng lahat, ay magkakatuluyan din ang dalawa.

        Gasgas na gasgas na ang kuwento. Nagawa na nga nang ilang beses kahit noong kapanahunan pa nina Susan Roces,  Nora’t Vilma at maging nina Maricel at Judy Ann. Pero hindi pa rin nalalaos ang kilig na dala ng bawat bersiyong ginagawang pelikula.

        Simple lang naman kasi ang hinahanap ng mga manonood. Kahit ordinaryo na ang kuwento basta’t makinis at maayos ang pagkakagawa. Kahit parang fairy tale basta’t sa loob ng dalawang oras sa madilim na sinehan ay maging kapani-paniwala. At ang pangunahing sangkap para mangyari iyon ay ang nakakakilig na chemistry sa pagitan ng magka-loveteam.

        At ayon sa lahat ng nakapanood ng exclusive media preview ng “Cindy, My Love” ay malakas na malakas ang chemistry ng loveteam sa pelikulang iyon.

        Nagpalakpakan pa nga ang mga kolumnista at reporter na naroon pagkatapos ng huling eksena nina Bobby at Francesca.

        Kung alam lang nilang kamuntik na siyang himatayin nang kunan ang eksenang iyon.

        Gabi. May party sa mansiyon ng mga Prinsipe. Litong nagtatakbo si Cindy sa masalimuot na mga pasilyo ng malaking bahay. Parang nawawala. Naghahanap ng malalabasan.

        Pagliko niya sa isang pasilyo, bigla siyang hinablot sa braso ng nakangiting si William.

        “Huli ka,” sabi nito.

        “Bitiwan mo ako,” pagpupumiglas ng dalaga.

        “Bakit kita bibitiwan?” parang nakakalokong sagot ni William. “You’re intruding into my home. Nasa garden ang party pero narito ka sa loob ng bahay. Puwede kitang ipakulong dahil doon.”

        “Alam mong hindi totoo iyan,” asik ni Cindy. “Kasama ako ng bisita ninyo. Naghanap lang ako ng banyo at naligaw ako. Nakakahilo sa laki itong bahay ninyo.”

        “Tumatakas ka kasi sa akin,” parang panunumbat ni William.

        “Dahil gusto mo akong ipahiya sa mga tao sa labas,” galit na sagot ni Cindy. “Alam naman ng lahat na alalay lang ako nina Bella at Luz. Pagkatapos, gusto mo akong isayaw ng waltz sa gitna ng dance floor. Sobra kang makainsulto.”

        “Paano namang naging insulto iyon?” tanong ni William. “Akala ko, it would be an honor.”

        “Huwag mo akong itulad sa mga babaing nagkakandarapa sa iyo,” buska ni Cindy.

        “Ibang-iba ka naman talaga sa kanila,” seryosong sagot ni William. “Ang habol nila, yaman ng pamilya Prinsipe. Pero ikaw, ako ang gusto mo. Ako mismo. Ako lang.”

        “Napakayabang mo!” nagpupumiglas uli na tanggi ni Cindy.

        Lalong humigpit ang pagkakahawak ni William sa kanya. Kinabig pa siyang lalo nang palapit dito.

        “Bakit natatakot kang umamin?” tanong nito. “Pareho lang naman tayo ng nararamdaman. Mahal na mahal kita, Cindy. Mahal mo rin ako, hindi ba? In denial ka lang.”

        Sampal ang isinagot ng dalaga. Malakas.

        Pareho silang nabigla. Natigilan.

        Bumakas ang pagsisisi sa mukha ni Cindy. Muling umakyat ang kanyang palad para haplusin ang pisnging kanyang nasaktan.

        “I-I’m sorry,” bulong niya.

        Pumatong ang kamay ni William sa kanyang palad. Ikinulong iyon nang nakadikit sa sariling pisngi.

        “Sulit nang masaktan ako kung iyon ang paraan para malaman ko ang totoo,” sagot nito.

        Bumitiw ang isa pang kamay nito sa kanyang braso para siya naman ang haplusin sa pisngi.

        Nagkatitigan sila. Nangusap ang mga mata.

        “I love you,” bulong ni William.

        “I love you,” hindi na napigilang isagot ni Cindy.

        Kinabig pa siyang lalo ng binata. Palapit na nang palapit ang mga labi nito sa mga labi niya.

        Kumunot ang noo ng dalaga. Pagkatapos ay napasinghap siya sa pagkabigla nang ganap na magdikit ang kanilang mga labi.

        Sansaglit lang naman. Agad ding umatras si William. Pero kaunti lang. Sapat lang para muli silang magkatinginan. At sa pamamagitan uli ng mga mata nito’y parang humingi ng pahintulot ang binata.

        Kaya nang muli nitong hagkan ang sinisinta ay nagparaya na si Cindy.

        Freeze frame.

        The end.

        Ang totoo niyon ay talagang nabigla si Francesca nang hagkan siya ni Bobby. Wala naman kasi sa usapan ang halik.

        Nataranta siya. Na-shock pa nga yata. Paano’y hindi pa siya nahahagkan sa buong buhay niya. At si Bobby pa man din ang gumawa niyon.

        Pero dahil nga siguro si Bobby iyon kaya ganoon ang naging reaksiyon niya. Sa halip na pumalag ay nagparaya.

        At pakiramdam nga niya’y hihimatayin na siya sa mga sandaling iyon.

        “Cut!” sigaw ni Direk Caloy.

        Agad naman siyang binitiwan ni Bobby.

        Pagdilat niya’y nakatunghay ito sa kanya na puno ng pag-aalala.

        “I’m sorry,” sabi agad nito. “Utos ni Direk iyon.”

        Nakalapit naman agad sa kanila ang direktor.

        “Huwag kang magagalit kay Bobby, Francesca,” sabi nito. “Ako ang nagdesisyong huwag ipaalam sa iyo ang kissing scene na iyon. Ayoko kasing ma-conscious ka sa simula ng eksena. Gusto kong makuha ang natural na reaksiyon mo.”

        “Natakot nga ako na baka masampal mo ako uli, e,” sabi ni Bobby. “At iyong totohanang sampal na talaga.”

        Nakatulala pa si Francesca pero namula siya sa huling tinuran ng binata.

        Paano’y parang nabisto tuloy siya. Dahil kung nagkataong ibang aktor ang kaeksena niya’y talaga namang sampal ang aabutin nito sa kanya sa ganoong pangyayari. Bakit kay Bobby ay nagparaya siya?

        “N-nabigla ako,” pagdadahilan niya. “Hindi ko na alam ang gagawin ko.”

        “Tama ang instincts ko,” tuwang-tuwang sabi ni Direk Caloy. “Malaki ang tiwala mo sa ka-loveteam mo kaya sumunod ka sa lead niya kahit na hindi natin napag-usapan iyon. Lumabas tuloy na mas spontaneous ang eksena. Mas totoo. At mas nakakakilig.”

        “I’m so sorry,” sabi uli ni Bobby sa kanya. “Okay ka na ba?”

        Lumunok siya at pilit na tumango.

        “O-okay na,” sagot niya.

        Kahit kinukuryente pa pati kanyang mga talampakan.

 

MABILIS na uminit ang tambalang Francesca Fortuna at Bobby Bauzon. Agad silang itinampok ng mga kolumnista at reporter na nakapanod ng media preview sa mga artikulo, kolum at show ng mga ito.

        Kabi-kabila ang mga pangungumbida sa kanila na mag-guest sa radyo at telebisyon. Sunud-sunod ang mga interview.

        Siyempre pa, sa ganda ng publicity ay pumutok sa takilya ang “Cindy, My Love.” Kahit wala pang pagbabatayan ang mga manonood ay sumugal ang mga ito ng pambili ng tiket sa sinehan para mapurbahan ang pinakabagong loveteam sa showbusiness.

        Hindi naman nabigo ang mga manonood. Kung ibabatay lang sa mga tiliang narinig sa loob ng sinehan sa bawat palabas ng pelikula ay masasabing may bago na ngang prinsipe at prinsesa ang box office. Lahat ng ininterbyu paglabas ng sinehan ay nagpahayag ng paghanga kina Francesca at Bobby. Marami ang nagpahayag ng interes na magtayo ng fan club.

        “Kahit inihanda na tayo nina Woodsy sa mangyayaring ganito, iba pala kapag totohanan na,” pagtatapat ni Francesca sa kapareha. “Nakakatuwa na nakakatakot. Pakiramdam ko, ibang tao iyong Francesca Fortuna na tinitilian ng mga fans.”

        “Okay lang ‘yon,” sagot ni Bobby. “That’s healthy. Kailangan din talaga nating dumistansiya nang kaunti sa nangyayari. Kung hindi, baka masyadong lumaki ang ulo natin. Tandaan mo, trabaho lang ito. Ibibigay natin sa kanila ang lahat ng ating makakaya sa pelikula pero hindi kasama roon ang ating pagkatao at kaluluwa. Kailangang magtira tayo ng personal space para sa ating mga sarili.”

        “Mabuti na lang, napagpayuhan mo ako,” sabi ng dalaga. “Kayo nina Alice at Woodsy. Kung hindi, baka maloka ako sa bagong mundong ito.”

        “I’ll always be here for you, alam mo ‘yan,” pangako ng katambal.

        At lagi naman iyong napatunayan ni Francesca.

        Hindi pa nangyaring kinailangan niya si Bobby at wala ito sa tabi niya. Sinusundo at inihahatid pa siya nito sa sariling van sa bawat pagge-guest nila sa anumang show sa kahit na anong lakad nila bilang magka-loveteam. Halos nababalewala na nga tuloy ang van na pagamit sa kanya ng Grande.

        Sa mga taping, ipinagbabaon siya nito ng espesyal na pagkain at inumin kahit na may pagkain naman sa set.

        Sa mga interview, lagi itong nakaalalay sa kanya, sinasalo ang mga maintrigang katanungan. Hindi siya hinahayaang magipit o maisahan.

        “How would you rate Bobby as a partner in your loveteam?” tanong sa kanya ng isang reporter.

        “He’s perfect,” makatotohanan niyang sagot. “Wala na akong mahihiling pa.”

        Pero ang totoo niyon, may isang bagay na gustung-gusto sana niyang hingin sa Diyos. Iyong ligawan siya ni Bobby.

        Sa kabila kasi ng lahat ng kabutihang ipinakikita sa kanya ng binata, ni minsan ay wala itong ginawang masasabi niyang hayagang panliligaw. Hindi tuloy niya malaman kung gusto rin siya nito o kung sadyang mabait lang ito at maasikaso. The perfect gentleman.

        Sa mga interview, madalas itong tanungin kung nanliligaw ba sa kanya.

        “Ayaw ni Woodsy at ni Boss Bernie ng ganyan,” nakangiting sagot lagi ng binata. “Kasisimula pa lang ng career namin. Kailangang mag-concentrate muna kami sa trabaho. Tutal naman, magkasama kami araw-araw. Ano pa ba ang hahanapin ko?”

        “Baka naman mag-M.U. na kayo?” tanong ng iba.

        “Talagang malalim ang understanding namin ni Francesca sa isa’t isa,” sagot naman ni Bobby.

        Gusto sana niyang hilingin sa Diyos na ilinaw na ni Bobby sa kanya ang tunay na damdamin nito.

        Sa kabilang banda’y ayaw rin niyang malaman ang totoo. Paano nga kasi kung hindi naman siya mahal ng katambal?

        Parang mas gusto na muna niyang manatiling nangangarap habang nag-e-enjoy sa piling ni Bobby.

 

SINUNDAN agad ng Grande Films ang “Cindy, My Love.” Hindi lang isa kundi tatlong magkakasunod na pelikula. Pareho pa rin ang formula. Magkakaiba lang siyempre ng kuwento. At bawat isa ay mas lalo pang hinigitan ang kita ng sinundan. Dumami pang lalo ang kanilang fans.

        Pero kasabay niyon, tumindi rin ang intriga.

        Nakalkal ang tungkol sa pamilya ni Francesca. Ang tungkol sa away nila ng mga Lolo’t Lola niya.

        “Pati ba naman iyon?” angal niya kay Bobby.

        “Talagang maghahanap at maghahanap ng alingasngas ang mga iyan,” sagot nito. “Paano mo ba gustong sagutin? Susuportahan kita.”

        “Magsasabi lang ako ng totoo,” pasya ng dalaga.

        Iyon nga ang ginawa niya. Inihayag na niya ang lahat magmula sa paghihiwalay ng kanyang mga magulang, sa pagkakaroon ng mga ito ng kanya-kanyang pamilya, sa paglaki niya sa Cebu sa piling ng mga Lolo’t Lola, at ang pag-ayaw ng mga ito sa kanyang pag-aartista.

        Pero hindi niya idiniin ang dalawang matanda. Wala siyang sinabi tungkol sa sobrang kahigpitan ng mga ito sa kanya. Sa ginawang pagdodomina ng lolo niya sa kanya.

        “Nagawa mong suwayin ang kagustuhan ng iyong Lolo’t Lola para lang ituloy ang pag-aartista?” parang pang-aakusa ng isang reporter sa kanya. “Kahit sila ang nagpalaki sa iyo?”

        “Nasa edad na ako noong magpasya akong mag-artista,” kalmadong sagot ni Francesca. “Bago nangyari iyon, napagbigyan ko na sila sa gusto nilang pagtulong ko sa real estate company ng pamilya. Hindi naman ako irreplaceable doon. Ang totoo nga niyan, hindi naman ako naging effective bilang real estate agent dahil hindi ko nga talaga hilig iyon. Palagay ko, karapatan ko ring tahakin ang sarili kong landas sa buhay. Ganoon din naman ang kikilalanin kong karapatan ng mga magiging anak ko balang araw. Hindi sila kailangang manatiling nakakabit sa saya ko.”

        May mga reporter pang nagtangkang mag-interbyu sa mga Lolo’t Lola niya sa Cebu, pero nabigo ang mga ito. Hindi nagsalita ang dalawang matanda.

        May ipinaabot si Bianca. Itinawag dito ng Mommy nila.

        “Galit na galit daw si Lolo. Ninerbiyos naman si Lola. Nadadamay pa raw sila ngayon sa mga intriga mo.”

        “Hindi ko naman ginusto iyon,” sagot niya.

        “Alam ko,” sabi ni Bianca. “Hayaan mo na lang sila. Kung hindi rin naman sila nag-over-react noon, e di wala rin sanang mailalabas na isyu na ganyan. Kaya kung tutuusin, sila rin ang may kagagawan niyon. Basta ikaw, cool ka lang diyan. Huwag kang magpapaapekto sa intriga.”

        “Di sa nangyaring ito, lalo sigurong nagalit si Mommy sa akin,” hula ni Francesca. “Hindi pa nga kami nakakapag-usap magmula noon.”

        Natawa si Bianca.

        “Uy, hindi ganoon,” sagot nito. “Kaya nga tawang-tawa ako, e. Imagine, thrilled na thrilled na si Mommy sa pagka-big star mo. Popular ka na raw kahit sa mga Pinoy sa Italy. At ipinagmamalaki naman niyang anak ka niya. O, kita mo na? Ngayon, siya pa nga itong nahihiya na tumawag sa iyo dahil baka raw sumbatan mo siya.”

        Gulat na gulat si Francesca.

        “Totoo, Ate?” sabi niya.

        “Totoo!” sagot ni Bee. “Pero I won’t blame you kung mainis ka. Dahil kung kailan sikat ka na, at saka lang siya nagkaganyan.”

        “N-no, okay lang iyon,” mabilis na sagot ni Francesca. “Hindi ko naman siya susumbatan, e. Ayoko lang talaga noon na mag-away kami sa phone dahil sa nangyari sa Cebu. Pero kung okay na sa kanya ang lahat, kung gusto niya akong tawagan, okay lang. Sana nga tumawag siya. Nahihiya akong mauna, e.”

        “Aba, sure, sasabihin ko agad sa kanya mamaya,” alistong pagpayag ni Bee. “Siguradong matutuwa iyon.”

        Pagkatapos ng saglit na patlang, may idinagdag ito.

        “Si Daddy rin, matagal ka nang gustong makausap. Actually, gusto ka niyang makita at makausap nang personal. Noon pang una kang dumating dito. Baka lang ‘ka ko hindi ka pa handa. Alam kong mas malaki ang tampo mo sa kanya.”

        Natigilan din si Francesca, pero sandali lang.

        “Malaki talaga ang tampo ko sa kanya, Ate,” amin niya. “Pero ewan ko ba, ngayong nabanggit mo siya, bigla kong naramdamang parang gusto ko na rin siyang makausap. Siguro nga, it’s time. Dapat ko na ring isaayos itong gap namin.”

        “Mabuti naman,” pabuntonghiningang sagot ni Bee. “Alam mo, naiintindihan kita, e. Talagang pinabayaan ka niya kina Lolo. Ako man ang nalagay sa lugar mo ay maghihinanakit din ako. Pero matagal na rin naman niyang pinagsisihan iyo. Lagi niyang naihihinga sa akin. Naduwag daw kasi siya kay Lolo. That doesn’t excuse him, I know. Hindi ko siya ipinagtatanggol, ha? Gusto ko lang na malaman mo kung ano ang developments sa side niya.”

        “Itanong mo kung kailan niya gustong magkita kami,” sabi ni Francesca. “Pipilitin kong isama sa schedule ko. Maiintindihan naman nina Woodsy, I’m sure.”

        “Tatawagan ko siya mamayang gabi,” sagot ni Bianca. “Silang dalawa ni Mommy.”

        “Thanks, Ate,” sabi ni Francesca. “Mabuti na lang, nandiyan ka. Ikaw ang nagsisilbing tulay ko sa pamilya.”

        “Dumaan din naman ako sa mga paghihinanakit na gaya mo,” amin ni Bee. “Kamuntik na ngang magkaloko-loko ang buhay ko noong biglaang nag-asawa uli si Mommy. Mabuti na lang, nauwi sa happy ending namin ng Kuya Paolo mo. Naku, mahabang kuwento iyon. One of these days, idedetalye ko sa iyo.”

        “Sige, Ate,” sabi niya. “Baka may matutunan ako sa mga pinagdaanan mo.”

        Kinabukasan din mismo ay tumawag na si Fiona kay Francesca.

        “Francesca, baby, I miss you so much,” umiiyak na bungad nito.

        Naiyak na rin ang dalaga.

        “I miss you, too, Mommy,” amin niya.

        Wala nang sumbatang naganap. Nagkuwentuhan na lang sila nang pagkatagal-tagal sa telepono.

        Nang sumunod na linggo, naganap naman ang unang pagkikita ni Francesca at ng ama niyang si Bert Fortuna sa loob ng halos dalawampung taon.

        Wala na ring sumbatang naganap. Nag-iyakan na lang at nagyakap ang mag-ama.

        Parang milagrong nabura ang mga hinanakit ni Francesca nang madama niya ang init ng yakap ng sariling ama. Nahugasan din ng mga luha nito ang lahat ng masasakit na alaala.

        Nagtanong siya ng tungkol sa kasalukuyan nitong buhay at sa pangalawang pamilya nito.

        “Gusto ko silang makilala, Dad,” sabi niya.

        Wala siyang nadaramang anumang panghihinawa sa bahaging iyon ng buhay ng Daddy niya. Siguro, dahil hindi naman niya nakasanayang angkinin ang atensiyon at pagmamahal nito.

        Ngayon, ang gusto lang niya ay mabuo nang kahit paano ang kakaiba niyang pamilya.

        Hindi nga ba’t nadala na rin ng Mommy niya sa Cebu ang pangalawa nitong asawa na si Gian?

        Masama pa nga ang loob niya noon kay Gian. Mas naging possessive siya sa Mommy niya. Pero sa kalaunan ay natanggap din niya ang sitwasyon.

        Siguro, kapag humupa na ang galit sa kanya ng Lolo niya ay magagawa na rin niyang bumisita sa dalawang matanda sa Cebu.

        Gusto niyang isa-isang maibalik sa ayos ang kanyang relasyon sa kanyang mga mahal sa buhay.

        Samantala, nakakapanatag na ng loob ang magkaayos sila ng Daddy at Mommy niya.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento