FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 9
PAGKATAPOS
mapuruhan si Francesca, si Bobby naman ang pinagdiskitahan ng mga movie
reporter.
Isang umaga, bigla na lang nagulat ang
lahat sa balitang ibinandera ng isang sikat na movie tabloid.
“Bobby Bauzon, May Itinatagong
Kolehiyala Girlfriend.”
Siyempre, hindi agad naniwala si
Francesca.
“Ano na namang paninira ito?” tanong
niya sa kanyang sarili.
Pero naapektuhan din siya nang mabasa
niya ang nilalaman ng balitang iyon.
Kumpirmado raw ng maraming tao ang
pagkakita kay Bobby sa iba’t ibang lugar sa iba’t ibang okasyon na may kasamang
magandang kolehiyala. Madalas sa isang mall sa Alabang. May mga nakakita rin sa
dalawa sa Makati. Kumakain sa mamahaling restaurant. Namimili sa mamahaling
designer boutique. Kung minsan ay suot pa raw ng babae ang uniporme ng isa sa
mga pinaka-eksklusibong pamantasang pambabae. At lagi raw dadalawa lang ang mga
ito, hindi bahagi ng isang grupo.
“Sino ang misteryosang babaing ito?”
tanong ng artikulo. “Ano siya sa buhay ni Bobby Bauzon? Itinatago ba siya
alang-alang sa tambalang Bobby-Francesca? Sino ang tunay na girlfriend ni
Bobby?”
Nanikip ang dibdib ni Francesca.
Ayaw pa rin sana niyang maniwala
hangga’t hindi niya naririnig ang pahayag mismo ni Bobby. Gayunpama’y hindi
niya naiwasan ang magduda. Ang matakot.
Paano kung totoo ang balita? Kung may
minamahal na nga si Bobby?
Hindi ang loveteam ang inaalala niya. Sa
mga sandaling iyon ay hindi man lang niya inisip ang magiging epekto ng balita
sa kanilang popularidad.
Personal ang tama kay Francesca. Diretso
sa kahinaan niya.
Takot at pagdududa pa lang ay umiiyak na
siya. Ang sakit-sakit na.
Tinawagan agad siya ni Woodsy.
“Nabasa mo na ba?” tanong nito.
Pilit niyang pinakalma ang kanyang boses.
“Siyempre,” sagot niya. “Alam mo namang
may subscription ako ng lahat ng movie publications. Nagmo-monitor din ako
araw-araw.”
“Huwag kang sasagot sa mga interview
sakaling tawagan ka riyan sa bahay. Sabihin mo, si Bobby ang tanungin. Wala
kang alam,” payo ni Woodsy.
“At iyon naman ang totoo,” sagot niya.
“E si Bobby, kumusta na?”
Hindi niya maitanong nang diretso kung
ano ang sagot nito sa balitang iyon.
“Galit,” sagot ni Woodsy. “Pinapakalma
ko nga muna, e. Pero magpapa-presscon tayo ngayong hapon. Mag-prepare ka na.
Ipasusundo kita nang ala-una para makapag-briefing muna tayo sa opisina.”
Nagulat si Francesca nang si Bobby uli
ang sumundo sa kanya.
“Bakit nag-abala ka pa?” tanong niya
rito. “Puwede naman akong sunduin ni Mang Juan. Alam kong marami kang iniisip
ngayon.”
“Ngayon ko pa ba sisirain ang routine
natin?” sagot nito. “Magpapaapekto ba tayo sa kanila?”
“That’s not what I meant,” paliwanag ng
dalaga. “Alam mo namang lagi kitang susuportahan nang one hundred percent, tulad
din ng ginagawa mong pagsuporta sa akin. Kaya nga naisip kong dapat ay
nagre-relax ka ngayon at nagpapalipas ng init ng ulo sa halip na sumusundo sa
akin.”
“Mas mare-relax nga ako nito, e,” sagot
ni Bobby.
Marami siyang gustong itanong sa
katambal pero hindi niya magawa. Nanahimik na lang si Francesca at nakiramdam.
“I’m sorry kung nalagay sa alanganin ang
loveteam natin dahil sa balita,” sabi ng binata.
“Sus, that’s the least of my concerns,”
makatotohanang sagot niya. “Para namang hindi mo ako kilala.”
“Pero bothered ka,” giit ni Bobby. “Nase-sense
ko.”
Kinabahan si Francesca.
“Siyempre, bothered ako dahil tinitira
ka nila,” pagdadahilan niya. “Katatapos ko lang sa ganyan, hindi ba? I know how
it feels.”
“Mas below the belt ang tira nila sa
akin,” iling ni Bobby. “Kunsabagay, mas mabuti nang ako ang banatan nila nang
ganito kaysa ikaw.”
Pero wala pa ring ipinagtatapat o
nililinaw ito sa kanya.
Maging sa briefing nila na kasama sina
Woodsy at Alice ay walang binitiwang statement ang binata.
Hindi rin naman nangulit sina Alice at
Woodsy.
“Basta’t pangalagaan ninyo ang
loveteam,” bilin lang ng manager ko bago sila pumunta sa conference room.
Pagdating tuloy sa presscon, pati si
Francesca ay sabik na sabik na marinig ang isasagot ni Bobby sa mga tanong ng
mga reporter.
“Totoo ba na may itinatago kang
girlfriend?”
“Wala akong girlfriend,” matatag na
sagot ng binata. “Kaya wala akong maitatago.”
“So, sino itong misteryosang babaing
nakikita ng marami na kasama mo?”
“Sino nga ba?” pagkikibit-balikat ni
Bobby. “Marami akong mga pinsang babae. Show me a picture of this mystery lady
so I can identify her. Kung lugar at petsa naman, baka mahirapan akong
mag-recall kung sino nga ba ang kasama ko sa petsang iyon at sa lugar na iyon.
Wala naman akong diary kung saan naka-record ang lahat ng iyan.”
“Siguro naman, hindi ganoon karami ang
pinsan o kaibigan mo na taga-Assumption. Nakita ng marami na naka-uniform ang
kolehiyalang kasama mo.”
“Actually, may lima akong pinsan sa
Assumption at mas marami pang kaibigan na nag-aaral doon,” sagot ni Bobby.
“Maganda raw, mestisahin at sexy.”
“That describes almost all of them,”
sagot ni Bobby.
“So, kung may makakakuha ng picture
ninyo na magkasama, willing ka na ma-identify siya?”
“Pero ngayon pa lang, I’m also issuing a
warning,” seryosong pahayag ng binata. “Mahalaga sa akin ang aking privacy.
Kapag nasa labas ako at may kasamang babae, at hindi pang-showbiz ang lakad ko,
huwag naman sanang maging bastos ang kung sino man diyan para basta na lang
kami kukunan ng litraro. Hindi ako mangingiming mambastos din kapag ganoon ang
nangyari. Lalaban ako nang patas.”
Maraming nagtaasang mga kilay sa mga
salitang iyon.
“Ibig sabihin, lumalabas ka pa rin na may
kasamang ibang babae bukod kay Francesca?”
“Pareho naman kaming may karapatang
lumabas na kasama ang kahit sino, hindi ba?” sagot ni Bobby.
“Sinasabi mo categorically na wala
kayong relasyon ni Francesca?”
“Ilang ulit na naming sinagot iyan,”
iling ni Bobby. “Kayo lang naman ang ayaw maniwala. Espesyal ang pagkakaibigan
namin ni Francesca. Higit pa sa mag-bestfriends. Pero hindi tulad ng gusto
ninyong palabasin.”
“Hindi kaya manabang ang fans ninyo sa
inyong loveteam dahil sa balitang ito?”
“Matalino ang fans,” kampanteng sagot ni
Bobby. “Hindi sila ganoon kadaling maimpluwensiyahan. Wala namang nabago sa
pagitan namin ni Francesca. Walang mababawas sa aming pakikitungo sa isa’t isa
o sa aming trabaho. Hindi dapat maapektuhan ng ganitong intriga ang aming
loveteam.”
Si Francesca naman ang binalingan ng mga
reporter.
“Hindi ka ba nainsulto at nasaktan sa
balita?”
Handa na siya sa ganoong mga tanong.
“Of course not,” iling niya. “Wala
namang kinalaman iyon sa trabaho namin ni Bobby, o maging sa pagkakaibigan
namin.”
“Kung totoong more than best friends
kayo, dapat sana’y alam mo ang tungkol sa mystery lady na ito. Ano’ng masasabi
mo?”
“Wala akong masasabi dahil hindi ako
sangkot sa isyung ito,” sagot niya. “Si Bobby lang ang may karapatang magsalita
tungkol dito. But I support him fully. Wala kaming problema sa bagay na ito.”
Natapos nang ganoon ang press
conference.
Halatang hindi kumbinsido ang mga
reporter. Maraming nakaismid o ngingiti-ngiti nang parang nakakaloko.
Ganoon din naman ang nararamdaman ni
Francesca.
Masamang-masama ang loob niya. Paano’y
nababasa niya sa mga pahayag ni Bobby na may itinatago nga ito.
Sapul na sapul ang maselan na niyang
damdain ng sinabi ng isang reporter na, “Kung totoong more than best friends
kayo, dapat sana’y alam mo ang tungkol sa mystery lady na ito.”
Hindi nga pala totoong naikuwento na ni
Bobby sa kanya ang lahat-lahat tungkol sa buhay nito.
Sabi nga ng binata kanina, mahalaga rito
ang privacy.
Wala na siyang karapatang panghimasukan
pa ang ayaw na nitong ibahagi sa kanya.
At malamang ay totoo nga ang balita. May
inililihim na girlfriend si Bobby. Kung hindi ay ano pa nga ba ang itatago
nito? Kung kamag-anak o kaibigan lang ang babaing iyon ay kaydaling
magpaliwanag sa madla. Puwede pa ngang iharap mismo sa media ang naturang babae
para magpahayag ng katotohanan.
Sa halip ay kung anu-anong pag-iwas at pagpapalusot
pa ang ginawa ng binata. Na lalo lang nagpatingkad sa pagdududa ng lahat.
Gustung-gusto nang maiyak ni Francesca.
Pero mahusay na rin pala siyang artista.
Dahil nagawa pa niyang magpakita ng magandang mukha sa lahat, maging hanggang sa
ihatid siya uli ni Bobby pauwi.
“They didn’t buy it,” bulalas ng binata
nang nagkakasarinlan na sila sa van nito. “Alam kong hindi sila naniwala sa
akin.”
“Hayaan mo na sila,” sagot niya. “You
have the right to your privacy.”
Sinulyapan siya nito.
“Ito na iyong sinasabi ko sa iyo noon –
noong nagdedesisyon ka pa lang sa Cebu. Magulo ang showbusiness. Malupit.
You’re better off away from it.”
“Nandito na ako, e,” pagkikibit-balikat
niya. “Babalikatin ko na ang lahat.”
“Kapag nagkaanak ako, sana naman, huwag magkahilig
sa pag-aartista,” parang panalangin ng binata.
“Pero bakit ka pa nag-artista kung
ganyan ang tingin mo sa showbiz?” pagtataka ni Francesca.
“Panandalian lang ito,” sagot ni Bobby.
“Gusto ko lang makapag-ipon para makapagtayo ako ng sarili kong business. Hindi
naman talaga pangmatagalan ang mga loveteam na tulad natin, e. Kailangang
mag-ipon tayo habang malakas pa ang kita.”
Lalong nanlata si Francesca.
Bago siya iniwan ng binata sa pinto ng
kanyang apartment, nagpasalamat ito.
“Thanks for everything.”
“Ginagawa ko lang naman ang nararapat,”
sagot niya, “bilang professional partner mo.”
Pero pag-alis ni Bobby ay nawalang lahat
ang propesyunalismong iyon. Dahil umiyak na nang umiyak si Francesca.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento