FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
ABAKADA NG PAG-IBIG: FRANCESCA
by Maia
Jose
Copyright Maria Teresa
C. San Diego
All Rights Reserved
Published in print by Valentine
Romances
Books for Pleasure,
Inc.
First printing 1998
ISBN: 971-502-888-8
TEASER:
Nag-artista si Francesca at na-in love sa
ka-loveteam na si Bobby Bauzon. Mabait ito at maasikaso pero hindi naman siya
niligawan. Lumabas pa sa showbiz magazines na may itinatago raw itong girlfriend
na kolehiyala.
Madali para kay Francesca ang humarap sa camera dahil totoo ang damdaming kanyang ipinapakita. Pero naging napakasakit para sa kanya ang isiping umaarte lang si Bobby sa tuwing sinasabi sa bawat eksena na minamahal siya.
CHAPTER 1
IKAWALO
pa lamang ng umaga at kabubukas lang ni Francesca ng kanilang real estate booth
sa bukana ng Emerald View Resort sa Cebu.
Napabuntonghininga ang dalaga.
“Isa na namang nakakabagot na araw,”
bulong niya sa sarili.
Palibhasa’y tapos na ang tag-init ay
halos wala nang dumadayo sa naturang resort. At lalong wala nang nagagawi sa
maliit na booth ng Golden Vista Real Estate Company.
Kung ilang ulit na ngang kinukumbinse ni
Francesca ang Lolo Frank niya na isara na muna ang booth nila sa Emerald. O
kaya’y palitan man lang siya ng ibang ahente sa pagbabantay roon.
Pero hindi pumayag ang matanda.
Hindi na siya nadala. Kailan ba naman
siya nanalo sa diskusyon sa lolo’t lola niya? O maging sa mommy niya?
Lagi namang ganoon. Sunud-sunuran siya
sa kagustuhan ng kanyang pamilya. Sila raw ang higit na nakakaalam sa ikabubuti
niya.
Lolo niya ang pumili ng kurso niyang
Business Management. Pagka-graduate naman niya noong isang taon ay agad siyang
itinalaga nito sa sariling real estate company. Walang kahit anong posibilidad na magtrabaho siya sa
ibang larangan o kompanya.
Muli, may kumirot sa puso ni Francesca
sa alaalang iyon. Pero pilit niyang ibinaon uli ang nagising na emosyon. Natuto
na siyang huwag pagbigyan ang sarili na mag-self pity. Wala rin namang
mangyayari. Magiging miserable lang ang araw niya.
Konsolasyon na niyang kumportable naman
ang maliit niyang booth. Hindi iyon katulad ng ibang mga di-permanenteng
istruktura na kadalasang itinatayo ng mga real estate agencies sa tabi ng daan.
Palibhasa’y opisyal na marketing arm ng
Emerald View Resort ang Golden Vista Real Estate Company, binigyan sila ng
maliit na puwesto sa mismong bukana ng marangyang lobby nito. Kaya naman kahit
tatlong metro kuwadrado lang ang booth na iyon ay air-conditioned naman at
de-carpet.
May babaing pumasok sa lobby. Pinay. Mga
kaedad lang niya. Nag-iisa.
Nakapantalong maong at polo na nakalilis ang mga manggas. Naka-moccasins.
Mabilis na umikot ang paningin nito sa
lobby. At tumigil sa poster na nakapaskel sa gilid ng booth ni Francesca.
Do
you want to be a lifetime member of the Emerald View Resort Club?
Or
do you want to own a cottage by the sea?
Please
inquire here.
We’ll
be happy to help you.
Lumipat ang tingin ng babae sa kanya.
Ngumiti si Francesca.
“Yes? May I help you?” tanong niya nang
agad itong lumapit.
Naupo ang babae sa silyang nasa harap ng
mesa niya.
“Taga-Grande Films ako,” nakangiti ring
sagot ng babae. “Mag-i-inquire sana ako kung paano ang puwedeng arrangement if
we shoot some parts of our latest movie here. Puwede bang makipag-exchange
deal? I mean, puwede bang wala nang charges dahil magkakaroon naman kayo ng free
advertising sa pelikula?”
Napakurap si Francesca.
“Grande Films?” ulit niya. “Shooting?”
Bagung-bago sa kanya ang konseptong
iyon. At exciting.
Hindi pa siya nakakapanood ng shooting.
Hindi pa rin siya nakakakita ng artista sa personal.
Maunawain naman ang ngiti ng babaing
kaharap niya. Halatang sanay na sa reaksiyong tulad ng sa kanya.
“Pelikula nina Laila Gomez at Robert
Bauzon,” paliwanag nito. “Introducing their son, Bobby Bauzon. Finally,
mag-aartista na rin si Bobby.”
“Buong pamilya?” nangingislap ang mga
matang singhap ni Francesca. “Wow! Idol ko sina Laila at Robert, noong araw pa.
Ang gagaling nila. At saka nakakatuwa ang love story nila. Ang tibay. Hindi
tulad ng ibang marriages sa showbiz.”
Hindi niya idinugtong na hindi tulad ng
mga magulang niyang naghiwalay noong maliit pa siyang bata.
Halos kaedad ng mga magulang ni
Francesca ang mga sikat na artistang sina Laila Gomez at Robert Bauzon. At noon
pa ma’y naging parang fairy tale na sa kanya ang magandang kuwento ng pag-ibig
ng magka-loveteam na nagkatuluyan at nakapagmintine ng maligayang pagsasama sa
kalagitnaan ng kaguluhan ng showbiz.
Ang alam nga niya ay matanda lang sa
kanya nang kaunti ang kaisa-isang anak ng mga ito na si Bobby Bauzon. At kahit
hindi naman nag-artista ang binata ay nasundan niya ang maraming write-ups
tungkol dito. Para sa kanya’y parang isang napakasuwerteng prinsipe si Bobby.
Ngayo’y mag-aartista na rin pala ito.
Tumango ang babaing kaharap niya.
“Family affair ang pelikulang ito,”
sagot nito.
“I’m sure na maganda ang kalalabasan
niyan,” tango rin ni Francesca. “Panonoorin ko.”
Natawa ang kaharap niya.
“Bago mo mapanood, kailangan munang
matapos na i-shoot,” paalala nito. “Paano? Puwede ba iyong proposal ko? Puwede
ba kaming mag-shoot dito nang exchange deal?”
“Ay, naku, sorry,” sagot niya. “Hindi ko
na sakop iyan, e. Wala akong authority para sagutin ka riyan. Pero alam ko kung
sino ang puwede mong lapitan. Dito rin naman nag-oopisina ang magkapatid na
nagma-manage nitong resort. Mga anak sila ng may-ari nito. Sina Ma’am Loida at
Ma’am Luisa Ferales. Ang suggestion ko, kay Ma’am Luisa ka lumapit. Mas bata
siya at mas approachable. Maya-maya lang darating na iyon.”
“Ganoon ba?” sagot ng babae.
“Sasamahan kitang lumapit sa kanya,”
pagbuboluntaryo ni Francesca. “Madaling kausapin iyon. Walang kaere-ere.”
“Sige, thank you,” sagot ng babae.
“Teka, kanina pa tayo nag-uusap pero hindi pa nga pala tayo magkakilala. I’m
Alice. Alice De Vera.”
“Francesca,” sabi naman niya. “Francesca
Fortuna.”
“Ay, ang sosyal naman ng pangalan mo,”
pansin ni Alice. “I like it. Francesca Fortuna. Iba ang dating, ha? Pero bagay
naman sa beauty mo.”
Natawa lang siya.
“Ang sarap naman ng trabaho mo,”
pag-iiba niya ng paksa. “Napaka-exciting.”
Nagkibit-balikat si Alice.
“Exciting, oo,” sagot nito. “Pero
napaka-demanding din. Gaya nito, bigla na lang akong pinalipad dito para
mag-scout ng mga location. Ora-orada. Kailangang makakuha ako ng lahat ng
necessary permits within three days. Ay, nakakaloka.”
Inggit na inggit si Francesca sa inirereklamong
trabaho ng kaharap niya. Marami pa siyang gustong itanong pero namataan na
niyang tumigil sa may entrance ng lobby ang itim na Mercedes Benz ni Luisa
Ferales.
“Nandiyan na si Ma’am Luisa,” sabi niya
kay Alice.
WALA
pang kalahating oras ay palabas na uli ng tanggapan ni Luisa Ferales sina
Francesca at Alice.
“I can’t believe it,” iling ng dalagang
taga-Grande Films. “Napakadali naman pala talang kausapin ni Ms. Ferales.
Walang kuskos-balungos.”
“Mabait talaga iyon,” sagot ni Francesca.
“At saka magaling sa business. Nakita agad niyang maganda ang deal na ino-offer
ninyo. Malaking publicity para sa Emerald ang maging setting ng mga major
scenes sa pelikula nina Robert Bauzon at Laila Gomez. Makakahatak iyon ng maraming
guests sa resort sa susunod na bakasyon.”
“Thank you sa tulong mo, ha?” sabi ni
Alice.
“Sus, wala iyon,” nahihiyang sagot ni
Francesca, sabay kumpas ng kamay. “Mabuti nga at dumating ka. Bored na bored na
ako sa kauupo roon sa puwesto ko. Lagi namang maghapon lang akong nakatanga. At
least, ngayon, nagkabuhay ang umaga ko.”
“Alam mo, nanghihinayang ako sa iyo,”
sabi ni Alice. “With your looks and your personality, hindi ka bagay na
nakatanga lang diyan at at naghihintay ng mapapadaang kliyente para sa inyong
real estate company. Ang dapat sa iyo, mas challenging na career. Malayo pa ang
mararating mo.”
Nangiti nang alanganin si Francesca.
Ngiting kinapapalooban ng lahat ng kanyang mga pangarap na matagal nang nabigo.
Naglabas ng calling card si Alice.
“Ito ang office address at phone number
ko sa Maynila,” sabi nito. “Tawagan mo ako sakaling mapasyal ka roon.
Matutulungan kita kung maiisipan mong maghanap ng trabaho roon. At saka
pagbalik ko rito, kapag nag-shooting kami, kukumbidahin kita, ha? Isasama kita
sa mga gimik ng tropa.”
“Talaga?” tuwang-tuwang sambit ni
Francesca. “Sige, thank you, ha?”
ISANG
buwan pa ang nagdaan bago nakabalik sa Cebu si Alice.
Parang kaytagal ng isang buwang iyon.
Paano, araw-araw ay inaabangan ni Francesca ang pagbabalik ng bagong kaibigan. Sabik
na sabik siyang muling magkaroon ng excitement ang kanyang boring na buhay. At
inaasahan niyang napakaraming exciting na mga bagay ang magaganap kapag
dumating na ang tropa ng Grande Films.
Hanggang doon lang naman ang kaya niyang
asahan. Iyong pangako ni Alice na isasama siya sa gimik ng grupo. Iyon lang ay
napakalaking bagay na sa kanya.
Iyong isang nabanggit nito – iyong
tungkol sa pagtatrabaho sa Maynila – hindi na niya pinag-aaksayahang pag-isipan
pa. Alam naman niyang hindi mangyayari. Hindi siya papayagan ng lolo’t lola
niya.
Nang muling sumipot si Alice sa lobby ng
Emerald, kamuntik nang mapatili si Francesca sa tuwa.
“Hi!” sa halip ay pagbati niya sa
kaibigan. “Ano, tuloy na ba ang shooting ninyo?”
“Oo,” tango nito. “Ayan, kasunod ko na silang
lahat. Dumiretso na kami rito mula sa airport.”
May tatlong malalaking van na tumigil sa
tapat ng lobby.
“Nandiyan na sina Laila Gomez at Robert
Bauzon?” namimilog ang mga matang tanong ni Francesca.
“Pati si Bobby,” sagot ni Alice. “Teka
lang, ha, excuse me muna. Aayusin ko lang ang pag-check in namin. Pero
babalikan kita mamaya. Hanggang five ka naman dito, hindi ba?”
“Oo,” alistong tango niya.
“Huwag kang uuwi agad, ha?” bilin ni
Alice. “Iti-treat kita. At saka ipapakilala kita sa tropa. Baka kung bababa uli
sina Bobby mula sa rooms nila, maipakilala na rin kita agad sa kanya. Kung
hindi naman, siguradong maipapakilala kita sa kanila sa mga susunod na araw.
Four days naman kami dito.”
“Naku, sige,” tango uli ni Francesca.
Iniwan na siya ni Alice.
Dumako naman ang tingin niya sa mga
nagsisipag-ibis mula sa tatlong sasakyan.
Marami palang kasama sa tropang sinasabi
ni Alice. Mga mahigit tatlumpung tao siguro ang naglabu-labo sa labas ng lobby.
Pero hindi nahirapan si Francesca na mamataan
ang dalawang taong hinahanap niya. Napakadali namang makilala ang mga sikat na
sina Laila Gomez at Robert Bauzon.
Nakaakbay si Robert kay Laila.
Nagtatawanan ang dalawa. Larawan ng maligayang mag-asawa.
Napabuntonghininga si Francesca. Ang sarap namang panoorin ng ganoon. Mas
masarap siguro kung sarili mong mga magulang ang nasasaksihan mo nang ganoon.
Parang kinurot ang puso niya.
May lumapit sa mag-asawa. Nakipagtawanan
din. Lalaki. Binata – iyon ang unang impresyon niya. At kayguwapo. Maaliwalas
ang mukha. Matangkad din at matikas ang pangangatawan. Kitang-kita sa suot
nitong simpleng t-shirt na walang kuwelyo at pantalong maong na parehong
namimintog sa siksik na kalamnan.
Napaawang ang mga labi ni Francesca.
Nakalimutan niyang bigla ang kanyang
pagkakilig kina Laila at Robert.
Ang buong pagkatao niya ngayo’y wala
nang ibang pinagtutuunan ng atensyon kundi ang binatang alam niyang walang iba
kundi si Bobby Bauzon.
Tunay nga palang para itong prinsipe.
At sa kauna-unahang pagkakataon ay nadama ni Francesca kung paano matuliro sa isang lalaki.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento