Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Biyernes, Marso 31, 2023

Abakada ng Pag-ibig: GWEN Chapter 10

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 10

KINABUKASAN, si Lyon naman ang may hiniling.

        “Tawagan natin si Mommy Es. Sabihin nating a-absent tayo ngayon. May pagdadalhan ako sa iyo.”

        “Saan?” tanong ni Gwen.

        “Ipapakilala kita sa isa pang pinakamahalagang tao sa buhay ko,” sagot ng katipan. “Si Julianna. My younger sister.”

        Napataas ang kilay ng dalaga.

        “May kapatid ka?” gulat na sabi niya. “Hindi mo iyan nababanggit sa akin.”

        “Hindi ko siya binabanggit kaninuman,” sagot ni Lyon. “Ayoko kasing maugnay ang pangalan niya sa akin. Ayokong madamay siya sa masamang reputasyon ko. I was trying to protect her. It’s bad enough na anak rin siya ni King Llamanzares.”

        “Naroon pa rin ba siya sa Daddy ninyo?” tanong ni Gwen.

        Umiling si Lyon.

        “Noong mamatay si Mommy, inilagay na siya ni Daddy sa mga madre,” paliwanag nito. “Alam ko, ginawa lang niya iyon para makaligtas sa responsibilidad ng pag-aasikaso kay Julianna. Second year high school pa lang kasi si Jolen noon. Six years ago. Masakit sa akin na magkahiwalay kami pero naisip kong mas makabubuti na rin sa kanya iyon – lalo pa dahil balak ko rin namang umalis sa amin. Ayokong maiwan siya kay Daddy at sa babae ni Daddy. Dinadalaw-dalaw ko na lang siya sa kumbento.”

        “Pinagmadre siya?” sambit ni Gwen.

        “Hindi naman,” iling ni Lyon. “Bale ininterna lang. Parang permanent boarder. Doon din kasi siya nag-aaral, sa Colegio de Sta. Maria. Graduating na nga siya sa college this year.”

        “Aah...” tango ni Gwen.

        “Matagal kaming hindi nagkita noong abroad ako,” pagkukuwento pa ni Lyon. “Sinusulatan ko lang siya. Kaya nitong pagbalik natin, siniguro kong napupuntahan ko siya nang once a week. Lumalabas kami kapag free period niya.”

        Lumiwanag ang mukha ni Gwen.

        “So... doon ka pala pumupunta kapag nawawala ka,” sabi niya.

        Para siyang nabunutan ng tinik sa dibdib.

        Napakunot-noo si Lyon.

        “Bakit, ano ba sa akala mo ang ginagawa ko sa mga araw na iyon?” tanong nito.

        “W-wala,” iling ni Gwen. “Hindi ko nga alam, e. At ayokong isipin. Alam ko namang wala akong karapatang mag-usisa noon.”

        “Nagseselos ka na pala sa lagay na iyon,” kantiyaw ni Lyon.

        “Hindi naman selos, ano?” irap si Gwen. “Pero inaamin ko, naapektuhan ako. Mas pa dahil parang may itinatago kang sikreto. Lalo kong naramdaman na hindi ako ganap na bahagi ng buhay mo.”

        Kinabig siya ni Lyon at niyakap nang mahigpit.

        “I’m sorry,” sabi nito. “Hindi ko sinasadyang saktan ka nang ganoon. Kung alam mo lang – araw-araw ay nanghihinayang ako na hindi ako karapat-dapat sa iyo. Everytime we made love, tinatanong ko ang aking sarili kung paanong nangyari na narito ka sa mga bisig ko. At pagkatapos, nagtatalo ako kung pananatilihin ba kita o palalayain na bago maging huli ang lahat. Nanaig ang pag-ibig at pagmamalasakit ko sa iyo kaya tinangka kitang itaboy. I thought that would be best for you.”

        “Pero ngayon, alam mo nang ikaw ang makapagpapaligaya sa akin,” nakangiting paalala ni Gwen. “And I’m so happy to know that you love me, too. Na bahagi na tayo ng buhay ng isa’t isa.”

        “One heart, one soul, and one life,” sabi ni Lyon. “For always.”

 

GULAT na gulat din si Julianna nang ipakilala ni Lyon dito si Gwen.

        “Jolen, si Gwen. My bride-to-be. Your new sister.”

        Namula’t na-conscious si Gwen.

        “Really?” sabi naman ni Julianna bago siya niyakap at hinagkan sa pisngi.

        “Oh, I’m so glad to meet you,” sabi nito. “Finally, na-in love na rin ang big brother ko. Magpapakatino na.”

        Natawa si Gwen.

        Pinandilatan naman ni Lyon ang kapatid.

        “Anong magpapakatino?” sabi nito. “Ikaw, ha? Wala ka nang pakundangan sa Kuya mo.”

        Umirap si Julianna.

        “Totoo naman kasing noon pa kita inaawat sa lifestyle mong bulok pero ayaw mong makinig sa akin,” sagot nito. “Ipinagdasal ko na lang tuloy na makatagpo mo ang iyong katapat – ang babaing magpapaibig at makakapagpabago sa iyo. Kita mo, effective ang dasal ko.”

        “Paano naman kasi, kumbaga sa telepono, direct dial ka,” biro ni Gwen. “At dito ka pa mismo tumatawag mula sa central.”

        Tawanan sila.

        “Seriously, Kuya, bakit hindi mo man lang nababanggit noon sa akin si Gwen?” pagtataka ni Jolen. “Kahit noong past few months man lang.”

        “Hindi ko kasi akalain na papasa ako sa kanya, e.” sagot ng binata. “Ayokong paasahin ka sa wala.

        “Walang bilib sa sarili niya itong kapatid mo,” sabi ni Gwen.”

        Ngumiti si Julianna.

        “I knew all along that the right woman would be able to see all his hidden qualities,” sabi nito. “At ikaw na nga iyon, Ate Gwen.”

        “Naku, huwag mo na nga akong tatawaging Ate,” saway ni Gwen sa magiging hipag. “Isang taon lang ang tanda ko sa iyo. Hindi ako kasingtanda nitong kuya mo.”

        “Sinasabi ko na nga ba’t pagkakaisahan ninyo ako kapag nagkakilala na kayo, e,” napapailing na reklamo ni Lyon.

        Tawanan sina Gwen at Jolen.

        “So, kailan ang kasalan?” tanong ni Julianna pagkaraka.

        “The soonest time possible,” sagot ni Lyon.

        “Simpleng kasal lang kasi ang gusto namin,” dagdag ni Gwen. “Nabanggit nga ni Lyon na puwedeng dito gawin sa chapel ng kumbento. Tayu-tayo lang. Iyong mga kasamahan lang namin sa Kabuhayan  project ang kumbidado.”

        “Aba, puwedeng-puwede rito,” tango agad ni Julianna. “Matutuwa nga niyan sina Mother Superior. Maluwag naman ang garden. Puwede nating gawin doon ang reception. Mabuti’t hindi tag-ulan ngayon.”

        Pagkatapos, biglang nalambungan ng kalungkutan ang mukha nito.

        “Si Daddy...?” tanong nito sa kapatid.

        Sumeryoso rin ang mukha ni Lyon.

        “Tulad ng sinabi ni Gwen, tayu-tayo lang muna,” sagot nito. “Pareho kaming may mga problema pa sa pamilya, e.”

        “H-hindi tinatanggap ng pamilya ko si Lyon,” pagtatapat ni Gwen. “Kaya umalis ako sa amin.”

        Naglahad ng kamay si Julianna sa magiging hipag.

        “Maaayos din ang lahat ng ito,” panatag na sabi ng dalaga. “Idadalangin ko.”

 

LIBAN sa kasal, may isa pang proposisyong inihain si Lyon.

        “Naaalala mo iyong sinabi ko sa iyo na may trust fund na iniwan ang mga Lolo’t Lola ko para sa akin?” sabi nito sa katipan. “May naiisip akong business na puwedeng pondohan mula roon.”

        “Anong business?” interesadong tanong ni Gwen.

        “Kaugnay rin ng Kabuhayan project,” sagot ni Lyon. “Ngayon kasi, panay consignment lang ang gustong deal ng mga pinagdadalhan nating department store. Mabagal tuloy ang ikot ng pondo. Ang plano ko, tayo na ang bibili ng mga produkto ng project. Babayaran natin sila agad. Pagkatapos tayo naman ang magma-market ng mga iyon. Maglalagay tayo ng mga maliliit na stall sa tabi ng malalaking universities at sa mga mall. Lalagyan natin ng magandang image branding. May dagdag na attraction tayo dahil ie-emphasize nating earth-friendly ang mga produkto dahil gawa ang mga iyon sa recycled materials. Ipapaalam din natin na gawa iyon ng mga taga-urban poor community kaya ang bawat pagbili ng produkto ay konkretong tulong na rin sa kanila. I’m sure, mas pipiliin ng mga taong bumili ng mga panregalo mula sa atin kaysa sa iba pa.”

        “Ang galing!” sabi ni Gwen. “Bakit nga ba hindi natin naisip agad iyan? Mas magkakaroon pa ng sariling identity ang mga produkto ng project.”

        “At kapag kumalat ang ganoong recycling livelihood project sa iba pang mga komunidad, maaari rin nating i-accommodate ang mga produkto nila,” pagpapatuloy ni Lyon. “Who knows, eventually baka makapag-expand na tayo sa pag-e-export.”

        “Sige, let’s do it,” tango ni Gwen. “Kaya nating isakatuparan ang vision mong iyan.”

        “Iyan ang gusto ko sa iyo, e,” nakangiting sabi ni Lyon. “Ang lakas ng kumpiyansa mo sa akin. Napapalakas mo tuloy ang loob ko na mangahas sa ganitong larangan.”

        “Dahil may kakayanan ka naman talaga,” sagot ni Gwen. “Kailangang kalimutan mo lang ang mga unfair na biases sa iyo ng mga taong makikitid ang isip. Just because you’re the son of King Llamanzares doesn’t mean you have his weaknesses. Iba siya. Iba ka. And I believe in you. Hindi lang ako. Nariyan si Julianna. Bilib din sa iyo ang lahat ng mga taga-Sto. Niño. If you care about all of us, dapat mong pahalagahan ang pagkakakilala namin sa iyo.”

        Tumango si Lyon. Mamasa-masa ang mga mata sa emosyon.

 

IGINIIT ni Gwen na pagsabayin na nila ang paghahanda sa kasal at pag-aasikaso sa pagtatatag ng negosyong naisip ni Lyon.

        Dahil simple lang naman ang kasalang pinaghahandaan nila, mas marami pa silang panahong ginugol sa pag-aasikaso ng negosyong naisip nilang tawaging “Regalo, Abubut, Atbp.”

        Ang nagpatagal lang sa paghahanda sa kasalan ay ang paghihintay nila sa kanilang mga kaukulang papeles.

        Hindi nila akalaing may sisingit pang pangyayari isang linggo bago dumating ang okasyong iyon.

        Biglaan ang pagkamatay ng babaing kinakasama ni King Llamanzares. Inatake raw sa puso habang nagma-mahjong nang magdamagan.

        Si Julianna ang unang nakabalita. Itinawag ng isang kapitbahay sa kumbento ang pangyayari.

        Tumawag naman agad ang dalaga sa kapatid.

        Ang unang reaksiyon ni Lyon ay magwalang-bahala.

        Pero pumanig si Gwen kay Julianna.

        “Tama si Jolen,” sabi niya sa katipan. “Ito na ang pagkakataon para muli kayong magkita-kita’t magkasama-sama. Para muling mabuo ang inyong pamilya.”

        “Ganoon lang ba kadali iyon?” magkasalubong ang kilay na sagot ni Lyon.

        “Kailangan ng Daddy ninyo ng karamay ngayon, Lyon,” paalala ni Gwen. “Nag-iisa na siya. Matanda na. Kung nagkamali man siya noon, patawarin mo na siya na tulad ng ginagawa ni Jolen. Give yourselves a chance to heal each other’s wounds. Kaysa naman habambuhay na ninyong titikisin ang isa’t isa. Habambuhay rin ninyong kikimkimin ang paghihirap ng loob. Tomorrow is another day. Ibinibigay iyon sa atin bilang isang pagkakataon para baguhin ang mga maaari pa nating baguhin sa buhay na ito, before it’s too late.”

        Tiningnan siya ng binata nang nananantiya.

        “Magagawa mo ba iyan sa Daddy mo?” tanong nito.

        “Lumambot na ang puso ko sa kanila, noon pa,” pagtatapat ng dalaga. “Naiintindihan ko nang wala naman  silang masamang intensiyon sa mga ginawa nilang pagtrato sa akin. Akala nila, iyon ang tama. Akala nila, iyon ang makabubuti sa akin. Alam ko namang mahal nila ako, e. Pati nga iyong pag-ayaw nila sa iyo, dahil din iyon sa inaakala nilang pagmamalasakit nila sa akin. So I’ve forgiven them. Iyon nga lang, duda ako kung mapapatawad pa nila ako. Pero iba ang kaso ninyo ng Daddy mo. Ang sabi ni Jolen, ikaw ang may hinanakit sa kanya. Siya, matagal nang gustong makipagbati sa iyo.”

        Napalunok si Lyon. Nakatiim-bagang.

        “Hindi mo na ba siya mahal, Lyon?” tanong ni Gwen. “Wala na bang natitirang magagandang alaala sa puso mo? Ano’ng ikukuwento natin sa mga magiging anak natin tungkol sa kanilang Lolo King? Puro negatibo ba?”

        Doon napapikit ang binata. Mariin.

        Niyakap ito ni Gwen sa likod.

        “I know how much you’re hurting,” sabi niya. “Lalo na ngayong muling nananariwa ang mga masasakit mong alaala. Pero kailangang manariwa sila para lumutang ding muli ang mga magagandang alaala. Sigurado akong mayroon ka rin ng mga iyon. Noong bata ka pa. Noong hindi mo pa naririnig ang mga pangit na kuwento tungkol sa kanya. Noong ang naiintindihan mo pa lang ay ama mo siya’t mahal na mahal ka niya.”

        Bumagsak din ang mga luha ni Lyon. Mga luhang kung ilang taong pinigil hanggang sa maging parang batong nakadagan sa puso nito.

        At sa mga bisig ni Gwen, parang batang nanangis ang binata.

        Hinigpitan niya ang pagkakayakap sa katipan. Ipinadaramang karamay siya nito. Kasama sa lahat ng panahon. Kahit pati siya’y umiiyak na rin.

        “Mahal na mahal ko siya noon, Gwen,” pahagulgol na amin ni Lyon. “I loved him so much. Kaya ang sakit-sakit ng ginawa niya sa amin. That’s why I hated him so much afterwards.”

        “And wasn’t that enough punishment?” mahinahong tanong ng dalaga sa kabila ng mga luha. “Iyong malaman niya na ang anak niyang dating nagmamahal sa kanya – na mahal na mahal din niya – ay namumuhi na sa kanya? Ilang taon din niyang dinala ang ganoong pasanin. Sa palagay mo kaya’y naging maligaya siya sa mga panahong iyon? Malayo sa inyo ni Julianna. Nasa piling ng babaing sabi mo nga’y mataray at dominante at hawak siya sa leeg. Don’t you think he missed you and your sister? Even your Mom? Ang sabi mo’y na-in love siya nang husto sa Mommy mo noon. Nangahas siyang magpakasal sa anak-mayaman kahit alam niyang uulanin siya ng panunuya. He did it for love. Nagapi lang siya ng kanyang kahinaan. He couldn’t live up to everyone’s expectations. Naligaw siya, tulad mo, tulad ko. Can you forgive him for that?”

        Umiyak nang umiyak si Lyon. Para sa sarili. Para sa ama. Para sa lahat ng panahong nawala sa kanila.

        Matagal din bago naubos ang naipong mga luha. At parang nanghina ang binata pagkatapos.

        “You’re right, I miss him,” amin nitong humuhugot ng napakalalim na buntonghininga. “Even while I was busy hating him, I was also missing him.”

        “It’s not too late,” sabi ni Gwen. “Nariyan pa siya. Narito ka. Marami pa kayong panahon para sa isa’t isa. At para sa mga magiging apo niya.”

        Nangiti ang binata kahit namumugto ang mga mata.

        Nang hapon ding iyon ay dinaanan nila si Julianna bago tumuloy sa puneraryang kinaroroonan ng labi ng babaing tinatawag pala ng magkapatid na Tita Dolor.

        Tinginan ang mga tao pagpasok nila. Nagbulungan.

        May bumulong kay King. Nilingon nito ang mga bagong dating.

        Naawa si Gwen sa anyo ng matandang lalaki. Kamukhang-kamukha pa naman ito ni Lyon.

        Naisip tuloy niya, hindi nakapagtatakang umibig dito ang herederang si Alliona Alejo. Parang nakikita niyang katulad na katulad ito ni Lyon sa mukha’t pangangatawan noong araw.

        Pero ngayo’y payat na payat na si King Llamanzares. Wala nang laman ang malaki nitong kaha. Buto’t balat na lamang. Nakukuba na ang likod at mga balikat. Humpak ang mga pisngi. Nangingitim ang mga labi. Nanlalalim ang mga mata.

        At sa pagkakatutok ng paningin nito sa mga anak, ang naaaninag ni Gwen ay magkahalong pananabik, pagsisisi, pagkahiya’t pangingilag.

        Hindi na nakapaghintay si Julianna. Patakbo na nitong niyakap ang ama. Umiiyak.

        “Daddy...” parang batang taghoy ng dalaga.

        Napaiyak na rin si Gwen. Napakapit sa kamay ni Lyon.

        Kayhigpit din ng pagkapit ng katipan sa kamay niya. Parang humihiram ng lakas.

        Umiiyak na rin si King habang yakap-yakap ang bunso.

        “Julianna... my baby...” paulit-ulit na sabi nito.

        Sa dahan-dahang paglalakad, nakarating din sina Gwen at Lyon sa tabi ng mag-ama.

        Bumitiw na si Gwen. Marahan niyang itinulak ang katipan.

        “D-Dad...” sabi ni Lyon sa gumagaralgal na tinig.

        Hindi makapaniwala ang mga mata ni King nang bumaling dito.

        “Lyon...” sambit ng matanda.

        Kumalas si Julianna para bigyan ng pagkakataon ang kapatid.

        Si Lyon na ang nangunang yumakap sa ama.

        Lalong lumakas ang hagulgol ng matanda.

        “Anak ko,” sabi nito. “Ang mga anak ko...”

        Yumakap na muli si Julianna sa kabila ng ama. Nagyakap-yakap ang tatlo. Parang ayaw nang bumitiw sa isa’t isa.

        Tuwang-tuwa si Gwen para sa mag-anak. Pero may nadama rin siyang kurot ng inggit.

 

TATLONG gabi lang ang burol ni Dolor. Inilibing na agad ito pagkatapos.

        Tatlong gabi ring sinamahan nina Lyon, Julianna at Gwen si King. Naipakilala si Gwen sa magiging biyenan.

        “Salamat sa pagpapatawad ninyo sa akin at sa kanya,” sabi ng ama kina Lyon at Julianna pagkagaling sa sementeryo. “Ikapapanatag iyon ng kanyang kaluluwa.”

        “Paano ka na ngayon, Dad?” tanong ni Julianna.

        “Sa palagay ko’y mas matatahimik na rin ako ngayon,” sagot ng matanda. “Pagod na ako, e. Wala nang lasa sa akin ang alak. Hindi na ako naaaliw sa sugal. Nadaanan ko na ang lahat. Maghihintay na lang ako ng oras ko.”

        “Dad, iba ang hihintayin n’yo,” agap ni Gwen. “Ilang araw na lang, kasal na namin. Magpapatahi pa kayo ng isusuot ninyo. Ipapa-rush pa natin. Pagkatapos niyon, maghihintay naman kayo ng apo. Aba, magiging very busy kayo, Dad.”

        Napangiti ang matandang lalaki. Nagkabuhay ang mga mata.

        “Naku, itong mamanugangin ko, oo,” sabi nito. “Nagpapasalamat ako sa Diyos at ibinigay ka Niya dito kay Lyon, iha. Panatag na ang loob kong liligaya ang anak ko sa buong buhay niya. Kahit nga ako’y napapaligaya mo na sa sasandali nating pagsasama.”

        Tumango si Lyon.

        “Tama ka, Dad,” sagot nito. “Sa bagay na iyan, wala tayong pagtatalunan.
        “Hmm, pareho pala kayong bolero,” pabirong irap ni Gwen. “Like father, like son.”

        “Pareho namang guwapo,” sabad ni Julianna na yumayakap sa beywang ng ama.

        Sabay-sabay silang nagkatawanan.

 

INILIPAT muna ni Lyon si King sa pension house. Ikinuha ng sariling kuwarto.

        Ang napag-usapan nila’y ibebenta na ang lumang bahay na puno ng hindi magagandang alaala. Mula sa mapagbebentahan ay bibili ng bagong bahay kung saan makakasama nina Gwen at Lyon sina King at Julianna.

        Ayon sa real estate agent na nakausap ng binata, madaling mabebenta ang lumang bahay na nasa New Manila. Mag-aagawan diumano ang mga developer sa malawak na loteng kinatitirikan niyon, na may sanlibong metro kuwadrado ang sukat. Ideyal na lokasyon para pagpatayuan ng mga usong townhouse.

        May nakita namang bahay sina Gwen at Lyon sa Paco na agad nilang tinawaran. Medyo may kalumaan na rin. Taong 1970 pa raw nang itinayo. Naging pugad ng isang maligayang pamilya. Ngayon nga lang ay pawang nasa Estados Unidos na ang mga nagsipaglaking mga anak at kinakaon na rin doon ang mga magulang. Kaya lang ibinibenta ang bahay.

        Katamtaman ang laki ng lote – may tatlong daang metro kuwadrado. Ang dalawang palapag na bahay, simple lang ang estilo pero maaliwalas at may limang silid-tulugan.

        Ang nagustuhan pa ng magkatipan ay ang lokasyon ng bahay na nasa isang tahimik at simpleng kapitbahayan na hindi nalalayo sa baranggay Sto. Niño.

        “Hindi ko akalaing pumayag si Mrs. Serrano na ireserba sa atin ang bahay kahit walang down payment,” parang hindi pa rin makapaniwalang pagkukuwento ni Gwen kay Julianna. “Biro mo, hihintayin nilang maibenta ang dating bahay ninyo bago natin sila mabayaran.”

        “Paano, na-charm mo iyong matandang babae,” singit ni Lyon. “Ang sabi pa nga, parang nai-imagine na niya ang mga anak natin na nagtatakbuhan sa garden. Nakikita raw niya sa iyo ang sarili niya noong bagong kasal silang mag-asawa.”

        “Nagka-crush din yata sa iyo, e,” ganting tukso niya sa katipan. “Ang sabi rin kanina, kasing-guwapo ka ng mister niya noong may mga ngipin pa ito at hindi nakakalbo.”

        Napabunghalit nang tawa si Julianna.

        “Naku, kaya naman pala,” sabi nito.

        “Matutuwa ka sa garden noong bahay, Dad,” baling ni Lyon sa ama. “Type mo. Hindi manicured lawn. Hindi rin orchids o roses ang mga tanim. Panay fruit trees ang nakapaligid – mangga, bayabas, santol – at carabao grass ang nakasapin sa lupa. At may gulayan sa gilid at likod ng bahay. May trellis pa nga ng upo, e. Para bang iyong ikinukuwento mo noon sa amin tungkol sa bukid ninyo sa probinsiya.”

        Napag-alaman ni Gwen na laking-Davao si King Llamanzares. Pero magmula noong maglayas ito noong labintatlong taong gulang pa lamang ay hindi na nakabalik roon at hindi na rin nakabalita sa mga kamag-anakan.

        Panay kuwento na lang ang nakarating kina Lyon at Julianna tungkol sa pinagmulan ng ama.

        “Naku, di matuturuan ko palang manungkit ng bungang-kahoy ang mga apo ko,” tuwang-tuwang sabi ng matanda.

        “Hindi lang manungkit, Dad,” sagot ni Lyon. “Aakyat pa kami ng mga bata sa puno. Hindi ko yata naranasan iyon noong maliit pa ako.”

        “Hoy, hoy, anong aakyat sa puno?” saway ni Gwen. “Baka mahulog ang mga anak ko, ha?”

        “Ano ba naman kayo,” natatawang sabad ni Jolen. “Wala pa nga iyong mga bata, pinagtatalunan n’yo na.”

 

AT nang dumating ang oras na pinakahihintay nina Gwen at Lyon – ang kanilang pagharap sa altar – kasama na nila sina Julianna at King.

        Ganap nang nagkabuklud-buklod ang mag-anak, kasama pati si Gwen.

        Si King pa nga ang hiniling niyang maghatid sa kanya sa altar.

        Si Julianna naman siyempre ang kanilang maid of honor.

        Si Jules – ang pinakamatalik na kaibigan ni Lyon na minsang sumagip dito – ang best man.

        At sino pa nga ba ang ninang kung hindi si Mommy Es.

        Ninong naman ang Daddy ni Jules na siya pa ring nangangasiwa sa pension house.

        Simple nga lang ang kasal at handaan pero kumbidado ang lahat ng kasapi sa Kabuhayan sa Basura Project ng Baranggay Sto. Niño, mula bata hanggang matanda. Napuno rin tuloy ang maluwag na hardin ng mga madre sa Colegio de Sta. Maria.

        Pagkatapos ng kasal ay nag-honeymoon ang mga bagong kasal nang tatlong araw sa Baguio. Ginamit na rin nila ang panahong iyon para mamili ng mga produktong maaaring gawing modelo sa paglikha ng panibagong mga gift items para sa proyekto ng komunidad.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento